KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG EL FILIBUSTERISMO
Ang El Filibusterismo ay ang ikalawang obra maestra ng ating bayaning si Dr. Jose Rizal.
Karugtong ito ng Noli Me Tangere na una niyang isinulat. Inilahad ng nobelang ito ang mga
nangyari sa mga pangunahing tauhan sa Noli, ang malaganap na sakit ng lipunan sa Pilipinas na
dulot ng paniniil ng mga Espanyol, at higit sa lahat, ang maaaring kahinatnan ng bayan sa
hinaharap kung ipagpapatuloy ang madugong himagsikang unti-unting nabubuo.
Ano ang kahulugan ng Filibustero? Ipinaliwanag ni Rizal sa kanyang kaibigang si Dr.
Ferdinand Blumentritt ang kahulugan nito. Ayon kay Rizal, lingid pa sa mga Pilipino ang
kahulugan nito noong una hanggang masaksihan nila ang malagim at kalunos-lunos na pagbitay
sa tatlong paring martir. Malinaw pa sa kanyang alaala ang matinding takot na hatid ng
mensahe ng salitang Filibustero dahil mahigpit na ipinagbawal sa kanilang tahanan ang
pagsambit man lamang sa salitang ito.
Ang pilibustero ay taong kritiko, taksil, lumaban o tumuligsa sa mga prayle at Simbahang
Katolika, at sa mga pamamalakad sa Pamahalan. Tinawag ding ganito ng mga prayle ang mga
Indiong may malayang kaisipan. Ito rin ang tawag sa mga Pilipinong hindi yumuyuko sa
kaapihang mula sa naghaharing uri. Kalimitang ipinapatapon ang mga pilibustero sa ibang
bansa.
Labing-isang taong gulang pa lamang si Rizal noon nang marinig niya ang salitang
pilibustero. Sa murang edad ay naging saksi siya sa mapapait, masasakit, at madidilim na bahagi
ng buhay ng ating mga ninuno kaya tumimo sa kanyang puso ang pagnanais na mailantad ang
kabuktutan ng mga mananakop. Ginamit niya ang pinakamabisang sandata sa pagkakamit ng
minimithing pagbabago at kalayaan ng mga Pilipino – ang kanyang panulat.
Gaya nang nabanggit, ang unang obra maestra ni Rizal ay ang Noli me Tangere na
matagumpay na lumabas noong Marso 1887. Maraming makabayan ang nagalak at humanga sa
katapangan ni Rizal sa pagbubunyag sa mga kabuktutan at pagmamalabis ng mga Espanyol
subalit tulad ng inaasahan, nagpuyos ang damdamin ng mga makapangyarihang Espanyol
matapos matunghayan ang nilalaman nito. Bitbit ang kaba sa puso ay nagpasiya siyang bumalik
sa Pilipinas kahit batid niyang ito ay mapanganib. Noong Agosto 1887, muli niyang nakasama
ang kanyang pamilya. Isinagawa niya ang kanyang mga layunin sa kanyang pagbabalik. Ginamot
niya ang mata ng kanyang ina, nakipag-usap kay Leonor Rivera, at inalam ang pagtanggap ng
mga Pilipino sa kanyang isinulat na nobelang Noli.
Nang ipagbawal sa Pilipinas ng pamahalaan ang pag-aangkat, pagpapalimbag, at
pagpapakalat ng nobelang Noli ay nakaramdam nang higit na panganib si Rizal. Hinimok si Rizal
ni Gobernador-Heneral Emilio Terrero, isang liberal na Espanyol na bukas ang isipin sa hangarin
ni Rizal na lisanin ang bansa upang makaiwas siya at ang kanyang pamilya sa lalo pang
kapahamakan at sa pagmamalupit ng mga makapangyarihang prayle. Nagpahinuhod siya sa
payo ng gobernador-heneral at tumalilis ng Pilipinas noong Pebrero 1888. Nagtungo siya sa
iba’t ibang bansa sa Asya, sa Amerika, at sa Europa. Napakarami niyang natutuhan sa mga
paglalakbay na ito tulad ng katarungang panlipunan, demokrasya, at iba pang reporma sa
pamahalang mababakas sa kaniyang akda.
