Pamantayang Pangnilalaman:
Nakapaglalarawan ng mga tao, hayop, bagay at lugar sa pamayanan
(F3WG-IIIcd4)
Nagagamit ang angkop na pagtatanong tungkol sa mga tao, bagay, lugar at pangyayari
ano, sino, saan, ilan, kailan, ano- ano, sino-sino
(F3WG-IIIab-6)
Napagsusunodsunod ang mga pangyayari ng kuwentong napakinggan
(F3PN-IIIg-8.2)
Nagagamit nang wasto ang mga pang-abay na naglalarawan ng isang kilos o gawi
(F3WG-IIIh6)
Nasasabi ang sariling ideya tungkol sa tekstong napakinggan
(F3PN-IIId-14)
Ang Mahiwagang Balon
ni Jonathan D. Rosete
Sa isang malawak na kabundukan at tahimik na pamayanan, ay may nakatirang
mag-anak na payak lamang ang pamumuhay. Sila ay nakatira sa isang maliit na bahay
kubo na napaliligiran ng maraming halamang gulay at matatayog na mga puno. Dito
karaniwang naglalaro ang nag-iisang anak nina Aling Guring at Mang Isko na si Itoy. Si
Itoy ay pitong taong gulang at may katamtamang pangangatawan at kayumangging
kutis. Siya ay makulit ngunit mabait, magalang, at matulungin.
Isang araw, ay isinama ni Mang Isko si Itoy sa kagubatan upang mangahoy.
Magliliwanag na nang sila ay nakaalis sa kanilang munting bahay. Dala-dala ni Mang
Isko ang isang matalim na itak na nakatali ng mahigpit sa kanyang baywang.
Samantalang hawak-hawak naman ni Itoy ang isang botilyang may tali na may lamang
maiinom na tubig. Sa kahabaan ng kanilang paglalakad ay nasalubong nila ang isang
ale na may tindang masasarap na kakanin at suman.
“Bili na po kayo ng tinda kong kakanin, masarap po ito at gawa sa kanin,”
patulang sambit ng aling nagtitinda.
“Itay, gusto ko po ng kakanin at suman!” sambit ni Itoy.
“Ngunit anak, wala tayong pambili ng kakanin at suman,” ang sagot ni Mang Isko
sa kanyang anak.
“Magkano po ang tinda ninyong kakanin, ate? tanong ng batang si Itoy.
“Sa halagang sampo ay matitikman mo ang tinda kong kakanin, mabuti ito para
sa batang gutumin,” masayang sagot ng aling nagtitinda.
“Ito po, may sampo po akong naitatago, pwede na po ba ito, ate? pangungulit ni
Itoy sa aling nagtitinda.
“Hahaha.. Ang hawak mo nga ay sampo. Sampong pirasong tanso. Batang
makulit, ako ay hindi magagalit, sapagkat ikaw ay mabait, bibigyan kita ng tinda kong
malagkit.”
At masayang iniabot ng aling nagtitinda kay Itoy ang isang pirasong kakanin at
suman. Nagpasalamat si Itoy at si Mang Isko sa kabaitan ng ale. Pinaghatian nina
Mang Isko at Itoy ang kakanin at suman na ibinigay sa kanila. Nang napagod na sa
paglalakad si Itoy ay binuhat siya ni Mang Isko at isinalabay sa kaniyang balikat.
Sumikat na ang haring araw at kitang kita nina Mang Isko at Itoy ang tagusang
sinag ng araw sa bawat sanga ng mga matatayog na punong kahoy. Kitang kita na rin
nila ang mga hayop na nakapastol sa madamong bahagi ng kabundukan. May mga
malulusog na kalabaw at malalaking puting baka. Mayroon ding nagtatakbuhang tatlong
maliliit na kambing at mga ibong palipad-lipad sa paligid.
Nasiyahan si Itoy sa mga nakitang hayop sa paligid. Abot hanggang tenga ang
kanyang mga ngiti. Sa kanilang paglalakad, ay nakita ni Mang Isko ang kumpol ng mga
tuyong kahoy. Ibinaba niya si Itoy at mabilis na dinampot ang mga tuyong kahoy.
Matiyagang tumulong si Itoy sa pamumulot ng mga tuyong kahoy. Nang marami na
silang nakuhang kahoy ay nakaisip si Mang Isko na gumawa ng isang sisidlan. Gamit
ang kanyang matalim na itak at lubid ay gumawa si Mang Isko ng isang kuwadernong
sisidlan mula sa mga natuyong kahoy. Samantalang si Itoy ay naghanap ng dalawang
pirasong bilog na buko upang magsilbi itong gulong sa ginawang sisidlan ni Mang Isko.
