Bakit?
Alin ito na sakdal ng laki
Na hinahandugan ng boong pagkasi
Na sa lalong mahal nakapangyayari
At ginugugulan ng buhay na iwi.
Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan
Siya’y ina’t tangi na kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanag ng araw
Na nagbigay-init sa lunong katawan.
--- Andres Bonifacio,
“Pag-ibig sa Tinubuang Lupa”
SINING AT KAMALAYANG PILIPINO
NA MAKA-TAO
Nicanor G. Tiongson
EDITOR
Sentro sa Araling Pilipino
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
2022
Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO: Apat na Dulog sa Pagsusuri ng Sining
Karapatang-ari © PUP Sentro sa Araling Pilipino at Nicanor G. Tiongson 2022
Nananatili ang karapatang-ari ng bawat sanaysay sa mga may-akda nito.
Reserbado ang lahat ng karapatan. Walang bahagi ng aklat na ito ang maaaring sipiin o gamitin sa kahit
anong pamamaraan nang walang nakasulat na pahintulot mula sa mga may-akda o sa tagapaglathala.
INILATHALA NG
PUP Sentro sa Araling Pilipino / Center for Philippine Studies
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
Mabini Campus, Anonas St.
Sta. Mesa, Manila, Philippines 1016
Telephone: 335-1777 loc. 744
Email: [email protected]
Website: www.pup.edu.ph/research/ricl
KATUWANG ANG
PUP Linangan sa Pananaliksik Pangkultura at Pangwika / Research Institute for Culture and Language
PUP Opisina ng Pangalawang Pangulo para sa Pananaliksik, Ekstensiyon, Pagpaplano, at Pagpapaunlad /
Office of the Vice President for Research, Extension, Planning, and Development
PUP Kolehiyo ng Arte at Literatura / College of Arts and Letters
PUP Sentrong Pangkultura at Pansining ng Unibersidad / University Center for Culture and Arts
Dalubhasaan sa Edukasyon, Sining at Kultura
Tanghalang Pilipino
Nicanor G. Tiongson
Editor
Disenyo ng aklat at pabalat ni Edrick S. Carrasco
Peynting ni Egai T. Fernandez na “Hanap ay Laya,” 1983
Jomar G. Adaya
Tagapamahala ng Proyekto
THE NATIONAL LIBRARY OF THE PHILIPPINES CATALOGING-IN-PUBLICATION DATA
Recommended entry:
Sining at kamalayang Pilipino na maka-tao / Nicanor G.
Tiongson, editor. – Manila: PUP Sentro sa Araling
Pilipino - Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas,
[2022], c2022.
308 pages; 15.24 x 22.86 cm
ISBN 978-621-96771-0-3 (pb/bp)
ISBN 078-621-96771-1-0 (pdf)
1. Arts – Philippines – History and criticism. 2. Philippine literature -
History and criticism. 3. Filipino essay. I. Tiongson, Nicanor G.
II. Title.
700.9599 N7327 2022 P220220253
MGA NILALAMAN
PAUNANG SALITA ix
LUNAS SA KRISIS NG PANDEMYA
Romeo P. Peña
PAUNANG SALITA xi
ANG DATING NG DESK-TP MASTERKLAS SA PUP
Bely Ygot
PAUNANG SALITA xiv
ANG DALUBHASAAN SA EDUKASYON,
SINING AT KULTURA (DESK) AT PUP
Fernando Josef
INTRODUKSIYON xx
Nicanor G. Tiongson
A. MGA PAMANTAYAN SA PAGSUSURI NG LIKHANG-SINING
SINING AT KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO: 1
APAT NA DULOG SA PAGSUSURI NG MGA
LIKHANG-SINING NG PILIPINAS
Nicanor G. Tiongson
LOÓB, LÍGID, AT LÁLIM NG TEKSTONG PAMPANITIKAN: 15
PANGKALAHATANG DULÓG SA PAGBÁSA
Galileo S. Zafra
PAANO NGA BA MANOOD NG DULA?: 26
APAT NA DULOG SA PAGSUSURI NG PAGTATANGHAL
NG DULANG PILIPINO
Nicanor G. Tiongson
Jerry C. Respeto
MULA PANGALAY HANGGANG ONE TON PINAY: 46
MGA PAMANTAYAN SA PAGSUSURI
NG MGA SAYAW NG PILIPINAS
Rosalie S. Matilac
PAKINGGAN, NAMNAMIN, SURIIN: 63
MGA PAMANTAYAN SA PAGSUSURI
NG MUSIKA NG PILIPINAS
Arwin Q. Tan
v
BASAHIN ANG ARKITEKTURA: 73
MGA PAMANTAYAN SA PAGSUSURI NG MGA
OBRANG-ARKITEKTURA SA PILIPINAS
Rene B. Javellana, S.J.
SINING BISWAL AT LIPUNANG PILIPINO: 81
MGA PAMANTAYAN SA PAGBASA AT PAGTASA
NG MGA OBRA NG SINING BISWAL NG PILIPINAS
Cecilia S. de La Paz
PAANO NGA BA MAGBASA NG PELIKULA?: 100
APAT NA DULOG SA PAGSUSURI NG PELIKULANG PILIPINO
Nicanor G. Tiongson
MGA PAMANTAYAN SA PAGSUSURI 115
NG LIKHANG-BRODKAST NG PILIPINAS
Elizabeth L . Enriquez
B. MGA PAGSUSURI NG LIKHANG-SINING NA PILIPINO
FOLIO NG MGA LARAWANG MAY KULAY 135
PAGGALUGAD SA LOÓB, LÍGID, AT LÁLIM NG TULANG 143
“KATAPUSANG HIBIK NG PILIPINAS” NI ANDRES BONIFACIO
Giselle S. Cabrera
ASUL ANG KULAY NG PAG-ASA: 159
ISANG PAGSUSURI SA INDIGO CHILD NI RODY VERA
Jerome P. Permejo
PINOY MACHISMO AT PAGBUNO SA DANAS NG TRAUMA: 173
ISANG PAGSUSURING MAKA-TAO SA DULANG FERMATA
NI DUSTIN CELESTINO
Jose V. Clutario
MAKA-TAONG INDAK AT GALAW 188
NG “80S FOR 80” NG ADAMSON PEP SQUAD
Elaine Carie Almirante-Andres
ASIN AT ANTHROPOCENE: 204
“MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN” SA PANANAW NG
KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Marvin M. Lobos
vi Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
“SIRENA”: ANG BAKLA SA KAMALAYANG 221
PILIPINO NA MAKA-TAO
Mariane Ortiz, Leomar Requejo, at Alvin Ortiz
ANG KUWENTO AT KUWENTA NG BAHAY NI MABINI SA PUP 231
Federico B. Rivera, Jr.
“NINUNO VIII” SA PANANAW NG 242
KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Leonardo dela Cruz
ANG “JUAN FOR ALL, ALL FOR JUAN”: 252
PARA KAY JUAN NGA BA?
Jalaine Joyce V. Malabanan
APENDISE 268
Mga Paglalagom ng Seminar-Worksyap
ng DESK-TP sa PUP sa mga taong 2021 at 2022
ANG MGA KONTRIBYUTOR 276
vii
PAUNANG SALITA
LUNAS SA KRISIS NG PANDEMYA
M
asasabi kong tila lunas sa krisis ng pandemya ang mga “Masterklas
sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO” na pinamahalaan ng
Dalubhasaan sa Edukasyon sa Sining at Kultura (DESK) at Tanghalang
Pilipino (TP) sa PUP noong Setyembre 2021 at Agosto 2022. Sa panahong tila
nabulabog ang lahat ng paaralan dahil sa mga lockdown at pagpapatupad ng
bagong paraan ng pagtuturo online, nagawang ibalik ng mga masterklas sa
landas ng patuloy at masigasig na pag-aaral at pananaliksik ang mga gurong
kasali sa mga masterklas. Sa sampung araw ng mga masterklas na siksik sa
mga lektyur, babasahin, iskrining, at worksyap, nasabak ang mga guro ng PUP
sa binansagan kong “aral UP” at “basang UP.” Nakalulugod namang sabihin
na ang lahat ng kahilingan ng mga lektyurer ng masterklas ay tinumbasan ng
mga kasaling guro ng “tiyagang PUP” at “sikap PUP.” Muling namalas ang
galing na taglay ng mga guro mula sa “Pamantasang Una sa Paghahanda.”
Higit pa rito, natutuhan at nahasa ang mga guro ng PUP sa paggamit
ng apat na dulog sa pagsusuri ng mga likhang-sining na Pilipino – sa pagsusuri
ng anyo, konteksto, dating, at halaga ng isang obra ng sining, maging ito ay sa
panitikan, dula, sayaw, musika, arkitektura, sining biswal, pelikula, o radyo,
telebisyon, at digital media. Sa partikular, sa pagpapaliwanag ng pang-apat na
dulog, naipakita ng mga lektyurer-facilitator ng masterklas ang kahulugan ng
Kamalayang Pilipino na Maka-TAO at ang kahalagahan nito sa pagtimbang sa
saysay ng likhang-sining sa lipunan at sa pagkatao ng bawat Pilipino. Sabihin
pa bang malaki ang naitulong ng apat na dulog na ito sa mga guro ng PUP na
nagtuturo ng mga asignatura sa panitikan, dula, midya, at ibang sining.
Sa aking termino bilang dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura
ng PUP na nagsimula noong Marso 4, 2021, ang mga masterklas na ito ang
masasabing isa sa pinakamahalaga at makasaysayang proyekto na itinaguyod
ng KAL sa panahon ng pandemya. Lalo pang naging mahalaga ang masterklas
sa amin nang nakibahagi kami dito bilang kalahok at lider ng Team Pandayan
noong 2021. Hindi naiwasang maging doble, triple, kuwadruple ang
gampanin para sa amin sa panahon ng masterklas, pero nagawa naman ang
lahat ng ito dahil sa tiyaga at pagkakaisa ng mga kasapi ng aming grupo, at ng
ibang grupo na rin.
ix
Sa ginanap na dalawang masterklas, napukaw na ang atensyon ng
maraming akademiko at karaniwang tao sa halaga ng proyektong ito. na
naghahawan ng landas para sa mga gurong Pilipino para maging higit na
mapanuri, malikhain, at makabayan sa kanilang pagtuturo ng mga asignatura
sa sining. Ngayon sa paglabas ng publikasyong ito, na kalipunan ng mga
sanaysay ng mga dalubhasang lektyurer na tumatalakay sa mga dulog na
maaaring gamitin sa pagsusuri ng bawat likhang-sining na Pilipino at ng
mga pinakamahuhusay na ulat na ibinigay ng mga guro ng PUP sa dalawang
worksyap, higit na marami pang guro sa iba’t ibang kampus ng PUP ang
matutulungan sa kanilang pagtuturo sa mga sining sa diwa ng Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO.
Malaki ang pasasalamat ng KAL at ng mga guro ng PUP sa DESK-
TP sa pangunguna at pamamahala nina Dr. Nicanor Tiongson, Tata Fernando
“Nanding” Josef, at Dr. Jerry Respeto, at sa mahalagang kontribusyon ng
iba pang naging tagapanayam na sina Dr. Galileo Zafra, B. Rosalie Matilac,
Dr. Arwin Tan, Dr. Cecilia de la Paz, Fr. Rene Javellana, S.J., Dr. Elizabeth
Enriquez, Dr. Roland Tolentino, at sa mga aktor at tagapamahala ng TP.
Sa bahagi ng PUP, malaki ang ginampanang papel sa pagsasa-
katuparan ng mga masterklas na ito nina Dir. Bely Ygot at ng buong University
Center for Culture and the Arts, Dr. Reylan Viray ng Research Institute
for Culture and Language Studies, at G. Ireneo Delas Armas ng HRMD.
Gayundin, dapat kilalanin ang sigasig ni Prop. Jomar Adaya ng Center for
Philippine Studies sa pagtulong niya sa pagdaraos ng mga masterklas at sa
puspusang pag-aasikaso niya ng publikasyong ito. Higit sa lahat, lubusan ang
naging pakikilahok sa mga masterklas ng lahat mga gurong bumuo sa Pangkat
Manunggul (2021) at Pangkat Tnalak (2021). Sila ang higit na nagtamasa ng
lunas at ginhawang dulot ng DESK-TP Masterklas sa Sining at Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO sa panahon ng pandemya.
Romeo P. Peña, PhD
Dekano, Kolehiyo ng Arte at Literatura
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
Mabini Kampus, Sta. Mesa, Manila
x Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
PAUNANG SALITA
ANG DATING NG
DESK-TP MASTERKLAS SA PUP
NATATANGI AT MAKABULUHAN
G
anito ang tingin ng mga guro ng PUP sa DESK-TP Masterklas sa
Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. Kaya naman tumagal
nang siyam na buwan ang preparasyon para sa unang grupo, ang Batch
Manunggul, na binuo ng 34 na kalahok na dalubguro, na nahati sa tatlong
pangkat: ang Team Pandayan, Team Puleng, at Team Tanglaw. Ang unang
masterklas ang naging unang simbolikong aktibidad sa pagdiriwang ng ika-
117 taong pagkakatatag ng PUP noong Setyembre 2021.
Tagumpay, makasaysayan, at malalim ang naging dating ng unang
masterklas, kaya kagyat na naisalang ang ikalawang batch sa pangalawang
masterklas noong Agosto 2022. May 30 kalahok na dalubguro mula sa buong
PUP System na bumuo ng Batch Tnalak, na tulad ng nauna, ay hinati din sa
tatlong pangkat: ang Team Sinta, Team Makatha, at Team Lago. Masugid
ang ginawang paghahanda para sa pangalawang masterklas, subalit may mga
bagay na hindi inaasahang nakaapekto sa daloy ng ikalawang palihan na may
kinalaman sa limitasyon ng online mode at sa academic calendar ng PUP.
Gayumpaman, hindi nagbago ang kalidad ng mga lektyur at worksyap ng
masterklas.
NAPAKAYAMAN NG MGA LEKTURA
Waring nalula ang mga kalahok sa dami ng impormasyon sa bawat
modyul. At sa bilis ng mga araw at limitasyon ng online mode, tila kulang
nga ang pagpoproseso ng mga kaalaman. Gayunman, nakita ng mga guro ang
halaga ng mga ibinabahagi sa kanila. “Ganito ang tunay na master class!” wika
ng isa sa mga kalahok. “Pambihirang pagkakataon na mapagsama-sama ang
ganitong mga speakers!,” dagdag ng isa pa. Sambit ng isang kalahok na dekana:
“Pinilit kong ituon ang lahat ng aking pag-unawa at kakayahan sa seminar na
ito!” Na siya namang inaasahan. Sa pagbabalik-tanaw, nakita ang napakalaking
pakinabang ng mga palihang ito sa lalong ikakaunlad ng “intellectual life” ng
mga kalahok na dalubguro, na nakapagpapayaman sa kanilang pagtuturo sa
xi
pamantasan. Samantala, isang bagong regular na kalahok-guro ang nagsabing
“Kulang sa oras ang mga lectures, mas lalo akong nagutom [sa kaalaman]”.
Sa pangalawang masterklas, lalo pang napagbuti ang mga lektura ng
mga tagapanayam. Lalo ring luminaw ang halaga ng mga konsultasyon para
sa paghahanda at pagpapakinis ng mga pag-uulat, na kailangang may bagong
kaalaman na mailahad sa tagapakinig. Makikita ring mas naging personal
ang pag-uusap sa mga konsultasyon kung kaya’t higit na natutukan ang mga
pagsusuring papel.
MAPANGHAMON ANG PREPARASYON
AT PAGBABAHAGI NG MGA SURING PAPEL
Tila naging “starstruck” ang mga dalubguro sa mga tagapanayam
at nakatulong ito para pagbutihin ng bawat isa ang kaniyang paghahanda
para sa mga suring papel. Sa obserbasyon na rin ni Dekano Peña, ang “Aral-
UP” ay tinapatan ng “Sigasig PUP.” Nahamon ang bawat grupo kung kaya’t
maraming gabi ang inilaan sa balitaktakan at pagpapalitan ng kuru-kuro
via Zoom platform, matapos ang konsultasyon at bago ang takdang araw ng
pagbabahagi. Sa hapon ng pagbabahagi ng bawat grupo, sabi ng isang kalahok
na guro, “Parang thesis defense ang critiquing sa harap ng panel!”
Sa huli, tila nakamit ng mga worksyap ang layunin ng proyekto na
idebelop at palakasin pa ang kakayahan ng mga dalubguro sa pamamagitan
ng paggamit ng apat na dulog sa pagsusuri ng mga likhang-sining sa kanilang
mga klase, at sa paggamit ng pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
(KAMPIT) sa pagtimbang sa mga obrang pansining at kahit na anupamang
asignaturang kanilang itinuturo.
Sa pagtatapos ng unang masterklas, nabuo ang pasiya na itampok
ang mahuhusay na papel sa isang librong pang-akademya na magiging
batayang teksbuk sa pagtuturo ng sining Pilipino na may mariing pagtutok sa
Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
BAGONG KAMULATAN AT SIGLA
Ibayong sigla ng diwa at kamulatan ang inuwi ng bawat kalahok na
dalubguro matapos ang dalawang masterklas. Sa kabuuan, naunawaan nila
na hindi lamang basta palihan ang programang ito. Hindi lamang ito basta
pagkakataon para makalikha ng siyentipikong papel para sa publikasyon
at maitaas ang academic rank ng mga dalubguro. Bagkus, layunin nitong
palalimin pa ang ating pagsusuri sa sarili bilang Pilipino at bilang tao, para
mahawan ang hindi magagandang katangian na humihila sa ating pagkatao
paibaba.
xii Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Para sa mga naging kalahok na dalubguro, nag-iwan ng hamon ang
mga masterklas na isabuhay ang Kamalayang Pilipino na Maka-TAO at
ibahagi ito sa susunod na henerasyon sa loob ng silid-aralan (online, physical,
o correspondence mode man), sa bawat isa sa 82,477 na mag-aaaral sa buong
PUP system na sabik at uhaw sa kaalaman. Sa pagpapalaganap ng kamalayang
nagsusulong sa pagkakamit ng bawat Pilipino ng kaniyang kaganapan bilang
TAO, natutupad ng bawat dalubguro ang tungkulin niya na makatulong
para magkaroon ng makabuluhang kinabukasan ang mga estudyante niyang
hikahos, ngunit may talino at malasakit sa kapwa.
PADAYON ANG SUSUNOD PANG MGA MASTERKLAS
Nakatutuwa na naitaguyod at naidaos ang mga masterklas dahil sa
matibay na pagsasamahan at kolaborasyon ng apat na opisina ng PUP na
kinatawan ng kanilang mga pinuno: ang opisina ng University Center for
Culture and Arts (UCCA), Center for Philippine Studies (CPS) sa ilalim ng
Research Institute for Culture and Language Studies (RICLS) at ng Kolehiyo
ng Arte at Literatura (KAL). Personal at malalim din ang ibinigay na suporta
ng unibersidad sa proyektong ito, lalo na ng kasalukuyang presidente Dr.
Manuel M. Muhi (nakaangkla ang Masterklas sa kaniyang Institutional
Development Plan) at dating presidente, na ngayon ay VP for Academic
Affairs, Dr. Emanuel C. De Guzman.
Ipinagdarasal namin na sana’y ipagpatuloy ng mga opisinang ito at
kanilang mga pinuno ang pagdaraos ng mga DESK-TP Masterklas sa Sining
at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO para sa mga guro ng PUP system
taon-taon. Mayaman ang naging karanasan ng mga dalubgurong lumahok sa
dalawang masterklas at lumabas sila sa mga ito na may bagong kaalaman at
panibagong pagpapasiya na pagbutihin pa ang kanilang pagtuturo sa Sintang
Paaralan. Sa gayo’y mas mahusay nilang maisasakatuparan ang ating paulit-
ulit na inaawit sa imno ng PUP: “Gagamitin ang karunungan, mula sa ýo, para
sa bayan!”
Bely Ygot
Direktor
University Center for Culture and the Arts
Ygot I Dating ng Masterklas sa PUP xiii
PAUNANG SALITA
ANG DALUBHASAAN SA
EDUKASYON, SINING
AT KULTURA
(DESK) AT PUP
INTRODUKSIYON
M
ay panahon sa ating kasaysayan na lumutang sa hanay ng mga
guro ng iba’t ibang larangan ng sining at kultura, pati na sa mga guro
ng kasaysayan, lalo pa sa mga progresibong artista sa Kalakhang
Maynila, Mindanao, Visayas, at Luzon, ang pagnanais na makatulong sa
pagpapalaganap at pagpapaigting ng isang “Pambansang Kamalayan.” Isang
kamalayan ito na marapat na akuin at ipagmalaki natin bilang katutubong
mamamayan ng Pilipinas, isang katangi-tanging makabayang pananaw at
dalisay na pamantayan ng pagkatao at pakikipagkapwa-tao na nag-ugat at
hinubog ng kasaysayan ng ating pagka-Pilipino.
Ang kamalayang tinutukoy ay yaong marubdob na kumikilala,
tumatanggap, yumayakap, at buong pagmamalaking nagpapalaganap ng
totoong kasaysayan ng ating lahi. At walang kasintapang na nagtatanggol sa
ating soberaniya at lahat ng ating karapatan bilang isang malayang bansa, at
determinado at sistematikong nagpapamana sa bawat salinlahi ng lahat ng
pakahulugan ng pagiging tapat na Pilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa.
Ang kamalayang tinutukoy ay yaong kabuuan ng dakila at marangal
na pananaw at pagkataong hinubog mula sa kabutihan ng puso at likas na
katalinuhan ng ating mga ninuno, at mula sa katapangan, kabayanihan, at
kadakilaan ng ating mga bayani at kababayang lumaban sa mga mapang-
aping Kastila, sa mapanlinlang na mga Amerikano, sa mararahas na Hapones,
sa buktot na mga diktador, at nakikibaka pa rin sa kasalukuyang rehimen ng
tila walang-katapusang mga dinastiya.
Maraming winasak ang mga dayuhang mananakop at ang mga
diktador sa ating kamalayan: ang sarili nating kalinangan, kaugalian,
kamulatan, identidad, at ang kalayaang magsarili at hubugin ang tunay nating
pagkatao bilang mga Pilipino. Salamat na lamang at may mga bayaning
nagturo sa atin ng pagmamahal sa Bayan at sa kakanyahan ng ating sariling
xiv Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
sining at kultura. Gayunman, marami rin sa ating mga kababayan ang
nagtaksil at nagtataksil, noon hanggang ngayon, na napatangay, at tuluyang
nagpatatangay sa pantatakam at maka-sariling panghihikayat ng mga
mananakop at diktador na kalimutan ang likas nating kabutihan bilang
mamamayan ng Pilipinas, na para sa kanila ay makaluma o mababang-uri ng
pamumuhay at paniniwala.
Bumigay tayo, o ang malaking bahagi ng ating pamayanan.
Isinayaw natin ang sayaw nila sa saliw ng musika nila. Itinapon natin ang
sariling kasuotan at katutubong palamuti sa katawan, at pinalitan ng mga
idiniktang makabago at Kanluraning disenyo at panlasa. Ikinahiya natin ang
sariling paniniwala, pati pagsasalita. Mahigpit nating niyakap ang bagong
sibilisasyon. Ikinahiya natin ang pagiging Pilipino. Naging pinakamatayog
na pangarap ang mangibang bansa, yumaman, maging makapangyarihan,
tumangos ang ilong, pumuti ang balat. Ikinahiya ang kawalan ng sapin sa paa,
ang kapirasong saplot sa katawan, ang pagsasalita ng sariling wika. Umunlad
at lumaganap ang pagiging makasarili. Nawala ang dating mabini at taos-
sa-pusong pakikipagkapwa-tao. Nawala ang pagkilala at pagmamalaki sa
sariling kultura. Nanaig ang kamalayan na ang kahit anong mula sa ibang
bansa -- Europa, Amerika, Hapon, Korea, China, at iba pang bansang banyaga
-- ay higit na maganda, mabuti, higit na may halaga, kaysa sa kahit anong
gawa lamang sa Pilipinas.
Malungkot ang pinatunguhan natin pati sa pulitika. Namana ng
marami ang kaugaliang sakim, sugapa sa kapangyarihan, sa kayamanan, sa
kasikatan. Dumami at dumarami pa ang makasariling pamunuan, nasyunal
man o lokal, at kahit karaniwang mamamayan na nabibili ang karangalan
at ang boto sa halalan. Laganap na rin ang mga walang galang sa karapatang
pantao, lalo na sa nabibigyan ng kapangyarihan. Marami ang naduwag na
na labanan ang katiwalian, ang pagmamalabis ng mga naghahari-harian,
ng mga yumuyurak sa makataong karapatan, ng mga nangangamkam ng
mga katutubong lupain. Kaunti na rin ang nagmamahal at nangangalaga sa
kalikasan
May pag-asa pa ba tayo? May pag-asa pa ba tayong magbago
at maging muling dakila, marangal, mapagmahal sa kapwa, sa Bayan, sa
Maykapal? Sana mayroon. Baka naman mayroon. Mayroon.
Marami-rami na ang naliliwanagan, namumulat. Meron din
nagmumulat, nagtuturo, nanggigising sa katotohanan, sa kahalagahan na
muling maiukit at muling buhayin sa ating puso at utak ang kadalisayan,
kabutihan, kahalagahan ng tapat at dakilang pagkatao bilang Pilipino.
Josef I DESK at PUP xv
Marami nang nagsimula ng mga gawain ukol dito, sa iba’t ibang
institusyon, mga paaralan, at pamantasan, sa mga komunidad, simula pa
noong dekada 1970. Ilan sa mga nanguna sa gawaing ito ay ang Philippine
Educational Theater Association (PETA) at mga kaalyadong organisasyon
sa iba’t ibang komunidad sa Pilipinas, at mga progresibo at makabayang
pamantasan, na pinangungunahan ng Unibersidad ng Pilipinas. Nagbunga
ang lahat ng mga gawaing ito ng malawakang kamulatan at kulturang
makabayan na nakatulong sa ngayo’y kilalang mapayapang EDSA revolt
noong 1986.
Nagtuloy-tuloy ang mga gawaing mapagpalaya sa kaisipan. Mula
1986, ang Cultural Center of the Philippines (CCP), sa bagong pamunuan nina
Ma. Teresa Escoda-Roxas at Dr. Nicanor Tiongson ay naging higit na maka-
Pilipino ang pananaw, higit na demokratiko, at desentralisado, kaya lumawak
hanggang sa iba’t ibang komunidad sa buong bansa ang bagong kamulatan o
kamalayang maka-Pilipino. Noong 1987, nabuo ang Presidential Committee
on Culture and the Arts (PCCA), na naging National Commission for Culture
and the Arts (NCCA) noong 1992.
Sa loob ng mga taong 1995-2001, sinimulang buuin ng isang
grupo ng mga guro at artista ng iba’t ibang larangan ng sining at kultura ang
Dalubhasaan sa Edukasyon, Sining at Kultura (DESK) sa pamumuno nina Dr.
Brenda Fajardo, Dr. Nicanor Tiongson, Dr. Bienvenido Lumbera, Dr. Ramon
Santos, Dr. Prospero Covar, Prof. Esteban Villaruz, Dr. Jaime Veneracion, Dr.
David Baradas, Dr. Jaime Laya, Prof. Corazon Dioquino, Prof. Alice Panares,
Prof. Cecilia de la Paz, Riya Brigino, at ng inyong lingkod, Nanding Josef, na
noo’y kasalukuyang executive director ng Philippine High School for the Arts
(PHSA). Nagkaroon ng dalawang konsultasyong nasyunal noong 1997 kung
saan nabuo ang Vision-Mission ng DESK:
DESK envisions a society that recognizes a common history and
awakens the expressive energies towards a dynamic valuation of its
culture as a people through its mission to advance the ‘katutubong
pananaw’ framework as the foundation of learning for purveyors of
knowledge and public well-being through culture and arts education.
DESK AT MGA KAPATID NA ORGANISASYON
Noong 1998, sa pangunguna ng inyong lingkod, naging pamantayan
ang pilosopiya at mga prinsipyo ng DESK sa pagtuturo ng Arts and General
Education sa espesyal na mataas na paaralan para sa mga kabataang artista.
Noong 2003, opisyal na narehistro ang DESK sa Securities and Exchange
Commission (SEC). Noong 2006, sa pamumuno ng inyong lingkod na noo’y
xvi Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
bise-presidente at artistik direktor ng CCP, ipinakilala rin ang DESK sa isang
palihan ng mga empleyado at opisyales ng mga institusyong pangkultura.
Nagtuloy-tuloy na ang mga palihan ng DESK para sa mga guro mula sa
iba’t ibang hayskul sa buong Pilipinas, lalo pa nang piliin at buuin ng noo’y
Department of Education (DepEd) Secretary Brother Andrew Gonzales
ang mga paaralang may Special Program for the Arts (SPAs). Kadalasang
ang palihan ay sa Teacher’s Camp sa Baguio City ginaganap, sa pakikipag-
ugnayan sa DESK, PHSA, CCP, at DepEd. Nadagdagan pa ang DESK ng iba
pang mahuhusay na guro sa iba’t ibang sangay ng sining at kultura.
Nang maglaon, sinuportahan din ng NCCA ang mga sumunod
pang palihan ng DESK para sa mga guro ng iba’t ibang pamantasan at ibang
institusyong kultural, kasama na ang De La Salle Araneta University (DLSAU),
Philippine Normal University (PNU), Fo Guang Shan, at Tanghalang Pilipino
(TP); at pati na rin mga lider sa gawaing pangkultura ng mga lokal na LGU,
tulad ng sa Marikina City. Dito, sa mga palihang nabanggit, malaki ang
naging tulong ni Jenny Bonto, executive director ng Artists Welfare Project
Inc. (AWPI).
Sa Tanghalang Pilipino (TP), sa loob ng nakalipas na higit na isang
dekada, sa paggabay ng inyong lingkod na kasalukuyang artistik direktor,
mabusising pinag-aralan ng kompanya, lalo na ng TP Actors Company,
ang mga prinsipyo ng DESK at ang lawak at lalim ng esensiya ng gawaing
pangkultura at pangkasaysayan nito. At sa isang malalim na pag-uusap,
nabuo ang paniniwala na higit sa pagpapalaganap ng “katutubong pananaw,”
ang DESK ay dapat magpalaganap ng “Kamalayang Pilipino,” na madaling
sinang-ayunan ni Dr. Tiongson, kaya napalitan ang katagang “katutubong
pananaw” na unang ginamit ng DESK sa mga naunang palihan. Noong
2021, nilinang at binuo ni Dr. Tiongson ang konsepto ng “Kamalayang
Pilipino” bilang “Kamalayang Pilipino na Maka-TAO” o ang kamalayang
nagsusulong ng pagkakamit ng Pilipino ng kaniyang kaganapan bilang TAO
at ng pakikipagkapwa-tao na batay sa “pagsasanggalang, pagtataguyod, at
pagpapalakas ng mga batayang karapatang pantao ng bawat Pilipino.”
Nagplano ang DESK at ang TP na ipagpatuloy ang mga palihan ng
DESK. Pero dumating ang pandemya, at sa unang tingin, mukhang hindi na
muna makakapagpalihan. Subalit, naging hamon ang realidad ng pandemya
sa pamunuan ng TP at ng DESK, at sa halip na tumigil sa mga gawain,
nakahanap ng bagong paraan, sa pamamagitan ng online method of learning,
para ipagpatuloy ang pagtuturo at pag-aaral ng sining at kultura sa konteksto
ng kasaysayan ng ating bayan.
Josef I DESK at PUP xvii
DESK-TP SEMINAR-WORKSYAP SA PUP (2021 AT 2022)
Unang nabanggit ni Dr. Jerry Respeto ang tungkol sa mga DESK-TP
seminar-worksyap kay Direktor Bely Ygot, na agad na nagsabing kailangan ng
mga guro ng PUP ng ganitong seminar-workyap. Di nagtagal at nag-usap at
nagkasundo ang DESK, TP, at ang Polytechnic University of the Philippines
(PUP) sa pangunguna ni Prop. Bely Ygot, ang direktor ng University Center
for Culture and the Arts, at tagapangulo ng Department of Performing Arts
ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL), na gawin ang Masterklas para sa
Sining at Kamalayang Pilipino Online. Ang determinasyon ni Direktor
Bely na maipakilala at magamit ang Kamalayang Pilipino na maka-TAO sa
pagsasaayos ng kurikulum sa sining at kasaysayan ng PUP ay taos-puso at
agad-agad na sinuportahan ng mga opisyales ng Unibersidad: Dr. Romeo
Pena, dekano ng KAL, Dr. Joseph Reylan Viray, direktor ng Research Institute
for Culture and Language Studies, at Prop. Jomar Adaya, hepe ng Center for
Philippine Studies. Higit pa rito, ang programa ay may basbas din ng PUP vice-
president for academic affairs, Dr. Emmanuel de Guzman, PUP vice-president
for research, extension, planning and development, Dr. Anna Ruby P. Gapasin,
at ng PUP president Dr. Manuel Muhi. Ang unang palihang online noong
Setyembre 2021 ay dinisenyo at binuksan muna para sa mga guro at opisyales
lamang ng PUP Mabini Kampus sa Sta. Mesa. Dahil naging matagumpay ito,
isinama sa mga guro ng Mabini Kampus ang ilang guro mula sa mga kampus
sa mga rehiyon sa pangalawang palihang online noong Agosto 2022. May
pangarap at plano na isagawa rin ang palihan sa iba’t iba pang kampus ng PUP
at ibang state university sa bansa.
Pinangunahan ni Dr. Nicanor Tiongson, professor emeritus ng
College of Mass Communication(CMC) ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman
(UPD), ang pagdisenyo at pagpapatupad ng kurikulum ng mga masterklas.
Naging pangunahing tagapagsalita at facilitator, bukod kay Dr. Tiongson, ang
mga kilalang propesor ng sining at kultura na sina Dr. Jerry C. Respeto at
Fr. Rene Javellana, S.J. ng Ateneo de Manila University; Rosalie Matilac ng
Alun-Alun Dance Circle; at Dr. Galileo S. Zafra, Dr. Cecilia de la Paz, Dr.
Roland Tolentino, Dr. Elizabeth Enriquez, at Dr. Arwin Tan ng UP Diliman.
Napag-isipan ng mga grupo na pag-aralan ding mabuti, hindi lamang ang
paggamit ng bagong teknolohiya sa pagtuturo, kundi lalo na ang mga bagong
ehemplo, babasahin, at visual aids (videos at pelikula), pati na ang proseso ng
pagbabahagi o pagtuturo ng kasaysayan ng sining at kulturang Pilipino para
mapalaganap ang Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
Mula sa Tanghalang Pilipino, ang support staff ay pinangunahan
nina Jonathan Tadioan at Remus Villanueva, project coordinators; kasama sina
Carmela Millado-Manuel, TP company manager; Marco Viana, TP associate
xviii Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
artistic director; Chi Navarra, Munera Garcia-Mancio, Lhorvie Nuevo,
Antonette Go, at ang Actors Company iskolar na sina Edrick Alcontado,
Sarah Monay, Judie Rose Dimayuga, Mark Lorenz, Vince Macapobre, Heart
Puyong, Earle Figuracion, Mitzi Comia, Aggy Mago, at Arjhay Babon.
Pagkatapos ng bawat isang masterklas, nagdaos ng kolektibong
pag-aanalisa sa mga natutuhan sa mga lektyur at worksyap, at sa naganap
na pagbabago sa paniniwala at pananaw ng mga partisipant. Inamin ng mga
guro na dahil sa seminar-worksyap, lumakas at lumalim ang komitment nila
na maging guro ng katotohanan, ng kabutihan, ng karangalan, ng katarungan,
ng pagmamahal sa sariling sining at kultura, at sa ating Bayan at kababayan.
May pag-asa pa nga. Mayroon. Mayroon.
Fernando Josef
Tagapangulo, DESK, Inc. at
Artistik Direktor, Tanghalang Pilipino
Josef I DESK at PUP xix
INTRODUKSIYON
P
angunahing layunin ng aklat na ito ang makapag-ambag sa
pagpapalawak at pagpapalalim ng mga pamantayang ginagamit sa
kasalukuyan sa pagsusuri ng mga likhang-sining na Pilipino. Kinikilala
ng aklat ang mahahalagang teorya at dulog na kritikal, Pilipino man o
banyaga, na nakatulong sa matalisik na pagbabasa sa mga likhang-sining, na
ang karamiha’y nakatuon sa mga obrang pampanitikan, mga dula, mga obra
ng sining biswal, at mga pelikula. Sa iba’t ibang paraan at hiwa-hiwalay na
pagkakataon ay naipaliwanag ng mga dulog na ito ang kasiningan ng obrang
sinusuri, ang konteksto ng pagkakalikha dito, ang dating ng obra sa nanonood,
nakikinig, o nakararanas nito, at ang saysay ng obra sa pangkalahatang
lipunan.
Sa apat na dulog na iminumungkahi ng aklat na ito, naroon pa
rin ngunit pinagsama at binigyan ng higit na detalye ang mga aspekto ng
kasiningan, konteksto, dating, at saysay na dapat suriin para mas maunawaan
ang isang obra ng sining. Higit sa lahat, iminumungkahi ng mga sanaysay sa
librong ito na idagdag sa pang-apat na dulog ang pagtimbang sa isang likhang-
sining sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. Ito ang kamalayang
nagsusulong ng “kaganapan ng bawat Pilipino bilang tao, sa antas na pisikal,
sikolohikal, intelektuwal, ispirituwal, pulitikal, pangkabuhayan, at kultural”
at ito’y kaganapang matatamo sa patuloy na “pagtatanggol, pagtataguyod, at
pagpapalakas ng mga karapatang pantao ng bawat Pilipino.” Para sa pang-
apat na dulog, ang katanungang mahalaga sa lahat ay ito: “Nakatutulong
ba o nakasasagabal ang likhang-sining na ito sa pagkakamit ng Pilipino ng
kaniyang kaganapan bilang TAO sa lahat ng antas ng pagkatao sa panahon ng
kaniyang pagkakalimbag, pagpapalabas, pag-eere, o pagkakatayo?”
ANG GENESIS NG KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Unang nagkahugis ang apat na dulog, at partikular, ang Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO, sa mga masterklas na isinagawa online ng Dalubhasaan
sa Edukasyon, Sining at Kultura (DESK) at Tanghalang Pilipino (TP) para sa
mga guro ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) noong Setyembre
2021 at Agosto 2022. Bago nito at simula pa noong 1995 nang itatag ang
DESK, ang ginamit na pamantayan sa pagtaya sa mga likhang-sining ay kung
ito ba ay umaayon sa konsepto ng “Katutubong Pananaw.” Ito ay pananaw sa
kultura na sadyang binuo para ipagtanggol at bigyang-halaga ang kalinangan
na “tunay” na Pilipino vis-a-vis ang kulturang Amerikano o Kanluranin na
xx Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
namayagpag sa bansa sa siglo 20 at patuloy na naghahari bilang mahalagang
salik sa patuloy na pag-iral ng neokolonyalismong US sa Pilipinas hanggang
ngayon.
Ngunit sa pagdaan ng mga taon, napansin ng DESK na, bagama’t
hindi ito ang ibig ipakahulugan ng DESK sa salitang ito, nalilimita ang
konsepto ng “Katutubo” sa isang uri ng kulturang Pilipino na walang bahid
ng impluwensiyang banyaga. Unti-unting kumiling sa paghahanap ng
kalinangang dalisay at eksklusibong Pilipino lamang na magiging batayan sa
ebalwasyon ng mga obrang pansining. Nang maramdaman ng mga guro ng
DESK na tila lumalakas ang oryentasyong “nativistic” sa pagpapakahulugan
sa terminong “Katutubo,” pinalitan ang “Katutubo” ng “Kamalayang Pilipino.”
Mas malawak na ang saklaw ng “Kamalayang Pilipino” sapagkat
malinaw na kasama na rito, hindi lamang ang kalinangang katutubo na
prekolonyal o yaong di gaanong nalahiran ng mga kaisipan at panlasang
Kanluranin, kundi ang mas laganap na tradisyong Hispaniko na matatagpuan
sa mga grupong etnolingguwistiko na matagal nang naninirahan sa mga
kapatagan, tulad ng mga Ilokano, Pangasinan, Kapampangan, Tagalog, Bikol,
Cebuano, Ilonggo, at Waray. Bukod dito, sakop na rin ng katagang “Pilipino”
ang mga mamamayang nakatira sa mga sentrong urbanisado, kung saan
laganap at dominante ang kulturang Amerikanisado o global.
Ngunit di rin nagtagal at lumabas ang problema sa paggamit
ng katagang “Kamalayang Pilipino” sa pagsusuri ng mga likhang-sining.
Inklusibo ang konsepto ng “Pilipino” kaya naman sinasaklaw niya ang lahat-
lahat ng mga obrang gawa ng mga artistang Pilipino, kahit ang mga ito’y
gaya-gaya lamang sa Kanluran o ito’y nagtataglay ng mga kaisipang mapang-
api sa kababaihan o LGBTQ+. Sa pagsusuri kung aling obra ang higit na
may “Kamalayang Pilipino,” lumabas ang katotohanan na ang “Kamalayang
Pilipino” ay sindami ng mga mamamayan ng bansa, sapagkat ang bawat isa sa
mga kamalayang ito ay may karapatang kilalanin bilang “Pilipino.” Ito’y dahil
ang lahat ng ipinanganak sa Pilipinas ay may karapatang umako ng pangalang
Pilipino – mula sa heneral ng AFP hanggang kumander ng NPA, mula sa CEO
ng dambuhalang korporasyong nagtatayo ng mga subdibisyon hanggang
batang pulubi na nakatira sa ilalim ng inabandonang trailer, mula imam na
Muslim hanggang arsobispong Katoliko, mula propesor ng Unibersidad ng
Pilipinas hanggang estudyante ng hayskul sa isla ng Palawan. Kailangan ang
isang higit na malinaw at tiyak na konsepto ng Kamalayang Pilipino.
Sa harap ng ganitong dilema nabuo ang konsepto ng “Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO.” Unang binigyan ng depinisyon ang konseptong
ito ng inyong lingkod, nang siya ang itakdang direktor ng kurikulum para
Tiongson I Introduksiyon xxi
sa unang masterklas ng DESK-TP para sa PUP noong Setyembre 2021. Ang
gayong depinisyon at elaborasyon ay kinailangang gawin upang linawin at
pagyamanin ang pang-apat na dulog. Sa pagnanais ng direktor ng kurikulum
na magkaroon ng magkakahawig o magkakatulad na pamantayan ang lahat ng
lektyurer-facilitator ng seminar-worksyap, ibinahagi niya sa lahat ng lektyurer
ang unang depinisyon ng konsepto ng “Kamalayang Pilipino na Maka-TAO”
at ang unang powerpoint lektyur na inihanda niya para sa masterklas noong
2021. Sa kabutihang palad, nakita ng mga lektyurer ang halaga ng konseptong
ito kaya’t pumayag silang gamitin sa pangkalahatan ang apat na dulog sa
bubuuin nilang mga pamantayan sa pagsusuri ng kani-kanilang sining. At sa
paggamit nila sa apat na dulog sa iba-ibang sining, lalo pang luminaw kung
paano dapat iangkop ang mga dulog na ito sa partikularidad ng midyum na
gamit ng bawat sining.
Malaki ang pasasalamat ko sa mga lektyurer ng dalawang masterklas
na ito, sapagkat matagumpay nilang nagamit ang mga iminungkahing dulog
dahil na rin sa kanilang malawak na kaalaman sa kanilang sining, sa kanilang
malinaw at epektibong paraan ng pagtuturo, at sa kanilang oryentasyong
makabayan. Ang mga katangi-tanging mga guro/kritiko/artistang ito, na ang
karamiha’y naging area editor o co-editor at/o manunulat ng pangalawang
edisyon ng CCP Encyclopedia of Philippine Art (2017) na aming pinamunuan,
ay sina Dr. Galileo S. Zafra ng Departamento ng Filipino at mga Panitikan ng
Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) para sa panitikan, Dr.
Jerry C. Respeto ng Kagawaran ng Filipino, School of Humanities, ng Ateneo
de Manila University, at inyong lingkod para sa dula, Bb. Rosalie Matilac ng
Alun-Alun Dance Circle para sa sayaw, Dr. Arwin Tan ng College of Music ng
UP Diliman, Fr. Rene Javellana, S.J., ng Department of Fine Arts ng Ateneo
de Manila University para sa arkitektura, Dr. Cecilia de la Paz ng Department
of Art Studies ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ng UP Diliman, Dr. Roland
Tolentino ng UP Film Institute ng College of Mass Communication (CMC)
ng UP Diliman, at Dr. Elizabeth Enriquez ng Department of Broadcast ng
CMC ng UP Diliman.
Para sa pangalawang masterklas ng DESK-TP para sa PUP noong
2022, hiniling ng direktor ng kurikulum sa lahat ng lektyurer-facilitator na
isulat na nila bilang artikulo ang mga pamantayang ginamit nila sa unang
masterklas at magbigay na rin ng sarili nilang halimbawang pagsusuri ng isa
o dalawang obrang Pilipino bilang ilustrasyon ng paggamit ng mga dulog na
ito. Sa pakikipagtalakayan sa direktor ng kurikulum, nabuo ang mga sanaysay
at napagkasunduan na gamitin na ang mga ito bilang gabay ng mga gurong
magbibigay ng kani-kanilang pagsusuri sa mga obra ng iba-ibang sining sa
worksyap ng 2022. Sa kabutihang palad, may anim na ulat na matagumpay na
xxii Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
gumamit ng apat na dulog sa mga likhang-sining na pinasuri sa kanila. Muli,
maganda ang naging feedback sa apat na dulog sa masterklas ng Agosto 2022.
ANG PAGBUBUO NG AKLAT
Sa pagpaplano pa lamang ng pangalawang masterklas, naisip at
iminungkahi na ng direktor ng kurikulum sa pamunuan ng PUP na marahil
ay mas makatutulong sa susunod pang mga lalahok sa mga masterklas at sa
maraming guro na nagtuturo ng kursong art appreciation kung matitipon
na sa isang libro ang mga sanaysay ng mga lektyurer-facilitator tungkol
sa paggamit ng apat na dulog sa pagsusuri ng alinmang likhang-sining.
Gayundin, magiging magandang dokumentasyon ng dalawang masterklas
kung maisasama sa librong ito ang ilang report ng mga kasaping guro ng PUP
na mahusay ang pagkakagamit sa apat na dulog sa pagsusuri ng partikular
na mga obrang-sining. Agad nang sumang-ayon ang pamunuan ng PUP at
naghanap ng pondo para maisakatuparan ang proyektong ito, na sa tingin
nila’y magiging kapaki-pakinabang sa mga guro sa loob man o labas ng
PUP. Hinirang ang direktor ng kurikulum bilang editor na rin ng aklat na
itinakdang ilabas sa taong 2022.
At sinimulan ang paghahanda sa mga manuskrito na isasama sa
libro. Una, inedit muli ang mga sanaysay ng mga lektyurer na ipinamahagi
sa mga gurong kasapi sa pangalawang masterklas. Nagbalik-balik ang mga
sanaysay sa pagitan ng editor at mga lektyurer-facilitator na sumulat ng mga ito
hanggang sa lumabas ang pinal na bersiyon na siyang isasama sa publikasyon.
Pati ang mga halimbawang pagsusuri ay naayos at napakinis na rin, bagama’t
sa kasamaang-palad ay hindi sila naisama sa librong ito dahil sa kinailangang
magbawas ng pahina para magkasiya ang badyet para sa publikasyon para sa
taong ito. (Nahuli ang pagpaplano ng libro kaya hindi ito nabigyan ng sariling
badyet para sa 2022 at ginamit na lamang ang pangkalahatang badyet para sa
publikasyon.) Gayunman, tiyak na maisasama ang mga ito kung magkakaroon
ng karagdagang badyet para sa susunod na taon.
Pangalawa, pumili ang editor ng sampu sa pinakamabuting ulat
mula sa masterklas ng 2021 at hiniling sa mga awtor ng mga ito na dagdagan
pa ang pananaliksik at isulat ang bawat ulat bilang artikulo na maaaring isama
sa libro. Naisulat at naibigay sa editor ang sampung sanaysay, ngunit nang
ibalik muli ang mga ito sa kani-kanilang awtor na may hinihingi pang dagdag
na pananaliksik o pagbabago, apat na lamang ang naisaayos na sanaysay. Ilang
beses pa ring nagbalik-balik ang mga sanaysay na ito sa pagitan ng mga awtor
at ng editor para maiwasto, madagdagan o maiayos ang mga datos. Sa huling
pag-eedit, may idinagdag pang mga datos, pangungusap o talata ang editor
para maging mas malinaw at kritikal ang ilan sa mga sanaysay.
Tiongson I Introduksiyon xxiii
Pangatlo, sa mga ulat ng mga grupo ng pangalawang masterklas,
pumili muli ang editor ng anim na sa tingin niya ay siyang may pinakamaayos
na presentasyon. Muli hiniling ng editor sa mga awtor ng mga ulat na ito na
dagdagan pa ang kanilang pananaliksik at iayos at isulat ang mga datos na
nakalap bilang artikulo para sa isang libro. Mabilis at magiliw na tumupad
sa kahilingan ang mga awtor. Inedit ng editor ang may tatlong bersiyon ng
mga artikulo at nagdagdag na rin ng datos at mga pangungusap ang editor
para mapakinis ang mga ito para sa publikasyon. Nakatutuwa na nagawa ang
pagsasaayos at pagpapakinis sa anim na artikulo sa loob lamang ng isa at
kalahating buwan. Gayunman, lima lamang sa anim na sanaysay ang naisama
sa libro dahil sa limitasyon ng badyet.
Sa huling pagtutuos, nabuo ang nilalaman ng librong ito. Ang unang
bahagi ay kalipunan ng siyam na sanaysay na naglalarawan sa apat na dulog sa
pangkalahatan (N. Tiongson), sa panitikan (G. Zafra), sa dula (N. Tiongson
at J. Respeto), sa sayaw (R. Matilac), sa musika (A. Tan), sa arkitektura (R.
Javellana), sa sining biswal (C. de la Paz), sa pelikula (N. Tiongson), at sa
radyo, telebisyon at digitial media (E. Enriquez). Ang pangalawang bahagi
ay koleksiyon ng siyam na artikulong isinulat ng mga guro ng PUP na
nakilahok sa una at pangalawang masterklas. May isang artikulo sa panitikan
(G. Cabrera), dalawa sa dula (J. Permejo at J.V. Clutario), isa sa sayaw (E.
Almirante-Andres), dalawa sa musika (M. Lobos at M. Ortiz, L. Requejo, at
A. Ortiz), isa sa arkitektura (F. Rivera, Jr.), isa sa sining biswal (L. dela Cruz),
at isa sa telebisyon (J. Malabanan). Tanging ang sining ng pelikula ang walang
representasyon. Para mas madaling maunawaan ang pagsusuri na ginawa
ng mga sanaysay ng mga guro ng PUP, naglagay ng isang folio sa pagitan
ng una at pangalawang bahagi. Nagtataglay ito ng mga larawang may kulay
ng mga obrang-sining na sinusuri ng mga sanaysay ng mga guro ng PUP sa
pangalawang bahagi.
At bilang dokumentasyon sa dalawang mabungang seminar-
worksyap, tinipon namin sa Apendise ang mga pangkalahatang paglalagom
ng masterklas 2021 at 2022 na ginawa at binasa ng direktor ng kurikulum sa
seremonya ng pagtatapos ng dalawang seminar-worksyap.
Sa pagwawakas, nais kong kilalanin at magpugay sa mga taong
malaki ang naging ambag sa publikasyong ito: una, sa mga dalubhasa at
iskolar na nagsulat ng mga sanaysay tungkol sa paggamit ng apat na dulog sa
pagsusuri ng iba’t ibang sining; pangalawa, sa mga guro ng PUP na naglaan
ng tiyaga at panahon para maihanda ang kanilang mga artikulo na may
handog na bagong kaalaman tungkol sa kulturang Pilipino; pangatlo, sa mga
kaibigan at organisasyong nagmamay-ari ng mga likhang-sining o larawang
ginamit sa folio ng libro na sina Imelda Cajipe-Endaya, Arvin Lim, Stanley
xxiv Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Gullab, Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Pilipino, The Writer's
Bloc, Vicor Records, Universal Records, Hub 2.0, Adamson Archives, at Eat
Bulaga; pang-apat, sa mga administrador na nagtaguyod sa mga masterklas at
sa publikasyong ito, kasama na ang dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura
(KAL), Dr. Romeo Peña; ang direktor ng Research Institute for Culture and
Language, Dr. Joseph Reylan Viray; ang direktor ng University Center for
Culture and the Arts at tagapangulo ng Department of Performing Arts ng
KAL, Prop. Bely Ygot, na siya ring unang kumilos para matuloy ang dalawang
masterklas ng DESK-TP; at panlima, sa pangkat ng patnugutan, na binubuo
ng lay-out artist na si Edrick Carrasco at si Prop. Jomar Adaya, hepe ng Center
for Philippine Studies, na siyang umugit sa proyekto sa lahat ng pinagdaanan
nito, mula sa paghahanap at pagsasaayos ng badyet at paghahanap at pagpili
ng imprenta hanggang sa pagsubaybay sa lay-out at pagpu-proofread ng
manuskrito, at pagtiyak na masusunod ang mga dedlayn at iskedyul na pinag-
usapan. Si Prop. Adaya ang tumayong project director, liaison officer, budget
officer, at assistant to the editor ng publikasyong ito.
Sa huli, nais kong iparating ang taos-pusong pasasalamat sa isa sa
pinakabantog at iginagalang na artista ng “social realism” sa bansa, si Egai
Fernandez, na bukas-palad na nagbigay ng pahintulot para magamit sa
pabalat ng publikasyon ang kaniyang kilala at nakabibighaning obra sa oleo
na pinamagatang “Hanap ay Laya.” Ito ay nilikha sa panahon ng batas militar
(1983) bilang simbolo ng mithiin ng taumbayan na makalaya sa mga pahirap
at pagsasamantala ng diktadurang Marcos. Ang imahen ng kayumangging
Inang Bayan na kumakandili sa kaniyang sanggol at kinakandili naman ng
kalikasan, habang payapang nakatunghay sa ilog ng kasaysayan, na nagdala
ng sakuna at kamatayan na kaniya nang napagtagumpayan, ang simbolo ng
pagkakamit ng bawat Pilipino ng kaniyang kaganapan bilang TAO sa lahat ng
antas ng kaniyang pagkatao.
Nicanor G. Tiongson
Editor at Direktor ng kurikulum,
DESK-TP Seminar-Worksyap
sa Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
para sa PUP 2021 at 2022
Tiongson I Introduksiyon xxv
Nicanor G. Tiongson
SINING AT KAMALAYANG
PILIPINO NA MAKA-TAO:
APAT NA DULOG SA PAGSUSURI
NG MGA LIKHANG-SINING
NG PILIPINAS
INTRODUKSIYON
M
ay ilan nang mahuhusay na sanggunian na naglalahad ng mga
pamantayan na maaaring gamitin sa pagsusuri at ebalwasyon ng mga
likhang-sining na Pilipino bilang sining. Gayunman, nais naming
bigyang-diin ang isa pang pagdulog sa pagsusuri ng ating mga sining --
dagdag sa mga pamantayang ginagamit na -- na nakatuon sa pamantayan
ng “pagka-Pilipino.” Nais nating linawin kung paano nga ba susukatin ang
“pagka-Pilipino” ng isang likhang-sining, samantalang tila mabuway ang
konseptong ito. Ito’y dahil napakaraming mukha ang Pilipino sa alinmang
kabanata ng ating kasaysayan, na madalas ay walang pagkakawangis, at
minsa’y magkatumbalik pa nga. Paano nga kaya matitimbang ang hulog at
halaga ng isang likhang sining ng isang artistang Pilipino sa kaniyang lipunan
at kapwa Pilipino sa panahon ng pagkakalimbag, pagtatayo o pagtatanghal
nito?
Layunin ng panayam na ito na: a) maglahad ng apat na dulog na
makatutulong para maunawaaan at mataya natin ang likhang-sining na
Pilipino; at b) tukuyin at ipaliwanag, sa partikular, ang pang-apat na dulog,
ang Kamalayang Pilipino na Maka-TAO (KAMPIT), na maaring gamitin para
matimbang natin ang bigat o gaan ng ating mga likhang-sining.
Sa sanaysay na ito, ang tinutukoy na likhang-sining na Pilipino
ay yaong a) obrang-sining na nilikha ng mga artistang Pilipino, gamit ang
1
alinman sa mga tradisyong pangkultura sa Pilipinas, kasama na ang katutubo,
Hispaniko, Anglo-Amerikano, at mga impluwensiyang global na tinanggap
at tinatanggap ng mga Pilipino; b) obrang-sining na nilikha ng mga Pilipino
bilang tugon sa kanilang kongkretong kapaligiran: sa heograpiya, klima,
sistema ng kabuhayan, sistema ng pamahalaan, sistema ng lipunan, at iba
pang kondisyon na kinailangan o kailangan nilang tugunan, angkupan
o pakitunguhan sa iba’t ibang kabanata ng ating kasaysayan; k) obrang-
sining na ginawa ng mga mamamayang Pilipino mula sa iba’t ibang rehiyon
ng Pilipinas, at pati na ng kanilang mga ninuno nang wala pang Pilipinas;
at d) obrang-sining na nilikha ng Pilipino para sa kapwa Pilipino at may
pakinabang, saysay, o silbi sa iba’t ibang antas ng buhay ng mga Pilipino.
Ang mga sining ay mauuri sa sumusunod: panitikan, mula bugtong
hanggang “spoken word;” arkitektura, mula bahay kubo hanggang gusali ng
CCP; sining biswal, mula bangang Manunggul hanggang “Itak sa Puso ni
Mang Juan;” musika, mula salidummay hanggang “Mga Kababayan Ko;”
sayaw, mula pangalay hanggang La Revolucion Filipina; dulaan, mula
pagdiwata hanggang Rak of Aegis; pelikula, mula Dalagang Bukid hanggang
Women of the Weeping River; at sa radyo, telebisyon, at digital midya, mula
Gulong ng Palad hanggang My Husband’s Lover.
ANG APAT NA DULOG SA PAGSUSURI
NG MGA LIKHANG-SINING NG PILIPINAS
Apat ang pangkalahatang dulog na maari at mungkahing gamitin
sa pagsusuri sa likhang-sining na Pilipino: a) ang pagsusuri ng obra bilang
likhang-sining; b) ang pagtukoy sa konteksto ng obra; k) ang paglalahad sa
naging dating ng obra sa manonood, gumagamit o mambabasa nito; at d) ang
pagbasa sa mga kahulugan ng obra sa lipunan gamit ang mga teoryang lokal
o banyaga, at ang pagtimbang sa obra sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO.
Pinaghihiwalay natin pansamantala ang pagtalakay sa apat na
dulog na ito para lamang malinawan ang kontribusyon ng bawat isa sa
pagsusuri ng isang likhang-sining; pero dapat tandaan na ang mga ito’y
madalas na nagsasanib dahil hindi talaga sila maipaghihiwalay sa tunay na
buhay. Halimbawa, ang pagtukoy sa kakaibang anyo at wika na ginamit ng
isang tula para talakayin ang isang nakababagabag na isyung panlipunan (na
saklaw ng unang dulog—ang obra bilang likhang-sining) ay maaring may
malakas na impluwensiya rin ng isang nakatatandang manunulat na guro at
idolo ng makata (na saklaw naman ng pangalawang dulog --ang konteksto
ng obra), at sinulat para kagiliwan di lamang ng kaniyang kapwa makata na
2 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
mahilig sa eksperimentasyon sa paggamit ng wika sa tula, kundi ng malawak
na sambayanan ng internet na uhaw sa mga akdang sariwa, malaman, at
maanghang (na saklaw naman ng pangatlong dulog--ang dating ng obra), at
nagsisiwalat sa paglabag sa mga karapatang pantao ng estado sa panahon
ng pagkakasulat nito (na saklaw ng pang-apat na dulog – ang Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO). Ang layon ng pagsusuri, kung gayon, ay ang
paghahabi ng iba’t ibang dulog na ito – dati man o bago -- para makabuo ang
kritiko ng isang makatwiran at matalisik na interpretasyon ng isang likhang-
sining.
ANG UNANG DULOG: ANG PAGSUSURI NG OBRA BILANG LIKHANG-SINING
Ano ba ang gustong ipahayag ng obra at paano niya ito ipinapahayag?
Sa unang dulog, sinisikap na maunawaan ang obra sa kaniyang sarili, ayon
sa midyum (e.g., ang pelikula), genre (e.g., naratibong pelikula) o estilo
(e.g., neo-realismo sa pelikula) na ginamit nito. Matapos matukoy ang mga
nabanggit, kailangang suriin ang mga elemento ng obra (e.g., sa pelikula, ang
iskrip, direksiyon, mga aktor, disenyong pamproduksiyon, sinematograpiya,
editing, tunog, musika, atbp.) at kung paano napag-uugnay-ugnay ang
mga ito ng artista para maipahayag sa masining na paraan ang kaisipan at
damdaming ibig niyang iparating at ipadama sa nanonood o nakikinig.
Sa dulog na ito, maaring gumamit ng mga dulog o elemento ng dulog
na hango sa mga teoryang tulad ng semyotika, hermenyutika, new criticism,
genre criticism, at iba pang makatutulong sa pag-unawa kung paano nabuo
ang nilalaman at anyo ng obra, kung ang mga ito ay nababagay sa obrang
sinusuri.
Sa panunuring pampanitikan, kailangan ang masinsing pagbasa
sa teksto para matukoy ang paksa, tema, genre, mga teknik ng panitikan na
ginagamit ng isang tula o malikhaing akda para ilahad o ilarawan ang ibig
niyang ipahayag o ipadama (Zafra 2022). Sa teatro, kailangang matukoy
at maunawaan ng kritiko kung paano pinagsanib ang mga elemento
ng produksiyong panteatro – iskrip, direksiyon, pagganap, disenyo ng
produksiyon, pag-iilaw, atbp. – para mapalutang ang interpretasyon ng dula
sa estilong realistiko o di-realistiko (Tiongson at Respeto 2022). Sa sayaw, ang
unang dapat pagtuunan ng pansin ng manunuri ay ang anyo ng sayaw – ang
kaniyang mga kilos, ang musika, at ang mga kasuotan at props, na pinagsasama
sa malikhaing paraan para mabuo ang isang sayaw (Matilac 2022). Sa musika,
ang unang dapat pag-aralan ng kritiko ay ang liriks ng kanta at tema nito, at
ang katangiang musikal nito, kasama na ang anyo o porma nito (e.g., Aa-Bb-
Cc), ang key na pinili nito (ang mayor ay mas magaan, ang menor ay mas
Tiongson I Apat na Dulog 3
mabigat), ang melodiya, ang instrumentasyon ng awit, at ang kalidad ng boses
ng kumakanta (Tan 2022).
Sa sining biswal, dapat suriin ang pintura sa antas na semyotiko o
ang paggamit ng kulay, linya, tekstura, at ibang elemento ng sining biswal, at
sa antas na ikoniko o ang pagbibigay-kahulugan sa imahe/mga imahe sa loob
ng kuwadro gamit ang nasabi nang elemento. (De la Paz 2022). Sa arkitektura,
dapat pansinin ang pangkalahatang anyo ng isang istruktura, ang materyales
na ginamit at estilong sinundan sa pagtatayo nito, ang plano at saysay ng mga
espasyo sa loob at labas ng istruktura, at dekorasyong pinili para pagyamanin
ito (Javellana 2022) Sa pelikula, ang unang dapat matukoy at maunawaan
ng kritiko ay ang lengguwahe ng pelikula, na binubuo ng mga elemento ng
pelikula: ang iskrip, direktor, aktor, disenyo ng produksiyon, sinematograpiya,
editing, musika, tunog, at scoring, at ang punto-de-bista (point of view) na
ginamit ng pelikula at kung paano pinagsanib ang mga ito para ipahayag ang
bisyon ng direktor (Tiongson 2022). Sa radyo at telebisyon, dapat ilahad ang
batayang datos ng obra (pamagat, prodyuser, midyum, genre, pamagat, artistic
at production staff) at pagkatapos ang paraan kung paano ginamit ang mga
elemento ng brodkast, tulad ng iskrip, pagganap, disenyo ng produksiyon,
videograpiya, editing, at iba pa, para ipahayag o isalaysay ang nilalaman o
kuwento ng programa sa radyo at telebisyon (Enriquez 2022).
ANG PANGALAWANG DULOG: ANG PAGTUKOY SA MGA KONTEKSTO NG OBRA
Walang nanggagaling sa wala. Kaya layunin ng pangalawang dulog,
na tukuyin ang mga kondisyon na may kinalaman sa pagkakabuo ng obrang
sinusuri, kasama na ang pagkatao ng artista, ang mga tao o pangyayaring
naging dahil ng paglikha, ang mga tradisyong pansining na nanaig sa
panahong iyon, ang kumbensiyon ng pagsasapubliko ng likhang-sining
(publikasyon, pagtatanghal, pag-eere), at mga institusyon o pangyayari sa
pulitika, ekonomiya, relihiyon, edukasyon, at iba pa, na umiral sa panahon
ng paglikha na maaaring nagkaroon ng epekto sa pagkakabuo ng likhang-
sining.
Dito magagamit marahil ang mga teoryang naglalayong ipaliwanag
ang artista bilang awtor ng kaniyang likhang-sining, tulad ng teoryang
auteur sa panitikan at pelikula sa aspekto ng tema at estilo, o ang relasyon ng
artista sa tradisyon at vice versa tulad ng tinutukoy ng genre criticism, o ang
mapagpasiyang epekto ng mga puwersang ekonomiko sa proseso ng paggawa
ng likhang-sining tulad ng isinisiwalat ng lapit ng political economy, o ang
naging tatak ng relihiyon, edukasyon, o kulturang popular sa likhang-sining.
4 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Sa panitikan, kailangang matukoy ang bakgrawn ng manunulat,
ang tradisyong pampanitikan, kontekstong pulitikal, sosyal, at kultural, ang
kumbensiyon sa pagbuo at distribusyon ng akdang pampanitikan, at ang
paggamit ng wika. (Zafra 2021). Sa teatro, matutukoy ang mga kondisyon
ng paglikha kung masasagot ang mga tanong na sino ang lumikha (ang
mandudula, direktor, prodyuser, grupong pantanghalan?), bakit nilikha
(para sa pista, paligsahan, adbokasiya, tagdula?), kailan itinanghal (panahong
malaya ang pamamahayag o may paniniil? Tradisyon sa sining?), para kangino
at saan itinanghal (mayayaman sa Makati, estudyante sa Diliman, obrero sa
pagawaan) (Tiongson at Respeto 2022). Sa sayaw, mahalagang maunawan
ang pinanggagalingan ng sayaw. Halimbawa, ang mga tradisyunal na sayaw
ay iniluluwal ng pangangilangan na mapagaling ang maysakit, mapaganda
ang ani, matalo ang kaaway na tribo, maturuan ang kabataan kung paaano
magtanim at gumapas, mangaso, at humawak ng kalasag at sandata. Sa modern
dance o modern ballet, kailangan ding sagutin ang katanungan na sino, kailan,
saan, paano, at para kangino (Matilac 2022). Sa musika, kailangang saliksikin
kung sino ang lirisist, kompositor, at interpreter ng awit, ang istorya sa likod
ng pagkakalikha nito, at ang mga kalagayang panlipunan at pansining na
naging inspirasyon ng awit o maaaring may kinalaman sa pagkakalikha nito
(Tan 2022).
Sa sining biswal, sa pagsagot ng mga katanungang sino, kailan,
saan, paano, kailangang tukuyin ang bakgrawn ng lumikha, ang mga
impluwensiyang pansining at panlipunan nang ginawa ang obra, at iba pang
mga kondisyon nang gawin ang likhang-sining. Sa arkitektura, mahalagang
saliksikin kung sino ang tumustos at sino ang nagdisenyo at nagtayo ng
istruktura, ano ang pangangailangang tinugunan nito, ang magiging iba-
ibang gamit nito sa iba-ibang uri ng tao, at ang mga estilo, kumbensiyon,
at tuntunin sa pagtatayo ng istruktura sa panahong iyon. Sa pelikula,
kailangan ding sagutin ang mga katanungang sino, bakit, kailan, saan, at para
kangino, kasama na ang kondisyon sa ekonomiya at pulitika sa panahon ng
pagkakagawa ng pelikula at ang mga impluwensiyang pansining sa panahong
iyon (Tiongson 2022-a). Sa radyo at telebisyon, dapat tukuyin ang mga
kondisyon ng produksiyon sa iba-ibang genre ng programa -- ang may-
ari ng istasyon at ang mga pamilyang elit na umuugit ng midya, ang mga
nagpapa-anunsiyo o adbertayser, ang mga artista at teknisyan ng brodkast
na siyang aktuwal na lumilikha ng obra, ang mga kondisyon sa lipunan at
umiiral na trend sa brodkasting, ang mga impluwensiyang pansining at pang-
midya mula sa Pilipinas o ibang bansa (Amerika, Mehiko, Korea, atbp.), ang
feedback sa manonood o tagapakinig o ratings na mahalagang konsiderasyon
sa pagprodyus ng isang programa at paraan ng paggawa dito (Enriquez 2022).
Tiongson I Apat na Dulog 5
ANG PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG OBRA SA ODYENS
Ang bawat likhang-sining ay hinubog hindi lamang bilang
pagpahayag ng isipan at damdamin ng isang artista kundi upang maparating
at maparamdam ang isipan at damdaming ito sa manonood at nakikinig.
Layon ng dulog na ito na suriin ang dating (unang ginamit ni Bienvenido
Lumbera sa panunuri ng akdang pampanitikan, Lumbera 2000) ng akdang
pampanitikan, pagtatanghal sa entablado, programa sa brodkast, pelikula,
objet d’art, istruktura, at iba pang likhang-sining sa publikong nakakikita,
nakaririnig, nakararanas ng mga ito. Ano ang mga kaisipan at damdaming
taglay ng likhang-sining na tumitiim sa kanilang puso at isipan at bakit?
Sangkot sa konsepto ng dating ang estetika ng isang likhang-sining, na siyang
dahilan kung bakit ang likhang-sining ay madali o mahirap matanggap ng
odyens.
Sa dulog na ito, maaring makatulong ang mga teoryang tulad ng
“reader response theory” o “audience reception theory,” na nagsasabi na ang
kahulugan ng isang likhang-sining ay hindi lamang iyong sadyang inilalagay
dito ng artista kundi yaong nililikha din ng manonood o mambabasa batay
sa kaniyang indibiduwal na pagkatao (edad, kasarian, uri, lahi, relihiyon,
kultura) at panahon at lunan ng pagbabasa o panonood. Ang ganitong dating
ng likhang-sining ay maaari ring matantiya sa mga nalathalang rebyu o
pagsusuri ng obra, sa mga audience ratings, sa ratings ng regulatory bodies,
sa mga pagkilalang tinanggap nito, sa lehitimo at responsableng feedback
sa social media, at sa paulit-ulit na pagtatanghal, pagpapalimbag, pag-
eere ng likhang-sining. Maaari rin marahil gamitin dito ang mga teoryang
Pilipino tulad ng Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez at Pantayong
Pananaw ni Zeus Salazar para maunawaan kung bakit ang isang likhang-
sining ay katanggap-tanggap o hindi sa manonood o mambabasang Pilipino.
Halimbawa, nagtataglay ba ito ng mga halagahin o katangiang kinalulugdan ng
uri o sektor ng manonood o mambabasang Pilipino na ibig nitong marating?
Epektibo ba ang likhang sining dahil “tayo” na kapwa Pilipino ang nag-uusap
dito at walang ambisyon ang artista na maibigan ang kaniyang likha ng mga
banyaga o makasungkit kaya ng international award?
Para matukoy ang dating ng panitikan sa bumabasa o nakikinig
dito, maaaring gamitin ang lente ng iba’t ibang teorya, tulad ng feminismo,
marxismo, post-koloniyalismo, post-istrukturalismo, at iba pa (Zafra 2022).
Sa teatro, ang magandang pagtanggap sa isang pagtatanghal ay batay sa kung
ito’y magaan ang dating (sa tainga, mata, loob), malaman ang dating (dahil
sa mga isyung tinatalakay), superyor o bongga ang dating (dahil magaan at
malaman na ay napaka-orihinal pa ng produksiyon), ngunit ipinaaalala rin
na marami ang pamantayan ng estetika sa bansa at patuloy na nagbabago
6 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ang estetika kasabay ng pagbabago ng mga kondisyon ng pagtatanghal, ng
odyens, at ng lipunan na rin (Tiongson at Respeto 2022). Sa sayaw, mahalaga
at maganda ang dating ng katutubong sayaw sa grupong etniko dahil ito
ang nagbibigay sa kanila ng identidad at nag-uugnay sa kanila sa kanilang
nakaraan at sa isa’t isa, at nagpapatibay sa konsepto ng “cultural diversity” o
pagkakaiba ng mga kultura. Mananamlay ang identidad na ito kung mananaig
ang globalisasyon, at pababayaan na lamang ito ng kabataan at ng mga taong
nagtataguyod dito. Sa ballet, modern dance, at folkloric dance, nagiging
maganda ang dating ng sayaw kung malaman at interesante ang pinapaksa
ng sayaw, mahusay ang korograpiya at pagkakasayaw ng mga artista, at bagay
at pulyido ang mga kostyum at props, tunog, at pag-iilaw (Matilac 2021). Sa
musika, maganda ang dating ng awit dahil may mahalagang mensahe ang
mga awit sa nakikinig, at gumagamit ito ng mga tradisyon o genreng musikal
na kilala na o patok sa mga nakikinig. Maaari ring matantiya ang dating ng
awit o likhang pangmusika sa laki ng benta ng kaniyang mga rekording o
dalas ng pagkanta sa kaniya sa iba-ibang media platform o rebyu at pagkilala
ng mga kritiko, at naging impluwensiya sa iba pang kompositor ng musika.
(Tan 2022)
Sa sining biswal, malalaman natin ang epekto ng isang likhang-sining
kung matutukoy natin ang naging resepsiyon ng madla sa likhang-sining na
ito -- sa mga pagsusuri ng mga kritiko, pagkilala ng mga grupong pansining,
pagkakasama sa mga antolohiya o kanon ng pinakamahahalagang obra, at
reaksiyon sa art market at social media (De la Paz). Sa arkitektura, mapipiho
ang epekto ng isang istruktura sa aktuwal na paggamit at pagdanas dito.
Halimbawa, natugunan ba nito nang maayos o hindi ang pangangailangan
na siyang layong tugunan ng istrukturang ito. At paano? Bagay ba ito sa
klima at ekonomiya ng Pilipinas, sa relasyong panlipunan o pampamilya,
mga tradisyon at kaugalian, sistema ng paniniwala at ng pagpapahalaga ng
mga gumagamit dito? Sa pelikula, isa sa maaaring pagtuunan ng pansin ay
ang epekto ng pelikula sa manonood at sa mas malawak na bansa nang una
itong palabasin, at nang mapanood ito muli sa ibang panahon (e.g., ang mga
suliranin bang tinistis ng pelikula ay wala na o naroon pa rin at bakit?) Maaari
ring gamiting sukatan ng dating ang dami ng nanood sa pelikula at aktuwal na
reaksiyon ng mga ito sa loob ng sinehan, ang mga rebyu, kritisismo, o feedback
na natanggap ng pelikula sa mga jornal, magasin, diyaryo, radyo, telebisyon,
at social media, at ang mga tinanggap nitong award at pagkilala mula sa iba-
ibang grupo (mga kritiko ba o taong-pelikula o movie writers ang nagbigay?)
(Tiongson 2022). Sa radyo at telebisyon, dapat suriin ang ratings ng mga
programa ng brodkast para malaman kung alin sa mga ito ang tinatangkilik
ng higit na maraming manonood o tagapakinig. Madalas ang ratings na ito
ang nagiging batayan sa pagdedesisyon kung anong uri ng programa ang
dapat iprodyus ng istasyon at batayan din ng mga adbertayser para malaman
Tiongson I Apat na Dulog 7
kung saan magkakaroon ng maximum exposure and kanilang produkto. Sa
pagsusuri ng ilang iskolar ng midya, ang karaniwang nagugustuhan ng mga
manonood ay iyong mga programa sa radyo at telebisyon na nakahiratihan na
nila, sa punto ng nilalaman at produksiyon. Maaari ring gawing sukatan ng
dating ng programa sa brodkast ang mga rebyu o reaksiyon sa programa na
lumalabas sa mga pahayagan o jornal o sa social media. At siyempre, di dapat
kalimutan ang isa pang mahalagang sukatan ng kahusayan -- ang mga gawad
o pagkilala na natanggap ng programa, lalo na sa mga grupong propesyunal
na may kredibilidad at track record.(Enriquez 2022)
Matapos maipaliwanag ang obra bilang likhang-sining, ang konteksto
na nagluwal sa likhang-sining, at ang dating ng likhang-sining sa manonood,
kailangan ding suriin ang kabuuang kahulugan nito at ang timbang nito sa
pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
ANG PANG-APAT NA DULOG: ANG SAYSAY NG LIKHANG-SINING
AT TIMBANG NITO SA KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Sa dulog na ito, pinagtutuunan ng pansin ang kahulugan ng
likhang-sining at ang kahalagahan nito sa pananaw ng Kamalayang Pilipino
na Maka-TAO. Para tukuyin ang kahulugan ng isang akda sa mambabasa
o manonood, maaaring gamitin ang mga teoryang lokal o banyaga para
maisiwalat, halimbawa, ang pananaw sa kababaihan, kalalakihan, LGBTQ+,
sa mahirap at mayaman, sa banyaga at kapwa Pilipino, at iba pa, na itinuturo at
pinatatanggap ng likhang-sining sa nanonood o nakikinig; ang mga teoryang
tumutukoy sa papel na ginagampanan ng likhang-sining bilang “Ideological
State Apparatus” (ISA) na nagpapatibay sa patuloy na pag-iral ng elit at
establisimiyento, o sa pagpapalakas ng “hegemony” o gahum ng naghaharing
uri; at mga teoryang postkolonyal na nagsisiwalat kung paanong umaayon o
tumututol ang likhang-sining sa negatibong representasyon ng taga-Silangan
na binuo ng mga taga-Kanluran bilang patunay na mababa ang mga ito, kaya’t
tama lamang na sila’y sakupin at pagharian ng mga taga-Kanluran.
Matapos matukoy ang tunay na sinasabi o kahulugan ng likhang-
sining batay sa iba’t ibang teoryang banyaga o lokal, kailangan pa ring ipakita
kung ano ang timbang ng mensahe ng likhang-sining na ito sa mga Pilipino
bilang tao sa isang tiyak na panahon, at dito na nga maaaring gamitin ang
iminumungkahi naming Kamalayang Pilipino na maka-TAO.
Ano nga ba ang “kamalayan”? Sa pakahulugan ng Oxford English
Dictionary, ang kamalayan ay “consciousness” o pagkamalay sa iyong sarili
(sa lahat ng iyong mga iniisip, alaala, damdamin, at pandama) at sa mundong
8 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
nakapaligid sa iyo (ang kapaligiran na pisikal at di-pisikal.) Malinaw na ang
kamalayang ito ay hinubog at patuloy na hinuhubog ng ating mga dinanas
sa nakaraan at dinaranas sa kondisyon ng lipunan sa kasalukuyan, at pati na
ibig nating danasin sa kinabukasan (sa pamamagitan ng ating imahinasyon).
Ang kamalayang ito rin ang batayan ng punto-de-bista ng isang tao, na gamit
niya sa pagharap niya sa iba’t ibang sitwasyon, sa pakikitungo sa kapwa tao
at kapaligiran, at sa iba pang maaari niyang gawin na may epekto sa kaniya,
sa kaniyang kapwa, at sa lipunan. Kung gayon, hindi ito pasibong kaalaman
o kamalayan lamang, kundi kamalayang pinanggagalingan ng ating mga
pagpapasiya at pagkilos sa buhay.
Kung ang unang kahulugan ng Kamalayang Pilipino na tinukoy
sa itaas ay deskripsiyon ng isang bagay na nahubog na, bagamat patuloy
pa ring tumutugon sa mga pagbabago at pangangailangang kinakaharap,
ang pangalawang pakahulugan sa Kamalayang Pilipino na Maka-TAO ay
preskripsiyon. Iminumungkahi natin na idagdag sa Kamalayan ng Pilipino
ang pangalawang pakahulugan na Kamalayan para sa Pilipino bilang TAO o
Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. Alam nating lahat na ang kamalayan ay
maaring mabago ng panahon o mga kondisyon sa lipunan o sa pagpapasiya
ng taong may kamalayan. Sa mungkahing ito, ilalangkap sa kasalukuyang
Kamalayan ng Pilipino ang Kamalayang Pilipino na Maka-TAO, upang
mabigyan ang una ng isang pamantayang magagamit sa pagsusuri at
pagtimbang hindi lamang sa mga likhang-sining ng nakaraan at kasalukuyan,
kundi sa lahat na ng mga minanang kaugalian, paniniwala, at pangkalahatang
kalinangan. Bakit kailangang suriin at timbangin ang namanang kalinangan?
Sapagkat marami sa mga minana nating pananaw, paniniwala, kaugalian,
halagahin, at mga likhang-sining na rin ay may mga katangiang negatibo
na hindi na dapat baunin sa ating tutunguhing kinabukasan, kasama na
ang pananaw na elitista, awtokratiko, patriyarkal, at neokolonyal na umiiral
hanggang sa kasalukuyan.
Ano nga ba ang Kamalayang Pilipino na maka-TAO? Ito ang
kamalayang nagsusulong sa kaganapan ng bawat Pilipino bilang TAO, sa antas
na pisikal, sikolohikal, intelektuwal, ispirituwal, pulitikal, pangkabuhayan,
at kultural, anuman ang kaniyang kasarian, edad, lahi, relihiyon, rehiyon,
etnisidad, uri o okupasyon. Sinasagisag ng salitang TAO – na binabanghay sa
malalaking letra – ang kaganapan ng Pilipino bilang tao sa lahat ng antas ng
kaniyang pagkatao.
Ngunit sa anong paraan maaaring makamit ng Pilipino ang kaniyang
kaganapan bilang TAO? Ang kaganapang ito ay nakakamit sa patuloy na
pagsasanggalang, pagtataguyod, at pagpapalakas ng kaniyang mga batayang
Tiongson I Apat na Dulog 9
karapatan. Kasama sa mga karapatang ito (ang unang bersiyon nito ay unang
tinakalay sa Tiongson 2022-b):
a. ang karapatang mabuhay at ipagtanggol ang sariling buhay;
b. ang karapatang mamuhay bilang mamamayan ng isang
malayang bansa na may sariling ekonomiya, pulitika, at
kultura;
k. ang karapatan na kumita ng sapat para mabuhay at
makabuhay ng pamilya;
d. ang karapatan na alagaan at makipamuhay sa kalikasan na
siyang sinapupunan ng buhay;
e. ang karapatan sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng
kasarian o gender;
g. ang karapatan na ipagtanggol at pagyamanin ang bawat
etnisidad;
h. ang karapatan na makapag-aral at linangin ang mga talento;
i. ang karapatang pumili ng magiging kasama, kaibigan, at
kabiyak, anuman ang gender o kasarian nito, kahit pa ito di
kilalanin ng batas o simbahan.
l. ang karapatan na payabungin ang kaniyang kaluluwa, sa
tulong ng alinmang relihiyon, kung ang relihiyong iyon ay
hindi mapang-api sa kapwa at marunong gumalang sa mga
karapatang pantao; at
m. ang karapatang makilahok sa pagpapatakbo ng pamahalaan
sa pamamagitan ng eleksiyon at pagpapahayag ng sariling
kaisipan at damdamin sa mga demonstrasyon, mga sining
ng dula, musika at sayaw, sa mga sining biswal, sa print
midya, radyo, telebisyon, at bagong midya.