Sinimulang isulat ni Rizal ang El Filibusterismo sa London noong 1890. Ayon kay Maria
Odulio de Guzman, binalangkas ni Rizal ang pagkatha sa El Fili noong mga huling buwan ng 1884
at mga unang buwang ng 1885 nang isinulat pa niya ang Noli. Mababakas ditong batid ni Rizal
ang patutunguhan, direksyon, at kahahantungan sa nobelang gagawin.
Habang isinusulat ni Rizal ang El Fili, naisasabay rin niya ang pagbisita sa mga kaibigan at
pamamasyal sa magagandang lugar sa Europa. Lubhang nasiyahan at naaliw si Rizal sa ganda ng
Paris kaya’t napag-isipan niyang lumipat muna sa Brussels, Belgium upang matutukang mabuti
at mapag-isipan nang lubusan ang nobelang ito. Kasama ang kaibigang si Jose Alejandrino ay
nanirahan sila roon. Nanggamot din siya upang matugunan ang mga pangangailangan niya
roon.
Hindi naging madali ang pagsulat ni Rizal ng El Fili. Patong-patong na suliranin ang
kanyang naranasan habang isinusulat niya ang ito. Kung kinulang siya sa panananlapi nang
isinusulat niya ang Noli Me Tangere ay higit siyang kinapos nang ginagawa na niya ang El Fili
kaya sadya siyang naghigpit ng sinturon. Halos lumiban siya sa pagkain, makatipid lamang.
Nakapagsanla rin siya ng kanyang mga alahas upang matustusan ang pagsusulat. Matindi ang
pagnanais niyang tapusin na agad ang nobela dahil maging sa kanyang pagtulog ay
napapanaginipan niyang may namamatay sa kanyang mga mahal sa buhay. Iniwasan niyang
kapusin ng panahon sa pagsususlat. Batid niyang walang ibang makatatapos ng kanyang obra
kung hindi siya lamang.
Hindi lamang kawalang pondo ang kanyang naging suliranin upang matapos ang nobela.
Naging balakid din ang suliranin niya sa puso, sa pamilya, at sa mga kaibigan. Nakarating sa
kanyang kaalaman na ang kaniyang pinakaiibig na si Leonor Rivera ay ipinakasal ng magulang
nito sa ibang lalaki. Mababakas ang pighati niya sa pangyayaring ito sa El Fili sa bahaging
nagtalusira si Paulita sa katipang si Isagani at nagpakasal kay Juanito.
Nakarating din sa kaalaman ni Rizal na pinasakitan at inusig ng pamahalang Espanyol
ang kaniyang magulang at mga kapatid sa Calamba, Laguna dahil sa usapin sa lupa at sa maling
paratang sa kanila. Labis siyang nag-alala para sa buhay nila. Maiuugnay ito kay Kabesang Tales
sa El Fili na may ipinaglalabang usapin hinggil sa pangangamkam ng lupa ng mga prayle kahit
wala silang katibayan ng pag-aari bagkus ay nakuha pang manghingi ng buwis sa may-aring si
Kabesang Tales. Sa pagpapatuloy ng pagsususlat ni Rizal ng nobela ay nagkakaroon siya ng iba’t
ibang pangitain. Ganito rin ang pangyayari sa buhay ni Simoun nang nag-urong-sulong siyang
isagawa ang katuparan ng kanyang plano. Nakita niya ang nagdusang ama at si Elias sa kanyang
pangitain.
Lumayo rin kay Rizal ang mga kasama niya sa La Solidaridad. Ikinalungkot din niya ang
nakitang kawalan ng pagkakaisa ng mga Pilipinong Ilustrado sa Espanya na sila sanang pag-asa
ng nakalugmok na mga mamamayan ng Pilipinas. Dahil sa patong-patong na suliraning
naranasan, naisip ni Rizal na sunugin na lamang ang kanyang mga isinulat. Sinasabing may
bahagi ng nobela ang hindi niya napigilang inihagis sa apoy sa bigat at tindi ng kanyang mga
alalahanin.
Pinagtibay ni Rizal ang kaniyang kalooban at dahil sa kaniyang marubdob na adhikaing
imulat ang kaisipan at gisingin ang damdamin ng mga Pilipino laban sa pang-aapi at pang-
aabuso ng Pamahalang Espanyol. Ipinagpatuloy niya ito kahit kulang sa panustos mula sa
pamilya. Nang matapos ito noong Marso 29, at makahanap ng murang palimbagan, ang
palimbagang sa Ghent, Belgium ay ipinadala niya ang manuskrito sa kaibigang si Jose
Alejandrino. Sa kasamaang palad, hindi natapos ang paglilimbag ng aklat. Mahigit na isang
daang pahina pa lamang ito nang maipahinto na dahil naubos na ang kanyang pambayad mula
sa salaping kanyang natipid at nang hindi dumating ang hinihintay na salapi mula sa kanyang
pamilya sa Pilipinas. Nilimot din ng ilang mayayayamang kaibigang Pilipino ang kanilang
pangakong tulong sa paglilimbag sa nobela.
