Ang El Filibusterismo o Ang Paghahari ng Kasakiman sa wikang Filipino ay karugtong
o sikwel ng Noli Me Tangere. Ang nobelang ito ay isinulat ni Dr. Jose Rizal noong
Oktubre 1887 habang siya nagpapraktis ng medisina sa Calamba, Laguna. Ito ay
orihinal na nakasulat sa wikang Kastila at inialay niya sa tatlong paring martir na kilala
sa bansag na Gomburza (Padre Gomez, Burgos, at Zamora). Natapos ni Rizal ang El
Filibusterismo noong Marso 29, 1891 na inilathala rin ng taon ding iyon. Isang kaibigan
na nagngangalang Valentin Ventura ang nagpahiram diumano ng pera kay Rizal upang
maipalimbag at mailathala ng maayos ang aklat noong Setyembre 22, 1891. Sinasabing
ang El Filibusterismo ay isang nobelang pampulitika na naglalayong magmulat sa
kaisipan at mang-gising sa damdamin ng mga mambabasa upang ang hangaring
makapagtamo ng tunay na kalayaan at karapatan ng bayan ay makamtan.
El Filibusterismo Buod ng Bawat Kabanata
Kabanata 1 – Sa Ibabaw ng Kubyerta
Umaga ng Disyembre. Sa Ilog Pasig ay sumasalunga ang Bapor Tabo. Lulan nito sa
kubyerta sina Don Custodio, Ben Zayb, Padre Irene, Padre Salvi, Donya Victorina,
Kapitan Heneral at Simoun. Napag-usapan ang pagpapalalim ng ilog Pasig. Mungkahi
ni Don Custodio: : mag-alaga ng itik. Ani Simoun namang kilalang tagapayo ng Kapitan
Heneral: Gumawa ng tuwid na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at sa look ng
Maynila. Nagkasagutan sila ni Don Custodio at ng ilang pari. Ayaw ni Donya Victorina
na matuloy ang pag-aalaga ng pato dahil darami ang balot na pinandidirihan niya.
Kabanata 2: Sa Ilalim ng Kubyerta
Tinungo ni Simoun ang ibaba ng kubyerta. Masikip sa pasahero ang ilalim ng kubyerta.
Naroon ang dalawang estudyate na pinakukundanganan ng iba - si Basilio na nag-aaral
ng medisina at mahusay nang manggamot at isang katatapos pa lamang sa Ateneo,
isang makata, si Isagani. Kausap sila Kapitan Basilio. Napag-usapan si Kapitan
Tiyago. Pinauwi raw siya, ani na naging tagapayo ng Kapitan nitong mga huling araw.
Napaling ang usapan sa paaralang balak ng mga estudyante ukol sa pagtuturo ng mga
Kastila. Hindi raw ito magtatagumpay ayon kay Kapitan Basilio. Magtatagumpay, ayon
sa dalawang binata. Lumayo ang matandang Basilio. Napag-usapan si Paulita Gomez,
ang kasintahan ni Isagani at tukod ng ganda, mayaman at may pinag-aralan kaya nga
lamang ay tiya si Donya Victorina. Ipinahahanap ni Donya Victorina kay Isagani ang
asawa, si De Espadaña, na sa bahay pa ni Padre Florentino, amain ng binata,
nagtatago.
Dumating si Simoun at kinausap ang magkabigan. Ipinakilala ni Basilio kay Simoun si
Isagani. Sinabi ni Simoun na di niya nadadalaw ang lalawigan nina Basilio sapagka’t
ang lalawigang ito’y mahirap at di makabibili ng alahas. Matigas na tumutol
Si Isagani at anya: Hindi kami namimili ng alahas dahil di namin kailangan. Napangiti si
Simoun. Nasabi raw niyang dukha ang lalawigan, dahil ang mga pari sa simbahan ay
Pilipino.
Nag-anyaya si Simoun sa pag-inom ng serbesa. Tumanggi ang dalawa. Ayon kay
Simoun, sinabi ni Padre Camorra na kaya tamad ang mga Pilipino ay dahil pala-inom
ng tubig at di ng serbesa. Mabilis na tumugon si Basilio; Sabihin ninyo kay Padre
Camorra na kung siya ay iinom ng tubig sa halip ng serbesa, marahil ay mawawala ang
sanhi ng mga usap-usapan. At dagdag ni Isagani: lumuluhod sa alak at sa serbesa na
pumapatay ng apoy; na kapag pinainit ay sumusulak; nagiging malawak na dagatan at
gumugunaw ng santinakpan. Hindi niya pinakinggan ang pagsingkil ni Basilio.