Karamihan sa mga karapatang ito ay kinikilala na noon pa man ng Universal
Declaration of Human Rights ng United Nations (1948).
Kung magagawa lamang igalang at isanggalang ng pamahalaan,
relihiyon, komersiyo, paaralan, pamilya, at iba pang institusyong panlipunan
ang mga batayang karapatang ito, sisibol at lalago ang “pakikipagkapwa-tao,”
ang “core concept” o ubod na kaisipang naglalarawan sa pinakamataas na uri
ng pakikipag-ugnayan ng Pilipino sa mga taong iba at hindi iba sa kaniya.
Ayon kay Enriquez, ang pakikipagkapwa ay batay sa paniniwala na ang bawat
tao at kaniyang kapwa tao ay may “shared identity” na nanggagaling umano
sa “collective values shared with the rest of humanity and the deep respect for
the dignity and inherent worth of a fellow human being.” Saklaw ng “kapwa
tao” hindi lamang ang iba pang Pilipino kundi ang lahat ng tao sa mundo.
Sapagkat ang pakikipagkapwa ay “humanness at its highest level.” (Enriquez
10 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
1998, 52-3) Sa aming palagay, ang “humanness” na ito na gumagalang sa
karapatan ng bawat tao, anuman ang lahi, wika, uri, bansa, relihiyon, kasarian,
edad, etnisidad o kultura niya, ang dapat na maging batayan ng tunay na
“internationale” o pagkakapatiran sa buong daigdig.
Sa paglalapat natin ng karapatang pantao bilang batayan at diwa ng
Kamalayang Pilipino na Maka-TAO, naiiwasan natin ang mga pamantayan
at konseptong nagpapalabo sa konsepto ng kung ano o sino ang tunay na
Pilipino at ang mga kontrobersiyang kaakibat nito. Una, maaangkupan ang
katotohanan na hindi iisa kundi maraming “psychologies” ang Pilipino
(Enriquez 1998, 38) at ang katunayan na saklaw ng katawagang “Pilipino”
– sa ayaw nati’t sa gusto -- ang lahat ng uri ng mamamayang Pilipino,
mula mapagmalasakit na social worker hanggang korap na diktador, mula
mambubulok ng Smokey Mountain hanggang matrona sa Forbes Park, mula
tindera ng isda hanggang big time ismagler. Pangalawa, matutulayan din ang
malaking guwang na tinukoy ni Zeus Salazar sa pagitan ng “kalinangang
bayan” ng karaniwang tao at ng “kulturang nasyunal” ng mga edukadong
nakaaangat sa buhay. Halimbawa, hindi awtomatikong mabuti ang isang
obrang sining, tradisyon, kaugalian, o pananaw dahil ito’y iniluwal at kinandili
ng “kalinangang bayan” sa maraming dantaon; at, sa kabilang banda, hindi
rin naman awtomatikong masama ang likhang-sining, kaugalian, pananaw
o ideolohiya na nilikha ng o para sa edukadong nakaririwasa na kabilang sa
“kulturang nasyunal.” (Salazar sa Navarro 1997). Pangatlo, maiigpawan ang
napakaraming interpretasyon ng mga values o halagahing umano’y “Pilipino”
na madalas ay salungat at nagkakabanggaan. Halimbawa, ano ba talaga ang
kahulugan o mga kahulugan ng pakikisama, utang na loob, at hiya sa araw-
araw na pamumuhay at pakikipag-ugnayan ng mga Pilipino? Pang-apat,
maisisiwalat din natin ang ginagawang bastardisasyon ng pagka-Pilipino ng
mga may-kapangyarihan. Halimbawa ng bastardisasyon ang ginagawang
paggamit ng mga awtokratikong lider sa “pagka-Pilipino” o “nasyunalismo”
para maisulong ang kanilang marahas na paghahari sa bansa. Matatandaan
na noong panahon ng batas militar inabuso ng mag-asawang diktador na
Marcos ang mito ng Malakas at Maganda para ilarawan ang kanilang sarili
bilang Ama at Ina ng sangka-Pilipinuhan upang matanggap ng karaniwang
Pilipino ang patuloy nilang pananatili sa puwesto at pandarambong sa kaban
ng bayan. Panlima, magkakaroon tayo ng urian para tuklasin kung ang isang
ideolohiya, organisasyon, o institusyon ay tunay ngang maka-TAO o ito’y
lumalabag din sa karapatang pantao para masuhayan ang kapangyarihan
ng liderato o naghaharing elit. At pang-anim, may magagamit na rin tayong
sukatan para matantiya kung aling mga teorya, lokal man o banyaga, ang
maaaring magamit di lamang para matukoy ang kasiningan at kahulugan
ng isang likhang-sining kundi para maipagtanggol at mapalakas ang mga
karapatang pantao ng bawat Pilipino.
Tiongson I Apat na Dulog 11
Kung gayon, ang ating pagpupunyagi ay hindi dapat ibuhos sa
paghahanap lamang ng “identidad na Pilipino” -- pagkat marami ngang
mukha at pabago-bago ang identidad na iyan kaya’t mabuway ang konseptong
ito-- kundi sa pagpupursigi na makamit ng bawat Pilipino ang kaganapan
niya bilang TAO. Identity is not our destination but the point of origin from
which we set out on our journey of transformation. Ang pagka-Pilipino ay
hindi pook na pupuntahan natin kundi pantalan na lunsaran lamang ng ating
paglalakbay /pagbabanyuhay para marating ang ating tunay na destinasyon:
ang pagkakamit ng lahat ng Pilipino ng kanilang kaganapan bilang TAO. Sa
pagsagwan natin tungo sa destinasyong iyon, unti-unti na rin nating binubuo
ang ating pangarap -- ang gintong lipunan ng pakikipagkapwa. Dagdag pa, sa
paghuhubog ng lipunang iyon ay mabibigyan na rin natin ng tiyak na anyo ang
higit na marangal na identidad natin bilang mga Pilipino. Sa transpormasyon
ng kasalukuyang Pilipino, unti-unting lilitaw ang identidad ng malayang
Pilipino na ganap ang pagkatao at mabubuo ang lipunang binubuhay at
ginagabayan ng tunay na pakikipagkapwa-tao. Ang pagka-Pilipino kung
gayon ay atin lamang pinanggagalingan at magiging kinahinatnan sa
pagkakamit ng Pilipino ng kaganapan ng kaniyang pagka-TAO.
Sa madaling salita, kung iaahon natin ang konsepto ng Pilipino sa
lahat ng naghihidwaang deskripsiyon nito at ipapako natin ang pagiging
tunay na Pilipino sa pagiging tunay at ganap na TAO, lilinaw ang dapat
nating maging pagtanaw sa lahat ng bagay -- sa ating mga likhang-sining,
kasaysayan, kultura, tradisyon, kaugalian, mga institusyon, at iba pa. Iisa lang
ang magiging tanong: nakatutulong ba o nagiging balakid ang likhang-sining
(o kaugalian o paniniwala o institusyon) na ito sa pagkakamit ng Pilipino
ng kaniyang kaganapan bilang TAO -- sa antas na pisikal, sikolohikal,
intelektuwal, ispirituwal, pulitikal, pangkabuhayan, at kultural -- anuman
ang kaniyang kasarian, lahi, relihiyon, rehiyon, etnisidad, uri o okupasyon,
sa panahon ng pagkakalimbag o pagkakatanghal o paglaganap sa bayan ng
likhang-sining na ito?
PANGWAKAS: SINING AT KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Bilang paglalagom, inilahad ng papel ang apat na dulog na maaaring
gamitin sa pagsusuri ng isang likhang-sining:
1) Ang pagsusuri sa obra bilang likhang-sining;
2) Ang pagtukoy sa konteksto ng pagkakalikha o mga kondisyong
maaring nagkaroon ng impluwensiya sa pagkakabuo ng
likhang-sining;
12 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
3) Ang pagpapaliwanag sa naging dating ng likhang-sining sa
tumitingin o nakikinig nang ito ay inilimbag, ipinalabas, itinayo
o itinanghal; at
4) Ang pagpiho sa kahulugan ng likhang-sining at ang timbang
nito sa perspektiba ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO o
kamalayang tumitiyak kung ang likhang-sining ay nakatutulong
o nakasasagabal sa pagkakamit ng mga Pilipino ng kaganapan
ng kanilang pagkatao -- sa antas na pisikal, sikolohikal,
intelektuwal, ispirituwal, pulitikal, pangkabuhayan, at kultural.
MGA SANGGUNIAN
De la Paz, Cecilia. 2022. “Sining Biswal at Lipunang Pilipino: Mga Pamantayan
sa Pagbasa at Pagtasa sa Mga Obra ng Sining Biswal sa Pilipinas.”
Ikalawang DESK-TP Masterklas sa Sining at Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO para sa PUP. Agosto 24. Sa librong ito.
Enriquez, Elizabeth. 2022. “Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang-
Brodkast ng Pilipinas.” Ikalawang DESK-TP Masterklas sa Sining
at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO para sa PUP. Agosto 29. Sa
librong ito.
_______________. 2022-a. “Radyo, Telebisyon, at Internet.” Lektyur para sa
Ikalawang DESK-TP Masterklas sa Sining at Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO para sa PUP. Agosto 29
Enriquez, Virgilio. 1998. From Colonial to Liberation Psychology. Quezon
City: University of the Philippines Press. 52-3.
Hernandez, Tomas G. 1976. “The Emergence of Modern Drama in the
Philippines (1898-1912).” Philippine Strudies Working Paper No.1.
Asian Studies Program. University of Hawaii.
Javellana, Rene B. 2022. “Basahin ang Arkitektura: Mga Pamantayan sa
Pagsusuri ng Obrang-Arkitektura sa Pilipinas.” Ikalawang DESK-TP
Masterklas sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO para sa
PUP. Agosto 2. Sa librong ito.
Lumbera, Bienvenido. 2000. “Dating: Panimulang Muni sa Estetika ng
Panitikang Filipino.” Writing the Nation/Pag-akda sa Bansa. Quezon
City: University of the Philippines Press. 210-224
Tiongson I Apat na Dulog 13
Matilac, Rosalie. 2022. “Mula Pangalay Hanggang One Ton Pinay: Mga
Pamantayan sa Pagsusuri ng Mga Sayaw ng PIlipinas.” Ikalawang
DESK-TP Masterklas sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-
TAO para sa PUP. Agosto 19. Sa librong ito.
Navarro, Atoy, Mary Jane Rodriguez at Vicente Villan (mga ed.) 1997.
Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan. Lungsod Mandaluyong:
Palimbagang Kalawakan.
Sebastian, Federico (ed.). 1955. Ang Dulang Tagalog. Manila: Bede’s Publishing
House.
Tan, Arwin. 2022. “Pakinggan, Namnamin, Suriin: Mga Pamantayan sa
Pagsusuri ng Musika ng Pilipinas.” Ikalawang DESK-TP Masterklas
sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO para sa PUP. Agosto
17. Sa librong ito.
Tiongson, Nicanor G. 2022-a. “Paano Nga Ba Magbasa ng Pelikula?: Apat na
Dulog sa Pagsusuri ng Pelikulang Pilipino.” Ikalawang DESK-TP
Masterklas sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO para sa
PUP. Agosto 26. Sa librong ito.
_________________. 2022-b. “TAPAT: Teatro para sa Tao.” Isyung Sentenyal.
Unitas. (95) 2, 2022. 266-86.
_________________. 2004. The Women of Malolos. Quezon City: Ateneo de
Manila University Press.
__________________ at Respeto, Jerry C. 2022. “Paano Nga Ba Manood
ng Dula?: Apat na Dulog sa Pagsusuri ng Pagtatanghal ng Dulang
Pilipino.” Ikalawang DESK-TP Masterklas sa Sining at Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO para sa PUP. Agosto 15. Sa librong ito.
Tolentino, Rolando B. 2022. “Kritisismong Pelikula.” DESK-TP Masterklas sa
Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO para sa PUP.
Zafra, Galileo S. 2022. “Loob, Ligid, at Lalim ng Tekstong Pampanitikan:
Pangkalahatang Dulog sa Pagbasa.” Ikalawang DESK-TP Masterklas
sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO para sa PUP. Agosto
12. Sa librong ito
14 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Galileo S. Zafra
LOÓB, LÍGID, AT LÁLIM NG
TEKSTONG PAMPANITIKAN:
PANGKALAHATANG DULÓG
SA PAGBÁSA
PANIMULA
A
ng panitikan ng Pilipinas ay binubuo ng mga teksto, nakasulat o
binibigkas, na nagsisilbing pahayag ng mga Filipino, indibidwal man
o kolektibo, tungkol sa kanilang karanasang personal o pananaw sa
lipunan o sa mundo. Tumutukoy ito sa mga pangunahing anyo tulad ng tula,
maikling kuwento, nobela, sanaysay, at sa mas tiyak pang anyo sa ilalim ng
bawat isa. Dahil sa heograpikong katangian ng kapuluan at sa karanasang
kolonyal at sa pakikipag-ugnayan ng bansa sa iba’t ibang kultura, nakasulat
ang panitikan ng Pilipinas hindi lamang sa wikang pambansa, ang wikang
Filipino, kundi maging sa iba’t ibang wikang katutubo at wikang banyaga.
Mahigpit na nakakawing ang pag-unlad ng panitikan ng Pilipinas
sa karanasan ng lipunan. Sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng bansa,
may matingkad na mga paksa at paraan ng pag-akda o kumbensiyong
pampanitikan na bumubuo ng maituturing na tradisyong pampanitikan.
Kabilang sa maihahalimbawang tradisyong ito ang tradisyong katutubo,
tradisyong Hispaniko, tradisyong Amerikano, at tradisyong pampanitikan
pagkaraan ng ikalawang digmaang pandaigdig, panahon ng batas militar,
pagkaraan ng EDSA Revolt ng 1986, at iba pa. Patuloy na nagbabanyuhay ang
panitikan ng Pilipinas habang nagbabago rin ang lipunan.
Mahihiwatigan na maraming salik ang humuhugis sa nilalaman at
katangian ng panitikan. Mahalaga kung gayon ang pag-ampon ng paraan
ng pagbasa o pagsusuri ng akdang pampanitikan na magsasaalang-alang sa
iba’t ibang konteksto ng paglikha, pagtanggap, at paglaganap ng panitikan, at
15
magpapaliwanag sa masalimuot na ugnayan ng teksto at mga konteksto nito
upang mapatingkad ang saysay at silbi ng panitikan.
Maraming iba’t ibang paraan ng pagbasa o pagsusuri ng panitikan.
Tatlo dito ang tatalakayin: 1) masinsing pagbasa (close reading), 2) kontekstuwal
na pagbasa (contextual reading), at 3) aplikasyon ng teorya, pananaw, o lenteng
pampanitikan o pansining. Maituturing na kumakatawan ang bawat paraan
sa tatlong aspekto ng tekstong pampanitikan—ang loob, ligid, at lalim ng
teksto. Itinatampok ang tatlong paraang ito hindi upang pagpilian kundi para
unawain kung anong aspekto ng panitikan ang pinatitingkad ng bawat paraan
ng pagsusuri at kung paano mapaglalangkap ang mga ito upang makabuo ng
higit na produktibong pagbasa sa panitikan.
LOOB: ANG AKDANG PAMPANITIKAN BILANG LIKHANG-SINING
Ang masinsing pagbasa ay ang pagtukoy sa mahahalagang
impormasyon, detalye, elemento, at iba pang katangian ng tekstong
pampanitikan. Maituturing itong paraan ng pagpapaloob sa teksto. Maaaring
hakbang-hakbang ang pagpasok sa loob—mula sa 1) pahapyaw na pagmalas
sa teksto, 2) unang pagbasa, hanggang sa 3) masinsing pagbasa o ang isa-isang
pagtiyak sa mga elemento at estratehiya ng teksto.
Sa pahapyaw na pagmalas sa teksto, puwedeng bigyang-pansin ang
ilang aspekto nitong madaling makita: ang pamagat, pangalan ng awtor, taon
o petsa ng paglilimbag, haba, wikang ginamit, at iba pang madaling mamalas
sa unang pagsipat. Sa unang pagbasa naman, maaari nang matukoy ang paksa
batay sa mga salita at detalye sa teksto, pati na ang pangkalahatang balangkas
ng teksto. Sa masinsing pagbasa, puwede nang suriin ang mga pangunahing
elemento ng teksto. Alalahanin na bawat genre o anyo ng panitikan ay may
iba’t ibang sangkap at katangian. Halimbawa, kung tula, inaasahan ang tugma
at sukat (kung tradisyonal na tula), persona, tagpuan (lugar at panahon)
talinghaga, himig, iba-ibang paraan ng paglikha ng tunog, bukod pa siyempre
sa layon (ang pinag-uusapan sa tula) at layunin (ang nais ipahayag ng makata
tungkol sa pinag-uusapan). Kung naratibo tulad ng mga maikling kuwento o
nobela, naroon ang mga tauhan, tagpuan, banghay, tunggalian, at kalutasan.
Kung malikhaing sanaysay, matutukoy ang paksa, dulog sa padevelop ng
paksa, punto-de-bista, tinig, himig, estruktura, pamamaraang retorikal, at
kongkretong detalye.
Ang mga nabanggit ay mga pangkalahatang elemento lamang ng
mga pangunahing anyo ng panitikan. Bawat anyo ay may mga mas tiyak na
sangay na anyo (sub-genre), at bawat isa sa mga ito ay may kani-kaniyang
katangian o kumbensiyon. Halimbawa, sa tula, magkakaiba ang dapat asahan
16 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
sa bugtong, salawikain, tanaga, awit, korido, duplo, balagtasan, hanggang sa
mga halimbawa ng kontemporaneong panulaan. Kaya naman makatutulong
sa isang nagbabasa o sumusuri ng panitikan ang gumawa ng dagdag na
saliksik upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa kumbensiyon ng mga
genre o sub-genre ng panitikan. Gamit ang kaalamang ito, puwede rin nating
mabatid hindi lamang kung paano sumusunod ang isang manunulat sa mga
kumbensiyon kundi kung paano rin maaaring binabago o binibigo ang ating
mga ekspektasyon upang maitaguyod ng manunulat ang pakay ng kaniyang
pagsulat.
Sa pagpasok sa loob ng teksto, maaaring gamitin ang ilang gabay na
tanong:
1. Sa unang malas sa teksto, ano-anong impormasyon ang agad na
matutukoy mo?
2. Sa unang pagbasa, ano ang ilang detalyeng napansin mo? Ano ang
lumilitaw na paksa ng teksto? Ano ang pangkalahatang balangkas o
paano dinevelop ang teksto?
3. Sa mas masinsing pagbasa, ano-ano ang mga detalye ng teksto ayon sa
mga elementong pampanitikan na taglay nito?
4. Ano pa ang ibang kapansin-pansing katangiang tekstuwal ng teksto?
LIGID: ANG MGA KONTEKSTO NG AKDANG PAMPANITIKAN
Ang pagbasang kontekstuwal ay ang pagsasaliksik ng mga datos
tungkol sa mga konteksto ng teksto. Ang mga datos na ito ay puwedeng
iugnay sa teksto upang payamanin ang pagbasa, at umagapay sa pagbuo ng
interpretasyon tungkol sa akda. Sa dulog na ito, tinatawid ang hangganan ng
teksto at ginagalugad ang kaligiran nito.
Tinutukoy ng “ligid” ang “kabuoang pook paikot sa isang bagay”
(UPDF 705). Ang salita ay may anyong “kaligiran” na ang isang kahulugan ay
“kalagayan o pook para sa isang gawain” (UPDF 555). Ang ligid o kaligiran ng
tekstong pampanitikan, kung gayon, ay may kinalaman sa mga pangyayari o
aspektong lampas sa mismong teksto ngunit mahigpit pa ring nakaugnay dito.
Maaaring tumukoy ito sa mga impormasyon tungkol sa paglikha, paglaganap,
at pagtanggap ng teksto. Mangyari pa, ang mga datos hinggil sa konteksto ay
hindi matatagpuan sa loob ng teksto bagaman maaaring magbigay ng mga
pahiwatig o palatandaan dito. Inaasahan sa mambabasa, kung gayon, na
magpursiging magsaliksik ng mga impormasyon tungkol sa konteksto.
Zafra I Loob, Ligid, Lalim 17
Kontekstong Panlipunan at pangkasaysayan
Kapag nababanggit ang konteksto, agad na naiisip ang konteksto ng
kasaysayan at lipunan na niluwalan ng teksto. Tumutukoy ito sa mga pangyayari
o sitwasyon sa lipunan noong panahong lumitaw ang akda—panahon ng
pagbigkas, pagkasulat, paglalathala. Ipinapalagay na ang kontekstong ito ay
nagkakabisa, sa iba’t ibang paraan at antas, sa awtor at sa kaniyang paglikha.
At mababasa o mahihiwatigan sa teksto ang tuwiran o di-tuwirang bisa ng
konteksto. Paano tiningnan ng awtor ang mga nangyari sa kaniyang paligid?
Ano ang pahayag niya tungkol dito? Ano ang kaniyang paninindigan? Ano
ang posibleng naging tungkulin ng kaniyang akda sa lipunan?
Sa pagtuon sa kontekstong pangkasaysayan at panlipunan, isa sa
unang impormasyong inaalam ay ang taon o panahon kung kailan sinulat
ang teksto. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay tinutukoy ito sa teksto.
Gayumpaman, makakahanap pa rin sa teksto ng mga bakas o palatandaan—
mga salita, detalye, alusyon—na makapagpapahiwatig ng panahong
pinagmulan.
Konteksto ng Awtor
Sinasaliksik ang kaligirang biyograpikal ng awtor upang mahinuha
ang motibasyon o intensiyon sa pagsulat ng akda. Maaaring tiyakin ang
mga aspekto ng kaniyang identidad tulad ng uri, kasarian, lahi, etnisidad,
henerasyon, at iba pa. Dapat lang idiin na sa pag-uusisa sa buhay ng awtor,
hindi layuning bumuo ng isa-sa-isang ugnayan sa mga detalye ng kaniyang
buhay at ng teksto. Kung gagawin ang ganito, mauuwi ang pagsusuri sa
simplistikong pagsusuring biyograpikal na mapanganib na nagpapalagay
na ang awtor ay tila nangungumpisal kapag nagsusulat, at ang akda ay tila
kaniyang talambuhay. Tandaan na ang biyograpiya ay isa lamang sa mga
kontekstong puwedeng magpayaman sa pagbasa. Bahagi rin ng pag-uusisa sa
konteksto ng awtor ang pagsisiyasat sa iba pa niyang akda upang makita kung
paanong ang tekstong sinusuri ay nakikipagdiyalogo sa iba pang sinulat ng
awtor.
Konteksto ng Teksto
May materyalidad ang tekstong pampanitikan. Ito ay nilikha,
pinalaganap, at kinonsumo. Maaaring saliksikin ang mga datos tungkol sa mga
prosesong ito. Halimbawa, puwedeng alamin ang kasaysayan ng paglalathala
ng teksto. Saan ito unang lumabas, may ibang bersiyon ba, orihinal bang
sinulat sa isang wika o isa itong salin, bahagi ba ng serye o ng mas mahabang
teksto, inilathala ba nang nagsasarili o kasama sa antolohiya, naimprenta
18 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ba o lumaganap online? Kung panitikang oral, maaari namang alamin ang
konteksto ng pagbigkas nito—bahagi ba ito ng isang ritwal o pagdiriwang,
binigkas ba ito sa harap ng maliit na grupo o sa buong pamayanan, may iba pa
bang panitikang oral na kasama o kasabay itong binigkas? Maaari ring usisain
ang relasyon ng teksto sa ibang akda. Batay sa pamagat, sa mga talinghaga, sa
paksa, at iba pang detalye, umaalingawngaw ba dito ang ibang teksto? Anong
relasyong intertekstuwal ang maaaring mabuo sa pagitan ng tekstong sinusuri
at sa iba pang akdang panitikan? Ang mga datos na masasaliksik ay tiyak na
makapagpapasigla sa pagbasa at makapagpapaliwanag sa posibleng saysay o
kabuluhan ng teksto.
Konteksto ng Tradisyong Pampanitikan
Ang tradisyong pampanitikan, sa malawak na pagpapakahulugan, ay
tumutukoy sa paksa, katangian, o kumbensiyong pampanitikan na nilinang
ng mga awtor o kilusan at tinularan ng iba pang manunulat sa isang yugto
ng kasaysayan. Sa buong kasaysayang pampanitikan ng Pilipinas ay maaaring
makatukoy ng iba’t ibang tradisyong pampanitikan. Maaaring makatulong
sa pagsusuri ng teksto ang pagtiyak sa tradisyong kinabibilangan nito upang
mapatingkad ang mga katangian nitong umuugnay sa tradisyon.
Gayumpaman, hindi laging kinokopya o sinusundan lamang ng
manunulat ang minanang tradisyon. May pagkakataong sadya niya itong
binabago o malay na lumilihis dito para itaguyod ang layunin sa pagsulat.
Halimbawa, isang popular na pagbasa sa Florante at Laura ni Balagtas ay kung
paano siya naghimagsik sa anyo ng awit na naging popular noong siglo 19. Sa
“Ang Apat na Himagsik ni Francisco Balagtas” ni Lope K. Santos, isa sa tinukoy
ay ang “himagsik laban sa hidwang pananampalataya.” Ang mga tauhang Moro
tulad nina Aladin at Flerida ang nagligtas kina Florante at Laura, at sa gayon,
nabulabog ang de-kahon at makaisang-panig na paglalarawan sa mga Moro
at Kristiyano. Ang pag-alam sa tradisyong pampanitikang kinabibilangan ng
tekstong sinusuri at ang pagsisiyasat kung sinunod o sinuway ito ng awtor
ay puwedeng makapagpahiwatig ng tungkuling nais balikatin ng teksto at ng
paglikha.
Konteksto ng Mambabasa
May dalawang pangkat ng mambabasa ang tinutukoy dito—ang
mambabasa noong panahong lumitaw ang teksto, at ang mambabasa sa
kasalukuyan. Tungkol sa mambabasa noon, maaaring alamin kung kanino
posibleng inilaan ng awtor ang kaniyang akda. Maaari itong mahiwatigan
sa ilang detalye sa teksto o sa pagsasaliksik sa kasaysayan ng pagbasa o
pagtatanghal ng teksto. Tungkol sa mga mambabasa ngayon, maaaring
Zafra I Loob, Ligid, Lalim 19
maging malay sa proseso ng pagbasa at paglimian kung paanong ang mga
paniniwala, pagpapahalaga, uri, edad, kasarian, seksuwal na oryentasyon, lahi
at etnisidad ay nakakaapekto sa pagtugon sa teksto. Maaari ring suriin kung
paanong ang mga pangkasaysayan, panlipunan, at pangkulturang konteksto
sa panahong binabasa mo ang teksto ay nagkakabisa sa iyong pagbasa.
Ang talino at talas ng pagbasa sa teksto, sa malaking bahagi, ay
nakasalalay sa saliksik ng mambabasa tungkol sa mga impormasyong
nakapaligid sa teksto, gayundin sa pagiging malikhain at mapanuri niya sa
paghahabi ng mga detalye mula sa teksto at sa mga impormasyong nagsaliksik
tungkol sa mga konteksto.
Sa paggalugad sa ligid ng teksto—konteksto ng kasaysayan at
lipunan, konteksto ng awtor, konteksto ng teksto, konteksto ng tradisyong
pampanitikan, at konteksto ng mambabasa—maaaring gamitin ang ilang
gabay na tanong:
Kontekstong Pangkasaysayan, Panlipunan, at Pangkultura
1. Kailan naisulat o nailathala ang tekstong pampanitikan?
2. Ano-ano ang mahahalagang pangyayaring pangkasaysayan, panlipunan
at pangkultura noon?
3. Paano maaaring umuugnay o sumasangkot ang teksto sa mga
pangyayaring ito?
Konteksto ng Awtor
1. Sino ang sumulat ng teksto?
2. Ano-ano ang mga impormasyon tungkol sa buhay ng awtor—edad,
edukasyon, rehiyong pinagmulan, kasarian, seksuwal na oryentasyon,
lahi, uri?
3. Ano-ano ang iba pang sinulat ng awtor?
4. Ano-ano ang mga paniniwala, pagpapahalaga, at paninindigan niya
batay sa mga sinulat o pahayag niya?
5. Ano-ano ang iba pang nagawa ng awtor sa panitikan o sa lipunan?
Konteksto ng Teksto
1. Ano posibleng pinagmulan (sources) ng teksto?
2. Ano ang relasyon ng teksto sa iba pang teksto? Umaalingawngaw ba rito
ang mga imahen, talinghaga, o idea ng ibang teksto?
3. Ano ang kasaysayan ng paglalathala ng teksto? Hal. may ibang bersiyon
ba ito; salin lang ba; bahagi ba ito ng serye o ng mas mahabang teksto?
4. Ano ang kasaysayan ng pagbigkas o pagtatanghal ng teksto?
20 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Konteksto ng Tradisyong Pampanitikan
1. Kailan nilikha, sinulat, o inilathala ang teksto?
2. Ano ang umiiral na tradisyong pampanitikan sa panahong ito?
3. Ano-ano ang katangian ng tradisyong ito?
4. Paano sumusunod o lumilihis ang tekstong sinusuri sa tradisyong
pampanitikan na ito?
Konteksto ng Mambabasa
1. Sino ang odyens o mambabasa ng teksto?
2. Ano ang kasaysayan ng pagbasa o pagtatanghal ng teksto? Paano kaya
tinanggap o binasa noon ang teksto?
3. Paano maaaring nakaapekto ang mga pangkasaysayan at panlipunang
konteksto noon sa pagtanggap ng mambabasa sa teksto?
LALIM: ANG DATING AT TIMBANG NG
AKDANG PAMPANITIKAN SA KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Karaniwang tinutukoy ng “lalim” ang sukat mulang ibabaw
hanggang sa pinakamalayong bahagi paibaba. Ngunit tinuturol din nito ang
“kalagayang mahirap mabatid o maintindihan dahil maraming kahulugan”
(UPDF 676). Sa imbestigasyon ng lalim ng isang teksto, winawari ang iba-
iba nitong posibleng kahulugan at kabuluhan. Sa pagpapalagay na mayroon
itong higit sa isang kahulugan, hinahamon ang pananaw na ang tekstong
pampanitikan ay may iisa at natatanging kahulugan lamang, ang kahulugang
inisip at isinilid ng awtor sa teksto. Sa halip, ang pagbuo ng kahulugan ay
ipinapaako sa mambabasa sa pamamagitan ng matalik na pakikipagtuos niya
sa teksto, sa pagsasaalang-alang sa mga konteksto, at sa pagkasangkapan ng
iba’t ibang teorya, pananaw, o lente ng pagbasa. Sa sanaysay na ito, ipapaliwanag
ang tatlong dulog upang maarok ang lalim ng isang tekstong pampanitikan.
Una, ang pagsisiyasat sa dating ng teksto; ikalawa, ang aplikasyon ng teoryang
pampanitikan; at ikatlo, ang pagsusuri sa teksto ayon sa Kamalayang Pilipino
na Maka-TAO.
Datíng ng Akdang Pampanitikan
Ang konsepto ng dating sa konteksto ng panunuring pampanitikan
sa Pilipinas ay nilinang ni Bienvenido Lumbera. Inihain niya ang konsepto
ng datíng bilang panimulang muni sa estetika ng panitikang Filipino. Sa
paliwanag ni Lumbera, ang estetika ay ang “mga kondisyong humuhubog sa
pagtanggap ng mga Filipino sa likhang-pampanitikan bilang akdang karapat-
dapat pahalagahan” (2017, 3). Itinampok niya ang salitang dating para usisain
ang pamantayang pansining ng mga Filipino. May dalawang kahulugan ito:
ang “kaganapan ng paglalakbay” at ang “impresyong iniiwan sa isang tao”
Zafra I Loob, Ligid, Lalim 21
(2017, 5). Itinuturing ni Lumbera na angkop na talinghaga dahil ang likhang-
sining ay “dumarating” din sa nagbabasa, nakikinig, nanonood, at ang pagsapit
ng likha—ang pagdating sa mambabasa—ay tinutugunan ng kamalayan ng
odyens.
Ipinoposisyon ng konsepto ng dating sa sentro ang kamalayan ng
mambabasa. Ipinaliwanag ni Lumbera na ang kamalayang ito ay hinuhugis,
una, ng personal na danas sa mundo; ikalawa, ng pagpapahalaga ng indibidwal
batay sa panlipunang pormasyong kinapapalooban niya; at ikatlo, ng tradisyon
at kasaysayan ng lipunang kaniyang kinabibilangan. Binibigyang-diin ni
Lumbera na ang karanasang estetiko ay hinuhubog ng mga panlipunang salik,
at kung gayon, itinatakwil ang idea ng estetikang unibersal. Ang paglinang ni
Lumbera sa konsepto ng dating ay bahagi ng kaniyang proyektong makabayan
na itanghal ang sining at kultura ng Pilipinas ayon sa pamantayang nakabatay
sa kontekstong Filipino (2017, 12-13).
Aplikasyon ng Teoryang Pampanitikan
Tumutukoy ito sa paglalapat ng isang lawas ng mga konsepto
at kaisipan, o iyong tinatawag na ngang teorya, sa pagsusuri ng tekstong
pampanitikan. Kapag sumangguni sa isang aklat sa teoryang pampanitikan,
karaniwang nababanggit ang bagong kritisismo, marxismo, feminismo, siko-
analisis, post-kolonyalismo, post-estrukturalismo, bagong historisismo,
ekokritisismo, at iba pa. Bawat teorya ay nagpapatingkad sa isang aspekto,
katangian, o usapin sa panitikan tulad ng anyo, uri, kasarian at seksuwalidad,
lahi at etnisidad, kapaligiran, katotohanan, kapangyarihan, at iba pa.
Halimbawa, kapag ginamit ang marxismo, maaaring suriin ng
kritiko ang hayag at di-hayag na mensahe ng akda at iugnay ang di-hayag
na nilalaman sa mga batayang temang Marxista tulad ng tunggalian ng mga
uri. Maaari ring iugnay ang nilalaman ng akda sa uring kinabibilangan ng
awtor. Kung gagamit ng feminismo, maaaring suriin ang representasyon ng
babae sa panitikan sa panulat ng mga lalaki at kapwa babae. Ipinupunto din
nito ang mahalagang papel ng wika para gawing natural ang panlipunang
konstruksiyon ng kasarian. Kapag kinasangkapan ang post-kolonyalismo,
puwedeng suriin ang representasyon ng iba’t ibang kultura sa panitikan
at hamunin ang nabuo at ipinalaganap na representasyong nakabatay sa
kanluraning lente at pamantayan. Maaari rin nitong isiwalat kung paanong ang
panitikan ay umiiwas o tahimik sa usapin ng pananakop at pagsasamantala.
Maaari rin nitong itampok ang tema ng pagkakaiba at pagkakaiba-iba ng
kultura at suriin kung paano ito kinakatawan sa mga akdang pampanitikan.
Ilan lamang ito sa mga teoryang pampanitikan na kasangkapan sa pagsusuri.
22 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Madalas, ang bawat teorya ay hindi lamang ginagamit nang
nagsasarili kundi isinasanib sa iba pang teorya upang lumikha ng pagbasang
tumatanglaw sa kasalimuotan ng panitikan. Mapapansin din na dahil ang
Pilipinas ay dumaan sa ilang alon ng kolonyalismo at ang lipunan ay patuloy
na nahahati batay sa mga salik ekonomiko at kultural, mas binibigyang-diin
ang mga teoryang may aspekto ng social critique o panunuring panlipunan.
Layunin ng mga teoryang ito na isiwalat ang mga di-pagkakapantay-pantay sa
lipunan upang masiyasat at mabago ang ganitong kalagayan.
Kamalayang Pilipino na Maka-TAO sa Panunuring Pampanitikan
Itinatampok ni Nicanor G. Tiongson ang Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO bilang lente sa pagsusuri at pagtaya ng likhang sining tulad ng
panitikan. Sa paliwanag ni Tiongson, may dalawang aspekto ang dalumat
na ito. Una, ang aspektong deskriptibo na tumutukoy sa kamalayan ng
Pilipino batay sa isang nabubuhay sa Pilipinas. Ang kamalayang ito ay kapwa
may dimensiyong indibidwal at kolektibo—indibidwal dahil natatangi ang
karanasan ng bawat Pilipino; kolektibo dahil may pinagsasaluhan ding
kasaysayan at pag-iral sa lipunan ang mga Pilipino. Sa kabuuan, maaaring
ituring itong kamalayan ng Pilipino—isang kamalayang nahubog na bagama’t
patuloy pa ring nagbabago. Ikalawa, ang aspektong preskriptibo. Itinuturing
naman itong kamalayan para sa Pilipino. Sa paliwanag ni Tiongson, “ito
ang kamalayang nagsusulong sa kapakanan ng bawat Pilipino bilang ganap
na TAO, sa antas na pisikal, sikolohikal, intelektuwal, ispiritwal, pulitikal,
pangkabuhayan, at kultural, anuman ang kaniyang kasarian, lahi, relihiyon,
rehiyon, etnisidad, uri o okupasyon.” Idinagdag pa niya, ang kaganapan
ng Pilipino bilang TAO ay nakakamit sa “patuloy na pagsasanggalang,
pagtataguyod, at pagpapalakas ng kaniyang mga karapatan.” Naniniwala
si Tiongson na kung ang mga karapatang ito ay igagalang ng mga pinuno
at institusyon, matatamo ang pakikipagkapwa-tao, ang itinuturing na
pinakamataas na halagahin ng mga Pilipino sa pakikitungo sa ibang tao.
Nilinaw din na ang kapwa tao ay sumasaklaw hindi lang sa mga Pilipino
kundi sa lahat ng tao sa mundo.
Idiniin ni Tiongson na ang tunguhin ay hindi na lang ang paghahanap
ng identidad na Pilipino—isang mabuway na konsepto dahil sa maraming
hugis at anyo ang identidad na ito. Ang mithiin ay ang makamit ng bawat
Pilipino ang kaganapan niya bilang TAO tungo sa pagbuo ng “gintong lipunan
ng pakikipagkapwa.” Sa lente ng Kamalayang Pilipino, kapag sumusuri ng
akdang pampanitikan, iisa lang ang mahalagang itanong: “Nakatutulong ba o
nagiging balakid ang likhang-sining (o kaugalian o paniniwala o institusyon)
na ito sa pagkakamit ng Pilipino ng kaniyang kaganapan bilang TAO—sa antas
na pisikal, sikolohikal, intelektuwal o ispirituwal, pulitikal, pangkabuhayan,
Zafra I Loob, Ligid, Lalim 23
at kultural—anuman ang kaniyang kasarian, lahi, relihiyon, rehiyon,
etnisidad, uri o okupasyon, sa panahon ng pagkakalimbag o pagkakatanghal
o paglaganap sa bayan ng likhang-sining na ito?”
Sa pag-arok sa lalim ng teksto sa pamamagitan ng konsepto ng
dating, aplikasyon ng teorya, lente ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO,
maaaring gamitin ang ilang gabay na tanong:
Pagtalakay sa Dating ng Akda
1. Sino ang mambabasang pinatutungkulan ng teksto?
2. Ano ang posibleng dating ng teksto sa mambabasa?
3. Anong personal at kolektibong danas ang maaaring humubog sa ganitong
dating o pagtanggap ng teksto?
4. Anong aspekto ng pormasyong panlipunan ang maaaring nagkabisa sa
dating ng teksto sa mambabasa?
5. Anong aspekto ng tradisyon o pangyayari sa kasaysayan ang posibleng
nakaapekto sa dating ng teksto sa mambabasa?
Aplikasyon ng Teorya
1. Anong teoryang pampanitikan ang pinakaangkop na ilapat sa teksto?
2. Paano mailalapat ang mga konsepto ng teoryang ito sa pagsusuri ng
teksto?
3. Anong kahulugan ang puwedeng malikha sa paglalapat ng teorya sa
teksto?
4. Ano ang kabatiran tungkol sa lipunan ang napalitaw ng paglalapat ng
teorya sa teksto?
Paglalapat ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
1. Nakatutulong ba o nagiging balakid ang tekstong pampanitikan sa
pagkakamit ng Pilipino ng kaniyang kaganapan bilang TAO—sa antas na
pisikal, sikolohikal, intelektuwal o ispirituwal, pulitikal, pangkabuhayan,
at kultural—anuman ang kaniyang kasarian, lahi, relihiyon, rehiyon,
etnisidad, uri o okupasyon, sa panahon ng pagkakalimbag o
pagkakatanghal o paglaganap sa bayan ng tekstong pampanitikan na ito?
Para sa mas masaklaw at mas malalim na suri, inaasahan ang paggamit ng
kombinasyon ng mga dulog—masinsing pagbasa, kontekstuwal na pagbasa,
pagtalakay sa dating ng akda, aplikasyon ng teorya, paglalapat ng Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO—na magpapatingkad sa salimuot ng loob, ligid, lalim
ng tekstong pampanitikan sa konteksto ng kultura at lipunang Filipino.
Mangyari pa, ang pasibong mambabasa na kuntento na lang sa pagtitig sa
teksto ay kailangang magbigay-daan sa aktibong mambabasa na bitbit ang
24 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
alam, danas, gunita, saliksik, at paninindigan sa proseso ng pagbabasa upang
maging makahulugan at makabuluhan ang engkuwentro niya sa teksto.
MGA SANGGUNIAN
Almario, Virgilio S. 2016. Balagtasismo Versus Modernismo: Panulaang
Tagalog sa Ika-20 Siglo. Muling paglalathala. Manila: Pambansang
Komisyon para sa Kultura at mga Sining at Komisyon sa Wikang
Filipino
______________. 2006. Pag-unawa sa Ating Pagtula: Pagsusuri at Kasaysayan
ng Panulaang Filipino. Anvil Publsihing, Inc.
______________. 1985. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong
Pagtula. Aklat Balagtasyana
Almario, Virgilio S. (editor). 2009. UP Diksiyonaryong Filipino. Ed. 2. Quezon
City: University of the Philippines, Sentro ng Wikang Filipino
Lumbera, Bienvenido. 2017. “’Dating’: Panimulang Muni sa Estetika ng
Panitikang Filipino.” Suri: Pag-arok sa Likhang-Panitik. Quezon
City: The University of the Philippines Press. 3-17.
__________________. 2014. “Poems Old and New.” Paunang Salita: Pieces
of a Teacher’s Mind. Manila: Pambansang Komisyon para sa Kultura
at mga Sining
__________________. 1986. Tagalog Poetry 1570-1898: Tradition and
Influences in its Development. Quezon City: Ateneo de Manila
University Press
Rapaport, Herman. 2011. “Basics of Literary Study” at “Common Critical
Practices.” The Literary Theory Toolkit: A Compendium of Concepts
and Methods. Wiley-Blackwell.
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino: Apat na Dulog sa
Pagsusuri ng Mga LIkhang-Sining na Pilipino.” Ikalawang DESK-TP
Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
para sa PUP.” Agosto 10. Sa librong ito.
Zafra I Loob, Ligid, Lalim 25
Nicanor G. Tiongson
Jerry C. Respeto
PAANO NGA BA MANOOD NG DULA?:
APAT NA DULOG SA PAGSUSURI
NG PAGTATANGHAL
NG DULANG PILIPINO
INTRODUKSIYON
M
ay magkatambal na mukha ang larangan ng dula. Ang una ay ang
mukha nitong pampanitikan, na tumutukoy sa nakasulat na teksto, na
kilala sa tawag na iskrip o orihinal. Ang ikalawa ay ang mukha nitong
pantanghalan, na tumutukoy sa sining ng pagbibigay-buhay sa nakasulat na
teksto sa entablado. Ang dalawang aspektong ito ang maaring pagtuunan ng
pansin sa pagsusuri ng dula bilang isang likhang-sining: una ay ang pagsusuri
sa iskrip ng dula sa kaniyang sarili at ikalawa, ang pagsusuri sa partikular na
pagtatanghal ng dula. Nakatuon ang gabay na ito sa ikalawa -- ang pagsusuri
sa produksiyon ng dula, bagamat matatalakay pa rin ang iskrip sa bersiyon
nito na itinanghal.
Dalawa ang namamayaning pamamaraan sa pagsulat ng panunuring
pantanghalan. Una ay ang rebyu ng pagtatanghal na karaniwan ay maiksi
lamang. Ang ikalawa ay ang komprehensibong pagtasa sa pagtatanghal na
mas mahaba kaysa sa una. Ang rebyu ay pahapyaw na pagbasa sa pagtatanghal
matapos mapanood ang dula sa unang pagkakataon. Nabibigyang-puna
dito ang dating ng pagtatanghal sa manonood na karaniwang isinusulat sa
mga diyaryo para malaman kung ito’y dapat panoorin. Sa kabilang banda,
mas malalim at mas malawak ang mahabang panunuring pantanghalan
na sumasaklaw sa apat na dulog, at ito ay ang mga sumusunod: a) ang
pagtatanghal ng dula bilang likhang-sining, b) ang konteksto ng pagtatanghal
ng dula, k) ang dating ng pagtatanghal sa manonood, at d) ang saysay ng
26 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
pagtatanghal sa ilang perspektibang teoretikal at sa pananaw ng Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO (KAMPIT).
UNANG DULOG: ANG PAGTATANGHAL NG DULA BILANG LIKHANG-SINING
Sa dulog na ito, sinisikap na sagutin ang tanong na: Ano ba ang
ibig ipahiwatig ng pagtatanghal ng dula at paano ito ipinahahayag sa
pamamagitan ng malikhaing pagsasanib ng mga elemento ng produksiyon.
Tatlong magkasalikop na aspekto ng pagtatanghal ang kikilatisin sa dulog
na ito upang mataya kung nagtagumpay ang pagtatanghal ng dula bilang
likhang-sining : 1) ang tema ng iskrip at ibig ipahiwatig ng produksiyon, 2)
ang estilo ng orihinal na dula at pagtatanghal nito, at 3) ang mga elementong
ginagamit para maipahayag at maparamdam sa manonood ang tema ng
dulang itinatanghal. Sa ganitong dulog, sinisipat ang kakanyahan ng dula
bilang isang organikong likha na may tiyak na porma at komposisyon sa
entablado. Pinaiiral sa dulog na ito ang mga batayang pandama, gaya ng
paningin at pandinig, upang makabuo ng isang masinsin na panunuring
pandula.
1) Ang Tema ng Iskrip at Ibig Ipahiwatig ng Produksiyon
Mahalagang linawin muna na hindi iisa kundi may pagkakaiba ang
iskrip o orihinal na sinulat ng mandudula at ang dula na itinanghal ng isang
produksiyon. Ito’y sapagkat sa pagsasa-entablado ng isang dula, ang dapat
manaig ay ang interpretasyon ng direktor sa sinasabi ng orihinal na dula. Dahil
sa interpretasyong ito, maaaring isalin ang dula mula sa orihinal na wika nito
patungo sa lingua franca ng mga taong manonood (translation), tulad ng ginawa
ni Rolando Tinio nang isalin niya sa kolokyal na wikang Filipino ang Death of
a Salesman ni Arthur Miller noong 1966. Higit pa rito, maaari ding i-adapt
ang orihinal at ilugar sa isang tiyak na panahon sa bansang pagtatanghalan, na
may tiyak at sariling wika at kalinangan (cultural adaptation), tulad ng ginawa
ni Elmer Gatchalian sa Juego de Peligro, ang adaptasyon ng Les Liaisons
Dangereuses (mula sa nobela ni Pierre Choderlos de Laclos), na inilugar
sa Maynila ng dantaon 19. Gayundin, bahagi ng adaptasyon ng isang dula
ang pag-eedit o pagre-rewrite dito o pagpasok ng mga bagong elementong
biswal o berbal para patingkarin ang kontemporanyong interpretasyon ng
direktor (contemporanization). Halimbawa nito ang pagpasok ng tatlong uri
ng mandirigmang Pilipino – mula panahong prekolonyal hanggang panahon
ng Kastila, hanggang kasalukuyang panahon – bilang representasyon ng
transpormasyon ng bayani at mandirigmang si Taga-ilog, sa interpretasyon
ni Chris Millado ng Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino para
sa PETA noong 1991. Hindi maiiwasan ang interpretasyon ng orihinal na
dula, sapagkat kailangang magkaroon ang istorya nito ng saysay o relevance
Tiongson-Respeto I Paano ba Manood ng Dula? 27
sa kontemporanyong manonood at, gayundin, kailangang matanggap ng
manonood ang ibig ipahiwatig ng direktor sa pamamagitan ng dula sa isang
paraan na nakaaaliw habang ito’y nagmumulat.
Sa pagsusuri ng dulang itinatanghal, unang dapat pagtuunan ng
pansin kung tama ba o mali, lohikal ba o hindi, bagay ba o asiwa, katanggap-
tanggap ba o hindi, ang ginawang interpretasyon ng direktor sa orihinal na
iskrip ng dula. Ang pangalawang dapat sipatin ay kung matagumpay bang
nailalabas ng naratibo, tauhan, at tagpuan ng pagtatanghal ang temang nais
paratingin ng direktor sa manonood. Ang dalawang katanungang ito ay
nasagot nang positibo ng produksiyon ng Makbet, ang salin ni Rody Vera
at adaptasyon ni Fritz Bennewitz ng dula ni Shakespeare na ipinalabas ng
PETA sa dulaang Raha Sulayman noong 1983. Pinuri ang pagtatanghal na
ito ng maraming manonood, dahil buong linaw at buong tapang nitong
inihambing ang mag-asawang Makbet sa mag-asawang Marcos sa panahon
ng batas militar, sa punto ng walang-hanggang ambisyon, pagkahayok sa
kapangyarihan, at kakayahang pumatay ng kahit na sino na humadlang sa
kanilang paghahari-harian. Sa panahon ng madlang paniniil ng batas militar,
naging lagusan ang dula ng mga damdamin ng pagtutol na hindi maibulalas
sa liwanag dahil sa militarisasyon ng buong bansa.
2) Ang Estilo ng Dula at Produksiyon
Sa pagsusuri ng isang produksiyon, mahalagang matukoy agad ang
estilong ginamit ng pagtatanghal na kailangang bumagay din sa estilo ng
orihinal na dula. May dalawang pangunahing estilo ng pagtatanghal ng dula:
ang realistiko at di-realistiko.
Dulang Realistiko. Layon ng estilong realistiko na buhayin sa tanghalan
ang mga tauhan, sitwasyong panlipunan, at tunggalian na hango sa tunay
na buhay. Sinisikap ng estilong ito na mapapaniwala at magkaroon tayo ng
simpatiya sa pangunahing tauhan at maantig ang ating damdamin sa kaniyang
pinagdaraanan. Nagagawa ito sa pamamagitan ng paglinang sa mga tiyak na
salik ng dula. Una sa mga ito ang mga tauhang buhay, ibig sabihin ay yaong
may mga tiyak na pinanggalingang humubog sa kanilang pagkatao at may
dinaranas na mga suliranin sa kasalukuyan, pero may personal na mithiing
ibig makamit sa kanilang buhay. Sila ay nagsasalita (diyalogo) at gumagalaw
(kilos o movement) ayon sa kanilang angking pagkatao. Ikalawang salik ang
mga banghay (plot) na makatotohanan o ang paghahabi ng mga kaganapan
na nabubuo dahil sa mga desisyong ginagawa ng tauhan, sa kaniyang
pakikitunggali sa mga tauhan o puwersang humahadlang sa pagkakamit niya
ng kaniyang mga mithiin. Malinaw na naitatanghal dito ang ugnayang sanhi
at bunga o cause and effect. At ang ikatlong salik, ang mga tagpuang hango
28 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
sa buhay na nagsisilbing representasyon ng mga lunan na maaari ring gagad
sa tunay na buhay, na nagpapatingkad sa karakter ng tauhan at nagpapaigting
sa tunggalian ng dula. Halimbawa ng dula at pagtatanghal na gumagamit ng
estilong realistiko ang Larawan ng PETA, ang salin sa Filipino nina Alfred
Yuson at Franklin Osorio ng Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin
noong 1969.
Dulang Di-Realistiko. Ang estilong di-realistiko ay estilo na naglalayong
magpahayag at tumalakay ng mga ideya, na may kinalaman sa mga suliranin
ng pagiging tao sa harap ng mga di-makataong kondisyon sa pulitika,
ekonomiya, kultura, relihiyon, lahi, kasarian, etnisidad, at iba pa. Layunin
ng estilong ito na himukin ang manonood na pag-isipan at suriin ang mga
ideyang inilalahad ng dula. Upang higit na mapalutang ang mga ideyang ito,
gumagamit ang di-realistikong estilo ng mga istoryang hango sa kasaysayan at
folklore (alamat at kuwentong bayan, epiko, ballad), mga elementong angkin
ng mga dulang tradisyunal (komedya, sinakulo, sarsuwela, drama, bodabil),
mga angkop na aspekto ng tradisyong banyaga (wayang ng Indonesia,
kathakali ng India, o noh ng Hapon, commedia dell’ arte ng Italia, korus
ng dulang Griyego), at mga sitwasyong hango sa buhay, ngunit ginawang
absurdo, o kombinasyon ng mga ito.
Sa estilong di-realistiko, ang dula ay umaantig hindi sa puso
kundi sa utak, hindi ng emosyon kundi ng kontemplasyon. Nagagawa ito
sa pamamagitan ng mga tauhang tipikal na kumakatawan, hindi sa isang
indibiduwal kundi sa isang ideya o uri na nakikipagtunggali sa ibang tauhan na
representasyon din ng katapat na ideya o uri, mga awit o sayaw na naglalahad
ng mga kaisipang pulitikal, mga tagpuan at props na maaring simboliko o
alusyon upang magpahiwatig lamang ng lugar na pinangyayarihan ng isang
eksena, mga kasuotan at personal effects na tumutukoy o kumakatawan sa
mga ideya, mga elementong awral gaya ng tunog, at alienation effect na hango
sa epic theater ni Bertolt Brecht kung saan ang lahat ng device o teknik ay
ginagamit upang makalikha ng distansiya sa pagitan ng dula at manonood.
Binubuwag sa di-realistikong estilo ang “fourth wall” nang sa gayon ay
maunawaan ng manonood na ang nasa entablado ay dula-dulaan lamang na
naglalaman ng mga kaisipang pulitikal na ipinapahayag ng dula. Halimbawa
ng dula at pagtatanghal na gumamit ng estilong di-realistiko ang produksiyon
ng PETA ng Ang Hatol ng Guhit na Bilog, ang salin sa Filipino nina Franklin
Osorio at Lito Tiongson ng The Caucasian Chalk Circle ni Brecht na dinirihe
ni Fritz Bennewitz noong 1977.
Mahalaga ang gayong pagtukoy sa batayang estilo ng dula dahil
dito nakahulma ang interpretasyon ng iskrip sa gagawing pagtatanghal sa
entablado para magkaroon ito ng kahulugan, dating, at halaga sa manonood.
Tiongson-Respeto I Paano ba Manood ng Dula? 29
Sa estilong realistiko man o di-realistiko, nahuhubog ang naratibo ng dula
sa pamamagitan ng malikhaing pagtatagni-tagni ng mga elemento ng
pagtatanghal na nagpapalutang, nagpapatingkad, at nagbibigay-linaw sa
interpretasyon sa orihinal o iskrip ng dula sa entablado.
2) Ang mga Elemento ng Pagtatanghal sa Interpretasyon ng Iskrip
Kasama sa mga elemento ng pagtatanghal ang mga pagganap ng mga aktor,
ang tagpuan at props, kostyum at props, pag-iilaw, musika, at tunog,
Mga Aktor at Paggalaw sa Entablado. Sa estilong realistiko, gumagamit
ng internalisasyon ang mga aktor sa kanilang pagganap para maging
makatotohanan ang karakter ng dula. Samantala, sa estilong di-realistiko,
gumagamit ng teknik na palabas ang aktor para matukoy ang ideyang
kinakatawan ng tauhan. Sa parehong estilo, karaniwang sinasaliksik at
pinag-aaralan ng isang aktor ang kaniyang ginagampanang papel sa dula na
sumasaklaw sa mga katangiang pisikal, katayuang panlipunan, at aspektong
sikolohikal. Higit pang nagkakaroon ng saysay ang mga teknik at estilo ng
pagganap ng aktor kapag nagagamit nila ang mga ito sa kanilang paggalaw at
pag-okupa sa mga espasyo ng entablado.
Nagiging wika rin ang mga posisyon at galaw na ito dahil
naipahihiwatig ng mga aktor ang kanilang ugnayan sa isa’t isa sa bawat
eksena. Halimbawa, sa mga tradisyunal na dula, itinuturing na espasyo ng
kapangyarihan ang gitnang bahagi ng tanghalan, lalo na ang dakong itaas
dahil sa espasyong ito karaniwang matatagpuan ang trono at luklukan ng
hari o sultan gaya ng sa komedya. Gayumpaman, naililipat ang espasyo ng
kapangyarihan sa iba pang lugar ng entablado sa pamamagitan ng malikhaing
pagpoposisyon sa mga aktor. Ang paggamit ng mga nakaangat na lebel gaya
ng hagdan, plataporma, at balkonahe para maging tuntungan ng isang aktor
ay nakapagtatakda rin ng awtoridad o poder o superyoridad niya sa ibang
aktor, kahit na wala ang mga ito sa gitna ng entablado. Sa mga ganitong
paglinang sa espasyo ng entablado, nalilinaw ang tema ng tunggalian,
kontradiksyon, pagtatalaban, pagsasanib, at pagtatagpo ng mga puwersang
panlipunan kaugnay ng mga isyung may kinalaman sa uri, lahi, kasarian,
o pamamahala. Sa mga importanteng espasyo ng entablado, gaya ng gitna o
sentro, karaniwang nailalagay ang mga tampok na eksena.
Samantala, ang dakong harapan naman ng entablado ay ang
“espasyo ng pagsisiwalat” dahil dito karaniwang naihahayag at binubuo ang
mga eksenang nais bigyang-diin ng dula at itatak sa kamalayan ng manonood.
Halimbawa, sa isang dulang di-realistiko, dito lumulugar ang tagapagsalaysay
upang higit na maging matalik ang pakikipapag-ugnayan niya sa mga
30 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
manonood at higit na tumimo ang kaniyang mga pahayag sa isipan ng
huli. Maging sa mga dulang realistiko, sa dakong harapan din ng entablado
karaniwang namamaybay ang aktor nang pakanan at pakaliwa; minsan ay
humihimpil sa dakong gitna upang higit na maitatak sa isipan ng manonood
ang kaniyang ipinapahayag.
Ang pamamaybay ng mga aktor sa entablado habang nakikipagpalitan
ng diyalogo sa kapwa aktor ay maaari ring tingnan bilang salamin ng galaw ng
argumento sa dula. Ang pamamaybay ng aktor sa kaliwa o kanan ay maaring
sumagisag sa positibo o negatibong pangagatuwiran, samantalang ang kagyat
na pagtigil ng tagpo o pangyayari sa gitna ng mga nagtutunggaling espasyo ay
pahiwatig ng isang paninimbang. Ang pag-upo ng aktor ay maaaring maging
sagisag ng pagpapakumbaba sa isang pagtatalo o pagsuko, samantalang ang
biglang pagtayo ay maaaring maging pahayag ng paglaban o matatag na
paninindigan. Gayumpaman, ang ganitong kumbensyunal na galaw sa
tanghalan ng mga aktor ay hindi lagi’t laging ganito ang pagpapakahulugan,
dahil nagagamit na ngayon ang mga galaw na ito upang magpamalas ng
isang kabalintunaan. Matagal nang tumiwalag sa gayong kumbensyunal na
blocking ang mga dula sa kasalukuyan at malayo na ito sa mga tradisyunal na
pamamaraan, kung saan ultimo ang pagpasok at paglabas ng mga tauhan,
gaya sa komedya at sinakulo, ay nakatakda sa kanan o kaliwang pakpak ng
entablado.
Nakaugnay sa galaw ng aktor sa entablado ang elemento ng oras,
alalaumbaga’y ang “time and motion.” Sa elementong ito nakapaloob ang
haba at ikli ng mga eksena, tagpo at yugto ng dula. Alinsunod dito, maaaring
maputol o mabawasan ang diyalogo ng aktor upang pabilisin ang daloy ng
dula, o pagbaligtarin ang mga eksena kung kinakailangan upang higit na
maging mainam ang balangkas ng pagkukuwento.
Upang maitanghal ang baryasyon ng emosyon at maging kawili-
wili ang pagkukuwento ng mga pangyayari sa entablado, kinakailangan
ding maging mainam ang timpla ng iksi at tagal ng bawat eksena ng mga
aktor batay sa pangangailangan ng dula, i.e., maiikling eksenang pabibilisin;
maiikling eksenang pababagalin; mahahabang eksenang pabibilisin at
mahahabang eksenang pababagalin. Sa madaling salita, malay dapat ang mga
aktor kung aling mga eksena o tagpo ang pabibilisin at pababagalin tungo sa
pagtatampok sa mga rurok na bahagi ng dula.
Set at Props Bilang Tagpuan. Ang set ang nagbibigay-linaw at nagpapadama
sa makatotohanang kapaligiran ng mga tauhan para sa mga realistikong
dula. Sa pamamagitan ng set, naipamamalay sa mga manonood ang tiyak
na lugar na pinangyarihan ng dula. Tumutukoy ito sa pisikal na istruktura
Tiongson-Respeto I Paano ba Manood ng Dula? 31
na nagsisilbing kayarian ng entablado. Maaring ito ang loob ng bahay kung
saan matatagpuan ang sala, kusina, kuwarto, at banyo. Kasama rin dito ang
mga haligi, hagdan, balkonahe, mesa, silya, kama at iba pang malalaking
bagay na nananatili sa kinalalagyan sa buong daloy ng dula at hindi kagyat
na mabubuhat ng aktor gaya ng mga set props. Kung sa labas ng bahay ang
tagpuan ng dula, maaaring lagyan ang entablado ng mga poste, bilbord, at
mga patsada ng gusali upang maging isang lansangan; o mga halaman, puno,
gazeebo kung isang hardin. Sa mga tradisyunal na dula, ipinipinta ang
tagpuan ng eksena sa telon na maaaring loob ng bahay at palasyo o labas nito
gaya ng lansangan, gubat, bundok, at hardin. Naipamamalay rin ng set ang
panahon ng kaganapan ng dula, gaya ng sinauna o kasalukuyan, o mga tagpo
sa kasaysayan. Naitatanghal ang isang tiyak na diwa ng set kapag nagiging
tiyak ang arkitektura, kayarian, at materyal nito.
Samantala, simboliko naman ang gamit ng set para sa di-realistikong
dula dahil sa layon nitong palutangin ang imaheng sumasagisag sa kaisipang
pilosopikal at pulitikal. Halimbawa, ang isang engrandeng kastilyo na may
mga posteng tila mga tao ay maaaring magpahiwatig ng pagtatalaban ng
uri at kapangyarihan sa lipunan, tulad ng ginawa sa Sandaang Panaginip
ng ENTABLADO noong 2007, samantalang ang tabinging posteng nakatayo
sa bitak-bitak na lupa ng palasyo sa Roma ay sumasagisag sa gumuguhong
kapangyarihan, tulad ng nangyari sa Romulus D’ Greyt ng PETA noong 2008.
Ang set na hugis bilog na may puno o poste sa gitna nito na halos matutumba
na ay maaaring nagpapamalas ng konsepto ng oras dahil nagmumukha itong
isang sun-dial, tulad ng makikita sa Waiting for Godot ng Tanghalang Ateneo
noong 1999.
Isa sa mga tiyak na set ang ginawa ni Gino Gonzales para sa
ENTABLADO ng Ateneo noong 2001 na naglalarawan ng pagiging masikip at
impiyerno ng isang tagpuan. Para sa dulang Paraisong Parisukat ni Orlando
Nadres, pininturahan ni Gonzales ng nag-aalab na pula ang isang maliit na
silid na naging kabuuan ng entablado. Higit pang tumingkad at lumitaw
ang pagiging pula ng maliit na espasyong ito nang kaniyang ikuwadro ang
entablado sa kulay na itim. Paksa ng dulang realistikong Paraisong Parisukat
ang mga pangarap, pagnanasa, pag-ibig, pagtakas, at pagkabitag ng mga
tauhang nasilo at nasukol sa isang bodegang puno ng sapatos.
Mahalaga ring banggitin na ang katawan ng tao ay nagiging bahagi
ng set o ang mismong set para sa mga dulang di-realistiko. Bukod sa pagiging
tagapagsalaysay sa isang dula-tula, ang koro ay nagmimistulang bundok, talon,
dagat, puno, at bahay sa isang iglap. Karaniwang ginagamit ang ganitong
istilo sa mga dulang ekspresyunistiko. Sa larangang ito nakilala ang bantog
na si Bertolt Brecht na tinitingnan ang teatro bilang isang kasangkapang
32 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
pansining at pampulitika. Angkop ang paggamit ng estilong Brechtian para sa
mga dulang may layuning magpamalay, magsiwalat, o magkuwestiyon hinggil
sa mga umiiral na isyu at kontradiksyong panlipunan.
Sa kasalukuyan, higit pang napauunlad ang kakayahan ng set na
makaagapay sa panahon ng teknolohiya. Nagiging mahalagang bahagi na ng
set o ginagawang set na mismo ang mga video wall o cyclorama ngayon, para
mapalawak ang espasyo para sa mga eksena ng dula at para mapabilis ang
pagpapalit ng mga tagpo sa sunod-sunod na eksena.
Samantala, saklaw ng set props ang mga muwebles, palamuti, at iba
pang bagay na nagpapayaman sa set ng isang realistikong dula. Tandaan na
iba ang set props sa kostyum props na karaniwang nabibitbit ng actor, gaya
ng pamaypay, bag, baston, sombrero, laruan, at iba pang maliliit na bagay.
Gayumpaman, hindi dapat ipagkamali na props ang lahat ng maliliit na bagay
na maaaring bitbitin, lalo na kung permanenteng bahagi na ito ng set gaya
ng makinilya, kalendaryo, relo, larawan sa dingding, at iba pa. Sa dulang di-
realistiko, karaniwang minimal ang set na nagpapahiwatig ng tagpuan, at
maaring maging simboliko ang gamit ng props para palutangin ang imaheng
sumasagisag sa kaisipang pulitikal ng dula.
Kostyum at Props. Saklaw ng kostyum o kasuotan ang mga damit at
palamuti na ibinibihis sa mga aktor ng dula. Sa pamamagitan ng kasuotan,
naipahihiwatig sa estilong realistiko ang karakter ng tauhan, panahon at
lokasyon para mapatingkad ang pagkakawangis ng dula sa tunay na buhay.
Halimbawa, ang terno na binubuo ng baro, saya, tapis, at panuelo, na
sinasamahan ng payneta, alahas, abaniko, at saquita de mano at ang barong
Tagalog na karaniwang sinasamahan ng sambalilo at baston ay mga bihis na
nagpapahiwatig ng sinaunang panahon at mataas na uring kinabibilangan ng
tauhang may ganitong bihis.
Sa kabilang banda, sa estilong di-realistiko, nakapag-aambag ang
mga kasuotan sa papel na ginagampanan ng tauhan sa diskurso ng dula.
Halimbawa, sa mga dulang tradisyunal, lagi nang nakaugnay ang kulay ng
kasuotan ng mga tauhan sa pinagmumulan niyang uri at lahi. Kumbensyon
sa isang komedya ang pagsusuot ng kulay itim, asul, berde, at dilaw ng mga
Kristiyano bilang protagonista, samantalang pulang kostyum naman ang bihis
ng mga moro bilang antagonista. Hanggang sa kasalukuyan, kasangkapan
pa rin ng dula ang konsepto ng kasuotan at mga palamuti, subalit hindi na
lamang ito nakaugnay sa pagiging bida o kontrabida ng tauhan. Halimbawa,
sa Ang Malupit na Engkanto ng Mariposa ni Fedrerico Garcia Loarca ng
Dulaang Unibersidad ng Pilipinas (DUP) noong 2004, nilagyan ng maliliit na
ilaw ang puwitan ng mga tauhang insekto upang magmukha silang salaginto
Tiongson-Respeto I Paano ba Manood ng Dula? 33
at salagubang. Sa dulang Ang Unang Baboy sa Langit ni Christine Bellen
(na hango sa kuwento ni Rene Villanueva) ng Ateneo ENTABLADO noong
2009, ginawang bahagi ng sombrero ang tainga ng mga baboy, habang ang
buntot ay nakadugtong sa mga salawal at palda. Sa dulang Yun na nga, Kung
yun na nga ni Luigi Pirandello ng Philippine High School for Arts noong
2005, tapete at mga plastik ang materyal na ginamit para sa mga kasuotan na
tinernuhan ng pustisong ngipin at wig upang mabigyang-diin ang pagiging
mapagkunwari ng isang lipunan. Samantala, pinagtitibay ng mga ternong
pinalamutihan ng disenyo ng isda ang satirikal na tono ng isang sarsuwelang
tungkol sa usurera (o ang pating sa katihan), ang Sa Bunganga ng Pating ng
Tanghalang Pilipino noong 1996. Sa iba’t ibang pagtatanghal ng komedyang
Lysistrata ni Aristophanes ng DUP (2004) at Tanghalang Pilipino (2009),
na tungkol sa seks at giyera, laging ginagawang bahagi ng kasuotan ang mga
kakatwang laki at hugis ng ari ng mga kalalakihan.
Ang Pag-iilaw. Nagsimula ang paggamit ng ilaw sa tanghalan bilang
iluminasyon na ang layunin ay mabigyan ng liwanag ang mga eksena sa
entablado sa mga pagtatanghal ng tradisyunal na dula, tulad ng komedya
at sinakulo. Pero nang dumating na ang iba-ibang uri ng ilaw at iba-ibang
estilo ng paggamit dito, nagkaroon na rin ito ng kakayahan na magkuwento,
nakahahabi na rin ito ng sarili niyang naratibo.
Sa estilong realistiko, pinadadaloy ng ilaw ang salaysay sa
pamamagitan ng pagbukas at pagpatay nito sa entablado upang itakda ang
simula at pagtatapos ng mga eksena sa mga pagitan at kabuuan ng dula.
Natutulungan ng ilaw ang pagtatakda ng mga tiyak na oras sa daloy ng dula
gaya ng umaga at gabi. Nagagamit rin ang ilaw upang mabigyang-pokus ang
tauhan sa mga eksenang nagaganap sa isang bahagi ng entablado habang
madilim ang iba pang bahagi nito.
Samantala, sa parehong estilong realistiko at di-realistiko, ang
Ilaw ang nagpapatingkad ng emosyon at damdamin na taglay ng mga tiyak
na eksena ng dula. Naglalamlam karaniwan ang ilaw para ipadama ang
mga damdaming nasiphayo, naglulunos, o nagdadalamhati, samantalang
matitingkad na kulay ng mga ilaw ang karaniwang nagbibigay-liwanag sa mga
eksenang marahas, maligalig, masimbuyo, at nag-uumalab. Mapaglarong
ilaw ang karaniwang ibinabato sa masasayang eksena ng dula habang
pumuputla ito sa mga eksena ng pagninilay-nilay. Gayundin, nagagamit
ang teknik, partikular na ang paglalagay ng ilaw sa entablado, upang
mapagtibay ang estilo ng dula. Sa estilong realistiko, ikinakabit ang mga
ilaw sa mga tagong bahagi ng entablado upang maikubli sa mga mata ng
manonood at makapagbigay ng ilusyon na ang kanilang nasasaksihan sa loob
ng isang kuwadradong espasyo ay mga pampribadong usapin. Sa kabilang
34 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
banda, ang paglalantad ng ilaw (ibig sabihin, ang sadyang pagpapabatid sa
mga manonood kung saan nagmumula ang ilaw) ay isang pagpapamalay at
pagpapaalala sa manonood na isang palabas lamang ang nasasaksihan nila sa
tanghalan at ang mahalaga ay hindi ang istorya ng mga tauhan kundi ang mga
ideyang pulitikal na sinasagisag ng mga ito.
Ang Musika. Sa estilong realistiko, ang musika ay nanggagaling sa naratibo
(diegetic) at may layon minsan na suportahan ang paksa sa pamamagitan
ng temang awit (theme song). Pinatitingkad ng musika ang emosyon ng
isang makatotohanang eksena, partikular na ang matinding eksenang puno
ng sama ng loob habang nagnunuynoy ang manonood sa paghihinagpis.
Nagsisilbi rin itong tulay sa pagitan ng mga eksena, tagpo, at yugto, kasabay ng
pagpatay ng ilaw. Samantala, sa estilong di-realistiko, ginagamit ang musika
para magpahayag ng mga ideya o tumukoy sa ideya o uri. Halimbawa, sa
pamamagitan ng mga partikular at kontrapuntong awit na isinisingit sa mga
eksena, naaakay ng dula ang manonood tungo sa mapanuring pagbasa ng
teksto.
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng elemento ng musika
sa mga dulang musikal. Sa anyong ito ng dula, nagiging diyalogo ng mga
artista ang musika dahil inaawit ng mga aktor ang ilang mga linya nito
upang makipag-ugnayan sa iba pang tauhan. Para sa dulang musikal gaya ng
sarsuwela, opera, at mga kontemporanyong dulang musikal, ang kalidad ng
pag-awit ng mga nagsisiganap ang isa sa mahalagang batayan ng kahusayan
ng dula, higit pa sa kakayahan sa pagganap.
Ang Tunog. Nabibigyang-buhay ng mga tunog ang kaligiran ng dula
alinsunod sa tamang estilo para palutangin at patingkarin ang interpretasyon
ng orihinal. Nagiging malinaw ang mga yunit ng eksena bunga ng paglalapat
ng iba’t ibang uri ng tunog na pinagtatagni-tagni at inilalapat sa dula.
Nagiging tiyak ang mga espasyo ng panahon at lugar ng dula dahil nalilikha
ng tunog ang isang tiyak na kaligiran (ambiance). Ang busina, pag-arangkada,
at iba pang tunog na nagmumula sa mga sasakyan sa mga tagpo sa lansangan;
ang kulog at patak ng ulan; ang sigawan sa labasan, putok ng baril o kanyon,
pati na ang mga simpleng pagkatok sa pinto, pagsarado ng tarangkahan,
at pagkahol ng aso ay mga kasangkapang awral na nagpapamalay sa mga
manonood na ang eksena sa entablado ay isa lamang bahagi ng mas malawak
na espasyo at mayroon pang mundo sa labas nito. Natutulungan ng sining
ng tunog ang manonood na maglakbay sa labas ng tanghalan upang higit na
maisakonteksto sa malawak na lipunan ang mga pangyayaring nagaganap sa
entablado.
Tiongson-Respeto I Paano ba Manood ng Dula? 35
Pinagtitibay rin ng tunog ang kabuuang konsepto ng dula at iniaayon
ang paggamit ng mga ito sa pangangailangan ng mga eksena. Higit na
nagiging epektibo ang mga elemento ng tunog kapag malay ang dula sa mga
instrumentong gagamitin para patingkarin ang sensibilidad ng pagtatanghal.
Halimbawa, karaniwang tinutugtog ang mga instrumentong gaya ng gong,
kubing, at tambuli para sa mga tradisyunal na dula o dulang may temang
etniko, samantalang mga kagamitang metal at pang-orkestra naman ang
naririnig sa mga modernong dula. Maaari ring salungatin ng mga tunog ang
tema at mga simbolo sa loob ng dula upang masuportahan ang mga tangkang
pananagisag. At sa ganitong diwa rin maaaring ituring na tunog ang mga
makahulugang katahimikan (pregnant pauses) na matutunghayan sa pagitan
ng mga diyalogo at eksena ng dula.
PANGALAWANG DULOG: ANG KONTEKSTO NG PAGTATANGHAL
Sa pagsusuri ng dulang pantanghalan, mahalagang masipat ang
konteksto ng mga kondisyon ng panahon at lunan, ng tao at organisasyon
na nagtiyap-tiyap para mabuo ang kasalukuyang pagtatanghal.
Mapahahalagahan ang mga ito sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong
na 1) sino ang nagtanghal ng dula? 2) bakit itinatanghal ang dula? 3) kailan
ginawa ang pagtatanghal? at 4) para sa anong odyens at para saan ginawa ang
pagtatanghal?
1) Sino ang nagtanghal ng dula?
Laging sangkot sa proseso ng pagbuo ng dulang pantanghalan
ang mga taong gaya ng prodyuser at direktor, o ang pangkat na bumubuo
sa palabas. Kaya sa panunuring pantanghalan, mahalagang usisain ang
kanilang pinanggagalingan nang maisakonteksto ang kaligiran ng dula.
Halimbawa, mainam na masaliksik ang mga batayang pagkakakilanlan sa
prodyuser, partikular na ang kaniyang a) rekord bilang isang baguhan o
ekspertong tagapagtaguyod ng mga produksiyong pantanghalan, b) layon
sa pagtataguyod sa dula -- kung ito ba ay para sa propaganda, edukasyon
o negosyo, at k) papel sa pagpaplano sa gastusin at pagpili ng artista at
miyembro ng produksiyon. Mahalaga ring mabatid kung ang prodyuser ay
isang malaking insitusyon sa kultura na nagbibigay ng badyet para sa mga
pagtatanghal ng isang kompanyang panteatro, o ito ba ay pinopondohan ng
isang maliit na eskwelahan sa probinsiya.
Ang kabatiran sa mga batayang impormasyon tungkol sa direktor
ay mahalagang kahingian para sa pagsusuri sa kaligiran ng isang dulang
pantanghalan. Mainam na mabatid ang kaniyang uring pinanggalingan,
edukasyon, hanapbuhay, seksuwalidad, kalusugan, at katayuang sibil
36 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
bilang mga batayang datos sa identidad ng isang manlilikha. Bukod dito,
mahalagang masaliksik ang mga naging impluwensiya niya sa kaniyang
paglikha at buhay artista, karanasan niya sa paglikha ng dula, mga malalapit
na kaibigan o kapatid sa sining, ideolohiyang pinaniniwalaan at pananaw sa
mga kasalukuyang isyu sa lipunan dahil maaaring maging salik ang mga ito
sa paglikha niya ng pagtatanghal.
Marapat ding kilalanin ang grupong nagtatanghal ng dula na
maaaring mga estudyanteng nagme-major sa sining ng teatro sa unibersidad
tulad ng DUP, propesyunal na pangkat na matagal nang nagtatanghal tulad
ng PETA, kalipunan ng mga estudyante sa hayskul na pinili lamang para sa
palabas, at samahan ng mga komedyante sa baryo na sumali sa pagtatanghal
dahil sa panata, tulad sa San Dionisio, Parañaque. Higit pang dapat isaalang-
alang ang organisasyong nagtatanghal ng dula kung ang samahan ay binubuo
mismo ng mga biktima ng karahasan ng lipunan, gaya ng grupo ng mga EJK
survivors o kaya’y biktima ng malakas na bagyo na itinaguyod ng mga artista
o industriya para matulungan silang malampasan ang traumang pinagdaanan
nila. Ang gayong kabatiran sa identidad ng direktor, prodyuser, at pangkat
pantearo ay angkop sa mga dulog na nagpapahalaga sa tagalikha ng sining
pandula.
2) Bakit itinanghal ang dula?
Ang pagtuklas sa layon ng pagtatanghal ay isang mahalagang salik
tungo sa pag-unawa ng konteksto ng pagbubuo ng isang dula. Maaaring
magkaiba-iba ang hubog ng pagtatanghal ng iisang dula ng iba’t ibang
samahan bunsod ng magkakaibang pakay kung bakit itinanghal nila ang
dula. May mga dulang itinatanghal para maging bahagi ng isang tagdula o
theater season ng isang grupong propesyunal o akademiko. Mayroong mga
dulang itinatanghal para sa pista ng bayan at pagdiriwang ng College Day
ng isang kolehiyo sa probinsiya. May mga dulang binuo para isali sa isang
kompetisyon ng mga batang mandudula sa hayskul, at may mga pagtatanghal
din na sadyang ipinalabas para itaguyod ang partikular na adbokasiya, gaya
ng pangangalaga sa kalikasan o pagpapahalaga sa buhay ng maralitang taga-
lungsod. Sa mga pagpapahalagang ito nakikilala ang dula bilang aktibong
bahagi ng mga mga kaligirang ekonomiko, kultural, at pulitikal, lalo na kung
ang dula ay may oryentasyong pragmatiko.
3) Kailan ginawa ang pagtatanghal?
Napalalalim ang pag-unawa sa isang pagtatanghal sa pamamagitan
ng pagkukuwadro nito sa panahong kaniyang pinagluluwalan na karaniwang
hinubog ng mga kondisyong panlipunan. Halimbawa, matatantiya ng
Tiongson-Respeto I Paano ba Manood ng Dula? 37
manunuri ang isang dula kapag matitiyak niya kung itinanghal ito sa
panahong may laya sa pagpapahayag ang mga artista at taga-midya o ito ba’y
pinalabas sa panahong sinisikil ang alinmang akdang pumupuna o tumututol
sa palakad ng mga may kapangyarihan. Gayundin, maisasakonteksto ang
pagkilatis sa dula kapag nabigyang-halaga ang okasyon ng pagtatanghal nito,
gaya ng panahon ng pangangampanya laban sa isang probisyon o batas na
tinututulan ng awtor, o pagdiriwang ng kaarawan ng isang bayani o dakilang
tao. Samantala, higit pang napayayaman ang isang kontekstuwal na pagbasa
sa isang pagtatanghal kapag malay ang manunuri sa mga impluwensiyang
pangkultura, kilusang pansining, at tradisyong panteatro na nananaig sa
panahon ng pagsasadula.
4) Para kangino at para saan ginawa ang pagtatanghal?
Nagiging masaklaw ang pag-unawa sa konteksto ng dula kapag
nabibigyang-linaw kung para kangino nga ba at para saan ginawa ang
pagtatanghal. Halimbawa, ang pagtatanghal ba ay ginawa para sa mayayaman
na ang hilig ay mga dula sa Ingles o ito ba ay itinanghal para sa mga karaniwang
mamamayan sa plasa bilang bahagi ng pagdiriwang sa pista ng bayan? Ang
pagtatanghal ba ay nakatutok sa mga batang nasa elementarya bilang bahagi
ng taunang pagtatanghal o ito ba ay nilikha para ipalabas sa manonood
sa loob ng komersiyal na tanghalan? Ito ba’y nilikha para ipalabas ng mga
kabataang aktibista sa malalaking rali sa plasa, pabrika, baryo, at SONA ng
pangulo o para sa isang tanghalang tulad ng Wilfrido Ma. Guerrero Theater
na kumpleto ang gamit, maganda ang sistema ng tunog, at may odyens na
“marunong” manood ng mga seryosong dula? Batay sa mga halimbawang
tanong, maaaring masabi na sinisikap ng dulog na ito na masuri ang mga salik
ng pagtatanghal, batay sa kalagayan at sensibilidad ng manonood.
PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG PAGTATANGHAL
Binibigyang-pansin sa dulog na ito ang pagsusuri ng dating o epekto
ng pagtatanghal sa manonood. Usapin din ito ng tinatawag na estetika ng
pagtatanghal, pagkat ang estetika ng isang palabas ay nasusukat sa kung
paano ito nagiging katanggap-tanggap o di katanggap-tanggap sa manonood.
Masusukat marahil ang epekto ng pagtatanghal sa tatlong antas. (Tingnan
ang Tala 1)
1) Magaan ang Dating
Una’y magaan ang dating ng dula sa tainga dahil ang ginagamit
nitong wika ay wika ng pang-araw-araw na buhay. Dahil sa wika, nabubuksan
ang kaban ng mga alaala, damdamin, at pangarapin at nagagamit ang mga ito
38 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ng artista para mabuo ang daigdig ng dula. Gayundin, maaaring magaan ang
dating dahil ang dula ay gumagamit ng musika –instrumental at/o pantinig—
na deretso ang tama sa puso, o mga tunog na pumupukaw ng iba’t ibang
damdamin at kaisipan sa manonood
Pangalawa’y magaan ang dating ng dula sa mata ng odyens dahil sa
mga sumusunod na dahilan : a) expresibo, inobatibo, at pulyido ang galaw
ng mga aktor/mananayaw, b) mahusay na natutukoy ng imahinatibong set at
props ang tagpuan, panahon, at mood ng eksena, k) napapakita ng tabas
at kulay ng kostyum ang panahon ng dula at karakter ng bawat tauhan, at d)
malikhain at nakakamalikmata ang mga special effects ng dula.
Pangatlo’y magaan ang dating ng dula sa loob ng manonood dahil:
a) may sangkap na siste o katatawanan ang pagtatanghal; at b) mabigat at
seryoso man ang eksena ay napapagaan ito dahil nagbibigay ng pagkaunawa
sa suliranin o kahirapan, na nakapagpapalaya sa malagim na damdaming
pinupukaw ng eksena sa manonood.
Dahil sa alinmang kombinasyon ng mga elementong ito, gumagaan
at bumubukas ang loob ng manonood sa dula.
2) Malalim ang Dating
Ito ay may kinalaman sa paksa, istorya, at tema ng dula. Hindi
lamang ang anyo, estilo, at teknik ang may dating, kundi ang paksa o
subject matter na maaaring may bago o napapanahon na istorya, o naratibo
na lohikal, masining, at makulay ang pagkakabalangkas, tema na may
mahalagang sinasabi sa atin bilang tao o bilang Pilipino at sa uri ng lipunan
o bayang kinabibilangan natin. Marami sa mga dulang masasabing malaman
ang dating ay karaniwang umiinog a) sa tunggalian ng mga indibiduwal na
nag-uugat sa higit na malalim na hidwaan sa lipunan (e.g., ang away ng mag-
asawa o magkasintahan ay karaniwang matutunton sa pananaw na patriyarkal
ng lalaki na ang tingin sa babae ay pambahay o pangkama lamang at hindi
taong may karapatang magkaroon ng sariling buhay); at b) sa tunggallian ng
mga indibiduwal/grupo na nakaugat sa mas malalim na labanan ng mga uri
(kapitalista at manggagawa, hasendero at kasama), ng relihiyon (Muslim at
Kristiyano), ng etnisidad (landgrabber/ mining operators vs. mga lumad na
may-ari ng pamanang lupa), ng kultura (tagabayan at tagabukid, taga-lunsod
at taga-lalawigan), o ng bansa (kolonyalismo vs. nasyunalismo).
Kung maimumulat ng dula ang manonood sa mga nangyayari sa
kaniya at sa kaniyang bayan at kababayan, lalabas ang manonood sa teatro na
puno ang isipan at busog ang kaluluwa.
Tiongson-Respeto I Paano ba Manood ng Dula? 39
3) Superyor o Bongga ang Dating
Kung magagawa ng mandudula na mapagsama ang gaan ng anyo at
lalim ng nilalaman, at kung maiaangat pa niya ang mga ito sa mas mataas na
antas ng kasiningan, magiging superyor o bongga ang dating ng pagtatanghal.
Sa Ingles ang katapat marahil ng salitang bongga ay “mind-blowing” o
“overwhelming,” na ginagamit para tukuyin ang mga dulang superyor ang
pagkakasanib ng mga elemento (iskrip, direksiyon, pagganap, disenyo
ng produksiyon, ilaw at tunog, atbp.) at may ginagawang totoong kakaiba,
imahinatibo, at orihinal.
4) Pluralismo ng Estetika
Kailangang tandaan na hindi iisa kundi marami ang matutukoy
na uri ng estetika sa sangkapuluan dahil ang tradisyong kultural ng mga
Pilipino ay nagkakaiba ayon sa mga sumusunod na salik: a) uri (ang kultura
ng grupong AB ay karaniwang mas kosmopolitan at maka-Kanluranin,
samantalang ang kultura ng CDE ay mas nakaugat sa mga tradisyon at
popular na kultura ng bansa); b) edukasyon (miyentras mas mataas ang
pinag-aralan tila mas nagiging siyentipiko at/o moderno ang pananaw at pag-
uugali); k) lokasyon (ang kultura ng taga-bundok ay mas komunal at malapit
sa kalikasan, samantalang ang kultura ng taga-bayan o lunsod ay madalas na
mas impersonal at mekanikal); at relihiyon (ang mga paniniwala at kaugalian
ng mga Katoliko ay iba sa Protestante ay iba sa Muslim ay iba sa Animismo).
Mahirap kung gayon na tukuyin kung alin ba sa mga tradisyong kultural ng
mga Pilipino ang panggagalingan ng estetika ng dula na “tunay na Filipino.”
Mahalagang alalahanin, kung gayon, na ang estetika ay may aspetong relatibo
o partikular sa iba’t ibang grupo sa ating bansa kung kayat mahirap talagang
sabihing iisa lamang ang estetikang pandulaan para sa lahat ng ating
kababayan.
5) Dinamismo ng Estetika
Hindi lamang sinkroniko kundi diyakroniko din ang dapat na
maging pagtanaw natin sa usapin ng estetika. Sa madaling salita, ang estetika
ay nagbabago batay at bilang tugon sa pagbabago na dala ng kasaysayan. Ang
bawat kabanata sa ating nagdaan ay may kaakibat na kaayusang panlipunan
at pangkabuhayan na may epekto sa mga panooring pinalalabas sa panahong
iyon. Magandang halimbawa nito ang komedya, na nagbago-bago ang
anyo at estetika batay sa panahon, mula sa napakahabang pagtatanghal
noong pagbiling ng siglo 19 tungo sa pinaikling palabas sa ating panahon
na nanghihiram ng estilo ng pag-arte, pagbubuno, musika at kasuotan sa
pelikula, radyo at telebisyon.
40 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
6) Estetikang “Paloob”
Dapat magkaroon din ng puwang ang ating dulaan para sa ibang
uri ng estetika na kaakibat ng ibang uri ng estilo, pilosopiya o sensibilidad
ng dula na maaring ipasok sa bansa ng mga banyagang dula at ng mga dula
ng mga avant garde na mandudulang Pilipino. Ang estetika ng “palabas”
(Tingnan ang Tala 2) ang naghahari di lamang sa entablado kundi pati na
sa radyo, telebisyon at maraming pelikula ngayon, at ito’y madalas nagiging
eskapista. Kung kaya’t mahalaga din na maging bukas ang tanghalan natin sa
ibang uri ng dula na maaaring nag-aalay ng ibang klase ng estetika, partikular,
ang estetikang “paloob”. Sa mga dulang may estetikang paloob, hinihingi ng
mandudula na ang manonood ay tumahimik, mag-isip, magsuri, at masusing
basahin ang iba’t ibang elemento ng dula na mabusising inayos ng mga
artista upang maparating at mapadama ang mahahalagang kaisipang may
kinalaman sa kahulugan ng buhay sa lipunang ginagalawan natin.
PANG-APAT NA DULOG: ANG KAHULUGAN NG PAGTATANGHAL
AT TIMBANG NITO SA KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Ang dulog na ito ay may kinalaman sa pagtimbang sa kaisipang ibig
ilahad sa manonood ng laman at anyo ng pagtatanghal. Dapat linawin na ang
isang pagtatanghal ay maaaring maging matagumpay sa husay ng pagkakabuo
ng mga elemento ng pagtatanghal at magaan ang dating sa manonood, ngunit
lisya o mali o mapang-api ang hatid na kaisipan, pananaw, at halagahin.
1) Mga Dulog na Kritikal mula sa Kanluran
Sa pagtukoy sa mga tunay na ipinahihiwatig ng isang pagtatanghal,
magagamit ang ilang dulog na kritikal mula sa Kanluran na maaari ding
gamitin sa ating mga dula. Sa pananaw na feminista, tinutukoy at isinisiwalat
ng kritiko ang mga ideya at pagpapahalagang nanggagaling sa at hinubog at
ginawang “natural” ng sistemang patriyarkal sa PIlipinas (e.g., ang “halaga” ng
babae bilang “ulirang maybahay” at “mapagpasakit na ina”). Sa perspektiba
ng “Orientalismo” ni Edward Said, may matutukoy ba na pananaw o
halagahin sa dula na nanggagaling sa mitong likha ng Orientalismo, na
naninindigang ang Kanluran ay superyor sa Silangan dahil ang taga-Silangan
ay tamad, emosyonal, imoral, mangmang, samantalang ang taga-Kanluran ay
ang kabaligtaran ng lahat ng ito. Madalas, ang mababang pananaw sa mga
bansang nakolonisa ay nakukuha/isinasaloob ng mismong mga nakolonisa
nang hindi nila nalalaman at lumalabas sa kanilang mga likhang-sining.
Isa sa mga teoryang galing sa Kanluran na madalas gamitin sa
pagsusuri ng mga likhang-sining ang Marxismo. Sa pananaw ng Marxistang
Tiongson-Respeto I Paano ba Manood ng Dula? 41
si Louis Althusser, ang mga sining at midya ay maaring maging “ideological
state apparatus” na humuhubog sa kamalayan ng manonood para matanggap
nila ang umiiral na hierarkiya sa ekonomiya at pulitika sa lipunan. Ganito
rin ang makauring pananaw ni Bertolt Brecht, na lumikha noong dekada
1920 at 1930 ng konsepto ng “epic theater,” na gumagamit ng mga istorya
at pamamaraang di-realistiko para ipahayag ang kaniyang mga mensaheng
pulitikal na makauri. Sa pananaw ni Brecht ang teatro ay hindi dapat maging
pugad ng mga ilusyon (tulad ng hinahabi ng melodrama) kundi bulwagan
ng nagtatagisang ideya, kung saan mauunawaan ng odyens ang kanilang
sitwasyon at makahahanap sila ng paraan para mawakasan ang kanilang
pagkaapi. Sinundan ni Augusto Boal ang yapak ni Brecht sa kaniyang Theater
of the Oppressed, na nagsasabing ang pangunahing tungkulin ng teatro ay
palayain ang pasibong manonood sa tiraniya ng “spectacle-theater” ng mga
burgis, at sa halip ay gawing “rehearsal play” ang lahat ng dula, ang ibig sabihi’y
walang pinal na porma, kundi laging nagbabago batay sa partisipasyon ng
manonood sa nangyayari sa entablado. Kasama sa 12 uri ng dulang nilikha
niya ang Image theater, kung saan nakikialam ang manonood sa nangyayari
sa entablado at nagmumungkahi ng solusyon sa problemang kinakaharap
ng mga tauhan; at ang Forum Theater, kung saan nagmumungkahi din ng
solusyon ang manonood, pero sila na mismo ang pumapanhik sa entablado at
pinapalitan ang mga aktor para imustra ang solusyong iminumungkahi.
2) Mga Dulog na Pilipino at Pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Magagamit naman marahil ang mga pananaliksik ni Virgilio
Enriquez sa sikolohiyang Pilipino para malaman kung awtentiko nga ba
ang pag-iisip, pagkilos, motibasyon, pananaw, at halagahin ng mga tauhan
sa mga dulang realistiko, samantalang magagamit marahil ang Pantayong
Pananaw ni Zeus Salazar sa pagtaya ng awtentisidad ng diyalogo sa pagitan
ng aktor at ng manonood, at sa pagitan ng pagtatanghal at ng manonood. At
huli, kailangang masuri ang mga sinasabi ng pagtatanghal, sa perspektiba ng
iminumungkahi nating Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
Ano ba ang tinatawag nating Kamalayang Pilipino na Maka-TAO? Ito
ang kamalayang nagsusulong ng “kaganapan ng Pilipino bilang TAO, sa antas
na pisikal, sikolohikal, intelektuwal, ispirituwal, pulitikal, pangkabuhayan,
at kultural, anuman ang kaniyang kasarian, lahi, edad, relihiyon, rehiyon,
uri o okupasyon.” (Tingnan ang Tala 3) Ang kaganapan ng Pilipino bilang
TAO ay nakakamit “sa pagsasanggalang, pagtataguyod, at pagpapalakas ng
kaniyang mga karapatan,” Sa perspektibang ito, ang mahalagang tanong ay
ito: ang pagtatanghal bang ito ay nakatulong o naglng balakid sa pagkakamit
ng Pilipino ng kaniyang kaganapan bilang TAO?
42 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Isa sa batayang karapatang pantao ang karapatan na mabuhay nang
masagana at payapa sa isang bansang may ganap na kalayaan sa pulitika,
ekonomiya, at kultura. Ito ang ipinaglaban ng mga drama simboliko mula 1902
hanggang 1905, tulad ng Tanikalang Ginto (1902) ni Juan Abad, Kahapon,
Ngayon at Bukas (1903) ni Aurelio V. Tolentino, at Hindi Aco Patay (1902)
ni Juan Matapang Cruz. Dahil hinuhuli ng mga sundalong Amerikano ang
sinumang magsalita o magsulat laban sa ilegal na kolonisasyon ng Estados
Unidos sa Pilipinas, lumikha ng mga tauhan at istoryang alegorikal ang ating
mga mandudula para tukuyin ang mga puwersang nagtutunggali sa Pilipinas
sa panahong ito.
Tipikal ang istorya at tauhan ng Tanikalang Ginto. Si Liwanag
(Pilipinas) ay magandang dalaga na may tapat na kasintahan, si Kaulayaw (mga
Pilipinong lumalaban pa rin para sa Kalayaan). Ibig na nilang magpakasal
(pagkakamit ng kalayaan), ngunit tumututol dito si Maimbot (Estados
Unidos). Nang ayaw makinig si Liwanag, itinali siya ni Maimbot sa isang
puno, gamit ang pulseras na ginto na iniregalo niya kay Liwanag (pangako
ng kalayaan). na ngayo’y naging tanikala na (ang pasiya ng Amerika na
kolonisahin ang Pilipinas). Binayaran pa ni Maimbot ang pariwarang kapatid
ni Kaulayaw na si Nagtapon (mga Pilipinong pumanig na sa mga Amerikano)
para bantayan si Liwanag. Sasaklolohan sana ni Kaulayaw si Liwanag, ngunit
babarilin siya ng sarili niyang kapatid (ang pagkahuli at pagsuko ni Emilio
Aguinaldo at ibang heneral). Bababa si Diwa at isasakay si Liwanag sa isang
malaking bula, at saka siya ililipad sa himpapawid, sabay ang pangako na
mabubuhay muli si Kaulayaw at makakasal pa rin sita ni Liwanag sa darating
na panahon (makakamit pa rin ang Kalayaan). Sa wakas, kakalawitin ni
Kamatayan at ng Dimonyo sina Maimbot at Nagtapon patungong impiyerno
(hindi magtatagumpay ang masama).
Sa kabila ng Anti-Sedition law ng 1901, ng banta ng multa, pagkapiit,
at toryur sa loob ng bilangguan (na nangyari lahat sa mga mandudulang
nabanggit), hindi umurong ang mga makabayang ito sa kanilang tungkulin
na ipakita sa kapwa nila Pilipino ang tunay na layunin ng Amerika sa
Pilipinas (kolonisasyon) at himukin sila na tumulong sa anumang paraan para
maipagtagumpay ang digmaang bayan sa ilalim ng Republika ng Katagalugan
ni Presidente Macario Sakay, para makapamuhay ang lahat ng mga Pilipino
nang matiwasay sa isang bansang may ganap na Kalayaan -- sa pamahalaan,
kabuhayan, at kalinangan. Totoong mabigat ang timbang ng mga dramang
simboliko sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
Tiongson-Respeto I Paano ba Manood ng Dula? 43
MGA TALA
1. Ang bahaging ito ay hango sa isang papel ni Nicanor G. Tiongson na may
pamagat na “Ang Dating ng Dulang Pilipino” na isang paglalapat sa teatro
ng konsepto ng “dating” ni Bienvenido Lumbera.
2. Ang salitang “palabas” ay unang ginamit ni Nicanor G. Tiongson noong
1975 bilang estilo ng tradisyunal na dulang tulad ng sinakulo. Tingnan ang
aklat na Kasaysayan at Estetika ng Sinakulo at iba pang dulang Panrelihiyon
sa Malolos, Manila: Ateneo de Manila University Press, 1975, p.195. Ito
rin ang ginamit ni Doreen G. Fernandez noong 1996 bilang pamagat ng
kaniyang aklat na Palabas, Essays on Philippine Theater, Quezon City:
Ateneo de Manila University Press, 1996.
3. Ang huling .dalawang talata ay galing sa sanaysay ni Nicanor G. Tiongson
na “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO: Apat na Dulog sa
Pagsusuri ng Sining Pilipino” na nasa antolohiyang ito. Inilahad na rin
ito ng awtor sa kaniyang pagsusuri ng teatrong para sa TAO sa kaniyang
artikulong “TAPAT: Teatro para sa TAO” na isinama sa isyung sentenyal
ng Unitas. 95 (2). 2022. 266-86.
MGA SANGGUNIAN
Althusser, Louis. 1971. “Ideology and Ideological State Apparatuses”. Lenin
and Philosophy and Other Essays. Monthly Review Press.
Bhaba Homi, 1984. Of Mimicry and Man: The Ambivalence of Colonial
Discourse.
Cambridge, Mass., and London: The MIT Press Stable. URL: http://www.jstor.
org/stable/778467
Boal, Augusto. 1979. Theatre of the Oppressed. USA: Urizen Books, Inc.
Brecht, Bertolt. “The Modern Theater is the Epic Theater” at “Theatre for
Pleasure or Theatre for Instruction.” Bernard F. Dukore (ed) 1974.
Dramatic Theory and Criticism, Greeks to Grotowski. USA: Holt,
Rinehart and Winston, Inc.
Enriquez, Virgilio. 1998. From Colonial Liberation Psychology. Quezon City:
University of the Philippines Press.
44 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Lumbera, Bienvenido. 2000. “ ‘Dating’: Panimulang Muni sa Estetika ng
Panitikang Filipino.” Writing the Nation/ Pag-akda ng Bansa. Quezon
City: University of the Philippines Press. 210-24.
Navarro, Atoy, Mary Jane Rodriguez at Vicente Villan (mga ed.). 1997.
Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan. Lungsod Mandaluyong.
Palimbagang Kalawakan.
Said, Edward W. 1979. Orientalism. New York: Vintage Books.
Sollors, Werner. “Ethnicity.” 2010. Frank Lentricchia at Thomas McLaughlin
(mga editor). Critical Terms for Literary Study. Ed. 2. Chicago and
London: The University of Chicago Press.
Tiongson, Nicanor G. 1975. Kasaysayan at Estetika ng Sinakulo at Ibang
Dulang Panrelihiyon sa Malolos. Quezon City: Ateneo de Manila
University Press.
_________________. 2008. “The Sainete and Entremes.” Eduardo Jose E.
Calasanz, Jonathan Chua, Rofel G. Brion (mga editor). Thought the
Harder, Heart the Keener, A Fesrschrift for Soledad Reyes. Quezon
City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila
University.
_________________. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO:
Apat na Dulog sa Pagsusuri ng Sining Pilipino.” Ikalawang DESK-TP
Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
para sa PUP. Agosto 10. Sa ibrong ito.
_________________. 2022. “TAPAT: Teatro para sa Tao.” Isyung Sentenyal.
Unitas. (95) 2. 2022. 266-86.
Tiongson-Respeto I Paano ba Manood ng Dula? 45
Rosalie S. Matilac
MULA PANGALAY
HANGGANG ONE TON PINAY:
MGA PAMANTAYAN SA PAGSUSURI
NG MGA SAYAW NG PILIPINAS
INTRODUKSIYON
A
ng sayaw ay pagkilos ng katawan na may sinusunod na kaayusan.
Ito ay isinasagawa sa isang takdang lugar at kadalasang sinasabayan
ng musika, o sumasabay kaya sa binibigkas na salita, mga sari-
saring tunog, at maging sa katahimikan. Ang sayaw din ay makasining
na pagpapahayag ng emosyon at ideya, o paggunita sa mga pangyayari,
o paglalarawan ng mga aktibidad gaya ng pangangaso, pakikipaglaban,
pagliligawan, at pakikipagtalik. Malinaw, kung gayon, na ang sayaw ay
salamin ng kultura at pamumuhay ng mga grupo ng mamamayan sa Pilipinas
at indikasyon din ng kamalayang namamayani sa komunidad o lipunan sa
isang partikular na lugar at panahon sa kasaysayan. Kaya naman may nagsabi
na “Ang sayaw ay buhay na kasaysayan.” (Amilbangsa 2008).
A. MGA TRADISYON NG SAYAW SA PILIPINAS
Napakaraming uri ng sayaw sa Pilipinas na iba-iba ang katangian,
mula sa mga sayaw ng mga grupong katutubo tulad ng kayaw at pangalay
hanggang sa hip-hop at cheerdance. Para maunawaan ang mga katangian at
pinanggalingan ng mga sayaw na ito, magandang ilarawan sila ayon sa mga
tradisyon ng kultura na pumasok, lumaganap , at umiral sa iba-ibang bahagi
ng bansa sa sunod-sunod na kabanata ng kasaysayan—sa mahabang panahon
ng katutubong kalinangan, sa panahon ng Kolonyalismong Espanyol, sa
panahon ng Kolonyalismong Amerikano, at sa panahon ng mga Republika
pagkatapos ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig.
46 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Katutubong Tradisyon
May mga 110 grupong etno-linggwistiko sa buong Pilipinas, na
tinatawag ring indigenous peoples o IP. Tinatayang ang kabuuan ng populasyon
ng IP ay nasa 14 hanggang 17 milyon (UNDP 2013). Sa kanilang hanay ay
nananatili pa rin ang mga paniniwala, institusyon, at kaugalian na nagmula
pa sa panahon bago dumating ang Kristiyanismo at Islam sa kapuluan at
nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.
Ang sayaw ang isa sa mga buhay na tradisyon na matutunghayan
sa araw-araw na pamumuhay ng mga IP. Narito ang ilan sa mga anyo ng
katutubong sayaw na tumutugon sa iba’t ibang aspekto ng kanilang buhay.
Ang ritwal na sayaw (ritual dance) ay naglalayon na umugnay sa mga
espiritu ng kalikasan, ng mga ninuno, at iba pang mga espiritu, at kadalasang
pinamumunuan ng babaylan, balyan, o mangdadawak (shaman). Halimbawa
nito ang sanghiyang sa Alfonso, Cavite kung saan ang mga namamanata
ay nagsasayaw sa ibabaw ng apoy o baga. Ang pagdiwata naman ng mga
Tagbanwa sa Aborlan, Palawan ay ginaganap bilang ritwal ng pasasalamat
para sa ani at mabuting kalusugan.
Ang sayaw sa siklo ng buhay (life-cycle dance) ay maaaring tungkol
sa kapanganakan, binyag, pagliligawan, kasal, at kamatayan. Isang halimbawa
nito ay ang idudo, isang sayaw na oyayi ng mga Tinguian (Villaruz, Obusan,
and Mijares-Ramos 2017).
Ang sayaw sa kabuhayan (occupational dance) ay sayaw upang
ipagdiwang ang mahahalagang aktibidad ng mga katutubo, tulad ng
pagtatanim at paggapas ng palay o pangingisda. Ang eddek ng mga Yakan ay
naglalarawan ng pagtatanim ng palay sa kabundukan (Pasilan 2014).
Ang sayaw sa pakikidigma (war dance / martial dance) ay tungkol
sa pagtatanggol o paghahanda para sa pakikidigma, gaya ng langka kuntaw
ng mga Tausug at Sama at kayaw ng mga Bontok (Amilbangsa 1983; Taguba
and Andin 1994).
Isang karaniwang uri ng sayaw sa mga katutubo ang sayaw ng
mga hayop (animal dances) na naglalarawan ng pagkilos ng mga hayop na
matatagpuan sa kapaligiran. Halimbawa nito ang itik-itik ng mga Waray
at kadal blilah ng mga Tboli na pawang sayaw ng mga ibon. Ginagaya ng
pagkamun sa Sulu at inalimango sa Capiz ang mga hayop sa dagat. Ang
pinahug ay sayaw ng bubuyog na mula sa mga Agta ng Camarines.
Matilac I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Sayaw 47
Ang sayaw na nagsasalaysay (dance with narratives) ay maaring
humango ng istorya mula sa pangkaraniwang buhay ng mga katutubo o sa mga
alamat, kuwentong bayan, at epiko. Ang pandamgo ng Bukidnon ay tungkol
sa isang baog na babaeng nangangarap na magkaroon ng anak na babae. Ang
sagayan ng Maguindanaon ay nagpapakita kung paano naghahanda para sa
pakikidigma si Bantugan, ang bayani ng epikong Darangen (Amilbangsa
1983; Villaruz, Obusan, and Mijares-Ramos 2017).
Ang katutubong tradisyon na galing sa mga IP ay umuunlad at
nagbabago sa loob at labas ng komunidad ng mga katutubo. Napakayaman ng
buhay na tradisyon ng katutubong sayaw at ito ang madalas na pinagkukunan
ng mga inspirasyon, tema, at konsepto ng mga grupo ng folk dance sa Pilipinas.
Tradisyong Hispaniko
Mula 1565 hanggang 1898, binago ng mga Kastilang mananakop
ang anyo, konteksto, kahulugan, at istilo ng mga katutubong sayaw. Ang
pakikipag-ugnayan sa mga espiritu ng kalikasan at mga ninuno ay natuon
sa pagsamba sa mga Kristiyanong santo—bagamat hindi naman lubusang
nawala ang mga sinaunang pamamaraan ng pananampalataya.
Ang mga katutubong ritwal na may kasamang sayaw ay nilagyan
ng doktrina, sagisag, at mga imahe ng Simbahang Katoliko. Ang mga sayaw
ay nilapatan ng bagong musika. Sa Catangalan, na ngayon ay kilala bilang
Obando, ang mga sinaunang naninirahan sa lugar ay nagsasagawa ng ritwal
na sayaw, ang kasilonawan, isang sexual fertility ritual na pinangungunahan
ng isang catalonan (shaman) para sa diyos na si Linga (na sinasagisag ng
isang rebultong hugis ari ng lalaki). Ang mga ritwal gaya ng kasilonawan ay
iniakma ng Simbahang Katoliko sa relihiyon na kanilang pinalaganap, at ito
ay naging sayaw sa Obando na panata kina Santa Clara, San Pascual Baylon,
at Birhen ng Salambao (de los Reyes 2001).
Maraming uri ng sayaw ang lumitaw sa panahon ng pananakop ng
mga Kastila, mga sayaw mula sa Kanluran na naging lokal na sayaw. Ang
fandango ay naging pandanggo, ang valse ay naging balse, ang schottische
ay naging escotis, ang zapateado ay naging pateado, at ang danza habanera
ay naging habanera. Nagkaroon ng iba-ibang katangian ang mga sayaw na
ito, batay sa kung saan ito naging popular. May gumagamit ng kastanet na
kawayan o kabibe, ng katutubong paypay o sambalilo, ng panyo at libro.
Tradisyong Amerikano
Nang magapi ng superyor na tropang Amerikano ang mga
Rebolusyonaryo matapos ang Digmaang Filipino-Amerikano noong 1907,
48 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
pinalaganap na ng mga kolonyalistang Amerikano ang kultura at edukasyong
Kanluranin bilang istratehiya sa pananakop. Ito rin ang ginamit na paraan
para mahumaling ang mga Pilipino sa mga produktong Amerikano.
Sa panahong ito dumating ang mga bagong porma ng sayaw
pangtanghalan. Noong 1921, pinasikat ni si Luis Borromeo / Borromeo Lou,
isang jazz musician mula sa Cebu, ang vaudeville na tinawag na vod-a-vil o
bodabil. Kasama sa bodabil ang mga sayaw na popular sa Amerika, tulad ng
fox-trot, cakewalk, tap dance, at charleston. Sa panahon ng Hapon, ang
bodabil ay naging stage show na may sayaw, kantahan, komedi iskit sa unang
bahagi at isang drama sa huling bahagi.
Natuto ang mga Pilipino ng classical ballet at modern dance sa mga
titser, danser, at koryograper na sina Luva Adameit noong 1927, Anita Kane
noong 1939, at Trudl Dubsky-Zipper noong 1939. Sila ang mga naunang guro
ng sayaw na nagbigay ng mga pormal na pag-aaral at pagsasanay sa ballet at
modern dance sa itinatag nilang mga ballet school at akademya ng sayaw sa
pamantasan.
Habang halos nalulunod na sa kultura at produktong Amerikano
ang maraming Pilipino, itinatag ni Francisca Reyes-Tolentino (naging Reyes-
Aquino nang mabalo at mag-asawang muli) ang University of the Philippines
Folk Song and Dance Club noong1937. Nagsagawa siya ng pananaliksik at
dokumentasyon ng katutubong sayaw sa buong kapuluan upang maitaguyod
ang katutubong sayaw. Malaunan, sinundan siya nina Lucresia Reyes-Urtula,
Ramon Obusan, Ligaya Amilbangsa, Teresita Veloso Pil, at marami pang iba.
Mga Sayaw Sa Panahon ng Tatlong Republika
Republika III (1946-72). Bagama’t nakamit ng Pilipinas ang kasarinlan noong
1946, nananatili ang kontrol ng Estados Unidos sa larangan ng ekonomiya,
pulitika, at kultura. Patuloy ang pagpasok ng mga pelikula ng Hollywood
at naging sikat ang mga produksiyong Broadway na may mga sayawan at
kantahan. Ang sayaw ng nakararaming Pilipino ay naimpluwensiyahan ng
maraming anyo at uri ng sayaw mula sa Kanluran. Gayunman, ang mga
dayuhang sayaw ay iniangkop ng ilang artista, sa pangunguna ni Anita Kane,
sa identidad ng Pilipino. Nilikha ni Orosa-Goquingco ang Filipinescas:
Philippine Life, Legend and Lore in Dance, 1961, dahil sa kaniyang interes
sa katutubong sayaw at kultura. Ang mga orihinal na kuwento tulad ng
“Summer Solstice” ni Nick Joaquin ang naging inspirasyon ng mga orihinal
na obra gaya ng Amada, 1969, ni Alice Reyes na sinayaw ng Alice Reyes and
Modern Dance Company.
Matilac I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Sayaw 49
Bagaman patuloy ang tradisyunal na sayaw sa hanay ng mga IP
sa buong kapuluan, naging moderno at makakanluranin na ang maraming
Pilipino. Lumabnaw na ang orihinal na kahulugan at kahalagahan ng mga
katutubong sayaw sa nakararaming Pilipino. Pero marami sa mga tradisyunal
na uri sayaw ay ginamit sa mga folk dance choreography na itinatanghal ng
mga folkloric dance group. Nakamit ng Philippine folk dance ang panibagong
sigla mula 1958 nang makilala ang iba’t ibang folk dance troupe sa daigdig,
tulad ng Bayanihan Philippine Dance Company, Far Eastern University Folk
Dance Troupe, at Leyte Kalipayan Dance Troupe.
Tumatak nang husto sa imahinasyon at buhay ng madla ang mga
sayaw sa pelikula at telebisyon. Ang malalaking istudyo—Sampaguita Pictures,
LVN Pictures, at Premiere Productions, Inc—ay gumawa ng mga pelikulang
musikal na hitik sa sayawang may impluwensiya ng Hollywood. Nagsimula
rin ang brodkast ng telebisyon sa Pilipinas noong 1953 na naghudyat sa
pagsikat ng mga sayaw sa mga TV dance program. Napanood sa laganap na
midyum ng TV ang mga popular na sayaw na galing sa mga bansa ng Hilaga
at Timog Amerika, gaya ng chicken, mashed potatoes, the shovel, watusi,
twist, boogaloo, bossa nova, frug, pachanga, salsa, at hustle.
Bilang pagsalungat sa namamayaning mala-kolonyal na kultura,
sumulpot ang mga dulang protesta at teatrong panlansangan na nilapatan
ng militanteng sayaw at musika noong pagsisimula ng dekada 1970. Ito ang
itinanghal ng mga aktibistang kabataan na miyembro ng Gintong Silahis at
Kamanyang sa panahon bago ipataw ang batas militar noong 1972.
Republika IV (1972-86). Sa panahon ng batas militar sa ilalim ng diktadura
ni Ferdinand E. Marcos Sr. mula 1972 hanggang 1986, nagpatuloy ang
pagtatanghal ng mga porma ng sayaw na namayani sa mga naunang dekada,
gaya ng folk dance, ballet, at modern dance sa mga teatro at ibang tanghalan.
Sinupil ang mga sayaw na hayagang nagpoprotesta laban sa batas militar. Pero
sa mga alternatibong entablado at espasyo ay nagkaroon pa rin ng mga dance
drama na may mga eksena at tema na tumutuligsa o nagsisiwalat ng mga
paniniil at abuso sa ilalim ng batas militar.
Isang matingkad na karagdagan sa mga uri ng sayaw sa panahon ng
batas militar ang mga sayaw sa pagdiriwang (festival dancing) na nagtataguyod
sa patakaran ng malawakang turismo. Nais tularan ng gobyerno ang
halimbawa ng festival dancing ng Mardi Gras at ng Carnival sa Rio de Janeiro.
Unang eksperimento ang ati-atihan na naging isang maingay at magarbong
selebrasyon na may mga kamangha-manghang koryograpiya at disenyo ng
produksiyon upang makaakit ng mga turista. Ang pagpapalit-anyo ng mga
pagdiriwang ay natunghayan rin sa pagbabago ng debosyonal na sinulog
50 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
na naging festival sinulog na may paligsahan (Apostolopoulos, Leivadi, and
Yiannakis 2013; Landy 2022; Ness 1995).
Republika V (1986-Hanggang Kasalukuyan). Mula EDSA Revolt noong
1986 hanggang sa kasalukuyan ay tumampok ang ilang anyo ng sayaw na
naging bahagi na rin ng tradisyon ng sayaw sa Pilipinas. Sa pagpasok ng
dekada 1990 inilunsad ni Francis M at ng kaniyang grupong hip-hop and
kantang “Mga Kababayan Ko,” isang post-EDSA revolt na panawagan para
mahalin at ipagmalaki ang pagiging Pilipino. Ang dancesport na nagsimula
sa ballroom dancing ay naging isang sayaw pampaligsahan na nagpapamalas
ng athleticism. Ang cheerdance ay naging popular sa mga estudyante at sa
madla nang ilunsad ng University Athletic Association of the Philippines
ang kanilang cheerdance competition noong kalagitnaan ng dekada 1990.
Ang kontemporanyong sayaw o (contemporary dance) ay nanggaling sa
modernong sayaw o modern dance, ngunit kumakawala sa istriktong paraan
na kagaya ng teknik ni Martha Graham. Ang dance flash mob na ispontayong
itinatanghal sa matataong lugar ay naging popular, lalo na sa pagmobilisa
ng mga mamamayan para maiparating ang napapanahong mensaheng
panlipunan na ibig ipaunawa sa manonood.
Mula 1986, nagkaroon ng manaka-nakang dance grant para sa iba-
ibang orihinal na produksiyon mula sa CCP at sa NCCA. Kinilala ang mga
importanteng koryograper na Pambansang Alagad ng Sining, samantalang
kinilala bilang Manlilikha ng Bayan ang ilang mga ethnic at folk artists sa
mga rehiyon. Bagaman hindi pa rin sapat ang mga tulong at pagkilalang
ito sa mga artista at grupo ng sayaw, nagpapatuloy hanggang ngayon ang
katutubong sayaw, classical ballet, kontemporaryong sayaw, dancesport, hip-
hop, cheerdance, at iba pang mga porma ng sayaw. Ang pag-unlad ng mga
sayaw na ito ay dahil sa pagsisikap ng mga grupo ng mananayaw na nakabase
sa mga paaralan, komunidad, at sektor.
B. MGA PAMANTAYAN SA PAGSUSURI NG LIKHANG-SAYAW
Layunin ng bahaging ito na ilahad ang apat na dulog na maaaring
gamitin sa pagsusuri ng sayaw: 1) ang pagsusuri sa likhang-sayaw bilang
likhang-sining, 2) Ang pagsusuri sa konteksto ng likhang-sayaw, 3) ang dating
ng likhang-sayaw sa manonood, at 4) ang saysay at timbang ng likhang-sayaw
sa perspektiba ng Kamalayang Pilipino na Makatao.
UNANG DULOG: PAGSUSURI NG LIKHANG-SAYAW BILANG LIKHANG-SINING
May identidad ang bawat uri ng sayaw. Sa tradisyong katutubo
at Hispaniko, makikita ang tiyak na bokabularyo ng paggalaw, musika,
Matilac I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Sayaw 51
kasuotan, at kagamitan. Samantala, ang pagtatanghal ng sayaw sa entablado
tulad ng ballet, modern dance, ballroom dancing, folkloric dance, at iba pang
kontemporaryong anyo ng sayaw ay maaaring suriin ayon sa koryograpiya o
komposisyon ng sayaw, musika, at disenyo ng produksiyon.
Bokabularyo ng Pagkilos
Ang bawat uri ng sayaw ay may sariling bokabularyo ng paggalaw
na siyang paraan kung paano mangungusap ang katawan ng mananayaw.
Ang bokabularyo ng pagkilos ay binubuo ng postura (ang posisyon ng ulo,
balikat, gulugod, at balakang), posisyon ng braso at kamay, pagkilos ng tuhod,
at galaw ng paa. May papel din ang kasarian sa bokabularyo ng paggalaw.
May mga sayaw sa Pilipinas na may mga bokabularyo ng paggalaw para sa
lalaki at babae, tulad ng makikita sa katutubong sayaw na kuratsa, kuradang,
at pangalay at mga Hispanikong sayaw na subli at jota Moncadena.
Ang postura ng ballet ay deretso, naka- pull-up ang katawan at
turn-out ang hita, binti, at paa. Ang pinakatatak ng klasikal na ballet ay ang
pointe technique o ang pagsasayaw sa dulo ng nakatingkayad na paa, na siyang
nagdadala sa timbang ng buong katawan. Nagagawa ito kapag nakasuot ng
espesyal na sapatos, ang pointe shoes na may patigas na dulo. Kabaligtaran
nito ang mas natural na posisyon ng kontemporanyong sayaw, kung saan ang
mga paa ay magkaagapay at kahilera ng mga balikat, upang makakilos nang
malaya at makatuklas ng mga bagong paggalaw gamit ang sari-saring estilo ng
sayaw sa mundo (Dance Facts 2022).
Musika
Sa Pilipinas, kadalasan, ang sayaw ay itinatanghal na may musika—
na maaaring kinakanta (nang solo o ng isang grupo) at/o nagmumula sa
pagtugtog ng mga instrumeno (maaaring isang solong gitara o isang buong
rondalya o orkestra). May mga sayaw rin na ang mga nagtatanghal mismo
ang tumutugtog, gaya ng katutubong sayaw na gumagamit ng mga klaper,
gong, tambol, kudyapi, mga kasuotang kumikililing, patpat, kuratong,
at mga Hispanikong sayaw na gumagamit ng kastanet at tamburin. Ang
mga mananayaw ay maaari ring gumawa ng musika sa pamamagitan ng
pagpalakpak, pagpadyak, pagpitik ng mga daliri, at pagtampal sa katawan.
Ang lunsay na mapaglarong sayaw at kanta ng mga Jama Mapun ay
isinasagawa ng karaniwang mamamayan at may nakakaaliw na sagutan ng
lalake at babae (Amilbangsa 1983).
52 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Ang unang orihinal na full-length ballet sa Pilipinas, Mir-I-nisa,
na likha nina Julie Borromeo at Felicitas Layag-Radaic, ay nilapatan ng
orihinal na musika ni Eliseo M. Pajaro na siya ring konduktor ng Philippine
Philharmonic Orchestra noong unang itanghal ito sa CCP noong 1969 (Im
Walde n.d.; Villaruz 1994).
Ang Encantada, 1992, ni Agnes Locsin ay kinoryograp sa neo-
etnikong estilo ng modernong sayaw ni Locsin na binagayan naman ng
orihinal na musika ni Joey Ayala at bandang Bagong Lumad (Villaruz 1994).
Sa piyesta ng Angono, Rizal, tampok sa parada ng parehadora
ang daan-daang batang babae na nakasuot ng mga bakya at sabay-sabay na
pumapadyak habang nagpaparada sa buong bayan bilang panata para sa
kanilang patron na si San Clemente (Diaz 2020).
Kasuotan, Kagamitan, Tagpuan.
Ang mga elementong ito ng disenyo ay nakakatulong sa paglikha ng
kaligiran, kahulugan, simbolo, at imahe ng sayaw. Ang kasuotan ay tumutukoy
sa kasarian, tungkulin, at karakter ng mananayaw. Ang mga kagamitan o prop
ay upang pagandahin, palakihin, o palakasin ang mga galaw, paigtingin ang
ekspresyon ng karakter o kalooban ng mananayaw. Sa pamamagitan ng mga
kagamitan ay naipahihiwatig din ang okasyon o sitwasyon na nais na ipakita
ng sayaw.
Sa sayaw sa bangko o sayaw ed tapew na bangko, na nagmula sa
Pangasinan, ang tanging kagamitan ay isang matibay at maayos na bangko na
kayang lundag-lundagan ng dalawang mananayaw. Sa sinaunang bersiyon,
ang babae ay nakasuot ng kamisa (maluwag na blusa) at katernong palda
na may mahabang buntot na naisusukbit sa baywang kapag lumalakad o
sumasayaw ang babae. Ang lalaki ay nagsusuot ng kamisa de tsino (maluwag
na pang-itaas na walang kuwelyo pero may butones sa harap) at pantalon na
may kulay.
Sa paligsahan ng cheerdance ng UAAP noong 2014, nagsuot ang
mga miyembro ng UE Pep Squad ng malong (tubular cloth) na ginamit sa
iba’t ibang paraan kapwa ng lalaki at ng babaeng cheerdancer. Ipinamalas nila
ang sari-saring estilo ng paggamit ng malong, kasabay ng pagkilos na halaw
sa folk dance ng mga Maranaw (Russel Juan 2021).
PANGALAWANG DULOG: PAGSUSURI NG KONTEKSTO NG LIKHANG-SAYAW
Mahalagang malaman kung sino ang lumikha ng sayaw, na maaaring
mga bihasang mananayaw sa isang komunidad sa tradisyong katutubo at
Matilac I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Sayaw 53
Hispaniko, o isang koryograper sa tradisyon ng sayaw na pantanghalan. Kung
matutukoy ang mga bihasa sa katutubong sayaw, mauunawaan kung ano ang
mga bersiyon ng sayaw at pagkaka-iba-iba nila at ang dahilan sa ganitong
pagkakaiba-iba. Mauunawaan din ang naging proseso ng transpormasyon ng
sayaw habang isinasalin ito ng matatanda sa susunod na henerasyon. Kung
alam natin kung sino ang koryograper, masasaliksik pa ang lugar na kaniyang
pinanggalingan at ang mga tradisyon dito, ang kaniyang naging edukasyon,
at ang mga koryograper, danser o titser, na maaaring naging impluwensiya sa
pagbubuo niya ng kaniyang sariling estilo ng koryograpiya
Likha man ng isang indibidwal o grupo, ang bawat uri ng sayaw ay
may sinasagot na pangangailangan sa buhay ng tao. Ang layunin ng sayaw sa
isang takdang panahon ay marami—panggagamot, pagpapagaling, libangan,
edukasyon, pagsamba, pagdiriwang, o kaya ay pagpapasa ng mga kasanayan
at kakayahan. Maaari rin itong likhain bilang pagpapahayag ng personal
na bisyon ng isang koryograper, sa genre ng ballet o modern dance. Ang
sayaw, kung gayon, ay maaaring gumalaw sa iba’t ibang larangan: personal,
sikolohikal, ispirituwal, panlipunan, pampulitika, o pang-ekonomiya
Halimbawa, ang mga digmaan ay isinagawa sa maraming
panahon ng kasaysayan upang ipagtanggol ang teritoryo at pampulitikang
interes ng isang komunidad. Kaya naman ang Pilipinas ay may sari-saring
tradisyon ng sayaw sa pakikidigma o martial dance na sumasalamin sa mga
nakaraang pamumuhay at paniniwala tungkol sa digmaan. Sinasayaw ng mga
Yakan ng Basilan ang tumahik o pansak pagbonoh, isang sayaw pandigma na
maaaring sinasayaw na bago pa dumating ang Kristiyanismo at Islam, bilang
bahagi ng ritwal na ginaganap para makipag-ugnayan ang mandirigma sa
mga espiritu ng mga ninuno bago sumabak sa labanan. Sa kasalukuyan,
sinasayaw rin ito sa pegkawin (kasal ng mga Yakan), sa paniniwalang
nakapagtataboy ito ng masasamang espiritu na maaaring manggulo sa kasal.
Ang lalaking ikakasal ang nagsasayaw ng tumahik bilang pagtanggap niya sa
malaking responsibilidad ng pag-aasawa, lalo na sa pagbaka sa mga panganib
na maaaring kaharapin ng kaniyang pamilya (Pasilan 2020).
Samantala, ang rigodon de honor ay isang pormal na kwadril (formal
square dance) na siyang sinasayaw sa mga prestihiyosong pagtitipon, gaya
ng inagurasyon ng bagong halal na pangulo ng Pilipinas, at mahahalagang
pagdiriwang sa antas na pambansa, panlalagiwan, o pampamayanan. Ang
sayaw ay galing sa Europa na dinala rito ng mga Kastila at ibang dayong
Europeo, at ng mga Pilipinong nagbalik mula sa Europa noong panahon
ng Kastila (Generoso-Iñigo 2017). Simula noong dekada 1920, naging
tampok ang rigodon sa mga malalaking sayawan ng mga organisasyon ng
asendero at mayayaman, gaya ng Kahirup at Mancomunidad Pampangueña,
54 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
na nagpapagandahan ng kani-kanilang taunang pagtitipon sa Manila Hotel.
Tanging pinakabantog at/o pinakamayaman ang isinasali sa rigodon de
honor na masasabing apirmasyon ng pagkakaisa at poder ng naghaharing
uri. Naging tradisyon na na ang mga kababaihang alta sosyedad na sasayaw
sa rigodon ay nagsusuot ng mga eleganteng ternong gawa ng pinakakilalang
mga koturyer (Gopal 2016).
PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG LIKHANG-SAYAW
Ang pangatlong dulog ay tungkol sa epekto ng likhang-sayaw sa
madla. Dito sinusuri kung ano ang dating ng obra ng sayaw sa manonood—
kung nauunawaan ba ng mga manonood ang ibig iparating ng lumikha ng
sayaw at kung nagugustuhan ba ng nanonood ang pagtatanghal o hindi.
Bawat lalawigan sa Pilipinas ay may mga pagdiriwang na
nilalahukan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng street dancing, gamit
ang mga lokal na sayaw. Nagsimula noong 1989 ang Sandugo Festival ng
Bohol bilang pagdiriwang ng pagkatatag ng probinsiya sa buwan ng Hulyo,
kasabay ng paggunita sa makasaysayang sandugo sa pagitan ni Datu Sikatuna
at Miguel Lopez de Legazpi noong 1565. Pero naging higit na matagumpay
ang pagtanggap sa Sandugo Festival simula 2016, nang magkaroon ito ng
identidad na Boholano sa paggamit at pagtatampok nito ng kuradang ng
Bohol sa street dancing. Sa pagsasaliksik at pakikipanayam sa matatanda sa
mga baryo ng Bohol, natuklasan na daan-daang taon na pala itong sinasayaw
at may iba-ibang bersiyon—bersiyong ispirituwal, bersiyong mapaglaro,
bersiyong ligawan, bersiyong pangkasalan. Nang gamitin ang kuradang
sa Sandugo Festival, naging masigla ang partisipasyon ng mamamayan—sa
panonood at sa pag-indak sa lansangan, kasabay ng mga kalahok sa street
dancing competition. Sumali rin sa sayawan sa kalye ang mga matatandang
nagsasayaw ng tradisyunal na kuradang. Sa gayon, naging daan ang Sandugo
Festival upang makilala ang mga Boholanong bihasa sa pagsasayaw ng
kuradang (Luspo 2020) at upang maiugnay sila sa mga batang mananayaw na
pagsasalinan ng kaalaman sa sayaw na ito. Sa ganitong pag-uugnay, tumibay
ang identidad at kakanyahan ng mga Boholano na nakaugat sa sarili nilang
kasaysayan.
Masusukat din ang dating ng isang koryograpiya sa dami ng naging
pagtatanghal nito at paulit-ulit na pagsama dito sa mga konsiyerto ng sayaw.
Ang Limang Dipa, 1981, ni Tony Fabella, isang obrang ginamitan ng modern
ballet at jazz, ay unang pinalabas ng Dance Theatre Philippines at patuloy na
itinatanghal ng Philippine Ballet Theatre hanggang sa kasalukuyan. Malakas
ang dating ng pagtatanghal, lalo pa at ang mga awit na ginamit ay popular na
Matilac I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Sayaw 55
musika na inareglo at kinanta ni Ryan Cayabyab. Ang mga eksenang isinadula
ng sayaw ay galing rin sa pamilyar pagkat pang-araw-araw na buhay at
hinugot mula sa titik ng mga kilalang kantang “Kay Ganda ng Ating Musika,”
“Tsismis,” “Mamang Kutsero,” “Minamahal, Sinasamba,” at “Limang Dipang
Tao.” Ang obrang ito ay itinanghal din ng iba pang mga grupo at lagi-lagi,
naiibigan ng manonood ang koryograpiya na angkop sa musikang popular.
Ang kritisismo ng sayaw, sa pamamagitan ng mga rebyu at kritika,
ay isa pang paraan ng pagsukat ng dating ng isang likhang-sayaw. Ang mga
rebyu ay nailalathala sa diyaryo o magasin o lumalabas sa brodkast midya at
sa mga online platform. Ito rin ang isang paraan upang higit na makilala ang
mga koryograper at mga mananayaw. Halimbawa, si Maniya Barredo, isa sa
pinakamahusay na ballerina ng Pilipinas, ay higit na hinangaan sa daigdig
ng sayaw dahil sa isinulat ng mga dayuhang kritiko ng sayaw, gaya ni Clive
Barnes ng New York Times. Nakatulong din sa pagkilala sa kaniya ang mga
papuring lumabas sa pahayagan mula sa bantog na ballerina na si Margot
Fonteyn (Alejandro 2002). Sa modernong ballet naman, lalo pang naging
popular ang Ang Limang Dipa, nang sumulat ng magandang rebyu tungkol
sa pagtatanghal si Leonor Orosa-Goquingco (Villaruz 2017).
Higit na malaking pagkilala ang mga gawad na ibinibigay sa mga
indibidwal na obra, sa mga koryograper, at mananayaw. Sa mga paligsahan
ng orihinal na koryograpiya, nakamit ng Babalyan ni Agnes Locsin ang
Silver Medal sa 2nd Tokyo International Choreography Competition at Prince
Takamado Award para sa koryograpiya noong 1993. Sa kompetisyon ng mga
ballet dancer ay tumanggap ng mahahalagang gantimpala sa Asya, Europa,
at Amerika sina Lisa Macuja, Camille Ordinario-Jocson, Georgette Sanchez,
Gaye Galiluyo, Christine Rocas, Candice Adea, Marcelino Libao, at Jean Marc
Cordero. May mataas na pagkilala rin na ibinibigay ng ilang institusyon,
pribado man o publiko, sa mga indibidwal na koryograper o mananayaw o
mga grupo ng sayaw o iskolar/kritiko ng sayaw. Kabilang sa mga pribadong
institusyon na ito ang Philstage Gawad Buhay na kumilala noong 2012 sa
Rama, Hari ng Ballet Philippines bilang pinakamahusay na produksiyon sa
modernong sayaw ; pinakamahusay na koryograpiya at lifetime achievement
award para kay Alice Reyes; at pinakamahusay na pangunahing mananayaw
ng modernong sayaw para kina Carissa Adea at Richardson Yadao.
Sa mga institusyong pampamahalaan, nagsimulang magbigay ng gawad na
Patnubay ng Sining at Kalinangan ang pamahalaan ng lunsod ng Maynila
noong 1963 at ilan sa mga kinilalang artista ng sayaw sina Francisca Reyes-
Aquino, Bayanihan Folk Dance Company, Lisa Macuja, Basilio Esteban
Villaruz, Douglas Nierras, Ligaya Amilbangsa, at Agnes Locsin. Isang lifetime
achievement award naman para sa mga artistang Pilipino ang Gawad CCP
para sa Sining, at kabilang sa mga kinilala nito sina Denisa Reyes, Basilio
56 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Esteban Villaruz, Nonoy Froilan, Tony Fabella, at ang Manunubli ng Sinala.
Pinakamataas na pagkilala na ibinibigay ng bansa sa pamamagitan ng NCCA
at CCP ang Pambansang Alagad ng Sining, na tinanggap na ng mga danser-
koryograper na sina Francisca Reyes-Aquino, Leonor Orosa-Goquingco,
Lucrecia Reyes-Urtula, Ramon Obusan, Alice Reyes, at Agnes Locsin. Sa
mga gawad na internasyunal, mahalagang banggitin ang Ramon Magsaysay
award, ang pinaka-presitihiyosong pagkilala sa mga Asyanong bukod-tangi
ang naging ambag sa kanilang larangan. Sa larangan ng sayaw, dalawa pa
lamang na Pilipina ang nakatatanggap nito: sina Francisca Reyes-Aquino at
Ligaya Fernando-Amilbangsa.
Sa pagtantiya ng dating ng sayaw sa manonood, mahalagang salik
ang mga bagong imbentong teknolohiya. Sa mga dekada 1990 at 2000
lumaganap ang internet, World Wide Web, Google, wi-fi, at smartphone na
siyang naging daan upang mabago ang lawak at dating ng pagtatanghal sa
manonood (Thomas Jefferson University 2016). Sa pamamagitan ng mga
midyum gaya ng pelikula, telebisyon, at video, naiigpawan ang pagiging
panandalian o efemeral ng sayaw. Sa mga social media at video sharing site,
ang mga nairekord na mga koryograpiya at mga sayaw, propesyunal man o
amatyur, ay higit pang napalalaganap. Maaari nang mapanood nang paulit-
ulit ang likhang-sayaw at ang dating nito sa manonood ay mas madali na ring
masukat sa bilang ng nanonood na nag-like at nagbahagi ng mga video ng
sayaw sa mga video sharing site gaya ng YouTube, Tik Tok, at Facebook.
PANG-APAT NA DULOG: ANG KAHULUGAN NG LIKHANG-SAYAW
AT TIMBANG NITO SA KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Sa ikaapat na dulog, tinitingnan kung ang likhang-sayaw ay
“nakatutulong o hindi para makamit ng Pilipino ang “kaniyang kaganapan
bilang TAO sa lahat ng antas ng kanoiyang pagkatao—pisikal, ispirituwal,
sikolohikal, pulitikal, pangkabuhayan, at kultural.” Ang kaganapan ng TAO ay
makakamit ng Pilipino “sa pamamagitan ng pagsasanggalang, pagpapalakas
sa kaniyang mga karapatang pantao.” (Tiongson 2022). Ang mga karapatang
ito ay inilahad na rin sa mga deklarasyon ng United Nations (UN) na
pinirmahan ng pamahalaan ng Pilipinas noong 1948. Ipinapahayag dito ang
mga batayang karapatan ng bawat tao sa larangan ng kultura, ekonomiya,
pulitika, at lipunan. Ang mga karapatang ito ay mahalaga upang makamit
ang buhay at pamumuhay na may dignidad at kalayaan. Kasama rito ang mga
karapatan sa paggawa, seguridad sa lipunan, kalusugan, edukasyon, pagkain,
tubig, tirahan, malusog na kapaligiran, at kultura. Sa partikular, ang bawat tao
ay may karapatang lumahok at makinabang sa kultura at agham, magpalawak
ng kaalaman, at maging malikhain. Kasama rin ng mga karapatang ito ang
kalayaan sa paniniwala, konsiyensiya, at relihiyon. Gayunman, ang mga
Matilac I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Sayaw 57
karapatang pangkultura ay di maaaring gamitin para sa diskriminasyon ng
ibang grupo o para sa paglabag ng ibang karapatang pantao (ESCR-Net 2022).
Ang bawat anyo ng sayaw ng Pilipinas ay kumakatawan sa grupo
ng mga tao. Bawat sayaw ay kumakatawan sa isang bahagi ng ating pagka-
Pilipino. Samakatuwid, ang pagkawala ng mga anyong ito ng sayaw dahil
sa globalisasyon, kawalan ng suporta para sa sining at pamanang kultural,
at kawalan ng interes ng kabataan sa tradisyunal na sayaw, ay magpapahina
sa ating identidad na Pilipino at sa karapatan natin na magkaroon ng isang
bansang malaya na may sariling kultura.
Mahalagang maipagpatuloy ang mga ritwal na sayaw, tulad ng jamug
ng mga Gaddang at Maducayan Kalinga dahil ang sinaunang sayaw ay may
kabuluhan hanggang sa kasalukuyan. Sa pamumuno ng isang amboboni
(shaman), nagagawang umugnay ng tao sa mga espiritu na maaaring dahilan
ng mga sakit o kamalasan na nararanasan ng tao, kaugnay ng mga gawaing
tulad ng pagtatayo ng bahay. Sa pamamagitan ng sayaw at sakripisyong hayop,
humihingi ng pahintulot at paumanhin, at nagpapasalamat na rin ang nag-
aalay sa diyos na si Kabunian at sa mga espiritu ng kalikasan na maaaring
naapektuhan o maapektuhan sa pagtatayo ng gusali. Ang hindi pagsasagawa
ng jamug ay maaring magdulot ng sakit o kamatayan. Sa mga Gaddang at
Maducayan, ang jamug ay importante sa pagkakaroon ng ligtas na buhay.
Karaniwan nang makarinig ng mga kuwento tungkol sa mga residenteng
nangibang-bayan ngunit umuwi pagkatapos magkaroon ng malubhang sakit
tulad ng kanser, at gumaling dahil sa pagdaraos ng jamug. Buhay pa rin ang
jamug sa siglo 21 dahil mahalaga pa rin ito sa kabuhayan at kalusugan ng
mga Gaddang at Maducayan (Dawaton 2016).
Noong 2003 lumitaw ang dance flash mob sa New York bilang maikli
at kapansin-pansing pagtatanghal sa mga publiko at matataong lugar. Ang
dance flash mob ay ginamit para isulong ang adbokasiya ng One Billion
Rising (OBR), ang pandaigdigang kampanya upang wakasan ang karahasan
laban sa mga babae. Sa Pilipinas, ang kampanya, na may partisipasyon ng
daan libong tao sa iba’t ibang panig ng kapuluan, ay isinagawa mula 2012
hanggang 2015. Sa pamamagitan ng dance flash mob, naiugnay ang isyu ng
kababaihan sa mga malalaking isyu sa lipunan. Ang mga tagapagsalita ng
OBR ay mga kilalang personahe tulad ni Monique Wilson, kasama ang mga
grupo ng kababaihan at LGBT. Sinayawan ng libo-libong nakilahok ang mga
theme song na “Isang Bilyong Babae ang Babangon,” “Break the Chain,” at
“Babangon na sa Rebolusyon.” Sa pamamagitan ng OBR dance flash mob,
naipahayag ng mga kasapi ang pangangailangan na mapangalagaan ang
mga karapatan ng kababaihan at ang pagbubuklod ng mamamayan, upang
mapigilan ang mga di makatuwirang nangyayari, gaya ng pagtaas ng presyo
58 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ng kuryente, ang edukasyong komersiyal, ang mababang pasahod sa mga
manggagawa sa bukid, at ang pagmimina na sumisira sa mga lupang ninuno
ng mga katutubo (Beltran et. al. 2017)
MGA SANGGUNIAN
“2012 Gawad Buhay!–complete list of winners.” 2013. Philippine
Daily Inquirer. Nakuha Hulyo 26, 2022. https://lifestyle.
inquirer.net/109563/2012-gawad-buhay-complete-list-of-
winners/#ixzz7a9MQgAPZ
Alejandro, Reynaldo G. at Amanda Abad Santos-Gana. 2002. Sayaw:
Philippine Dances. Pasig City: Anvil Publishing Co.
Amilbangsa, Ligaya Fernando. 1983. Pangalay: Traditional Dances and
Related Folk Artistic Expressions. Makati: Ayala Museum, Filipinas
Foundation, Inc. and Ministry of Muslim Affairs
__________. 2008. “Dance and Power Crosscurrents.” Lektyur na ibinigay
noong 20 Setyembre 2008 sa “Beyond the Currents—The Culture
and Power of Sulu, Exhibition and Lecture Series,” Yuchengco
Museum.
__________. 2012. “Pangalay: Ancient Dance Heritage of Sulu.” Philippine
Daily Inquirer. Nakuha Hunyo 30, 2022. https://newsinfo.inquirer.
net/247943/pangalay-ancient-dance-heritage-of-sulu
Apostolopoulos, Yiorgos, Stella Leivadi, and Andrew Yiannakis. 2013. The
Sociology of Tourism: Theoretical and Empirical Investigations.
Routledge Advances in Tourism.
Beltran, Myra, Joelle Jacinto, Sarah Lumba, Rosalie S. Matilac, Roselle Pineda,
and Ruth Jordana L. Pison. 2017. “Philippine Dance During the
Fifth Republic (1986 Onward). Cultural Center of the Philippines
Encyclopedia of Philippine Art. (8:Dance). Nicanor G. Tiongson
(punong editor). Manila: Cultural Center of the Philippines
Chua, Michael Charleston B. 2022. “The Manunggul Jar as a Vessel of History.
Philippine Art, Culture, Antiquities.” Nakuha Hunyo 25, 2022.
https://artesdelasfilipinas.com/archives.php?page_id=50
Matilac I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Sayaw 59
Dance Dispatches. 2022. “Dance Genres.” Nakuha Hulyo 18, 2022. https://
www.dancedispatches.com/dance-genres/
Dance Facts. 2022. “Ballet Pointe Technique - Dance En Pointe.” Nakuha
Hulyo 18, 2022. http://www.dancefacts.net/dance-types/ballet-
pointe-technique/
Dawaton, Julia G. (Amboboni). 2016. Panayam ni Rosalie Matilac, Nobyembre
9, 2016, Tabuk City, Kalinga
De los Reyes, Rene Romulo A. 2001. “Obando: Alamat ng Isang Sayaw.”
Nakuha Hunyo 29, 2022. https://obandopilipinas.wordpress.com/
about-obando/about/
Diaz, Flordeliza R. 2020. Panayam sa Zoom ni Rosalie Matilac, Oktubre 6.
ESCR-Net. 2022. “Introduction to Economic, Social, and Cultural Rights.”
Nakuha Hunyo 25, 2022. https://www.escr-net.org/rights
Generoso-Iñigo, Corazon. 2017. “Rigodon de Honor.” Cultural Center of the
Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (8: Dance). Nicanor G.
Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center of the Philippines
Gopal, Lou. 2016. “Manila Hotel: The Golden Years.” Positively Filipino.
Nakuha Hulyo 19, 2022. http://www.positivelyfilipino.com/
magazine/manila-hotel-the-golden-years
Im Walde. n.d. “Eliseo Pajaro - Ballet - Mir-i-nisa (1969) (Excerpts).” Nakuha
Hulyo 19, 2022. https://www.youtube.com/watch?v=1vsRW55gS_U
Landy, Thomas M. 2022. “Feast for Santo Niño and Sinulog is Cebu’s Biggest
Event.” Nakuha Hunyo 23, 2022. https://www.catholicsandcultures.
org/philippines-sinulog-feast-celebrate-santo-nino-cebus-biggest-
event
Luspo, Marianito Jose M. 2020. “Sandugo Festival and the Kuradang.”
“Renewing Philippine Festivals.” Di-pa-nalilimbag na manuskrito,
inedit ni Rosalie Matilac para sa National Commission for Culture
and the Arts.
Ness, Sally A. 1995. “When Seeing Is Believing: The Changing Role of
Visuality in a Philippine Dance.” Anthropological Quarterly. 68 (1).
(Enero 1995). 1-13.
60 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Orosa-Goquingco, Leonor. 1980. Dances of the Emerald Isles. Manila: Ben-Lor
Publishers Inc.
_______. 1995. “Ligaya’s Graceful Flight.” Philippine Star, Pebrero 20.
Pasilan, Earl Francis C. 2014. “Pansak Iyakanin: A Descriptive Movement
Study and Documentation of Yakan Dances.” Philippine Folk Dance
Society.
________. 2020. “Tumahik Festival: Yakan War Dance as Instrument of
Celebration and Peace.” “Renewing Philippine Festivals.” Di-pa-nalilimbag
na manuskrito, inedit ni Rosalie Matilac para sa National Commission for
Culture and the Arts.
Russel Juan. 2021. “UE Pep Squad - UAAP Cheerdance Competition
2014.” Nakuha Hulyo 12, 2022. https://www.youtube.com/
watch?v=2p8LFZ7E6hM
Thomas Jefferson University Online. 2016. “From Arpanet to World Wide
Web: An Internet History Timeline.” Nakuha Hunyo 25, 2022.
https://online.jefferson.edu/business/internet-history-timeline/
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino: Apat na Dulog
sa Pagsusuri ng mga LIkhang-Sining ng Pilipinas.” Ikalawang DESK-
TP Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-
TAO para sa PUP. Agosto 10. Sa librong ito.
United Nations Development Programme (UNDP). 2013. “Fast Facts:
Indigenous Peoples in the Philippines.” Nakuha Hunyo 20,
2022. https://www.undp.org/philippines/publications/fast-facts-
indigenous-peoples-philippines
Villaruz, Basilio Esteban S. 1994. “Encantada.” Cultural Center of the
Philippines Encyclopedia of Philippine Art. Digital Edition. Nakuha
Hunyo 23, 2022. https://epa.culturalcenter.gov.ph/6/49/138/
_______. 2004. “In Focus: Wanted: Vision to Lead the Feet.” Nakuiha Hulyo
20, 2022. https://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/
wanted-vision-to-lead-the-feet/
_______. 2017. “Limang Dipa.” Cultural Center of the Philippines Encyclopedia
of Philippine Art. (8:Dance). Nicanor G. Tiongson (punong editor).
Manila: Cultural Center of the Philippines.
Matilac I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Sayaw 61
_______. 2017. “Mir-I-Nisa.” Cultural Center of the Philippines Encyclopedia
of Philippine Art. 8: Dance). Nicanor G. Tiongson (punong editor).
Manila: Cultural Center of the Philippines
_______. 2017. “Modern Dance.” Cultural Center of the Philippines
Encyclopedia of Philippine Art. (8: Dance). Nicanor G. Tiongson
(punong editor). Manila: Cultural Center of the Philippines
Villaruz, Basilio Esteban S., Ramon A. Obusan, Clarissa Mijares-Ramos.
2017. “Indigenous Traditions and Transformations in Philippine
Dance.” Cultural Center of the Philippines Encyclopedia of Philippine
Art (8:Dance) . Nicanor G. Tiongson (punong editor). Manila:
Cultural Center of the Philippines.
62 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Arwin Q. Tan
PAKINGGAN, NAMNAMIN, SURIIN:
MGA PAMANTAYAN SA PAGSUSURI
NG MUSIKA NG PILIPINAS
INTRODUKSIYON
A
ng mayamang kasaysayan ng Pilipinas ay karaniwang hinahati sa
Panahong Prekolonyal o ang mahabang panahon bago dumating
ang mga mananakop; ang Panahon ng mga Rehimeng Kolonyal, na
sumasaklaw sa mahigit 333 taon sa ilalim ng Espanya, 46 na taon sa ilalim
ng Amerika, at 3 taon ng pananakop ng Hapon; at ang Panahon ng mga
Republika, kung kailan nag-usbong ang isang malayang bansa matapos ang
Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang bawat panahon ay nagluwal ng kani-kaniyang uri ng musika. Sa
Panahong Prekolonyal nag-ugat at yumabong ang musika ng mga grupong
katutubo na hanggang sa kasalukuyan ay naririnig sa matataas na bundok
ng Kordilyera, sa malawak na mga lupaing nasa gilid ng Lawa ng Lanao, sa
liblib na mga gubat sa iba’t ibang isla sa Bisayas at Palawan, at mga lugar kung
saan napanatili ng mga katutubo ang sarili nilang paraan ng pamumuhay.
Sa Panahon ng mga Rehimeng Kolonyal, marami sa maririnig na himig at
mga obrang pang-musika sa kapatagan ay nagtataglay ng mga katangian ng
kulturang Kanluranin (una ay Hispaniko, pangalawa ay Amerikano) dahil na
rin sa katagalan ng pakikisalamuha sa banyagang pamamaraan ng paglikha
ng musika. Sa Panahon ng mga Republika, lumikha ang mga Pilipinong
kompositor ng mga bagong awit at komposisyon na may tatak ng pagka-
Pilipino, gaya ng Original Pilipino Music (OPM) na malawakang naririnig sa
buong bansa dahil sa tulong ng radyo, telebisyon, at kompyuter.
63
Sa alinmang panahon, ang musika ay mahahati sa dalawang
pangunahing uri: 1) ang mga musikang pantinig at 2) ang mga obrang
pang-instrumento. Layon ng sanaysay na ito na maglahad at magpaliwanag
ng mga pamantayang maaring gamitin para sa analisis ng dalawang uri ng
musika. Apat ang iminumungkahing pamantayan, na magsusuri: a) sa obrang
pangmusika bilang likhang-sining; b) sa konteksto ng pagkakalikha sa obra;
k) sa naging dating ng obra sa iba-ibang uri ng tagapakinig; at d) sa kahulugan
ng obra sa lipunan at timbang nito sa Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
UNANG DULOG: ANG OBRANG-MUSIKA BILANG LIKHANG-SINING
Sa pagsusuri ng obrang-musika bilang likhang-sining, kailangang
malaman ang mga pangunahing datos tungkol sa obra. Sino ang may gawa
nito? Kailan at saan ito ginawa? Ito ba ay orihinal na komposisyon o areglo
ng dati nang komposisyon? Ito ba ay para sa tinig o instrumento? Ano ang
pangkalahatang porma o istruktura ng obra? Ano ang tonalidad, ritmo, at iba
pang teknik na ginamit ng piyesa?
Sa katutubong musika, madalas na hindi pinapangalanan ang
maygawa sapagkat marami sa mga tribu ang naniniwalang galing ang mga
himig sa mas mataas na kapangyarihang naninirahan sa kalawakan o kaya ay
galing sa mga espiritu ng kanilang mga ninuno. Sa kapatagan, naging bahagi
ng sistema ng paglikha ang pagkilala sa indibidwal na lumilikha, lalo na kung
ang musika ay tinitingnan bilang isang produksiyong maaaring pagkakitaan
o isang kalakal o komoditi.
Mahalagang malaman kung ang obra ay orihinal na komposisyon
o areglo ng isang sikat o matagal nang naririnig na musika. Itinuturing na
komposisyon ang isang obra kung ang pagkakalikha nito ay mula sa isip ng
may-gawa lamang at walang katulad na ibang musika. Kasama sa konseptong
ito ng komposisyon iyong mga obra na kung minsan ay humihiram ng ilang
bara sa ibang obra, gaya ng paggamit ni Bonifacio Abdon ng ilang bara ng
“Marcha Himno Nacional” ni Julian Felipe sa Misa Balintawak na sinulat
niya para sa Iglesia Filipina Independiente noong unang dekada ng Siglo 20.
(Tan 2014, 322-324). Mabibilang pa ring komposisyon ang mga ganitong obra
dahil ginamit lamang ang ilang bara at hindi ginawang pangunahing tema ng
likhang-sining. Ang tawag sa ganitong paraan ng panghihiram ay “musical
quotation” (Burkholder 2002, 690).
Ang areglo naman ay isang obra na hango sa isang dati nang awit
o musikang pang-instrumento. Kadalasan, ito ay ginagawa upang ang isang
awit ay makanta ng ibang mang-aawit na mas mababa o mataas ang boses
kaysa sa orihinal na kumanta. Halimbawa, ang awiting “Sana’y Maulit Muli”
64 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
na sinulat at unang kinanta ni Gary Valenciano ay ilang ulit nang inareglo
upang makanta ng mga babaeng mang-aawit, gaya nina Lea Salonga at
Regine Velasquez. Ang areglo rin ay kadalasang naririnig sa mga koro, na
kumakanta ng mga katutubong awit, gaya ng “Paru-parung Bukid,” “Leron
Leron Sinta,” at “Dayo dayo Kupita,” na isinasaayos para sa apat o higit pang
boses ng karaniwang koro (soprano, alto, tenor, at bajo). Sa ganitong mga
areglo, maaaring maiba ang porma ng awit, ngunit madali pa ring makilala
ang orihinal na pinanggalingan.
Sa larangan naman ng musikang pang-instrumento, isang
halimbawa ng areglo ang pagsasaayos ni Alfredo Buenaventura ng William
Tell Overture ni Gioachino Rossini, isang klasikal na obrang pang-orkestra
mula sa Europa, para matugtog ng mga grupong rondalya sa pambansang
paligsahan ng National Music Competition for Young Artists o NAMCYA at
ng ibang rondalya sa kanilang mga pagtatanghal.
Para maunawaan ang mas malalim na kahulugan ng obra,
mahalagang malaman kung ito ay isinulat para sa tinig at instrumento o para
sa instrumento lamang. Ang awit ay gumagamit ng salita at dahil dito, mas
madaling maintindihan ang nais ipahiwatig ng manunulat dahil nakakabit
sa ibig sabihin ng mga letra ang gawa niyang himig. Sa ganitong kaso, ang
magandang pag-aralan ay kung nababagay ba ang nagawang melodiya sa
pagpapahiwatig ng mensahe ng mga ginamit na salita? Halimbawa, kung ang
mensahe ng awit ay masaya, nararapat lamang na ang melodiya at tonalidad
ng musika ay nasa asignaturang mayor at ang ritmo ay maliksi at buhay. Sa
kabilang banda, kung ang mensahe ng teksto ay malungkot gaya ng nawalang
pag-ibig, ang inilalapat na musika ay karaniwang may kabagalan at nasa sa
asignaturang menor.
Sa mga obrang pang-instrumento, mas malaking hamon ang pagbuo
ng “sasabihin” sa isang piyesa, dahil walang inaangklahang teksto ang mga
tunog na galing sa iba’t ibang instrumento. Maliban sa mga tinaguriang
“character pieces” (mga piyesang may titulong ibinigay ng kompositor) o kaya
ay ang mga “program music” (mga musikang pang-instrumento na sumusunod
sa daloy ng naratibo ng isang tula, kuwento, o ideya), ang musikang pang-
instrumento ay maaring magkaroon ng iba-ibang kahulugan sa maraming
tagapakinig. Gayumpaman, may mga musikang pang-instrumento na
nakaaantig ng iisang emosyon lamang sa maraming tagapakinig, kagaya ng
kalungkutang dulot ng melodiya at harmoniya ng temang musika na nilikha
ni John Williams para sa pelikulang Schindler’s List, o kaya ang pagsulak
ng damdamin kapag pinakikinggan ang “Flight of the Valkyrie” (Lipad ng
mga Balkirye) mula sa The Ring of the Niebelung (Singsing ng Nibelung) ni
Richard Wagner.
Tan I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Musika 65
Sa pag-aaral ng istruktura, masasabing mas payak ang porma ng mga
awit kung ihahambing ito sa mga obrang pang-instrumento. Kadalasan, ang
mga popular na awit ay nahuhulma sa pormang “strophic” o istropiko, kung
saan ang mga berso ng tula ay nakalapat sa iisang paulit-ulit na melodiya, na
kadalasa’y sinisingitan ng “refrain” na may ibang melodiya. Ito ang karaniwang
istruktura ng mga awiting “ballad” ng mga sikat na mang-aawit sa industriya
ng musika. Bihirang marinig ang “free form” (pormang malaya) o “through
composed” (binuo ayon sa…), kung saan malikhaing sinusundan ng musika
ang daloy ng ideya mula sa tulang nilapatan ng musika. Ito ang porma ng
maraming madrigal, ang kinikilalang pinakamataas na uri ng musikang
pantinig noong panahon ng Renasimiyento sa Europa. Dito mas binigyang-
halaga ang teksto, at ang musika ay sumusunod na lamang sa kahulugan at
pangkalahatang sentimiyento ng tula (Burkholder et al. 2014, 245-246).
Sa musikang pang-instrumento, mas marami ang posibleng
istruktura dahil na rin sa yaman ng ilang dantaong kasaysayan ng pag-unlad
ng musikang Kanluranin. Ilan sa mga ito ay ang “sonata-allegro form” na
siyang pinakakaraniwang porma ng unang bahagi ng halos lahat ng simfoniya,
sonata, at konsiyerto noong siglo 18, ang “rondo form,” “theme and variations
form,” “minuet and trio,” at ang “fugue” (Kirby sa Brittanica at Western
Michigan University). Ang mga simpleng “binary form” at “ternary form” ay
madalas ding gamitin sa mga mas maiikling musikang pang-instrumento.
Ang “binary form” ay mayroong dalawang bahagi: A at B. Kadalasang inuulit
ang unang bahagi bago tugtugin ang ikalawang bahagi na inuulit rin: ||: A :||:
B :||. Minsan, tinutugtog nang buo ang dalawang bahagi bago sila ulitin ||: A -
B :||. Nagiging “rounded binary form” o mas kilala sa tawag na “ternary form”
kapag ang unang bahagi ay inulit pagkatapos ng pangalawang bahagi. Sa pag-
ulit nito ay madalas nalalagyan ng mga dagdag na palamuti ang melodiya,
kaya’t nilalagyan ng kudlit ang ibinalik na unang bahagi: | A | B | A’ |. Ito rin
ang porma ng naunang nabanggit na “minuet and trio” na madalas makita
sa ikatlong bahagi o movement ng isang simfoniya o sonata. Dito, kapwa ang
bahagi ng minueto (isang uri ng mabagal na sayaw sa mga palasyo o korte
noong panahong Baroko) at ng trio (bahaging tatlo lamang ang tumutugtog)
ay nag-uulit sa unang bahagi: | A | B | A’ | - | C | D | C’ | - | A | B | A’ |. Kung
tutuusin, para itong isang malaking “ternary form” kung saan ang bawat
bahagi ay may nakapaloob ding “ternary form.”
PANGALAWANG DULOG: ANG KONTEKSTO
NG PAGBUBUO NG OBRANG-MUSIKA
Nauna nang nabanggit na mahalagang malaman kung sino ang
maygawa ng musika upang mas madaling maintindihan ang kahulugan
nito. Sa paglalagay sa tamang konteksto ng pagkakagawa ng isang obra,
66 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
mauunawaan ang mas malalim na kahulugan nito at matibay na kaugnayan
sa buhay-buhay ng mga tao at ng lipunan.
Sa mga katutubo, ang pag-awit o pagtugtog sa mga tradisuyunal
na obrang-musika ay nakakabit sa pang-araw araw na buhay at mga
mahahalagang pagdiriwang ng buong tribu. May mga awiting kinakanta
lamang sa mga piling okasyon, kaakibat ng bawat yugto ng kanilang buhay.
Ang dopdopit ng mga Kalinga ay naririnig sa unang pagpapaligo sa bagong
silang na sanggol. Ang manambay ng mga Subanon ay inaawit nang pabigkas
sa ritwal ng pagtuli. Ang pamada ng mga Manobo ang nagbubukas sa
seremonya ng isang kasal. Ang fulayao ng mga Bontok ay nagsasalaysay ng
magagandang ginawa ng isang yumao (Maceda, et al. 2017, 4). Marami ring
mahahabang epiko ang mga grupong katutubo na kinakanta upang maibsan
ang kapaguran sa pag-ani ng palay o magbigay ng kasiyahan sa malalaking
pagsasalo. Kabilang sa mga epiko ang Hudhud ng mga Ifugao, Hinilawod
ng mga Ilonggo, Raja Madaya ng mga Maguindanao, Darangen ng mga
Maranao, Tudbulol ng mga T’boli, at Dumarakol ng mga Tagbanwa.
Sa mga obrang inaawit at tinutugtog sa kapatagan, marami ang
nalilikha bilang pagbabahagi ng mga sariling karanasan ng mga kompositor.
Ang mga ito ay kadalasang nakahulma sa porma ng awiting madaling
magustuhan ng madla, dala na rin ng kagustuhang lumaki ang benta ng
mga ito. Ang mga karanasan ng mga kompositor, bagama’t personal, ay
nagiging patok sa madla dahil kadalasan ay ito rin ang nararanasan ng mga
karaniwang tao, gaya ng sayang dulot ng tagumpay, paghanga sa sinisinta,
pagkabigo sa mithiin, kalungkutan sa nawalang pag-ibig, di-mapawing sakit
dala ng pagyao ng minamahal sa buhay, at marami pang iba. Naibabahagi ang
mga damdaming ito sa pamamagitan ng mga letra ng awit o ng magandang
melodiya na tinutugtog ng piyano o biyolino o plawta, na lalong nakakaantig
kapag nilapatan pa ng masarap pakinggang harmoniya.
Inaalam din kung kailan ginawa ang obra upang mailugar ito
sa pangkalahatang bilang ng mga gawa ng kompositor o areglador. Ito ay
ginagawa upang matukoy ang estilong ginamit sa pagsulat ng awit o musika, at
upang maunawaan ang dahilan at kaparaanan ng pagkakalikha, at maiugnay
ang obra sa mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng lipunang
ginagalawan ng may-gawa. Makakatulong din sa pag-unawa sa paksa, anyo, at
tono ng isang obra na alamin ang pook kung saan ito nalikha at ang tradisyon
ng musika sa pook na iyon, na maaring nagkaroon ng impluwensiya sa
ritmo, tonalidad, melodiya, at harmoniya ng obra. Importante ring malaman
ang halaga ng lugar na iyon sa yugto ng buhay ng may-gawa. Halimbawa,
maaaring naisulat ang obra sa malayong lupain, kaya’t ang tunog ng obra ay
kawangis ng pagnanais na makauwi sa tinubuang lupa.
Tan I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Musika 67
Mayroon ding mga obrang-musika na humango ng inspirasyon sa
mga kaganapan sa lipunan o sa kasaysayan. Marahil, pinakasikat na halimbawa
ng ganitong awit ang “Bayan Ko” na nilikha noong 1928 ng makatang Jose
Corazon de Jesus (Huseng Batute) at kompositor na Contancio de Guzman.