Dito nila inilagay ang mga napulot na tuyong kahoy.
Patuloy sa pangangahoy ang mag-ama. Habang sila ay naglalakad ay napansin
ni Itoy ang isang balon malapit sa tatlong puno ng mangga.
“Itay, ano po ang mayroon doon sa mga puno ng mangga?” tanong ni Itoy.
“Iyon ba anak? Isa iyong balon. Noong araw, ay napakatamis at malinis ang
tubig sa balon na iyon. Sinasabing ang tubig ng balon ay nakagagamot ng sakit. Lahat
ng mga naninirahan dito sa kabundukan ay doon sumasalok ng maiinom na tubig.”
“Itay, nais ko pong matikman ang tubig ng balon! Pwede po ba nating lapitan?”
pangungulit ni Itoy.
“Hindi na anak, buhat ng malaman ng may ari ng balong iyon na si Don Pepito
ang kakaibang tamis at hiwaga ng tubig, ay ipinagdamot niya ito at sa halip ay
pinagbabayad ang mga tao para makakuha ng tubig ng balon.”
“Nasaan na po itay si Don Pepito?” tanong ni Itoy.
“Wala na siya anak. Nang ipagdamot ni Don Pepito ang tubig ng balon ay unti-
unti na itong natuyo hanggang sa tuluyan ng nawalan ng tubig. Mula noon ay
nabalitaang nagkasakit si Don Pepito at bigla na lang naglaho na parang bula. Walang
nakakaalam kung nasaan na nga ba si Don Pepito” sagot ni Mang Isko.
Marami pang naging katanungan si Itoy tungkol sa balon at Kay Don Pepito.
Matiyaga namang ikinuwento ni Mang Isko ang mga nangyare noon tungkol sa tubig ng
balon at ang kuwento tungkol sa kalabisan ni Don Pepito.
Matapos ang kanilang pag uusap ay patuloy na namulot ng kahoy ang mag-ama.
Nang mapuno ang sisidlang ginawa ni Mang Isko ay nagpasya na ang mag-ama na
umuwi sa kanilang munting bahay. Sa kanilang paglalakad ay nakasalubong nila ang
isang matandang lalaking nauuhaw. May hawak siyang tungkod na kahoy. Maamo ang
kanyang mukha, may mahabang pulang damit at puti ang kanyang buhok.
“Maari bang makahingi ng kahit kaunting tubig na maiinom,” pagmamakaawa ng
matanda. Tinignan ni Mang Isko na kaunti na lamang ang laman na tubig ng kanilang
lalagyan. Tamang tama lamang para sa kanilang dalawa.
“Itay, ibigay na po natin ang tira nating tubig kay lolo, kawawa naman po siya,”
sagot ni Itoy.
“Aba sige anak,” walang pag-aalinlangang sagot ni Mang Isko.
At masayang iniabot ni Itoy ang tubig sa matandang nauuhaw. Mabilis na naubos
ng matandang lalaki ang tubig na ibinigay ng mag-ama. Matapos mainom ng
matandang lalaki ang tubig ay nagpasalamat ito kay Itoy at kay Mang Isko.
“Aayyy, salamat apo! Napakabuti mong bata. Mapalad ang iyong mga magulang
sapagkat pinalaki ka nilang mabait, magalang at matulungin sa kapwa. Pagpalain kayo
ng panginoon,” bati ng matanda.
Halos guminhawa ang pakiramdam ng matandang lalaki matapos siyang
makainom ng tubig. Nais pa sanang ihatid nina Mang Isko at Itoy ang matandang lalaki
pauwi ng kaniyang bahay ngunit tumanggi ang matanda. Bagkus, nagpaalam siya sa
mag-ama na may matamis na ngiti sa kanyang labi.
Kaya naman nagpatuloy sa paglalakad ang mag-ama habang tulak-tulak ang
karitong puno ng kahoy na may gulong na gawa sa dalawang bilog na buko. Isinakay ni
Mang Isko si Itoy sa ibabaw ng kariton at masayang nakauwi sa kanilang munting
bahay.
“Inay! Inay! Tignan niyo po. Marami po kaming napulot na mga tuyong kahoy.
Hindi na po tayo mauubusan ng panggatong,” pagbibida ni Itoy.