Itinanong ni Simoun kung ano ang itutugon niya sakaling itanong ni Padre Camorra
kung kailan magiging sulak at malawak na karagatan ang tubig. Tugon
ni Isagani: Kapag pinainit ng apoy; sa sandaling ang mumunting ilog na watak-watak ay
magkakasamasama sa kailalimang hinuhukay ng tao. Binigkas ni Basilio ang isang tula
ni Isagani na rin ukol sa pagtutulong ng apoy at tubig sa pagpapatakbo sa makina
(steam engine). Pangarap daw ayon kay Simoun dahil ang makina ay hahanapin pa.
Nang umalis si Simoun saka lamang nakilala nang lubusan ni Isagani ang mag-aalahas
na tinawag na Kardinal Moreno. May dumating na utusan. Ipinatawag ni Padre
Florentino ang pamangkin. Nguni’t nakita ng Kapitan si Padre Florentino at ito’y
inanyayahang pumanhik sa ibabaw ng kubyerta.
Kabanata 3: Ang mga Alamat
Dinatnan ni Padre Florentino na nagtatawanan na ang nangasa kubyerta.
Nagdaraingan ang mga prayle sa pagkamulat ng mga Pilipino at pag-uusig sa mga
bayarin sa simbahan. Dumating si Simoun. Sayang daw at di nakita ni Simoun ang
mga dinaanan ng bapor. Kung wala raw alamat ay walang kuwenta sa kanya ang
alinmang pook ayon kay Simoun. Isinalaysay ng Kapitan ang alamat ng Malapad-na-
bato. Ito raw ay banal sa mga katutubo noong una bilang tahanan ng mga espiritu.
Nang panahanan daw ng mga tulisan ay nawala ang takot sa espiritu, nasalin sa mga
tulisan.
Sinabi ng Kapitan na may isa pang alamat na ukol kay Donya Geronima. Si Padre
Florentino ang nahingang magkuwento. May magkasintahan daw sa Espanya. Naging
Arsobispo sa Maynila ang lalaki. Nagbabalatkayo ang babae. Naparito at hinihiling sa
Arsobispo na sundin nito ang pangako pakasal sila. Iba ang naisip ng Arsobispo. Itinira
ang babae sa isang yungib na malapit sa Ilog Pasig.
Nagandahan si Ben Zayb sa alamat. Nainggit si Donya Victorina na ibig ding
manirahan sa kuweba. Tinanong ni Simoun si Padre Salvi: Sa inyong palagay, hindi ba
higit na mainam ay ilagay sa isang beateryo tulad ni Sta. Clara? Hindi raw siya
makakahatol sa mga ginawa ng isang Arsobispo, ayon kay Padre Salvi. At upang
mabago ang paksa ay isinalaysay ang alamat ni San Nicolas na nagligtas sa isang
Intsik sa pagkamatay sa mga buwayang naging bato nang dasalan ng Intsik ang santo.
Nang datnan nila ang lawa ay nagtanong si Ben Zayb sa Kapitan kung saan sa lawa
napatay ang isang Guevarra, Navarra o Ibarra.
Itinuro ng Kapitan. Naghanap si Donya Victorina ng bakas ng pagkamatay ng tubig
labingtatalong taon matapos mangyari iyon. Nakasama raw ng ama ang bangkay ng
anak, ani Padre Sibyla. Iyon daw ang pinakamurang libing, ayon kay Ben Zayb.
Nagtawanan ng iba! Si Simoun ay namumutla at walang kibo. Ipinalagay ng Kapitan
na si Simoun ay nahilo dahil sa paglalakabay.
Kabanata 4: Kabesang Tales
Tandang Selong ang umampon kay Basilio sa gubat ay matanda na. Ang ama ng
dalagang si Lucia, si Kabesang Tales, na anak ni Tandang Selo, ay isa nang Kabesa de
Baranggay. Yumaman ito dahil sa tiyaga. Nakisama muna sa isang namumuhunan sa
bukid. Nang makaipon ng kaunti ay naghawaan ng gubat na nang ipagtanong niya ay
walang may-ari, ar ginawa niyang tubuhan. Inisip niyang pag-aralin na sa kolehiyo si
Huli upang mapantay kay Basilio na kasintahan nito. Nang ang bukid ay umunlad ito ay
inangkin ng mga prayle. Pinabuwis si Kabesang Tales. Tinaasan nang tinaasan ang
pabuwis. Di na nakaya ni Kabesang Tales. Nakipag-asunto sa mga prayle.