May dalawang bahagi ang liriks: sa una, inilalarawan ni Batute ang ganda ng
Pilipinas na siyang umakit sa dayuhan upang ang bansa’y bihagin at isadlak sa
dusa; sa ikalawa ipinahihihwatig ng awit na ipaglalaban ng mga Pilipino ang
kanilang adhika na makita ang bayan na sakdal laya, ang ibig sabihi’y malaya
sa pamahalaang kolonyal ng mga Amerikano (Hila at Tan 2017, 411).
Para sa awit na ito, ginamit ni de Guzman ang anyo ng kundiman
na isang matandang genre ng awit na Pilipino na karaniwang ginagamit
sa pagpapahayag ng makabayan o seryosong damdamin. Itinugma ni de
Guzman ang musika sa sinasabi ng liriks ni Batute. Tulad ng maraming
kundiman, ang “Bayan Ko” ay nagsisimula sa menor na asignatura, na
bagay sa liriks ng unang bahagi tungkol sa pagkasadlak ng bayan sa dusa
dahil sa okupasyong Amerikano; pagkatapos, lumilipat ang awit sa mayor
sa ikalawang bahagi para ipadama ang pag-ahon mula sa kalungkutan na
kinasadlakan patungong kaginhawaan at kalayaan. Dahil sa malalim na
kaugnayan ng awit na ito sa pagmamahal sa bayan, ang “Bayan Ko” ay paulit-
ulit na naririnig sa mga pagkakataong kailangang ipagtanggol ang kalayaang
sinusupil ng mga taong walang malasakit sa bayan, tulad ng nangyari noong
People Power revolt ng 1986. Hanggang ngayon, nagiging makahulugan ang
isang pagtitipon o pagdiriwang kapag ito ay inaawit o tinutugtog dahil may
malalim na kahulugan na nakadikit sa kasaysayan.
Bukod sa pakikipaglaban para sa kalayaan, mayroon pang ibang
konteksto sa paglikha ng mga obrang pang-musika. Kadalasan, ipinapaloob
ng isang kompositor sa bawat likha ang kaniyang mga paniniwala sa buhay
at kung ano ang mahalaga sa kaniya bilang isang tao. Minsan may personal
siyang mga adbokasiya at ginagamit niya ang kaniyang kakaibang talino at
galing upang isulong ang mga ito sa kaniyang mga likhang awit. Ilan sa mga
mahahalagang adhikain na maririnig natin sa mga awiting popular ay ang
paggalang sa iba’t ibang kasarian ng tao, pagmamahal sa hayop, lamang-dagat,
at kapaligiran, pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan, pagpapahalaga
sa karapatang pantao ng bawat isa. Isa sa mga sikat na mang-aawit ngayon
ay si Noel Cabangon at ang isa sa kaniyang mahalagang isinusulong ay ang
pagbabago ng hindi magandang kaugalian ng mga Pilipino. Sa awiting “Ako’y
Isang Mabuting Pilipino,” inilarawan niya at itinuturo sa nakikinig kung
ano ang mga katangian ng isang ulirang Pilipino—tumutupad sa tungkulin
at sumusunod sa makataong alituntunin ng gobyerno, at higit sa lahat, may
pagmamahal sa bayan.
68 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Sa larangan ng mga obrang instrumental, may iba-ibang paraan
ng pagpapakita ng adbokasiya ang mga kompositor. Mayroong gumagamit
ng nabanggit nang panghihiram sa mga klasikong awit o likhang-pang-
instrumento para isulong ang pagkamakabayan, gaya ng Lahing Kayumanggi
ni Lucio San Pedro. May iba ring sumulat ng mga obrang gumagamit ng mga
tunog ng mga katutubong instrumento o ng pamamaraan ng pagtugtog sa mga
ito, gaya ng Mindanao Orchids ni Ramon Tapales, kung saan maririnig ang
paulit-ulit na mga tono at mataginting na tunog ng kulintang na nagbibigkis
sa buong piyesa. May iba pang modernistang Pilipinong kompositor na
gumagamit ng mga katutubong instrumento sa kanilang obrang pang-orkestra
upang itanghal ang makabagong pagkakakilanan ng Pilipino na binubuo ng
maraming kultura. Kasama sa mga kompositor na ito noong siglo 20 sina
Antonino Buenaventura sa kaniyang Mindanao Sketches at By the Hillside,
Angel Peña sa kanyang Igorot Rhapsody, at Ramon Santos sa kanyang L’Bad.
PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG OBRANG-MUSIKA
Isa sa mahalagang aspeto ng musika ay ang dating nito sa mga
nakikinig. Sa mga simpleng awitan o tugtugan, hindi lamang ang umaawit
o tumutugtog ang nakararanas ng kakaibang pakiramdam na dulot ng
makamandag na epekto ng musika. Napagagalaw rin ng musika ang bahagi o
buong katawan ng nakikinig. Sa mga pormal na pagtatanghal, inaayos nang
mabuti ang paggalaw ayon sa ritmo ng musika at pinagaganda nang husto ang
pagtatanghal ng nasabing sayaw. Minsan mas malalim ang nagiging dating
ng isang obrang-musika dahil tumatahimik ang tagapakinig at nae-engganyo
itong magmuni-muni o alalahanin ang kaniyang mga karanasan. Ang mga
nabanggit ay mga halimbawa ng agad-agaran at personal na dating ng musika
na maaring magbigay ng lugod at malalim na pagkaunawa sa buhay ng tao.
Sari-saring batayan ang ginagamit para matiyak kung may dating
o wala ang isang obrang-musika. Maaaring gawing panukat sa dating ang
dami o lakas ng pagtanggap ng publiko dito na maaring makita sa bilang ng
manonood o benta ng tiket o kaya ay sa dami ng “views” (nanood) o mga
pumipindot ng “like” (pagkagusto) sa mga birtuwal na paraan. Ginagamit
ring panukat ng dating ng awit ang dami ng beses na ine-ere ito sa radyo
o ilang ulit itong isinasama sa mga konsiyerto ng mga sikat na mang-aawit
o manunugtog sa industriya ng musika. Sa mga obrang pang-instrumento,
lalo na ang mga obrang pang-orkestra, nasusukat ang dating sa madalas na
pagsama rito sa repertoryo ng mga orkestra sa bansa.
Makikita rin ang dating ng obrang-musika sa reaksiyon ng
mga manonood sa mga iniiwang feedback sa mga sarbey pagkatapos ng
pagtatanghal o kaya ay sa mga komento sa pahinang birtuwal ng mga blog.
Tan I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Musika 69
Ang isa sa matibay na batayan ng pagsukat sa dating ay ang mga rebyu o
kritika na nakalathala sa diyaryo, magasin, o mga pang-akademikong jornal.
Sa huli, nagiging sentro ng malalimang pag-aaral o diskusyon ang likhang-
musika, lalo na kung ang jornal ay para sa mga araling pang-musikolohiya,
kung saan sinusuri ang kahalagahan ng mga ito at tinutukoy ang laki ng
ambag nito sa pag-intindi ng kasaysayan, lipunan, o ng buong sangkatauhan.
Ginagamit rin bilang pamantayan ng dating ang mga parangal na
natanggap ng isang obra mula sa mga institusyong nagsusuri ng mga awit
o ng mga musikang pang-instrumento. Sa larangan ng musikang popular,
maraming mga parangal ang ipinagkakaloob sa mga awiting patok sa madla
at, kadalasan, ang ginagamit na batayan ay ang dami ng mga rekord (plaka
o kaset) na nabenta, gaya ng mga Gold Record Award at Platinum Record
Award na iginagawad ng Philippine Association of the Record Industry, Inc.
o PARI sa mga kanta o album na nakabenta ng mahigit sa 7,500 na kopya
para sa gold at 15,000 para sa platinum. Mayroon ding parangal na nakabatay
sa “ganda” ng mga awit— sa mensahe man o melodiya—na pinipili ng
isang lupon ng mga musiko, gaya ng mga ipinagkakaloob ng Awit Awards
at Katha Awards. Maaaring makita ang mas marami pang mga parangal na
ibinibigay sa larangan ng musika sa sanaysay na pinamagatang “Awards,
Grants, Commissions, and Contests in Music” nina Hila, Silvestre, at Tan sa
pangalawang edisyon ng CCP Encyclopedia of Philippine Art, volume 7 –
Music (CCP Encyclopedia 2017, 314-325).
Sa larangan ng musikang pang-instrumento, pinakaprestihiyosong
parangal na iginawad mula 1960 hanggang 1972 ang Republic Cultural
Heritage Award para sa mga mahahabang obrang pang-orkestra. Kabilang
sa iilang kompositor na nakatanggap nito ay sina Antonino Buenaventura
noong 1961, Lucio San Pedro noong 1962, Alfredo Buenaventura noong 1964
at 1972, Eliseo Pajaro noong 1964 at 1970, Antonio Molina noong 1965 at
1972, at Felipe de Leon noong 1971 (Hila, et al. 2017, 314). Sa labas ng bansa,
naparangalan na rin ang mga likha ng mga Pilipinong kompositor, gaya ng
Misa 2000 ni Ryan Cayabyab, isang mahabang obrang pang-orkestra at tinig,
na ginawaran ng ikalawang gantimpala sa Onassis Cultural Competition sa
bansang Gresya noong 2001. (Reyes at Cayabyab 2017, 563).
PANG-APAT NA DULOG: ANG SAYSAY NG OBRANG-MUSIKA SA LIPUNAN
AT TIMBANG SA KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Ang bawat obrang-musika ay may inihahayag na kaisipan at
damdamin na maaring makatulong o maging sagabal sa pagkakamit ng
Pilipino ng kaniyang kaganapan bilang tao sa lahat ng antas ng kaniyang
pagkatao. Sa partikular, ang bawat obrang-sining ay may tema o mensahe na
70 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
maaaring magsulong o sumupil sa mga karapatang pantao na siyang batayan
para makamit ng Pilipino ang kaniyang kaganapan bilang TAO. (Tiongson
2022)
Nitong mga nakaraang dekada, maraming kompositor at lirisista
ang nakapagpahayag ng mga magaganda at mahahalagang mensahe
na tumutugma sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO, na
nagsusulong ng mga karapatang pantao. Isa sa mga nangunguna rito ang
Pambansang Alagad ng Sining sa Musika na si Ryan Cayabyab na lumikha
ng mga awit, tulad ng “Paraiso,” “Better World” (Mas Magandang Mundo),
at “Kay Ganda ng Ating Musika,” na tumukoy at pumuri sa mga katangian
ng mga Pilipino at ng bansang Pilipinas na kahanga-hanga at kagalang-
galang pagkat nakabubuti sa kapwa. Nabanggit din kanina ang awit ni Noel
Cabangon na “Ako’y Isang Mabuting Pilipino” kung saan inisa-isa ang mga
paraan kung paano makakatulong ang bawat isa sa atin sa pagpapabuti ng
kalagayan ng ating kapaligiran, kahit tayo ay mga simpleng mamamayan
lamang. Gayundin, ang rap na kinanta ni Francis M, ang “Mga Kababayan
Ko,” na nagpapaalala sa atin na dapat ipagmalaki ang pagiging Pilipino, at
dapat patibayin ang identidad ng Pilipino na kailangan para mabuo natin ang
isang bansang tunay na malaya.
Sa ganitong paraan ng pagsusuri ng musika, naipapakita natin sa
mga tagapakinig na ang mga awit o obrang pang-instrumento ay may kani-
kaniyang kahulugan na maaaring makatulong o makasagabal sa pagkakamit
ng pagkakapantay-pantay ng lahat ng mamamayan sa lipunan. Matimbang
ang obrang-musika sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Makatao kung
matutukoy at mapatitibay nito ang mga kabutihang loob at kagandahang
ugali ng Pilipino na nanggaling sa tunay na paggalang sa kapwa tao, anuman
ang kanilang uri, relihiyon, etnisidad, kasarian, edad, okupasyon o lahi.
MGA SANGGUNIAN
Burkholder, J. Peter. 2002. Isang Sipi. The New Grove Dictionary of Music
and Musicians. Ed. 2. Stanley Sadie (ed..). New York: Macmillan
Publishers Limited. 689-690
Burkholder, J. Peter, Donald Jay Group, at Claude V. Palisca. 2014. A History
of Western Music. Ed. 9. New York at London: W.W. Norton &
Company.
Tan I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Musika 71
Hila, Antonio C. at Arwin Q. Tan. 2017. “Bayan Ko.” Sa Cultural Center of
the Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (7:Music). Nicanor
G. Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center of the
Philippines. 410-411.
Hila, Antonio C., Ma. Patricia B. Silvestre, at Arwin Q. Tan. 2017. “Awards,
Grants,Commissions, and Contests in Music.” Sa Cultural Center of
the Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (7:-Music). Nicanor
G. Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center of the
Philippines. 314-25
Kirby, F.E. (w.t.) “Musical Form.” Britannica, https://www.britannica.com/art/
musical-form/Formal-types
Maceda, Jose M., Corazon C. Dioquino, Ramon P. Santos, Jose S. Buenconsejo,
Arwin Q. Tan, at Nicanor G. Tiongson. 2017. “Philippine Music.”
Cultural Center of the Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (7-
Music). Nicanor G. Tiongson (punong editor). Manila: Cultural
Center of the Philippines. 2-21
Tan, Arwin Q. 2014. “Nasyonalismo at Pagkakakilanlan sa Musika ng Iglesia
Filipina Independiente: Pagsusuri sa Misa Balintawak ni Bonifacio
Abdon.” Saliksik: Saysay ng Salaysay. Multidisiplinaryong E-Journal
(3) 2. 307-334.
Tiongson, Nicanor G. 2019. “From Novel to Film: Four Film Adaptations
of Jose Rizal’s Noli Me Tangere.” Film Development Council of the
Philippines Lecture series, Marso 25, 2019.
Western Michigan University. (w.t.) “Basic Music Forms.” https://wmich.edu/
mus-history/TheoryHelp/forms.html.
72 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Rene B. Javellana, S.J.
BASAHIN ANG ARKITEKTURA:
MGA PAMANTAYAN SA PAGSUSURI
NG MGA OBRANG-ARKITEKTURA
SA PILIPINAS
INTRODUKSIYON
A
ng arkitektura ang sining at siyensiya ng pagtatayo ng istruktura.
Sangay ito ng disenyo na nagtatalaga, nag-aayos, at nagtatakda sa
espasyo upang ito ay maging tiyak na pook o lugar (from space to
place). Tulad ng sining biswal, ginagamit ng arkitektura ang mga elemento ng
pagguhit o pagpinta, tulad ng linya, kulay, tekstura, bolyum, at iba pa. Ngunit
kasama at esensiyal sa arkitektura ang konstruksiyon at inhenyeriya upang
ang mga iginuhit na plano ay magkatotoo.
Sakop ng arkitektura ang ilang mga disiplina: a) ang disenyo ng
istruktura (building design/architecture), na siyang madalas na naiisip kapag
binabanggit ang arkitektura; b) ang disenyo ng loob ng bahay (interior design);
k) ang disenyo ng kapaligiran ng istruktura (landscape design/architecture),
kasama na ang pagpili at pag-aayos ng mga halaman sa paligid ng bahay o
sa mga malalaking plasa; at d) ang disenyo ng kabayanan at lungsod (town
planning). Kasama sa huli ang pagtatakda ng mga daan, pagtatalaga ng
mga plasa at mga lugar na hindi dapat tayuan ng mga istruktura, tulad ng
pampang ng mga sapa at ilog, mga bahaing lugar o mga mataas na lugar na
maaaring gumuho.
Sa tradisyunal na arkitektura, walang propesyunal na arkitekto
ngunit may mga bihasa sa komunidad na nakaaalam ng mga pamamaraan
ng pagtatayo ng tradisyunal na istruktura na natutuhan nila sa mga nauna sa
kanila. Mula sa pagtatapos ng siglo 19 hanggang sa kasalukuyan sa siyudad
73
man o lalawigan, ugali nang kumausap ng propesyunal na arkitekto na
gagawa ng plano ng istrukturang ibig itayo, na may elevation (guhit ng iba’t
ibang gilid ng istruktura), perspektiba (guhit na 3D), at scale model (maliit
na modelo ng istruktura na may tamang proporsyon at sukat). Gayunman,
kahit naitayo na ang isang istruktura ayon sa plano ng arkitekto, maaari pa
rin itong magbago pagdaan ng panahon. Halimbawa, maaaring madagdagan
pa ng mga silid-tulugan ang bahay kapag dumami ang anak o may matanda
na hindi na nakakaakyat ng hagdan. May pagbabago ring dala ng pagpapalit
ng estilo, pagbabago ng uso sa konstruksiyon, at pagkakaroon ng malaking
kita ng may-ari.
Ang arkitektura ang pinaka-“interactive” sa mga likhang-sining.
Napapaligiran tayo ng arkitektura. Nakatira tayo sa bahay, sumasamba sa
simbahan o namamalengke sa supermarket. Habang tayo ay naglalakbay ang
dinadaanan natin ay nakatakda na para sa atin, kaya kailangan nating sundin
ang daan. Gayunman, hindi natin napapansin ang arkitektura. Nagiging
“invisible” ito. Hindi natin ito namamalayan, kaya hindi rin natin naitatanong
kung bakit dito at hindi diyan tayo pinapadaan ng mga kalsada. Napapansin
lamang natin ang arkitektura kung nagkakaroon ng problema. Halimbawa,
tumutulo ang bubong ng bahay o nilipad ito ng bagyo.
May buhay na mga tradisyon ng arkitektura sa Pilipinas. Saklaw ng
tradisyon ang mga pananaw, pagpapahalaga, pag-uugali, paniniwala, paraan
ng paghahanap-buhay, paraan ng pamamahala sa komunidad, paraan ng
paggawa ng mga bagay, paraan ng pakikipag-ugnayan sa isa’t isa at sa buong
komunidad, na nakaugat sa nakalipas ngunit nanatili pa ring buhay sa
kasalukuyan. Halimbawa, hindi natin alam kung kailan nagsimulang magtayo
ang mga Pilipino ng mga bahay kubo o balay sa Bisaya. Alam natin na
matagal na. Mayroon ngang mga guhit ang mga Kastila ng balay na kanilang
nakita noon siglo 17. Patuloy pa ring itinatayo ang mga balay na ito.
Apat ang tradisyon ng arkitektura na may saklaw na kani-kaniyang
anyo. Sa tradisyong katutubo kabilang ang iba’t ibang uri ng tirahan, na
tinatawag na bale ng Kapampangan, fale ng Ifugao, torogan ng Maranaw,
lepa (bahay-bangka) ng Sama di Laut o Badjao; mga istrukturang pandepensa,
tulad ng kuta ng Maguindanao, muog ng mga Tagalog, at ijang ng Batanes;
mga pinagtitipunang pook, tulad ng dap-ay sa Kordilyera at ruma bichara
sa Sulu; mga dalanginan tulad ng masjid sa Mindanao; mga tulay na kahoy o
kawayan; at marami pang iba.
Sa 333 taong pananakop ng Espanya sa Pilipinas, pumasok at
lumaganap ang tradisyong Hispaniko. Kabilang dito ang mga tahanan, tulad
ng bahay na bato, at mga gusaling publiko, tulad ng casa real, casa tribunal,
escuela pia, ospital; mga istrukturang pandepensa tulad ng fuerza, baluarte,
74 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
mga ciudad murada tulad ng Intramuros; mga pinagtitipunang pook, tulad
ng plasa, teatro, at sabungan; mga lugar na panrelihiyon tulad ng simbahan,
kumbento, monasteryo, at sementeryo; mga tulay at parolang bato; mga
aguas potables (pampublikong patubigan), atbp.
Mula 1900 hanggang 1946, lumaganap ang tradisyong Amerikano.
Natayo ang mga tahanang tinatawag na tsalet, mga gusali ng gobyerno
tulad ng munisipyo at kapitolyo, ospital at klinika (puericulture center),
mga paaralan mula elementarya hanggang unibersidad; mga istrukturang
pandepensa tulad ng base ng hukbong panghimpapawid; mga pook para
sa aliwan tulad ng parke, sinehan, teatro, at hippodromo (para sa karera
ng kabayo); mga sentro ng isports tulad ng Rizal Memorial Stadium at Jai
Alai Fronton; mga gusali para sa mga ekslusibong klub tulad ng Army-
Navy Club, Casino Español, British Club, at Club Filipino; mga kapilya at
sambahan, laluna ng mga Protestante at mga bagong grupo tulad ng Iglesia ni
Cristo, at templo ng mga Mason; mga tulay na yari sa semento at bakal; mga
aspaltadong daan, riles at estasyon ng tren (biunuksan noong 1895, at binago
sa panahon ng Amerikano.), at paliparan o airport.
Mula 1946 nang magkaroon ng independensiya ang Pilipinas,
mas lumakas ang tradisyong global na bukas sa impluwensiya mula sa
Amerika at ibang bansa sa daigdig. Kabilang sa mga itinayo sa panahong ito
ang mga tirahang tulad ng bungalow, apartment row house, townhouse,
condominium, multi-use high rise, gated communities; mga eskwelahan
at pamantasan na may sariling kampus; mga pinagtitipunang pook tulad ng
malls at cinema multiplex, mga mega stadium tulad ng Araneta Coliseum at
SM Arena; mga gusaling pangnegosyo tulad ng high rise offices, call centers,
pabrika, at trade show rooms; mga expressway, overpass at elevated
highway; at marami pang iba.
APAT NA DULOG SA PAGSUSURI NG OBRANG-ARKITEKTURA
UNANG DULOG: ANG ISTRUKTURA BILANG LIKHANG-SINING
Sa unang dulog, susuriin ang isang istruktura bilang likhang-sining.
Ang anyo ng istruktura ang binibigyang-pansin sa dulog na ito (formal
analysis).
Nagsisimula ito sa pagtiyak sa mga batayang datos tungkol sa
istrukturang sinusuri: pangalan ng istruktura, ang genre nito, pangalan
ng arkitekto, pangalan ng kompanya o indibidwal na nagpagawa sa
istruktura, pangalan ng kontratista na nagtayo o mga taong nagtulong-
tulong para mabuo ang istruktura, at materyales na ginamit sa istruktura.
Javellana I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Obrang-Arkitektura 75
Matapos maibigay ang batayang datos, maaari nang suriin ang
panlabas na anyo ng istruktura at disenyo ng interyor ayon sa pamantayan ng:
Ganda: May kinalaman ito sa panlabas at panloob na anyo ng obrang-
arkitektura.
o Kawili-wili bang masdan ang istruktura mula sa labas? Bakit?
o Anong estilo ang ginamit sa istruktura? Tradisyunal o moderno?
o Bagay ba ang estilong ginamit at ang mga linya, hugis, kulay,
tekstura, at ibang elemento sa estilong ito para sa uri ng
istruktura na itinayo?
o Tama ba ang proporsyon, simetriya o asimetriya nito, ang
harmoniya ng iba-ibang parte, ang pagtatakda ng pokus,
baryasyon, at empasis sa patsada at mga gilid ng istruktura?
o Ano ang estilo na ginamit sa loob ng istuktura?
o Bagay ba ito sa estilong ginamit sa labas?
o Kawili-wili ba o hindi ang disenyo ng loob ng istruktura? Bakit
o bakit hindi?
Tatag. May kinalaman ito sa pagtatayo ng obrang-arkitektura batay sa
tradisyon o mga plano nito at sa pananatili ng anyo sa loob at labas nito sa
mahabang panahon.
o Ano ang materyales at proseso o paraan ng pagtatayo na ginamit
sa istruktura?
o Gumamit ba ito ng tradisyunal o makabagong teknolohiya?
o Napagtugma ba ang paggamit ng materyales at ang panlabas
na hitsura ng istruktura (ang kulay, gaspang, kinis at iba pang
katangian na sangkap ng biswal na anyo ng arkitektura)?
• Dalawang tradisyon ng Tatag:
o Tradisyunal, na batay sa pananatiling buhay ng tradisyon. Kahit
ang mga itinayo ay gawa sa madaling mabulok o nasisirang
materyales, tulad ng kahoy, kawayan, at pawid, matatag pa rin
ang tingin dito dahil maari pa rin itong itayo o ayusing muli
ng mga artisanong nakaaalam at nagsasalin ng tradisyon ng
paggawa. Halimbawa, ang mga templo sa Japan na gawa sa
kahoy at runo.
o Moderno, na batay sa tibay ng mga materyal at sangkap
na hindi madaling masira tulad ng bakal, bato at simento.
Halimbawa, ang mga modernong condominium na gumagamit
ng mga materiales fuertes na ito.
76 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Gamit. May kinalaman ito sa dahilan kung bakit itinayo ang obrang-
arkitektura at pakinabang o gamit ng iba-ibang espasyo sa loob at labas ng
nito.
o Anong mga pangangailangan ang tinutugunan ng iba-ibang
espasyo sa loob ng istrukturang ito?
o Lohikal ba at praktikal ang ginawang disenyo sa mga espasyong
ito?
o Mahusay ba ang pagtutugma ng disenyo ng mga espasyo sa loob
at espasyo at detalye sa labas ng istruktura?
o Ano ang ugnayan ng istruktura sa espasyong nakapaligid dito
sa labas?
o Ano ang ugnayan ng istruktura sa kalikasan at mas malawak na
kapaligiran? Nakabubuti ba o nakasisira ito? Ano ang “carbon
footprint” ng isang istruktura?
Pangkalahatang tanong: Nagtutugma ba ang disenyo ng panlabas
na anyo at ang disenyo ng mga espasyo sa loob ng istruktura, at
natutupad ba ng mga ito ang layon sa pagpapatayo ng istrukturang
ito?
PANGALAWANG DULOG: ANG KONTEKSTO NG LIKHANG-SINING.
Matapos mailahad ang mga katangian ng istruktura bilang likhang-
sining sa arkitektura, kailangang matukoy din ang konteksto ng pagkakalikha
sa istruktura upang higit na maunawaan ito. Sa konteksto kasama ang
pagtukoy sa mga gumawa ng istruktura, kailan, saan, at para saan ito itinayo,
ang kalagayang panlipunan at mga estilo o kilusan sa arkitektura na maaring
nagkaroon ng impluwensiya sa disenyo at pagtatayo ng istruktura. Nag-iiba
ang mga kontekstong ito, batay sa kung ang pinag-uusapang istruktura ay
tradisyunal o moderno. Kaya ang mabuti’y paghambingin natin ang konteksto
ng bawat isa sa dalawang tradisyon—katutubo at moderno. Tandaan na ang
mga babanggitin ay pangkalahatang katangian lamang.
TANONG Tradisyong Katutubo Tradisyong Moderno
Sino ang Ang gagamit ng Ang arkitekto, a
gumagawa/ istruktura at ang kliyente (o nagpapagawa
nagtatayo? karaniwang mamamayan at magpopondo sa
sa komunidad, sa gabay istruktura), at mga
at tulong ng mga bihasa propesyunal na inhinyero
sa komunidad at kontratista
Javellana I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Obrang-Arkitektura 77
Kailan ito Kung kailangan ng Kapag kailangan ng
itinatayo? pamilya o ng komunidad pamilya o ng kliyente sa
kaniyang hanapbuhay.
Matagal ang pagpaplano
at paghingi ng mga
lisensiya.
Saan? Sa tabi ng dagat, sa Nakatakda at tituladong
tabi ng palayan, sa lupa sa lunsod
bulubundukin, na na itinakda na ng
malapit sa pinagkukunan pamahalaan at akma sa
ng kabuhayan ng titira layunin ng kliyente.
Para saan Para gawing tirahan o Para gawing tahanan,
itinatayo? pahingahan o pulungan para sa gamit na
ng taga-komunidad o komersyal o sosyal,
dalanginan o sambahan o para sa gamit ng mga
depensa sa mga kaaway institusyon ng gobyerno,
relihiyon, at iba pa
Ano ang Ang komunal na paraan Ang pangkalahatang
mahalagang ng pamumuhay na plano ng mga lugar
kalagayang hinihingi ng sistema na para sa mga
panlipunan ng paghahanapbuhay; tirahan/subdibisyon/
na kaugnay ng nakikita sa bayan- condominium, para sa
pagkakatayo ng bayanan at barangay mga institusyong publiko
istruktura? at mga komunidad at pribado, at mga
ng magsasaka at istrukturang komersiyal
mangingisda o pangkalakalan.
Ano ang Nakaugat sa tradisyon at Bukas sa pagsunod sa
kalagayan o sinaunang kabihasnan mga makabagong “trend”
impluwensiyang at malapit sa lupa at at tradisyong global;
pansining na kalikasan. malayo na sa lupa at
may kinalaman kalikasan
sa paglikha ng
istruktura?
PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG LIKHANG-SINING.
Matapos matukoy ang konteksto ng pagkakatayo ng isang
istruktura, kailangan namang itanong natin kung ano ang epekto o dating
ng isang istruktura sa gumagamit o naninirahan dito, ang epekto nito sa
pangkalahatang komunidad, at ang pagtataya dito ng mga kritiko o ibang
dalubhasa na lumabas sa mga publikasyon (popular man o akademiko) at sa
social media.
78 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Bilang ilustrasyon, dalawang istuktura mula sa dalawang tradisyon
ang sususuriin sa pamamagitan ng mga batayang tanong.
Batayan Tradisyong Katutubo Tradisyong Moderno
Ano ang epekto Tinatanggap Sinasadya na
ng istruktura bilang bahagi ng nakakatawag-pansin ang
sa tumitira, pang-araw-araw na istruktura. Layunin ng
gumagamit, pamumuhay. Hindi arkitekto at inhinyero na
tumitingin dito? kailangang kilalanin makapagpatayo ng “iconic
ang gumagawa dahil building,” iyong makikilala
ito’y ginagawa para sa ang istruktura at lumikha.
ikabubuti ng kapwa.
Ano ang epekto sa Pinahahalagahan Paghanga at pagkamangha
pangkalahatang ang istruktura , sa galing ng mga
komunidad? dahil tumutugon sa nagpatayo ng istruktura
pangangailangan ng
komunidad.
Ano ang naging Maliban sa mga Ang paghanga at
ebalwasyon dito iskolar, wala namang pagkamangha ay lalong
sa print at social sumusulat ng rebyu tumitingkad kapag may
media? ng mga katutubong sumusulat tungkol dito o
istruktura kinikilala ito.
PANG-APAT NA DULOG: PAGTAYA SA SAYSAY
AT PAGTIMBANG SA OBRANG-ARKITEKTURA
Sa dulog na ito, tinutukoy ang kahulugan at saysay ng istruktura
sa mamamayan at komunidad na Pilipino. Halimbawa, kaninong
pangangailangan ang tinutugunan ng istruktura—sa may poder/ may
kapangyarihan o sa taumbayan? Ito ay isang pangkalahatang pagtanaw,
pagsusuri, at pagtimbang ng mga likhang arkitektura. Iniuugnay ang pag-
unawa at pagtimbang sa istruktura sa konteksto ng Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO. Umiinog ang pagsusuri at pagtimbang sa mga tanong na tulad
nito:
• Tumutulong ba o nagiging sagabal ang istruktura sa pagkakamit
ng Pilipino ng kaniyang kaganapan bilang tao sa antas na pisikal,
sikolohikal, intelektuwal, ispirituwal, pulitikal, pangkabuhayan, at
kultural?
• Tumutulong ba o nagiging sagabal ang istruktura sa pagkakamit ng
isang lipunang pantay-pantay?
Javellana I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Obrang-Arkitektura 79
• Tumutulong ba o nagiging sagabal ang istruktura sa
pagsasanggalang, pagtataguyod, at pagpapalakas ng mga
karapatang pantao ng indibidwal na Pilipino at ng mga komunidad
sa Pilipinas?
—Ang artikulong ito ay may dagdag na datos at pangungusap mula kay Nicanor
Tiongson. —ed.
MGA SANGGUNIAN
CCP Encyclopedia of Art. (3: Architecture). 2017. Nicanor G. Tiongson
(punong editor); René B. Javellana, Area Editor. Manila: Cultural
Center of the Philippines.
“Historical Essays,” 1-107.
“Forms and Types,” 149-266.
“Bahay Kubo,” 152-154.
“Gabaldon Schoolhouse,”174-175.
Brand, Stewart. 1994. How Buildings Learn: What happens After They are Built.
New York: Viking Press. BBC Documentary 6-part series, 1997.
Lico, Gerard. 2008. Arkitekturang Filipino: A History of Architecture and
Urbanism in the Philippines. Quezon City: University of the
Philippines Press.
Villalon, Augusto F. 2001. Lugar: Essays on Philippine Heritage and Architecture.
Makati: Bookmark, Inc.
Vitruvius Pollio, Marcus. w.t. (1st cent.) Ten Books on Architecture (Tingnan
Ten Books on Architecture. Wikisource. en.wikisource.org)
80 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Cecilia S. de La Paz
SINING BISWAL AT
LIPUNANG PILIPINO:
MGA PAMANTAYAN SA PAGBASA
AT PAGTASA NG MGA OBRA NG
SINING BISWAL NG PILIPINAS
INTRODUKSIYON
A
ng sining biswal ay ang kategorya ng mga likhang-sining na
sumasaklaw sa mga pormang may dalawa o tatlong dimensiyon at
nag-ookupa ng isang espasyo. Sa kasaysayang pansining ng Pilipinas,
malawak ang saklaw ng kategorya ng sining biswal dahil ito ay kaakibat ng
iba’t ibang aspekto ng buhay Pilipino. Mauuri ang mga obra ng likhang-sining
sa Pilipinas ayon sa iba-ibang tradisyong pangkultura na umiral sa bansa.
Sa tradisyong etniko / katutubo, ang mga likha ay nakakabit sa pang-
araw-araw na buhay tulad ng pananamit, palamuti, at mga kasangkapan,
gamit ang proseso ng ukit, habi, panday, tatoo, at iba pa. Nakaugat ang
tradisyong etniko ng mga grupong katutubo, Muslim, at lumad sa Pilipinas
sa matatandang tradisyong pangkultura ng mga bansa sa Asya at Pasipiko,
ngunit buhay pa rin ang tradisyong ito hanggang sa kasalukuyan.
Sa tradisyong Hispaniko unang lumabas ang konsepto ng “sining” ng
Kanluran na dinala sa Pilipinas ng mga mananakop na Kastila. Ang mga obra
sa tradisyong ito ay may impluwensiya ng Katolisismo, pero sa pagtatapos ng
siglo 19 sumulpot ang sining na sekular na tinangkilik ng bagong-yamang
mga mestiso. Ang likhang-sining na ito ay bunga ng pagsasanib ng kulturang
katutubo, Tsino, at Hispaniko sa mga bayang itinatag sa ilalim ng lipunang
kolonyal. Kasama sa mga genre ng sining na Hispaniko ang iskultura,
pintura, grabado, pananamit, paggawa ng muwebles, at iba pa.
81
Sa tradisyong Amerikano, nagkaroon ng transpormasyon ang mga
porma ng sining sa pagkakatatag ng mga paaralan na naging katuwang ng
eksibisyon, komersiyo, at aplikasyon ng mga disenyo, ito man ay sa pintura,
iskultura, potograpiya, at mga sining grapiko. Kadalasan iniuugnay ang
tradisyong ito sa kulturang urban o kultura ng lungsod. Umiral ang tradisyong
ito kahit sa panahon ng pananakop ng mga Hapon.
Sa tradisyong global, nagpatuloy ang mga dati nang anyo ng sining
pero may mga bagong anyo na naluwal. Dahil sa mabilis na pagpapalitan ng
impormasyon at kultura ng mga bansa, kasama ng mga pagbabago sa pulitika
ng daigdig, sumibol at umunlad ang mga bagong anyo na gumagamit sa
iba’t ibang materyal at proseso ng paglikha, tulad ng collage, assemblage,
art installation, site specific art, at mga birtwal na sining at eksibisyon sa
internet, na may hangad na bigyan ng kritikal na perspektiba ang mga lumang
gawi at institusyong panlipunan, kasabay ng paghahanap ng mga bagong
kahulugan ng sining at paglikha.
Mahalagang malaman ang iba-ibang tradisyong ito na nagsimula
at lumaganap sa iba-ibang kabanata ng kasaysayan ng bansa, para maging
maayos at tama ang gagawing analisis ng alinmang likhang-sining, gamit ang
apat na dulog na magsusuri sa: a) obra ng sining biswal bilang likhang-sining,
b) konteksto ng pagkakalikha ng obra, k) dating ng obra sa tumitingin at sa
iba-ibang publiko sa iba-ibang panahon at lunan, at d) obra sa perspektiba ng
Kamalayang Pilipino na maka-TAO.
UNANG DULOG: ANG OBRA NG SINING BISWAL BILANG LIKHANG-SINING
Batayang Datos tungkol sa Likhang Sining
Mahalaga na alamin ang mga batayang impormasyon ukol sa
inaaral na obra ng sining biswal: titulo ng obra, pangalan ng lumikha, taon
ng pagkakagawa, lugar na pinagmulan, proseso at materyal na ginamit, sukat,
at iba pa. Ang mga impormasyon na ito ang unang batayan kung papaano
susuriin ang isang likhang sining. Inilalahad sila sa simula bilang datos
lamang.
Sa mismong pagsusuri ng anyo ng obra, pinag-aaralan ang mga
elemento ng sining na itinuturing na batayan ng wika ng sining biswal; ang
mga pisikal na katangian ng obra, tulad ng materyal at proseso na ginamit
para likhain ito; at ang estilong pansining, na maaaring maglahad ng mga
pilosopiya at paniniwala na ginamit sa obra.
82 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Wika, Elemento, at Estilo ng Sining Biswal
Ang sining biswal ay maaaring mabasa bilang isang uri ng wika na
hindi batay sa salita kundi sa mga sentido o pandama ng tao – sa nakikita,
nadidinig, nasasalat, at naaamoy ng tao sa pang-araw-araw na buhay. Sa mga
pandamang ito nakaugnay ang iba-ibang elemento ng sining biswal.
Kulay. Maaaring maging personal, simbolikal, kultural,
eksperimental, representasyunal, o impresyonistiko ang paggamit ng
kulay, batay sa intensiyon ng artista. Gayundin, ang pananaw o panlasa
ng nagmamasid ukol sa kulay ay maaaring makaimpluwensya sa kaniyang
pagbasa ng obra. Dagdag pa, dahil ang kulay ay nakaugnay din sa kultura,
maaaring mag-iba ang kahulugan nito sa iba’t ibang lugar o tradisyon.
Halimbawa, ang kulay pula ay maaaring maging simbolo ng pag-ibig
at digmaan – mga kalagayan ng emosyong positibo at negatibo – dahil
nakaugnay ang kulay na ito sa kulay ng dugo, na batayan kapwa ng buhay
at kamatayan ng tao. Ang pula ay naging simbolo rin ng kapangyarihan at
kasaganaan sa sinaunang kulturang Tsino, kung kaya’t lagi itong ginagamit sa
mga pagdiriwang ng mga Tsino. Sa kulturang popular, ang pula ay ikinabit
sa imahe ng babae na “liberated” o hindi sumusunod sa konserbatibong
depinisyon ng pagkababae. Sa Pilipinas, madalas na nagkakaroon ang pula
ng kahulugang pulitikal, halimbawa, sa mapanganib na ginagawang “red-
tagging” ng militar o pagtukoy sa mga lehitimong kritiko ng estado bilang
miyembro ng kilusang Komunista – nang walang anumang batayan.
Linya. Ang pagtingin at pagbibigay-kahulugan sa linya ay batay na
rin sa nakikita ng tao sa mundo. Ang linyang patayo o vertical, tulad ng sa isang
bantayog, ay nagpapahiwatig ng lakas at paninindigan. Ang linyang pahiga o
horizontal, tulad ng sa banig o bangko, ay nagpapahiwatig ng kapayapaan,
pamamahinga, at katahimikan. Ang linyang pasulong o diagonal, tulad ng
sa isang taong sumusugod, ay nagpaparamdam ng aksiyon. Ang linyang
kurbilinyar, tulad ng sa alon o ulap, ay may suhestiyon ng lambot, samantalang
ang mga linya na balikuko, tulad ng balat ng durian, ay tila nakakasakit. Sa
komiks, maaaring literal ang paggamit ng linya: ang makapal o manipis na
linya ay nagsasaad ng lakas o hina ng tunog ng paghiyaw o pagbulong.
Liwanag. Ang aspekto ng liwanag, pati na ng dilim, ay lumilikha ng
volume o kabuuan sa mga imahe; may nabubuo din na sikolohikal na drama
sa paksa, batay sa kung saan ito nanggagaling, at gaano katindi ang saturasyon
nito sa picture plane.
Hugis/Hubog. Ang mga hugis o hubog ay maaring magkaroon
ng katangiang simbolikal, e.g., ang heometriko ay mekanikal, ang bilugan
De La Paz I Mga Pamantayan sa Pagbasa ng Sining Biswal 83
ay organiko. Maaari rin itong gamitin ng ilang estilo ng pagpinta, tulad ng
impresyonismo, kubismo, at abstract, bilang paraan ng paglikha ng imahe o
emosyon.
Sukat /Dimensiyon. Malaki ang epekto ng sukat o dimensiyon
ng isang likhang-sining, malaki man ito o maliit, sa magiging pagdanas ng
tumitingin sa likhang-sining. Halimbawa, ang laki at lapad ng mga myural
na nakapinta sa mataas at mahabang dingding ng isang gusali ay maaaring
magsaad ng malaking pagpapahalaga sa isang makasaysayan o makabuluhang
paksa.
Espasyo. Sa pintura, ang paglikha ng espasyo ay maaaring
magpahiwatig ng pagiging maaliwalas o masikip ng lugar na ipinipinta. May
mga nagsasabi na may “horror vacui” o “takot sa espasyong walang laman”
daw ang maraming likhang-sining na gawa ng Pilipino, tulad ng dyipni ng
dekada 1960 at 1970 na hitik na hitik sa dekorasyon o patsada ng mga bahay sa
Lukban na punong-puno ng iba-ibang ayos ng gulay, prutas, kiping, at ibang
pagkain kapag pista ng San Isidro. Sa mga nag-aaral ng kulturang Piipino,
may nagsasabing ito’y nagsasaad ng importansiya ng materyal na posesyon
sa mga Pilipino, kaya may kahulugan lamang ang espasyo kung ito ay may
laman. Ito’y taliwas sa paniniwalang Zen ng mga Hapones na nagsasabing
may kahulugan ang kawalan. Sa iskultura, mahalaga ang aspekto ng espasyo
dahil may inookupa na espasyo ang mga likhang-sining na may tatlong
dimensiyon. Maaari itong maging relyebe o relief (nakaangat ang pigura mula
sa kabuuan ng kuwadro), frontal (dapat lamang tingnan mula sa harap), at
may tatlong dimensiyon (maaaring ikutan o sculpture in the round ).
Salat/Tekstura. Ito’y maaaring aktuwal o ilusyon sa mga pintura,
pero sadyang mahalaga sa iskultura na gumagamit ng partikular na materyal,
tulad ng kahoy, marmol, bato, luwad o iba pa, na may teksturang nasasalat --
makinis, magaspang, malamig, mainit, at iba pa. Mahalaga din ang tesktura sa
mga likhang-sining na kotemporanyo, tulad ng assemblage at art installation
na gumagamit ng iba’t ibang materyal na maaaring hawakan ng nanonood.
Galaw. Sa pintura at komiks, ito ay maaaring suhestiyon lamang ng
aksiyon, pero sa mga kontemporaryong iskultura, assemblage, art installation,
at site-specific works, ang aspeto ng galaw ay mahalaga upang maging ganap
ang pagdanas sa likhang-sining, e.g., mga obrang may elementong nililipad
ng hangin o dinadaluyan ng tubig o lumilikha ng tunog kapag nagagalaw.
Perspektiba. May kinalaman ito sa paglikha ng punto de bista o
kung paano nakikita o titingnan ang imahe sa obra. Sa pintura, maaari itong
perpsektibang linyar (mula sa likod patungo sa harap), aerial (mula sa itaas), o
84 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
kaya ay mula sa ilalim (na nagpapakita ng oryentasyon at disoryentasyon, lalo
na sa mga pinturang suryalismo). Sa iskultura, ito ay makikita sa intensiyon
ng iskultor at kung paano niya gustong tingnan ng manonood ang kaniyang
obra – nakatingala o nakatungo o pantay-mata lamang.
Organisasyon. Ito ang prinsipyo ng pagsasaayos ng mga detalye
at elemento sa isang likhang-sining. Sa tradisyunal na sining, maaaring
nakabatay ito sa kultura ng manlilikha kung saan ang pagsasaayos ng
dekorasyon ay batay sa mga nakagisnang tradisyon, e.g., dibuhong sinusunod
sa paghahabi ng tnalak ng mga Tboli. Sa pintura, ito ang pagsasaayos ng
picture plane (foreground at background)
Ang paraan ng paggamit o pagsasanib ng mga elemento ng sining
biswal, kasama na ang pagpili at paraan ng pagpintura sa paksa o pag-alis
dito, ay nag-iiba batay sa pagbabago ng mga estilo ng sining biswal sa pagdaan
ng panahon. Halimbawa, sa impresyonismo, naging matingkad ang paggamit
ng kulay dahil batay sa aktwal na kondisyon ng kapaligiran, sa halip na batay
sa artipisyal na liwanag sa loob ng istudyo ng naunang panahon. Makikita ang
estilong ito sa mga likha ni Fernando Amorsolo. Sa kaniyang Planting Rice,
1921, naipakita ang tindi ng liwanag sa kabukiran na may mga magsasaka
o tipikal na ‘dalagang bukid’. Nilalarawan dito ang masayang buhay sa
kanayunan, gamit ang mga kulay na mainit sa mata tulad ng dilaw at pula,
na kabaligtaran ng malamig na kulay berde at asul ng bukid at kalangitan.
Maliwanag ang eksena, maaliwalas ang espasyo, malayo ang naaabot ng tanaw
sa linyar na pespektiba, malambot ang mga linya, at ang organisasyon ay sa
tipikal na paisaje o tanawin. Ang motif ng “planting rice” ay tinangkilik ng
mga kolektor ng sining Pilipino na itinuring itong tunay na representasyon
ng buhay Pilipino, sa kabila ng pangyayari na sa panahon ng pagkakapintura
sa mga ganitong larawan ng masayang kabukiran ay lumakas ang kilusan ng
protesta ng mga magsasaka sa kanayunan.
Ang estilo sa sining biswal ay ang pamamaraan ng pagbuo ng
disenyo o mga imahe sa pintura at iskultura, na sinimulan at pinalaganap ng
isang artista o grupo ng mga artista sa isang tiyak na panahon sa lipunan.
Kadalasan, ang estilo, kapag lumaganap, ay nagiging isang kilusan o stylistic
movement, tulad ng impresyonismo, realismo, kubismo, at iba pa, na iniluluwal
at umuunlad kasama ng mga uri ng kaisipan, pilosophiya, at ideolohiya na
lumaganap din sa panahon na iyon. Damay din sa mga pagbabago ng mga
estilo ang pagbabago sa pilosopiya at depinisyon ng sining. Walang limitasyon
ang imahinasyon ng tao kung kaya’t maraming estilo ang maaaring iluwal sa
bawat lipunan at panahon.
De La Paz I Mga Pamantayan sa Pagbasa ng Sining Biswal 85
Materyal, Proseso, Teknolohiya
Mahalaga ang materyal na ginagamit bilang midyum sa sining
biswal, at pati na ang proseso ng paglikha at mga teknolohiya na pinaunlad
upang ito ay maisagawa. Sa materyal nakikita ang ugnayan ng sining sa
kalikasan, gayundin ang mga pagbabago sa relasyong ito, dahil na rin sa
industriyalisasyon at iba pang radikal na pagbabago sa kondisyon ng paglikha.
Sa proseso ng paglikha at mga teknolohiya na pinaunlad ng sangkatauhan
matutunghayan ang lawak at lakas ng imahinasyon ng tao sa pagtuklas ng
bagong pamamaraan para lumikha ng isang obra.
Sining Tradisyunal
Sadyang maraming halimbawa sa kulturang Pilipino at sa iba’t
ibang panig ng bansa na nagpapakita ng masiglang sinerhiya ng paggamit ng
materyal sa kalikasan, proseso ng paglikha na nagsasaad ng katauhan, at ang
pagtuklas ng teknolohiya o pamamaraan, na nakabatay sa kakayanan at taglay
na dunong ng manlilikha.
Makikita ito sa mga tradisyong katutubo na paghahabi at
pagpapalayok. Halimbawa, ang mga maglalara (lala) at magpapahot
(magbuburda) ng banig sa Basey, Samar, ay nakakalikha ng makukulay na
banig gamit ang dahon ng tikog na pinatuyo at kinulayan upang makalikha ng
mga disenyo na hugis rosas, tulay, imahe ng tao, at iba pa. Ang mga teknik sa
paglalara at pagpapahot ay nagbunsod din ng mga espisipikong katawagan sa
mga disenyo na ipinamana sa bawat henerasyon. Kababaihan ang karaniwang
gumagawa ng mga banig; ang kaalaman ay minana mula sa kanilang mga ina
at natutunan sa pamamagitan ng obserbasyon. Upang maging “pliant” ang
tikog, ito ay binabasa sa tuwi-tuwina upang hind matuyo at maging malutong
na ikapapangit ng likha. Dahil mayroong mga kuweba sa lugar ng Basey na
nagtataglay ng hamog kahit pa tirik na ang araw, naging gawi ng mga maglalara
na sama-samang maghabi ng banig sa ilalim ng kuweba ng Saob. Malamig
at basa ang loob ng kuweba, na nakakatulong sa pagpapalambot ng dahon
ng tikog upang maging madulas habang linalala. Ang ganitong tradisyon ng
kababaihan ay masasabing nakalilikha din ng isang uri ng komunidad na
batay sa kasarian at uri ng paggawa. Nagiging shared culture ito na espesipiko
para sa karanasang Basey.
Sining Akademiko
Ang ugnayan ng materyal, proseso, at teknolohiya ay makikita sa
sining grabado ng tradisyong Hispaniko. Ginamit ng mga prayleng Kastila
ang talento ng mga Sangley sa woodcut engraving na batay sa kulturang
86 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Tsino, sa pag-imprenta ng mga aklat ng mga dasal, tulad ng Doctrina
Cristiana noong 1593. Gamit ang paet, inuukit sa kahoy ang mga teksto at
imahe ng aklat, pinapahiran ng tinta ang mukha ng bawat pahina, at ididiin
sa papel.
Sa dantaon 18, umunlad ang proseso ng grabado o copper engraving,
gamit ang tanso na inukitan din ng mga teksto at imahe. Hindi na lamang aklat
ng mga dasal ang na-imprenta kundi mapa na linikha ng mga prayle, sundalo,
at mga manlalakbay. Isa sa pinakatanyag na halimbawa nito ang Mapa ni
Padre Murillo Velarde noong 1734. Linikha ito ni Nicolas de la Cruz Bagay,
isang mestiso na linagdaan ang kaniyang mga likha bilang “Indio Tagalo.” Ang
mapa ay nagpakita ng mga linya ng ruta ng mga barko, mga bulkan sa mga isla,
kay San Francisco Javier (santo ng mga Heswita) na nakasakay sa kabibe, at
mga notasyon ukol sa isla. Sa magkabilang gilid ng mapa ay may mga vignette
o mumunting eksena na naglalarawan ng karaniwang mga gawain ng mga
katutubo sa Pilipinas at mga representasyon ng mga uri ng taong makikita sa
Pilipinas – Aeta, Tagalog, Sangley, Moro, mayayamang mestiso, magsasaka,
magsasabong, at mga katutubong nagsasayaw ng kumintang.
Sa pagdating ng dantaon 19, umunlad ang teknolohiya ng litograpiya
na gumamit ng mga metal plates o kaya ay bato na ginamitan ng kemikal
upang makalikha ng mga mas komplikado at detalyadong imahe. Sinasabing
hindi rin nagtagal ang paggamit nito bilang proseso sa pag-iimprenta, dahil
di nagtagal at namayagpag na rin ang potograpiya na mas mabilis lumikha
ng imahe.
Pagbasa ng Obra ng Sining Biswal: Paraang Semyotiko at Ikoniko
Ayon kay Prop. Alice Guillermo (1998), kritiko ng sining at guro
ng aralin sa sining, maaaring basahin ang mga obra ng sining biswal sa mga
antas ng semyotiko, ikoniko, konteskto, at pagtataya. Sa ating pagsusuri sa
obra ng sining biswal bilang likhang-sining, dapat gamitin ang pagbasang
semyotiko at ikoniko para makita ang ugnayan ng mga elemento ng sining
biswal at ng imahe na pinapaksa ng obra.
Sa pagbasang semyotiko, sinusuri ang likhang sining bilang isang
“sign” na binubuo ng “signifier” o ang pisikal na katangian ng likhang
sining, kasama ang mga elemento ng sining biswal, at “signified” o ang
pagpapakahulugang bunga ng pagbasa ng mga elemento ng sining. Bilang
halimbawa, suriin natin ang semyotika ng obra ni Juan Luna na España y
Filipinas o La Madre España Guiando a Su Hija Filipinas en el Camino del
Progreso (Mother Spain Guiding the Philippines on the Road to Progress)
(ca 1890). Ito’y ipininta gamit ang oleo sa kambas (oil on canvas) at may sukat
De La Paz I Mga Pamantayan sa Pagbasa ng Sining Biswal 87
na 248.92 x 80. 64 cm kaya malinaw na ito’y may oryentasyong patayo na
hinihingi ng kaniyang paksa -- pigura ng dalawang babae na umaakyat sa
hagdanan na tila sinabuyan ng mga bulaklak na puti at kulay rosas. Maliwanag
at maaliwalas ang espasyo, at may dinamismo dulot ng ilusyon ng pag-akyat.
Ang kasuotan ng mas malaking babaeng puti ang balat ay pula na maaaring
mangahulugan ng enerhiya at kapangyarihan dahil ito ay itunuring na mainit
na kulay. Samantala, ang mas maliit na babae na balingkinitan ang katawan
at kayumanggi ang balat ay nakasuot ng puti at asul, itinuturing na malamig
na kulay. Kapag pinagtambal ang pula at asul, ang pula ay tila lumalapit
(advancing) sa mata, samantalang ang asul ay lumalayo (receding). Ang
hagdan ay tigmak sa liwanag na kulay dilaw, nagiging puti sa bandang itaas o
“kalangitan,” waring nagsasaad na masaya at maaliwalas ang pupuntahan ng
dalawang pigura.
Sa antas na ikoniko, pinag-aaralan ang mga imahe na nakikita sa
obra, ang katangian nito at posisyon at relasyon sa isa’t isa na may hatid na
kahulugan. Gayumpaman, dapat isaalang-alang na mayroong mga estilo ng
ng sining na sadyang hindi nakatuon sa paksa kundi sa mga usaping estetiko
at konseptuwal.
Sa España y Filipinas, ang makikitang mga imahe ay dalawang
pigurang klasikal na Europeo ang proporsyon, ngunit sadyang mas malaki si
España kaysa Filipinas, na siyang metapora na rin ng relasyon ng dalawang
bansa – malaki vs. maliit, malakas vs. mahina, mayaman vs. mahirap, maputi
vs. kayumanggi. Ang laki ng katawan ng mga pigura, pananamit, at suhestiyon
ng kilos ay nagpapahiwatig din ng relasyon ng mag-ina kung saan ang mas
malaking pigura (España na naka-pulang damit) ay gumagabay sa mas maliit
na pigura (Pilipinas na nakadamit ng tradisyunal na baro’t saya) paakyat sa
hagdan patungo sa direksiyon ng kalangitan. Ilinagay ni Luna ang manonood
sa likuran ng dalawang pigura, sa mababang baitang ng hagdan, habang ang
mata nito ay hinahatak niya patungo sa espasyo na itinuturo ng kamay ni
España. Tila ang manonood din ay hinihimok na sumunod at umakyat sa
hagdan para makapunta sa dakong itaas – ang representasyon ng Kaunlaran.
Ang dadaanan o aakyatin tungo sa pag-unlad ay tila sinasabing maganda,
mabango, at kaaya-aya, dahil na rin sa mga mga bulaklak na ikinalat sa mga
baitang.
Kung gayon, ano ang ipinapahayag ng obra at paano niya ito
ipinapahayag sa pamamagitan ng imahe (ikoniko) at ng mga elemento ng
sining biswal (semyotiko)? Na ang España.ay isang mapagkalingang ina na
gumagabay sa anak niyang Filipinas para makamit nito ang Kaunlaran. Ang
representasyon ng magandang relasyon sa pagitan ng Espanya at Pilipinas ay
nakaugat sa pilosopiya ng Kilusang Propaganda noong dekada 1880 hanggang
88 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
1890, na nagsulong sa ideolohiya ng asimilasyon, sa halip na rebolusyon.
Bilang miyembro ng kilusang ito, tinanggap ni Juan Luna ang patuloy na
pamamahala ng España sa Filipinas at naniwala sa pangako ng “Madre”
España na aakayin niya ang anak niyang Filipinas patungo sa Kaunlaran.
Ang semyotiko at ikoniko na pagbasa ay isinasagawa na may
integrasyon ang paglapat, at hindi hiwa-hiwalay. Bagkus, hinihimok ng
metodo na hasain ang mata sa pagtingin at pagkilatis, habang hinahasa rin
ang kakayanan na gamitin ang wika upang mabigyan ng artikulasyon ang
mga pagsusuri na naka-ugat sa karanasang Pilipino.
PANGALAWANG DULOG: ANG KONTEKSTO NG LIKHANG-SINING
Ang sining biswal ay sinusuri mula sa lenteng kontekstuwal para
matukoy ang mga kondisyon – personal man o panlipunan – nang likhain ang
obra ng sining biswal na makapagpapaliwanag sa iba’t ibang aspekto (paksa,
tema, estilo, alusyon, atbp.) ng obrang sinusuri. Para lumalim at mabuo ang
ating pagkaunawa sa obra, kailangang siyasatin ang kalagayang panlipunan
mula sa aspekto ng produksiyon, diseminasyon, at resepsiyon ng sining, ang
buhay at kalagayan ng artista sa kaniyang lipunan, ang sistema ng patronahe
sa paglikha ng sining, at ang pananaw sa mundo (weltanschauung) sa isang
panahon at lugar. Binubuo ang huli ng mga hayag at di-lantad na pilosopiya
at ideolohiya ng partikular na panahon, kasama na ang mga tunggalian na
kaakibat nito.
Sa pagtukoy sa iba’t ibang konteksto ng paglikha, mauunawaan din
ang dahilan sa pag-iiba-iba ng mismong depinisyon at saklaw ng kategorya
ng katagang “sining.” Ito’y dahil ang sining ay binabasa bilang teksto, na
matutunghayan sa iba-ibang larangan, tulad ng pamamahayag, paaralan, at
iba pang institusyong panlipunan.
Tradisyunal na Sining
Sa tradisyunal na sining, ang mga proseso ng paglikha, tulad ng
paghahabi, paglalala, paglililok, pagpapalayok, pagpapanday, at pagta-tattoo,
at iba pa, ay nakakabit sa pang-araw-araw na buhay ng mga katutubo, lumad,
at mga grupong etniko. Ang mga proseso ng paglikha ay isang porma ng
kaalaman na nakaugnay sa mga paniniwala at kaayusan sa lipunan. Ang mga
proseso ng paglikha ay gumagamit ng materyal mula sa kapaligiran. Matagal
na itong ginagawa ng isang pamayanan pagkat isinasalin ang kaalaman ng
mga dating bihasa sa mga susunod na henerasyon. Bagaman hindi maiiwasan
na magkaroon ng transpormasyon sa tradisyon, nananatili pa rin ang ugnayan
ng manlilikha sa minanang katutubong kultura.
De La Paz I Mga Pamantayan sa Pagbasa ng Sining Biswal 89
Para sa mga grupong katutubo, hindi taal ang konsepto ng “sining”
para sa mga bagay na linilikha nila, bagkus ito ay bahagi ng buhay kung saan
sakop ng konsepto ng paglikha ang paggawa ng tela, banig, basket, palayok,
lilok, at iba pa. Kasama din dito ang mga gayak na gamit sa pista, tulad ng
mga kiping na dekorasyon para sa pista ng San Isidro sa Lucban Quezon. Yari
sa bigas na niluto, kinulayan, hinulma sa dahon ng kabal, at inayos na parang
aranya, ang kiping ay isang efemeral o panandaliang uri ng sining, dahil ito
ay maaaring kainin pagkatapos ng pista. Gayumpaman, mayroong mga bayan
sa Pilipinas na lumilikha ng tradisyunal na sining na sumasabay sa pagbabago
sa merkado at pamilihan. Halimbawa, ang mga burda ng Lumban, Laguna ay
nakakabit na sa kapitalistang sistema ng paggawa kung kaya’t mas madalas na
tawaging “trabahador” ang tagaburda, sa halip na manlilikha.
Sa mga katutubong kultura sa Kordilyera at Mindanao, nakaugat
ang tradisyunal na sining sa paniniwalang anitismo na gumagalang sa mga
espiritu ng kalikasan. Ang mga disenyo ng telang hinahabi ay kadalasang may
motif na hango sa kapaligiran – mga bukirin, mga hayop, mga bulubundukin
– na madalas ay inilalarawan sa paraang heometrikal, dala na rin ng proseso
ng paghahabi. Dahil mahalaga ang kalikasan sa kanilang kultura, nagiging
mahalaga din ang mga lupaing pamana o ancestral domain dahil ito ang
saklaw ng espasyo ng mga espiritu ng kalikasan at siyang pinanggagalingan
ng mga materyal na gamit sa paghahabi. Ang pagkasira ng pamanang lupa,
dulot ng pagmimina, digmaan o alitan, pagkasira ng lupa at tubigan, ay
may malaking epekto sa materyal at proseso ng paglikha. Dahil sa ganitong
mga gulo, nililisan ng mga katutubo ang kanilang lupain at naninirahan sa
ibang lugar na walang mga halaman na pinagkukunan nila ng materyales
para sa paghabi. Sa gayong pagkakataon, naiiba ang uri ng telang hinahabi o
namamatay nang tuluyan ang tradisyon ng paghahabi.
Sining Akademiko
Sa panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang paglikha ng sining
ay naka-ugnay sa relihiyon. Lumikha ang mga artisanong Intsik at mestiso
ng mga grabado para sa imprenta ng mga aklat relihiyoso, tulad ng Doctrina
Christiana noong 1593, mga rebulto o iskultura na representasyon ang mga
santo at santa ng Simbahang Katoliko, at mga pintura sa kisame at dingding
ng simbahan na nagsilbing tagapagturo ng mga doktrina ng Kristiyanismo, at
dekorasyon na rin ng simbahan. Kadalasan, sa sistema ng talyer natututuhan
ng mga iskultor, grabador, at pintor ang mga metodo at estetika ng kani-
kanilang sining.
Sa paglabas at paglakas ng mga uring mestiso sa dantaon 19,
nadama din ang impluwensiya nila sa mga sining na sekular tulad ng retrato
90 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
o portrait, paisaje o landscape, at iba pang sekular na paksa. Halimbawa nito
ay ang letras y figuras o letters and figures, ang pagpintura sa buong pangalan
ng nagpagawa o reregaluhan na binubuo ng maliliit na pigura ng mga tao sa
iba’t ibang sitwasyon, aktitud, o gawain sa araw-araw na pamumuhay. Kilala
si Jose Honorato Lozano sa klase ng sining na ito. Sa kaniyang mga obra,
nagkaroon tayo ng ideya ng uri ng pamumuhay sa ika-19 na dantaon dahil
ang ginawang bakgrawn ng mga pangalan ay mga lugar sa Intramuros, mga
eksena ng kalakalan, at mga mahahalagang istruktura sa Maynila at mga
lalawigan. Sa huling dalawang dekada ng siglo 19, nakapag-aral ang mga
mestiso sa ibang bansa ng pormal na edukasyon sa sining, tulad nina Juan
Luna at Felix Resurrecccion Hidalgo, na nagbigay karangalan sa bansa sa
kanilang pagkakapanalo sa mga timpalak sa pintura sa Madrid noong 1884.
Ang pagtuturo ng sining bilang isang disiplina ay sinimulan noong
1821 ng Academia de Dibujo y Pintura ni Damian Domingo. Sa sistema
ng pagtuturo ng sining, ginamit ang mga librong tulad ng Elementos de
Perspectiva, 1828. Sa panahon ng Amerikano, nagpatuloy ang pormal na
pag-aaral ng sining biswal sa College of Fine Arts (itinatag noong 1909)
ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) at nang lumaon, sa iba pang unibersidad
at kolehiyo sa buong bansa. Ang mga nagsipagtapos sa kursong ito ay
naging mga tanyag na pintor at eskultor, na nagkamit ng mga parangal na
Pambansang Alagad ng Sining, tulad nina Fernando Amorsolo, Victorio
Edades, Guillermo Tolentino, Carlos “Botong” Francisco, Vicente Manansala,
HR Ocampo, Cesar Legaspi, Arturo Luz, J. Elizalde Navarro, Federico
Alcuaz, Jose Joya, Abdulmari Imao, Napoleon Abueva, Ang Kiukok, Bencab,
Francisco Coching, at Larry Alcala. Marami din sa mga nakapag-aral ng
Fine Arts ang nagtrabaho sa mga industriya na may relasyon sa advertising
at design, gayundin sa animasyon, print at online publications, at potograpiya.
Ang sining publiko ay bahagi ng sining akademiko na tumutukoy
sa myural, iskultura, art installations, at site specific works na makikita
sa espasyong pampubliko ng mga siyudad o lalawigan. Dahil sa laki ng
mga proyektong ito, sila ay karaniwang kinokomisyon ng pamahalaan
at mga pribadong institusyon na may malaking pondo at ari-arian. Ang
pinakamatanda at pinakakilalang halimbawa ng sining publiko ay ang mga
monumento ng mga bayani, tulad ng Monumento ni Bonifacio na likha ni
Guillermo Tolentino, 1933, sa Caloocan. Ginamit dito ni Tolentino ang
estilo ng klasisismo upang ipakita at ipadama sa manonood ang kabayanihan
ng mga tauhan sa tindig at proporsyon ng mga katawan. Samantala, may
aspekto ang ilang likha ni Napoleon Abueva na kumiling sa stylization sa
halip na realismo, tulad ng imahe ng malaking Kristo na tila paakyat sa langit
na tinawag na Transfiguration, 1979, sa Eternal Gardens Memorial Park.
De La Paz I Mga Pamantayan sa Pagbasa ng Sining Biswal 91
Sa kasaysayan ng Pilipinas, isang uri ng sining na bahagi ng sining
akademiko ang sining protesta. Lumitaw at lumaganap ang sining protesta sa
panahon ng diktadurang Marcos. Nagkaroon ng rebalwasyon ang depinisyon
ng sining at nakitang may tungkulin at kapasidad ito na maglahad ng
katotohanan at katarungang panlipunan, sa halip na likhain sa estilong “art
for art’s sake” ng elitistang pananaw. Sa kamay ng mga artista na napaloob
sa kilusan ng Social Realism, nalikha ang mga obra na, ayon sa kritiko ng
sining na si Alice Guillermo, ay halimbawa ng “art for social transformation.”
Kasama na dito ang Ang Itak sa Puso ni Mang Juan, 1978, ni Antipas
Delotavo, Hanap ay Laya, 1984, ni Edgar Talusan Fernandez, at Panginoong
Maylupa, 1974, ni Pablo “Adi” Baens Santos. Sa kilusang ito naipakilala sa
ibang artista ang halaga ng paglikha ng sining para sa masa, ang kolektibong
paglikha, ang pag-aaral sa kasaysayan, at iba pang pamamaraan sa paglikha ng
sining ng mga artistang socially-engaged o community-based. Sa kasalukuyan,
ang sining protesta ay gumagamit ng iba-ibang porma: pintura, posters,
editorial cartoons, t-shirt prints, at political effigies. Kasama sa mga isyu
na tinatalakay ng sining protesta ang mga isyu ng mga manggagawa sa bukid
at sa siyudad, maralitang tagalunsod, karapatang pantao, kahirapan, paglaban
sa korupsiyon, pagkalinga sa kalikasan, at pagtatanggol sa mga lumad at
katututubo.
Sining Popular
Ang sining popular ay tumutukoy sa mga anyo ng sining na nilikha
para maabot ang mas maraming tagatangkilik ng sining. Sa panahon ng
Kastila, ginamit ang sining grabado para mapalaganap ang mga librong
panrelihiyon. Sa dantaon 19, nagkaroon na din ng komiks bilang ilustyasyon
ng mga popular na kuwento, tulad ng ilustrasyon ng pagong at matsing
na ginuhit ni Jose Rizal. Sa panahon ng mga Amerikano, tinuligsa ng mga
editorial cartoons at iba pang magasing may ilustrasyon ang pamahalaang
insular ng mga Amerikano. Umunlad sa pagdaan ng panahon ang mga iba’t
ibang uri ng comic strip, editorial cartoons, graphic novels, mga patalastas
sa print at online, na nababasa ng libo-libong Pilipino.
Ang komiks ay lumikha ng mga karakter na tumatak sa bawat
henerasyon. Sa panahon ng pananakop ng Amerikano nilikha ni Tony
Velasquez ang tauhan at seryeng pangkomiks na Kenkoy, 1929. Sa mga
nakakatawang kuwento ng karakter na ito, naipakita ang tunggalian sa
pagitan ng kalinangang tradisyunal na Pilipino at bagong-saltang kultura na
Amerikano, sa aspekto ng wikang ginagamit, pananamit, pag-iiisip, at iba
pa. Tinukoy naman ni Francisco Coching ang mga tunggaliang pang-uri at
panlipunan sa El Indio, 1952, na uminog sa isang mayamang tao na naging
rebeldeng laging may suot na salakot. Gamit ang line drawing at dramatikong
92 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
paglalarawan sa mga tauhan, naitakda ang ikonograpiya ng lalaking bayani
ng kulturang popular. Samantala, ang mga editorial cartoon ay naging
plataporma ng kritikal na pagtingin sa mga polisiya at pamamalakad ng
pamahalaan, mula sa panahon ng pananakop ng Amerikano at ng Hapon,
hanggang sa panahon ng diktadurang Marcos. Sina Danilo Dalena, Neil
Doloricon, Jess Abrera, Nonoy Marcelo, Larry Alcala, ang ilan sa mga tanyag
na kartunista ng Pilipinas.
PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG LIKHANG SINING
Sa pagtalakay ng dating bilang aspekto ng resepsiyon, inaalam ang
perspektiba ng manonood sa pamamagitan ng pagsusuri sa konteksto ng
nagmamasid, kasama ang posibilidad na maaaring baguhin o “re-mediate”
ng manonood ang isang likha sa birtuwal na plataporma. Pinag-aaralan ang
mga istruktura sa lipunan na nagpapadaloy ng sirkulasyon ng sining at kung
saan ito matutunghayan – sa museo, simbahan, paaralan, telebisyon, bilbord,
lansangan o internet, at iba pa. Nagiging mahalaga ang mismong paraan
ng pagdanas ng likhang-sining dahil nakakaapekto ito sa dating ng obra sa
manonood.
Tradisyunal na Sining
Naipaliwanag na ang mga tradisyunal na likhang-sining ay may
gamit at kahulugan sa daloy ng pang-araw-araw na buhay ng mga katutubo
na lumikha dito. Ngunit kaiba ang nangyayari sa mga likhang ito kapag
napasakamay na ng mga taong walang pagkaunawa sa orihinal na halaga at
kahulugan ng mga likhang ito. Kaya naman, madalas ay ginagamit ang mga
tradisyunal na likha bilang dekorasyon lamang sa bahay. Ang mga telang
pang-ritwal ay ginagawang sapin sa kama, ang bilao ay nagiging wall art,
at iba pang halimbawa ng apropriyasyong kultural na hinuhugot ang obheto
mula sa orihinal na konteksto at inililipat sa modernong konteksto, tulad ng
ginagawa ng interior design. Mayroong pagkakataon na ibinebenta ang mga
tradisyunal na likhang-sining sa malalaking halaga ng mangangalakal, ngunit
ang mga manlilikha mismo ay sadyang maliit ang kinikita, kung kumita man.
Dahil ang tradisyunal na sining ay ginagamit na simbolo ng kultura
ng isang lugar, at mismo ng bansa, ang pagpapahalaga sa tradisyunal na
sining ay naging adbokasiya ng edukasyon at estado sa pamamagitan ng
Gawad Manlilikha ng Bayan, na nagbibigay-parangal sa mga mahuhusay
na manlilikha o folk artist. Kasama sa parangal ang insentibo para magtatag
ang manlilikha ng mga School of Living Traditions na siyang magtuturo sa
susunod na henerasyon ng mga tradisyunal na proseso ng paglikha.
De La Paz I Mga Pamantayan sa Pagbasa ng Sining Biswal 93
Marami ring sektor ng lipunan, kasama na ang nasa hanay ng
akademiya at mga kilusang pansining at pangkultura, ang nagsusulong
ng adbokasiya para mapangalagaan at mapahalagahan ang katutubong
kultura. Hangarin ng mga adbokasiyang ito na tulungan ang mga katutubo
na pangalagaan ang kanilang kultura, lalo na sa usapin ng apropriyasyon
ng kanilang mga disenyo at likhang-sining sa kamay ng fashion design at
turismo. Gayundin, sinisikap na maparating sa publiko ang kahalagahan ng
mga lupang pamana ng mga katututubo at ang panunumbalik ng kapayaan sa
mga lupaing ito, pagkat sa kapayapaan nag-uugat at umuusbong ang paglikha
ng mga tradisyunal na sining ng mga katutubo.
Sining Akademiko
Ang sining akademiko ay nakatuntong sa mundo ng art world--isang
ecosytem ng pagpapahalaga sa sining sa kontemporaryong panahon. Kasama
dito ang sistema ng art market o ang sistema ng bentahan ng mga likhang-
sining; art exhibition o pag-eeksibit sa likhang-sining sa galeri o museo na
pagkilala sa halaga ng likhang-sining at sa lumikha nito; art collection o ang
pagkakasama ng likhang-sining sa malaking koleksiyon ng mga likhang-
sining ng isang kilalang kolektor o listahan ng mga importanteng likhang-
sining ng isang kritiko o connoisseur; art history o kasaysayan ng sining na
siyang nagbibigay ng importansiya sa likhang-sining at kaniyang manlilikha;
at art theory o teoryang pansining na nagbibigay ng kahulugan sa likhang-
sining batay sa perspektiba ng iba’t ibang teorya tungkol sa sining.
Bilang halimbawa, maaaring pag-aralan ang mga pintura ng buhay
sa kabukiran ni Fernando Amorsolo, na tinangkilik ng mga sundalong
Amerikano sa panahon ng pananakop nila sa Pilipinas sa simula ng siglo 20
hanggang dekada 1950. Maaaring itinuring nila ang paksa ng pagtatanim
ng palay bilang isang eksotikong paksa na magandang souvenir o ala-
ala ng kanilang paninilbihan sa Pilipinas bilang tauhan ng pamahalaang
Amerikano. Ginamit din ni Amorsolo ang motif ng kabukiran para sa mga
print adversitement na kaniyang ginawa para sa mga kompanya ng kotseng
Amerikano at iba pang produkto (art market). Nang lumaon, ang planting rice
motif o tema ng kabukiran ay naging laman ng maraming eksibit ni Amoroslo
at ng mga gumaya kay Amorsolo (art exhibition). Kinolekta na rin ng mga
bantog na Pilipinong kolektor tulad ni Jorge Vargas, at lalo pang dumami
ang ibig magkaroon ng sarili nilang kuwadro ng “Planting Rice” o “Dalagang
Bukid” (art collection at connoiseurship). Samantala, pinuri si Amorsolo ng
ilang iskolar ng sining biswal sa mahusay na pagsasakatutubo niya ng kilusang
impresyonismo mula sa Kanluran (art history), samantalang pinuna naman
siya ng ibang kritiko at iskolar ng sining biswal dahil ginawa niyang maganda
94 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
at romantiko ang eksena sa kabukiran sa panahong laganap ang protesta ng
magsasaka laban sa mga abuso ng panginoong maylupa (art theory).
Ang sining akademiko ay nagiging sining publiko kapag
pinahahalagahan nito ang resepsiyon ng maraming nagmamasid sa likhang-
sining sa isang bukas at publikong lugar. Dahil ito’y nakakasalamuha ng
publiko, nagiging bahagi ang mga kuwento at saloobin ng manonood sa
pagpapahalaga sa pagtaya sa sining publiko. Mayroong mga monumento na
naging bahagi na ng cultural landscape ng ating bansa, kung kaya’t nagiging
simbolo ito ng identidad at pagkakalilanlan ng isang lugar. Mabibilang dito
ang monumento ni Rizal sa Luneta. Ngunit dahil ang sining publiko ay bahagi
ng urban planning at mga puwersa ng politika, may pagkakataon na ito ay
napapabayaan, tulad ng pagbibigay pahintulot sa isang lokal na kompanya na
magtayo ng isang eyesore na gusali sa likod ng monumentong ito. Samantala,
ang Oblation, 1935, ay nilikha ni Guillermo Tolentino para sa Unibersidad
ng Pilipinas upang maging simbolo ng ‘sakripisyo’ o oblasyon o pag-aalay ng
kabataan sa bayan, na siyang tema ng huling pananalita ni Padre Florentino
sa wakas ng El Filibusterismo. Sa pagdaan ng panahon, ang Oblation
ay nagkaroon ng dagdag pang kahulugan sa komunidad ng UP bilang
simbolo mismo ng Iskolar ng Bayan, at sagisag na rin ng pakikibaka para
sa mga karapatang pantao (tulad ng karapatan sa malayang pagpapahayag,
makataong sahod sa empleyado, at pagkakapantay-pantay ng mga kasarian,
atbp.) at edukasyong mapagpalaya para sa bayan.
Sining Popular
Mas malawak ang saklaw na manonood ng sining popular, kung
kaya may kapangyarihan ito na humubog ng opinyon ng publiko o bumuo ng
imahinasyong pang-masa.
Ang planting rice motif ni Amorsolo ay ginamit sa mga kalendaryo
at sa mga teksbuk sa paaralan, kaya ito na rin ang naging imahe ng Pilipinas
mismo sa kamalayan ng kabataang Pilipino. Sa mga aralin sa sining, tipikal na
dinudibuho ng ilang henerasyon ng mga mag-aaral ang larawan ng bukirin.
Sa loob ng isang kuwadradrong linya, nakalagay ang tanim na berdeng palay,
may puno sa gilid, may bahay kubo, may bundok sa malayo, may ulap at araw
sa likod, at may mga ibon sa himpapawid. Naging palasak ang planting rice
motif dahil binigyang-imahe nito ang simpleng buhay Pilipino na walang
bahid ng problema, sa kabila ng mga problemang agraryo sa bansa.
Sa publikasyon ng Lipang Kalabaw sa unang dekada ng siglo 20,
nabuo ang ikonograpiya ni Juan de la Cruz bilang isang Pilipino na parati
nang nagdurusa. Hanggang sa kasalukuyan, ang imahe ni Juan de la Cruz
De La Paz I Mga Pamantayan sa Pagbasa ng Sining Biswal 95
ay ginagamit pa din sa iba’t ibang larangan at plataporma – mula kartun
at komiks hanggang serye sa telebisyon – bilang imahe ng propaganda ng
gobyerno o kaya ay simbolo ng protesta. Sa pamamagitan din ng komiks,
at nang lumaon, ng graphic novels at comics on-line na madalas ay may
impluwensiya ng manga ng Hapon, nabuo ang imahe ng mga mitolohikal na
bayani tulad ni Darna at ng Panday, na ginamit sa mga pelikula, at pagkatapos
sa mga seryeng pantelebisyon. Dahil sa kanilang popularidad, naging bahagi
na ng kamalayan at kulturang Pilipino ang mga bayaning ito. Sa kaso ni
Darna, ang matapang at malakas na babaeng bayani ang nagbigay ng puwang
sa usapin ng kababaihan at kabayanihan sa ating panahon.
PANG-APAT NA DULOG: ANG SAYSAY AT TIMBANG NG LIKHANG-SINING
SA PANANAW NG KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Sa pagtaya sa kahulugan ng isang obra, maaaring magkaiba ang pag-
unawa sa likhang sining ng mga manonood (ito ang tinutukoy ni Guillermo
na “horizon of meanings”), ngunit anupaman ang gagawing interpretasyon sa
likhang-sining ito ay dapat nakabatay sa maingat na pagbasa sa signipikasyon
ng mga elemento ayon sa paraang semyotiko, sa pag-aaral sa ikonograpiya
ng mga imahe, at sa pananaliksik sa konteksto ng paglikha. Kung gayon, ang
proseso ng pagtaya sa obra ay hindi pagbuo ng basta-basta opinyon lamang,
kundi prosesong may kaakibat na disiplina sa pagsusuri. Hinihimay ang mga
posibilidad ng pagpapakahulugan, at sa huli ay hinihimok ang manonood
na magbigay ng sariling repleksiyon batay sa ganitong masusing pag-aaral
at sariling pananaw. Gayundin, hinihingi ng prosesong ito na makinig ang
manonood sa saloobin at perspektiba ng ibang tao sa pamamaraang bukas
ang loob at may respeto sa pinag-aralang opinyon ng iba.
Matapos matukoy ang kahulugan at pangunahing tema na
ipinapahayag ng likhang-sining, kailangang suriin ang kahulugang ito sa
perspektiba ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO, na nagpapahalaga
sa “kaganapan ng tao sa lahat ng antas ng pagkatao – pisikal, sikolohial,
intelektuwal, isprituwal, pulitikal, pangkabuhayan, at kulturaL,” sa
pamamagitan ng “pagtatanggol, pagtataguyod, at pagpapalakas sa kaniyang
mga karapatang pantao.” (Tiongson 2022). Nagsulong ba ito ng bago at
mapagpalayang pananaw sa mundo? O ito ba ay ginagamit lamang ng may
kapangyarihan sa lipunan bilang simbolo ng karangyaan? Ito ba ay may
temang maka-tao, maka-kalikasan, at may pagkiling sa mga nasa laylayan?
O ito ba ay pansarili lamang na pagpapahayag ng personal na mga emosyon?
Malinaw sa mga tanong na ito na ang pagsusuri sa sining ay
nangangailangan, hindi lamang ng kaalaman sa kritisimong pansining,
kundi kamalayan sa mga usaping etikal. Ang pagbasa ng sining, sa malawak
96 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
na perspektiba, ay dapat maging lunsaran ng pag-unawa sa ating lipunang
ginagalawan. Sa pagbasang ito, nahahasa ang ating kritikal na pag-iisip, na
mahalaga para masuri nang malaliman ang ating lipunan, at sa huli, baguhin
ito at lumikha ng mas magandang bukas
Suriin natin ang likha ni Antipas Delotavo na “Ang Itak sa Puso
ni Mang Juan” sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. Nilikha
noong 1979 sa panahon ng batas militar, ang obrang ito ay nagpapahayag ng
paninindigan ng artista laban sa patuloy na paghahari ng mga korporasyong
multinasyunal sa bansa. Sa obra ay makikita ang isang payat na matandang
lalaki na tila naglalakad na nakatungo patungong kaliwa ng kuwadro.
Sa paglakad niya, nadadaanan niya sa dakong kanan-likod niya, ang
malalaking letra at logo ng Coca Cola na waring nakapintura sa dingding.
