Natapos ang Paglilimbag ng El Filibusterismo
Sa wakas, noong Setyembre 18, 1891, nailabas sa imprenta ang “El Filibusterismo”.
Masayang-masaya si Rizal sa araw na ito kaya agad siyang nagpadala ng kopya sa mga
malalapit na kaibigan. Ibinigay niya ang orihinal na manuskrito kay Valentin Ventura bilang
pagkilala ng utang na loob kalakip ng isa pang kopyang nilimbag, nilagdaan niya ang sipi ng
nobela para kay Ventura. Binigyan niya rin ng komplimentaryong kopya sina Ferdinand
Blumentritt, Mariano Ponce, Graciano Lopez Jaena, T.H. Pardo de Tavera, Antonio at Juan
Luna, Sixto Lopez, Jose Ma. Basa, Marcelo H. Del Pilar at iba pang mga tapat na kaibigan.
Ang unang kopya ng aklat na inilimbag sa Ghent, Belgium ay ipinadala niya sa
Hongkong ngunit iyon ay nasamsam ng mga maykapangyarihan. Ang iba pang kopyang
dumating sa Iloilo ay nakuha ng pamahalaang Kastila at ipinasara nang tuluyan. May ilan-ilang
kopya na nakarating at nabasa sa Pilipinas at ang mga ito ay nakalikha ng malaking sigla sa
kilusang nauukol sa paghihimagsik.
Dahil sa pagkompiska ng pamahalaang Kastila sa nobela naging napakataas ng presyo
ng bawat sipi at umabot sa 400 pesetas bawat kopya.