Matigas ang sabi ni Kabesang Tales. Ipinakita ng mga prayle ang kanilang titulo sa
lupa. Wala. Naging kawali si Tano. Di ibinayad ng kapalit ang anak. Anya: Binungkal
ko’t tinamnan ang lupang ito, namatay at nalibing dito ang aking asawa’t anak na
dalaga (si Lucia) sa pagtulong sa akin kaya’t di ko maibibigay ang lupang ito kundi sa
sino mang didilig muna rito ng kanyang dugo at maglilibing muna ng kanyang asawa’t
mga anak. At anya pa rin ukol sa pagiging kawal ni Tano, ako’y bumabayad sa
abogado. Kung mananalo ako sa asunto ay alam ko na ang aking gagawin upang siya’y
mapabalik; nguni’t kung ako’y matalo, di ko na kailangan ang anak.
Tinanuran ni Kabesang Tales ang kanyang bukid. Lagi siyang may pasang baril. Di
makapasok doon ang sino man dahil balita si Kabesang Tales sa pagbaril. Nagdala siya
ng gulok. Balita sa arnis ang kabesa. Ipinagbawal ang gulok. Nagdala siya ng palakol.
Si Kabesang Tales ay nahulog sa kamay ng mga tulisan at ipinatubos. Isinanla ni Huli
ang kanyang mga hiyas liban sa isang locket o agnos na bigay sa kanya ni Basilio.
Hindi rin nakasapat ang panubos. Ipinasyang mangutang kay Hermana Penchang at
maglingkod dito bilang utusan. Noon ay bisperas ng Pasko. Kinabukasan, Araw ng
Pasko ay maglilingkod na siyang alila. Masalimuot ang naging panaginip ni Huli nang
gabing iyon.
Kabanata 5: Ang Noche Buena ng Isang Kutsero
Gabi na’t inilalakad na ang prusisyong pang-noche buena nang dumating si Basilio sa
San Diego. Naabala sila sa daan dahil nalimutan ng kutsero ang sedula nito at ito’y
kinakailangang bugbugin muna ng mga Guwardiya Sibil.
Idinaan ang imahen ni Metusalem, ang pinaka-matandang taong nabuhay sa mundo.
Kasunod na idinaan ang mga imahen ng tatlong Haring Mago. Nakapagpaalaala kay
Sinang ang itim na Haring Melchor. Itinanong kay Basilio kung nakawala na ang
kanang paa ni Bernardo Carpio na naipit sa kabundukan ng San Mateo. Kasunod sa
prusisyon ang mga batang malulngkot sa pag-ilaw. Si San Jose naman. Kasunod
naman ay mga batang may mga parol. Nasa dulo ng prusisyon ang Birhen.
Natapos ang prusisyon. Napuna ng mga Sibil na walang ilaw an parol ng karitela.
Pinarusahan uli ng mga Sibil ang kutserong si Sinong. Naglakad na lamang si Basilio.
Tanging bahay ni Kapitan Basilio ang tila masaya sa mga nadaraanan ni Basilio. May
mga manok na pinapatay. Nasilip ni Basilio na ang Kapitan ay nakikipag-usap sa Kura,
sa Alperes, at kay Simoun... nagkakaunawaan na tayo, G. Simoun, ani Kapitan
Basilio, Tutungo tayo sa Tiani upang tingnan ang inyong mga alahas. Nagbilin ng isang
kairel sa relo ang Alperes.
Isang pares na hikaw naman ang ipinakikibili’ ng kura. (Bakit kaya hikaw?)
Nasabi ni Basilio sa sarili na si Simuon ay may kasindak-sindak na pagkatao. Ang lahat
ay nakapaghahanap-buhay sa bayang ito maliban sa amin.
Sa bahay ni Kapitan Tiyago ay iginagalang si Basilio, lalo na ng matandang utusan,
nang makitang tumistis ng isang maysakit si Basilio na parang walang ano man.
Ibinigay ng mga utusan ang mga ulat. Mga kalabaw na namatay, mga katulong na
napipiit at namatay ang matandang nagtatanod sa gubat. Nanghinayang si Basilio nang
mabatid na sa katandaan namatay ang matanda... Ibig niyang makatistis ng tao. Ang
huling balita’y ukol sa pagkadukot ng mgs tulisan kay Kabesang Tales. Di nakakain ng
hapunan si Basilio.