Ang dulo ng letrang C, na nakahugis ng matulis na bahagi ng itak, ay tila
tumutusok sa dibdib ng lalaki. Ang obra ay may tensiyon dahil kulay pula ang
dominanteng kulay, at dama ng manonood ang talim na tutusok sa puso ni
Mang Juan sa kaniyang paglalakad na walang kamalay-malay sa mangyayari.
Malinaw ang intensiyon ni Delotavo na ilarawan sa manonood sa estilong
alegorikal ang kondisyon ng kahirapan ng manggagawang Pilipino sa loob
ng isang ekonomiya na kinokontrol ng mga dambuhalang kompanyang
multinasyunal na pumapatay sa lokal na industriya. Ang kondisyon ng
maralita ay kinakatawan ni Mang Juan na walang iba kundi si Juan de la
Cruz ng naunang mga kartun, o si Juan na lagi na lamang may pasang krus.
Ang likhang-sining na ito ay halimbawa ng sining na tinawag ni Guillermo
na “art for social transformation” na ang layon ay ang paglaya ng ekonomiya
ng bansa sa mahigpit na kontrol ng mga banyagang korporasyon. Mabigat
ang timbang ng likhang-sining na ito sa Kamalayang Pilino na Maka-TAO
sapagkat ang isinusulong nito, sa isang masining at epektibong paraan, ay ang
ganap na kalayaan ng bansa sa larangan ng kabuhayan.
MGA SANGGUNIAN
Bridging the Gap: Views and Voices on an Art Collection (9 episode). 2021.
Kalaw Ledesma Foundation Inc.
https://www.youtube.com/playlist?list=PLlqFPqMPAHq9ssdJ1MI-
bCOXkRXZBE6cK
De la Paz, Cecilia at Patrick Flores (mga ed.) 2014. Sining at Lipunan. Quezon
City: Sentro ng Wikang Filipino. 51-62.
Geertz, Clifford. 1973. The Interpretation of Cultures. New York: Basic Books
Inc.
De La Paz I Mga Pamantayan sa Pagbasa ng Sining Biswal 97
Guillermo, Alice. 1994. “Art and Society: Introduction.” Art and Society.
Department of Art Studies, Kolehiyo ng Arte at Literatura,
Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
_____________. 1998. “Reading the Image,” CHED Handbook on Art and
Society. National Commission for Culture and the Arts.
IFUGAO: Bulubunduking Buhay. 1999. Bookmark video.
https://www.youtube.com/watch?v=xpQ1R2uZcOA
“Habi, Lala, Borda: Ang Pagbibigkis ng Buhay at Kultura.” 2020. Likha-
an: Lunduyan ng Tradisyunal na Sining at Kultura. Puerta Real,
Intramuros.
Home page: https://likhaanintramuros.com
https://www.facebook.com/likhaanintramuros/
360 virtual tour: https://likhaanintramuros.com/virtual-360-tour/
Habi ng Yakan: https://youtu.be/3685YAL4OKE
Lala ng Basey : https://youtu.be/pvfh4SaHKXw
Burda ng Lumban: https://www.youtube.com/
watch?v=HXIUFUqdd1A&feature=emb_logo
Hudhud chants of the Ifugao.(w.t.)
https://ich.unesco.org/en/RL/hudhud-chants-of-the-ifugao-00015
Inkwentro Lockdown by the UgatLahi Artist Collective. 2020.
https://www.facebook.com/media/
set/?set=a.10158147652657556&type=3
Lassiter, Luke. 2009. “Chapter 2: Anthropology and Culture.” Invitation to
Anthropology. Ed. 2. Lanham: Altamira Press. 35-68.
Mojares, Resil. 1986. “Artist, Craftsman, Factory Worker: Concerns in the
Study of Traditional Arts.” Philippine Quarterly of Culture and Society
(14) 3. (Setyembre). 177-188.
Pastor Roces, Marian. 2020. “Losing Our Minds: The Amputation of
Traditional Art from PH Contemporary Life.” Rappler (Setyembre
22)
https://www.rappler.com/voices/thought-leaders/opinion-losing-our-minds-
amputation-traditional-art-contemporary-life?fbclid=IwAR0R-yf88
z9q3CorPDEYJx7Z5XJHePdW5iKrZl4E_fmMeFfjhkY-ar0zoYU
98 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Pilar, Santiago. 2017. “ [España y Filipinas] La Madre Espana Guiando a su
Hija Filipinas en el Camino del Progreso.” Cultural Center of the
Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (5: Visual Arts). Nicanor
G. Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center of the
Philippines. 409, 411.
“Pitong Sining.” 2021. CCP Cultural Cache Online Video Series.
Source: https://www.youtube.com/watch?v=R33wG4ZJmcU&t=8s
Republic Act 10066 : An act Providing for the Protection and Conservation of
the National Cultural Heritage, 2010.
https://www.officialgazette.gov.ph/2010/03/26/republic-act-
no-10066/
Sturken, Marita at Lisa Cartwright. 2001. “Viewers Make Meaning.” Practice
of Looking. New York: Oxford University Press
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-
TAO: Apat na Dulog sa Pagsusuri ng LIkhang-Sining sa Pilipinas.”
Ikalawang DESK-TP Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO para sa PUP. Sa librong ito.
Vargas Museum Permanent Collection virtual tours:
English: https://youtu.be/WyrAWYEm64s
Filipino: https://youtu.be/Eyf03xfpdK0
Weavers’ Stories: Lang Kambay Dulay (Mindanao, Philippines) 2010. Fowler
Museum, University of California at Los Angeles.
https://www.youtube.com/watch?v=p443TQqJT6c
De La Paz I Mga Pamantayan sa Pagbasa ng Sining Biswal 99
Nicanor G. Tiongson
PAANO NGA BA
MAGBASA NG PELIKULA?:
APAT NA DULOG SA PAGSUSURI NG
PELIKULANG PILIPINO
INTRODUKSIYON
H
indi mapapasubalian na isa sa pinakapopular na sining sa Pilipinas
ang pelikula. Mula nang unang magpalabas ng pelikulang pipi noong
1897 hanggang sa magsalita ang pelikula noong 1933 hanggang
sa magkaroon ng kulay ang pelikula noong dekada 1950 hanggang sa
maimbento ang digital video technology noong 1999, kinagiliwan na ito ng
mga manonood mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Dahil sa popularidad
nito, nagkaroon ito ng kapangyarihan na humubog ng kaisipan at panlasa
ng mga manonood. Kaya naman ginamit na rin ng mga komersiyal na
prodyuser ang mga pelikulang genre di lamang para kumita kundi para
itaguyod ang pananaw at interes ng establisimiyento. Sa kabilang banda, sa
labas ng industriya, naipahayag ng alternatibong pelikula o indie film sa isang
masining na paraan ang katunggaling pananaw at interes ng nakararaming
hubad sa poder at yaman.
Kung ganito na kalaki ang kapangyarihan ng pelikula na
magpalaganap ng mga ideyang makabubuti o makasasama sa taumbayan,
marapat lamang na turuan ang manonood na huwag magpabulag sa aliw na
dulot ng puting tabing, kundi manapa’y matutong basahin ang mas malalim na
kahulugan ng pelikula at tukuyin ang mga mensaheng isinisingit o ipinupuslit
o iginigiit nito, habang inaaliw ang tila nagayumang manonood. Para masuri
ang pelikula sa isang masusing paraan, iminumungkahi naming gamitin ang
sumusunod na apat na dulog: 1) ang pagsusuri sa pelikula bilang likhang-
100 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
sining, 2) ang pagtukoy sa mga konteksto sa paggawa ng pelikula, 3) ang pag-
unawa sa naging dating ng pelikula sa mga manonood, at 4) ang pagtimbang
sa sinasabi ng pelikula sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
UNANG DULOG: ANG PAGSUSURI NG PELIKULA BILANG LIKHANG-SINING
Sa dulog na ito, ang tanong na kailangang sagutin ay ito: Ano ang
temang/mga temang ibig ipahayag ng pelikula at paano niya ito ipinapahayag
gamit ang mga elemento ng pelikula at sa estilong pinili ng pelikula?
Mahalagang tukuyin sa simula pa lamang ang estilo ng pelikula,
pagkat ang lahat ng elemento ng pelikula ay nagbabago batay sa piniling
estilo. Dalawa ang pangunahing estilong madalas gamitin sa loob at labas
ng industriya ng pelikula sa Pilipinas: a) ang estilo ng mga pelikulang genre,
tulad ng drama, aksiyon, komedi, horror, fantasy, bomba, at iba pa, na ang
pangunahing layunin ay maglahad ng istorya para maaliw ang manonood, at
b) ang estilo ng art film, New Cinema, alternatibong pelikula o indie film, na
naglalayong ipahayag ang personal na bisyon ng direktor at ang pagkaunawa
niya sa pagkatao ng Pilipino at mga suliraning kinakaharap niya sa kaniyang
lipunan. Ang unang estilo ay nabuo at naitakda batay sa mahabang tradisyon
ng komersiyal na pelikula, samantalang ang pangalawa ay karaniwang
matutunghayan sa ilang pelikulang ginawa, sa loob man o labas ng industriya,
na orihinal, masining, at may integridad.
Sa pelikula, komersiyal man o alternatibo, ang pangunahing
awtor o tagapamahala ay ang direktor. Alam man niya o hindi, siya ang
pinanggagalingan ng interpretasyon ng isinasalaysay ng pelikula. Para
maparating niya ang kaniyang bisyon para sa pelikula, kailangang pagsanibin
niya ang iba-ibang elemento ng pelikula sa isang malinaw at/o malikhaing
paraan. Kabilang sa mga elementong ito ang iskrip, ang pagganap ng mga
aktor, ang disenyong pamproduksiyon, ang potograpiya o sinematograpiya,
ang editing, at ang paglalapat ng tunog at musika.
Ang batayang elemento ng pelikula ay ang iskrip na siyang
nagsisislbing balangkas at istruktura ng buong pelikula. Ang iskrip ay
may naratibo na siyang nagtatagni-tagni ng mga tauhan at pangyayaring
magaganap sa kabuuan ng pelikula – batay sa kung paano nakikita at
hinuhubog ng manunulat at direktor ang realidad na kanilang pinapaksa.
Sentral sa naratibo ang mga tauhan na may hinahanap, minimithi, o ibig
makamit at handang magsakripisyo o makipaglaban sa sinumang humadlang
sa kaniya sa pagkakamit niya ng kaniyang layunin. Kaugnay nito, kailangang
sagutin ng manunuri ang ilang tanong. Sino ang pangunahing tauhan at ano
Tiongson I Paano ba Magbasa ng Pelikula? 101
ang kaniyang ibig makamit? Ano at sino ang kaniyang makakatunggali na
magiging balakid sa kaniyang pagtatagumpay? Ano ang kahihinatnan ng
ganitong pagtutunggali? Malinaw ba ang istruktura ng plot o banghay, mula
pagbubukas ng pelikula hanggang sa rurok nito hanggang sa pagwawakas?
Malinaw ba ang debelopment ng pangunahing tauhan mula pagbubukas
hanggang pagsasara ng pelikula? Dagdag pa, kailangang tukuyin ang punto
de bista na ginagamit ng pelikula pagkat ito ang mata, tinig, at kamalayan
na humuhubog at gumagabay sa pagsasalaysay. Ito’y maaaring punto de bista
ng pangunahing tauhan o isa sa mga tauhan, o ito ri’y maaaring obhetibong
pananaw ng omniscient filmmaker.
Bukod sa naratibo, kailangan ding unawain at ipaliwanag ng
manunuri kung paanong binibigyang-buhay ang iskrip ng pagganap ng
mga aktor, sinematograpiya, disenyong pamproduksiyon, editing, musika,
at tunog.
Malaking bahagi ng ikatatagumpay ng isang pelikula ang pagganap
ng mga aktor. Ang pagganap na ito ay nag-iiba batay sa estilo ng pelikula. Iba
ang kumbensiyon o estilo ng pag-arte (mas palabas, nagpapahiwatig ng bida
at kontrabida) sa drama, komedi, horror, aksiyon, fantasy, at iba pang genre.
Sa mga pelikulang gumagamit ng estilong realistiko, kailangang pag-aralan
ng aktor ang buong pagkatao ng papel/tauhang kaniyang ginagampanan.
Sinasaliksik ng mga seryosong aktor ang bakgrawn, pangarapin, suliranin,
pisikal na dating, aktitud, paraan ng pagkilos at pagsasalita, at kabuuang
sikolohiya ng ganoong tauhan. Higit sa lahat, kailangang maunawaan niya
ang mga motibasyon na nagpapakilos sa tauhan at ang relasyon nito sa iba
pang katakter ng pelikula. Kung sensitibo ang aktor, mapapaniwala niya ang
manonood na totoo ang mga kaisipan at damdaming ipinapahayag niya at
mahuhulog ang loob ng manonood sa kaniya.
Ang sinematograpiya ang iba-ibang paraan kung paano ginagamit
ang kamera para kumuha ng mga shot, ang posisyon nito na maaaring
nakatingala mula sa ibaba o nakadungaw mula sa itaas, ang galaw nito
mula kanan papuntang kaliwa o vice versa (pan left, pan right), mula itaas
pababa at vice versa (tilt down o tilt up), o lumalapit-lumalayo sa aktor (dolly)
o sumasabay sa kaniya sa kaniyang paggalaw sa eksena (track). Mahalagang
aspekto ng sinematograpiya ang pag-iilaw – ang lohikal na pinanggalingan
nito, ang ibang ilaw na nagpapalabas sa iba-ibang detalye o nagpapahiwatig ng
oras o panahon. Pinaplano din ng kamera ang mga kuha na may foreground,
middle ground at background at iba pang uri ng pagkukuwadro o framing
para linawin ang nangyayari sa eksena at isali o dagdagan o alisin o bawasan
ang empasis sa mga aktor o detalye ng disenyong pamproduksiyon ayon sa
102 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
bisyon ng direktor. Isang bagong gamit sa kamera na nauso sa pagdating
ng magagaang digital kamera ang estilo ng “meandering camera” kung
saan gumagalaw ang kamera (hawak ng kameraman) para higit na maging
dinamiko ang aksiyon ng isang eksena.
Ang disenyong pamproduksiyon o production design ay ang
pagpili at paghahanda sa mga lugar at/o istrukturang gagamitin bilang set
ng bawat eksena ng pelikula. Maaaring ito’y naroon na at dadagdagan na
lamang o itatayo sa loob o labas ng istudyo. Ang set na ito ay nilalagyan din
ng tamang kagamitan at dekorasyon o set props. Kasama din sa disenyong
pamproduksiyon ang mga kostyum at kostyum props, meykap at coiffure, at
kung minsan prostetiks, na babagay sa panahon ng eksena at karakter ng mga
tauhan.
Kapag nakunan na ang magkakahiwalay na mga eksenang bumubuo
ng iba’t ibang bahagi ng iskrip, magsisimula na ang post-production phase. Sa
editing, pagdudugtong-dugtungin ang lahat ng mga shot para mabuo ang mga
eksena ng pelikula ayon sa pagkakasunod-sunod sa iskrip. Maaring alisin sa
editing ang mga eksenang hindi esensiyal, lumikha ng suspense at at iba-ibang
effect o ritmo sa naratibo ng buong pelikula. Pagkatapos, ilalapat ang mga
tunog ng diyalogo na maaaring nirekord na live o kaya’y ida-dub na lamang,
at iba pang tunog o sound effects na hinihingi ng mga pangyayari sa eksena
(putok ng rebentador, ihip ng hangin, awit na naririnig mula sa malayo). Para
mapatingkad ang damdamin o mood ng isang eksena (nakatatakot, masaya,
malungkot, pormal, mapaglaro), maaaring lapatan ito ng musika. Kung
minsan, may temang musika o theme music na ginagamit sa kahabaan ng
pelikula sa iba’t ibang baryasyon nito.
At dapat lamang ulitin, na ang lahat ng nabanggit na elemento --
ang iskrip, pagganap ng aktor, sinematograpiya, disenyo ng produksiyon,
editing, paglapat ng tunog at musika, at iba pang aspekto ng paggawa ng
pelikula -- ay nasa kontrol ng direktor. Siya ang lumilikha ng mga eksena
(mise-en-scene) at nagtatahi-tahi nito para mabuo ang naratibo ng pelikula
at mapalutang niya ang kaniyang bisyon para sa pelikula. Kung matagumpay
ang gagawing pagsasanib ng mga elementong ito, magiging likhang-sining
ang isang pelikula.
PANGALAWANG DULOG: ANG KONTEKSTO NG PAGGAWA NG PELIKULA
Matapos suriin ang katangian ng pelikula bilang likhang-sining,
mapalalalim pa ang pagkaunawa rito kung matutukoy kung sino ang gumawa
nito, bakit ito ginawa, at para kangino ito ginawa. Gayundin, mahalagang
Tiongson I Paano ba Magbasa ng Pelikula? 103
malaman kung ano ang mga kalagayang pansining at pampelikula at kung
ano ang mga kondisyon sa ekonomiya, pulitika, relihiyon, at lipunan, na
maaring nagkaroon ng impluwensiya sa paggawa ng pelikula.
Kung ano ang prodyuser, ganoon din ang pelikula. Bagaman hindi
ito laging totoo (ang masining na Sisa, 1952, ni Gerardo de Leon ay produkto
ng isang komersiyal na istudyo), tila ganoon nga ang kalakaran. Mula 1933
nang matatag ang malalaking istudyo hanggang sa pagkatapos ng Ikalawang
Digmaang Pandaigdig nang namayagpag ang Big Three mula 1945 hanggang
1960 at pagkatapos nila ang mga independent prodyuser nang sumunod na
dalawang dekada, ang iniluwal ng mga prodyuser ay pelikulang genre dahil
ito ang kinahiratihan na ng iba’t ibang uri ng manonood, kaya tiyak ang kita
sa mga ito. Sa ganitong sitwasyon, kinailangang ipaglaban ng mga direktor na
tulad nina Ishmael Bernal at Lino Brocka sa kanilang mga prodyuser ang mga
pelikula nilang may serysong tema at masining ang pagkakagawa.
Pero noon pa mang dekada 1970, marami nang direktor na lumikha
ng mga pelikulang “alternatibo” (ibig sabihi’y iba sa karaniwang komersiyal
na pelikula) na magagawa lamang sa labas ng sistemang istudyo. Itinatag ni
Manuel Conde ang Manuel Conde Productions para sa mga pelikula niyang
umiinog sa mga isyung panlipunan, tulad ng Juan Tamad Goes to Congress,
1959, na hindi ipoprodyus ng mga istudyo dahil pinupuna nito ang mga
ilegal na gawain ng mga nasa kongreso. (Tiongson 2007) Noong 1977, nilikha
ni Kidlat Tahimik ang kaniyang obra maestrang Mababangong Bangungot na
kinilala sa Berlin Film Festival. Pero dumami na lamang ang mga pelikulang
likhang-sining o art film nang dumating ang teknolohiyang digital video (DV)
noong 1999. Dahil mas mura na ang teknolohiyang ito at makagagawa na
ang filmmaker ng sarili niyang pelikula, nakalaya ang indie film sa tanikala
ng komersiyal na prodyuser at namukadkad at kumalat ang malaman at
masisining na indie film di lamang sa Kamaynilaan kundi pati sa iba-ibang
rehiyon ng Pilipinas. Radikal ang naging pagkakaiba sa mode of production ng
sistemang istudyo patungong pelikulang indie.
Ayon sa dalawang paraan ng produksiyon na nabanggit, mauuri din
ang mga direktor sa dalawa: a) iyong mga direktor na tagapamahala lamang
ng produksiyon na maayos na nagsasalaysay lamang ng kuwento (metteur
en scene) ng komersiyal na genre, at b) ang mga direktor na may bagong
insight na ipinapahayag sa ating pagkatao at pagka-Pilipino at ginagamit ang
mga elemento ng pelikula sa isang malikhaing paraan para ipahayag ang
mga kaisipang ito (auteur). Marami sa mga direktor ng mga istudyo, lalo
na noong mga unang dekada ng pelikula, ay hindi propesyunal na direktor,
kundi natuto ng pagdidirihe sa mga nauna sa kanila o dili kaya’y sa panonood
104 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ng mga pelikulang Hollywood na bumaha sa bansa, lalo na pagkatapos
ng digmaan. Bagaman karamihan sa mga direktor na ito ay karaniwang
pang-genre, kabilang din sa kanila ang mga direktor na primera klase na
taal at tunay na artista, tulad nina Gerardo de Leon at Lamberto Avellana.
Kinailangang gumawa ang dalawang ito ng mga pelikulang komersiyal para
kumita ang istudyo na nagsusuweldo sa kanila, pero hindi ito naging sagabal
para makagawa sila ng mga pelikulang itinuturing na ngayong mga klasiko
ng pelikulang Pilipino. Ganito rin ang nangyari kina Bernal at Brocka noong
dekada 1970 hanggang 1990.
Sa sistemang istudyo, ang pumipili ng mga artista ay ang mga
prodyuser, batay sa kanilang panlasa at sa inaakala nilang may hatak sa
masang manonood. Karamihan dito’y mga mestiso at mestisa, na tinuruan
ng pag-arteng gangganito: bilang bida na dapat kaawaan at kagiliwan o
kontrabida na dapat kainisan at kamuhian ng manonood. Sa sistemang art
film, alternatibong pelikula, at indie film, ang batayan ng pagpili sa artista ay
kung bagay ba ito sa istorya at tema ng pelikula at marunong ba itong umarte
sa estilong realistiko (internalized acting), kaya maraming artistang kamukha
at kabalat ng karaniwang Pilipino na nahasa sa teatro ang itinampok at nakilala
sa mga obrang indie. At di na dapat pagtakhan, magkaiba rin ang estilong
alam at gamit ng iba pang artista-teknisyan ng pelikula (sinematograper,
taga-ilaw, editor, tagapamahala ng tunog, kompositor, atbp.) – iyong para sa
mga pelikulang genre at iyong para sa estilong indie.
Tulad ng nabanggit na sa itaas, ang pangunahing layunin ng mga
istudyo at independent prodyuser (lalo na noong dekada1970 at 1980) ay
magkamal ng tubo sa kanilang puhunan. Natural ito marahil dahil ang tingin
sa pelikula noon pa man ay kalakal at industriya. Bagaman karamihan ng mga
independent prodyuser noon ay walang pakundangan na isinakripisyo ang
mahahalagang elemento ng pelikula (e.g., iskrip, disenyong pamproduksiyon)
para mabawasan ang gastos sa pelikula, may mga prodyuser at istudyong tulad
ng Sampaguita, LVN, at Premiere na nagluwal ng mga pelikulang komersiyal
man ay tila masinop ang pagkakagawa at pinag-isipan ang direksiyon,
disente ang pagganap, at mayroong matatawag na disenyo ng produksiyon.
Gayunman, kahit ang mga istudyong ito ay waring laging naghahabol sa
gastusin, dahil noon ang buwis ng gobyerno sa mga pelikula ay totoong
napakabigat at kailangang kumita ang pelikula ng tatlong ulit ng kaniyang
orihinal na puhunan para lamang mabawi ang puhunan. Sa gross na kitang
iyon, 30 porsiyento ang napupunta sa buwis, 30 porsiyento sa mga teatrong
nagpapalabas ng pelikula, at 40 porsiyento sa prodyuser. Kaya naman nang
sunod-sunod na nagwelga ang mga manggagawa ng istudyo para humingi ng
umento sa kanilang mga sahod simula noong 1960, isa-isa na ring tumiklop
ang malalaking istudyo kaysa malugi nang tuluyan.
Tiongson I Paano ba Magbasa ng Pelikula? 105
Sa kabilang banda, ang nangingibabaw na dahilan sa paglikha
ng mga art film, alternatibo o indie filmmaker ay ang pangangailangan na
ipahayag nila ang kanilang mga opinyon, saloobin, at damdamin tungkol sa
mga mamamayan at komunidad ng lipunang Pilipino. Dahil ang karamihan
sa mga pinapaksa at tema ng mga pelikulang ito ay seryoso, bihira ang mga
prodyuser, mulat man o hindi, na mamumuhunan nang malaki sa ganitong
uri ng pelikula. Kaya naman ang direktor na rin ang karaniwang tumatayong
prodyuser at distribyutor, at kung minsan, sinematograper, editor, at pablisist
na rin. Kaya naman napakalaking biyaya sa mga indie filmmaker ang mga
grant na binibigay ng mga indie film festivals and competition, tulad ng
Cinemalaya, Cinema One (noon), Cine Filipino, Sinag Maynila, Pista ng
Pelikulang Pilipino, at iba pang grupong nagbibigay ng tulong. At dahil
kulang sa pondo, madalas ay sa mga festival lang napapalabas ang mga indie
film dahil walang gagastusin para sa malawakang ekshibisyon at distribusyon.
Tungkol naman sa odyens ng mga pelikulang ito, ang pinupuntirya ng
mga prodyuser na komersiyal ay ang pinakamalawak na publiko, na binubuo
ng iba-ibang sektor na may kani-kaniyang panlasa sa pelikula. Para masaklaw
ang pinakamalawak na bilang ng publikong ito, sinundan ng mga lokal na
prodyuser ang estratehiya ng niche-marketing ng Hollywood. Sa iskemang
ito, ang mga genre ay pinatutungkol sa tiyak na mga sektor: ang pelikulang
aksiyon ay para sa kalalakihan na mahilig daw sa labanan; ang drama ay para
sa kababaihan na mahilig sa mga emosyonal na paksain at naaaliw sa kanilang
pagluha sa mga eksaheradong eksena ng mga batang sinasaktan ng madrasta,
pag-aasawahang maligalig atbp.; ang komedi ay para sa buong pamilya kaya
patok na patok sa kapaskuhan; ang mga horror at/o fantasy ay maaring
pampamilya rin; ang bomba ay para sa kalalakihan na mahilig sa seks. Sa
ganitong paghahati-hati ayon sa genre, lalo lamang tumitibay, napapanatili, at
lumalaganap ang mga istiryotipo ng babae, lalaki, asawang babae at asawang
lalaki, magulang at anak, matanda at bata, na nagtataguyod sa patriarkiya at
nage-etsapuwera sa babae, LGBTQ+, bata, at matanda.
Samantala, ang mga indie film ay ginagawa ng mga filmmaker
para sa mga festival at kompetisyon, mga cause-oriented na grupo, at mga
apisyonado na nasa hayskul at kolehiyo. Dahil sa kawalan ng distribyutor,
bihira ang mga indie film na napapalabas pagkatapos ng festival, sa iba-ibang
venue na komersiyal sa Maynila at mga rehiyon. At mapalabas man ay hindi
gaanong nakakaakit ng odyens na sinlaki ng sa mga pelikulang genre, marahil
dahil iba ang estetika ng pelikulang indie na hindi palabas kundi pa-loob. Sa
halip na mang-aliw ito sa pamamagitan ng katatawanan, pagluha, pagkatakot,
at pagkamangha sa mga pantastikong mundo, hinihingi nitong tahimik na
manood ang odyens at pagnilayan ang mga salaysay at isyu na inilalahad
106 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ng pelikula. Hindi sa walang aliw na dulot ang mga pelikulang masining,
kundi iba ang aliw na alay nito pagkat nanggagaling sa ligayang bunga ng
bagong pagkaunawa sa mga realidad ng lipunan na inilahad sa isang paraang
masining na nakaantig rin ng malalim na damdamin.
Para higit na maunawaan ang konteksto ng isang pelikula, mahalaga
rin na malaman ang mga balon na pinagsalukan nito ng mga paksa, tema,
tauhan, kuwento, at kahit estilo ng produksiyon. Sa kaso ng mga istudyo,
madalas na humahango ang kanilang mga pelikula ng mga kuwento at tauhan
mula sa mga obra maestra ng panitikang Pilipino (e.g., Florante at Laura,
mga nobela ni Rizal); sa popular na nobela ng Liwayway at ibang magasin
(e.g., Punyal na Ginto); sa mga kilalang programa sa radyo, tulad ng drama
(.e.g., Gulong ng Palad), paligsahan sa pagkanta (Tawag ng Tanghalan) at
sitcom (e.g., Sebya, Mahal Kita), at sa telebisyon, tulad ng istoryang horror
(e.g., Gabi ng Lagim) o sitcom (e.g., John en Marsha); at higit sa lahat, sa
komiks (e.g., Dyesebel, Darna, Jack and Jill, Kalabog en Bosyo, at marami
pang iba). Mahilig ding gumawa ang mga komersiyal na prodyuser ng mga
pelikula tungkol sa mga nakahihindik na pangyayari (e.g., The Maggie de la
Riva Story at The Vizconde Massacre). Ano ang common denominator ng
lahat ng istoryang ito? Kilala at kinagiliwan na sila ng laksang manonood, na
malamang ay maeenganyo ding manood ng bersiyon sa pelikula ng kanilang
paboritong istorya o tauhan. Tiyak na ang kita sa takilya.
Sa kabilang banda, humahango ang mga art film, alternatibong
pelikula at indie film ng mga kuwento at tauhan sa mga akdang pampanitikan
(e.g., Ibong Adarna, Ibalon) o pantearo (e.g., Sa North Diversion Road),
sa kasaysayan (e.g., Ang Paglilitis kay Bonifacio), ngunit higit sa lahat,
sa mga tunay na pangyayari, tauhan, at isyu sa lipunan (tingnan sa ibaba).
Mahalagang impluwensiya sa estilo ng direksiyon, pagganap, disenyong
pamproduksiyon, sinematograpiya, at editing ng art film, alternatibong
pelikula, at indie film ang mga art film at kilusang pansining mula sa Europa
(Italia, Francia, Sweden, Germany), Amerika (Estados Unidos, Mexico, atbp)
at Asya (Japan, India, atbp.).
At di dapat kalimutan ang isa pang balon ng inspirasyon para
sa mga pelikula – ang mga kondisyon, tauhan, o pangyayaring may
kinalaman sa pulitika, ekonomiya, relihiyon, at pangkalahatang kultura ng
bansa. Maraming mga pulitiko at opisyal ng gobyerno na may ambisyong
pulitikal ang namuhunan sa mga pelikulang pumapaksa sa kanilang buhay
at nagpapatingkad sa kanilang kahanga-hangang katangian, na madalas sa
hindi ay eksaherado, pinaganda, hindi totoo, o tsismis na nagpapanggap na
history (e.g., Maid in Malacanang). Pero may mga pelikulang komersiyal at
Tiongson I Paano ba Magbasa ng Pelikula? 107
indie na kapani-paniwala ang interpretasyon sa mga tauhan at pangyayaring
pulitikal sapagkat nakabatay sa maingat na pananaliksik sa mga dokumento
ng mga tauhan at pangyayaring ito. May pelikula si Gerardo de Leon tungkol
kay Moises Padilla na pinaslang dahil kinalaban niya sa eleksiyon ang bata
ng isang mayaman at marahas na incumbent governor (The Moises Padilla
Story).May mga indie film na tungkol sa batas militar ni Marcos (ML),
militarisasyon sa Mindanao (Tu Puig Imatuy), at drug war at EJK (Respeto).
May mga pelikula ring komersiyal tungkol sa mga isyung pangkabuhayan
tulad ng laganap na kahirapan (Pasan Ko ang Daigdig), eksploytasyon ng mga
manggagawa (Kapit sa Patalim: Bayan Ko), paglaganap ng prostitusyon dahil
sa kahirapan (Live Show). May mga pelikulang tumatalakay sa kahungkagan
ng mga milagro (Himala) at pagkalipol ng mga pamilya dahil sa rido o clan
war sa Mindanao na isinusulong ng sistemang patriyarkal na bumibiktima
sa mga bata at kababaihan (Women of the Weeping River). Mahalagang
pansinin na ang mga pelikulang may mabibigat na isyung panlipunan tulad
ng mga nabanggit ang karaniwang pinupuri ng mga kritiko at manonood na
film literate at siyang tumatanggap ng matataas na pagkilala sa loob at labas
ng Pilipinas. Sila rin ang bumubuo ng kanon ng pelikulang Pilipino o listahan
ng pinakamahuhusay na pelikulang nagawa ng mga artistang Pilipino. Dahil,
wika nga ng isang kritiko: “The best artists are realists.”
ANG PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG PELIKULA SA MANONOOD
Sa dulog na ito, ang sinusuri ay ang naging dating o epekto ng
pelikula sa iba-ibang sektor ng manonood at ang estetikang kinagigiliwan ng
manonood. Paano nga ba masusukat ang dating na ito?
Una, kung popularidad ng pelikula ang pag-uusapan, katibayan nito
ang audience count at ang mismong kinita nito sa takilya, at pati na ang tagal
ng pagpalabas nito at dami ng sinehan na nagpalabas dito. Ingatan lamang
na ang datos na makukuha sa kita sa takilya ay hindi iyong galling sa mga
patalastas ng pelikula na, sabihin pa ba, ay talagang pinalalaki kung minsan
ang audience count para himuking manood ang maraming iba pa. Sa kabilang
banda, bihirang-bihira ang indie film na nagiging “patok sa takilya” at isa na
dito ang Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros na idinistribyut ng isang
marketing agency ng malaking network at naipasok sa regular na iskrining ng
maliliit na sinehan sa malls.
Pangalawa, masusukat din ang epekto ng pelikula, at ang uri ng
epekto nito, sa reaksiyon sa midya, partikular, sa mga post sa social media,
sa mga feedback ng commentators at hosts sa mga programa sa radyo at
telebisyon, sa mga rebyu sa diyaryo at magasin na karamiha’y nasa internet
108 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
na rin, at sa mga jornal na inilalabas ng akademya. Karamihan sa mga
feedback sa mga nasabing outlet ay karaniwang maigsi at pahapyaw lamang,
at nakatuon sa popular o nakatatawag-pansin na aspekto ng pelikula (e.g.,
ang pagganap ng artista o personalidad na popular, sensational na paksa, at
mainit at kontrobersiyal na isyu). Ang malalim at sistematikong pagsusuri ng
pelikula ng mga manunuring nag-aral ng pelikulang Pilipino ay mababasa sa
mga jornal ng akademya. Sa kasamaang-palad, kakaunti ang nakababasa sa
mga pagsusuring akademiko, kung ikukumpara sa libo-libong nagbababad sa
internet o nakikinig sa radyo o nanonood ng telebisyon. Ngunit sa pagbabasa
ng anumang feedback sa pelikula, laging kilatisin kung ito ay awtentikong
pagsusuri o press release na pinamudmod ng mga alipuris ng prodyuser.
Pangatlo, isang uri ng sukatan hindi sa popularidad kundi sa kalidad
ng isang pelikula ang mga taunang pagkilala na ipinamamahagi ng mga grupo
ng mga manunulat, kritiko, at iskolar ng pelikulang Pilipino, at pati na yaong
mga pagkilalang galing sa mga grupo sa ibang bansa. Ilan sa mga award-giving
bodies na deka-dekada nang nagbibigay ng award ang FAMAS, Gawad Urian
ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, ang Star Awards ng mga miyembro
ng movie writers associations, ang YCC awards ng Young Critics Circle, at
CMMA o Catholic Mass Media Awards. Iba-iba ang pagpapahalaga sa mga
artista, teknisyan ng industriya, at ng publiko ng mga award na ito, batay
sa ipinakitang oryentasyon, integridad, at kredibilidad ng mga miyembro
ng grupong nagbibigay ng award sa pagdaan ng mahabang panahon. Ito’y
dahil, tulad ng iba pang mga paligsahan, may mga nagbibigay ng award na
ang pagpili ay nakukulayan ng mga konsiderasyon na walang kinalaman sa
kasiningan ng pelikulang kinikilatis.
Sa puntong ito, maitatanong marahil kung ano ang dahilan kung
bakit ang ilang pelikula ay nagiging patok sa takilya at ang iba ay hindi at bakit
ang mga nananalo ng mga pretihiyosong award, madalas ay hindi naman
nagiging blockbuster. Ang sagot sa mga tanong na ito ay may kinalaman sa
dalawang uri ng pelikula sa bansa at ang mga odyens ng dalawang pelikulang
ito. Pelikulang komersiyal ang karaniwang nagiging patok sa takilya sa
maraming dahilan: superstar ang bida, popular na ang istorya ng pelikula sa
ibang midya bago pa man ito ginawang pelikula, mahusay ang pagkakagamit
sa genre na tanggap na tanggap na ng manonood, tama ang timing ng
pagpapalabas (Kapaskuhan o panahon na walang malakas na kalaban, tulad
ng mga superproduction ng Hollywood), epektibo ang promosyon ng pelikula
sa iba-ibang midya, lalo na kung may kakabit itong kontrobersiya (totoo
man o gawa-gawa lamang ng bayarang promotor ng pelikula). Sa katagang
sabi, ang sekreto ng box office ay nasa estetika ng palabas, na ang diin ay sa
nakabibighani, nakaaaliw, nakapagpapalimot sa mga problema sa buhay, lalo
na ng mga taong kumai’t dili.
Tiongson I Paano ba Magbasa ng Pelikula? 109
Bakit ang mga nananalo ng mga award dito at sa ibang bansa
ay karaniwang hindi naman nagiging box-office sensation? Ito’y dahil
ang tumatangkilik sa mga pelikulang masining ay yaon lamang maliit na
porsiyento ng manonood mula sa gitna at nakatataas na uri na film literate
o may pagkaunawa sa sining ng pelikula. Maaaring nagkaroon sila ng
film literacy course sa mga kurso ng mass communication sa paaralan o sa
mga seminar ng Cultural Center of the Philippines at ibang institusyong
pangkultura. Sa pagiging film literate, nasasakyan nila ang estetikang paloob
na nabanggit na, na mauunawaan lamang kung ang manonood ay marunong
makinig, magmatyag, magnilay, at magsuri sa bagong kaisipang inilalahad
ng pelikula at sa sariwa at masining na paraang ginamit para ipahayag ang
kaisipang ito, partikular, sa bihasang orkestrasyon ng sensitibong pagganap,
maingat at tamang disenyong pamproduksiyon, malikhaing paggamit ng
kamera, intelihenteng editing, at makahulugang paggamit ng tunog at
orihinal na musika.
Sa talakayang ito, lumalabas na may dalawang uri ng dating ang
pelikulang Pilipino batay sa kung anong pelikula ito at sino ang nanonood
nito. Sa pangkalahatan, pelikulang komersiyal lamang ang nagkahahatak ng
libo-libong manonood na lumaki sa estetikang palabas. Sa kabilang banda,
maliit pa, ngunit unti-unti nang lumalaki, ang porsiyento ng mga manonood
na nakasasakay sa estetikang paloob ng mga art film, alternatibong pelikula,
at indie film.
Pero huwag isipin na ganap ang pagkakaiba at walang anumang
kinalaman ang dalawang uri ng pelikula sa isa’t isa, pagkat may mga
pelikulang “namamangka sa dalawang ilog,” sa magandang pakahulugan nito.
May mga respetadong direktor na nakauunawa ng pelikula bilang sining, na
gumagamit sa mga popular na genre ng pelikulang komersiyal para ipahayag
ang mga seryosong kaisipang may kinalaman sa pagkatao at lipunang
Pilipino. Halimbawa, sa Tuhog ni Jeffrey Jeturian, ginamit ang mismong
anyo at kumbensiyon ng genre ng bomba (e.g., pagpapakita ng katawan ng
babae at lalaki na walang saplot, pagtatalik at pagtatalik pa rin, panggagahasa,
paninilip, masturbation) para isiwalat ang ginagawang eksploytasyon sa
kababaihan ng pelikulang bomba. Ito’y tungkol sa isang mag-ina na ginawang
seks objek ng iisang lalaki – ang ama mismo ng ina, na lolo rin ng dalaga.
Nang pinagpistahan ang istoryang ito sa diyaryo, naisip ng isang prodyuser
na bilhin ang istorya sa mag-ina, para umano maisiwalat ang kasamaang
ginawa ng ama/lolo sa publiko nang di na pamarisan pa. Pumayag ang mag-
ina. Ngunit nang mapanood nila ang pelikula, lumabas na silang mag-ina ang
uhaw sa seks kaya sila ginahasa ng ama/lolo. Ang pakiramdam ng mag-ina ay
dalawang beses silang ginahasa, sa tunay na buhay at sa pelikula. Sa syuting,
110 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
iniwasan ni Jeturian na itutok at ibabad ang mata ng kamera sa katawan ng
babae, tulad ng ginagawa ng pelikulang bomba, para maiwasang tingnan ng
manonood ang babae bilang seks objek. Pumatok ang bomba sa takilya at
naiparating din marahil ng pelikula sa manonood na malaking kasalanan sa
kababaihan ang ginagawa ng pelikulang bomba na kinagigiliwan nila.
Ang genre ng aksiyon film ay ginamit ni Erik Matti para isiwalat
ang mga krimeng ginagawa ng mga nasa poder. Sa On the job, pinakita kung
paano binabayaran ng mga kongresman ang mga batikang mamamatay-tao
na nasa bilangguan para burahin ang kanilang mga kaaway sa pulitika at
ilegal na negosyo. Sa pamamahala ng hepe ng kulungan at mga alipures niya,
pinalalabas sa gabi ang mga kombik para gawin ang iniutos sa kanila. Pag
natapos na ang trabaho, babayaran sila at ibabalik sa kulungan bago mag-
umaga. Kinabukasan, parang walang nangyaring masama na dapat ikabahala.
Sa Buy Bust, matapang na pinaksa ni Matti ang drug war ni Duterte at ang
penomenon ng EJK. Isang idealistikong pulis ang nakasama sa operasyon
para sukulin at hulihin/patayin ang kilalang druglord na pinoprotektahan ng
kaniyang mga kapitbahay at kabarangay na nakikinabang sa operasyon ng
droga. Sasalakayin ng mga operatib ang pugad ng druglord, makakaharap
nila ang mga taga-barangay na kabig ng druglord, matatalo at malalampasan
ng mga pulis ang mga taga-barangay, at masusukol sa kaniyang pugad ang
druglord. Sa harap ng mga pulis, sasabihin ng druglord na patayin man siya
ay magpapatuloy ang drug operation, kasi hindi mabubuwag ang sistema ng
kalakalan sa bawal na gamot dahil sangkot dito ang mga opisyal ng gobyerno
mula pulis hanggang nasa itaas. Tinangkilik ng publiko, film literate man
o hindi, ang pelikula at naihatid ni Matti sa manonood ang katotohanang
nilalambungan ng kasinungalingan ng may kapangyarihan.
ANG PANG-APAT NA DULOG: ANG PELIKULA SA PANANAW NG KAMALAYANG
PILIPINO NA MAKA-TAO
Maaaring magkaroon ng pelikula na mahusay ang pagtatagni-tagni
ng mga elemento ng sining at maganda o malakas ang dating sa publikong
manonood, pero may mga inihahatid na kaisipang hindi katanggap-tanggap
sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. Sa dulog na ito, ang
tanong na sinasagot ay: nakatutulong ba o nakasasagabal ang pelikula sa
pagkakamit ng Pilipino ng kaganapan ng kaniyang pagkatao sa antas na
pisikal, intelektuwal, ispirituwal, sikolohikal, pulitikal, pangkabuhayan, at
kultural? Sa partikular, naipagsasanggalang, naitataguyod, at napalalakas
ba ng pelikula ang mga batayang karapatang pantao na mabuhay nang
matiwasay sa isang bansang may sariling ekonomiya, pamahalaan, at kultura,
na maipagtanggol at mapaunlad ang bawat etnisidad, na isakatuparan ang
Tiongson I Paano ba Magbasa ng Pelikula? 111
pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian at gender sa lahat ng larangan ng
buhay sa lipunan, na madebelop ng bawat Pilipino ang kaniyang mga talento
sa pamamagitan ng edukasyon, na makilahok sa pamamalakad ng gobyerno at
magpahayag ng kanilang mga ideya nang malaya at di sinasagkaan, na pumili
ng kaibigan o kasama sa buhay anuman ang kaniyang gender, na idebelop ang
kaniyang ispirtuwalidad sa tulong ng relihiyon kung ang relihiyong iyon ay
hindi mapang-api sa kapwa. (Tiongson 2022)
Sa kabutihang palad, marami na rin tayong mga pelikulang orihinal,
masining, at may integridad mula sa iba-ibang panahon, lugar, prodyuser at
direktor na masasabing mabigat ang timbang sa perspektiba ng Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO, bagaman hindi rin naman masasabing perfekto
ang mga ito sa lahat ng aspekto. Talakayin natin ang ilan sa mga pelikulang
malinaw ang mga karapatang ipinaglalaban, tahasan man o hindi.
Ang Sister Stella L., 1984, ang kauna-unahang pelikulang nagsiwalat
ng pagsasamantalang ginagawa ng kapitalista sa mga manggagawa at pag-
salvage sa mga lider manggagawa na may integridad, ng konsiyentisasyon
ng mga taong-simbahan, at ng pagsensor sa mga pahayagan sa panahon ng
batas militar ni Marcos. Pagkatapos ng higit na isang dekada ng panggagaga
sa taumbayan, at pagkatapos patayin si Ninoy Aquino sa tarmac ng MIA,
inorganisa ng mga progresibong artista ang Concerned Artists of the
Philippines (CAP) noong 1983 nang lumaganap na ang protesta laban kay
Marcos sa hanay ng mga gitna at nakatataas na uri. Kasapi nito ang manunulat
na si Pete Lacaba, direktor na Mike de Leon, at ibang artista na lumabas sa
pelikula. Hindi matatawaran ang naging ambag ng pelikula sa pagmumulat
at pagkumbinse sa manonood na magbalikwas laban sa diktadura na
pangunahing lumalabag sa mga karapatang pantao ng mga mamamayan,
kasama na ang karapatan na magpahayag ng pagtutol sa isang pamahalaang
walang pakundangang pumapatay sa sinumang hindi nito masawata.
Mabigat din ang timbang ng Bata, Bata, Paano Ka Ginawa? sa
Kamalayang Pilipino na Maka-TAO dahil sa tahasang pagbusbos nito sa mga
paniniwalng patriyarkal na kinokondena ang mga babaeng sumasalungat sa
tradisyunal na konsepto ng “mabuting” asawa at ina. Ito na marahil ang isa
sa pinakaunang pelikula na ang bida ay isang babaeng may dalawang anak
na pinalalaki, isa sa asawang hiniwalayan niya dahil pinipilit siyang maging
maybahay na lamang, at ang pangalawa sa kinakasama na iniwan din siya
dahil mababa ang tingin sa kaniya ng ina nito. Nagtatrabaho si Lea sa isang
women’s crisis center, kung saan humihingi ng tulong araw-araw ang mga
babaeng biktima ng pambubogbog ng asawang matso, o iniwan na lamang
ng asawa para sa ibang babae, o kumakayod nang mag-isa para buhayin ang
112 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
mga anak at asawang batugan. Di tulad ng maraming drama na lagi na lang
nagiging “mabuti” (i.e., masunurin) na asawa o anak o kapatid ang bidang
babae sa pagwawakas ng pelikula, ang itinatampok at pinapanigan ng pelikula
ay ang babaeng abandonada at “imoral” ngunit tunay na nagmamahal at
nagmamalasakit para sa kaniyang dalawang anak at sa mga kapwa babaeng
biktima ng karahasan. Ang pelikula ang isa na marahil sa pinakaradikal na
pagtatampok sa isang malayo-sa-ideyal na babae bilang bidang dapat hangaan.
Tulad ng Bata, Bata, radikal din ang pelikulang Ang Pagdadalaga
ni Maximo Oliveros sapagkat ito ang isa sa pinakaunang pelikulang hindi
ginawang katatawanan at api-apihan ang bakla at hindi pinakita ang
kabaklaan bilang sakit na dapat gamutin, tulad ng matutunghayan sa mga
pelikulang gay na pinasikat ni Dolphy. Sa halip, ang bunsong anak na bakla
ay tanggap ng ama at dalawang nakatatandang matsong kapatid bilang kapalit
ng kanilang asawa/ina na yumao na. Pero hindi nanatili si Maximo bilang
baklang kapatid na ang halaga ay ang paninilbihan lamang niya sa pamilya.
PInakita ng pelikula na kayang panindigan ni Maximo ang pagmamahal
niya sa pulis na kaaway ng kaniyang ama at mga kapatid na kawatan, at may
lakas din siya ng loob na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral para makaahon
sa kahirapang sumisira sa pagkatao niya at kaniyang pamilya. Malaki ang
nagawa ng pelikula para burahin ang mga napakatagal nang mga stigma at
prehuwisyo sa kabaklaan at baguhin ang tingin sa bakla para igalang siya
bilang taong walang pinag-iba sa lahat.
Sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO, ang
matitimbang na pelikula ay iyong may mga mensaheng mapagpalaya at
para sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng mamamayan, anuman ang
kanilang kasarian, relihiyon, edad, lahi, etnisidad, okupasyon, o sektor. Hindi
katanggap-tanggap sa kamalayang ito ang mga pelikulang nagtataguyod ng
mga pananaw at halagahing elitista, pasista, kolonyal, at patriyarkal.
KONGKLUSYON
Sa pagwawakas, nais ko lamang ipahayag ang pangangailangan sa
ating panahon ng mga kritiko ng pelikula na 1) nakauunawa ng lengguwahe o
wika ng pelikula, 2) may kaalaman sa kasaysayan ng Pilipinas at ng pelikulang
Pilipino, 3) may pagkaunawa na ang pelikula ay hinuhubog ng lipunan (social
artifact) at maaari ring maging tagapagbago ng lipunan (social catalyst), at 4)
sumusulat sa isang paraang malay, mapanuri, at malinaw para maabot ang
karaniwang manonood at mahimok itong tangkilikin ang mga pelikulang
may pananaw at mensaheng mapagpalaya.
Tiongson I Paano ba Magbasa ng Pelikula? 113
MGA SANGGUNIAN
Del Mundo, Clodualdo, Jr.(ed.) 2018. Direk: Essays on Filipino Filmmakers.
Manila: De La Salle Publishing House
Guerrero, Rafael Ma. (ed.) Readings in Philippine Cinema. Quezon City:
Experimental Cinema of the Philippines.
Hernando, Mario (ed.) 1993. Lino Brocka:The Artist and His Times. Manila:
Cultural Center of the Philippines.
Lumbera, Bienvenido L. 2017. “Philippine Film.” Cultural Center of the
Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (6: Film). Nicanor
G. Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center of the
Philippines. 2-15
Rapatan, Miguel Q. 2017. “Regional Cinema 1938-2014.” Cultural Center
of the Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (6: Film). Nicanor
G. Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center of the
Philippines. 82-91
Reyes, Emmanuel A. 1989. Notes on Philippine Cinema. Manila: De La Salle
University Press.
Tiongson, Nicanor G. 2018. “A Short History of the Philippine Film: Asserting
Philippine Realities Against All Odds.” Agung. (21) 3. (Hulyo-
Setyembre 2018). 1-13
114 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Elizabeth L . Enriquez
MGA PAMANTAYAN SA PAGSUSURI
NG LIKHANG-BRODKAST
NG PILIPINAS
INTRODUKSIYON
A
ng salitang brodkast (mula sa Ingles na “broadcast”) ay
nanggaling sa isang paraan ng pagtatanim ng palay o trigo, kung saan
isinasabog o ikinakalat ang binhi sa bukid. Noong 1922, kasabay ng
kapanganakan ng unang radyo sa Pilipinas, sinimulang gamitin ang salitang
brodkast sa Estados Unidos upang ilarawan ang paghahatid ng mga tunog
sa pamamagitan ng radyo sa malawak na lupain, na itinulad sa nabanggit na
paraan ng pagtatanim. Sa mahabang panahon, ang tinutukoy ng brodkast
ay radyo at telebisyon lamang, ngunit ngayon ay saklaw na nito maging ang
cable broadcast, satellite broadcast, internet broadcast, at anupamang darating
na bagong midya, na maibibilang sa pangkalahatang kategorya ng digital
broadcast. Maging ang narrowcasting ng mga community radio ay brodkast
ding maituturing.
Dalawang bagay ang nagbibigay-kahulugan sa salitang brodkast:
Una, marami ngunit hindi magkakasama sa iisang espasyo ang mga
tagapakinig at tagapanood, at ang pinakikinggan o pinanonood nang sabay-
sabay ay isa lang ang pinagmumulan. Ikalawa, pagdating ng interactive medium
ng internet, hindi na sentralisado kundi marami nang pinagmumulan ang
mga signal. Hindi na rin kailangang sabay-sabay ang pakikinig, panonood, o
pagbabasa pagkat nakakapanood na ang sinuman kung kailan nila naisin (ito
ang tinatawag na MOD o Media on Demand), at nagbago na at naragdagan
ang mga teknolohiyang ginagamit at uri ng programang mapapanood.
Gayunman, maaari pa rin itong isama sa brodkast, kung pagbabatayan ang
115
orihinal na kahulugan ng brodkast, na pagsabog ng binhi, o pagpapalaganap
ng impormasyon, sa malawak na lupain.
Sa lahat ng teknolohiya, dominante ngayon ang internet, kung
saan nagtatagpo, nagsasama, at nagsasanga-sanga ang lahat ng tinatawag
na tradisyunal na mga tsanel ng midya. Ang nabanggit na teknolohiya ang
nagluwal ng maraming bagong uri ng mga programa at iba pang makikita sa
internet, na ang ilan ay hindi na sumusunod sa mga tradisyunal na pormat
o anyo ng mga naunang midya. Karaniwan na rin na ang isang programang
dati ay nasa isang plataporma lang ay nasa dalawang plataporma na, gaya ng
teleradyo (sabay na live brodkast sa radyo at telebisyon) at Facebook live o
YouTube live, na nagbobrodkast sa internet na maaaring naka-simulcast o
sabay na brodkast sa radyo at/o telebisyon. Ito ang tinatawag na transmedia.
Dahil din sa internet, lumawak ang naaabot ng mga programa -- hindi na
lamang sa loob ng bansa kundi saan mang sulok ng daigdig. Ito naman ang
tinatawag na transnational broadcasting.
Sa artikulong ito, tatalakayin ang apat na dulog na maaring
gamitin sa pagsusuri ng alinmang likhang-brodkast, maging ito’y sitcom,
drama, musical variety show, talk show, dokumentaryo, o news program
o kombinasyon ng mga ito. Dito susuriin 1) ang likhang-brodkast bilang
likhang-sining, 2) ang konteksto ng likhang-brodkast, 3) ang dating ng
likhang-brodkast sa manonood at tagapakinig, at 4) ang saysay ng likhang-
brodkast sa lipunan at timbang nito sa Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
(Tiongson 2022)
UNANG DULOG: ANG PAGSUSURI SA LIKHANG-BRODKAST
BILANG LIKHANG-SINING
Ang pagsusuri ng likhang-brodkast bilang likhang-sining ay
nagsisimula sa simpleng paglalahad ng mga batayang datos tungkol sa
programa sa radyo, telebisyon, o digital broadcast na sinusuri. Matapos ilahad
ang mga ito, kailangang sagutin ng sumusuri ang tanong na: Ano ang nais
ipahiwatig ng likhang-brodkast at paano niya ito ipinahihiwatig, gamit, una,
ang mga elemento, at pangalawa, ang genre at pormat, ng naturang likhang-
brodkast.
Mga Batayang Datos Tungkol sa Likhang-Brodkast
Bago pa man suriin ang isang likhang-brodkast, kailangan munang
ibigay ang batayang datos nito. Kailangang itala, pero hindi pa kailangang
talakayin, ang pamagat ng programang sinusuri, ang genre nito, ang
116 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
plataporma na pinaglabasan, ang panahon ng pagpalabas, ang nagprodyus
ng programa, kasama na ang network at mga isponsor ng programa, ang
production staff na lumikha nito, kasama na ang prodyuser ng programa,
direktor, manunulat, mga aktor o anawnser, mga mamamahayag, mga
nagdisenyo ng set at kasuotan, videograper, music scorer, teknikal direktor,
mga engineer at staff na humawak ng pag-iilaw at tunog, at iba pang katulong
sa produksiyon. Kailangang tama ang datos na pagbabatayan ng pagsusuri
sapagkat kung hindi, magiging mabuway ang gagawing analisis at mamamali
ang gagawing konklusyon.
Paggamit ng mga Elemento ng Likhang-Brodkast
Ang mga batayang elemento ng radyo, na maririnig din sa mga
podcast at kahawig na nilalaman sa digital broadcast, ay boses o tinig sa
pagsasalita o pag-awit, musika o tugtog, katahimikan o silence, at sound effects
(SFX). Ang lahat ng ito ay nasa kategoryang audio. Dahil naririnig lamang ang
radyo, nakasalalay sa audio ang paghabi ng naratibo. Sa pamamagitan ng iskrip
na pang-radyo o akma sa pandinig lamang, nabubuo sa isip ng tagapakinig
ang nais iparating ng palatuntunan. Sa pamamagitan ng iskrip, tinig, sound
effects, at iba pang elemento, naipahahayag ang istorya, damdamin, at temang
tinutumbok ng programa. Iba ang paggamit sa mga elementong ito ng drama
sa radyo at, sa kabilang banda, ng mga programang balita at public affairs.
Sa drama, ang kuwento ay nangyayari nang tulad sa pelikula, ibig sabihin,
ang naratibo ay nagaganap at ang nakikinig ay nagmamatyag lamang at hindi
kinakausap ng likha. Sa balita at public affairs, tila natural na nakikipag-
usap ang mga tagapagbalita at anawnser sa mga tagapakinig. Sa programang
musikal, karaniwan nang mas naririnig ang musika kaysa tinig ng deejay o
disk jockey
Sa telebisyon, maliban sa audio, mahalagang elemento ang video, na
kinabibilangan ng larawang hindi gumagalaw (still photographs at graphics),
mga larawan o imaheng gumagalaw (moving images) ng mga tao, hayop,
at mga eksena, at paggalaw na bunga ng paggalaw ng kamera, animasyon,
visual effects (VFX), at teksto o mga titik. Bahagi rin ng mga elemento ang
mga tauhan sa palatuntunan, ang iskrip, editing, at disenyo ng produksiyon
o production design, at dito ay kasama ang kulay ng set, kung paano iniilawan
ang set, mga kasuotan, meykap, at props. Gamit ang lahat ng elementong
ito, hinahabi ang mga naratibong binubuo ng likhang-brodkast. Gaya ng
radyo, iba ang paggamit sa mga elementong ito ng mga programang balita at
public affairs kaysa mga drama. Sa balita at public affairs, nakatingin ang mga
tagapagbalita at anawnser sa mga nanonood na tila kasama sila sa usapan.
Ganito rin sa mga variety shows, reality shows, at programang musikal. Sa mga
Enriquez I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang Brodkast 117
drama o telenovela at sitcom, nagaganap ang kuwento habang ang manonood
ay tila nakasilip o nakatanghod lamang sa mga nangyayari.
Sa digital broadcast ay makikita ang lahat ng nabanggit, ngunit
mahalagang idagdag ang isang katangian nito – ang posibilidad na
makisangkot ang nanonood, nakikinig, at nagbabasa sa pamamagitan ng
pagbibigay-puna o pansin, na maaaring magbigay-hugis o makapagpabago sa
anyo at nilalaman ng pinakikinggan, pinanonood, at binabasa. Karamihan ng
mga likhang ito ay may puwang para sa mga tanong at mga opinyon ng mga
nanonood, na maaari ring susugan o kontrahin ng iba pang nanonood.
Pagtutugma ng Nilalaman at Anyo ng Likhang-Brodkast
Dapat munang maunawaan ang pagkakaiba ng genre (anyo)
at pormat ng mga nilalaman ng brodkast. Ang genre ay tumutukoy sa
estilo ng programa na may sariling idioma o lengguwahe – kung paano
ito nagkukwento, mga katangian ng mga tauhan, diyalogo, at anyong
biswal. Kabilang sa mga genre ang dula o drama, katatawanan o sitcom,
pampalakasan o sports, musika at sayaw, programang pambata, programang
pang-edukasyon, variety shows, reality shows, paligsahan o game shows,
iba’t ibang uri ng talk show, at balita at dokumentaryo. Maraming programa
ang may mga pinaghalong genre. Halimbawa, may variety show na may
musika, katatawanan, at paligsahan; o reality show na may pinaghalong talk
show at paligsahan. May mga sub-genre rin, gaya ng dramang pantasya,
sci-fi, o katatakutan (horror); talk show na pangkalusugan, tungkol sa
batas, panrelihiyon, panayam, at opinyon; programang pang-edukasyon,
halimbawa, tungkol sa pagtatanim at agrikultura, pagluluto, at pagtuturo ng
mga asignatura sa paaralan; at programang musikal, tulad ng music video
(MTV) at paligsahan sa pag-awit.
Ang pormat ay tumutukoy sa hugis ng tekstong pambrodkast,
halimbawa, ang haba nito (kalahating oras ba, isang oras, dalawang oras);
dalas ng pag-eere (minsan lang o special, arawan, lingguhan, buwanan,
taunan); at takdang dami ng episode (minsan lang dahil special program; isang
season na may takdang dami ng magkakarugtong na episode, halimbawa
12 o 20; antolohiya o mga episode na bawat isa ay buong kuwento; o tuloy-
tuloy hanggang itinataguyod ng adbertayser ang palatuntunan, gaya ng
mga tradisyunal na soap opera). Maaari ring tumukoy ang pormat sa mga
teknikal na aspekto ng pagprodyus at pagpapalabas ng programa, halimbawa,
analogue ba o digital.
Sa digital broadcast, maliban sa mga nabanggit sa unahan, kabilang
118 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
sa mga genre ang blog, podcasts, vlog, video games, at mga sari-saring social
media sites. Sa pormat naman ay kabilang ang live streaming o archiving,
ngunit kadalasan pagkatapos ng live streaming ay naka-archive ang mga
nilalaman. Sanga-sanga ang mga sites o websites sa internet kaya hindi
maaaring ganap na maipaghihiwalay ang isang genre sa iba pa, gaya rin ng
ilang genre sa telebisyon. Dahil interactive ang internet, maaaring baguhin ng
mga gumagamit ang nilalaman nito, kaya maaaring magbago rin ang genre.
Mabisang kasangkapan ang genre upang maunawaan ng mga
tagapakinig, manonood, at mambabasa ang tekstong brodkast. May mga
elemento at estilo ng produksiyon na nakasanayan na, kaya’t inaasahan ng
mga tagapakinig, manonood, at mambabasa. Halimbawa, ang dokumentaryo
ay dapat na sumalamin sa totoong pangyayari o actualities, kaya ang mga
video na nakapaloob dito ay mula sa tinatawag na totoong buhay, at ito ang
inaasahan ng manonood. Samantala, alam ng manonood na ang drama o
sitcom ay likhang-isip ng prodyuser, direktor, manunulat ng iskrip, atbp.,
kaya tanggap na na ang mga tauhan dito ay gumaganap lamang sa takdang
papel at hindi ito tunay na buhay. Ang pagkakaibang ito ang batayan ng
pagpapasiya kung anong genre at pormat ang gagamitin sa pagprodyus ng
likhang-brodkast. Halimbawa, kung pinakahuling balita ang nais iparating,
genre at karaniwang pormat ng programang balita ang gagamitin. Kung ang
mga talakayan ay tungkol sa pulitika, mga isyung panlipunan, at mga selebriti,
genre ng talk show ang angkop na gamitin. Kung nais magsadula ng tunay na
buhay man o likhang-isip ng manunulat, marahil genre ng sitcom o drama o
soap opera ang bagay gamitin.
Ngunit may mga kumbensiyong nagbabago rin. Halimbawa, dati
ang animasyon ay ginagamit lang sa mga programang pambata. Ngayon ang
animasyon ay nakahalo na sa maraming genre. Dati ang balita ay tungkol
lamang sa balitang pulitika, mga isyung panlipunan, balitang negosyo,
palakasan, lagay ng panahon, at iba pang seryosong paksa. Ngayon ay
nakahalo na dito ang balitang pang-entertainment at buhay ng mga selebriti.
Maliban sa nabanggit na, may iba pang genre ng programa o
nilalaman sa radyo, telebisyon, at digital broadcast. Kabilang dito ang mga
palatuntunang hinalaw mula sa palatuntunang galing sa ibang bansa o kultura,
na inilapat sa wika at buhay sa Pilipinas, halimbawa, ang drama-seryeng
Descendants of the Sun, the Philippine adaptation, na mula sa telebisyon sa
South Korea. Gayundin ang adaptasyon mula sa isang plataporma ng midya
patungo sa isa pang plataporma, halimbawa, ang Flordeluna na drama sa
radyo sa Cebu at nasa wikang Cebuano, na isinadula sa telebisyon sa Maynila
sa wikang Filipino; at ang palatuntunang pambata na Batibot mula telebisyon
patungong radyo.
Enriquez I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang Brodkast 119
Bago pa nauso ang adaptasyon, matagal nang inaangkat o ginagagad
ng brodkast natin ang mga programa sa ibang bansa, lalo na mula sa Estados
Unidos. Dahil dito, mga kumbensiyon ng programang inangkat ang ating
nakasanayang pakinggan, panoorin, at gayahin na rin.
Ilang Paraan ng Pagsusuri sa Likhang-Brodkast
Maraming magagamit na pamantayan sa pagsusuri ng mga nilalaman
ng brodkast, na tatawaging teksto sa bahaging ito ng sanaysay. Ang teksto
ay anumang likha na binibigyang-kahulugan ng tumitingin dito. Kabilang sa
mga paraan ng pagsusuri na maaaring ilapat sa pagsusuri ng brodkast bilang
teksto ang mga piniling isama sa listahan sa ibaba. Tandaang may iba pang
pamantayan na wala sa listahan.
1. Pormalismo (Formalism) – Ito ay pagsusuring nakatutok sa mga
teknikal na paran ng paglikha, halimbawa, paglikha ng larawan
gamit ang kamera, pag-iilaw sa eksena, paglalapat ng tunog at
musika, pagdidisenyo ng set, paggamit ng kulay, paglalapat ng
special effects, pag-eedit, at pagganap ng mga aktor sa papel nila.
Higit na pinapansin ang porma ng teksto kaysa kuwento o naratibo,
bagamat ang kuwento ang daan upang itanghal ang kasiningan ng
porma ng teksto.
2. Naratibo (Narrative Theory) – Ang pagkakasunod-sunod ng mga
pangyayari sa kuwento ang sinusuri gamit ang teoryang ito. Ano ang
suliraning nagbunsod sa kuwento, paano ito naging masalimuot,
paano ito nalutas, at ano ang katapusan ng kuwento? Kadalasan
ay sinisiyasat kung ano ang itinuturo ng naratibo. Ginagamit ang
balangkas na ito sa pagsusuri ng mga drama at sitcom, ngunit ang
balita man at maging ang kalahating minutong patalastas ay may
naratibo. Halimbawa ng huli ang problema sa pagpapaputi ng
labada, na malulutas sa pagbili ng isang partikular na marka ng
sabong panlaba.
3. Semyotika (Semiotics) – Sinusuri ng semyotika ang mga tanda
o sign o simbolo na nasa teksto at kung paano ito nakapaloob sa
isang sistema ng pagpapakahulugan. Mahalagang isaalang-alang
ang konteksto ng kulturang kinalalagyan ng bumabasa, nakikinig
o nanonood dahil ginagamit niya ito sa pag-unawa sa kahulugan
ng teksto. Ang manunuri man ay mula rin sa isang konteksto, at
maaaring maimpluwensiyahan nito kung paano niya binibigyang-
kahulugan ang sinusuri niya.
4. Istrukturalismo (Structuralism) – Ipinaliliwanag ang kahulugan ng
teksto sa pamamagitan ng pagsusuri sa istruktura ng wikang ginamit,
120 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
na siyang nagbibigay-hugis sa kung paano inuunawa ng isang kultura
ang kaniyang katotohanan o realidad. Maaaring magkakaiba ang
realidad ng iba’t ibang kultura, ngunit pare-pareho ang paraan ng
pag-iisip tungkol sa katotohanan. Sa pagtingin sa iba’t ibang genre
ng teksto, halimbawa, magkakatulad ang pagpapalagay sa wastong
ugnayan ng mga babae at lalaki, na binarya (binary) o magkasalungat,
na siya ring ipinapalagay na istruktura ng katotohanan.
5. Post-Istrukturalismo (Post-Structuralism) – Taliwas sa Istrukturalismo,
sa balangkas na ito, ay maraming maaaring maging kahulugan ang
wika batay sa pag-unawa ng iba’t ibang kultura sa kanilang realidad.
Ang konsepto ng “truth” o katotohanan ay hindi iisa; ito ay relatibo.
Halimbawa, ang katotohanan hinggil sa Maykapal ay iba sa paniwala
ng isang Katoliko at iba rin sa pananaw ng isang agnostiko. Sa
pagsusuri ng teksto, hahanapin ng kritiko kung may iba itong pag-
angkin sa katotohanan at kung ano ito.
6. Postmodernismo (Post-modernism) – Maraming pagpapakahulugan
ang mga pilosopo sa terminong ito, ngunit sa brodkast, ito ay
tumutukoy sa pagbasag sa mga tradisyunal na estilo at estetika ng
kultura. Nananaig ang pagiging mapaglaro ng teksto, halimbawa,
sa pagsuway sa pormang linyar upang maging non-linyar sa
pagkukuwento, paghahalo ng elemento mula sa iba’t ibang tradisyon
(kung tawagin ay pastiche), at minsa’y pagpapalabo sa konsepto ng
panahon o oras. Ang layunin ay labanan o kutyain ang umiiral na
kapangyarihan, ipagtanggol ang mga nasa laylayan (the Other),
kilalanin at igalang ang iba’t ibang kultura at katotohanan (plurality),
at kumawala sa mga batas na likha ng nakatataas. Maaaring ang
teksto ay hyperreal, ibig sabihin, hindi matukoy ng utak ang totoo at
ang gagad sa totoo. Sinusuri ng kritiko kung paanong hinahamon ng
teksto ang kapangyarihang nagdidikta ng totoo at tama.
PANGALAWANG DULOG: ANG PAGSUSURI SA KONTEKSTO
NG PAGBUBUO NG LIKHANG-BRODKAST
Sa bahaging ito ng sanaysay ay tatalakayin ang mga lumilikha ng
nilalaman ng brodkast, dahilan ng paglikha, mga impluwensiya sa paglikha
gaya ng ibang sining, at mga impluwensiya ng kalagayang panlipunan.
Ang Mga Lumilikha
Sino ba ang mga lumilikha ng nilalaman ng brodkast? Ang lumilikha
ng brodkast ay hindi isa kundi marami. Ito ay dahil kailangang magprodyus
ng programang pambrodkast para mapuno ang himpapawid at/o internet
Enriquez I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang Brodkast 121
araw-araw, beinte-kuwatro oras. Kung iisipin na may halos isang libong
istasyon ng radyo at ilang daang istasyon ng telebisyon, cable, satellite, at
internet brodkaster sa bansa, hindi halos mabilang ang dami ng programang
nililikha nang walang humpay. Kaya masasabing sa lahat ng likhang-sining,
brodkast ang pinakamabunga, hindi man matamis ang lahat ng bunga.
Malinaw na kailangan ng malaking puhunan upang magtayo at
magpatakbo ng brodkast. Dahil sa malaking kapital na ito, mga malalaking
negosyante at elit lamang ang nakapapasok sa industriya ng brodkast. At
bilang negosyante, layunin nilang mabawi ang puhunan at kumita nang higit
pa. Kaya mabuting liwanagin sa simula pa lamang, na bagama’t maraming
likhang brodkast na masining at nakapagpapataas ng kamalayan, ang
brodkast una sa lahat ay isang negosyo, sa kabila ng pahayag na ito ay serbisyo
publiko. Tandaan din na ang mga elit na nasa brodkast ay may koneksiyon
sa kapangyarihang pulitikal at sosyal. Maliban sa kapaki-pakinabang na
negosyo, mabisang kasangkapan din ang brodkast sa paghubog sa kamalayan
ng mamamayan upang tanggapin ang pananaw, ideolohiya, at kaayusang
panlipunan na umaayon at nagtataguyod sa interes ng mga elit. May
impluwensiya rin ang ideolohiya ng mga lumilikha, pagkat ito, repleksiyon
man ng katotohanan o hindi, ang lumalabas sa mga palabas, halimbawa, sa
mga talk show, reality show, variety show, at maging sa mga programang
pang-edukasyon. At dahil dagsa ang mga programang ito na nakaaaliw,
maaaring mapapaniwala nila ang karaniwang manonood at malimutan na
ng mga ito ang kanilang mga suliranin at tunay na kalagayan sa lipunan.
Kung ang pangunahing manlilikha ng brodkast ay ang mga namumuhunan,
mahalagang malaman kung gayon, kung sino ang mga ito, ano ang kanilang
mga bisnes, at ano ang kanilang track record sa industriya.
Gayumpaman, hindi mabubuo ang mga likhang- brodkast kung wala
ang mga propesyunal na prodyuser, direktor, manunulat, editor, production
designer, director of photography (DOP) o videograper, mga anawnser, mga
mamamahayag, mga aktor, teknikal direktor, music scorer, production
assistants, inhinyerong pambrodkast at pang-kompyuter, at marami pang
iba. Sila ang gulugod ng alinmang operasyong brodkast. Sa pagtukoy ng mga
tauhang ito, malalaman din marahil kung bakit iyon ang paksa at tema ng
likhang-broadkast, kung bakit ganoon ang estilo ng produksiyon, atbp.
Dahil ang Metro Manila ang sentro ng pulitika at kultura sa bansa,
dito matatagpuan ang pinakamaraming production networks, gaya ng GMA,
ABC, at maging ang ABS-CBN, na bagama’t hindi nabigyan ng prangkisa
para makapagpatuloy magsahimpapawid, ay patuloy pa rin sa pagbobrodkast
sa internet at cable. Maging sa radyo, ang mga punong-tanggapan ng
122 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
pinakamalalaking network ay nasa Kamaynilaan. Ang mga network na ito ay
may mga galamay sa lahat ng sulok ng bansa, at ang mga istasyon sa probinsiya
ay lagusan ng mga likhang-brodkast na galing sa Maynila, bagamat may mga
likha ring pinoprodyus sa mga lalawigan. Dahil nakasentro ang mga malaking
kompanyang nagpoprodyus ng mga programa sa midya, ang kultura at
pulitika mula sa sentro ng bansa ang lumalaganap sa mga rehiyon, at, mas
mahalaga, ang pangangailangan ng mga nasa sentro ang siyang nananaig sa
pagpoprograma ng mga malaking istasyon ng radyo at telebisyon.
Dahilan ng Paglikha
Ang magkakambal na puwersa ng pulitika at ekonomiya ang
nagpapatakbo ng brodkast. Sa ibang salita, ang dahilan ng patuloy na
paglikha ng mga programang naririnig at napapanood sa radyo at telebisyon
ay ang pagnanais ng may-ari ng midya na gamitin ang midya sa paghubog
ng kamalayan at opinyon ng madla at kumita nang malaki sa pag-eere ng
mga programang ito. Sa pagsisimula pa lamang ng brodkast, ito na ang mga
motibasyong nagpagulong sa industriya ng brodkast. Noong panahon ng
pananakop ng mga Amerikano, na siyang nagdala ng teknolohiya sa Pilipinas
noong dekada 1920, itinuring itong magaling na tagapagturo ng wikang Ingles
at musikang popular gaya ng jazz, at tindero ng mga inangkat na bilihin mula
sa Estados Unidos. Hindi agad kumita ang negosyo ng radyo sa mga unang
taon, ngunit nang mabilis na nahumaling ang madla sa pakikinig, umunlad
ang bagong industriya. Nang dumating ang mga Hapon noong Ikalawang
Digmaang Pandaigdig, hindi inalintana ng mga bagong mananakop ang
papel ng radyo bilang negosyo at sa halip ay ginamit ito bilang paraan para
maibaling ang kamalayan ng Pilipino mula sa kulturang Amerikano patungo
sa kulturang Hapones.
Makaraan ang digmaan, lumago ang industriya ng brodkast, lalo na
nang dumating ang telebisyon. Patuloy ang pagtingin dito bilang epektibong
kasangkapan sa paghubog ng kamalayan, bukod pa sa pagiging mainam na
negosyo. Sa panahon ng batas militar, unang iginapos ni Marcos ang midya,
kasama ang brodkast, upang makontrol ang mga nilalaman ng mga ito,
patunay na malaki at epektibo ang papel ng midya sa paghutok sa kaisipan
ng mamamayan. Matapos ang pag-aalsa laban kay Marcos, nakahulagpos
mula sa batas militar ang midya ngunit hindi sa kapangyarihan ng elit. Sa
kasalukuyan na laganap na ang digital midya, naging mistulang larangan
naman ng digmaan ang midya, lalo na ang internet, sa pagitan ng mga
nagbabanggaang bersiyon ng kasaysayan at katotohanan na kaugnay ng
banggaan ng mga partidong pampulitika.
Enriquez I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang Brodkast 123
Sa kabila ng lahat, hindi maikakaila ang pagsisikap at pagtatagumpay
ng hindi iilan na brodkaster na lumikha ng mga programang nakapagpapalaya
at nakapagpapataas ng kamalayan ng madla. Sa gitna ng paniniil sa maraming
panahon ng ating kasaysayan, napakinggan at napanood sa brodkast ang
pagtatanggol sa kultura at kapakanan ng mga Pilipino. Halimbawa, sa
panahon ng Amerikano, naigiit ang wika at awiting Filipino. Sa panahon ng
digmaan, may mga brodkast na lumaban sa propaganda ng mga Hapon. Sa
panahon ng batas militar, umusbong ang alternative media, at maging sa mga
“lehitimong” midya ay nakalusot ang mga programang nagdiin sa pasakit
na dulot sa bayan ng batas militar. Sa kasalukuyan, patuloy ang tunggalian
habang patuloy din ang paglikha ng brodkast ng mga pangkat na may iba’t
ibang layunin, pati ang layuning supilin ang malayang pag-iisip.
Ang brodkast ay daan din upang bigyan ng panibagong buhay o ibang
ekspresiyon ang mga naunang sining. Mahalagang idiin na ang mga bagong
pagtatanghal na ito ang naglapit sa maraming tradisyunal na sining sa mga
tagapakinig at manonood. Halimbawa, ang isinadulang maikling kuwento o
nobela ay higit na kinawiwilihan kaysa orihinal sa panitikan, at higit na mas
maraming naaabot dahil maaaring iilan lamang ang nakabasa ng orihinal na
likhang-panitikan. Hindi rin lahat ay kayang magbayad upang makapasok sa
teatro, sinehan, at konsiyerto, ngunit sa brodkast ay maaaring maranasan ang
galak ng panonood at pakikinig sa mga dulang pang-entablado, pelikula, at
konsiyerto ng musika at sayaw. Dahil sa brodkast, nararanasan ng madla ang
iba’t ibang sining sa pamamagitan ng himpapawid at/o internet.
Mga Impluwensiya mula sa Ibang Sining
Marapat idagdag na ang impluwensiya sa brodkast ng mga
tradisyunal na sining ay laganap sa pormat o anyo. Naisalin din sa mga
programa sa brodkast ang mga kamalayan tungkol sa ating kasaysayan at
kasalukuyang kalagayan, kolonyal man o anti-kolonyal. Nandiyan din ang
mga pananaw na minana sa tradisyunal na mga sining tulad ng patriyarkal na
pananaw sa kasarian at ang mga tropo (tropes) sa mga kuwento ng mahirap at
mayaman, pag-ibig at pagkamuhi, pangingibang-bayan, pagsamba sa Diyos,
atbp.
Humiram ang brodkast ng istorya, tauhan, tema, at iba pa sa
maraming likhang-sining, gaya ng panitikan, mga alamat at mito, teatro,
komiks, pelikula, mga brodkast mula sa ibang bayan, at ngayon sa online
media. Naging inspirasyon din ng mga programang brodkast ang tunay
na buhay, balita, at sosyo-politikal na konteksto ng lipunan, kasaysayan,
relihiyon, batas, medisina, atbp. Dagdag dito, hinuhubog ng mga puwersa
124 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
sa loob at labas ng industriyang brodkast ang mga brodkaster, ang istruktura
ng sistema ng programming, ang disenyo ng mga produksiyon, ang mga
kumbensiyon sa pagdidibuho at paggawa ng mga produksiyon, at maging ang
teknolohiya na gamit sa produksiyon. Halimbawa ng mga puwersang ito ang
pangangailangan ng prangkisa mula sa konggreso bago makapag-brodkast, at
ang pagkakaroon ng pamantayang teknolohikal na kailangang sundin upang
makalaban nang sabayan sa pandaigdigang larangan ng kulturang popular.
Ang mga impluwensiyang ito ay nagsasabay, naghahalo, at
minsa’y nagbabanggaan sa araw-araw na pagprodyus ng likhang-
brodkast. Halimbawa, ang isang tauhan ng telenobela ay maaaring
ginawang kombinasyon ng isang diwata mula sa mga alamat na katutubo
at superhero mula sa mga kanluraning komiks o pelikula, na binigyang-
buhay sa mga naratibong may tatak-Pilipinong pantasya, marubdob na
drama, at/o panunuyang nakatatawa. Hindi na iisa o malinis ang daloy ng
mga impluwensiya. Dati-rati’y tuwiran ang adaptasyon mula panitikan
patungong soap opera. Ngayon, halo-halo na at minsa’y sabay-sabay ang
impluwensiya ng mga sining sa likhang-brodkast, habang nagbabago hindi
lang ang teknolohiya at mga kumbensiyon ng paglikha, kundi maging ang
mga realidad at karanasan ng mga Pilipino.
Mga Impluwensiya ng Kalagayang Panlipunan
Sa maharayang paraan itinatampok ang kalagayang panlipunan,
maganda man o pangit, masaya man o masaklap, mapagpalaya man o
mapang-api. Mararamdaman ang mga tagumpay at pagkabigo, at patuloy
na pagpupunyagi ng mga nagbabanggaang interes. Damang-dama ito hindi
lamang sa balita, dokumentaryo, at mga talk show kundi maging sa mga
drama, sitcom, at iba pang genre.
Ang mga realidad ng lipunan ay nasasala, nabubura, minsa’y
napapaganda ng mga likhang-brodkast ayon sa ideolohiya, halagahin,
at paniniwala ng mga lumilikha nito, na basta tinatanggap at hindi na
sinusuri o kinukuwestyon. Halimbawa, makikita sa maraming sitcom at
drama ang mga halagahin tungkol sa ugnayan ng mga kasarian. Dito, hindi
pa lubos na napapalitan ang pananaw na maganda, mabuti, at normal ang
heteronormatibong relasyon. Itinuturing pa ring kasalanan at abnormal ang
mga relasyong labag dito, at binubura ang mga LGBTQ+ sa hanay ng mga
mahahalagang tauhan. Ngunit sa kabila nito, naisisingit, hayagan man o
padaplis, ang mga halagahing kontra sa umiiral na mga paniniwala.
Sa mga programa namang nagpapakita ng mga kontradiksiyon sa
pagitan ng mahirap at mayaman, madalas ay nabubura at winawalang-bahala
Enriquez I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang Brodkast 125
ang dahilan ng kahirapan, at idinidiin na pagsisikap at hindi katamaran,
at suwerte o kapalaran (halimbawa, pag-aasawa sa mayaman) ang daan
upang guminhawa ang buhay. Hindi maaaring banggitin na ang kawalan ng
pagkakapantay-pantay ang siyang tunay na dahilan ng kahirapan.