Masayang sinalubong ni Aling Guring ang mag-ama. Niyakap nito ang anak na si
Itoy at pinunasan ng pawis. Habang si Mang Isko naman ay matiyagang ibinaba ang
mga napulot nilang tuyong kahoy at isinalansan ng maayos sa ibabaw ng kanilang
kalan. Dito karaniwang inilalagay ni Mang Isko ang mga napulot na kahoy upang mas
lalo itong matuyo at maging magandang panggatong. Pagkatapos ay ipinaghanda
naman ni Aling Guring ang mag-ama ng masarap na meryenda. Naglaga ito ng mais at
gumawa ng minatamis na kamote. Ito ang paboritong meryenda ni Itoy. Kaya naman,
naubos ni Itoy ang ibinigay sa kanyang pagkain. Ikinuwento pa niya ang tungkol sa
nakasalubong nilang ale na nagtitinda ng kakanin at suman. Maging ang isang
matandang lalaki na kanilang tinulungan.
Pagkatapos nilang kumain, ay nagtungo si Mang Isko sa kanilang taniman ng
gulay. Tinulungan naman ni Itoy si Aling Guring sa pagliligpit na kanilang pinagkainan.
Samantalang si Aling Guring ay naghugas naman ng pinggan na pinaglagyan ng
minatamis na kamote. Pagkatapos mailigpit ni Aling Guring ang kanilang pinagkainan
ay pinatulog na nito si Itoy. Habang mahimbing ang tulog ni Itoy ay sinundan naman ni
Aling Guring si Mang Isko sa kanilang taniman ng gulay.
Masasagana ang mga halamang tanim nina Mang Isko at Aling Guring. Sari-sari
ang mga halamang gulay na matatagpuan sa kanilang taniman. Mayroon silang tanim
na sitaw, ampalaya, upo, at mga kalabasa. Luntian ang mga dahon sa paligid at ang iba
naman ay may matingkad na kulay dilaw na bulaklak ng kalabasa. Si Mang Isko ay
walang tigil sa pagbubungkal ng lupa samantalang si Aling Guring naman ay
nagtatanim ng iba pang mga halamang gulay tulad ng petsay at gabi. Dito nila kinukuha
ang kanilang pang-araw araw na ikinabubuhay.
Maghapong babad sa pagtatrabaho sina Aling Guring at Mang Isko. Magtatakip
silim na ng sila ay huminto sa pag-aalaga sa kanilang taniman. Nag-uwi naman ng
mailulutong gulay si Aling Guring para sa kanilang masarap na hapunan.
“O anak, gising ka na pala.” sambit ni Aling Guring.
“Opo Inay, at ang ganda po ng panaginip ko,” sagot ni Itoy.
“Ano namang napaginipan mo anak?” tanong ni Mang Isko.
“Napaginipan ko po ang mahiwagang tubig sa balon, Itay.”
Habang ikinukuwento ni Itoy ang tungkol sa kanyang panaginip ay ipinagluto
naman sila ng masarap na hapunan ni Aling Guring. Matapos namang magkwentuhan
ang mag-ama ay inihanda na nila lamesang gawa sa kawayan para sa kanilang
hapunan. Sinindihan naman ni Mang Isko ang lampara na siyang nagbibigay liwanang
sa kanilang munting tahanan. Mabango ang gulay na iniluto ni Aling Guring. Kaya
naman napasarap ng kain ang mag-anak. Ngunit habang sila ay kumakain ay napansin
ni Aling Guring ang pag-ubo ni Mang Isko. Pinaalalahanan niya si Mang Isko na huwag
na munang magtrabaho bukas at baka lumala pa ang kanyang pag-ubo.
Kinabukasan, ay tuluyan na ngang nagkasakit si Mang Isko. Hirap ito sa pag-ubo
at halos hindi rin makabangon.
“Anak, bantayan mo muna ang tatay ha, at maghahanap lang ako ng gamot para
sa kanya,” sabi ni Aling Guring.
“Opo Inay, ako na pong bahala kay itay” sagot ni Itoy.
Lumipas ang mga ilang araw ay hindi pa rin gumagaling ang ubo ni Mang Isko.
Hirap na hirap na rin si Aling Guring sa pagtitinda ng gulay para makabili ng gamot ni
Mang Isko. Minsan ay nakita ni Itoy na umiiyak ang kanyang ina. Bakas sa mukha ni
ALing Guring ang panlulumo at kawalan ng pag-asa. Hindi kasi nila kaya ang
magpagamot sa ospital sapagkat salat sila sa pamumuhay. Gayunpaman ay pinipilit
niyang magpakatatag alang-ala kay Itoy. Nilapitan siya ni Itoy at inabutan ng panyo.