Sa oras ng pangangailangang ito ay himalang dumating ang saklolo ng mayamang
kaibigang si Valentin Ventura. Siya ang gumastos upang maituloy ang nahintong paglilimbag ng
nobela noong Setyembre 1891. Dahil mabuting kaibigan si Rizal ay inialay niya ang isang panulat
at ang orihinal na manuskrito ng El Filibusterismo kasama ang isang nilimbag at nilagdaang sipi
bilang pasasalamat at pagtanaw ng malaking utang na loob sa kaibigang si Valentin Ventura.
Ipinadala ni Rizal sa Hong Kong ang karamihan ng mga aklat at ang ibang mga bahagi nito ay sa
Pilipinas napunta pagkatapos niyang mabigyan ng kopya ang mga kaibigang sina Juan Luna,
Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at Dr. Ferdinand Blumentritt. Sa kasamaang palad,
nasamsam sa Hong Kong ang mga aklat na ipinadala ni Rizal gayundin ang mga kopyang
ipinadala niya sa Pilipinas. Ipinasira ng Pamahalaang Espanyol ang mga sipi ng nobela subalit
may ilang nakalusot at nagbigay ng malaking inspirasyon sa mga naghihimagsik. Patuloy nitong
naantig at nagising ang damdamin ng mga Pilipino. Kung ang Noli gumising at nagpaalab sa
diwa at damdamin ng mga Pilipino ukol sa mga karapatan, nakatulong naman nang malaki ang
El Fili kay Andres Bonifacio at sa Katipunan upang maiwaksi ang mga balakid na nakasasagabal
sa paghihimagsik noong 1896.
Ang El Fili ay inialay ni Rizal bilang pagpupugay sa tatlong paring martir na binitay sa
Bagumbayan noong Pebrero 1872 na sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos, at Padre
Jacinto Zamora dahil lamang sa maling hinala ng mga Espanyol. Bilang paggalang at pag-alala sa
kanilang sakit at hinagpis, inihandog niya ito. Wika niya:
“Sa di pagsang-ayon ng Relihiyon na alisan kayo ng karangalan sa pagkapari ay inilagay
sa alinlangan ang kasalanang ibinibintang sa inyo; sa pagbabalot ng pagkakamaling nagawa sa
isang masamang sandali, at ang buong Pilipinas, sa paggalang sa inyong alaala at pagtawag
na kayo’y mga pinagpala, ay hindi lubos na kinikilala ang inyong pagkakasala.
Samantala ngang hindi maliwanag na naipakikilalang ang inyong pagkakasangkot sa
pagkakagulo sa Kabite, maging bayani man kayo o hindi, nagkaroon man o hindi ng hilig sa
kalayaan, ay may karapatan akong ihandog sa inyo, bilang ginahis ng kasamaang ibig kong
bakahin, ang aking akda. At habang hinihintay namin na kilalanin ng Espanya balang araw ang
inyong kabutihan at hindi makipanagot sa pagkakapatay sa inyo, ay maging putong na dahong
tuyo man lamang ang inyong liblib na libingan ang mga dahon ng aklat, at lahat nang walang
katunayang maliwanag na umupasala sa inyong alaala ay mabahiran nawa ang kanilang
kamay ng inyong dugo.
Ayon sa pag-aaral hindi napatunayan ang pagkakasangkot ng tatlong paring martir sa
pag-aalsa sa Cavite. Hindi rin pinayagang muli ng mga Espanyol na mabuksan ang kanilang kaso
upang hindi na lumabas pa ang katotohanan.
Inihambing naman ni Ginoong Ambeth Ocampo ang Noli sa El Fili. Ayon sa kanya, mas
maraming hindi isinama si Rizal sa El Fili. May halos apatnapu’t pitong (47) pahina ang
tinanggal, nilagyan ng ekis, binura, at binago. Samantalang sa Noli Me Tangere ay ang kabanata
lamang tungkol kina Elias at Salome ang hindi niya naisaman sa pag-imprenta subalit buo ito at
maaaring isalin at pag-aralan din. Ayon din sa kanya, noong 1925, binili ng pamahalaan ang
orihinal na kopya ng nobela mula kay Valentin Ventura.