Bagama’t batbat ng pang-aliw ang laman ng brodkast, maraming
pagkakataong bumabalikwas at tumitindig ang mga brodkaster, isinasantabi
ang mga programang panlibang, upang isiwalat ang mga kalagayang
panlipunang maaaring gumising sa mga nahihimbing. Natunghayan ito
nang nagkaroon ng lakas ng loob ang brodkast na ipakita ang pagpaslang ng
rehimeng Marcos sa lider ng oposisyon na si Senador Ninoy Aquino, ang mga
pandaraya kaugnay ng makasaysayang snap election, ang pag-aalsa sa EDSA
noong 1986, at ang lagim na idinulot ng batas militar sa bayan na isiniwalat
ng mga dokumentaryo, talk show, at drama pagkatapos ng rehimeng Marcos.
Ganito ring lakas ng loob ang makikita sa mga pag-uulat na blow-by-blow at
live sa mga kudeta laban kay Presidente Cory Aquino, sa pagbabalita nang
live ng paglilitis sa senado ng isang pangulo ng bansa noong 2001 at punong
mahistrado ng Korte Suprema noong 2012; at walang takot na pag-uulat
tungkol sa pamamaslang sa libo-libong mga pinaghihinalaang gumagamit ng
bawal na gamot simula noong 2016.
PANGATLONG DULOG: ANG PAGSUSURI SA DATING NG LIKHANG-BRODKAST
Tatalakayin sa bahaging ito ang naging dating ng sinusuring
likhang-brodkast sa manonood at tagapakinig. Ang dating ay may kinalaman
sa estetika ng mga likhang-brodkast.
Estetika ng Brodkast at Dating sa Nakikinig, Nanonood, at Bumabasa
Ang mga teknikal na aspekto ng teksto ang sandigan ng estetika ng
brodkast. Nakasanayan na ng manonood at tagapakinig ang mga aspektong
ito kaya madali niya itong maunawaan at kagiliwan, at anumang pagbabago
ay mabilis niyang napapansin at sa kalaunan, natututuhan. Halimbawa, sa
drama, bahagi ng estetika ang kuwento, diyalogo, mga aktor, set, kulay, ilaw,
kasuotan, meykap, at props. Mahalaga kung paano kinunan ng kamera ang
mga eksena, paano ito i-frame, ang bilang ng gamit na kamera, ang disenyo
ng audio, paglapat ng musika at special effects. Dahil natutuhan na ng mga
tagapanood at tagapakinig ang mga kumbensiyong ito, alam na niya kung
paano basahin ang teksto – ang mga emosyon na ibig pukawin nito, ang mga
pananaw at halagahin sa lipunan, atbp.
126 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Isang batayan sa pagtukoy kung ano ang kinagigiliwan ng madla
ang ratings na sinusukat sa isang siyentipikong paraan. Naitatala ng ratings
ang bilang ng mga nanonood at nakikinig sa mga programa, at ang mga
programang may mataas na ratings ang itinuturing na gusto ng madla, kaya
ito ang sinusuportahan ng adbertaysing. Dahil negosyo ang brodkast at
pinagkakakitaan nang malaki ang mga patalastas, ginagaya ng mga manlilikha
ang mga programang mataas ang rating upang makatiyak na tatangkilikin
ang kanilang produksiyon ng madla. Dahil dito, madalas na nauuwi sa mga
pormula ang pagprodyus ng mga programa.
Ngunit hindi rin laging mapagkakatiwalaan ang ratings. Nang
isinahimpapawid ang telenobelang Marimar mula sa Mexico noong
1994, binago nito ang subok nang pormula ng mga drama sa telebisyon, at
masiglang tinanggap ng madla ang bagong estetikang dala ng inangkat na
programa. Bago sumambulat ang Marimar sa himpapawid, mabagal ang
daloy ng mga drama sa radyo at telebisyon at isa lamang ang tinutumbok na
problema sa kuwento, kahit gaano ito kahaba at kahit tumanda na ang mga
tauhan. Ngunit sa Marimar, mabilis ang mga pangyayari at maraming mga
tauhan sa kuwento na may kaniya-kaniyang naratibo. Pinatunayan nito na
maaaring magkaroon ng bagong estetika na maiibigan ng madla, na hindi
nahulaan ng mga ratings.
Maliban sa ratings, pinagbabatayan din ng mga istasyon ang mga
saliksik at konsultasyon na ginagawa kapag bumubuo ng mga kakaibang
ideya o konsepto para sa mga bagong programa. Ginagawa ito sa pamamagitan
ng focus group discussion. Sa pamamagitan nito, natutukoy ang mga uri
ng programang aakit sa mga manonood at tagapakinig, at siyempre, mga
adbertayser na rin. Sa pamamagitan ng mga ganitong saliksik, natutuklasan
din ang dating ng mga palatuntunan sa tagapakinig at manonood at ito
ang nagiging batayan ng ilang pagbabago sa nilalaman ng palatuntunan.
Halimbawa, nababago ayon sa feedback ng mga manonood ang mga tambalan
sa pag-ibig at kahit katapusan ng mga drama.
Nitong panahon ng pandemya, lalo na sa mga kalunsuran,
napatunayang karamihan ay nanonood at nakikinig nang sabay sa telebisyon
at internet (ang tinatawag na cross-platform). Ito ay may ibang uri ng dating
dahil sabay-sabay na pinanonood ang magkakaibang genre at pormat hindi
lang mula sa loob ng bansa kundi maging mula sa ibang kultura, dahilan
upang paghambingin ang mga likhang-sining. Mapapansin na may epekto
ang cross-platform na panonood sa estetika ng mga naratibo ng mga likhang-
sining na pinoprodyus ng mga brodkaster sa loob ng bansa.
Enriquez I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang Brodkast 127
Mga Pagkilala at Gawad sa Brodkast
Maraming organisasyong kumikilala sa mga programang itinuturing
na may mataas na antas ng kasiningan at silbi sa bayan. Nasa sumusunod na
listahan ang pinaka-prestihiyoso sa mga gawad na ito, kabilang ang ilan mula
sa ibang bansa:
1. Gawad CCP para sa Telebisyon, mula sa Cultural Center of
the Philippines, na ipinagkaloob noong 1987 hangang 1999.
Mapapansing hindi nakabilang ang brodkasting sa kinikilalang
sining noong panahon ng batas militar nang ang sining at kultura ay
bilanggo ng elitistang mataas na sining (high art) na kinatawan noon
ng CCP. Matapos ang himagsikang EDSA, lumawak ang pagturing
sa sining at kinilala ng CCP ang mga sining ng pang-araw-araw na
buhay ng karaniwang mamamayan, gaya ng mga mahuhusay na
programa sa telebisyon. Ilan sa mga tumanggap ng premyong ito
ang mga programang Aawitan Kita; Ating Alamin; Batibot; Isip
Pinoy; Public Forum; Straight from the Shoulder; Sic O’Clock
News; Handog ng PETA; Bayani; Maalaala Mo Kaya; Ryan, Ryan
Musikahan; The Probe Team; Sine ‘Skwela; Hiraya Manawari;
Mongolian Barbecue; at Abangan ang Susunod na Kabanata.
Ginawaran din ang mga artista ng midya na sina Marilou Diaz-
Abaya, Al Quinn, Randy David, Jessica Soho, Fr. James Reuter, at
Cheche Lazaro.
2. Gawad CCP para sa Radyo, mula sa Cultural Center of the
Philippines, na ipinagkaloob noong 1989 hanggang 1999. (Basahin
ang paliwanag sa itaas tungkol sa parangal na ito.) Ilang halimbawa
ng mga tumanggap ng premyong ito ang mga programang Drama
Filipina, Yukbo sa Musika, at Salamin sa Kaliwat, samantalang si
Koko Trinidad ay binigyan ng Natatanging Parangal sa Radyo.
3. Gawad Plaridel, ang pinakamataas na pagkilalang ibinibigay ng
Unibersidad ng Pilipinas sa mga natatanging alagad ng midya sa ating
bansa, na sinimulang ipagkaloob nang taunan noong 2004. Layunin
ng parangal na patunayang mayroon pa ring tapat at propesyunal na
manggagawa sa industriya ng midya sa kabila ng hindi na gaanong
magandang tingin ng taumbayan sa maraming media practitioners
dahil sa kakulangan ng propesyunalismo at integridad, at kawalang
malasakit sa taumbayan. Kabilang sa mga brodkaster na tumanggap
ng Gawad sina Fidela “Tiya Dely” Magpayo, Cheche Lazaro, Eloisa
Cruz-Canlas, Rosa Rosal, Babes Custodio, Tina Monzon-Palma, at
Jessica Soho.
4. The Golden Dove Awards, mula sa Kapisanan ng mga Brodkaster
ng Pilipinas (KBP), na ipinagkaloob mula 1991 hanggang sa
128 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
kasalukuyan. Layunin ng parangal na kilalanin ang mga natatanging
istasyon ng telebisyon at radyo, mga programa, at brodkaster. Mga
kaanib lamang ng KBP ang maaaring hirangin upang tumanggap
ng parangal na ito. Ilang halimbawa ng mga tumanggap ng
premyong ito ang mga istasyong DZRH, GMA, at ABS-CBN, at mga
programang The World Tonight, Viewpoint, Batibot, at Tropang
Rad’Yo (DZUP).
5. Catholic Mass Media Awards for Radio and Television (CMMA),
mula sa Arsobispo ng Maynila, na sinimulang ipagkaloob noong
1978. Pinahahalagahan ng parangal ang kakayahan ng midya na
palaganapin ang Kristiyanismo, ngunit kinikilala rin ang ambag
ng midya sa pangkalahatang pag-unlad ng tao, kaya hindi lahat ng
pinararangalan ay Katoliko. Ilang halimbawa ng mga tumanggap ng
premyong ito ang mga programang Gulong ng Palad, Concert at
the Park, Kahapon Lamang, Panagimpan, at Pitlag: Kuwento ng
Buhay, Isyu ng Bayan.
6. Citizens’ Award for Television (CAT), mula sa Citizens’s Council for
Mass Media, na ipinagkaloob noong 1965 at natigil sa taong idineklara
ang batas militar. Bagama’t hindi ito binuhay muli, nananatili ito sa
alaala ng mga nasa brodkast bilang isa sa mga naunang parangal
sa telebisyon. Ilang halimbawa ng mga tumanggap ng premyong
ito ang mga programang An Evening with Pilita, The Big News,
Balintataw, Salamisin, Panagimpan, Kuwentong Kutsero, at The
Nida-Nestor Show, at mga manlilikhang kinabilangan nina Mitos
Villareal, Lupita Aquino-Concio, Marlene Dauden, Dely Magpayo,
at Ading Fernando.
7. The New York Festivals for Radio and Television: Gold, Silver, and
Bronze World Medals; the UNESCO Prize; International Award
for TV Programming and Promotion; International Broadcasting
Awards. Ang NYF ay pandaigdigang paligsahan ng mga
pinakamagaling na likha sa radyo, telebisyon, pelikula, adbertaysing,
at marketing mula sa mga istasyon ng brodkast, network, at mga
prodyuser ng pelikula. Kabilang sa mga programa sa brodkast sa
Pilipinas na tumanggap ng pagkilalang ito ang Pitlag: Kuwento ng
Buhay, Isyu ng Bayan; I-Witness para sa“Boy Pusit”; Reporter’s
Notebook para sa “Batang Kalakal”; Front Row para sa “Amyotrophic
Lateral Sclerosis”; Tropang Pochi; Bantay Bata 10th Anniversary
Special; The Correspondents; Abangan ang Susunod na Kabanata;
at Storyline.
8. Asian Television Awards/Asia Radio-TV Awards mula sa Singapore
Broadcasting Corporation. Layon ng parangal na itangi ang mga
programa at brodkaster sa Asya na lumalayo sa dominanteng
telebisyon ng Estados Unidos at Europa. Kabilang sa mga programa
Enriquez I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang Brodkast 129
sa brodkast sa Pilipinas na tumanggap ng pagkilalang ito ang Saksi,
5 & Up, Bubble Gang, I-Witness para sa “Buto’t Balat,” Eat Bulaga!
Silver Anniversary Special, at Reporter’s Notebook para sa “Giyera
sa Lebanon,” at gayundin ang mga brodkaster at manlilikha na sina
Boy Abunda para sa The Bottomline with Boy Abunda, Chin Chin
Gutierrez, Cherie Pie Picache, Melinda, Roderick Paulate, Raymond
Bagatsing, Aiza Seguerra, Michael V, Desaparacido, Eula Valdes,
Nonie Buencamino, at Gina Pareño.
9. Asia-Pacific Child Rights Award mula sa United Nations
International Children’s Emergency Fund (UNICEF). Pinararangalan
nito ang pinakamahusay na programa sa Asya-Pasipiko na nakatuon
sa mga karapatan ng mga bata. Kabilang sa mga tumanggap ng
premyong ito ang mga programang I-Witness para sa “Selda
Inosente” at “Mga Batang Kalabaw,” The Correspondents para sa
“Batang Preso,” Reel Time para sa “Salat,” at Front Row para sa
“Ulilang Lubos.”
10. The Prix Jeunesse International mula sa Prix Jeunesse Foundation,
na naglalayong pasiglahin ang pagprodyus ng mga programa para
sa mga bata. Ito ay binubuo ng mga organisasyon mula sa Hilagang
Europa, kabilang ang United Nations Educational, Scientific, and
Cultural Organization (UNESCO), na isinusulong ang kapakanan
ng mga bata at nagbibigay ng pagsasanay sa mga manggagawang
lumilikha ng midya para sa mga bata. Ang mga palatuntunan mula
sa Pilipinas na nakatanggap ng pagkilalang ito ay ang 5 & Up, Sine
‘Skwela, at Salam.
PANG-APAT NA DULOG: ANG PAGTUKOY SA SAYSAY NG LIKHANG-SINING
AT TIMBANG NITO SA KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Mahalagang pag-aralan ito kung iisiping halos isandaang porsiyento
ng mga Pilipino ngayon ang nakikinig sa radyo at nanonood ng telebisyon, at
tinatayang 73 porsiyento ang nasa internet -- ang karamihan sa pamamagitan
ng mobile phones -- at karamihan ay nakatutok sa social media, gaya ng
Facebook, Twitter, at Instagram, at mga streaming sites, gaya ng YouTube.
Hindi nakukulong sa bansa ang abot ng ating panonood, pakikinig, at
pagbabasa, at hindi rin halos nalilimitahan ang dumarating na mga teksto sa
atin sa pamamagitan ng internet.
Sa kasalukuyan, ano ang ipinapahayag na pananaw at mga halagahin
ng likhang-sining ng brodkast? Hindi iisa o nakahanay sa magkakatulad na
halagahin at pananaw ang ipinapahayag ng brodkast. Maraming punto-de-
bista ang nakapaloob dito, at batbat ng tunggalian ng mga nagbabanggaang
130 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
diskurso, lalo na nitong nakaraang dekada hanggang sa kasalukuyan.
Naglipana sa mga espasyo ng brodkast ang kasinungalingan, pagbaluktot
sa kasaysayan, at panlilinlang sa mga mamamayan, lalo na sa kabataan. Tila
naglaho na ang pagpipitagan sa isa’t isa.
Sa ganitong estado ng brodkast at maging ng lahat ng midya
sa kasalukuyan, kaninong interes ang nakikinabang? Walang dudang sa
ngayon, ang mga may tangan sa kapangyarihan ng estado at ekonomiya ang
nakikinabang. Ngunit kung pagbabatayan ang kasaysayan, makikitang ito rin
ang mga kondisyong nagpapabalikwas sa taong bayan. Sa madaling salita,
nagugulumihanan man at lito ang kamalayan ng marami sa kasalukuyan,
pagdaan ng ilang panahon ay titining ang kamalayan at titibay ang pasiyang
isiwalat at iwasto ang mga likong propaganda. Noong panahon ng batas
militar, matagumpay na nasupil ang midya sa mga unang taon, ngunit ang
patuloy na pagiging alumpihit nito ay nauwi sa pag-aalsa. Ang brodkast ang
may malaki at nagniningning na papel sa tagumpay ng EDSA.
Sa ngayon, ano ang epekto sa manonood, tagapakinig, at
mambabasang Pilipino ng kahila-hilakbot na kalagayan ng brodkast at
kabuuang midya? Nahahati ang bayan. May mga namamayagpag dahil sa
wari nila’y matatag ang lagay nilang mga buktot. Sa kabilang banda, maraming
nalilito, nalulungkot, nagagalit, at nanlulumo. Ngunit marami rin ang hindi
nawawalan ng pag-asang lulutang muli ang katotohanan. Hindi monolithic
ang brodkast o kalakhang midya, kaya dito ay laging may binhi ng paglaban
sa kabalintunaan, gaya ng patuloy na paglaban ng Rappler, Bulatlat, at
AlterMidya sa pamamahalang awtokratiko.
Kung gayon, nakatutulong ba o hindi ang brodkast upang maabot ng
Pilipino ang kaganapan ng kaniyang pagkatao sa lahat ng antas ng kanyang
pagkatao? Sa partikular, nagagawa bang ipagsanggalang, itaguyod o patibayin
ng brodkast ang mga karapatang pantao ng manonood na Pilipino (Tiongson
2022) Sa kasamaang palad, sa kasalukuyan, ang brodkast ay kinakasangkapan
sa pagsupil at pagpapahina sa karapatang pantao, kabilang ang karapatan
sa malayang pamamahayag, ang karapatan ng taumbayan na magkaroon
ng isang pamahalaang naglilingkod sa interes ng nakararami sa halip na
interes ng iilang elit, ang karapatang mabuhay at makabuhay ng pamilya, ang
karapatang pumili ng makakasama sa buhay anuman ang kaniyang kasarian
o gender, at iba pang karapatang humahamon sa paniniwala at pamahahala
ng mga nasa poder.
Nahaharap tayong muli sa nakagigimbal na kalagayan ng bayan, at
may banta na naman sa kalayaang lumikha ng sining, kabilang ang brodkast.
Enriquez I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang Brodkast 131
Ngunit hindi titigil ang mga manlilikha na ipagtanggol ang mga karapatang
pantao ng mga Pilipino upang maabot ng lahat ang antas ng kamalayang
mangangalaga sa kanilang kapakanang pisikal, intelektuwal, ispirituwal,
pulitikal, pangkabuhayan, sosyal at kultural. Mahina man ang kamalayang ito
ngayon sa harap ng matinding hamon sa hanay ng mga brodkaster, walang
alinlangang ang binhi ng paglaban at paninindigan ay muling sisibol. Gaya
ng nasabi na, sa iba-ibang paraan ay iginigiit ng brodkast ang Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO. Isiningit nila ang sariling wika at musika sa brodkast
sa panahon ng magkasunod na pananakop ng Amerika at Hapon. Sa panahon
ng batas militar, unti-unting sumulpot at lumakas ang pagtutol sa diktadura
sa mga talk show at programang balita at public affairs sa brodkast at sa mga
programa ng iba pang midya.
Narito ang ilang paraan ng pagsusuri sa likhang-sining na makatutulong
upang matukoy ang saysay nito sa lipunan:
1. Diskurso at Ideolohiya (Discourse and Ideological analysis) –
Itatanong ng kritiko kung ano ang mga kahulugan, pagpapahalaga,
at angking realidad na isinusulong ng teksto. May nangingibabaw
ba o pribilehiyado sa diskursong ito? At may naaapi ba o dehado
sa kaayusang ito? Anong partikular na diskurso sa teksto ang
tinatanggap bilang “sentido kumon,” na hindi kinukuwestiyon.
Sa kabilang banda, may paghamon ba sa teksto sa ideolohiyang
isinusulong nito? Halimbawa, sa variety o reality show, anong mga
diskurso ang nananaig? Meron bang gumugulo sa diskursong ito?
2. Feminismo at Kasarian (Feminism and Gender) – Layunin ng
kritikong punahin kung paanong pinaninindigan ng teksto ang
tradisyunal na pagtingin sa kababaihan at LGBTQ+ (lesbian gay
bisexual trans queer atbp.), na naglalagay sa kanila sa posisyong
mababa o sakop ng dominanteng kasarian – ang mga kalalakihan.
Samantala, maaari ring hanapin ng kritiko kung paanong nilalabanan
ng teksto ang kaayusang ito.
3. Teoryang Marxismo (Marxist Theory) – Sa teoryang ito, sinusuri
ng kritiko kung isinusulong o binabatikos ng teksto ang tunggalian
ng mga uri, at ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ng mga uri
sa isang sistemang kapitalista na nagbibigay-kapangyarihan at
pribilehiyo sa elit na may-ari at may kontrol ng lahat ng kayamanan,
habang ang mga uring manggagawa, dahil walang pag-aari, ay
napipilitang ibenta ang kanilang paggawa o labor upang mabuhay.
4. Political Economy – Madalas gamitin ito sa pagsusuri ng balita
ngunit maaring gamitin din sa lahat ng teksto. Dito sinusuri ang
papel ng kapangyarihang pampulitka at pang-ekonomiya sa pagbuo
ng teksto. Halimbawa, paano ibinabalita ang isang pangyayaring
132 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
maaaring makasamâ sa reputasyon ng negosyo ng may-ari ng
istasyon? Ano ang epekto ng adbertaysing sa pagbuo ng balita?
Sino ang madalas na kinakapanayam sa mga balita? Nagagawa bang
isingit sa mga puwang ng teksto ang paglaban sa kaayusang ito?
5. Postkolonyal na Pagsusuri (Postcolonial Criticism) – Ano ang
nasa teksto na palatandaan ng kultura ng mananakop, na patuloy
na minamaliit ang ating kakanyahan? Halimbawa, ano ang
ipinahihiwatig ng mga teksto tungkol sa konsepto ng kagandahan?
Bakit halos lahat ng mga aktor, lalo na ang mga babae, ay mestisa,
maputi, matangos ang ilong, at matangkad? Ito pa rin ba ang sukatan
natin ng kagandahan? Ano ang kalagayan ng mga kababayan nating
nasa ibang bansa ? Paano inilalarawan ang mga etnikong grupong
malayo sa sentro? Paano sinasalungat o binabago ng teksto ang mga
minanang kulturang kolonyal?
Sa pamamagitan ng mga mungkahing paraan ng pagsusuri, mas madaling
matanto kung ano ang saysay ng likhang-sining sa lipunan at sa pananaw ng
Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
MGA SANGGUNIAN
Chomsky, Noam. 2017. The 5 Filters of the Mass Media Machine. (Marso 2).
https://www.youtube.com/watch?v=34LGPIXvU5M
Cultural Center of the Philippines Encyclopedia of Philippine Art. 2017. (10:
Broadcast Arts). Nicanor G. Tiongson (punong editor). Elizabeth
L. Enriquez at Eulalio Guieb II (mga area editor). Manila: Cultural
Center of the Philippines.
Gender in Ads: Gender Representation in Philippine Advertising, by AusAid
Investing in Women. (w.t.) https://investinginwomen.asia/wp-
content/uploads/2020/04/Gender-in-Ads-Full-Report.pdf
Ideological Analysis: Method of Rhetorical Criticism, by the VCG. (w.t.)
https://thevisualcommunicationguy.com/2017/08/04/ideological-
analysis-method-of-rhetorical-criticism/
McKee, Allan. 2003. Textual Analysis: A Beginner’s Guide. London: Sage
Publications.
Enriquez I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang Brodkast 133
O’Donnell, Victoria. 2013. Television Criticism. Ed. 2. London: Sage.
Philippine Statistics Authority. 2020. “Functional literacy rate of Filipinos by
exposure to different forms of mass media ranges from 92.6 percent
to 97.1 percent in 2019.” (Disyembre 28.) https://psa.gov.ph/people/
education-mass-media
Ryan, Michael. 2012. An Introduction to Criticism: Literature/Film/Culture.
Wiley-Blackwell.
Tiongson, Nicanor. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO: Apat
na Dulog sa Pagsusuri ng Likhang-Sining na Pilipino.” Ikalawang
DESK-TP Masterklas sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-
TAO para sa PUP. Agosto 10. Sa librong ito.
134 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
“Katapusang Hibik ng Pilipinas” (1896) ni Andres Bonifacio
Larawan 1: The Writings and Trial of Andres Larawan 2: Andres Bonifacio (1863-1897)
Bonifacio (1963) ni Teodoro A. Agoncillo
Larawan 3: Carlos "Botong" Francisco, Pagsisimula ng Himagsikan, mula sa History of Manila,
Manila City Hall (Nasa National Museum na ngayon).
135
Enriquez I Mga Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang Brodkast
Indigo Child (2016) ni Rody Vera
Direksiyon ni Jose Estrella Produksiyon ng CCP, Tanghalang Pilipino, at The Writers Bloc
Larawan 1: Si Skyzx Labastilla bilang Felisa (kaliwa), at si Rafael Tibayan bilang Jerome (kanan)
Larawan 2: Tagpo mula sa Indigo Child (2017)
(Sa kagandahang-loob ng Tanghalang Pilipino)
Larawan 3: Tagpo mula sa Indigo Child (2017)
136 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Fermata (2022) ni Dustin Celestino
Direksiyon ni Guelan Luarca Produksiyon ng CCP, Tanghalang Pilipino, at The Writers Bloc
Larawan 1: Tagpo mula sa aktuwal na pagtatanghal
Larawan 2: Si Basti Artadi bilang Alex (kaliwa), at si Xander Soriano bilang Ben (kanan)
(Sa kagandahang-loob ng Tanghalang Pilipino)
137
“80s for 80” ng Adamson Pep Squad (2017)
Larawan 1: Makapigil-hiningang piramid na may taas na two-and-a-half
Larawan 2: Suot ang malalaking shades na kahugis ng kambal na bituin, kasama ang disco ball
(Sa kagandahang-loob ni Arvin Lim at ng Adamson Archives)
138 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
“Masdan mo ang Kapaligiran” ng Asin at “Sirena” ni Gloc9
Larawan 1: Masdan mo ang Kapaligiran (1978) Larawan 2: Mga Kuwento ng Makata (2012)
Vicor Records Universal Records
Larawan 3 Larawan 4
Mga eksena mula sa simula at pagtatapos ng music video ng kantang Sirena ni Gloc 9
Direksiyon ni J. Pacena II Produksiyon ng Hub 2.0
139
Bahay ni Apolinario Mabini sa PUP Sta. Mesa, Maynila
Larawan 1: Patsada at mga hagdan ng Bahay ni Mabini
Larawan 2: Sala ng Bahay ni Mabini na may sahig na kawayan at kisameng sawali
(Sa kagandahang-loob ni Stanley Gullab, 2022)
140 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
“Ninuno VIII” (1976-1979) ni Imelda Cajipe-Endaya
Larawan 2: Mga Bisaya Larawan 1: Doctrina Larawan 3: Mga tagalog
sa Boxer Codex (ca 1590) Christiana (1593) sa Boxer Codex (ca 1590)
Larawan 4: Ninuno VIII (1976-1979) ni Imelda Cajipe-Endaya
(Sa kagandahang-loob ni Imelda Cajipe-Endaya)
141
“Juan for All, All for One” ng Eat Bulaga (Abril 1, 2022)
Larawan 1: Segment Banner
Larawan 2: Interbyu sa napiling contestant Larawan 3: Partisipant, Vic Sotto at mga Studio Hosts
142 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Larawan 4: Bayanihan of d’ Pipol
142
Giselle S. Cabrera
PAGGALUGAD SA LOÓB, LÍGID,
AT LÁLIM NG TULANG
“KATAPUSANG HIBIK NG PILIPINAS”
NI ANDRES BONIFACIO
PANIMULA
M
adalas marinig sa mga kritiko at iskolar ng literatura na ang
panitikan ay salamin ng lipunan. Ayon kay Jun Cruz Reyes (1985,
79), “Malimit gamitin ang konseptong ang literatura raw ay tulad ng
salamin na nagbibigay ng repleksiyon sa larawan ng lipunan sa panahong ito’y
naisulat. Samakatwid, ang imaheng doo’y lumalabas ang katotohanang dapat
na nasisilip.” Isa sa mga tulang sumalamin sa mapagpasiyang mga pangyayari
sa bansa sa pagtatapos ng rehimeng Espanyol ang tulang “Katapusang Hibik
ng Pilipinas” (1896) ni Andres Bonifacio. (Tingnan ang mga larawan sa
pahina 135.)
Susuriin ng sanaysay na ito ang makasaysayang tula, gamit ang
pamamaraang iminungkahi ng mga konsepto ng Loób, Lígid, at Lálim ni
Galileo Zafra, Dating ni Bienvenido Lumbera, at Sining at Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO ni Nicanor Tiongson.
Narito ang tula mula sa libro ni Teodoro Agoncillo na The Writings
and Trial of Andres Bonifacio (1963, 75-7). Nilagyan namin ng numero ang
bawat linya at bawat saknong para mas madaling tukuyin sa pagsusuring
gagawin.
Katapusang Hibik ng Pilipinas
ni Andres Bonifacio
1 1 Sumikat na Ina sa sinisilangan
2 ang araw ng poot ng katagalugan,
143
3 tatlong daang taong aming iningatan
4 sa dagat ng dusa ng karalitaan.
2 5 Walang isinuway kaming iyong anak
6 sa bagyong masasal ng dalita’t hirap,
7 iisa ang puso nitong Pilipinas
8 at ikaw ay di na Ina naming lahat.
3 9 Sa kapuwa Ina’y wala kang kaparis
10 ang layaw ng anak dalita’t pasakit;
11 pag nagpatirapang sa iyo’y humibik
12 lunas na gamot mo ay kasakit-sakit.
4 13 Gapuring [?] mahigpit ang mga tagalog
14 makinahi’t ibiting parang isang hayop;
15 hinain sa sikad, kulata at suntok,
16 ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?
5 17 Ipabilanggo mo’t sa dagat itapon
18 barilin, lasunin nang kami’y malipol,
19 sa aming tagalog ito bagay hatol,
20 Inang mahabagin sa lahat ng kampon.
6 21 Aming tinitiis hanggang sa mamatay
22 bangkay ng mistula ayaw pang tigilan
23 kaya kung ihulog sa mga libingan
24 linsad na ang buto’t lamuray ang laman
7 25 Wala nang namana itong Pilipinas
26 na layaw sa Ina kundi nga ang hirap
27 tiis ay pasulong, patente’y nagkalat
28 recargo’t impuesto’y nagsala-salabat.
8 29 Sari-saring silo sa ami’y iniisip
30 kasabay ang utos tutuparing pilit
31 may sa alumbrado bayad kami’y tikis
32 kahit isang ilaw ay walang masilip.
9 33 Ang lupa at bahay na tinatahanan
34 bukid at tubigang kalawak-lawakan
35 at gayon din naman mga halamanan
36 sa paring kastila ay binubuisan.
144 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
10 37 Bukod pa sa rito’y ang iba’t iba pa
38 huwag nang saysayin oh Inang Espanya
39 sunod kaming lahat hanggang may hininga
40 tagalog di’y siyang minamasama pa.
11 41 Ikaw nga oh Inang pabaya’t sukaban
42 kami di na iyo saan man humanggan
43 ihanda mo, Ina, ang paglilibingan
44 sa mawawakawak na maraming bangkay.
12 45 Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog
46 ang barila’t kanyon katulad ay kulog
47 ang sigwang masasal ng dugong aagos
48 ng kanilang bala na nagpapamook.
13 49 Di na kailangan sa Espanya ang awa
50 na mga tagalog oh! Inang kuhila
51 paraiso namin ang kami mapuksa
52 langit mo naman kung kami madusta.
14 53 Paalam na, Ina, itong Pilipinas,
54 paalam na, Ina, itong nasa hirap,
55 paalam, paalam, Inang walang habag,
56 paalam na ngayon, katapusang tawag.
LOOB: ANG “KATAPUSANG HIBIK NG PILIPINAS” BILANG LIKHANG-SINING
Mahihinuha sa mga linya ng tula na ang personang nagsasalita ay
ang Pilipinas bilang anak ng Espanya. na siya namang tinatawag na ina. Ang
pangunahing tema ng tula ay ang pagtatakwil ng anak sa ina, sapagkat hindi
ito naging mabuting ina.
Nagtataglay ang tula ng labing apat (14) na saknong, na may tig-
aapat na linya kada saknong at labindalawang (12) pantig kada linya. Ang
bawat linyang lalabindalawahin ay nahahati ng caesura sa dalawang bahagi na
may tig-aanim na pantig. Ginamit sa mga saknong ang tugmaang katinig at
patinig. Dalawa ang uri ng tugmaang katinig: malakas at mahina, samantalang
isa lamang ang uri ng tugmaang patinig: ang malumay. Ang mga saknong na
1, 2, 3, 4, 7, 8, 14 ay tugmaang katinig at malalakas, dahil nagtatapos ang
huling salita ng linya sa b, k, d, g, p, s, at t. Ang mga saknong na 5, 6, 9, 11,
at 12 naman ay may tugmaang katinig pero mahina, dahil nagtatapos ang
huling salita ng mga linya sa l, m, n, ng, r, w at y. Ang saknong 10 at 13 ay
may tugmaang patinig na malumay.
Cabrera I “Katapusang Hibik ng Pilipinas” 145
Sa saknong 1, ginamit ang metapora ng isang bukang-liwayway,
pero ang bukang-liwayway na ito ay may dalang karahasan. Matapang na
pinagsasabihan ng anak ang ina na lumabas at sumisikat na, mula sa tatlong
daan taong pagkakatago sa dagat, “ang araw ng poot” ng “katagalugan.”
(Sinasaklaw ng katagalugan hindi lamang ang mga Tagalog kundi ang lahat
ng mga katutubong mamamayan sa Pilipinas). Sa paggamit ni Bonifacio
ng metapora ng bukang-liwayway, ipinahihiwatig niya na ang pagsikat ng
matinding galit ng mga Pilipino -- ang himagsikan -- ay itinakda ng panahon
at, tulad ng araw na isinisilang sa bawat umaga, ay hindi na mapipigilan. Ito’y
sapagkat nalugmok, naghintay, at nabuo ang araw na ito sa daan-daantaong
kadiliman ng paghihirap.
Sa saknong 2, sinasabi ng anak na kahit sa gitna ng napakalakas na
pagbayo sa mga Tagalog ng mga pasakit ay sinunod pa rin nila ang kagustuhan
ng kanilang Ina. Pero ngayon ay buo na ang pasiya ng mga taumbayan --
itinatakwil na nila ang Espanya bilang Ina. Sa madaling salita, pinalalayas na
ng mga Pilipino ang Kastila sa Pilipinas.
Sa saknong 3, ibinibigay ng ina ang dahilan kung bakit itinatakwil
na niya ang kaniyang ina. Iya’y dahil kabaligtaran siya ng karaniwang ina, na
kapag humibik ang anak na nasasaktan ay agad na dinadaluhan ang anak para
mahimasmasan ang dinaramdam na sakit. Kabaligtaran ang Espanya, dahil
miyentras nagmamakaawa (“nagpapatirapa”) ang anak na siya’y tulungan ay
lalo lamang binibigyan ang anak ng higit pang pahirap.
Sa saknong 4, sisimulan ang litanya ng mga pahirap na idinulot ng
mga Kastila sa mga Pilipino. Sa saknong na ito ang pokus ay ang iba-ibang anyo
ng toryur na ginagawa ng mga Kastila at guwardiya sibil sa mga mamamayang
pinarurusahan: ginagapos ng lubid ang mga kamay, sinisipa nang malakas,
binibigwasan, sinusuntok sa iba-ibang bahagi ng katawan hanggang sa
manghina, ibinibitin nang patuwad, at higit sa lahat, kinukuryente sa iba-
ibang bahagi ng katawan Ayon kay Teodoro Agoncillo, ang pahirap na ito ay
pinatunayan ng mga matandang nakapanayam niya noon. Aniya (1963, 10):
We took the liberty at translating makinahi’t (makinahin at) as
tortured with electric wires. Some of the veterans of the Revolution
and many old men and women testified that during that time to be
tortured with live electric wires was described as makinahin.
Magwawakas ang saknong sa pagtatanong ng persona sa ina kung ito ba ang
uri ng pagmamahal ng Espanya sa kaniyang mga anak na Pilipino.
Sa saknong 5, ang tutukuyin naman ay ang dalawang paraan ng
pagpatay sa mga pinarurusahang Pilipino: ang pagtapon sa dagat matapos
ibilanggo at ang paglason sa kanila nang maramihan. Muli isusumbat ng anak
na may tonong sarkastiko, kung ito ba ay “hatol” o pasiya ng isang “inang
mahabagin”?
146 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Sa saknong 6, isasaad ng anak na kahit patay na ang pinarurusahan
ay ayaw pa ring tigilan ang paghambalos sa bangkay, kaya bali-bali na ang
buto at “lamuray” na ang laman nito kung ilibing. Labis-labis ang galit ng
nagpaparusa sa pinarurusahan.
Sa saknong 7, isusumbat naman ng anak na walang naipamanang
kabutihan o kayamanan ang ina sa anak. Sa halip panay pahirap ang ipinataw
ng Inang Espanya sa kaniyang mga anak, sa partikular, ang iba-ibang uri ng
buwis na nagkakapatong-patong na. Ang patente ay buwis na napupunta sa
simbahan, ang impuesto ay karaniwang buwis, at ang recargo ay surchange
o karagdagang multa pag hindi nabayaran ang buwis. Pagtitiis lang ang
sumusulong.
Sa saknong 8, tutukuyin ang iba-ibang paraan na ginamit ng
gobyernong Kastila para mapagkakitaan ang taumbayan, kasama na rito ang
bagong buwis na sinisingil para sa paggamit ng koryente, pero wala naman
daw masilip na ilaw. Gayunman, ang lahat ng ipinapataw ay buong higpit na
ipinatutupad ng gobyerno sa mamamayan.
Sa saknong 9, ilalahad ng anak ang isa pang pinapasan ng mamamayan
– ang paghahari ng mga prayle. Pag-aari nila ang malalawak na bukid na
taniman ng palay, ang taniman ng mga punongkahoy at gulay, at pati ang lote
at bahay ng mga taumbayan kaya yumayaman sila sa renta ng lahat ng ito.
Mapapansing masama ang loob ng anak sa ganitong pangyayari sapagkat sa
panahong iyon, marami sa mga pag-aaring inaangkin ng mga korporasyong
prayle ay inagaw sa orihinal na mga may-ari sa mga paraang ilegal at imoral –
sa pamamagitan ng landgrabbing at paggawa ng pekeng titulo.
Sa saknong 10, sasabihin ng anak marami pang ibang pasakit na
dinaranas ng taumbayan, pero sa kabila ng lahat ng ito, sumunod ang anak
sa kagustuhan ng Ina pero siya pa ang minasama ng ina. Tinukoy dito ang
ugali ng mga Kastila na isisi sa mga karaniwang mamamayan ang kawalan
ng progreso at ang kahirapan sa Pilipinas. Isa na sa kanilang ginagamit na
dahilan ay ang katamaran umano ng mga Pilipino, na pinabulaanan ni Rizal
sa kaniyang sanaysay na “Sobre la Indolencia de los Filipinos.”
Sa saknong 11, sasabihan ng anak ang Espanya na ihanda na niya ang
libingan ng mga Kastilang mapapaslang ng mga maghihimagsik na Tagalog.
Sa saknong 12, ilalarawan ng anak ang pagsabog ng himagsikan.
Magkakaroon ng mabilis at masinsing barilan at pagputok ng mga kanyon
na waring kulog. Ito’y bahagi lamang ng malaking sigwa na kakikitaan ng
dugong bumabaha dahil sa mangyayaring digmaan. Ang liwanag na sasabog
dahil sa baril at kanyon ay nagpapagunita ng unang metapora ng liwanag ng
bukang-liwayway na hindi na mapipigil pa ang pagsikat.
Sa saknong 13, galit na sasabihin ng anak sa ina na hindi ito dapat
kaawaan dahil napatunayan na na ang talagang hangad at ligaya ng Espanya
ay ang pagpuksa sa mga Pilipino.
Cabrera I “Katapusang Hibik ng Pilipinas” 147
Sa huling saknong, ginamit ang literary device na anaphora sa pag-
uulit ng anak ng salitang “paalam” para ipagdiinan sa ina na ito na nga ang
katapusan ng kanilang ugnayan bilang mag-ina, pagkat siya’y inang “walang
habag.” Ang huling linya na “paalam na ina, katapusang tawag” ay waring
pintong sinasara sa mukha ng kuhilang ina magpakailanman.
LIGID: ANG KONTEKSTO NG PAGLIKHA
SA “KATAPUSANG HIBIK NG PILIPINAS”
Para lubos na maunawaan ang temang rebolusyunaryo ng
“Katapusang Hibik ng Pilipinas,” mahalagang kilalanin ang makatang sumulat
ng tula – si Andres Bonifacio. Isinilang siya noong ika-30 ng Nobyembre
1863 sa Tondo, Maynila. Panganay siya sa anim na anak nina Santiago
Bonifacio at Catalina de Castro. Nang naulilang ganap ang magkakapatid,
siya ang kumalinga sa pamilya. Kinailangan niyang huminto sa pag-aaral at
magtrabaho para maitaguyod ang kaniyang pamilya. Gumawa at nagbenta
siya ng mga abaniko at tungkod. Kalaunan, nagtrabaho rin bilang mensahero
at salesman sa isang kompanyang komersiyal na Britaniko, ang Fleming and
Company. Pagkatapos pumasok din siya na ahente sa isang kompanyang
Aleman, ang Fressel and Company. Noong 1887, itinatag niya at ng kaniyang
mga kaibigan ang isang grupong pandulaan -- Teatro Porvenir -- na naglabas
ng mga komedya. Noong taong 1893, pinakasalan niya si Gregoria de Jesus ng
Caloocan (Picart at Tiongson 2020, 393)
Bagamat nahinto ang pagpasok niya sa paaralan, hindi ito naging
dahilan para mahinto ang kaniyang pag-aaral. Tinuruan niya ang sarili sa
pamamagitan ng pagbabasa. Sa sariling pagsisikap naging bihasa siya sa
wikang Tagalog, at natuto rin ng wikang Kastila at Ingles. Naging susi ang
mga wikang ito para mabasa niya ang Noli Me Tangere, El Filibusterismo
at “Mi Ultimo Adios” ni Jose Rizal, ang pahayagang La Solidaridad, ang
salin sa wikang kastila ng History of the French Revolution, The Lives of the
Presidents of the United States, The Ruins of Palmyra, Les Miserables, The
Wandering Jew, ang Codigo Penal at Codigo Civil, at ang Bibliya. (Ibid.)
Sa kaniyang pagbabalik sa bansa noong 1892, itinatag ni Rizal ang
La Liga Filipina. Naging kasapi si Bonifacio ng organisayong ito, ngunit
hindi nagtagal at hinuli at ipinatapon si Rizal sa Dapitan. Sa taon ding
yaon, itinatag nina Bonifacio, Deodato Arellano, Emilio Jacinto at iba pa
ang rebolusyunaryong Kataastaasan Kagalang-galang na Katipunan ng mga
Anak ng Bayan. Lumaki ang kasapian ng Katipunan, at noong Agosto 23,
1896 sumiklab ang himagsikan laban sa Espanya sa pamumuno ni Bonifacio.
(ibid.)
148 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Sa panahong ito, ginamit ni Bonifacio ang panulat para untagin
ang natutulog na pagmamahal sa bayan ng mga Pilipino. Ilan sa kaniyang
naisulat, bukod sa “Katapusang Hibik ng Pilipinas,” ay ang “Katungkulang
Gagawin ng mga Anak ng Bayan,” “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog,”
“Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan,” “Tapunan ng Lingap,” “Ang
mga Cazadores,” “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa,” at ang salin sa Tagalog ng
“Mi Ultimo Adios” ni Jose Rizal. Nailathala ang ilan sa mga akdang ito sa una
at huling pahayagan ng Katipunan na pinamagatang Kalayaan noong 1896.
(ibid.)
Ngunit hindi nagtagal ang pamumuno ni Bonifacio sa himagsikan.
Nagpunta siya sa Cavite noong 1897 para mamagitan sa alitan ng dalawang
grupo ng mga rebolusyunaryo, ang Magdiwang sa ilalim ni Mariano Alvarez
at Magdalo sa ilalim ni Baldomero Aguinaldo. Pinagkaisahan ng mga tao
ni Aguinaldo na maetsa-pwera si Bonifacio at mahalal si Emilio Aguinaldo
bilang pangulo ng kilusang rebolusyunaryo. At nang tumutol si Bonifacio,
nilitis siya ng kaniyang mga kaaway at hinatulan ng kamatayan. Pinatay si
Bonifacio sa Bundok Buntis, Cavite noong Mayo 10, 1897.
Sa konteksto ng naging buhay ni Bonifacio, malinaw na ang
“Katapusang Hibik ng Pilipinas” ay kadiwa ng lahat ng iba pang sinulat ni
Bonifacio dahil ang pangunahing tema nito, tulad ng iba pa niyang akda, ay
ang pagtalikod sa Espanya at pagsusulong ng armadong himagsikan. Ngunit
hindi lamang ito ang mahalagang konteskto ng tula. Dapat ding linawin na
ang tulang ito ay pangatlo at huli sa kung tawagin ngayon ay Trilohiya ng
Hibik .
May dalawang pinagsumundang tula ang akda ni Bonifacio na
mahalagang balikan: una, ang “Hibik nang Pilipinas sa Ynang Espanya” (1888)
ni Hermenegildo Flores; at pangalawa, at ang “Sagot ng Espanya sa Hibik ng
Pilipinas” (1889) ni Marcelo H. Del Pilar. Pangatlo o huli ang “Katapusang
Hibik ng Pilipinas” (1896) ni Andres Bonifacio sa trilohiya.
Si Hermenegildo Flores ay isang makatang sinasabing nagmula
sa Bulacan. Nagtungo siya sa Marinduque sa huling bahagi ng 1896 upang
makahikayat at mamuno ng mga maghihimagsik laban sa Espanya sa
nabanggit na lugar (Zaide 1968; sinipi kay Obligacion 2018). Tulad ni Flores,
si Marcelo H. del Pilar ay tubo ring Bulacan. Nakatapos siya ng abogasya, at
nakilala bilang duplero at makata sa kaniyang bayan. Nagsulat siya para sa
repormistang pahayagang Diariong Tagalog noong mga 1882. Noong 1888,
napilitan siyang umalis patungong Espanya at doon ay nakilala naman siya
bilang mahusay na mananaysay, propagandista, at editor ng La Solidaridad.
(Picart 2020, 432).
Cabrera I “Katapusang Hibik ng Pilipinas” 149
Paano nga ba nagsimula ang Trilohiya ng Hibik? Sinipi ni Galileo
Zafra (2020, 4) ang nakuhang datos ni Jose P. Santos na nagtipon ng mga akda
ni Marcelo H. del Pilar:
…pinagkasunduan nina Flores at del Pilar ang pagsulat ng
sagutang tula. Dahil sadyang sinulat bilang magkatambal at
sagutan, makatwirang ihanay ang unang dalawang tulang hibik,
gayon na rin ang patapos na hibik ni Bonifacio, sa mayamang
tradisyon ng tulang sagutan o labanan sa pagtula sa bansa.
Ang tula ni Flores (Zafra 2020, 16) ay may 66 na saknong na ang
bilang ng pantig ay lalabindalawahin din at pareho ang uri ng tugmaan sa
katinig at patinig. Sa saknong 1-4, isinusumbong ng anak sa kaniyang Inang
Espanya ang ginagawang pang-aabuso ng mga prayle sa taumbayan. Sa
saknong 5-29, isa-isang tutukuyin at ilalarawan ni Flores ang mga abusong
ito ng prayle: ang pagbebenta ng bendita at sakramento; ang pagpapayaman
sa buwis na nakukuha sa mga bukirin at hasyenda; at ang paglikom ng
maraming salapi sa pagdiriwang ng mariringal na pista. Sa saknong 30-47,
sinabi ng anak sa Espanya na ang sinumang tumutol sa mga lisyang gawain
ng mga prayle ay pinarurusahan o ipinapapatay. Isasalaysay ng anak ang
nangyari sa gobernador-heneral Bustamante na nagtangkang wakasan ang
ilegal na paggamit ng mga prayle sa pondo ng relihiyon para gawing puhunan
sa pangangalakal. Nagkaisa ang mga prayle at nagprusisyon patungong
palasyo at doon pinagsasaksak ang gobernador-heneral hanggang bawian ng
buhay. Sa saknong 48-56, ipinaalam ng anak sa ina na maraming libritong
pinakakalat ang mga prayle na umaatake sa sinumang kumukuwestiyon
sa kanilang pamamalakad, kasama na ang mga ahensiya ng gobyerno. Sa
saknong 57-62, isinaad ng anak na tinanggap niya ang mga prayle dahil
ipinadala ang mga ito ng Espanya para siya ay alagaan. Inandukha sila sa
tinagal ng panahon, pero hindi sila marunong tumanaw ng anumang utang
na loob, at ang iginanti ay pawang pahirap sa taumbayan. Sa saknong 63-66,
uulitin ng anak na hindi niya ibig sumuway sa ina, ngunit hindi kaya pulaan
ang Espanya ng ibang bansa kung ina na mismo ang magpadala ng sakit sa
sariling anak.
Ang tula ni Del Pilar (Zafra 2020, 20) ay may 82 na saknong na ang
anyo ay walang pinag-iba sa tula ni Flores at ni Bonifacio. Sa tulang ito ang
personang nagsasalita ay ang Espanya, at kausap niya ang anak na Pilipinas
na siyang humibik sa kaniya sa tula ni Flores. Sa saknong 1-3, inamin ng
Espanya na nagulat siya sa mga isiniwalat ng kaniyang anak sa unang hibik. Sa
saknong 4-10, sinabi ng Espanya na ang Pilipinas ay biniyayaan ng Diyos ng
matabang lupa, na pinagtatamnan ng tabako, kape, palay, tina, at tubo (mga
kalakal na iniluluwas sa ibang bansa), at sagana ito sa mga puno at hayop na
kapaki-pakinabang at mga minang may ginto at pilak at dagat na maraming
150 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
perlas. Sa saknong 11-18, ipinahayag ng Espanya na ipinadala niya ang mga
prayle sa Pilipinas para turuan ang mga Pilipino na pamahalaan ang likas na
yaman ng kalikasang ito. Inisip ng Espanya na dahil may “vow of poverty”
ang mga prayle ay magiging mabuting tagapag-alaga sila ng mga Pilipino. Sa
saknong 19-30, inamin ng Espanya na hindi niya akalain na pagsamantalahan
ng prayle ang mga taong dapat nilang ipagtanggol. Sa saknong 31-34,
ipinagtapat ng Espanya sa kaniyang anak na siya’y matanda at mahina na at
ang mga naunang mahusay na pinadala niyang pinuno (Legaspi at Salcedo)
ay napalitan na ng mga lider na walang ginawa kiundi ang mag-iringan. Sa
saknong 35-59, isinalaysay ng Espanya ang nangyari sa mga prayle sa Europa.
Noong una ay kinandili sila ng taumbayan, pero naging sakim sila sa yaman,
abusado sa kababaihan, at malupit sa tumututol sa kanilang paghahari-
harian. Sa saknong 60-69, unti-unting nagkaisa ang mga pinahihirapan at
kanilang sinalakay ang mga kumbento at pinagpapatay ang mga prayle. Sa
saknong 70-82, sinabi ng Espanya na hindi niya ipinapayo na ganoon din ang
gawin sa mga prayle sa Pilipinas, ngunit kung hindi maiwawaksi ng mga anak
ni PIlipinas ang mga ito, matuto na lamang silang magtiis. Pero, aniya, ang
magpabaya sa sariling bayan ay pababayaan din ng Diyos.
Mapapansing mahaba ang dalawang tulang sagutan, dahil ang
pangunahing layunin nila ay imulat ang Espanya sa mga nangyayari sa
Pilipinas upang aprobahan nito ang mga repormang hinihingi ng kilusang
reporma sa PIlipinas at sa Europa. Isa sa mga repormang ito ang pagpapatalsik
sa mga prayle sa lahat ng parokya sa Pilipinas at ang paghalili sa kanila ng mga
paring sekular na Pilipino.
Nabasa ni Bonifacio ang sagutan nina Flores at Del Pilar noong
1888 at 1889. Kaya naisip niya marahil na tama lamang na gumawa siya ng
pangatlo at huling hibik para ipahayag sa lahat ng mambabasa (kasama na ang
nakabasa ng unang dalawang tulang repormista) na tapos na ang paghingi
ng reporma ng mga Pilipino, dahil naging bingi ang Espanya sa mga hibik
ng pagbabago mula sa kaniyang anak. Ngayon ay may iba nang pasiya ang
bayan. Sa tula ni Bonifacio, na hindi na kasama sa plano nina Flores at Del
Pilar (patay na si Del Pilar nang lumabas ang tula ni Bonifacio), nilinaw ni
Bonifacio na ang tunay na kaaway ng mga Pilipino ay hindi lamang ang mga
prayle kundi ang Espanya na mismo at ang tanging solusyon sa paghihirap ng
taumbayan ay ang pagtatakwil at pagpapalayas sa dalawang ito. Mas maiksi
na ang tula dahil hindi na eksposisyon o paglalarawan ang layunin nito kundi
ang kongkretong aksiyon, i.e., ang pagsapi sa himagsikan.
Bilang pangatlong konteksto ng tula ni Bonifacio, tukuyin natin ang
tradisyong pampanitikan na kinabilangan ng tulang ito at ng nauna pang
dalawang tula. Tulad ng tinalakay na, ang taludturang ginamit ng tatlong
Cabrera I “Katapusang Hibik ng Pilipinas” 151
makata ay ang pinakapopular na anyo sa dantaon 19 – ang tinatawag na
“plosa,” na ayon kay Virgilio Almario ay korupsiyon ng salitang “prosa.” Ayon
kay Almario, bagama’t itinuring itong mababang uri ng anyo ng tula noong
una, natanggap na rin ito dahil mas maganda itong porma para masidlan ng
mas maraming kaisipan ang mga linya ng tula. (Almario 2015, 11)
Ang plosa ay unang naging popular bilang palasaknungan ng
tinatawag na awit o metrical romance tungkol sa mga mandirigma at bayaning
Europeo noong Edad Medya, tulad nina Carlomagno, Rodrigo de Villas,
Bernardo del Carpio, at iba pa. Bagama’t ipinasok ang mga istoryang ito sa
Pilipinas ng mga unang Kastila at Mehikanong dumating noong dantaon
16, lumaganap na lamang ito noong dantaon 19 nang malimbag ang mga
mahusay na adaptasyon ng mga romanseng ito na nilikha ng mga makatang
Pilipino. Pakinggan si Resil Mojares (2006, 407):
They were masters of local versions of medieval European romances
and hagiographical tales, called awit and corrido when they were
chanted or circulated in chapbooks, or comedia when they were
adapted to stage. Probably introduced in the sixteenth century by
Spanish and Mexican soldiers and sailors, these romances became
popular in the nineteenth century…
Plosa ang ginamit ng mga makata sa pagsusulat ng awit na hindi
lang binabasa kundi kinakanta, at plosa na rin ang ginamit ng mga manunulat
ng komedya na humango ng mga istorya sa mga awit na ito. Ilan sa mga
naunang gumamit ng plosa sina Jose de la Cruz o Huseng Sisiw (1746-1829)
sa kaniyang komedyang El Amor y La Envidia (2014) at Francisco Balagtas
sa awit na Florante at Laura at komedyang Orosman at Zafira. Malamang sa
hindi ay nabasa, at baka nakabisa pa nga, ni Bonifacio ang Florante at Laura.
Hindi maipagkakaila na ang komedya ay nagkaroon ng malaking
impluwensiya kay Bonifacio dahil tiniyak ng mga sumulat ng kaniyang
talambuhay na naging bahagi siya ng isang grupong panteatro, ang Teatro
Porvenir. Ayon kay Apolonio Chua (2018, 132), kasama sa mga
…mandudulang komedyante nang huling hati ng ika-19 na
dantaon hanggang bukana ng ika-20 [sina] Francisco Baltazar
(1788–1862), Andres Bonifacio (1863–1897) at Aurelio
V. Tolentino (1867–1915). Maaaring pangatwiranang ang
pagpapatuloy at pagbabagong ipinasok ng mga mandudulang
ito ay naganap sa loob ng tradisyon, lahat sila ay nakapaloob sa
konteksto ng dulaang komedya na namayagpag sa pamayanan ng
Tondo at kanugnog sa kabuuan ng ika-19 na dantaon, na umapaw
pa sa ika-20.
152 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Bukod sa bersong plosa ng awit at komedya, naging impluwensiya rin
sa mga makata ng trilohiya ang isang popular na anyo ng panulaang Tagalog
noong dantaon 19 – ang duplo. Susog ni Mojares (2006, 455), nilinang ni
Del Pilar ang mga anyo ng panitikan na itinataguyod ng mga tao sa kaniyang
panahon tulad ng pasyon, dalit, katesismo, at duplo. Ayon naman kay Mary
Jane Rodriguez-Tatel (2014, 227), ang tatlong tula ay “serye … ng pagkathang
nakabalangkas sa katutubong tradisyon ng panitikang pabigkas sa Pilipinas,
gaya halimbawa ng duplo, soliranin, dalit, at talingdao na pawang nilalahukan
ng dalawa o higit pang mambibigkas/mang-aawit na nagsasagutan.”
Ang duplo ay isang laro na ginagawa sa mga gabi ng paglalamay
para sa patay. Sa isang umpukan sa ibaba ng bahay, ginaganap ang isang
paligsahan sa berso sa pagitan ng isang hanay ng mga babae (belyaka) at isang
hanay ng mga lalaki (belyako.) May haring namamahala sa pagpapalitan ng
argumento sa pagitan ng paris-paris na mga belyako at belyaka. Sisimulan ng
hari ang laro sa pamamagitan ng pagsasabing nawawala ang kaniyang kulasisi
at ibibintang niya ito sa isang belyaka. Tatayo ang belyaka para ipagtanggol
ang sarili o ang isang belyako para ipagtanggol ang belyaka. Sasali sa laro ang
sinumang ibig makipagtalo sa nagsasalita, at maaari ding sumali ang isang
bagong dating o nahuli sa pagsisimula ng laro at estilong sagutan sa tula.
Kilalang duplero si Del Pilar sa Bulacan at nagamit niya ang anyong
ito para baligtarin ang mensahe ng duplo. Sa kaniyang “Duplo,” imbes na
matakot ang belyako sa parusa ng hari, susumbatan ng belyako ang hari
at sasabihang kung wala din naming maidudulot ang hari kundi pasakit
sa pinaghaharian ay mabuti pang alisin na siya bilang hari. Ang ama man
ni Bonifacio ay kilala palang duplero sa kaniyang kapanahunan. Ang ibig
lamang sabihin nito ay kilalang-kilala ng tatlong makata ang anyo ng duplo at
ang estilong sagutan o antifonal sa tula.
LALIM: ANG DATING NG TULA AT TIMBANG SA
PANANAW NG KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Ang Dating ng Tula
Walang nakukuha pang dokumento na magpapatunay sa naging
dating ng tula ni Bonifacio sa mga kababayan niya noong 1896. Malaki ang
posibilidad na nabasa ito ng mga katipunerong kapanahon ni Bonifacio.
Ngunit iyan ay hindi tiyak.
Matatantiya na lamang natin ang naging dating ng tula kung
ipakikita ang mga dahilan kung bakit malamang sa hindi ay nagustuhan
ang tula ng mga nakabasa o nakarinig nito noong 1896. Tatlo ang ilalahad
naming dahilan kung bakit maaring kinagiliwan ang tula ng mga kapanahon
Cabrera I “Katapusang Hibik ng Pilipinas” 153
ng bayani. Una, tinukoy ng tula ang mga isyung sanhi ng galit ng maraming
Pilipino sa mga prayle at mga opisyal na Kastila at alipuris nilang sundalong
Pilipino noong panahong iyon – ang pagkalakal sa bendita, sakramento at
sakramental; ang pagkamkam sa mga lupa ng katutubo at pagpapaalkila nito
sa kanila kapalit ng mataas na buwis; ang iba-ibang malupit na toryur na
ginagawa sa mga Pilipinong tumututol sa mga abuso ng prayle at mga opisyal
na Kastila; ang pagpapataw ng napakaraming buwis sa taumbayan; ang
kawalan ng anumang karapatan ng mga nakolonisang Pilipino. Higit sa lahat,
isinigaw ng tula ang pagtalikod sa Espanya at pagpapaalis sa mga Kastila sa
Pilipinas sa pamamagitan ng mismong dahas na ginamit nila para masupil
ang mga Pilipino sa loob ng tatlong daang taon.
Pangalawa, malamang na kinagiliwan ang tula ng mga mambabasa
ng 1896 at pagkatapos dahil ginamit nito ang popular na tradisyon ng
pagsulat ng tula -- ang tulang nasa anyo ng plosa na may sukat at tugma.
Marahil pinili ni Bonifacio ang namamayaning paraan ng pagsulat ng tula
noon upang mabilis na magagap o matanggap ng mambabasa sa isinusulong
ng tula. Ayon nga kay Rodriguez-Tatel (2014, 221):
...kinasangkapan ni Andres Bonifacio, sampu ng iba pang
kasamahan, ang isa sa pinakamalapit na daluyan ng wika ng
bayan, ang pasalitang tradisyon ng panitikan. Inaawit, binibigkas,
tinutula, isinayaw, at isinadula ang mga kuwentong magiging
lunsaran ng kanilang hinaing at adhikain.
At hindi rin dapat kalimutan ang anyo ng duplo na siyang naging
inspirasyon at padron ng sagutan nina Flores at del Pilar, na ipinagpatuloy at
tinuldukan naman ni Bonifacio.
Pangatlo, tama at epektibo ang paggamit ng alegorya ng ina at anak
sa trilohiya ng mga tula. Naunawaan ng mga makatang ito na malakas ang
dating ng metapora ng inang walang-awa sa anak, dahil naging simbolo na ng
walang-hanggang pagmamahal ang ina sa kalinangang katutubo. Ayon pa rin
kay Rodriguez-Tatel (2014, 218-20), mataas ang pagtingin sa mga kababaihan
lalo sa panahon ng sinaunang Pilipino:
Bilang inang susi sa pagpapatuloy ng lahi, binibigyan ang
kababaihan ng mataas na pagkilala sa katutubong lipunan… Sa
pagsasagawa ng samu’t sariling ritwal para sa iba’t ibang gawaing
panlipunan, tangan nila ang mga kaalaman, ang kawing-kawing
na salaysay ng lipi… Sa kabila ng patriyarka at machismong
kakambal ng kolonyalismo, maya’t maya ring pumipitlag ang
pagpapahalaga sa “ina” at “babae” bilang metapora ng mas
malawak na bagong kabuuan, ang Bayan bilang bansang Pilipinas.
Mahusay ang estratehiya ng paggamit ng imahen ng ina para sa
Espanya, sapagkat naitataas ng mga makata ang kalidad ng inaasahang
pagkalinga na dapat manggaling sa Espanya. Alam niya na hindi maibibigay
ng Espanya ang uri ng kalinga na hinahanap ng mga Pilipino sa isang mabuting
154 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ina, kaya tiyak na lalabas na masama ang Espanya sa pananaw ng karaniwang
Pilipino. Sa gayon, magiging mas katanggap-tanggap ang pagpapaalis sa
Espanya bilang inang pabaya at mas madali na rin siyang palitan ng tunay na
ina ng lahat ng katutubo, ang Inang bayang Pilipinas. Sa “Katapusang Hibik”
ay hindi pa itinatanghal ni Bonifacio ang Pilipinas bilang Ina, ngunit sa ibang
tula niya ay tinutukoy na siya bilang Inang Bayan. Pakinggan ang saknong 6
at 7 sa “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” (Agoncillo 1963, 72):
Bakit? Alin ito na sakdal ng laki
na hinahandugan ng boong pag kasi
na sa lalung mahal na kapangyayari
ay guinugugulan ng buhay na iwi.
Ay! Itoy ang Ynang Bayang tinubuan
siya’y inat tangi na kinamulatan
ng kawiliwiling liwanag ng araw
ng nagbigay init sa lunong katawan.
Ang Tula sa Pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Ano ba ang Kamalayang Pilipino na Maka-TAO? Ayon kay Nicanor
Tiongson (2022), ang Kamalayang Pilkipino na Maka-TAO ang “kamalayang
nagsusulong sa kaganapan ng bawat Pilipino bilang TAO, sa antas na pisikal,
sikolohikal, intelektuwal, ispirituwal, pulitikal, pangkabuhayan, at kultural,
anuman ang kaniyang kasarian, edad, lahi, relihiyon, rehiyon, etnisidad, uri
o okupasyon. Sinasagisag ng salitang TAO – na binabanghay sa malalaking
letra – ang kaganapan ng Pilipino bilang tao sa lahat ng antas ng kaniyang
pagkatao.” Pagpapatuloy pa niya: “Ang kaganapang ito ay nakakamit sa
patuloy na pagsasanggalang, pagtataguyod, at pagpapalakas ng kaniyang mga
batayang karapatang pantao.”
Marami sa mga karapatang tinukoy ni Tiongson ang nilayong
ipagtanggol at itaguyod ng tulang “Katapusang Hibik ng Pilipinas.” Sa
saknong 7, 8, at 9, isiniwalat ni Bonifacio sa hibik ng anak na si Pilipinas
na napakahirap ng buhay sa kolonya dahil “sala-salabat” ang mga buwis
(impuesto, recargo, patente) at singil sa ilaw, at wala nang makitang ginhawa
ang mga Pilipino dahil sinasakal na sila ng mga buwis na dapat bayaran sa
mga prayle na siyang nagmamay-ari ng malalawak na bukirin, halamanan, at
pati lupa at tahanan ng karaniwang mamamayan. Ang ganitong pagkaganid
ng mga dayuhang kolonisador ay totoong humahadlang sa karapatan ng mga
taal na mamamayan ng bansang ito na kumita nang sapat para mabuhay at
makabuhay ng pamilya.
Sa saknong 4,5, at 6, tinukoy naman ni Bonifacio ang sari-saring
tortyur na ginagawa ng mga Kasitla at kampon nila sa mga Pilipinong
pinaparusahan – ang pagbugbog, pagbitin nang patiwarik, ang pagmakina
sa maseselang bahagi ng katawan – na pawang pumipinsala hindi lamang sa
katawan kundi sa pag-iisip, pandama, at kaluluwa ng pinahihirapan. Madalas,
Cabrera I “Katapusang Hibik ng Pilipinas” 155
ang ganitong pasakit ay nauuwi rin sa pagkitil sa buhay ng biktima ng toryur
na sabihin pa’y paglabag sa karapatang mabuhay at maipagtanggol ang buhay
ng bawat nilalang.
Sa saknong 1, 10, 11, 12, at 14, itinatakwil ng Pilipinas ang Espanya
at sinasabihan itong gagamit ng dahas ang mga maghihimagsik para
mawakasan na ang malagim na paghihirap na dinanas ng mga Pilipino at
ang patuloy na pagdusta sa kanilang mga batayang karapatan bilang tao sa
ilalim ng rehimeng Espanyol. Ang gayong deklarasyon ng Kalayaan mula
sa Espanya ay pagtatanggol na rin at pagtataguyod sa karapatan ng mga
Pilipinong mabuhay nang matiwasay sa isang bansang malaya sa lahat ng
antas -- pulitika, ekonomiya, at kultura. Sapagkat, ayon kay Mojares (2006):
“For Filipinos, revolution was not just a crash course in warfare, it was a
school of learning. . .The literature produced was not just war propaganda but
texts that aimed to constitute a nation.” -- Ang artikulong ito ay dinagdagan ng
mga datos, mga pangungusap, at mga talata at isinaayos, ni Nicanor Tiongson.
MGA SANGGUNIAN
Agoncillo, Teodoro A. 1963. The Writings and Trial of Andres Bonifacio.
Manila: Manila Bonifacio Centennial Commission. 75-77.
Almario, Virgilio. 1985. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong
Pagtula. Aklat Balagtasyana.
Almario, Virgilio. 2015. Hiyas ng Tulang Tagalog. National Commission for
Culture and the Arts at Komisyon sa Wikang Filipino. Virgilio S.
Almario (editor). Komisyon ng Wikang Filipino
Chua, Apolonio. 2018. “Paano Ipinagpapatuloy ang Tradisyon ng Komedya?
Ilang Piling Tutok” (How does the Philippine Komedya Persist?
Selected Cases). Humanities Diliman. (15) 2. Mula sa https://journals.
upd.edu.ph/index.php/humanitiesdiliman /article/view/6458
Chua, Michael Charles. “Katapusang Hibik ng Pilipinas ni Andres Bonifacio.”
Balanghay Pangkasaysayan. Nakuha Agosto 2022. https://
bangkanixiao.wordpress.com
Corpuz, Carmelita. 2003. Mula Noon Hanggang Gabriela: ang Kababaihan sa
Kasaysayan ng Pilipinas Hanggang 1980. Malate, Manila: De La Salle
University Press, Inc.
156 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Fortunato, Teresita F. 1998. “Andres Bonifacio: Tagahawan ng Landas ng
Kasarinlang Pilipino.” Malay. 15(1). Retrieved from http://ejournals.
ph/form/cite.php?id=10559
Ileto, Reynaldo. 1979. Pasyon and Revolution: Popular Movements in the
Philippines, 1840-1910. Quezon City: Ateneo de Manila University
Press.
Lumbera, Bienvenido. 2000. “Dating: Panimulang Muni sa Estetika ng
Panitikang Filipino.” Writing the Nation/Pag-akda sa Bansa. Quezon
City: University of the Philippines Press.
Picart, Kate at Tiongson, Nicanor. 2020. “Bonifacio, Andres.” Cultural
Center of the Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (12:
Literature.) Nicanor G. Tiongson (punong editor) Cultural Center
of the Philippines. Edisyong Digital. https://epa.cul turalcenter.gov.
ph/9/80/5124/
Picart, Kate. 2020. “Del Pilar, Marcelo H.” Cultural Center of the Philippines
Encyclopedia of Philippine Art.” (12: Literature) Edisyong Digital.
https://epa. culturalcenter.gov.ph/9/80/5250/
Mojares, Resil. 2006. Brains of the Nation: Pedro Paterno, T.H. Pardo de Tavera,
Isabelo de los Reyes and the Production of Modern Knowledge. Ateneo
De Manila University Press: Quezon City.
Obligacion, Eli. 2018. Hermenegildo Flores: Makata, Bayani ng Marinduque,
Rebolusyonaryong Bayaning Filipino. http://marinduquegov.
blogspot.com/2018/10/hermenegildo-flores-rebolusyo naryong.
html
Reyes, Jun Cruz. 1985. “Ang Kultura ng Sindak, Ang Punong Bonsai at
ang Literaturang Pilipino.” Malay. (4) 1-2. Retrieved from http://
ejournals. ph/form/cite.php?id=10191
Richardson, Jim. Reb. 2021. “Andres Bonifacio: Biographical notes.” Part
I, 1863-1891.https://www.academia.edu/31070975/Andres_
Bonifacio_Biographical_notes_Part_I_1863_18 91
Rodriguez-Tatel, Mary Jane B. 2014. “Dalumat ng ‘Inang Bayan’ at ang
Pananaw ni Andres Bonifacio sa Kababaihan.” Saliksik E-Journal,
3(2). http://ejournals.ph/form /cite.php?id=5492
Cabrera I “Katapusang Hibik ng Pilipinas” 157
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO:
Apat na Dulog sa Pagsusuri ng mga Likhang-Sining ng Pilipinas.”
Ikalawang Desk-TP Masterklas sa Sining at Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO para sa PUP. Agosto 10. Sa librong ito
Zafra, Galileo S. 2022. “Loob, Ligid, at Lalim ng Tekstong Pampanitikan:
Pangkalahatang Dulog sa Pagbasa.” Ikalawang Desk-TP Masterklas
sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO para sa PUP. Agosto
12. Sa librong ito.
Zafra, Galileo S. 2020. “Ang Katwiran ng Mga Hibik.” Philippine Humanities
Review (22) https://www.journals.upd.edu.ph/index.php/phr/ar
ticle/viewFile/7472/6534
158 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Jerome P. Permejo
ASUL ANG KULAY NG PAG-ASA:
ISANG PAGSUSURI SA
INDIGO CHILD NI RODY VERA
S
usuriin sa papel na ito ang pagtatanghal ng dulang Indigo Child
ni Rody Vera na napanood namin sa video noong Agosto 6, 2022.
Gagamitin sa pagsusuri ang apat na pamantayang iminungkahi
nina Nicanor G. Tiongson at Jerry C. Respeto (2022): a) ang pagsusuri sa
pagtatanghal ng dula bilang isang likhang-sining, b) ang paglalahad sa mga
konteksto ng pagtatanghal, k) ang pagtukoy sa dating ng dula sa manonood
at ibang publiko, at d) ang pagtaya sa saysay ng pagtatanghal sa lipunan at
timbang nito sa Kamalayang Pilipino na Maka-Tao.
Ang “indigo child” o “indigo kid” ayon kay John Leland (2006) ng
New York Times ay unang inilarawan noong dekada 1970 ni Nancy Ann
Tappe, isang parapsychologist sa San Diego, California. Ang bawat nilalang
daw ay nagtataglay ng presensiya o enerhiya na mararamdanan natin sa
pamamagitan ng awra na nagmumula sa kanila (Praagh 2004). Ang mga indigo
kid ay masasabing kumakatawan sa bagong kamalayan ng sangkatauhan, na
higit na may mataas na uri ng pandama at pag-iisip. Kung ang awra ng isang
nilalang ay hahanapin umano sa bawat kulay ng bahaghari, sinasabing ang
mga indigo kid ay nagtataglay ng mas matingkad na kulay asul o iyong royal
blue (Murphy 2020; Blommaert 2018; Leland 2006).
Pero pinabulaanan ng iba ang ganitong paniniwala. Sa halip,
ipinapalagay na ang penomenon ay isang karamdaman, na mas kilala
bilang attention deficit disorder (ADD) o di kaya naman ay attention deficit
hyperactivity disorder (ADHD). Sa librong isinulat ni Lee Carroll at Jan
Tober (1999, 1), ang isang indigo kid ay nagpapamalas ng bago at kakaibang
pag-uugali at personalidad. Ang bagong litaw na penomenong ito na unang
napansin noong dekada 1960 at mas naging popular pagdating ng dekada
159
1990 ang siyang dahilan kung bakit nagbago ang pakikitungo at pagtanggap
ng karamihan sa mga indibiwal na pinaniniwalaang kabilang sa grupong ito.
ANG PAGTATANGHAL NG DULA BILANG LIKHANG-SINING
Ang Indigo Child ay istorya ng dating miyembro ng kilusang
tumuligsa sa diktadurang Marcos. Umikot ang palabas sa pag-alaala ng
karahasang pinagdaanan ni Felisa sa kamay ng militar. Nagkaroon ng
problemang sikolohikal ang bidang babae at upang makatulong sa kaniyang
paggaling ay kinakailangan niyang sumailalim ngayon sa shock therapy.
Naging epektibo ang paggamit ng kuryente upang manumbalik ang gunita ni
Felisa, subalit kabilang sa mga bumalik sa kaniyang alaala ay ang mapait na
karanasan na kaniyang pilit kinalimutan. Sa hindi inaasahang pagkakataon,
naging susi rin ang panggagamot na ito kay Felisa upang malaman ni Jerome
hindi lamang ang lihim ng kaniyang ina, kung hindi maging ang kaniyang
sariling identidad. Tinatahi ng dulang ito ang mga pangyayari mula sa pilit na
paglimot sa nakaraan, muling pag-alaala, at pagtanggap, hanggang mapalaya
ang sarili.
Realistiko ang atakeng ginamit sa dula ng direktor na si Jose Estrella.
Lumikha ng fourth wall sa pagitan ng mga nagtatanghal at manonood. (Andre
Antoine sa Mauro 2017, 532) Waring hiwalay ang mundo ng mga nagtatanghal
at ang mundo ng manonood. Binabasag dito ang tradisyunal na pamamaraan
ng pagbibitaw ng linya na para bagang direktang kinakausap ng aktor ang
mga nasa odyens. Dito, ang buong atensiyon ng mga aktor ay nakasentro sa
kanilang pinag-uusapan at nalilikhang senaryo batay sa kanilang pag-uusap,
na lumilikha ng ilusyon na nagaganap ito sa mismong panahong isinasagawa
ang dula.
Naipamalas din sa pagsasadula ang tinatawag na organic acting
ni Stanislavski na, ayon pa rin kay Karina Mauro (2017, 533), ay may
relasyon sa ibang elemento ng palabas na lumilikha ng totoong emosyon.
Ginampanan ni Skyzx Labastilla ang karakter ni Felisa habang si Rafael
Tibayan naman ang gumanap sa karakter ni Jerome. Kapansin-pansin ang
husay sa pagganap ng mga aktor sa kani-kanilang papel. Naging epektibo ang
kanilang internalization upang magtagumpay ang pagsasabuhay sa mga bida
sa kuwento. Sa method acting na ipinakilala ni Stanislavski (Aronson 2003,
314), natututuhang maramdaman ng mga aktor ang emosyon na kailangan sa
isang eksena, kaya sa kabuuan ay nagagawang buhayin ng aktor ang tauhan
na kanilang ginagampanan. Naging natural ang pagkilos ng mga aktor, mula
sa kanilang pagbabatuhan ng linya, paggalaw, ekspresiyon sa mukha, at ang
bigat at gaan ng eksena na mababakas sa kanilang mga mata. Para bagang sila
mismo ang nakaranas ng pinagdaanan ng mga tauhan sa dula.
160 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Malaki ang naitulong ng blocking at paggalaw ng aktor upang
mabigyang-diin o empasis ang sinasabi ng bawat eksena ng dula. Ang
blocking ay ang pisikal na pagposisyon ng aktor sa entablado sa paraang mas
nakapagbibigay-linaw sa nais ipahayag ng kuwento (McGiven 2014, para. 2).
Ito rin ay nililikha ng direktor para palabasin ang kahulugan ng isang tagpo
(Stanley at Monta 2007, 142). Natunghayan sa dula kung paano naipakita sa
pamamagitan ng blocking at paggalaw ang progreso ng kuwento. Sa simula
mayroong distansiya at pagkailang ang mga aktor sa isa’t isa, hanggang sa unti-
unting nagkakalapit na ang blocking ng mag-ina. Nagbigay ito ng impresyon
ng pagkaalangan at paninimbang ng mga karakter sa isa’t isa sa simula dahil
sa kanilang pinagmumulan -- si Jerome na nakokonsensiya dahil hinayaan
niyang gawin ang shock therapy sa kaniyang ina, habang si Felisa naman
dahil sa kaniyang sama ng loob, pagkabalisa, at pag-iwas sa katotohanan ng
identidad ni Jerome. Sa dulong bahagi nakita ang paglalapit ng dalawa, na
hudyat ng pagtanggap nila sa isa’t isa at paglaya mula sa kanilang mga takot
at pangamba.
Akma ang set ng produksiyon upang maipabatid sa mga manonood
ang lokasyon at bakgrawn ng kuwento. Ang set (“Producing the Drama” 2015,
398) o ang stage setting ay nakatutulong sa manonood upang maunawaan
ang relasyon ng karakter sa kaniyang paligid at kung paano naapektuhan ng
karakter ang kaniyang kapaligiran at vice versa. Maliit na higaan (eksakto
lang para sa isang tao), table lamp na malamlam ang ilaw sa tabi, oxygen tank,
mga upuan, at salamin ang pangunahing props sa pagsasadula. Mauunawaan
na nasa isang health facility ang tagpuan. Mababatid din ang kaguluhan ng
isip ng bida mula sa mga nagkalat na mga damit sa set (Tingnan ang larawan 1
sa pahina 136). Minimal lamang ang set kung kaya mas natuon ang pokus ng
manonood sa mga gumaganap. Nakapagpatibay din sa pagtukoy sa lokasyon
at kondisyon ng karakter ang hospital gown na suot ng artistang babae, na
tipikal na ginagamit ng pasyente sa ospital. Ang suot naman ni Jerome ay
maong na pantalon at long sleeves, halatang bumibisita lamang. Nakatulong
din ang paggamit sa personal props. Halimbawa ng props na ito ang dala-
dalang panyo ni Jerome na ginamit pamunas sa laway ng kaniyang ina, ang
pitsel at baso, maging ang panali ng buhok at lipstik. Ang paggamit sa panali
ng buhok at lipstik ay naging signal din ng simula ng pagbabago ng karakter
ni Felisa sa pagkaalaala niya sa kaniyang nakaraan.
Mula sa simula hanggang sa katapusan ng dula, malaki ang papel
na ginampanan ng pag-iilaw. Ayon kay Tiongson at Respeto (ibid.), may
kakayahan itong makapagkuwento at humabi ng sariling naratibo. Ganoon
din, malaking tulong ang ilaw sa pagpapatingkad ng emosyon at pagtutuon ng
pokus sa aktor sa entablado. Tinitingnan ni Leone de Somi (Palmer 2013, 7)
ang ilaw bilang isang elemento ng ekspresiyon at simbolo na may kahulugan.
Permejo I Isang Pagsusuri sa Indigo Child 161
Napakalaki ng ginampanan ng ilaw sa paggulong ng dula. Kuryenteng
kumikislap ang ginamit sa pagpapahirap kay Felisa, kuryente ding kumikislap
ang ginamit para gamutin siya. Ang pagdilim ng ilaw ay nagpapahayag
ng kawalang-malay at ang pagsinag ng liwanag ay nagpapahiwatig ng
pagkaunawa o enlightenment. Sa bandang huli, ang mga pagkislap at ang mga
pitik-pitik ng liwanag ay naging tanda ng pagbabalik ng ulirat ng bidang babae
sa kasalukuyan. Sumabay naman sa liwanag ang paggamit ng tunog, katulad
halimbawa ng kulog na kasabay ng pagkidlat at ang tunog ng kuryenteng
umaandap-adap habang kumukislap-kislap ang ilaw sa kisame. Halos walang
musikang ginamit ang dula. Iisang tono lamang ng musika ang tinugtog ng
gitara sa simula at dulong bahagi ng palabas. Akma ang areglo ng melodiya sa
mga eksena kung saan ito ginamit.
Isang halimbawa ng mahusay na pagsasanib ng mga elemento ng
tanghalan ang eksena ng pag-alaala ni Felisa sa rali at tortyur noong nakaraan
(Tingnan ang Larawan 2 sa pahina 136). Nakatayo sa gitna si Felisa habang
inaalaala niya ang pagtortyur sa kaniya at ang paggiit niya sa kaniyang
paninindigan. Napakalakas ng dating ng eksena kung saan, habang nakatutok
sa kaniya ang tanging ilaw, umakyat at tumapak siya sa upuan, at, habang
naririnig ang di-magkamayaw na sigawan sa rali sa bakgrawn, binigkas niya
ang mga salitang:
‘Yung sistema na gusto naming baguhin laban sa sistemang
pinagtatanggol nila. Paulit ulit, natorete utak ko. Kaya iba ang
inuulit-ulit ko noon. Palakas nang palakas: “Mga gago, mga
tuta! Tuta ng Kano. Imperyalismo ibagsak! Piyudalismo ibagsak!
Burukrata Kapitalismo ibagsak!”