Pagkatapos ay binigyan niya ng tubig ang kanyang ina. At mahigpit na niyakap ni Aling
Guring si Itoy at silang dalawa ay napaluha na lamang.
Isang araw, pagkaalis ni Aling Guring upang maghanap ng perang maibibili ng
gamot ni Mang Isko ay naalala ni Itoy ang tungkol sa kanyang panaginip.
“Itay, may pupuntahan lang po ako saglit. Babalik din po ako agad,” sabi ni Itoy.
“Ubu.. ubu.. sige anak.. Mag-iingat ka,” mahalumanay na sagot ni Mang Isko.
Kinuha ni Itoy ang lalagyan nila ng tubig at dali-daling tumakbo. Mabilis ang
pagtakbo ni Itoy. Maaliwalas ang paligid. May banayad na lamig ng hangin ang klima ng
araw na iyon. Dinig na dinig niya ang mga huni ng mumunting ibon na tila ba umaawit at
sumusunod sa kanyang pagtakbo. Tanging ang paggaling lamang ng kanyang ama ang
panalangin ni Itoy ng mga sandaling iyon. Ngunit habang siya ay nasa daan ay
nakasalubong niya ang isang matandang babae na hindi makatayo. Nakahandusay ang
matandang babae sa lupa at humihingi ng tulong. Biglang napahinto sa pagtakbo si
Itoy. Bagkus, tinulungan niya ang isang matandang babae at binigyan ng tungkod mula
sa kapirasong kahoy. Namangha ang matandang babae sa kabaitan ni Itoy.
“Napakabuti mong bata, apo, pagpalain ka ng Diyos. Salamat at tinulungan mo
ako. Saan ba ang punta mo apo at tila nagmamadali ka?” tanong ng matandang babae.
“Maysakit po kasi ang itay ko.. nais ko po sanang mahanapan siya ng gamot,”
magalang na sagot ni Itoy.
“Ganun ba apo, sige, magmadali ka at mag iingat ka,” paalala ng matandang
babae.
“Salamat po lola.. Mag ingat rin po kayo lola,” sagot ni Itoy.
At muli ay dali-daling tumakbo si Itoy hanggang sa narating niya ang
magkakatabing tatlong puno ng mangga kung saan naroon ang mahiwagang balon.
Dahan-dahang naglakad si Itoy papalapit sa balon. Hanggang sa nakarinig ito ng isang
kakaibang tinig mula dito.
“Huwag kang matakot batang mabait, sa akin ay sumalok, ikaw ay lumapit,”
malambing na tinig mula sa balon.
“Si-si-sino po kayo? Ba-ba-bakit hindi ko po kayo nakikita? takot na tanong ni
Itoy.
“Ako ang diwata ng balon, sa isang batang katulad mo ako ay tutulong.”
“Talaga po? Pwede po ba akong makahingi ng kahit konting tubig mula sa
inyong balon para po sa ama kong may sakit?” pagmamakaawa ni Itoy.
“Ikaw ay batang matulungin, ang isang katulad mo ay dapat pagpalain. Aking
ibibigay ang iyong munting hiling, upang ang ama mo ay tuluyang gumaling.”
Maluha-luha sa saya ang mga mata ni Itoy sa kanyang narinig. Mabilis siyang
lumapit sa balon. At nang sinilip ni Itoy ang laman ng balon ay namangha siya sa
kalinisan ng tubig. Tila mga kristal na nagliliwanag ang mga ito habang nasisinagan ng
araw. Katulad ito sa kanyang panaginip. Sumalok si Itoy ng tubig gamit ang maliit na
timbang nakatali sa arkos ng balon. Pinuno ni Itoy ang hawak niyang lalagyan. Muli
siyang nagpasalamat sa diwata ng balon at dali-daling bumalik sa kanilang bahay.
“Itay, Itay, nandito na po ako!”
“Ubu.. ubu.. ubu. Saan ka ba nanggaling anak?”
“Mamaya ko na lang po ikukuwento itay, heto po, uminom po muna kayo.”
At pinainom ni Itoy ang amang maysakit ng malinis na tubig mula sa
mahiwagang balon. Mula noon, ay bumuti na ang pakiramdam ni Mang Isko. Nagulat
naman ang kanyang ina ng dumating na malakas na ang kanyang asawa. Ikinuwento ni
Itoy ang tungkol sa diwata ng balon. At mula noon, ay pinahalagahan nila ang paligid ng
balon at tinaniman ng sari-saring halamang gulay. Tanging ang mga may busilak
lamang na kalooban ang pinagkakalooban ng diwata ng hiwaga ng tubig ng balon.