Totoong binagtas ni Dr. Jose Rizal ang napakatinik na daan tungo sa kaniyang adhikain at
siya’y nagtagumpay. Nakarating sa pinagpalang mga kamay ang ikalawang obra maestrang El
FIlibusterismo na nagsilbing inspirasyon sa lahat ng Pilipino sa bansa at maging sa mga
Pilipinong nasa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nawa’y isapuso nating lahat ang mga mensaheng
taglay nito.
Mahalagang Tauhan ng El Filibusterismo
1. Simoun
Isang napakayamang mag-aalahas at kaibigang matalik at tagapayo ng Kapitan
Heneral. Makapangyarihan siya kaya’t iginagalang at pinangingilagan ng mga Indio at
maging mga prayle man. Nais niyang udyukan ang damdamin ng mga makabayang
Pilipino sa palihim at tahimik niyang paghahasik ng rebolusyon; linisin ang bayan; at
lipunin ang lahat ng masasama kahit pa siya mismo ay inuusig din ng kanyang budhi sa
paraang kanyang ginagawa.
2. Kapitan-Heneral
Hinirang siya ng Espanya bilang pinakamataas na pinuno ng pamahalaan.
Sinasabi niyang kailangang pagbutihin ang kanyang tungkulin at gawain. Nais niyang
magpakita ng kasipagan at pagpapahalaga sa oras kaya ginagawa niya ang importanteng
pagpapasya habang naglilibang at nagmamadali. Larawan siya ng pinunong pabigla-
bigla at makapritsong humatol. Salungat siya lagi sa pasiya ng Mataas na Kawani.
3. Padre Florentino
Isang mabuti at kagalang-galang na paring Pilipino. Pinilit lamang siya ng inang
maging lingkod ng Diyos dahil sa kanyang panata. Siya ang kumupkop sa pamangking si
Isagani nang maulila ito sa magulang.
4. Padre Camorra
Isang batang paring Pransiskano na mahilig makipag-tungayaw kay Ben-Zayb sa
kung ano-anong bagay na maibigan. Siya ang kura ng Tiyani. Wala siyang galang sa
kababaihan lalo na sa magagandang dilag.
5. Telesforo Juan de Dios
Kilala rin bilang si Kabesang Tales, ang napakasipag na magsasaka na dating
kasama sa mayayamang may lupain. Umunlad siya dahil mahusay niyang ginamit ang
kanyang kinitang pera. Pinili siyang maging Kabesa ng Barangay ng kanyang mga
kanayon dahil sa kanyang kasipagan at pagiging mabuting tao.
6. Juliana o Juli
Ang pinakamagandang dalaga sa Tiyani na anak ni Kabesang Tales. Larawan
siya ng Pilipinang madasalin, matiisin, masunurin, at madiskarte sa buhay para
makatulong sa pamilya. Tapat at marunong din siyang maghintay sa kasintahang si
Basilio.
7. Basilio
Nalampasan niya ang mga hilahil ng buhay dahil nagpaalipin siya kay Kapitan
Tiago. Nagpunyagi siya sa pag-aaral. Nilunok niya ang pagmamaliit sa kanya ng kapwa
mag-aaral at ng mga guro dahil sa kanyang anyo at kalagayan sa buhay. Nagtagumpay
siya at nakapanggamot agad kahit hindi pa natatanggap ang diploma ng pagtatapos.
8. Makaraig
Isang mag-aaral sa abogasya na nangunguna sa panawagang pagbubukas ng
akademya sa pagtuturo ng wikang Kastila. Siya ay masipag, napakayaman at bukas-
palad sa kapwa.
9. Sandoval
Isang tunay na Espanyol si Sandoval na lubos na kaisa sa adhikain ng mga
estudyanteng Pilipino. Mahilig makipag debate upang siya ay mahangaan. Nais niyang
mailabas ang katotohanan sa isang usapin.
10. Donya Victorina de Espadaña
Larawan si Doña Victorina ng isang Pilipinang walang nagpapahalaga sa
kanyang lahi. Inaalimura, tinutuligsa, at itinatakwil ang mga Indiong kanyang kalipi. Siya
ay asawa ni Don Tiburcio.