ANG KONTEKSTO NG PAGTATANGHAL
Ang pagsasadula ng Indigo Child ay bunga ng proyektong inilunsad
at idinaos ng Ladies Who Launch, ang Never Again: Voices of Martial Law, sa
Bantayog ng mga Bayani noong Setyembre hanggang Oktubre 2016. Bahagi
ito ng paggunita sa ika-44 na anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar
noong Setyembre 21, 1972. Ang Ladies Who Launch ay isang non-profit
organization na naglalayong itanghal, magbigay inpirasyon, at iangat ang
mga kababaihan at non-binary na tao (LWL). Mayroong siyam na dula na
naging bahagi ng proyektong ito, na ang karamihan ay halaw sa totoong danas
noong dekada 1970. Bukod sa Indigo Child, ang iba pang maiigsing dula na
itinanghal ng proyekto ay Ang Lihim na Kasaysayan ng Huling Habilin ni
Ferdinand Edralin Marcos (Spiritual King Solomon of Israel) Hinggil sa
Pamanang Kayamanan ni King Bernardo Carpio at Jose Protacio Rizal
Para sa Pagpapaunlad ng Bansang Pilipinas na Siyang Nalalaman ni Mang
162 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Ambo, Taxi Driver, Disco 108, Princess Lilli, Shhh, Thingy (Or Ang Pak
na Pak Ganern na Ganern na Pakikipagsapalaran ni Milenyo, D’ Great
Pokemon Hunter,) Bulong-Bulongan sa Sangandaan, Loyalist Redux,, at
Duyan ka ng Magiting. Pangunahing layunin ng mga dula na ito na sariwain
sa alaala ng publiko ang mga karahasang naganap sa ilalim ng batas militar.
Ngunit bakit nailunsad ito sa partikular na taong ito? Una, nahalal
na presidente ng bansa si Rodrigo Roa Duterte, dating meyor ng Davao City,
na iniuugnay sa Davao Death Squad (DDS) o Suluguan sa Kadawan kung
tawagin sa lokal na lenggwahe at kilala rin bilang Servants of the People
(“You Can Die Any Time” 2017). Nakilala ang DDS sa pagsa-“salvage” ng
napakaraming taong natatagpuan na lamang na mga bangkay sa kalye, ilog,
kanal, at kung saan pa. Sa oras na maupo siya bilang presidente noong Hulyo
1, 2016, nagsimula na ang sunud-sunod na patayan dahil sa kaniyang “war
on drugs,” ang pananakot sa mga jornalist na kumukwestiyon sa kaniyang
marahas na pamamaraan, ang pagpapakulong o pagtatanggal sa mga opisyal
ng gobyerno na hindi pabor sa kaniyang estilo ng panunungkulan.
Higit sa lahat, ipinakita niya ang malinaw na pagkiling sa pamilyang
Marcos, na tumulong sa kaniyang kampanya. Ilang buwan pa lamang siya
nanunungkulan nang ipahayag niya na dapat ilibing ang dating diktador
Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Agad na nagkaroon ng malakas na
pagtutol mula sa iba-ibang sektor. Ang festival ng mga dula na Never Again
ay tugon sa planong pagpapalibing sa dating diktador sa Libingan at sa
lumalaganap na disimpormasyon at kasinungalingan tungkol sa karahasan
ng panahon ng batas militar na tila sadyang kinalilimutan na o hndi alam
ng maraming tagasunod nina Duterte at pamilyang Marcos. Kaya naging
pangunahing layunin ng mga dula ng festival na sariwain sa alaala ng publiko
ang mga karahasang naganap noong panahon ng diktadura at ang epekto nito
sa kasalukuyan (TheaterFansManila 2016).
Sino ang mga artista ng teatro na lumikha ng dulang Indigo Child?
Una na ang sumulat ng dula, si Rody Vera. Sa murang edad may karanasan
na sa tanghalan si Vera (Tariman 2013), dahil una siyang umarte sa entablado
noong siya ay sampung taong gulang, at nagsimulang magsulat ng dula
noong nasa hayskul pa lamang sa San Beda. Masasabing nagsimula ang
propesyunal na buhay niya sa teatro noong dekada 1970 nang sumapi siya
sa Philippine Educational Theater Association (PETA). Dito rin nahubog at
tumibay ang kaniyang kamalayang panlipunan at pakikisangkot sa kilusan
laban sa diktadurang Marcos. Para sa PETA maraming dulang ginawa
si Vera, tulad ng Sino ang Pumatay kay Diana Ross?, Isang Rihersal, at
Dreamweavers. Meron ding mga dula na kasama siya sa mga nagsulat, tulad
ng Ang Panunuluyan ng Birheng Maria at San Jose sa Cubao, Ayala, Plaza
Permejo I Isang Pagsusuri sa Indigo Child 163
Miranda, Atbp. Lugar sa Loob at Labas ng Metro Manila (1979), Oratoryo
ng Bayan (1983), Panata sa Kalayaan (1987), at 3 Stars and a Sun (2015)
(Ferrer 2021). Nagsalin din siya ng mga dula tulad ng Baryo Kordilyera
(1979), Macbeth (1984), Faust (1994), The Maids (2001), at Ang Post Office
(2010). Lumabas siya bilang aktor sa di mabilang na dula at nagdirihe din ng
ilan tulad ng Nukleyar (1982), Romeo at Julieta: A Comedy (1997), A History
of God/The Plague of Fantasies (2004), at Galileo Galilei (Ibid.). Tumanggap
siya ng maraming parangal mula sa iba-ibang paligsahan at ngayon ay Hall
of Famer na ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Isa si Vera
sa nagtatag ng Juana Change Movement (Peterson 2016, 181). Siya at si Mae
Paner ang lumikha ng karakter ni Juana Change. Sa pag-aaral ni Peterson
(2016), nilinaw ng awtor kung paano nagamit ang mga pagtatanghal ni
Juana Change upang magbukas ng kamalayan at magsulong ng pagbabago
sa lipunan. Si Vera din ang isa sa nagtatag at namuno sa pamamahala ng
taunang VLF Labfest ng CCP at Tanghalang Pilipino mula 2004 hanggang
2011. Napakarami nang bagong dula ng mga bago at beteranong mandudula
ang itinanghal ng LabFest.
Ang direktor ng Indigo Child ay si Josefina “José” Estrella, propesor
ng sining panteatro sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman at isa sa mga
naging artistik direktor ng Dulaang UP. Marami na siyang nadirihe na dula
sa UP, banyaga man o lokal, na may iba-ibang estilo. Ilan dito ang Oryang
(1997), Makbet (1999), Divinas Palabras (2002), at Sepharad: Voces de
Exilio (2005). Nagdirihe na rin niya ang mga dulang isinalin ni Vera, tulad
ng Three Sisters (2008), The Magic Circle (2013), at Bilanggo ng Pag-ibig
(2014) (Tiatco 2016 at Respeto 2021). Kilala si Estrella para sa direksiyon
na inobatibo, imahinatibo, at orihinal, na laging nakabatay sa malalim na
pagkaunawa sa materyal na kaniyang dinidirihe. Kilala rin siya sa pagiging
mabusisi sa paggamit ng mga detalye sa kaniyang mga dula. Para kay Estrella,
ang Indigo Child ay “work of art.” Sa panayam sa kaniya ni Atty. Nicolas
Pichay sa Lakambini Series ng pelikulove, hindi raw niya pinili ang dula; ito
ang napunta sa kaniya. Nakatanggap siya ng tawag at nabanggit ang layunin
ng festival. Inamin ni Estrella na anti-martial law siya, bagaman hindi siya
aktibista. Tinanggap niya ang dula na in-assign sa kaniya at masuwerte siya na
ito ang napunta sa kaniya. Aniya, crucial ang pagganap ng babaeng karakter
sa dula. Iyong pagbabalik sa nakaraan ay nasa isip lamang noong karakter na
babae, na akala ng anak ay nagkukuwento lang. Ang mga nakita at narinig
katulad ng pagkislap ng ilaw, maging ang mga pagkulog, ay naririnig at
nakikita lamang ng karakter ni Felisa at ng mga manonood (Estrella 2020).
Bilang isang babaeng direktor na nagtatanghal ng isang dula na ang sentro ay
babae, ginagawa niya ang direksiyon hindi lamang para sa kababaihan kundi
para sa lahat, dahil hindi lamang kababaihan ang kailangang maabot ng dula
kundi ang malawak na sambayanan.
164 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Dalawa ang pangunahing aktor sa Indigo Child at kapuwa sila
nagkaroon ng kaugnayan sa dula. Gumanap ng papel ni Felisa si Skyzx
Labastilla, tubong Bohol, na dahil sa motibasyon ng kaniyang ina ay nag-
audition at natanggap sa Philippine High School for the Arts (PHSA)
(Labastilla 2019). Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo sa
UP Diliman. Bilang pagpapasalamat sa kaniyang mga natutunan sa Makiling
at sa UP at bilang pagtanaw niya ng utang na loob sa libo-libong Pilipino na
nagbayad ng buwis na siyang pinagmulan ng kaniyang iskolarsip, nais niyang
ibahagi sa lipunan ang talentong ibinigay sa kaniya ng panginoon. Sa talk back
pagkatapos ng pagtatanghal ng dula, nabanggit niyang sa unang pagkakataon
sa mga festival, buong-buo ang kaniyang paniniwala sa nais iparating na
mensahe ng dula. Malapit umano sa kaniyang puso ang kuwento dahil ang
kaniyang ama ay isa sa mga nakaranas ng pagpapahirap noong panahon ng
batas militar. Kauna-unahang detenidong pulitikal ng Agusan del Sur ang
kaniyang ama. Napagkamalan daw ito na lider ng Kabataang Makabayan
(Labastilla 2022). Sa kabilang banda, ang dula ang nagmulat sa mga mata
ni Rafael Tibayan, isang estudyante ng pelikula sa UP Film Institute sa UP
Diliman. (Tingnan ang bahagi tungkol sa dating ng pagtatanghal).
Ang Indigo Child ay ibinatay sa mga totoong pangyayari sa buhay
ng isang babaeng aktibista noong panahon ng batas militar. Bahagi siya ng
kilusang kumalaban sa diktadura at nang mahuli ay nakaranas ng tortyur.
Larawan siya ng libo-libong mga Pilipinong nakaranas ng pang-aabuso na,
ani Xiao Chua at iba pa (2012, para. 9), ay nakapaninindig-balahibo. Mahigit
daang libo ang mga inaresto noon at nasa 5,531 ang nakaranas ng tortyur
at pahirap, batay sa talang nakuha ni Gloria Melencio (2019, 79) buhat sa
Task Force Detainees of the Philippines. Si Felisa ang kumakatawan sa mga
kababaihang nakaranas ng pisikal at seksuwal na molestasyon mula sa militar,
katulad ng naging danas nina Trinidad Herrera-Repuno (Herrera-Repuno
2016), dating miyembro ng Zone Tondo Organization, at Etta Rosales, na
naging tagapangulo ng Commission on Human Rights (Rosales 2016), na
kinuryente sa daliri, tenga, at maseselang bahagi ng katawan. Ito ang tinutukoy
ng mga linya ni Felisa sa dula: “Si Kidlat ang nagkabit ng kawad sa mga daliri
ng aking paa, tapos dito sa hintuturo. Minsan sa tenga. Sa ari...”
ANG DATING NG PAGTATANGHAL
Ginising ng pagsasadula na ito ang aking diwang mapagpalaya.
Nagsilbing paalaala na huwag makalimot sa kasaysayan ng mga kababayan
at ng bayan. Nagsilbing inspirasyon din ito upang harapin ang nakaraan at
palayain ang sarili sa multo ng kahapon. Katulad ni Felisa, mali ang pag-aakala
namin noon na ang pag-iwas sa kahapon ang solusyon para sa kinabukasan.
Pero hindi, kailangan itong harapin, kailangan itong kabakahin. Sapagkat
Permejo I Isang Pagsusuri sa Indigo Child 165
kailanman ay hindi natin matatakbuhan ang ating anino. Ang kuwento ni
Felisa ay patunay na mayroon talagang naging biktima ng karahasan sa
madilim na yugto ng ating kasaysayan. At katulad niya, kinakailangan ding
mapalaya ng bawat biktima ng karahasan ng batas militar ang kanilang mga
sarili.
Katulad ni Jerome, ang karamihan sa mga kabataan ngayon ay mas
sensitibo sa mga usaping panlipunan. Mas bukas ang kamalayan, gutom
sa kaalaman, at handang ipaglaban ang kalayaan. Tulad ng binabanggit
sa dula, bagaman hindi ko tinitingnan ang aking sarili bilang isang indigo
kid, nauunawaan ko ang bigat ng responsibilidad na putulin ang karahasan,
kamangmangan, at kabuktutan na bunga ng pagbulag-bulagan at pagbibingi-
bingihan ng karamihan ng nauna sa amin. Hanggang sa kasalukuyan,
marami pa rin ang hindi naniniwala sa mga kuwentong kagaya nito. Pero
makapangyarihan ang palabas. Maging ang mga kasama sa panunuod ay
naantig ang damdamin at nakita sa kanila ang sentimyentong di dapat
makalimot. Tumatawid pa rin hanggang sa kasalukuyan ang kalakasan
ng kirot sa puso ng dula. Masasabing mas maigting ito sa kasalukuyan
kumpara noong una itong naipalabas, dahil sa ang kasalukuyang nakaupo sa
Malacañang ay anak ng lumikha at nagpatupad ng batas militar.
Sa mismong gumanap na si Rafael Tibayan (Tingnan ang Larawan 3
sa pahina 136) ay malaki ang naging epekto ng dula upang maramdaman niya
ang kalagayan ng buhay at pamumuhay sa panahong pinatutungkulan. “The
things I know about Martial Law ay nanggaling lang sa dad ko. Most of my life
naman, nasasabi ‘yan sa school, wala naman akong pakialam, ang pakialam
ko lang ‘yung buhay ko ngayon. After that [play] bigla na lang pumasok sa
isip ko, bakit hindi ko ito alam?” Sa talk back na bahagi ng pagtatanghal kung
saan nabigyan ng pagkakataon na makapagtanong ang mga manonood sa
cast at artistic staff ng dula, binalikan ni Tibayan sa kaniyang isipan ang mga
ibinahagi noon ng kaniyang ama. Ilan pala sa kaniyang pamilya at malapit na
kaibigan ng kaniyang ama ay nakaranas ng karahasan dahil sa batas militar.
Umani ng mga pagbati at suporta ang pagpapalabas na ito noong
2016. May ilan na nagbahagi ng kanilang pakikiisa sa pamamagitan ng social
media blog kagaya ng #neveragain at #indigochild. Isang online na pahayagan
naman ang nagbigay-pugay sa dulang ito bilang “a profound new work
in martial law literature – best one act play of 2016” (Cadiz 2016). Ayon sa
Rappler (“Rody Vera…” 2019), ang Indigo Child ang pinaka-importanteng
iskrip ni Vera para sa dulaan at ang Lakambini naman para sa pelikula
Batay sa mga nasabing feedback sa dula, tila masasabing nakamit
nga ng dula ang pinakalayunin ng produksiyon -- ang makapagpaalala at
166 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
makapagmulat tungkol sa mga karahasan noong dekada 1970. Nakatulong
ang dula para lumaganap at umingay ang mga usapan kaugnay sa mga
paglabag sa karapatang pantao sa dekadang iyon at napaigting ang pagbatikos
sa pagpapalibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani.
Gayunman at sa kabila ng positibong feedback, mukhang mahina
naman ang naging dating nito sa pamahalaan, sapagkat sa sumunod na
buwan makalipas itong ipalabas, mabilis at patagong inilibing ang dating
pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, 27 taon makalipas ang
kaniyang kamatayan. Binigyan ng 21-gun salute (Santos 2016) ang pangulo
na nagdeklara ng batas militar, nagnakaw sa bayan, at pumaslang ng libo-
libong mamamayan.
Pero masasabing umalingawngaw pa rin ang husay ng dulang Indigo
Child sa susunod na mga taon. Noong Setyembre 2017, muling ipinalabas
ang dula, kasama pa ng ibang dulang may hawig na tema, sa Pista Rizalina
na ginanap sa mga tanghalan ng CCP bilang paggunita sa ika-45 anibersayro
ng deklarasyon ng batas militar. Si Estrella din ang nagdirek ng dula at sina
Labastilla at Tibayan din ang lumabas dito.
Dahil sa malakas na dating ng palabas, kinunan ito para sa
dokumentasyon at in-upload sa pelikulove.com, kung saan ito mapapanood
hanggang ngayon. Bukod dito, ginawaan ng panibagong bersiyon ang dula
noong Setyembre 2020, gamit ang estilong hybrid ng teatro at technology.
Ang hybrid o online theater (Marayan at Permejo 2022), ay gumagamit
ng modernong teknolohiya kagaya ng zoom, facebook live, at iba pa sa
pagpapalabas ng mga dula. Lumitaw ito sa kasagsagan ng pandemya at
mas marami itong naabot na manonood dahil naging accessible ito sa mga
gumagamit ng gadget. Sa bersiyong ito, gumanap si Agot Isidro bilang Felisa
at Elija Canlas bilang Jerome.
Magaan na naiparating ang paksa ng dula dahil sa kahusayan ng
buong produksiyon – ang pagganap, disenyo ng set at kostyum, props, ilaw,
musika at tunog. Malalim ang dating ng dula dahil sa paksa, tema, at mga
tauhan nito. At dahil napagsanib nito ang gaan at lalim sa produksiyon sa
isang antas na masining at propesyunal, masasabing superyor o bongga ang
dating ng pagtatanghal.
ANG SAYSAY NG PAGTATANGHAL SA LIPUNAN
AT TIMBANG NITO SA KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Makasaysayan, makabuluhan, at dakila ang layunin ng Indigo Child.
Minsan pa sa kasaysayan ng ating bansa ay nagamit ang teatro bilang paraan
Permejo I Isang Pagsusuri sa Indigo Child 167
ng pagtuligsa at paglaban sa mapang-aping naghahari-harian sa bansa. At
ito’y nagawa sa pamamagitan ng pagsariwa sa mga tunay na karahasang
nangyari sa panahon ng batas militar na pilit na binubura o iniiba ng mga
bayarang trolls sa kasalukuyan. Katulad ng binanggit ni Jose Estrella, ang dula
ay sandata laban sa disimpormasyon at malimpormasyon na pinalalaganap
sa ating panahon. Bilang tagapagtanggol at tagapangalaga ng mga datos
ng kasaysayan, malaki ang ambag ng dula sa paggigiit, pagtatanghal, at
pagpapalaganap ng katotohanan sa panahon ng mga lider na awtokratiko.
Ang ganitong pagsisiwalat at pagbaka sa mga kasinungalingang
ipinamamarali ng nasa poder ay pagtatanggol at pagpapatibay na rin sa
mga batayang karapatang pantao na nilabag o winasak ng kamay na bakal
ni Marcos sa panahon ng batas militar. Kasama rito ang karapatan ng bawat
mamamayan na mabuhay nang masagana at mapayapa, ang karapatan ng mga
mamamayan sa malayang pagpapahayag, ang karapatan sa pagkakapantay-
pantay ng lahat ng kasarian, at ang karapatan ng bawat tao na pangalagaan
ang kaniyang sarili sa antas na pisikal, sikolohikal, at intelektuwal. Ang lahat
ng karapatang ito ay ipinagkait kay Felisa at ang gayong kawalan ang naging
dahilan ng kaniyang pakikibaka at ng lahat ng kapanalig niya.
Katulad ng isang indigo child, ang dula ang magsisilbing paalala at
gabay sa lahat na kahit kailan, walang puwang at hindi dapat tanggapin ang
karahasan sa ating lipunan, at kailan man ay hindi tayo makalilimot sa mga
pang-aabusong nangyari dahil sa batas militar. Katulad ng aandap-andap na
ilaw na nagsilbing hudyat sa pagbabalik ng alaala ni Felisa, ang dulang ito ang
kikislap at kikislap para ipaalala sa atin ang nangyari sa ating nakaraan at sa
tungkulin natin na ipagtanggol ang ating mga karapatang pantao para di na
maulit ang lagim ng martial law. Never Again.
MGA SANGGUNIAN
Aronson, Oleg. 2003. “The Actor’s Body: Constantin Stanislavski’s
Cinematic Theatre.” Third Text. 17(4). 313–321. https://doi.
org/10.1080/0952882032000166143
Blommaert, Jean Paul. 2021. “What is an Indigo Child? Why Do They Call
Indigo Children, Indigo’s? Creating a Place to ‘Re-Member’.” Nakuha
Setyembre 26, 2022. https://jean-paulblommaert.com/what-is-an-
indigo-child/
Cadiz, Gibbs. 2016. “The Future is Here.” Inquirer.net. (Disyembre 17).
Nakuha Agosto 30, 2022. https://lifestyle.inquirer.net/247766/the-
future-is-here/
168 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Carroll, Lee at Tober, Jan. 1999. The Indigo Children: The New Kids Have
Arrived. Penguin/ Random House.
Chua, Michael Charleston Xiao, Briones, Cornelio Marlon, Elumbre, Adonis,
at Campomanes, Alvin. 2012. “TORTYUR: Human Rights Violations
During the Marcos Regime .” Semantic Scholar. Nakuha Agosto 14,
2022. https://www.semanticscholar.org/paper/TORTYUR%3A-
Human-Rights-Violations-During-The-Marcos-Charleston-Chua/
e583f120b9ebe8d391d9d051a5aa6453bf38026c
Dauz, Trixie. 2018. “Who is Rody Vera and Why Does He Have a Festival This
September?” (Setyembre 2). Pinoy Screen Stage. Nakuha Agosto 30,
2022. https://pinoyscreenandstage.blogspot.com/2018/09/who-is-
rody-vera-and-why-does-he-have.html?m=1
Estrella, Josefina (Jose). 2020. Panayam kay Josefina Estrella ni Atty. Nicolas
Pichay. Interview with Indigo Child Director. pelikulove.com.
Nakuha Agosto 14, 2022. https://www.pelikulove.com/indigo-child-
backstage/
Ferrer, Noel. D. 2021. “Vera, Rody.” Cultural Center of the Philippines
Encyclopedia of Philippine Art. (9: Theater). Nicanor G. Tiongson
(punong editor). Manila: Cultural Center of the Philippines. Nakuha
Setyembre 19, 2022. https://epa.culturalcenter.gov.ph/7/60/3352/
Herrera-Repuno, Trinidad. 2016. Panayam kay Ka Trining. “Martial Law
Victim Survives Torture by Electrocution.” Rappler (Setyembre
22). YouTube. Nakuha Agosto 14, 2022. https://www.youtube.com/
watch?v=WU3mqmXuQ18
Labastilla, Skyzx. 2019. Panayam kay Skyzx Labastilla ni Jaytona Ep. Against
The Light - Skyzx Labastilla. (Pebrero 9). YouTube. Nakuha Setyembre
22, 2022. https://www.youtube.com/watch?v=Rovf71HEeeg
Labastilla, Skyzx. 2022. Panayam kay Skyzx Labastilla. Angat Buhay Lahat.
Skyzx Labastilla on Her Dad as a Martial Law Victim. (Marso 9).
YouTube. Nakuha Setyembre 22,
2022. https://www.youtube.com/watch?v=HlQ1KxwWMOM
Ladies Who Launch. (n.d.). Nakuha Agosto 30, 2022.
https://www.ladieswholaunch.org/
Permejo I Isang Pagsusuri sa Indigo Child 169
Leary, Virginia et al. 1984. The Philippines: Human Rights After Martial Law.
Geneva, Switzerland: International Commission of Jurists
Leland, John. 2006. “Are They Here to Save the World?” The New York
Times (Enero 12). Nakuha Agosto 14, 2022. https://www.nytimes.
com/2006/01/12/fashion/thursdaystyles/are-they-here-to-save-the-
world.html
Marayan, Eeula Jean. L. at Permejo, Jerome P. 2022. “Actors Ready: Danas
ng mga Piling Artista ng Teatro sa Panahon ng Pandemya.” (Hulyo)
De La Salle University Arts Congress (6). Theme: Re-Imagining the
Arts in the Post-Pandemic Recovery. https://www.dlsu.edu.ph/wp-
content/uploads/pdf/conferences/arts-congress-proceedings/2022/
hhp-03.pdf
Mauro, Karina. 2017. “The Realistic Acting Method as a Mechanism of
Attenuation of the Actor’s Presence in Theatre and Cinema.”
Revista Brasileira De Estudos Da Prasenca (Brazilian Journal
on Presence Studies). (7) 3. 523–544. https://scielo.br/j/rbep/a/
Qs78kHFPPJmyqs8m6GZqTZy/?format=pdf&lang=en
McGiven, Erik Sean. 2014. “Blocking and Movement.” (Mayo 30). Nakuha
Agosto 30, 2022. https://www.academia.edu/6065609/Blocking_
and_Movement
Melencio, Gloria E. 2019. “Stories of the Nameless: Eyewitness Accounts of
Martial Law Victims and Survivors”. UP Los Baños Journal. (17).
(Enero-Disyembre 2019). 78–98. https://www.ukdr.uplb.edu.ph/
cgi/viewcontent.cgi?article=4953&context=journal-articles
Murphy, Andye. 2020. “Indigo Children Traits: 13 Signs You’re an Indigo
Child”. Gaia. Nakuha Agosto 14, 2022. https://www.gaia.com/
article/13-signs-you-are-an-indigo-child
Palmer, Scott D. 2013. Light: Readings in Theatre Practice. 2013 Edition. Red
Globe Press. Nakuha Setyembre 22, 2022. https://www.academia.
edu/14652661/Light_Readings_in_Theatre_Practice
Peterson, William. 2016. Places for Happiness: Community, Self, and
Performance in the Philippines. Hawaii: University of Hawai’i Press.
JSTOR, http://www.jstor.org/stable/j.ctvvmz99. Accessed Setyembre
22, 2022.
170 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Praagh, James V. 2014. Auras and Energy: Spirit Talk with James Van Praagh.
Gaia. (Disyembre 31). Nakuha Agosto 14, 2022, from https://www.
gaia.com/video/auras-and-energy
Producing the Drama. 2015. hamiltontheatre.edublogs.org. Nakuha Agosto
30, 2022. https://hamiltontheatre.edublogs.org/files/2015/09/Ch.-
10-Stage-Settings-24rbd9m.pdf
Respeto, Jerry C. 2021. “Estrella, Josefina.” Cultural Center of the Philippines
Encyclopedia of Philippine Art. (9: Theater). Nicanor G. Tiongson
(punong editor). Manila: Cultural Center of the Philippines.
Retrieved Setyembre 19, 2022. https://epa.culturalcenter.gov.
ph/7/60/2925/
“Rody Vera Launches Book and First Filipino Online Playwriting Course.”
2019. Rappler (Hunyo 25). Nakuha Agosto 30, 2022. https://www.
rappler.com/bulletin-board/233842-rody-vera-two-women-as-
specters-of-history-first-filipino-online-playwriting-course/
Rosales, Etta. 2016. Panayam kay Etta Rosales. “Etta Rosales Shares the
Torture She ‘Hated’ the Most.” [Video]. Rappler (Setyembre 22).
YouTube. Nakuha Setyembre 22, 2022. https://www.youtube.com/
watch?v=8KheV09x-28
Santos, Eimor P. 2016. “Marcos Burried at the Libingan ng mga Bayani”. CNN
Philippines. (Nobyember 18). Nakuha Agosto 28, 2022, https://www.
cnnphilippines.com/news/2016/11/18/Marcos-burial-at-Libingan-
ng-mga-Bayani.html
Sofer, Andrew. 2003. The Stage Life of Props. USA: University of Michigan
Press.
Stanley, Jack R. at Monta, Marian F. 2008. Directing for Stage and Screen. New
York: Palgrave Macmillan.
Tariman, Pablo A. 2013. “Rody Vera Is on a Roll.” Philippine Daily Inquirer.
Nakuha Agosto 30, 2022. https://lifestyle.inquirer.net/130621/rody-
vera-is-on-a-roll/
Tiatco, Sir Anril P. 2016. “The Theater of José Estrella.” The Theatre
Times. (Agosto 24). Nakuha Setyembre 11, 2022, from https://
thetheatretimes.com/author/a-tiatco/
Permejo I Isang Pagsusuri sa Indigo Child 171
Tiongson, Nicanor G. at Respeto, Jerry C. 2022.” Paano Nga Ba Manood ng
Dula?: Apat na Dulog sa Pagsusuri ng Dulang Pilipino.” Ikalawang
DESK-TP Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO para sa PUP. Agosto 15. Sa librong ito.
TheaterFansManila.com. 2016. http://theaterfansmanila.com/author/
tfmadmin/. TheaterFansManila.Com. (Setyembre 19). Nakuha
Agosto 30, 2022. http://theaterfansmanila.com/never-again-voices-
of-martial-law/
“You Can Die Any Time.” 2017. Human Rights Watch. (Marso 20) Nakuha
Setyembre 22, 2022. https://www.hrw.org/report/2009/04/06/you-
can-die-any-time/death-squad-killings-mindanao
VIDEO PERFORMANCE
Indigo Child. 2022. Pagtatanghal sa video na napanood noong Agosto 6,
2022, para sa ulat ng awtor na ibinigay sa worksyap ng Ikalawang
DESK-TP Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO para sa PUP. Agosto 15. Muling pinanood sa Pelikulove
(n.d.-b). [Video]. Setyembre 2022. https://pelikulove.com/log-
in/?redirect_to=https%3A%2F%2F2.zoppoz.workers.dev%3A443%2Fhttps%2Fpelikulove.com%2Findigo-
child%2F&bp-auth=1&action=bpnoaccess
172 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Jose V. Clutario
PINOY MACHISMO AT PAGBUNO SA
DANAS NG TRAUMA:
ISANG PAGSUSURING MAKA-TAO
SA DULANG FERMATA
NI DUSTIN CELESTINO
PANIMULA
K
atulad ng ibang likhang-sining, may kakayahan ang dula na
hubugin ang kamalayan ng mga manonood at ang kanilang pananaw
sa mga isyung hango sa totoong buhay. Higit sa pag-aliw lamang
ng manonood, hinahamon ng dula ang madla na suriin ang kanilang mga
paniniwala at makisangkot sa pagpapalawak sa mga diskurso na maaaring
maging daan tungo sa mas malalim at mas makataong pag-unawa sa kaniyang
sarili at kapwa.
Sa kasalukuyan, mapapanood ang ganitong mapanghamon at
mapanuring mga dula sa mga pagtatanghal ng Virgin Lab Fest, isang festival
ng mga bago at hindi pa naitatanghal o nailalathalang maikling dula ng mga
mandudulang Pilipino. Pagkatapos ng dalawang taong pananahimik ng
“live theater” dahil sa pandemya, idinaos noong Hunyo 2022 ang festival na
pinamagatang VLF17: Hinga sa Cultural Center of the Philippines (CCP).
Labindalawang maiigsing dula ang itinanghal at isa sa mga nangibabaw ay ang
dulang Fermata, na isinulat ni Dustin Celestino at dinirek ni Guelan Luarca.
Layunin ng sanaysay na ito na suriin ang dulang Fermata gamit ang
apat na dulog na inilarawan nila Tiongson at Respeto (2022) sa sanaysay na
“Paano Nga Ba Manood ng Dula? Apat na Dulog sa Pagsusuri ng Dula”: 1)
ang pagsusuri sa dula bilang likhang sining; (2) ang paglalahad sa konteksto
ng dula; (3) ang pagtukoy sa dating ng pagtatanghal sa manonood; at (4)
ang pagtasa sa saysay ng dula sa lipunan at timbang nito sa pananaw ng
173
Kamalayang Pilipino na maka-TAO (KAMPIT). Sa huling dulog ay gagamitin
din ang konsepto ng maskulinidad at machismo na mula kay Reuben Ramos
Cañete (2014) upang higit na maunawaan ang danas ng pang-aabusong
seksuwal at trauma na tinalakay ng dulang Fermata.
UNANG DULOG: ANG PAGTATANGHAL NG FERMATA BILANG LIKHANG-SINING
Sa unang dulog, sinisipat ang kakanyahan ng dula bilang “isang
organikong likha na may tiyak na porma at komposisyon” sa entablado na
ating naririnig at nakikita. May tatlong aspekto ng pagtatanghal na dapat
suriin upang mataya kung nagtagumpay ang pagtatanghal ng dula bilang
likhang-sining: 1) ang tema ng iskrip at ibig ipahiwatig ng produksiyon, 2)
ang estilo ng orihinal na dula at pagtatanghal nito, at 3) ang mga elementong
ginamit para maipahayag at maparamdam sa manonood ang tema ng dulang
itinatanghal. (Tiongson at Respeto 2022)
Tema ng Iskrip
Tinatalakay sa dulang Fermata ang trauma bilang “aftermath” ng
pagdanas ng pang-aabusong seksuwal at kung paano nahahadlangan ng mga
namamayaning “gender stereotypes” sa lipunan, partikular na ang “toxic
masculinity,” ang paghilom at paglaya ng biktima mula dito. Binibigyang-
pansin din ang proseso ng pag-angkop ng mga biktima sa mabigat na
trauma at ang mahalagang gampanin ng memorya o alaala sa mahabang
pagpoproseso nito.
Nakasentro ang dula sa pag-uusap ng magkaibigang musikero
na sina Alex at Ben na magaganap sa loob ng jazz bar na pag-aari ni Alex.
Matagal nang hindi nagkikita ang dalawang magkababata. At napadalaw
lamang si Ben dahil inimbitahan siya ng isang news outlet para magsulat ng
artikulo bilang tribyut sa kaniyang namayapang ama, isang sikat na musikero
at “musical icon.” Balak gamitin ni Ben ang pagkakataong ito para alamin
kung totoo ang narinig niyang tsismis tungkol sa ama na ito ay may ginawang
pang-aabusong seksuwal sa kaniyang mga estudyante, partikular, sa kaibigan
niyang si Alex. Iiwas si Alex sa mga tanong ni Ben, pero lalabas unti-unti
ang mga pangyayari nang sila ay bata pa, ang trauma na dinanas ni Alex dahil
dito, at ang mga paraan kung paano niya hinarap ang traumang ito.
May mga mahalagang tanong at obserbasyon na iniiwan ang dula
na tinukoy ni Yuzon (2022) sa huling bahagi ng panayam kay Celestino
sa Esquire Philippines: “Ang paghahanap ba ng hustisya ay mas mahalaga
kaysa sa muling pagbubukas ng mga sugat ng nakaraan? Karapat-dapat bang
pilitin ang mga biktima na bumalik sa pasakit at pagdurusa nang paulit-ulit
174 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
upang maitama ang isang mali? Hindi laging may malinaw na sagot. Ngunit
ipinapaalala sa atin ng Fermata na habang ang katarungan ay mahalaga sa
pagbabago, marahil, higit pa, ay ang pag-ibig, habag, at pagsisisi.”
Ang tema ng Fermata ay may kaugnayan sa pangkalahatang tema ng
VLF 17 na “Hinga.” Tulad ng paghinga o pagbitaw matapos na hawakan ang
isang musikal na nota nang matagal (na tinatawag na “fermata”), ipinapakita
ng dula kung paanong ang isang biktima ng pang-aabuso ay nakahinga mula
sa trauma ng kaniyang nakaraan na kinimkim nang napakaraming taon. Ang
dula ay selebrasyon din ng paglaya ng pangunahing tauhan dahil nakaalpas
siya sa mga mapaniil na kaisipang pangkasarian na humahadlang upang
maabot niya ang kaganapan ng kaniyang pagiging tao.
Ang Estilo ng Iskrip at Produksiyon
Pinili ng manunulat at direktor ang estilo ng realismo sa pagsusulat
ng iskrip at pagtatanghal ng dula. Marahil ito’y dahil ang estilo ng realismo,
sa partikular, ang estilo ng realismong sikolohikal na nakatuon sa mga
nagtutunggaling damdamin sa loob ng isang indibidwal, ang higit na
makapagpapalutang sa paksa at tema ng dula. Sa estilong ito, kailangang
mailarawan ang nakaraan ng isang karakter, ang kaniyang estado sa
kasalukuyan, ang kaniyang mga naging relasyon sa pamilya, sa mga kaibigan,
sa mga malaking tao, ang kaniyang mga paniniwala, pinahahalagahan, at
mithiin sa buhay – sa katagang sabi, ang kabuuan ng kaniyang pagkatao.
Sa estilo ng realismo, ginagamit ang konsepto ng “fourth wall” para
lalong maging kapani-paniwala ang dulang pinapanood. Sa konseptong ito,
nag-uusap at gumagalaw ang mga tauhan sa entablado tulad sa tunay na
buhay, na waring nasa loob lamang sila ng isang kuwartong may apat na
dingding. Sa kabilang banda, ang manonood naman ay tila mga voyeur na
nagkataon lamang na nasumpungan ang mga nangyayari sa pagitan ng mga
aktor na hindi alam na may nanonood at nakikinig sa kanila.
Para maging matagumpay ang paggamit ng estilong ito, kailangang
isaalang-alang, masunod, at patingkarin ito ng iba pang elemento ng
produksiyon, sa ilalim ng pamamahala ng direktor.
Mga Elemento ng Pagtatanghal
Agad na makikita ang estilo ng realismo sa kaisa-isang set na
ginamit ng dula – ang loob ng jazz bar ni Alex nang wala nang mga kostumer.
Tipikal na pang-bar ang mga mesa, silya, patungan ng mga bote ng alak, neon
signs, at iba pang mga prop nito (Tingnan ang Larawan 1 at 2 sa pahina 137).
Clutario I Isang Pagsusuri sa Dulang Fermata 175
Ngunit higit pa sa pagiging makatotohanan, ang tagpuan ay makahulugan at
bagay na bagay sa mangyayaring rebelasyon. Una, ang jazz bar ay karaniwang
“chill spot” o lugar kung saan nagpupunta ang tao upang aliwin ang sarili at
kadalasa’y upang tumakas sa mga istres sa buhay. Pangalawa, ang jazz bar ay
lugar para sa inuman o paglalasing, na kung minsan ay siyang nagiging daan
para ihinga ng kalalakihan ang mga kaisipan o damdaming itinatago sa loob.
Panghuli, ang jazz bar ni Alex ay representasyon ng kaniyang “normal” na
buhay matapos ang naranasang abuso. Sa kabila ng mga nangyari sa kaniya,
naging matagumpay siya sa pinasok na larangan. Ngunit ito rin ang lugar
kung saan niya pilit na ikinubli at hinawakan nang mahabang panahon, tulad
sa estilong fermata, ang kaniyang madilim na karanasan sa tatay ni Ben.
Ang nakahilerang mga bote ng alak sa bar ay tila simbolo sa mga binoteng
mapanganib na damdamin: galit, takot, pangamba, at pagkalito, na isa-isang
nabuksan sa kanilang pag-inom.
Tulad ng set, naging kapani-paniwala at makatotohanan ang
pagganap ng mga aktor, ang kanilang diyalogo, at mga galaw sa entabldo.
Marahil naging natural ang pagbibigay-buhay nila sa relasyon, kasaysayan,
at emosyonal na danas ng mga karakter dahil sila mismo ay mga musikero.
Ang blocking ay nagpapahiwatig ng iba-ibang emosyon na nararamdaman ng
mga tauhan at reaksiyon sa sinasabi ng isa’t isa – lumalayo, lumalapit, umiikot
lamang sa espasyo ng jazz bar ni Alex. Maganda at natural ang pagbitaw ng
mga linya ng diyalogo, pero napaka-epektibo din ng mahahabang pagtigil/
pagpipigil (fermata) sa tuwing magkakainitan ang pag-uusap si Ben at
Alex. At kung natural ang pagganap, ordinaryo at pang-araw-araw din ang
mga kostyum ng mga tauhan – polong maigsi ang manggas na nakapatong
sa t-shirt, pantalong maong. at sneakers. Impormal ang damit. Walang
pagkukunwari.
Medyo madilim ang ilaw sa entablado upang mahuli ang mood
ng isang jazz bar. Kulimlim ang ilaw sa paligid at nakatuon lamang ang
kaunting liwanag sa mga espasyo kung saan nag-uusap sina Ben at Alex.
Ganito talaga ang dating ng karaniwang jazz bar sa Metro Manila. Sa bar ay
hindi rin napapansin ang pagtakbo ng oras dahil talagang insulated ang bar
mula sa tunay na mundo upang makalimutan ng mga kostumer ang oras at
maengganyo silang magtagal at uminom pa sa loob.
Ang unang musika na pinatugtog ay jazz upang makalikha ng mood
at maunawaan natin na ang tagpuan ay jazz bar. Bagay ito sa panimulang
eksena kung saan makikita si Alex na nagliligpit dahil magsasara na ang bar.
Mayroon ding musika na pinapatugtog ni Ben mula sa cellphone ni Alex, na
bahagi ng naratibo upang magpatuloy ang banghay. Mayroon ding bahagi
kung saan gumamit ng gitara si Ben at tumugtog habang sinasabi niya kay
176 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Alex ang ibig niyang isulat tungkol sa namayapang ama. Mariringgan din
ng ambient na tunog ang dula. May manaka-nakang tunog ng dumadaang
sasakyan para ipadama at ipaalala na ang bar ay malapit sa main road o kalye.
Dahil sa maingat at mahusay na pagtatagni-tagni ng mga elementong
nabanggit, agad nakapasok at nanatili ang manonood sa loob ng realidad na
nilikha ng dula. Buong-buo ang suspension of disbelief at naniwala ang odyens
na totoong buhay ang nagaganap sa harap nila at sakay na sakay sila sa mabilis
na pagbabago ng mga argumento at emosyon sa kahabaan ng dula. Likhang-
sining nga ang Fermata.
IKALAWANG DULOG: ANG KONTEKSTO NG PAGTATANGHAL NG FERMATA
Sa ikalawang dulog, bibigyang-pansin ang iba’t ibang mga
kondisyong nakapalibot sa dula na maaaring magpalalim sa kahulugan ng
pagtatanghal. Ayon kina Tiongson at Respeto (2022), masusuri ang konteksto
ng dula sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong na 1) sino ang nagtanghal
ng dula? 2) bakit at kailan itinanghal ang dula? 3) para saan, at para kanino
ginawa ang pagtatanghal?
Ang Mandudula, Direktor, at Mga Aktor
Ang Fermata ay dula na isinulat ni Dustin Celestino at dinirek naman
ni Guelan Luarca. Tampok dito ang dalawang propesyonal na musikero na
sina Basti Artadi bilang Alex/Lex at Xander Soriano bilang Ben.
Si Dustin Celestino ay isang mandudula, direktor ng pelikula,
content creator, at guro. Nagtapos siya sa pamantasang De La Salle ng kursong
bachelor of arts in philosophy noong 2004 at kasalukuyang tinatapos ang
kursong master of fine arts in creative writing sa Unibersidad ng Pilipinas.
Siya ay nakatanggap na ng mga parangal sa pagsulat ng dula, sanaysay, at
maikling kuwento mula sa DLSU at Don Carlos Palanca Memorial Awards.
Noong 2019, nakamit niya ang special jury prize sa Cinema One Originals
Film Festival para sa pagsusulat at pagdidirek ng pelikulang Utopia. Siya din
ang nagsulat ng dulang Mga Eksensa sa Buhay ng Kontrabida at Doggy na
kasama sa mga nakaraang VLF.
Sa panayam sa kaniya ng Esquire Philippines (Yuzon 2022), binanggit
ni Dustin na ang Fermata ay nagsimula bilang isang maikling kuwento, ngunit
alam niya na ito ay higit na magigging epektibo kung isasadula. Binanggit din
niya na ang mga tauhan sa orihinal na bersiyon ng dula (2017) ay babae at
lalaking mag-ex, ngunit hindi naging maganda ang resulta nito. Sa sumunod
na bersiyon (2019), ginawa niyang parehong babae ang mga tauhan, ngunit
Clutario I Isang Pagsusuri sa Dulang Fermata 177
matapos iworksyap sa Writer’s Bloc ay sinabihan siyang kailangan pang
pinuhin ang akda. Noong 2020, nagdesisiyon si Dustin na isulat kung ano
ang mas malapit sa kaniyang karanasan at ginawang parehong lalaki ang mga
tauhan.
Sa Playwright’s Note ng VLF 17 souvenir program, ipinagtapat ni
Dustin na nakaranas siya ng abusong seksuwal mula sa isang konduktor sa
loob ng kanilang school bus noong siya’y Grade 4 pa lamang. Ayon sa kaniya,
wala siyang”emotional tools” noong mga panahong iyon para iproseso ang
nangyaring abuso at nanaig ang itinuro sa kaniya na “pangit sa lalaki ang
sumbungero at iyakin.” Noong tumanda siya, tsaka niya lang naintindihan
na siya’y naging biktima ng sexual harrassment. Ang karanasang ito ang isa sa
mga nagtulak kay Dustin na paksain ang isyu ng pang-aabusong seksuwal sa
mga kalalakihan sa kaniyang dula. Aniya, “Itong ganitong mga bagay, hindi
pinag-uusapan ng mga lalaki, dahil lumaki kami sa panahon ng mga action
stars at kultura ng machismo.” Dagdag pa niya: “Maraming buhay na ang
isinakripisyo ng machismo sa altar ng katahimikan,” kaya nagpasiya siyang
sulatin ang Fermata (VLF 17 Souvenir Program).
Si Miguel Antonio Alfredo V. Luarca, mas kilala bilang Guelan
Luarca, ay isang published na mandudula, tagasalin, artista sa entablado, at
direktor. Dalawang beses na siyang ginawaran ng unang gantimpala sa Don
Carlos Palanca Memorial Awards para sa kaniyang mga dula. Ang mga obra
niya bilang manunulat at direktor ay binanggit sa mga taunang best-of-theater
round-up ng iba’t ibang kritiko at publikasyon. Nagtuturo siya ng Directing,
Shakespearean Performance, at Theater Theory sa Departamento ng Fine
Arts, Loyola Schools, Ateneo de Manila University. Siya ang kasalukuyang
artistik direktor ng Tanghalang Ateneo, ang pinakamatandang grupong
panteatro sa Ateneo.
Sa kaniyang Director’s Notes sa VLF 17, binanggit ni Guelan na
malaki ang kinalaman ng kaniyang karanasan sa paggawa ng Fermata.
Nalaman niya noon na ang kaniyang ipinagluluksang namatay na kaibigan
ay isang sexual abuser pala. At hindi lamang iyon. Kilala rin niya ang mga
survivors ng pang-aabuso at ang ila’y kaibigan pa niya. Maraming naging
tanong at pagpoproseso sa nangyari, pero natagpuan niya ang sagot sa mga
ito sa katatapos lang na kampanya ng dating Vice President Leni Robredo --
ang “Radikal ang Magmahal,” na naging mantra ng People’s Campaign para
kay Robredo. Dagdag pa ni Luarca, “Hindi ako hukom. Isa akong kaibigan.
Kayang isilid sa maliit kong puso ang halu-halong galit, poot, pagsisisi,
panghihinayang, hinanakit, at malalim na pagmamahal. Sa abot ng makakaya
ko, ang lahat ng iyon ay nakasilid din sa dulang ito....Hindi ko maipapangako
ang paghilom. Kaya ko lang ipangako, ang pagsama at pakikinig” (VLF 17
Souvenir Program).
178 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Si Basti Artadi na gumanap bilang Alex ay ang bokalist ng Philippine
rock band na Wolfgang na nakatanggap na ng maraming gawad at pagkilala.
Sa kaniyang bakanteng oras, si Basti ay nagsusulat at gumagawa ng sarili
niyang mga awit. Inilabas ang kaniyang album na Everybody Knows That
the Dice are Loaded noong 2014 at ang sumunod dito, ang Phantom-Maker,
noong 2019, isang koleksiyon ng mga kantang pop at rock. Hindi siya bago
sa teatro. Lumabas siya sa dalawang full-length na musikal na Ingles: ang
produksiyon ng Jesus Christ Superstar ng Atlantis Productions noong 2001
at American Idiot ng Globe at Nine Works Theatricals noong 2016. Ngunit
ang Fermata ay naging kaiba. Ito ang unang dula ni Basti sa CCP, unang
dula sa Filipino, unang straight play, at unang one-act play. Sa isang interbyu,
binanggit ni Artadi na ito ang una niyang straight play na heavy drama, kaya
medyo nag-alala siya na baka di niya maibigay ang hinihingi ng istorya at
karakter na ginagampanan. Pero sinabi niya rin na pumasok siya sa teatro na
buo ang loob at bukas sa anumang mga posibilidad (De Jesus 2022).
Si Xander Soriano naman na gumanap na Ben ay huling nakita sa
entablado sa produksiyong Marat/Sade ng Dulaang UP Laboratoryo bilang
Jean-Paul Marat noong 2019. Noong 2021, naging bahagi siya sa online na
pagtatanghal ng “Tahanan,” isang proyekto ng Japan Foundation, Manila. Sa
VLF, nagbasa siya para sa ilang stage reading ng mga bagong gawa ng mga
VLF fellows. Siya rin ang nagdisenyo ng tunog at musika ng “Ang Sugilanon
ng Kabiguan ni Epefania” (Fermata FB Page).
Sa pamamagitan ng isang common friend, naimbitahan nila Luarca
at Celestino ang musikero at pintor na si Basti Artadi na magbasa para sa
karakter ni Alex. Si Xander naman ay kaibigan nila Guelan at Dustin kaya’t
hindi na sila nahirapan pa na maghanap ng gaganap bilang Ben.
Sinabi ni Luarca sa interbyu sa Esquire Philippines na noong binabasa
niya ang iskrip, ini-imagine na niya ang level of performance at ang klase ng
akting na kailangan niya mula sa mga artista. Aniya, “Hindi ko matukoy, pero
may mga bagay na hindi magagawa ng mga regular na artista sa teatro kung
hindi rin sila musikero.” Binanggit din ni Luarca na mula sa unang pagbasa,
na ginanap sa Zoom, ang dalawang aktor ay agad na nagkaroon ng rapport, na
nahinog at naging malakas na chemistry sa entablado (Yuson 2022).
Ang Fermata bilang Bahagi ng VLF 17
Ang Virgin Lab Fest o VLF ay isang taunang kolaborasyon ng Writers
Bloc, Tanghalang Pilipino, at CCP, na nagtatanghal ng mga bagong dulang may
isang yugto sa isang “bare bones” na produksiyon. Layunin nitong tumuklas
ng at tuklasin ang, mga bagong direksiyon sa kontemporaryong teatro sa
Clutario I Isang Pagsusuri sa Dulang Fermata 179
Pilipinas. Nakilala ang VLF para sa mga dulang may alay na bago, kapana-
panabik, at kung minsa’y mapangahas na mga ideya at konsepto sa sining
panteatro sa Pilipinas. Nagsimula ang VLF noong taong 2004 at nagpatuloy
taon-taon hanggang mahinto nang dalawang taon dahil sa pandemya.
Noong Hunyo 16-26, 2022, muling idinaos ang taunang festival
na pinamagatang VLF 17: Hinga. Ang mga pagtatanghal ng mga napiling
dula ngayong taon ay nagsilbi ring hudyat ng muling pabubukas ng teatro
sa publiko at pagbabalik ng “live” o harapang pagtatanghal. Ito ang unang
malalim at malayang paghinga pagkatapos ng mahigit dalawang taon na
pananahimik dahil sa pandemya. Ayon kay Tess Jamias, ang VLF 17 Festival
Co-Director, “the theme HINGA was chosen to underline our need to breathe,
to rest, to blow off steam, to be present and to feel alive. After being isolated
in our houses, we now focus on the importance of community--the need to
be sharing space and time reveling in one another’s presence--the urgency of
theatre and performance.” Bukod sa harapang pagtatanghal, nagkaroon din
ng online streaming ang VLF mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 10, 2022 sa
pamamagitan ng Ticket2Me.
May apat na set (A-D) ng pagtatanghal ang festival, at bawat set ay
kinapapalooban ng tatlong maiikling dula. Bahagi ang Fermata ng tatlong
dula sa SET D: Life Choices, na may temang “Hay, Buhay…: Hanggang May
Ihihinga.” Kasama rin sa SET D ang “Huling Haraya nina Ischia at Emeteria” ni
Ryan Machado at “Benvenuta al Lido di Venezia” ni George Vail Kabristante.
Sa pananaw ng VLF at ng buong artistic staff ng Fermata, kailangang
tukuyin ang tema ng sexual abuse na madalas ay iniiwasan ng mga artista ng
entablado, o naroro-romanticize pagkat hindi ipinapakita ang tunay na epekto
ng trauma sa biktima, o basta hindi na lang pinag-uusapan dahil nakakahiya.
Sa pamamagitan ng isang produksiyon na maglalarawan sa problemang ito
sa paraang sensitibo, siyentipiko, at simpatetiko, maaaring makatulong ang
dula para malaman, maunawaan, at mapagnilayan ng manonood ang isang
katotohanang sumisira sa buhay ng maraming Pilipino. Ayon kina Luarca:
“What was important to us was truth, sincerity, intention… the same stuff
that all plays kind of have to work hard to achieve” (Yuson 2022).
IKATLONG DULOG: ANG DATING NG PAGTATANGHAL
Binibigyang-pansin sa ikatlong dulog ang dating ng pagtatanghal.
Ayon kay Lumbera (2021) ang dating ay tumutukoy sa epekto ng likhang
sining sa mambabasa o manonood. Sinusuri sa dulog na ito ang estetika
ng pagtatanghal, pagkat ang estetika ng isang palabas ay nasusukat sa kung
paano ito nagiging katanggap-tanggap o di katanggap-tanggap sa manonood
180 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
batay sa tatlong katangian ng dating: magaan, malalim, at superyor o bongga
(Tiongson & Respeto, 2022).
Magaan ang dating ng Fermata sa tainga dahil ang wikang ginamit
ay kolokyal na Filipino at Ingles o kadalasa’y Taglish na kung minsa’y may
tunog na “konyo” na nagpapakita ng uring pinanggalingan ng tauhan. Ang
diyalogo ng dalawang tauhan ay batay din sa speech patterns ng mga taong
maoobserbahan sa totoong buhay. Gumamit din ng musikang jazz sa dula
upang ipahiwatig ang tagpuan at ang makabago at kontemporaryong tono
ng dula.
Magaan din ang dula sa mata at tainga dahil sa epektibo at
makatotohanang pagganap ng dalawang aktor bilang matagal nang
magkaibigan. Maririnig sa kanilang mga asaran o banter, pati na rin sa
kanilang pagsasagutan sa mga dramatikong bahagi ng dula, ang lalim ng
pagkakaibigan ng dalawang ito. Magaan din sa mata ang set at props dahil
nahuli ng mga ito ang mood at angking ganda ng isang jazz bar at ang mga
kostyum na nagpahiwatiug ng pagkatao ng magkaibigan -- tipikal para sa
middle-aged at “straight’ na musikerong lalaki, bagaman hindi rin lang naman
ito ang batayan kung paanong malalaman ang kanilang seksuwalidad.
Panghuli, magaan ang dating ng dulang Fermata dahil simple ang
istruktura nito – dalawang lalaking nag-uusap sa iisang lugar sa loob ng 45
minutong real-time. Bukod pa dito, hinaluan ang diyalogo ng mga linyang
nakakatawa, lalo na sa mga eksenang nag-aasaran ang dalawang magkaibigan.
Minsa’y ginagamit ang mga biruan para balansehin ang namumuong tensiyon
sa pagitan ng magkaibigan sa tuwing mapupunta ang paksa ng usapan sa ama
ni Ben.
Malalim ang dating ng dula dahil sa pagtalakay nito sa isang
napakasensitibong paksa na bago at sariwa dahil bihirang maitanghal sa
teatro. Malalim din dahil ang estetikang ginamit ay “paloob” (Tiongson at
Respeto 2022), isang estetikang humahamon sa manonood na tumahimik,
mag-isip, magsuri , at masusing basahin ang iba-ibang elemento ng dula
upang masundan ang emotional arch ng naratibo at matanto ang kaisipang
inihahatid nito sa manonood. Malalim ang dating ng dula dahil ang tunggalian
dito ay hindi pisikal kundi bunga ng magkaibang pananaw tungkol sa pang-
aabusong ginawa ng ama ni Ben kay Alex. Malalim din ang dating ng wakas
ng dula na hindi nagbibigay ng isang malinaw na sagot sa mga tanong na
pinalutang nito at sa halip ay nagbibigay ng puwang sa manonood upang
huminga at patuloy na pag-isipan at palalimin pa ang diskursong sinimulan
ng dula.
Clutario I Isang Pagsusuri sa Dulang Fermata 181
Para malaman ang naging dating ng dula sa mga nanood ng live
performance, maaring sipiin ang ilang rebyu at obserbasyon ng mga manonood
na lumabas sa Facebook Page ng Fermata. May isang nagsabi na saludo siya
sa ginawang pagtatangka ng dula na pag-usapan ang mga paksang mabibigat
tulad ng trauma at sexual abuse. Ang isa naman ay nagsabi na napatahimik
ng dula ang mga manonood sa loob ng 45 na minuto dahil na rin sa paraan
kung paano inilahad ang mga isyu. Sa huli ay sinalubong ang pagtatapos ng
dula ng isang masigabong palakpakan mula sa mga manonood (Fermata FB
page). Batay sa naging reaksiyon ng odyens sa 12 dula ng VLF17, napili ang
Fermata para me-revisit (ibig sabihin ay uulitin) sa VLF ng taong 2023, isa sa
dalawa lamang na napili.
Bilang isang manonood na may karanasan din ng pang-aabusong
seksuwal noong bata pa, mahalaga para sa akin na binigyang-diin ng dula na
(1) ang abuso ay hindi kailanman tama o justifiable ano man ang pagkatao
ng gumagawa nito; (2) hindi maaaring isisi sa biktima ang hindi paghingi ng
tulong o paghanap ng hustisya agad-agad matapos ang abuso; (3) ang trauma
ay hindi nagagamot agad-agad o naghihilom nang kusa, pagkat malulunasan
lamang kung tama ang piniling paraan ng paghilom ng biktima; at (4)
mahalaga sa mga biktima ang pagdamay o “empathy” ng ibang tao pagkat
ito ang patunay ng tunay na pakikipagkapwa na nagpapalakas ng loob ng
pinagsamantalahan.
Bilang manonood, hindi ko malilimutan ang eksena kung saan
habang hawak-hawak ni Alex ang isang bote ng beer ay ikinukuwento niya
ang naranasang abuso at ang iba’t ibang magkakasalungat na damdamin at
kaisipan na nagtagisan sa kaniyang kalooban, nang tinangka niyang unawain
ang nangyari at gumawa ng desisyon tungkol dito. Para sa akin, napakalakas
ng dating ng eksenang ito dahil naipakita at naipadama sa manonood kung
paano dinadala ng isang biktima ang bigat at sakit ng alaala at trauma ng isang
karanasang mahirap iproseso.
Sa mahusay na paghahabi ng iskrip, direksiyon, pagganap, disenyo
ng produksiyon, ilaw, at tunog, nailuwal ang dula bilang organikong kabuuan
na nagdudulot ng katarsis at nag-aanyaya sa mga manonood na makiramay
sa mga taong nagdanas ng trauma mula sa pang-aabuso. Dahil napagsama
ng dula ang gaan at lalim sa isang mataas na antas, masasabing superyor o
bongga ang dating ng Fermata.
182 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
IKAAPAT NA DULOG: ANG SAYSAY NG PAGTATANGHAL SA LIPUNAN
AT TIMBANG NITO SA KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Sa ikaapat na dulog, binibigyang-kahulugan ang pagtatanghal sa
pamamagitan ng paggamit ng mga lenteng teoretikal at sa pagbasa ng ambag
nito sa pagsusulong ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
Ang Kamalayang Kolonyal sa Likod ng Pinoy “Machismo”
at “Toxic Masculinity”
Tinatalakay sa dulang Fermata ang trauma bilang “aftermath” ng
pagdanas ng pang-aabusong seksuwal at kung paano nahahadlangan ng
namamayaning machismo ang paghilom at paglaya ng biktima mula dito.
Malinaw sa linyang binitiwan ni Alex ang dahilan kung bakit hindi niya
nagawang magsumbong o isiwalat ang ginawang statutory rape ng ama ni
Ben sa kaniya noong sila’y mga estudyante pa lamang: “Dahil lalaki tayo.”
Ang linyang ito ang buod ng iba’t ibang kaisipang pangkasarian na patuloy na
nagiging hadlang sa paglaya at kaganapan ng mga kasarian.
Sa librong Masculinity, Media, and Their Publics in the Philippines
(2014), sinabi ni Reuben Ramas Cañete na ang historikal na kultura ng
maskulinidad o pagkalalaking Pilipino (Philippine masculinity) ay nabuo
dahil sa mahigit na tatlong siglong paghahari ng Espanya sa bansa, na lalo
pang pinalakas sa panahon ng kolonyalismong Amerikano sa bansa noong
siglo 20. Ang imahe ng macho ay nagmula sa “majo” na tumukoy sa mga
kalalakihang siga at maton na nagkalat sa mga lansangan ng Madrid noong
siglo 19. Kilala sila sa kanilang (Ibid., 2) “outlandish costumes, exotic blend
of Spanish and gypsy culture, and assertive violence.” Bantog rin sila bilang
“heterosexual male who fathers children from multiple women, fraternizes with
other males in public display of masculine bravado (like drinking, gambling,
and fisticuffs), and establishes his social status through dominance over other
sexes and gender, such as women and queers.” Dagdag pa ni Cañete (Ibid., 2),
“This macho -- as an aggressive, petulant, and irresponsible male who inhabits
the center of the social stage--has defined for his popular audience what being a
man is—and this has been reinforced by novels, films, plays, music, and dance.”
Mauunawaan, kung gayon, na ang naging reaksiyon ni Alex sa
pangmomolestiya ng ama ni Ben, ay bunga ng ilang dantaong pagkondisyon
sa mga kalalakihang Pilipino ng kaisipang kolonyal na maaaring ituring
na isang anyo ng “cultural violence.” Ang piliing manahimik at huwag
magsumbong dahil ang lalaki ay matapang, hindi umiiyak, malakas, at hindi
nagpapakita ng anumang emosyon o kilos na taliwas sa imahe ng macho – ito
ang kahulugan ng “toxic masculinity.” Sinisiil nito ang pangangailangan ng
Clutario I Isang Pagsusuri sa Dulang Fermata 183
lalaki na ipahayag ang kaniyang damdamin at umugnay at humingi ng tulong
sa kaniyang kapwa.
Sa pag-iral ng machismo, hindi lamang babae ang napeperhuwisyo
kundi ang kalalakihan mismo na nauuklo ang pagdebelop bilang ganap
na tao. Dahil ang lalaki daw ay malakas at matapang, hindi nairereport sa
mga awtoridad ang pang-aabuso sa kalalakihan. Sa isang ulat ng UN ukol sa
domestic violence, lumalabas na hindi lamang pala kababaihan kundi malaki
ring bahagdan ng batang kalalakihan ang nakakaranas ng abuso. Dahil
nahihiyang humingi ng emotional at mental health support ang mga lalaki,
nagkakaroon din sila ng severe depression.
Kaya marami ang nananawagan na wakasan na ang mapanirang
istiryotipo ng lalaki at babae. Sa isang CNN article noong 2021, sinabi ni Dr.
Nathalie Verceles ng University of the Philippines Center for Women’s and
Gender Studies na panahon na para turuan ang lalaki kung paano kilalanin
at harapin ang kaniyang mga damdamin, sa tahanan man o sa paaralan.
Masasabing ito rin ang tinangkang gawin ng Fermata. Sa pagsisiwalat ni
Alex ng pang-aabuso sa kaniya, binasag ng dula ang imahen ng macho at
hinayaan ang mga tauhan na makahinga mula sa matagal na pagkimkim sa
pagkabagabag at pagtatago sa trauma ng pagsasamantala.
Ang Pagbuno sa Kapangyarihan
Mahalaga din ang isinasaad ng dula na ang pang-aabusong seksuwal
ay may dimensiyon ng kapangyarihan. Sa pag-uusap nila Ben at Alex,
lumabas kung bakit hindi agad nagsumbong si Alex at, sa halip, ay piniling
manahimik at ikubli na lamang ang naranasang abuso. Ito’y dahil wala siyang
kalaban-laban sa ama ni Ben na isang power figure. Sa dula, ang makikita ay
ang di-pantay na tunggalian sa pagitan ng isang guro at isang estudyante,
isang sikat na musical icon at isang bagitong musikero, isang kinilalang ama at
isang inangking anak.
Ang usapin ng abuso ay lagi’t laging may kinalaman kung nakanino
ang posisyon ng pribilehiyo. Kaya naman, sa kabila ng tawag dito na
pang-aabusong seksuwal, ang pagsasamanatala ay mas may kinalaman sa
kapangyarihan kaysa sa seks. Bagama’t ang paghipo ay maaaring seksuwal, ang
mga salitang mapang-akit o nakatatakot, at ang pisikal na paggigiit sa sarili ng
nanggagahasa, umaatake, o nanliligalig ay nagmumula sa pangangailangan
ng nagsasamantala na pangibabawan, ikontrol, at dominahan ang
pinagsasamantalahan.
184 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Kapag naging biktima ang isang lalaki ng seksuwal na pang-aabuso,
nababaligtad ang “hegemonic” o “conventional norms of masculinity.” Ayon
sa pamantayang macho, ang mga lalaki ang dapat na agresibong naghahanap
at nakikisali sa mga gawaing seksuwal. Kung sila ay abusuhin, inaasahan din
na maipagtatanggol nila ang kanilang sarili. Samakatuwid, ang mga lalaking
dumaranas ng seksuwal na pang-aabuso ay nakikita bilang feminized victims
at sexual objects: mahina, walang kapangyarihan, at walang magawa sa harap
ng seksuwal na karahasan (Kwon et al. 2007). Kaya sa pagiging biktima ni
Alex, naagaw ng ama ni Ben ang kaniyang “pagkalalaki” pero hindi niya
isinumbong ang pagsasamantala dahil ayaw niyang lumabag sa “hegemonic
norms of masculinity.”
Ang Fermata sa Pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Masasabing itinataguyod ng paksa at tema ng dula ang Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO dahil sa mga sumusunod na dahilan.
Una, layon ng dula na tuligsain ang namamayaning mga mapaniil
na paniniwala tungkol sa pagiging lalaki, upang makaahon ang kalalakihan
at ibang kasarian sa mga kolonyal na istiryotipo ng lalaking macho. Naging
matagumpay ang dula dahil naipaliwanag nito ang masamang epekto ng
machismo sa kalalakihan mismo at nabigyan ng pagkakataon ang mga
manonood na suriin ang kani-kanilang mga prehuwisyo tungkol sa kasarian.
Hindi man nagbigay ng kongkretong solusyon sa problema ng pang-aabusong
seksuwal, naitanim na ng dula sa isipan ng mga manonood ang diskurso
tungkol sa isyung ito na maaaring magbunga ng iba’t ibang polisiya o batas
na makatutulong upang maiwasan na ang danas ng abuso at trauma na
balakid sa pagkakamit ng Pilipino ng kaniyang kaganapan sa antas na pisikal,
sikolohikal, intelektuwal, at ispirituwal.
Pangalawa, inilalahad ng dula na ang pang-aabusong seksuwal
ay kuwestiyon din ng pag-iral ng may kapangyarihan sa mahina o walang
kapangyarihan. Ito ang dahilan kung bakit tunay na kasumpa-sumpa ang
pagsasamantalang ito, sapagkat ito ay pagpapamukha sa biktima na wala
siyang kalaban-laban sa nang-aabuso sa kaniya, dahil ito ay mas mayaman,
mas mataas ang posisyon o estado, mas kilala, mas matanda, mas malakas,
o mas pinaniniwalaan kaysa sa kaniya. Kung gayon, ang pagsugpo sa
pagsasamantala ay paglaban na rin sa ganitong kapangyarihan at pagpapalakas
sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao sa lipunan.
Higit sa lahat, ipinamalas ng dula na ang pakikipagkapwa ay hindi
lamang nasusukat sa paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng abuso,
kundi nakikita rin sa kusang-loob na pakikinig at pakikiramay sa taong
Clutario I Isang Pagsusuri sa Dulang Fermata 185
naging biktima ng pagsasamantala. Layon ng dula na maging tinig ng pagtutol
sa karahasang seksuwal at mga kaisipang sumisikil sa karapatan ng lahat
na mabuhay nang payapa at may dangal sa isang lipunang may kulturang
malaya at mapagpalaya. Mabigat ang timbang ng Fermata sa pananaw ng
Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. – Ang artikulong ito ay may mga datos at
pangungusap mula kay Nicanor Tiongson. —ed.
Postscript: Personal na nagpapasalamat ang may akda kay Dustin Celestino sa
pagbibigay ng mga karagdagang impormasyon at detalye tungkol sa pagtatanghal at
pagsulat niya sa Fermata.
MGA SANGGUNIAN
Cañete, Reuben R. 2014. “Re-envisioning the Macho: Masculinity in
Philippine Visual Culture.” Masculinity, Media, and Their Publics
in the Philippines: Selected Essays. Quezon City: University of the
Philippines Press
Celestino, Dustin. [2022] Home [Dustin Celestino]. LinkedIn. Nakuha
Agosto 14, 2022. https://www.linkedin.com/in/dustin-celestino-
9aa412104/?originalSubdomain=ph
Connell, Raewyn W. 2005. “Growing up Masculine: Rethinking
the Significance of Adolescence in the Making of
Masculinities.” Irish Journal of Sociology. 14, 11–28. https://doi.
org/10.1177/079160350501400202.
De Jesus, Totel V. 2022. “Basti Artadi Rocks the CCP as a First-time Actor
at the Festival of Plays”. GMA News Online. Hunyo 20 https://
www.gmanetwork.com/news/lifestyle/artandculture/835443/basti-
artadi-rocks-the-ccp-as-a-first-time-actor-at-the-festival-of-plays/
story/
Kwon, Insook, Lee, Dong-Ok, Kim, Elli, & Kim, Hyun Young. 2007.
“Sexual Violence among Men in the Military in South
Korea.” Journal of Interpersonal Violence. 22, 1024–1042. https://doi.
org/10.1177/0886260507302998.
Lumbera, Bienvenido L. 1997. “Philippine Theater 1970-79: A Chronicle of
Growth under Constraint.” Revaluation 1997: Essays on Philippine
Literature, Cinema and Popular Culture. Manila: University of Santo
Tomas Publishing House.
186 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
_________________. 2021. “Magaling Datapoa: Ang Dating at Galing sa
Estetika ng Ating Panitikan.” tomas.ust.edu.ph. https://tomas.ust.
edu.ph/wp-content/uploads/2021/07/18-Magaling-Datapoua-Ang-
Dating-at-Galing-sa-Estetika-ng-Ating-Panitikan-Bienvenido-
Lumbera.pdf
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining At Kamalayang Pilipino na Maka-Tao:
Apat na Dulog sa Pagsusuri ng Mga Likhang-Sining ng Pilipinas.”
Ikalawang DESK-TP Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO para sa PUP. Nasa librong ito
________________ at Respeto, Jerry C. 2022. “Paano Nga Ba Manood ng
Dula? Apat na Dulog sa Pagsusuri ng Dula.” Ikalawang DESK-TP
Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
para sa PUP. Nasa librong ito
Virgin Lab Fest 17: Hinga Souvenir Program. 2022. Cultural Center of the
Philippines
“Why Shattering Gender Stereotypes Can Be the Downfall of Toxic
Masculinity.” 2021. CNN Philippines. https://www.cnnphilippines.
com/lifestyle/2021/1/22/why-shattering-gender-stereotypes-can-
be-the-downfall-of-toxic-masculinity.html?fb
Yonack, Lyn. 2017. “Sexual Assault is All About Power: How the #MeToo
campaign is Restoring Power to the Victims.” Psychology Today.
https://www.psychologytoday.com/us/blog/psychoanalysis-
unplugged/201711/sexual-assault-is-about-power
Yuzon, Ysabel Y. 2022. “Basti Artadi’s Vulnerable Performance
in Fermata Speaks to a Generation Built to Be Tough”. Esquire.
ph. https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/fermata-play-
a2761-20220710-lfrm2
Clutario I Isang Pagsusuri sa Dulang Fermata 187
Elaine Carie Almirante-Andres
MAKA-TAONG INDAK AT GALAW
NG “80S FOR 80”
NG ADAMSON PEP SQUAD
INTRODUKSIYON
A
ng cheerdance ay isang uri ng sayaw na gumagamit ng mga galaw
mula sa jazz, hip-hop, akrobatiks, at iba pa, at ng mga kasuotan at
props na ibinabagay sa musikang pinili at koryograpiya ng musikang
ito. Minsan tinatawag din itong cheerleading. Pero anupaman ang tawag sa
kaniya, ang tinutukoy ay isang pisikal na aktibidad ng isang grupo na ang
layunin ay palakasin ang morale ng isang koponan sa basketbol o ibang
isports, aliwin ang madlang manonood, at bigyang-dangal ang paaralang
kinakatawan nila at kanilang koponan o team.
Matagal nang may cheering squad ang mga basketbol team ng mga
kolehiyong kabilang sa National Collegiate Athletic Association (NCAA)
noon, pero lumaki at naging popular lamang ang cheerdance sa kalagitnaan
ng dekada 1990 sa mga paligsahan sa basketbol ng University Athletic
Association of the Philippines (UAAP). Naging mainit ang pagtanggap sa
pagtatanghal ng mga “pep squad” ng bawat pamantasan, kaya nagkaroon
na rin ng kompetisyon sa cheerdance sa pagitan ng mga unibersidad. Ilang
beses na nanalo dito ang mga pagtatanghal ng UP Pep Squad ng Unibersidad
ng Pilipinas at ang Salinggawi ng Unibersidad ng Santo Tomas. Pero noong
2017, ang itinampok na pinakamahusay na pagtatanghal ay ang "80s for 80"
ng Adamson Pep Squad.
Sa artikulong ito, susuriin ang "80s for 80" ng Adamson Pep Squad,
gamit ang apat na dulog na ipinaliwanag ni Rosalie Matilac (2022): 1) ang
188 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
pagsusuri sa likhang-cheerdance bilang likhang-sining, 2) ang pagtukoy sa
konteksto ng cheerdance na ito, 3) ang dating ng cheerdance ng Adamson,
at 4) ang cheerdance na ito sa perspektiba ng Kamalayang Pilipino na Maka-
TAO na isinusulong ni Nicanor Tiongson (2022).
UNANG DULOG: PAGSUSURI NG LIKHANG-SAYAW BILANG LIKHANG-SINING
Tulad ng ballet, modern dance, ballroom dancing, folkloric
dance, at iba pang kontemporaryong anyo ng sayaw, maaaring suriin ang "80s
for 80" sa mga salik ng musika, koryograpiya/komposisyon, at disenyo ng
produksiyon (Matilac 2022).
Musika: VST & Company Music Medley
Ang musikang ginamit para sa nasabing korograpiya/komposisyon
ay “Sumayaw Sumunod,” “Ride on Ragsy,” “Swing,” “Rock Baby Rock,”
“Magsayawan,” at “Awitin Mo, Isasayaw Ko” mula sa grupong VST &
Company, isang disco group na binuo ni Tito Sotto noong 1978, nang siya
ang Pangalawang Pangulo ng Vicor Music Corporation. Ang mga orihinal na
miyembro ng banda ay sina Spanky Rigor, Roger Rigor, Male Rigor, Vic Sotto,
Val Sotto, Joey De Leon, Monet Gaskell, Celso Llarina, Jun Medina, Homer
Flores, Chito Ilagan, Ben Escasa, Fred Concepcion, Boy Alcaide, at Clod Baria.
Kinikilala ang grupo bilang isa sa mga pioneers ng Manila Sound. Kasabayan
nila sa pagsikat ang iba pang grupo tulad ng Hotdog at The Boyfriends. Hindi
maikakaila na ang istilo ng grupong ito ay may matinding impluwensiya ng
mga kilalang artistang banyaga, tulad ng Beegees, Abba, at Donna Summer
noong kalagitnaan hanggang sa pagtatapos ng dekada 1970. Kabilang sa mga
katalogo ng singles ng grupo ang mga disco hit na “Rock Baby Rock,” “Awitin
Mo, Isasayaw Ko,” at “Magsayawan.” Ang musikang disco ng VST ay kasama
sa tinawag na Original Pilipino Music o OPM.
Ayon kay Coach Jam, nagamit na ang OPM ng mga nakita niyang
dating mga routine, pero iyong nasa estilong rock at iba pa. Gusto niyang
tumuklas ng ibang estilo ng OPM na hindi pa nagagamit. Minsan, habang
nanonood siya ng Eat Bulaga, naalala niyang may album nga pala ang
“dabarkads” at ito ang album ng VST & Company. Kinuha niya lamang ang
mga iconic songs ng nasabing grupo, kahit ang lahat ng likha nila ay talaga
namang patok sa bata man o matanda. Para sa UAAP Season 80, nag-OPM
Retro siya, na hindi pa nagagawa ng ibang grupo ng UAAP. Pinili niya ang
disco music ng VST dahil iyon daw ang nagpapatibok ng puso ng maraming
Pilipino. Wika niya: “It’s not how intense or serious your theme is, it’s about
how you win hearts.” Sa musikang ito ng VST nilikha ni Coach Jam ang
koryograpiya para sa Adamson Pep Squad.
Almirante-Andres I “80s for 80” ng Adamson Pep Squad 189
Ang Mga Elemento ng Sayaw, Pagkilos, at Gymnastics
Binigyang-pansin ng Adamson Pep Squad "80s for 80" ang mga
elemento ng sayaw, ng pakilos o movement, at gymnastics na kinakailangan
para makabuo ng isang masining at epektibong koryograpiya o komposisyon.
Ang Mga Elemento ng Sayaw. Ang mga elemento ng sayaw ay malaking
bahagi ng bokabularyo ng cheerdance. Kabilang sa mga ito ang katawan,
aksiyon, ispasyo, oras, at enerhiya.
Ang katawan ay mayroong dalawang elemento: ang pagkilos at ang
hugis nito. Ang pagkilos ay mga aksiyon na ginagawa ng buong katawan,
bahagi ng katawan, o hugis ng katawan. Saklaw naman ng hugis ng katawan
ang hubog nito, lapad o kitid, at porma nito -- tuwid, baluktot, o angular.
Maaaring ayusin ang mga hugis ng katawan sa paraang simetrikal, kung saan
pareho ang ayos ng magkabilang panig ng katawan, o asimetrikal, kung saan
magkaiba ang hugis ng patayong kalahati ng katawan sa kabila.
Ang aksiyon ay tumutukoy sa anumang kilos ng tao na kasama sa
akto ng pagsayaw. Kabilang dito ang mga hakbang sa sayaw, galaw ng mukha,
pagbuhat sa partner, iba-ibang kilos ng kamay at paa, ang paglakad, at pati
na rin ang paghintong sandali at pananahimik. Ang sayaw ay mayroong
dalawang pangunahing uri ng galaw: di-lokomotor (axial), kung saan ang
mga bahagi ng katawan ay gumagalaw sa paligid ng isang nakatigil na base; at
lokomotor, kung saan ang katwan ay naglalakbay sa dance floor.
Tinutukoy naman ng ispasyo o space ang lugar kung saan
gumagalaw ang mananayaw. Apat ang uri ng ispasyo sa cheerdance: a) ang
pangkalahatang ispasyo o general space, tulad ng isang istudyo o entablado na
maaaring gamitin ng maraming mananayaw; b) ang personal o personal space
na ispasyong inookupa ng isang mananayaw habang nakatayo o gumagalaw
sa pangkalahatang ispasyo; k) ang ispasyong positibo o positive space, ang
alinmang ispasyo na inookupa ng katawan o mga katawan; at d) ang ispasyong
negtaibo o negative space, ang ispasyo sa paligid na hindi inookupahan ng tao.
May iba-ibang paraan, disenyo, at aspekto ang paggalaw sa isang ispasyo. Ang
direksiyon ay paggalaw nang pasulong, paatras, pakanan, pakaliwa, at iba pa,
para maabot ang isang partikular na lugar o posisyon. Ang antas ang iba-
ibang lebel na nagagamit sa pagsayaw – mababa, gitna, at mataas. Halimbawa
ng mga ito ang paghiga, pagpapadausdos sa sahig papunta sa pagkakaluhod
o pagtayo hanggang makalukso. Ang mga pathway naman ay mga disenyo na
ginagawa sa sahig o mga ruta na nilikha ng paggalaw na tuwid, dayagonal, o
hugis-otso. Ang dimensiyon ay ang ispasyo na inookupahan ng katawan ng
190 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
isang mananayaw at ang paggalaw niya mula sa maliit na ispasyo patungong
malaki o bise bersa.
Ang oras o time ay tumutukoy sa paggalaw ng isang indibidwal o
mananayaw ayon sa tempo, metro, o ritmo ng musika. Sa pangkalahatan, ang
konsepto ng oras sa sayaw ay higit na naiuugnay sa haba o tagal ng mga galaw
ng mananayaw, koryograpiya, o musika. Ang iba pang aspekto ng nasabing
elemento ay a) ang kumpas, na siyang pulso ng musika; b) ang ritmo na siyang
disenyo na binubuo ng mga kumpas ng tunog, c) ang tempo na tumutukoy
sa bilis ng paggalaw at/o musika (maaring adagio o mabagal, andante o
katamtamang bagal at bilis, at allegro o mabilis); at d) ang mga metro o sukat,
ang mga pangkat ng mga kumpas na ang bawat isa’y may pangunahing aksent.
Ang enerhiya o energy ay tumutukoy sa puwersa o bigat o liksi na
kailangan para magawa nang tama at mahusay ang isang kilos. Ito ay may
epekto sa pangkalahatang kalidad ng paggalaw.
Ang Pagkilos ng mga Braso at Binti. Bukod sa mga elemento ng sayaw,
kailangan ding makita sa sayaw ang iba-ibang galaw o kilos, tulad ng mga
galaw ng braso at binti at iba’t ibang klase ng sipa, talon, leap, ikot, at split.
Lahat ng galaw sa sayaw ay may pasimula o paghahanda. Halimbawa,
sa beginning stance, karaniwang magkadikit ang mga paa habang nakababa
ang mga kamay sa gilid ng blades. Madalas din gamitin ang cheer stance kung
saan ang mga paa ay magkahiwalay na ang pagitan ay higit pa sa lapad ng
balikat, habang nakababa ang mga kamay. Kung minsan, nagsisimula na
nakataas muna ang mga braso na bumubuo ng letrang “V”; ito’y tinatawag
na high V.
Sa mga klase ng sipa, ang pinakaraniwang ginagamit ay ang simpleng
petite battement o maliit na sipa at ang kasalungat nito na grand battement,
o malaking sipa, pati na ang kick ball change na karaniwang ginagawa bilang
paghahanda sa pag-ikot.
Ang mga talon o jump naman na ginagamit ay ang tuck jump kung
saan ang mga tuhod ay pinapanatiling magkadikit habang tumatalon na
nakabaluktot ang mga ito malapit sa dibdib; ang spread eagle o star jump
kung saan tumatalon nang pasulong ang mga tuhod, kasabay ang high V
posisyon ng mga braso; at ang herkie, kung saan tumatalon ang mananayaw
na ang isang tuhod ay nakabaluktot sa likod, samantalang ang isa naman ay
nakatuwid. Ang pagtalon mula sa sahig na naka-split sa ere ay isang klase ng
leap o jeté na maaring maging maliit o malaki.