Sagutin ang mga sumusunod na tanong:
1. Sino ang pangunahing tauhan sa kuwento?
2. Anong klaseng bata si Itoy?
3. Saan pumunta sina Mang Isko at Itoy?
4. Ano-ano ang mga hayop na napansin ni Itoy habang sila ay naglalakad sa
kagubatan?
5. Ano ang napansin ni Itoy habang sila ay papauwi mula sa pangangahoy?
6. Anong nangyare sa tatay ni Itoy?
7. Paano gumaling ang tatay ni Itoy?
8. Bakit nagkaroon ng mahiwagang tubig ang balon?
9. Sa iyong palagay, sino-sino kaya ang diwata ng balon? Bakit?
10. Anong aral ang natutunan mo sa kuwento?
Gawain 1
Bilugan ang mga salitang naglalarawan sa mga sumusunod na pangungusap.
1. Sa isang malawak na kabundukan at tahimik na pamayanan, ay may
nakatirang mag-anak na payak lamang ang pamumuhay.
2. Sila ay nakatira sa isang maliit na bahay kubo na napaliligiran ng maraming
halamang gulay at matatayog na mga puno.
3. Dito karaniwang naglalaro ang nag-iisang anak nina Aling Guring at Mang Isko
na si Itoy.
4. Si Itoy ay pitong taong gulang at may katamtamang pangangatawan at
kayumangging kutis.
5. Masasagana ang mga halamang tanim nina Mang Isko at Aling Guring.
6. Sari-sari ang mga halamang gulay na matatagpuan sa kanilang taniman
7. Luntian ang mga dahon sa paligid at ang iba naman ay may matingkad na
kulay dilaw na bulaklak ng kalabasa.
8. Sari-sari ang mga halamang gulay na matatagpuan sa kanilang taniman
9. May mga malulusog na kalabaw at malalaking puting baka.
10. Noong araw, ay napakatamis at malinis ang tubig sa balon.
Gawain 2
Salungguhitan ang mga pang-abay na naglalarawan ng kilos o gawi na ginamit
sa bawat pangungusap.
1. Masayang iniabot ng aling nagtitinda kay Itoy ang isang pirasong kakanin at suman.
2. Ibinaba niya si Itoy at mabilis na dinampot ang mga tuyong kahoy.
3-4. Matiyagang ibinaba ni Mang Isko ang mga napulot nilang tuyong kahoy
atisinalansan ng maayos sa ibabaw ng kanilang kalan.
5. Habang mahimbing ang tulog ni Itoy ay sinundan naman ni Aling Guring si Mang Isko
sa kanilang taniman ng gulay.
6. Si Mang Isko ay walang tigil sa pagbubungkal ng lupa.
7. Maghapong babad sa pagtatrabaho sina Aling Guring at Mang Isko
8. Mahigpit na niyakap ni Aling Guring si Itoy at silang dalawa ay napaluha na lamang.
9. Kinuha ni Itoy ang lalagyan nila ng tubig at dali-daling tumakbo
10. Dahan-dahang naglakad si Itoy papalapit sa balon.
Gawain 3
Ayusin ang mga sumusunod na pangyayari ayon sa tamang pagkakasunod nito
sa kuwento. Isulat sa patlang ang bilang 1-10.
________ Nakasalubong nina Mang Isko at Itoy ang isang matandang lalaking
nauuhaw.
________ Isang araw, ay isinama ni Mang Isko si Itoy sa kagubatan upang mangahoy.
________ Mula noon ay bumuti na ang pakiramdam ni Mang Isko.
________ Pinainom ni Itoy si Mang Isko ng malinis na tubig mula sa mahiwagang
balon.
________ Napansin ni Itoy ang balon sa tatlong magkakatabing puno ng mangga.
________ Tinulungan ni Itoy ang isang matandang babae na nakahandusay sa lupa.
________ Nakasalubong nina Mang Isko at Itoy ang isang ale na nagtitinda ng kakanin
at suman.
________ Gumawa si Mang Isko ng isang kuwadernong sisidlan mula sa mga natuyong
kahoy.
________ Nagkasakit si Mang Isko at hindi na makabangon.
________ Dali-daling tumungo si Itoy sa mahiwagang balon upang kumuha ng tubig.