Almirante-Andres I “80s for 80” ng Adamson Pep Squad 191
Ang pag-ikot o pirouette ay isang kumpletong pag-ikot (360 degrees)
ng katawan na isang paa lamang ang gamit bilang suporta sa katawan, habang
ang isa pa’y nakabaluktot. Maaring umikot na papasok sa sumusuportang
binti (en dedan) o palabas sa direksiyon ng nakataas na binti (en dehor).
Ang mahalaga sa lahat ng uri ng ikot ay ang tamang posisyon ng katawan
– nakasentro sa ibabaw ng sumusuportang binti, at balanse at tuwid ang
paghahanay ng likod, balakang, at balikat. Sa bawat pag-ikot, dapat itutok
ang mga mata sa isang tiyak na punto (spotting) para hindi mahilo at hindi
maging mabuway ang pag-ikot ng katawan.
Ang split ay anumang harap o patagilid na posisyon ng katawan
kung saan ang mga binti ay nakabuka at nakaharap sa magkasalungat na
direksiyon at sa perpektong anggulo na 180 degrees o higit pa. Ang mga split
ay maaaring maging side split o straddle split.
Ang Gymnastics. At siyempre, gymnastics ang nagbibigay ng kulay at mga
aksiyong makapigil-hininga sa isang koryograpiya ng cheerdance. Ang
gymnastics ay may tatlong uri: indibidwal, dalawahan, at maramihan. Ito
ay isang aktibidad na sumusubok sa flexibility, liksi, balanse, koordinasyon,
lakas, at tibay ng mananayaw. Nagsisilbi rin itong conditioning exercise at
pagpapakilala sa kasanayan sa gymnastics, lalo na sa pag-tumbling.
Ang tumbling ang pagsasagawa ng mga akrobatikong paggalaw,
tulad ng mga maniobra o maneuvers sa sahig, tulad ng mga handsprings,
flips, twists, at somersaults na pinagdudugtong o pinagsasama-sama. Ang
handspring ay may partikular na halaga dahil ito ang tumutulong sa
mananayaw na makakuha ng bilis at lakas para makalipat sa mas mahihirap
na elemento ng routine.
Ang akrobatiks naman ay isang isport na batay sa gymnastics, kung
saan ang isang pangkat ng gymnast ay nagtutulungan upang magsagawa ng
mga akrobatikong galaw, kasama ng mga galaw ng sayaw upang bumuo ng
iba’t ibang pigura. Nagtatampok ang akrobatiks ng tatlong uri ng mga gawain:
balanse, dinamismo, at kolaborasyon.
Isa naman sa mga highlight sa performance ng isang koryograpiya
ng cheerdance ang piramid. Ang komposisyon ng piramid ay tumutukoy sa
mga sumusunod: mounter o flyer, base, at spotter. Ang mounter o flyer ay ang
taong nasa pinakatuktok ng piramid na nakatayo sa mga kamay o balikat ng
base. Ang mga mounter ay karaniwang mananayaw na maliit, magaan, at
may mahusay na balanse. Ang base naman ay ang tao sa ilalim ng piramid
na sumusuporta sa bigat ng ibang tao, samantala ang spotter ay nandiyan
upang tumulong saluhin ang mounter kung sakaling mawalan ito ng balanse
192 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
o magsimulang mahulog. May sinusunod na proseso sa pagbuo ng piramid:
a) ang paghahanda sa pag-angat o setting up, b) ang aktuwal na pag-angat
o load, c) ang nakamamanghang isang pangwakas na pose o hit, at d) ang
pagbaba o dismount.
Ang Koryograpiya ng "80s for 80"
Angkop ang ginamit na bokabularyo at estilo ng cheerdance sa
paglikha ng "80s for 80" ng Adamson Pep Squad. Ito ay isang komposisyon
na mayroong labing-isang movement sequence o pangkat ng mga paggalaw
na bumubuo ng isang yunit. Ang ginamit na istruktura ng koryograpiya ay
theme and variations na mas kumplikado ang anyo, ngunit bagay sa mga tema
ng musikang disco o retro ng VST & Co.
Nagsimula ang sayaw sa pagsigaw ng cheer chant habang ginagawa
ng mga flyer ang mga dinamikong galaw pagkatapos silang ihagis. Sa una
may limang pangkat, na kalauna’y naging dalawa na lamang. Isinabay din ang
pag-tumbling, at saka isinunod ang split at scorpion stunt, bago magpakita ng
unang piramid.
Sa unang awit, ipinakita ang disenyo ng koryograpiya na simetrikal o
ang galaw ay pareho sa magkabilang panig na nakaharap sa direksiyong gilid
at gitna. Kitang-kita ang talas ng arm and leg motions, lalo na nang gumalaw
sila nang sunod-sunod o in succession bago nagsama-sama at kumilos bilang
isang grupo o in unison. Gumamit din ng estilo ng modern jazz sa pag-shimmy,
pirouette en dedan, pretzel roll, at disco o retro na galaw na mala-Travolta.
Puro naman jump o talon at tumbling tulad ng back handspring,
back flip full twist, herkie, at toe touch, ang ipinamalas sa ikalawang awit.
Mula doon, ang ikatlong awit ay bumalik sa unang awit para umindak na may
magkaibang galaw ang kababaihan at kalalakihan.
Ang ikaapat at ikalimang awit ay pinagsanib para pakitaan ang
mga manonood ng maramihang stunts, pagpihit, at paghagis para sa
paghahanda sa pangalawang piramid na may heel stretch sa magkabilang
gilid, na nakatungtong sa mga hita ng mounter habang naka-split pabaligtad
naman ang nasa gitna. Ito ay mayroong one-and-a-half-high, na sinundan ng
pangatlong piramid na may two-high kung saan may paghinto at biglaang
pagbaliktad ng naka-split sa magkabilang gilid, kasabay ng paghagis sa
mounter mula sa likod para makatuntong sa gitna. (Tingnan ang Larawan 1
sa pahina 138).
Almirante-Andres I “80s for 80” ng Adamson Pep Squad 193
Mas binigyang-diin naman sa ika-anim at ikapitong awit ang
paggamit ng ispasyo ng nakararami sa pamamagitan ng mga pormasyon,
lebel ng mga posisyon, at mga tindig kada unang bilang, habang may ilang
kalalakihan ang nag-back handspring, flash kick layout, at back flip double full
twist.
Mula sa ikawalo hanggang sa ikasiyam na awit ay nagkaroon ng
sunod-sunod na stunts at paghagis na may dobleng pihit. Ang eksena ng
paggamit ng kanilang shades na hugis-kambal-na-bituin at disco ball ang
ipinakita dito, habang nagbabahagi ng simpleng lifts at basic na estilo ng
ballroom dancing na isinama sa mga galaw ng disco retro.
Sa pangwakas na awit, ibinuhos ng mga mananayaw ang panghuling
paghahanda para sa tosses, glide, at piramid. At natapos sa pagbalik ng cheer
chant at talas ng galaw ng mga braso at binti.
Bilang paglalagom, ang istruktura ng koryograpiya ay theme and
variations, na bagama’t kumplikado ay masasabing bukas na anyo, kaya
naman naipasok ng koryograper ang iba-ibang ideya mula sa iba-ibang uri
ng sayaw, tulad ng disco o retro iconic, modern jazz, at ballroom dancing.
Madaling sundan ang pulso, ritmo, at tempo ng musika dahil sa metrong
4/4 time signature. Kahit pa nilagyan ng effects, siniguradong magamit ang
bawat puwesto nito sa musika na may tamang bilis o bagal, bigla at tagal.
Malinaw na ipinakita ang disenyo ng koryograpiya sa pamamagitan ng
pagsasaayos ng mga hugis at galaw sa paraang simetrikal o asimetrikal, sa
malikhaing paggamit ng ispasyo para palabasin ang ganda ng porma ng
sayaw, sa paggalaw nang sama-sama na nagkaroon ng malakas na dating, sa
mabilis na paglikha ng mga pathway para makabuo ng tamang pormasyon,
at sa paggamit ng iba-ibang device, tulad ng canon o succession, retrograde,
fragmentation, isolation, at elevation. Matagumpay na napagtagni-tagni ng
koryograpiya ang mga elemento ng sayaw, ang mga kilos at galaw, at mga
pormasyon ng gymnastics nang hindi kumakawala sa napiling tema at estilo
ng koryograpiya. Sa gayon, nagkaroon ng magandang balanse, proporsyon, at
kaisahan ang sayaw, na pumukaw sa interes ng madlang manonood.
Ang Kasuotan at Props
Dahil dekada 1970 nang sumikat ang mga awit ng VST, nagpagawa si
Coach Jam ng mga kostyum na isinunod sa uso noong kalagitnaan ng dekada.
Sa mga taong ito lumaganap ang pagsusuot ng kupas na pantalong maong
at sweatshirts sa mga kalalakihan. Nang lumitaw ang kultura ng disco, ang
kasuotan ay nagkaroon ng iba’t ibang matitingkad na kulay, maging ito’y sa bell
194 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
bottom jeans, polo, o bandana. Maging ang mga kababaihan ay nagsimulang
magsuot ng sequined na bestida at miniskirt.
Kapansin-pansin na ang Adamson Pep Squad ay hindi lumayo sa
mga usong kasuotan ng 1970, mula sa kulay at estilo ng damit na may “faded
effect” o kupas, na nagpapakita na ang jeans ay ilan taong nang isinusuot.
Pero dahil kailangang maging makulay at kapansin-pansin ang mga kasuotan,
nilagyan ng palamuting sequins na fuschia ang kolar ng dyaket, manggas,
at ang baywang na waring sinturon. Siyempre hindi din nawala ang ibang
accessories sa mismong damit, gaya ng mga tapal o patches. Isa sa mga
accessory na ginamit ang malalaking shades na kahugis ng kambal na bituin.
Magkapareho ang kasuotan ng babae at lalaki. (Tingnan ang Larawan 2 sa
pahina 138).
Mas napalakas ng kulay, palamuti, props, at tabas ng kasuotan ang
dating sa mata ng manonood at napaigting din nito ang diwa ng pagtatanghal
at ang saya ng okasyon o sitwasyon ng sayaw.
PANGALAWANG DULOG: PAGSUSURI NG KONTEKSTO NG LIKHANG-SAYAW
Upang mas lalong maintindihan ang “80s for 80” ng Adamson Pep
Squad, alamin natin ang maikling kasaysayan ng cheerdance sa Pilipinas,
ang koryograper at mananayaw na mga lumikha ng piyesa, at kung kailan at
paano ito inihanda.
Pinanggalingan ng Cheerdance at Konteksto ng UAAP sa Pilipinas
Ang cheerdance ay nagmula sa Amerika, isang aesthetic sport na
gaya ng nasabi kanina ay binubuo ng mga elemento ng sayaw, gymnastics,
cheer o chant, group stunts, at piramid. Nagsimula ito bilang aktibidad ng
kalalakihan lamang para palakasin ang morale o diwa ng pakikibaka ng kani-
kanilang koponan.
Ipinakilala ang cheerdance sa Pilipinas sa mga pamantasang may
Kanluraning tradisyon sa edukasyon noong unang bahagi ng dekada 1940.
Katulad ng cheerleading routine, ang bawat piyesa ng cheerdance ay maiksi at
tumatagal ng 2:15 to 2:30 minuto lamang.
Pinasikat ng UAAP ang cheerdance nang simulan nito ang
kompetisyon sa pagitan ng mga grupo ng cheerdance sa mga unibersidad
noong kalagitnaan ng dekada 1990. Noong 2014, mahigit 22,000 tao ang
nanood ng kompetisyon ng UAAP na noon ay itinuturing na isa sa mga
pinakaabangang sports event ng bansa.
Almirante-Andres I “80s for 80” ng Adamson Pep Squad 195
Gayumpaman, ang cheerdance ay umunlad bilang hiwalay na event.
Nagkaroon ng tema at humaba ang mga routine. Ang pagtatanghal ay tumagal
na ng 5:00 hanggang 20:00 minuto. Kung bawal ang mga kagamitan o props
sa mga pamantayang internasyunal, isinama ang mga ito sa cheerdance natin
para lumakas ang dating at karakter ng mga mananayaw. Ilan sa mga props na
ito ang lubid, payong, pamaypay, at malalaking tela.
Noong kalagitnaan ng dekada 1990, nag-eksperimento ang lahat ng
koponan sa paggamit ng ispasyo at paggawa ng malikhaing pagkilos, prop,
at tema. Sa pagdaan ng panahon, pati ang mga kasuotan ay nagbago mula sa
tradisyonal na palda o simpleng jersey patungong mas nakatatawag-pansin
na outfit upang mas mapalutang ang tema ng routine. Ang bawat koponan ay
may kani-kaniyang diskarte. May nagpokus sa programa sa gymnastics. May
umarkila ng eksperto na kilala sa mundo ng cheerleading. Ang iba ay naging
napakamalikhain sa paglalahad at pagganap sa isang routine.
Noong kompetisyon ng 2014, ang pamantayan sa paghatol ay ipinokus
sa sumusunod: cheerleading at sayaw (pangkalahatang epekto, kasama ang
enerhiya at dinamismo, kasuotan, at musika), koryograpiya (pagkamalikhain
at musika, difficulty, pormat, at transisyon), teknik (pagpapatupad ng estilo
at kalinawan ng paggalaw, placement, kontrol, ekstensiyon, and lakas ng
pagkilos), at ang pagganap ng grupo (sinkronisasyon at spacing). Natukoy
din ang mahalagang sangkap sa tradisyunal na cheerdance– ang “sharp and
powerful arm movements.”
Ang Koryograper
Si Jeremy Lorenzo o “Coach Jam” ang koryograper ng Adamson Pep
Squad. Ipinanganak siya sa Quezon City at lumaki sa BF Homes, Paranaque
City. Nagtapos siya ng bachelor of arts in mass comminication sa nasabing
unibersidad noong 2013. Pagkatapos ng una niyang semestre sa Adamson,
sinubukan niyang makapasok sa ADU Pep Squad sa kadahilinang nakaranas
ng problemang pinansiyal at kinailangan niyang humanap ng isang iskolarsip
para maisalba ang pag-aaral. Bagaman may kaunti na siyang karanasan sa
pagsayaw mula pagkabata (marunong siya ng hip-hop at kaya rin niyang
mag-cartwheel), mas maraming karanasan sa kaniya ang ibang miyembro ng
ADU Pep Squad. Gayunman, natanggap siya noong nag-try-out at nagsimula
siya sa gruponoong pangalawang semestre ng 2007. Nagtuloy ang pagsasanay
niya sa cheerdancing at naging iskolar noong 2008. Mula noon, napasama na
siya sa mga kompetisyon ng UAAP bilang mananayaw ng grupo mula 2008
hanggang 2012.
196 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Nang matapos na ang pag-aaral sa unibersidad, nakipagsapalaran
siya sa ibang bansa bilang performer sa loob ng tatlo hanggang apat na
taon. Naging koryograper noong 2015 ng isang ahensiyang internasyunal
sa Pasig na naglalayon na matulungan ang mga mananayaw na ibig
magtrabaho sa Japan, Dubai, at iba pa. Nagkaroon din siya ng pagkakataong
makapagtrabaho sa Japan bilang koryograper. Noong matapos ang kaniyang
kontrata, kumontak siya uli sa Adamson at nasabihang mag-aplay muli bilang
Adamson Pep Squad Head Coach. Nakapasa siya.
Taong 2016, nang nagsimula ang kaniyang karera sa Adamson.
Hindi daw naging madali ang kaniyang trabaho dahil sa sistema sa loob ng
paaralan. Gayumpaman, naging magaan ang trabaho dahil mula at malapit sa
puso, pagkat homegrown cheerdancer siya sa UAAP at napabilang sa Adamson
Pep Squad.
Ang mga Mananayaw at Spotter
Sa kabuuan, ang mga mananayaw ay binubuo ng dalawampu’t
limang (25) estudyante, labing-anim (16) na lalake at siyam (9) na babae. Sa
kabilang banda, lima (5) ang spotter -- tatlong lalake at dalawang babae – na
umaayuda sa flyer ng stunt bilang ikalawang suporta.
Ayon kay Coach Jam, nahirapan siyang makabuo ng grupo para
sa kumpetisyon dahil limitado lang ang miyembro niya at walang reserba.
Nabanggit pa niya na ang ekstra niyang miyembro na nagsilbing spotter ay
mula sa senior high school.
Kalahati ng mananayaw ay hindi full scholar o hindi nakakatanggap
ng buong benepisyo mula sa unibersidad. Halimbawa, ang iba ay walang meal
allowance at naka-dorm lang. Ang iba naman ay walang cash allowance. Pero
kahit kulang sa suporta, buo naman ang komitment ng mga kasapi sa pep
squad.
Paghahanda at Pagtatanghal
Sinimulan ang paghahanda para sa “80s for 80” na sayaw sa pagpasok
ng taong 2017. Sa buwan ng Abril, nag-outsource and grupo para mabuo ang
kanilang bilang. Hindi sila pinahintulutang mangalap ng ibang miyembro
kaya ang naging diskarte ay humila at mag-imbita ng mga kakilala, lalo na sa
mga nasa senior high school na nag-extend ng kanilang semester. Tiyagaan
daw ang pag-outsource sa buong buwan ng Abril.
Almirante-Andres I “80s for 80” ng Adamson Pep Squad 197
Buong buwan naman ng Mayo nagsimulang mag-conditioning ang
grupo at patatagin ang pundasyon ng katawan para kayanin ang nakalatag na
training program. Isinabay pati ang skill set. Pinagtuunan din ng pansin ang
mga sumusunod: weights, cardio, flexibility, gymnastics, stunts, at piramid.
Mula Hunyo hanggang Hulyo, nakabuo ang grupo ng routine para
sa UAAP Season 80. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, kukunin din pala
sila para magpalabas sa pre-season basketball games, freshmen orientation, pep
rally, half time, at iba pa. Pero nakaabala man ang mga ito sa kanilang pag-
eensayo, ang mga karagdagang routine ay nagsilbing training ground na rin
para lumakas pa at masanay ang grupo sa pagtatanghal sa harap ng maraming
tao. Sa pangkalahatan, humigit-kumulang tatlo hanggang apat na buwan ang
naging paghahanda para sa kompetisyon ng cheerdance.
PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG LIKHANG-SAYAW NA “80S FOR 80”
Bilang isa sa nakasaksi sa pagtatanghal ng ADU Pep Squad, masasabi
ko na malakas ang naging dating ng sayaw dahil mahusay ang korograpiya, ang
pagkakasayaw ng grupo, ang makulay na kostyum at simpleng kagamitan, ang
kumpletong magkakaibang lift at tosses na sabay na sabay sa ritmo at melodiya
ng laid-back disco music ng VST & Company, na tunay namang kaindak-
indak at kinagiliwan ng matanda man o bata. Napakagaling ng pagkabalanse
sa mga elemento ng sayaw at gymnastics. Pero marahil, malaking salik din
ang puwesto na kinauupuan na nakakaapekto sa makikitang routine, na iba
sa napapanood sa online platform.
Ang pagkapanalo ng grupo ay nailathala sa dalawang prestihiyosong
diyaryo, sa Philippine Daily Inquirer at The Manila Times, at sa mga online
platform. Nakilala ang grupo ng lahat ng Pilipino sa buong bansa na nakabasa
sa mga ulat tungkol sa pagkapanalo. Para sa unibersidad, naging napakalaki
ng epekto ng ganitong tagumpay, dahil ito’y naganap sa isa sa pinakakilalang
kompetisyon at ang nadaig ay mga pinakamahuhusay na pep squad sa
kasaysayan ng UAAP. Dahil dito, mas nakilala ang unibersidad sa larangan ng
isports at sa mga prestihiyosong paaralan. Ganoon din, napakalaki ng epekto
ng tagumpay na ito sa mismong mga estudyante ng Adamson na namangha
sa husay at ganda ng pagtatanghal na bunga ng ilang buwang pagtitiyaga at
disiplina sa sarili. Inidolo ang grupo at nahikayat ang iba pang estudyante na
sumali sa ADU Pep Squad.
Napatunayan din ang dating ng sayaw na “80s for 80,” mula sa
mga komento galing sa iba’t ibang unibersidad. Sabi ni Ms. Sofia Costales,
“As a professional dancer, I really love this!!! It’s so clean and plus points for
having a well-executed theme. Music is good too. Facial expression on fleek.
198 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Well done, ADU!”. Ayon naman sa obserbasyon ni Ms. Denise Marasigan,
“Congratulations! Even the crowds from different schools is [sic] rooting for you.
I personally love it, watched a thousand times. I love everything. Congrats!!!
Well deserve[d] win.” Mayroon ding napangiti tulad ni Ms. Abigail Pantaleon,
“Naka-smile lang ako habang pinapanood sila. Good vibes music. Pinaka-
smooth performance sa lahat. GV all the way lang. Well-deserved.” Kahawig
ang saloobin ni Mr. Ryan, “Bakit buong performance nila nakangiti lang ako.
Good vibes ang performance nila, kapag malungkot ka panoorin mo ito”.
Ibinahagi din ni Mr. Juan Samuel Cruz, “ ‘Yung coach ng NU ang nag-coach
sa company namen for our 2017 Annual Party. Narinig ko sa kanya mismo na
ang champion niya ay Adamson. Wala siyang issue sa originality, deserving
daw talaga ang Adamson.” Samantala, si Ikat Z ay naaliw sa nasabing
presentasyon ng ADU, “Bukod sa magaling ang stunts and choreography, it
is very entertaining and I enjoyed watching their performance. Good theme,
thumbs up. Entertainment factor is really a big thing.” Ayon kay Coach Jam,
ang isang memorable na komento ay nagmula sa isang kapwa coach na
nagsabing “makasaysayan ang tagumpay na ito ng Adamson dahil siyang
humamon sa reigning champions tulad ng UST Salinggawi Dance Troupe.”
“Itong Adamson na ito, tinik sa lalamunan ng reigning champions talaga e,”
nakatawang pagbabahagi ni Coach Jam.
Sa tally sheet kung saan naipakita ang breakdown ng scores, makikitang
nangibabaw pagdating sa stunts at piramid at pumangalawa naman sa sayaw
ang Adamson Pep Squad. Ito ay nagsilbing matibay na ebidensiya para makita
ng grupo kung saan sila malakas at kung ano pa ang dapat bigyang-pansin sa
pagsasanay para sa susunod na kompetisyon.
PANG-APAT NA DULOG: ANG KAHULUGAN NG LIKHANG-SAYAW
AT TIMBANG NITO SA KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Sa bahaging ito, titingnan kung ang likhang-sayaw ay “nakatutulong
o hindi para makamit ng Pilipino ang kaniyang kaganapan bilang TAO sa lahat
ng antas nito – pisikal, ispirituwal, sikolohikal, pulitikal, pangkabuhayan, at
kultural. "Ang kaganapan ng TAO ay makakamit ng Pilipino sa pamamagitan
ng pagtatanggol, pagtataguyod, at pagpapalakas sa kaniyang mga karapatang
pantao.” (Tiongson 2022).
Bilang isang aktibidad ng palakasan o isport, ang cheerdance at ang
kaniyang mga galaw na may kinalaman sa sayaw at gymnastics ay naglalayong
idebelop sa mga kasapi ang malusog at malakas na pangangatawan, na siyang
kailangan at batayan ng koryograpiyang gagawin. Ang pagsasanay para sa
lakas at koordinasyon ng ulo, leeg, mga kamay at daliri, torso, hita, binti, at
mga paa ay tungo sa pagkakamit ng mga estudyante ng kaganapan sa antas na
Almirante-Andres I “80s for 80” ng Adamson Pep Squad 199
pisikal. Nakatutulong ang mga pagsasanay na ito upang mapanatili ang “fit,
fun, and healthy lifestyle” na siyang tumutugon sa karapatan sa maayos na
kalusugan.
Samantala, ang mismong proseso ng koryograpiya na
pinangungunahan ng koryograper ay hindi mabubuo kung walang
partisipasyon ang mga mananayaw na siyang midyum ng koryograpiya. At
para maging mahusay na instrumento ang kanilang katawan sa paglikha
ng mga pigura at pagpapahayag ng damdamin ng mga pagkilos, kailangang
gamitin nila ang kanilang imahinasyon at maging malikhain. Nagbubunga ito
ng paghahasa ng isa sa mga aspektong intelektuwal ng mga mananayaw – ang
mapaglarong haraya o imahinasyon.
Isa rin sa mahalagang itinuturo ng sayaw ay ito: na ang disiplina
at determinasyon ang susi para makamit ang anumang layunin. Ito ay
nangangailangan ng tibay ng loob, positibong pananaw, at kakayahang
tumanggap ng maraming pagsubok para magampanan nang tama ang papel
na dapat gampanan. Ang pagdisiplina sa sarili ay pagkontrol na rin sa layaw at
kaptriso ng katawan. Ito’y pagsawata sa kalabisan at pagka-makasarili ng Ego
ng isang tao, na nagagawa kapag ang ipinapanaig ay ang kapakanan, hindi ng
sarili kundi ng nakararami. Ang tamang pagtimpla ng apirmasyon ng sarili
at paggalang sa kapakanang komunal ay nagbubunga ng isang taong may
malusog at matatag na perspektibang sikolohikal.
Makikita sa likhang-sayaw ang pagkakapantay ng abilidad, lakas, at
ambag ng bawat isa upang maisagawa ang routine nang maayos at malakas
ang dating. Sa pagganap sa koryograpiya o komposisyon, sa partikular, sa
kanilang pagbubuo ng mga stunts at pyramid, naipamalas ang halaga ng
mahigpit na kolaborasyon, ng halaga ng kolektibong pagkilos na naiigpawan
kahit ang kakulangan ng mananayaw at spotter. Ipinakikita ng likhang-sayaw
na hindi maaring manaig ang isang indibidwal, sapagkat ang ganda ng piyesa
ay nasa sama-sama at pantay na pagkilos. Ang ganitong pananaw ay nakaugat
at nagpapalakas sa konsepto ng pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao.
At kasama sa pananaw ng pagkakapantay-pantay ang mga
kababaihan, na hindi na tinitingnan bilang mahina at walang lakas. Sa
cheerdance na ito, tulad sa iba pang piyesa ng cheerdance, ang mga babae
ay walang pinag-iba sa lalaki sa punto ng sayaw at gymnastics. Halimbawa,
ang mga babae ay nagsisilbi ring base para makapagbigay ng matatag na
pundasyon sa mga piramid at stunts. Binabasag nito ang tradisyon na mga
kalalakihan lamang ang dapat maging pundasyon. Dito ang mga babae ay
nagbubuhat at naghahagis kasabay ng mga lalakeng kagrupo, gamit ang sarili
nilang lakas. Ito’y malaking hakbang tungo sa pagbaklas ng imahe ng babae
200 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
na imperyor sa lalaki dahil siya ay mahina at dapat pang ipagtanggol ng
kalalakihan.
At sa paggamit ng disco music ng popular na bandang Pilipino,
naibalik ng “80s for 80” ng Adamson sa kamalayan ng kontemporanyong
Pilipino ang isang orihinal na komposisyon na likha ng mga Pilipinong
kompositor, taga-areglo, at mang-aawit noong dekada 1970. Mahalaga
ang muli’t muling pagpapatugtog ng orihinal na musikang Pilipino dahil
nakapagpapatibay ito ng identidad na pangkultura ng Pilipino at nakatutulong
sa lokal na industriya ng musika, na alam nating lahat ay lagi na lamang
napapailalim sa musikang banyaga, lalo na mula sa Amerika, na nagpapatibay
naman sa kolonyal na panlasa ng Pilipino. Ang OPM ay kongkretong hakbang
para makamit ng Pilipino ang kaniyang kaganapan sa antas na kultural.
At huwag nating kalimutan na dahil sa cheerdance at iba pang
aktibidad na pampalakasan at pangkultura ay nagkaroon ng pagkakataon ang
mga mag-aaral na galing sa probinsiya o walang kakayahang magbayad ng
matrikula, katulad ni Coach Jam, na makatapos ng pag-aaral. Ang paglinang
sa talento ng isang tao at ang pagkakaroon ng edukasyon ay isang batayang
karapatan ng bawat tao. Higit pa, ang edukasyong ito ay nakatutulong para
ang bawat Pilipino ay magkaroon ng hanapbuhay na siyang ikabubuhay niya
at ng kaniyang pamilya, na isa ring batayang karapatan.
Hindi mapasusubalian na ang cheerdance ng Adamson ay aktibidad
na nagtataguyod at nagpapalakas sa napakaraming karapatang pantao, kaya’t
matimbang ito sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. – Ang
artikulong ito ay may mga dagdag na datos, pangungusap, at talata mula kay
Nicanor Tiongson. —ed.
GLOSARI
canon o succession – Magkakatulad na kilos na ginagawa nang sunud-sunod
elevation - Ang iba-ibang uri ng talon at lifts kung saan ang mananayaw ay
binubuhat ng kapartner at/o ibang kagrupo
fragmentation – Paghahati-hati ng isang motif sa mga indibidwal na aksiyon
at pagbubuo muli nito
isolation – Paggalaw ng isang bahagi ng katawan habang ang ibang bahagi ay
nananatili sa posisyon o gumagalaw sa ibang paraan
retrograde – Pagbabawas ng momentum o enerhiya ng paggalaw
Almirante-Andres I “80s for 80” ng Adamson Pep Squad 201
MGA SANGGUNIAN
Abels, Karen Weiller. 2010. Teaching Movement Education: Foundations for
Active Lifestyles. United States of America: Human Kinetics
Almirante, Elaine Carie Palines. 2011. “A Proposed Training Module for
the Dance Troupe of the Polytechnic University of the Philippines:
Benchmarking on the Management of Dance Troupes of Selected
State Tertiary Schools in the National Capital Region (NCR).”
Manila: Polytechnic University of the Philippines.
Cagas, Jonathan Y. 2020. “Cheerdance.” Cultural Center of the Philippines
Encyclopedia of Philippine Art. (8: Dance). Digital edition. 2020.
Nicanor Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center
of the Philippines. https://epa.culturalcenter.gov.ph/6/46/48/
“Cheerleading.” Encyclopedia Britannica.2022.
https://www.britannica.com/sports/cheerleading
“Cheerleading, Level Asian.” Tips from NU Pep Squad. CheerConditioning.
Academy. n.d. https://www.cheerconditioning.academy/single-post/
nu-pep-squad
Giguere, Miriam. 2014. Beginning Modern Dance. Interactive Series.
Kassing, Gayle. 2014. Discovering Dance. United States of America: Human
Kinetics
Lorenzo, Jeremy [Coach Jam]. 2022. Panayam via Zoom kay Coach Jam ni
Elaine Carie A. Andres, Agosto 10
Lozada, Bong. 2017. “Adamson Pulls Off Shocker, Claims First UAAP Cheer-
dance Title”. Sports.Inquirer.Net - Philippine Daily Inquirer. Nakuha
noong Agosto 16, 2022. https://sports.inquirer.net/274340/adam-
son-pulls-off-shocker-claims-first-uaap-cheerdance-title/amp?fb-
clid=IwAR33fbv19DOVe7gLYS1rQkcL9VET4UC0fXbwOpGC-
JA4kpH_huORlmruXrow
Matilac, Rosalie. 2022. “Mula Pangalay Hanggang One Ton Pinay: Mga
Pamantayan sa Pagsusuri ng Likhang-Sayaw ng Pilipinas.” Ikalawang
DESK-TP Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO para sa PUP. Agosto 17. Sa librong ito.
202 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
McCutchen, Brenda Pugh. 2006. Teaching Dance as an Art in Education.
United States of America: Human Kinetics
Sevilla, Jeremiah. 2017. “Adamson Bags Frst Cheerdance Title”. Manilatimes.
net - The Manila Times. Nakuha noong Agosto 16, 2022. https://
www.manilatimes.net/2017/12/02/sports/adamson-bags-first-
cheerdance-title/366358/amp?fbclid=IwAR3niUOnVlr17eZXBQ-
zHorBfHMFrH1WHJYMrgkBU01oR5Jo8VO-tVto0mQ
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO:
Apat na Dulog sa Pagsusuri ng mga Likhang-Sining ng Pilipinas.”
Ikalawang DESK-TP Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO para sa PUP. Agosto 10. Sa librong ito.
UAAP 80 Cheerdance Competition | Performance | Adamson. 2017. ABS-
CBN Sports University – Champion. https://www.youtube.com/
watch?v=iQoffrxctWA&t=16s
Almirante-Andres I “80s for 80” ng Adamson Pep Squad 203
Marvin M. Lobos
ASIN AT ANTHROPOCENE:
“MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN”
SA PANANAW NG KAMALAYANG
PILIPINO NA MAKA-TAO
PANIMULA
N
oong 1978 unang napakinggan ang awit na “Masdan Mo ang
Kapaligiran” ng bandang folk rock na Asin, at mula noon, lumaganap
na ito at hanggang ngayon ay patuloy pa ring inaawit sa mga paaralan,
konsiyerto, at iba-ibang midya. Ito’y patunay na matagumpay ang dating ng
likhang-sining sa mga tagapakinig mula sa iba’t ibang henerasyon.
Sa artikulong ito, susuriin ang popular na awit, gamit ang apat na
dulog na ipinaliwanag ni Arwin Tan (2022) at Nicanor Tiongson (2022).
Susuriin 1) ang obrang-musika bilang likhang-sining, 2) ang konteksto ng
awit, 3) ang dating ng awit sa nakikinig, at 4) ang ambag ng awit sa Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO (KAMPIT). Sa pagsusuri ng awit sa huling dulog,
gagamitin ang mga konsepto ng “Anthropocene” at “Capitalocene” ni Arons
(2020).
UNANG DULOG: ANG AWIT BILANG LIKHANG-SINING
Ano ang isinasaad ng mga liriks ng awit sa bawat saknong nito at ano
ang uri ng wika at katangian ng mga berso at salitang ginamit dito? Ano ang
mga katangiang musikal ng awit? Mahusay ba ang pagsasanib ng musika sa
tema at mga salita ng awit?
Ang Liriks ng Awit
Binubuo ng walong iba-ibang saknong ang awit, at isang pansiyam na
pag-uulit ng pang-apat bilang pangwakas na refrain. Hawig ang taludturan ng
204 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
mga saknong ng awit sa tradisyunal na taludturan ng awit o tanaga. Ang mga
ito’y kapwa katutubong anyo ng panulaang Pilipino na may sukat at tugma,
at saknong na binubuo ng apat na taludtod din. Ngunit hindi tulad ng mga
tradisyunal na tula, walang sinusundang bilang ng pantig ang mga taludtod
ng bawat saknong ng awit. Gayundin, hindi iisa lamang ang tugmang gamit
kundi tatlo: “-in” at “-an” sa halos lahat ng saknong, at “a/a pepet” sa saknong
8. Ang mga tugmang ito ay pinagsasalit-salit sa iba-ibang paraan: halimbawa,
ang tugmaan ay a-b-a-a sa unang saknong; b-a-b-a sa pangalawa; at a-a-
a-b sa pangatlo. Pero hindi halata ang iregularidad, dahil iyon at iyon ding
dalawang tugma (a at b) ang gamit sa karamihan ng mga linya. Ang dating ng
iregularidad na ito ay tonong magaan at kumbersasyunal, pero mala-tula pa
rin.
Ang paggamit ng mga panghalip na panaong “ka,” “kita,” “atin,” at
“natin,” ay mabisang hikayat din na tanggapin at pakinggan ng ordinaryong
tagapakinig ang awitin. Sa ganitong pagpoposisyon sa tagapakinig, banayad
at natural na naihahatid ng awit, sa interpersonal na paraan, ang mensahe
ng persona. Hindi nagiging didaktiko o mala-sermon ang dating ng awit,
sapagkat madaramang hindi nakatayo sa pedestal ang kausap na persona.
Sa halip, ang persona at tagapakinig ay kapwa ordinaryong tao lamang.
Dahil dito, mas mabisang nagagamit ng persona ang kaniyang mas abanteng
sensibilidad bilang musiko sa pag-aangat ng kamalayan ng kausap hinggil sa
problema sa kapaligiran, na una niyang napansin pero kailangang lutasin sa
pakikipagtulungan ng tagapakinig.
Ang unang saknong ay nagsisimula sa napaka-iconic na unang linya:
“Wala ka bang napapansin?” Napakapersonal. Intimate. Parang matapos ng
kaunting kuwentuhan, magtatanong ng seryosong bagay ang kaibigan mo.
Ibig malaman ng persona kung “malay” ang kausap sa nangyayari sa “mga
kapaligiran,” gaya ng pagdumi ng hangin at mga ilog.
Sa pangalawang saknong, pangungunahan na ng persona ang
magiging argumento ng kausap na kailangan natin ang progreso na
kinakatawan ng industriyalisasyon. Walang masama dito, sabi ng persona,
lalo at malayo na rin ang narating ng progreso sa ating bansa, pero ang
progresong ito rin ang siyang nagpa-itim sa karagatan nating dati’y kulay
asul. Tila tinutukoy ng persona sa “nagpa-itim ng dagat” ang silt mula sa mga
minahan o kaya’y ang oil spill mula sa mga barkong nagkakaroon ng “leak” sa
dagat, na kumakalat at pumapatay sa mga lamang-dagat, at kahit mga ibong
dagat.
Sinasabi sa pangatlong saknong na huwag nang paabutin pa sa langit
mismo ang polusyon, para sa langit man lamang ay makalanghap ang persona
Lobos I Asin at Anthropocene 205
ng malinis na hangin. Gamit dito ng persona ang tonong halos sarkastiko,
para makita ng nakikinig kung gaano na kasidhi ang problema sa kalusugang
dulot ng polusyon, kaya kailangan na talagang wakasan o kontrolin ito.
Nagpapatuloy ang idea ng langit sa pang-apat na saknong. Sinasabi
ng persona na hinihiling niya, marahil sa Maykapal, na sana’y pumanaw siya
sa panahon ng tag-ulan, malamang dahil nalilinis ng pag-ulan ang hangin
at himpapawid. Kapag medyo malinis na ang hangin, makakahinga na ang
persona sa langit at doon ay pwede nang magkantahan ang persona at mga
kapwa musikero o ang tagapakinig sa saliw ng kaniyang gitara.
Magkakaroon ng maigsing pasakalyeng instrumental bago isunod
ang ikalimang saknong. Dito tutukuyin naman ng persona ang kasukdulang
maaaring kahinatnan ng sangkatauhan kung hindi bibigyan ng atensiyon ng
kasalukuyang henerasyon ang ginagawa sa kalikasan. Sa retorikal na paraan,
itinatanong ng persona sa tagapakinig kung may sariwang hangin pa bang
malalanghap, matatayog na puno na maaakyat, at malinis na mga ilog na
malalanguyan ang susunod na henerasyon, na kinabibilangan ng mga anak
ng tagapakinig.
Sa pang-anim na saknong, aanyayahan ng persona ang tagapakinig
na pagnilayan ang mga nangyayari sa kapaligiran, na may masamang epekto
sa atin at sa susunod na henerasyon. Muli sasabihin ng persona na hindi
masama ang progreso, pero ngayon lilinawin niya na ito’y totoo lamang kung
hindi sisirain ng progreso ang kalikasan.
Sa pampitong saknong, ilalarawan ng persona ang iba pang magiging
resulta ng kapabayaan sa kalikasan: wala nang punong madadapuan ang mga
ibon dahil kalbo na ang kagubatan, na magiging sanhi na rin ng pagkawala ng
mga ibon sa kalaunan. Nagwawakas ang saknong na ito sa tahasang pagsasabi
ng persona na ang pagtahak sa kaunlaran nang walang konsiderasyon sa etika
ng ekolohiya ay kabaliwan at hamak na “kalokohan.”
Sa pangwalong saknong, ipinahahayag ng persona ang banta na
kapag hindi natin itinigil ang pagsira sa kalikasan, parurusahan tayo ng
Diyos. Ipaaalala ng persona sa tagapakinig na ang lahat ng bagay sa mundo
ay nilikha ng Diyos at biyayang ibinigay niya sa atin. Pero kung sisirain natin
ang mga biyayang ito, maaari niyang bawiin ang mga ito at wala nang matitira
sa atin at tayo man ay mawawala na.
Bilang pangwakas, inulit ang pang-apat na saknong, na naglalaman
ng hiling ng persona na kung darating ang araw ng kaniyang pagpanaw ay
sa panahon sana ng tag-ulan para malinis ang hangin sa langit kapag nag-
206 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
awitan siya at kaniyang mga kaibigan o tagapakinig. Ang ganitong pag-uulit
sa naturang saknong ay mas malakas na ang dating, pagkatapos mailahad
ng mga naunang saknong ang mga sakunang maaaring mangyari kapag
nagpatuloy tayo sa ating “kalokohan” -- tayong lahat ay pasasa-langit na nga.
Ang Katangiang Musikal ng Awit
Bilang panimula sa gagawing pagsusuri sa katangiang musikal ng
awit, tingnan muna ang talahanayan sa ibaba na nagpapakita ng mga taludtod
ng awit na minamarkahan bilang verse o refrain, ang sinasabi ng bawat
taludtod, at ang chords, key, instrumentasyon, at tinig na ginamit sa bawat
saknong para mapalutang ang sinasabi ng liriks.
“Masdan Mo ang Kapaligiran” ng Asin
ASIN, Vicor Records, 1978
Tunog: Chords at
Hiwatig ng Key, Kapal ng
Liriks (A-Verse, B-Refrain)
Liriks Instrumentasyon,
Tinig
I (A) Pagtatanong,
Chords:
Wala ka bang napapansin panimulang
E-A-B-A (Maj)
Sa iyong mga kapaligiran? pagpapamalay,
Major, manipis,
Kay dumi na ng hangin larawan ng
Lolita
Pati na ang mga ilog natin muni
II (B)
Chords:
Hindi na masama ang pag-unlad
C#m-A-B-A (Min)
At malayo-layo na rin ang ating narating Katuwiran
Minor, makapal,
Ngunit masdan mo ang tubig sa dagat
lahat
Dati’y kulay asul, ngayo’y naging itim
III (A)
Chords:
Ang mga duming ating ikinalat sa hangin
E-A-B-A (Maj)
Sa langit, huwag na nating paabutin Larawan ng
Major, makapal,
Upang kung tayo’y pumanaw man muni
Saro o Nonoy
Sariwang hangin, sa langit natin
matitikman
IV (B)
Chords:
Mayro’n lang akong hinihiling
C#m-A-B-A (Min)
Sa aking pagpanaw, sana ay tag-ulan Hiling
Minor, makapal,
Gitara ko ay aking dadalhin
lahat
Upang sa ulap na lang tayo magkantahan
Lobos I Asin at Anthropocene 207
V (A)
Chords:
Ang mga batang ngayon lang isinilang
Larawan ng E-A-B-A (Maj)
May hangin pa kayang matitikman?
muni Major, makapal,
May mga puno pa kaya silang aakyatin?
Saro o Nonoy
May mga ilog pa kayang lalanguyan?
VI (B)
Chords:
Bakit ‘di natin pag-isipan
Hikayat sa C#m-A-B-A (Min)
Ang nangyayari sa ating kapaligiran?
pagmumuni Minor, manipis,
Hindi na masama ang pag-unlad
Lolita
Kung hindi nakakasira ng kalikasan
VII (A)
Darating ang panahon
Chords:
Mga ibong gala ay wala nang madadapuan Larawan ng
E-A-B-A (Maj)
Masdan mo ang mga punong dati ay kay muni,
Major, manipis,
tatag Katuwiran
Saro o Nonoy
Ngayo’y namamatay dahil sa ‘ting
kalokohan
VIII (B)
Lahat ng bagay na narito sa lupa
Chords:
Biyayang galing sa Diyos kahit no’ng ika’y
C#m-A-B-A (Min)
wala pa Katuwiran
Minor, makapal,
Ingatan natin at ‘wag nang sirain pa
lahat
‘Pagka’t ‘pag Kan’yang binawi, tayo’y
mawawala na
IX (A)
Chords:
Mayro’n lang akong hinihiling
E-A-B-A (Maj)
Sa aking pagpanaw, sana ay tag-ulan Hiling
Major, manipis,
Gitara ko ay aking dadalhin
Lolita
Upang sa ulap na lang tayo magkantahan
Talahanayan 1: Liriks at Katangiang Musikal ng “Masdan Mo ang Kapaligiran.”
Binary ang anyo ng awitin: Verse-refrain, Verse-refrain. Major key
para sa verse, Minor sa refrain; kabaligtaran ito ng kundiman na nagsisimula
sa minor key (mas malungkot) at tumutuloy sa major key (mas masaya).
Mainam ang pagkagamit ng major key sa pasakalye at mga bahagi ng verse
na naglalaman ng mga paglarawan at pagninilay-nilay sa kapaligirang nais
ipamasid ng persona sa tagapakinig (I, III, V, IX). Nakatulong ang “nipis”
ng boses sa mga bahaging ito upang maging magaan ang pagtanggap ng
nakikinig sa tinutukoy ng persona.
Samantala, ang pihit patungong minor key sa mga bahagi ng refrain
ay napakabisa rin dahil bagay ang pangalawang melodi sa paglalatag ng mga
katuwiran (II), hiling (IV), paghimok na magmuni (VI), at pagpapaalala sa
208 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
atin na kailangang nating alagaan ang kaligiran kung hindi’y baka bawiin ito
ng Diyos sa atin (VIII). Ang “pagkapal” ng mga tinig sa mga bahaging ito ay
nakatutulong naman sa pagbibigay-diin sa mga ipinapahayag.
Mahalaga ring pansinin ang tamang modulasyon ng “husky” na
tinig ni Lolita sa panimula at ilang bahagi ng awitin, sapagkat ang baba at
hinahon nito ay mabisang panghikayat na bigyang-pansin ang mga tanong
na “Wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran?” (I), at “Bakit hindi
natin pag-isipan ang nangyayari sa ating kapaligiran?” (VI). Kaugnay nito,
ang pagsasalitan ng mga tinig sa bawat bahagi ng awitin ay napakabisang
paraan para himuking kumanta ang sinuman o ang komunidad na nais
sumali sa pag-awit.
Ang paggamit ng instrumental na binubuo ng pagkalabit, pagkaskas,
at pasundot-sundot na tube slide sa gitara, harmonika, at pa-“piso-pisong”
bagsak o paisa-isang kalabit ng kuwerdas ng bass, at simpleng chord pattern
ay nakatulong sa pagpapatingkad sa makabuluhang liriks na nais iparating ng
awitin sa ordinaryong tao.
ANG PANGALAWANG DULOG: ANG KONTEKSTO NG AWITIN
Sa dulog na ito, tatalakayin ang konteskto ng awit, tulad ng mga
lumikha ng awit, kalagayang pangmusika, at kalagayang pampulitika at
pangkalikasan nang likhain ang awit noong 1978.
Ang Grupong Asin
Ibinahagi ni Mike “Nonoy” Pillara Jr., tubong Negros Occidental,
lupain ng malalawak na tubuhan at "tiempo muerto," ang pagsisimula ng
kanilang banda at ang mga naging impluwensiya sa kanilang musika, sa
panayam ni Abet Umil (2008):
We were playing some kind of contemporary music, not only religious
music. We used to sing also songs from contemporary groups like the
Lettermen, Bob Dylan, Joan Baez, and Peter Paul and Mary. So this
is where it all started. I became a member of Gintong Silahis, which
is the cultural group of Samahan ng Demokratikong Kabataan
(SDK). So, I was sent to Manila to train under Behn Cervantes, who
happened to be the director of the group at that time.
Pagkatapos ng training, bumalik si Nonoy sa Negros, pero nang
ipataw ang Batas Militar, naging iligal ang SDK. Napilitang pumunta sa
Maynila si Nonoy. Para kumita ng pantustos sa pag-aaral sa hayskul, kumanta
Lobos I Asin at Anthropocene 209
siya sa folk house. Dito nakaduweto niya ang dating kasamahan sa choir.
Pero tumagilid ang simula ng folksinging “career” niya nang iwanan siya
ng kaduweto -- hanggang magkasama sila ni Saro o Cesar Bañares na taga-
Cotabato.
Sa simula, duweto lang sila na nagtatanghal sa isang folk house sa
tapat ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST), na pawang taga-Bacolod at
Cotabato ang nanonood. Nakilala nila si Lolita Carbon noong 1976 sa isa sa
mga folk house na pinuwestuhan nila minsan, kung saan si Lolita ay kilalang
soloista. Naalala ni Nonoy ang kanilang unang pagtatagpo (ibid.):
Saro was already sensing that we need another voice in between.
Because I was brought up as a baritone and Saro was brought up
as a tenor… we need something like an alto in between to get the
harmony. We were trying some guys and they were not able to pass
our standards. And because Lolit and Saro had a relationship then,
we started also trying Lolit. And it seems to jive together. So we
decided we will make a group out of this…three of us. We started
with no name… Everybody was asking, “What’s going to be the
name?” Then, I came up with an idea, which I got from an album
or a song from another popular singer, Joan Baez. The song was
called “Salt of the Earth.” It goes something like, “Let’s drink to the
hardworking people / let’s drink to the salt of the earth.”
Mula “Salt of the Earth,” naging “Asin ng Lupa” muna sila. Umikli
ang pangalan at naging Asin na lamang dahil kay Tito Sotto, ang executive
ng Vicor noong panahong iyon, na nag-release ng LP album ng banda. (ibid)
Nagsama-sama sina Nonoy, Saro, at Lolita (huli na lamang magiging bahagi
ng banda si Fred “Pendong” Aban) at nakilala sila bilang grupong kumakanta
ng musikang folk rock sa isang folk house sa Taft, Maynila.
Kalagayang Pangmusika
Pinahintulutan ng Rehimeng Marcos ang limitadong pag-unlad ng
isang komersiyal na musika sa Maynila, na nakilala bilang “Manila Sound”
nang nagsimula ito noong 1972 (hango ang “The Manila Sound” sa awiting
“Manila” ng sikat na banda noon na Hotdog). Ang mga lokal na artista sa
kilusang ito ay humango at humalaw mula sa mga genre ng Kanluran, gaya ng
pop, soft rock, at funk. Sa dekada rin ng 1970 natunghayan ang pamamayagpag
ng VST and Co. na nagpa-uso ng “Tagalog/Pinoy Disco,” Hagibis na gumaya
sa Village People, at Boyfriends na gumagad naman sa BeeGees. Dekada
1980 naman nang nauso ang mga soloista na umaawit ng mga kantang
sentimental. Ito at ang lahat ng orihinal na musika na gawang Pilipino ang
210 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
sa kalaunan ay babansagang OPM. Dahil hindi pulitikal ang karamihan sa
mga awitin mula sa kilusang ito, pinahintulutan ng rehimen ang distribusyon
nito ng mga recording company, pati na ang mga konsiyerto nito sa bansa at
pagpapatugtog sa radyo. (Gimenez-Maceda 2017, 209)
Sa kabilang banda, may lumabas na ring musika ng protesta na
humalaw naman sa lokal at dayuhang teksto, melodiya, at estilo. At upang lalo
pang umigting ang kilusang kontra-gahum na ito sa musika, tumulong ang
mga makata sa pag-eeksperimento sa mga posibilidad ng anyo at nilalaman
ng mga awit protesta. Ayon kay Teresita Gimenez-Maceda (2017, 222):
The break from the typical ideological songs characterized
by sloganeering, martial beat, and generalized messages was
precipitated by the migration of poets to the music field. In the
hands of poets, the revolutionary/protest song was liberated from
its formula structure, which moved predictably from statement of
oppressive condition to affirmation of revolutionary optimism and
the triumph of the masses. Now, a wider range of experiences was
explored and more issues were particularized. Fresher and novel
images were employed and language became more lyrical, more
concrete, and subtler. Cultural production under martial law
became more creative, if not more powerful, largely because of the
need for indirection.
Isa sa mga makatang mang-aawit na tinukoy dito ay si Heber
Bartolome, na ginamit ang anyong folk rock upang tudyuhin ang kaisipang
kolonyal ng mga Pilipino at tutulan ang neokolonyalismo at diktadura. Nariyan
din si Ani Montano, na binanatan ang bulok na sistema ng edukasyon, at
ang Nuklus Band na inilabas ang galit laban sa pagtatayo ng administrasyong
Marcos ng plantang nukleyar sa Morong. Ginamit ng huling dalawa ang rock
bilang anyo ng protesta. Samantala, humalaw si Jess Santiago sa mga folk song
na popular sa Amerika noong dekada 1960. Sa estilong ballad, inilarawan
niya ang kalagayan ng uring api. (ibid.)
Kalaunan nagsimula na ring umusbong ang ethno-pop/-rock na
anyo ng musika noong huling bahagi ng dekada 1970. Asin ang itinuturing
na nanguna rito, sa partikular, sa paggamit ng mga katutubong instrumento,
tulad ng tumpong (bamboo flute), iyot (Jew’s harp), at kulintang (racked gong
chime), na unang narinig sa LP album nilang ASIN na inilabas noong 1978
ng Vicor Records, isa sa nangungunang recording company sa panahong iyon.
(Tingnan ang Larawan 1 sa pahina 139)
Lobos I Asin at Anthropocene 211
Kalagayang Pampulitika at Pangkalikasan
Sa iba-ibang bansa ng daigdig noong mga dekada 1960 at 1970,
pinilit ng mga kilusan laban sa polusyon ang mga lehislatura nila na gumawa
ng mga batas na makatutulong para makontrol ang polusyon sa kanilang mga
bansa. Mula noon hanggang sa pagtatapos ng siglo 20, tinugunan ng mga
kilos-protesta ang mga panganib na likha ng deporestasyon, mga toxic waste
sa kalikasan, ozone depletion, at global warming sa iba-ibang bansa tulad ng
Estados Unidos, Norway, India, at Canada (Geary 2018; Weyler 2018). Ang
mga suliraning ito ng daigdig ay bunga ng tuloy-tuloy at walang-habas na
produksiyon bunsod ng rebolusyong industriyal at, kalaunan, ng pag-iral ng
neoliberal na globalisasyon.
Marami na ring naisulat hinggil sa neoliberal na globalisasyon bilang
isang huwad na pangako ng kaunlaran, sapagkat malalaking bansa lamang
tulad ng US at mga bansa sa Kanlurang Europa ang nakikinabang dito.
Mula pa noong dekada 1960, ang iskemang Import Dependency at Export
Orientation sa ekonomiya ng Pilipinas ay labis na puminsala sa kabuhayan at
likas na yaman ng bansa, para sa ganansya ng mga dayuhang nangangapital at
lokal nitong kasapakat.
Ang pagdekontrol sa ekonomiya sa panahon ni Diosdado Macapagal
na lumala sa rehimeng Marcos ay lalong nagpahigpit sa neokolonyal na
kontrol sa ekonomiya ng bansa, at naipit pang lalo ang maliliit na ganansyang
natatamo ng masang Pilipino mula sa mga kolonyal na industriyang pinapasok
ng estado. Kasabay ng pagsasamantala sa lakas-paggawa ng mamamayan sa
ilalim ng neoliberal na polisiya ang pandarambong sa likas na yaman ng
bansa na siyang tugon ng gobyerno sa kinasangkutan nitong globalisasyon.
Ayon kay Germelino M. Bautista (1990, 67), ang dekada 1970 ay
isa sa pinakamadilim na kabanata sa kasaysayan ng ekonomiya ng Pilipinas.
Nagsimula noon ang isang serye ng pangungutang ng gobyernong Marcos,
na magiging dahilan ng maraming krisis na pampinasya at pampulitika
noong dekada 1980. Para makalikom ng pambayad-utang, pinahintulutan
ng gobyerno ang pagputol at pagluluwas ng mga troso sa ibang bansa. Kaya
nagtuloy ang paglalawag ng mga kagubatan, na nagpalala sa dati nang mga
suliranin sa pandarambong sa yamang-kahoy at pagkasira ng balanse sa
ating kalikasan, na nagsimula noong panahon pa ng Amerikano. Ayon kay
Magno (Abella et al. 2014, 8): “The environment in the Philippines in recent
history has always been in a critical stage; from the American period up to the
contentious post-war presidents Marcos and Aquino.”
212 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Pero kahit kumita ang gobyerno sa pagpapalawak ng pagtotroso at
tumaas ang GDP, hindi mga karaniwang mamamayan ang nakinabang dito.
Halimbawa, mula dekada 1920 hanggang 1960, ang pagtotroso mula sa ating
kagubatan ay nakapag-ambag nga sa ating GDP. Ngunit nakalulungkot na
ang pakinabang mula rito’y napunta lamang sa malalapit na mga kaibigan
at kapanalig ng pangulo na kabilang sa elit, hindi man sa ordinaryong
mamamayan. Ang lalong nakinabang ay ang mga pangulo na lalong naging
makapangyarihan dahil sa suporta ng elit na ito. Ayon kay Rico (nasa Abella
et al. 2014, 8):
Marcos used this situation “as an instrument of patronage” for his
cronies. The trend of logging concessions being held by the elite
continued even after the fall of Marcos (Rico, 2006). This was due
to the fact that many of the relatives of Aquino had interests in the
aforementioned industry (Rico 2006). In fact, during her term,
at least half of the members of the House of Representatives had
interests in the logging industry.
Noong 1977, tinangkang maghugas-kamay ng rehimeng Marcos sa
pandarambong na ito sa ating kagubatan sa pamamagitan ng Presidential
Decree 1151 o “Philippine Environmental Policy” at Presidential Decree
1152 o “Philippine Environment Code.” Pero ang mga batas na ito ay hindi
rin naipatupad nang tama dahil sa kawalan ng koordinasyon sa dalawang
ahensiyang itinakda para rito, at sa kakulangan ng tao, kagamitan, at pinansya.
(Gotoh et al. 1997, 5)
Tulad sa ibang bansa, ginamit ng mga artista ang iba-ibang sining para
ilantad at tutulan ang paglapastangan sa kalikasan. Sa Pilipinas, maituturing
na abante ang “Masdan Mo ang Kapaligiran” sa mga awit-protesta hinggil sa
pagkasira ng kapaligiran. Ayon kay Rosalie Matilac (2017, 458):
This folk-rock song by Asin was the first to express alarm over
the environmental destruction caused by human activities at the
expense of future generations. The song was ahead of its time.
Though political activism was rife in the 1970s under Martial Law,
environmental activism was virtually unheard of then. The song
not only depicted the grave situation of the natural environment
already evident in the 1970s, it also identified the root cause of this
destruction—unsustainable economic development.
Ang “eko-aktibismo” na ito ng Asin ay bahagi ng at umusbong sa
pulitikal na aktibismong bumabangga sa Diktadurang Marcos noong dekada
1970. Naging larang ng tunggalian ang sining sa malagim na bahaging ito
Lobos I Asin at Anthropocene 213
ng kasaysayan. Habang pinagtatakpan ng “The True, The Good, and The
Beautiful” ni Imelda Marcos ang karima-rimarim na “Bagong Lipunan” ng
rehimeng Marcos sa pamamagitan ng elitista at popular na musika, bato
namang bumabangga rito ang sining protesta ng mga progresibong kilusan.
ANG DATING NG “MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN”
Hindi maikakailang ang dating ng awiting paksa ng pag-aaral ay
napakalakas kaya’t hanggang sa kasalukuyan ay patuloy itong kinukunsumo
sa iba’t ibang konteksto at paraan. Tulad ng iba pang awit ng Asin na ginamit
nina Apl de Ap at Gloc 9 (“Balita”) at Yeng Constantino at Glaiza de Castro
(“Himig ng Pag-ibig”), ginamit ang “Masdan Mo ang Kapaligiran” sa iba-
ibang konteskto. Halimbawa, pinatugtog ito sa closing credits ng pelikulang
Engkanto ng OctoArts Films. Bukod rito, ang paksang-awit, kabilang ang
mga nabanggit na iba pang awitin ng Asin, ay patuloy na maririnig sa mga
radyo, lansangan, at mga programang pampaaralan.
Sukatan din ng malakas na dating ng awit, album, at banda na
rin ang mga pagkilalang natanggap ng mga ito. Kinilala ang kahusayan ng
grupo bilang musikerong folk na nagsusulong ng kamalayan sa kapaligiran
ng Pilipino at bilang Environmental Champions ng 2004 ng DENR/WORLD
BANK noong Hunyo 20, 2005 (Hindi kaya ito isang anyo ng pagpapabango
ng pangalan sa panig ng World Bank?)
Naghawan din ang awit at ang banda ng landas para maitampok
at lumaganap ang genreng mas katutubong Pilipino ang anyo (ethno-pop/-
rock) at nilalaman (kamalayang pangkalikasan). Ang paglalangkap ng
mga katutubong instrumento sa kanilang estilong “ethno-rock/-pop” ay
maituturing din na hakbang tungo sa preserbasyon ng ating katutubong
musika at instumento at pagpapatuloy ng ating kamalayang pangkultura. Ang
estilong ito at ang mga tema ng kanilang mga awitin ay susundan sa darating
na panahon ng marami pang malay na artista ng musika, tulad ni Francis M.,
Pinikpikan, at Joey Ayala. Halimbawa, dala ni Joey Ayala ang estilo at temang
pangkalikasan ng Asin sa kaniyang awit na “Bathala”, pero di tulad ng persona
ng “Masdan Mo ang Kapaligiran,” hindi papanaw ang persona ni Ayala at
sa halip ay kikilos at babangon upang labanan ang nagsasamantala sa Inang
Kalikasan.
Napakalahagang kilalanin din ang pagbitbit ng Asin sa kanilang
sining patungo sa lansangan, ang lunan ng kaganapan ng likhang-sining na
may temang panlipunan.
214 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Ayon kay Teresita Gimenez-Maceda (2017, 224):
The assassination of Benigno “Ninoy” Aquino Jr. on 21 August 1983
marked the turning point or the decline of the Marcos dictatorship…
As protest action escalated, songs were spontaneously created to
satirize the excesses and repressive policies of the dictatorship,
as seen in both Inang Laya’s “Binagoongang Lipunan” (Society of
Fermented Fish), a pun on Marcos’s Bagong Lipunan (New Society),
and “Turismo” (Tourism), and to decry the indignities and low pay
suffered by public school teachers, as in Jane Po’s “Titser” (Teacher).
Protest singers like Heber Bartolome, Jess Santiago, Susan Fernandez,
Joey Ayala, Paul Galang, Gary Granada, Noel Cabangon, Inang
Laya, and Patatag braved tear gas, water cannons, and arrest to
perform in protest marches … in rallies and demonstrations, pulong
bayan (town meetings), and open forums held in towns and cities
all over the country. Pinoy folk and pop singers like Freddie Aguilar,
Coritha, the groups Asin and APO Hiking Society also joined in the
mounting protest.
Hindi mapasusubaliang ang “Masdan Mo ang Kapaligiran” ng ASIN
ay isa sa mga awiting paulit-ulit na pakikinggan, at patuloy na pakikinggan
ng darating pang mga henerasyon dahil sa napakalakas na dating nito. At ito’y
dahil patuloy pa rin ang “development aggression” na isinusulong ng huwad
na kaunlaran o kaunlarang para sa iilan. Noong 1995, isinabatas ang Mining
Act na nagpahintulot sa malalaki’t pribadong korporasyon na magmina sa
iba-ibang kabundukan. Ang pagmimina ang labis na puminsala sa ating
mga kabundukan at yamang-tubig. Sa kabila ng mga malalaking pagguho
ng bundok at malawakang pagbaha, patuloy ang pagbibigay ng pahintulot
sa pagtotroso sa mga korporasyong malakas sa may kapangyarihan. Para
lalong lumaki ang kita ng pagtotroso o pagmimina, tuloy ang pagkamkam
sa malalawak na lupang ninuno na mga santuwaryo ng kalikasan. Para
kumita ang ilang kapitalista at kasapakat nila sa gobyerno, hinayaang ipadala
at itambak ng Canada at Tsina ang kanilang basura sa Pilipinas. Dahil sa
pamumulitika at takot na mawala sila sa posisiyon, hinahayaan ng gobyerno
na masira ang mga coral reef o nakawin ng mga Tsinong trawlers ang yamang-
dagat sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philipine Sea. Sa mga resort na
dinudumog ng mga turista, pinalalayas ang mga katutubong dating nag-
aalaga ng kalikasan at nagtatayo ng mga casino at hotel na diretso sa dagat
ang dumi. At patuloy na tinatakot o pinapaslang ng mga may kapangyarihan
o mga kapitalistang malakas sa pamahalaan ang mga kumukuwestyon,
naninindigan, at nakikibaka para labanan ang ganitong paglapastangan sa
ating kalikasan at sa kapwa Pilipino.
Lobos I Asin at Anthropocene 215
ANG PANG-APAT NA DULOG: ANG AWIT, ANG LIPUNAN
AT KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO”
Ayon kay Nicanor Tiongson (2022) ang Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO ay ang
kamalayang tumutulong para makamit ng bawat Pilipino ang
kaniyang kaganapan bilang TAO – sa lahat ng antas ng kaniyang
pagkatao, maging ito’y pisikal, ispirituwal, sikolohikal, intelektwal,
pulitikal, pangkabuhayan, at kultural.
Patuloy pa niya, “ang kaganapang ito ay makakamit sa pamamagitan
ng pagsasanggalang, pagtataguyod at pagpapalakas sa mga karapatang
pantao,” kasama na ang karapatan sa edukasyon, sa malayang pagpapahayag
ng kaisipan sa midya, sining, at iba pa, sa kabuhayang makapagtaguyod ng
sarili at ng pamilya, at, pinakamahalaga para sa ating talakayan, karapatan na
ipagtanggol at alagaan ang kalikasan na siyang “sinapupunan ng buhay.” (sa
akin ang mga salungguhit.)
Hindi mapasusubaliang isinusulong ng “Masdan Mo ang Kapaligiran”
ang karapatan na ipagtanggol at alagaan ang kalikasan. Sa pamamagitan
ng mahusay na paglalangkap ng liriks at musika, nagagawa ng awit ang
sumusunod: 1) ganyakin ang tagapakinig na buksan ang mata upang makita
niya ang nangyayaring pagdumi at pagsira sa kapaligiran; 2) himukin siyang
kumilos agad-agad para mahinto ang pagpinsala sa kalikasan; at 3) ipaunawa
sa tagapakinig na kapag hindi siya kumilos, masisira ang kapaligiran, ang
kaniyang pamumuhay, ang kinabukasan ng kaniyang mga anak, at patuloy
nang mawawala ang tao sa mundo. Ang awit na ito ang marahil ay may
pinakamalinaw at pinalamalakas na mensahe tungkol sa kalikasan na, tulad
ng nabanggit sa itaas, ay patuloy na umaalingawngaw sa ating panahon dahil
nagpapatuloy ang walang-habas at walang-pakundangang paglapastangan sa
ating kapaligiran, sa dagat man o sa lupa. Patunay ito, at ang mga pagkilalang
natanggap ng awit at album, at mga artistang sumunod sa Asin, na tunay
na malaki ang ambag ng awit sa pagsusulong ng Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO at sa karapatan ng bawat Pilipino na mabuhay nang matiwasay sa
sinapupunan ng kalikasan.
Gayunman, mapapansin sa masinsing pagbasa sa mga liriks ng awit
na mayroong hindi tama sa isang salita na ginamit ng awit. Pansinin ang mga
berso ng awitin sa ibaba:
216 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Darating ang panahon
Mga ibong gala ay wala nang madadapuan
Masdan mo ang mga punong dati ay kay tatag
Ngayo’y namamatay dahil sa ‘ting kalokohan.
(Sa akin ang salungguhit)
Naniniwala ang persona ng awit na ang ugat ng pagkakasira ng
kapaligiran ay ang “kalokohan” nating mga tao. Litaw na litaw sa bahaging
ito ng awitin ang pagbitbit sa konseptong Anthropocene na nagsasabing sa
yugtong heolohikal na ito ng daigdig, ang sangkatauhan sa kabuuan ang
nagdulot ng labis at mabilis na pagbabago at pagkasira sa kalikasan. Sa
kaniyang sanaysay na “Tragedies of the Capitalocene,” ipinaliwanag ni Wendy
Arons (2020, 17) na
“…[’Anthropocene,’] had the virtue of succinctly conveying a piece
of stunning geophysical news: that the planet had, at some point in
the relatively recent geological past, entered into an “Age of Man,”
in which human beings had managed to effect the kinds of large-
scale changes to atmosphere, soil, mineral composition, species
distribution, and climate that had previously been attributable
to such far-reaching geophysical events as volcanic eruptions or
comet impacts ... the idea that we live in the “Anthropocene” has
gained traction among scientists, humanists, and artists who seek to
describe, analyze, and address anthropogenic climate change.
Ito rin ang naging oberbasyon ni Francisco Magno (1993, 7) tungkol
sa problema sa kapaligiran sa Pilipinas, ngunit sa huling pangungusap ay may
iba siyang sinisisi sa pagkasira ng kapaligiran:
In conventional explanations for environmental degradation in the
Philippines, it is common to blame the poor for heavily contributing
in the destruction of the environment. It should be noted though
that a bigger cause of environmental degradation is the incapability
of humankind to take into consideration the environment when it
comes to development. This is especially true if the acts of profit-
driven business firms and companies are reviewed (sa akin ang
salungguhit).
Tulad ng sinabi ni Magno, hindi ang sangkatauhan o ang
sambayanang Pilipino per se ang siyang may “kalokohan” kung bakit nasisira
ang likas-yaman ng bansa. Taktika lamang ito para mapagtakpan ang tunay
na salarin at malihis ang imumungkahing solusyon sa environmental
degradation. Ayon pa rin kay Arons (2020, 18),
Lobos I Asin at Anthropocene 217
…the notion of the “Anthropocene” also has the drawback that
it is readily alignable with the discourse of individualism; that
is, its universalizing of responsibility for changes to the Earth’s
climate also, paradoxically, plays into campaigns that suggest that
solutions lie in (collectivized) individual actions, like recycling,
using energy-efficient light bulbs, or adopting a plant-based diet.
This is a discourse that has all-too-frequently been mustered as a
diversionary tactic by capitalist entities anxious to forestall profit-
threatening environmental regulations…
Sa halip na Anthoropocene, iminungkahi ng kritikong si Jason
W. Moore na “Capitalocene” ang mas naaangkop na paglalarawan sa
kasalukuyang yugtong ito ng daigdig. Sa madaling salita, hindi ang tao sa
pangkalahatan ang may pananagutan sa pagkasira ng kapaligiran sa yugtong
ito ng daigdig, kundi ang mga kapitalistang korporasyon sa lahat ng bansa ng
mundo na siyang nagsasamantala sa “cheap” natural and human resources.
(Aarons 2020, 20) Kaya mas angkop na katawagan sa yugtong ito ng mundo
ang “Capitalocene.”
Sa Pilipinas sa panahon ni Ferdinand Marcos, ang Capitalocene
ay kinatawan ng mga ganid na kapitalistang crony at dummy ng diktador
na siyang nagkamal ng yaman sa matinding pagkawasak ng kagubatan, na
naging sanhi naman ng mga “natural disaster” na nagdulot ng matitinding
pagbaha at nagresulta sa pagkasawi ng libo-libong mamamayan, pagkasira ng
mga milyong-milyong pisong halaga ng ari-arian, kabuhayan, at tahanan, at
malawakang migrasyon. (Warren 2013, 1)
Mahalagang ihiwalay ang karaniwang tao sa malalaking kapitalista
dahil may malaking implikasyon ito sa dapat gawing pagkilos para malutas
o maagapan ang paglala ng pagkasira ng kalikasan. Tulad ng nabanggit na
sa itaas, kung ang tao ang may kasalanan, ang magiging solusyon ay wastong
pagtatapon ng basura, recycling, paggamit ng LED na bombilya, at iba pang
pagkilos na maganda ngunit hindi komprehensibo at epektibong solusyon sa
suliranin. Pero, kung ang problema ay uugatin at ipasasagot sa malalaking
kapitalista, maaring gumawa ng radikal na hakbang ang pamahalaan para
isabatas ang pagsasara ng mga korporasyong industriyal na walang pakialam
o walang ginagawa o ayaw makiisa para mabawasan o mawakasan ang
polusyon ng kapaligiran ng iba-ibang bansa.
Sa kasamaang palad, napalaganap na ng awit ang paniniwala sa
Anthropocene at nakababahala na patuloy na lumalaganap ang maling
paniniwalang ito dahil na rin sa popularidad ng awit. Maganda sana kung
218 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
makagagawa ng paraan ang grupo para palitan ang ilang mga salita ng kanta
para maisiwalat na hindi tao per se kundi kapitalistang walang pananagutan
ang pangunahing sanhi ng polusyon ng mundo.
Gayunman, kahit may ganitong problema sa isang linya ng kanta,
hindi pa rin matatawaran ang naging bisa ng awit na ito sa pagtataas ng
kamalayan ng mga Pilipino sa lumalalang kondisyon ng kapaligiran at sa
masidhing pangangailangan na igiit ang kanilang karapatan na ipagtanggol at
alagaan ang kalikasan na siyang “sinapupunan ng buhay.” – Ang artikulong ito
ay may mga dagdag na mga datos at pangungusap mula kay Nicanor. Tiongson.
—ed.
MGA SANGGUNIAN
Abella, Maraiah Angelique., Caplis, Richard M., Cerezo, Shaira., et al.
2014. “The Philippine Environmental Movements.” https://
www.researchgate.net/publication/283052155_Philippine_
Environmental_Movements
Arons, Wendy. 2020. “Tragedies of the Capitalocene.” Journal of Contemporary
Drama in English. (8) 1. (Mayo 2020). 16-33.
Bautista, Germelino M. 1991. “The Forest Crisis in the Philippines: Nature,
Causes, and Issues.” The Developing Economies. (38)1. 67-94
Geary, Daniel. 2018. “Environmental Movement.” Dictionary of American
History. https://www.encyclopedia.com/earth-and-environment/
ecolog y-and-environment alism/environment al-studies/
environmental-movement
Gimenez-Maceda, Teresita. 2017. “Pop Music.” Cultural Center of the
Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (7: Music.) Nicanor G.
Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center of the Philippines
______________. 2017. “Protest Songs.” Cultural Center of the Philippines
Encyclopedia of Philippine Art. (7: Music). Nicanor G. Tiongson
(punong editor). Manila: Cultural Center of the Philippines
Gotoh, Sukehiro; Kobayashi, Osamu, Tejima, Shigeki, et al., 1997. “Chapter
1: Environmental Problems and Their Legislative Control in
the Philippines Today.” Overseas Environmental Measures of
Lobos I Asin at Anthropocene 219
Japanese Companies (Philippines)- Research Report on Trends
in Environmental Considerations related to Overseas Activities
of Japanese Companies FY 1996. Global Envinronmental Forum.
Tokyo, Japan. https://www.env.go.jp/earth/coop/oemjc/phil/e/
philie1.pdf
Magno, Francisco A. 1993. “The Growth of Philippine Environmentalism.”
Kasarinlan: Philippine Journal of Third World Studies. 9 (1). 7-18.
http://journals.upd.edu.ph/index.php/kasarinlan/article/
view/928/927
Matilac, Rosalie. 2017. “Masdan Mo ang Kapaligiran.” Cultural Center of
the Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (7: Music). Nicanor
G. Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center of the
Philippines. 458
Tan, Arwin Q. 2022. “Pakinggan, Namnamin, Suriin: Mga Pamantayan sa
Pagsusuri ng Musika sa Pilipinas.” Ikalawang DESK-TP Seminar-
Woksyap sa Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO para sa
PUP.” Agosto 19. Sa librong ito.
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-
TAO: Apat na Dulog sa Pagsusuri ng Likhang-Sining na Pilipino.”
Ikalawang DESK-TP Seminar-Worksyap sa Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO para sa PUP.” Sa librong ito.
Umil, Abet. 2008. “Ang Buradong Tuldok.” https://www.gmanetwork.
com/news/opinion/content/96145/ang-buradong-tuldok/
story/?fbclid=IwAR0jNpSm85VZwU-YD-ay-OLmbVuVDcVN3S2I
0j88F6QrYakS243pDFZiSTU
Warren, James F. 2013. “A Tale of Two Decades: Typhoons and Floods, Manila
and the Provinces, and the Marcos Years.” The Asia-Pacific Journal.
Japan Focus. (11) 34. 3
Weyler, Rex. 2018. “A Brief History of Environmentalism.” https://www.
greenpeace.org/international/story/11658/a-brief-history-of-
environmentalism/
220 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Mariane C. Ortiz, Leomar P. Requejo, at Alvin M. Ortiz
“SIRENA”:
ANG BAKLA SA KAMALAYANG
PILIPINO NA MAKA-TAO
Ako’y isang sirena
Kahit ano’ng sabihin nila, ako ay ubod ng ganda
Ako’y isang sirena
Kahit ano’ng gawin nila, bandera ko’y ‘di tutumba.
Drum na may tubig ang sinisisid,
Naglalakihang mga braso, sa ‘kin dumidikdik.
Drum na may tubig ang sinisisid,
Sa patagalan ng paghinga, sa ‘kin kayo ay bibilib.
T
umatak sa isip ng mga Pilipino noong 2012 ang mga linyang ito ng
awiting “Sirena” ni Gloc 9 at Ebe Dancel. Sa ating panahon, kinikilala
ng marami ang awit bilang kontemporanyong klasiko ng kulturang
popular.
UNANG DULOG: ANG “SIRENA” BILANG LIKHANG-SINING
Ang persona ng awit ay isang bakla at mahahati sa tatlong bahagi
ang mga liriks na inaawit niya. Ang unang bahagi ay ang unang apat na linya
kung saan buong pagmamalaki niyang ipinapahayag na siya ay isang sirena na
nakakaakit sapagkat ubod ng ganda, at kahit ano ang sabihin ng tao sa kaniya
ay hindi niya isusuko ang kaniyang bandera, ibig sabihin, ang kaniyang
identidad at ang laban para sa kaniyang pagkatao.
Ang pangalawang bahagi ay binubuo ng apat na linya din, kung saan
inilalarawan niya ang pahirap na dinaranas niya sa ama dahil siya ay bakla –
221
pambubugbog at pagduduldol sa ulo niya sa isang drum na puno ng tubig,
pero natatagalan niya ang huling parusa dahil hindi alam ng kaniyang ama na
siya ay sirena na marunong huminga sa ilalim ng tubig.
Ang dalawang bahaging ito ay kinakanta nang magkasunod nang
tatlong ulit. At ang bawat pagkanta ay sinusundan ng bahaging rap na
nagsasalaysay sa tatlong panahon sa buhay ng bakla. Una, sa pagkabata niya,
natuto siyang magkolorete, magdamit-babae, at lumakad nang “gumegewang”
ang baywang, pero pag nahuli ng ama ay laging binibigwasan. Pangalawa,
nang magdalaga na siya, nagkaroon na siya ng crush sa isang basketbolista,
pero patuloy pa rin siyang hinahampas ng tubo ng ama, kaya naiisip niyang
ampon lamang siya. Sa pangatlong bahagi, sa pagdaan ng mga taon umalis
at nakalimutan na ng mga anak na lalaki ang amang matanda na’t may
kanser, at ang nag-aalaga na lang sa kaniya ay ang anak niyang nakadaster.
Sa wakas, hihingi ang ama ng patawad sa pasakit na ibinigay niya sa anak
na bakla, pagkat naunawaan na niya na ang lalaki ay wala sa bigote at dahil
“kung minsan, mas lalaki pa sa lalaki ang bakla.” Nagwawakas ang awit sa
pagbabalik sa unang bahagi, sa pagpapahayag ng bakla na siya nga ang sirena,
ibig sabihin, ang baklang anuman ang negatibong puna na ipukol sa kaniya ay
hindi isinuko ang kaniyang pagkatao bilang bakla.
Ang bawat isa sa tatlong bahagi ng liriks ay may katugmang melodi
kaya malinaw na ang istruktura ng awit ay ternary. Batay sa chord progression
(ang ugnayan ng mga chord sa loob ng isang awitin), ginamit ng awit ang
mga chord na Bm A F#m G na makikita sa family of chords ng key of D
major. Maaari rin itong makita sa family of chords ng key of B minor, dahil
ang dalawang key na ito ay itinuturing na magkapatid sa usapin ng chord
progression. Malungkot o seryoso ang dating ng ganitong chord progression.
Bukod sa melodi, ang mga awit ay nagtataglay rin ng beat o kumpas.
Inilalarawan ito ng beats per minute. Para sa mga awiting Hip-hop nagtataglay
ito ng 60-100 beats per minute (bpm), 115-130 bpm naman ang mga nasa
klase ng House, at 120-140 bpm ang nasa ilalim ng Techno. Masasabi na ang
“Sirena” ay nagpapahiwatig ng kapwa lungkot at saya, dahil ito ay nakapaloob
sa malungkot na chord progression, pero masaya namang naisasayaw na Hip-
hop dahil sa bilis nitong 100 bpm. Kung gayon, ang awiting ito ay kawangis
ng sirena na may dalawang kaanyuan.
Sa pagtukoy sa instrumentasyon ng awit, mapapansin na ang chords
nito na Bm A G F#maj ay naglalarawan ng pagtaas ng melodi na maaaring
nagpapahiwatig ng konseptong “Evokes Intense Power.” Tinalakay ni Erik
Voss sa kaniyang Youtube channel ang konseptong ito sa kaniyang analisis sa
“Dissonance and Resolution.” Aniya ang Evokes Intense Power ay tumutukoy
222 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
sa pagtaas ng tono ng chord at ng boses ng isang mang-aawit. Ginamit niyang
halimbawa rito ang “Immigrant Song” ng Led Zeppellin para ipakita ang
kapangyarihan, tiwala sa sarili, at pagmamalaki ng tauhan, sa mga pelikulang
Thor Ragnarok, The Girl with the Dragon Tattoo, at Shrek 3.
Ginabayan naman ng teoryang panglinggwistika na “Sonority
Sequencing Principle” at pagiging “syllable-timed” ng wikang Filipino ang
pagpapatunay sa konseptong Evokes Intense Power. Makikita sa larang ng
ponetika ang Sonority Sequencing Principle, kung saan pinaniniwalaang may
ayos ang ponema ng isang wika. Isinasaayos ang pagkakasunod-sunod ng
isang pantig batay sa pagiging sonorous o matunog ng ponemikong katangian
ng segmental na yunit nito.
Itinuturing na sa lahat ng wika, sonorous o mataginting ang mga
ponemang /a, e, i, o, u/ kaya tinutumbasan ito ng numerong 6 bilang pagkilala
na ito ang pinakamataginting o matunog. Sinusundan ito ng malapatinig na
/w,y/, na kinatawan naman ng numerong 5 na siyang dahilan para ituring
itong mala-patinig. Syllable-timed ang wikang Filipino dahil ang tatlong
suprasegmental na tono, haba, at diin sa pagbigkas ay nagkakasama-sama sa
isang pantig.
Malaki ang naging gampanin ng Sonority Sequencing Principle at
ng katangiang syllable-timed upang higit na mapatingkad ang konsepto ng
Evokes Intense Power sa awit na”Sirena.” Kapag nagkasama-sama ang tono,
haba, at diin, lalo na kung may sonorant o mataginting na tunog, nagiging
mataas ang tono ng awit. Habang papataas ang tono, nararamdaman ng
tagapakinig na ang linya ng awit ay nakapaghahatid ng intense power, tulad
ng madadama sa mga unang linya ng kanta na inuulit-ulit: “Ako’y isang sirena
/kahit anong sabihin nila ako ay ubod ng ganda,/ Ako’y isang sirena /kahit
anong gawin nila bandera ko’y di tutumba.”
Sinimulan ang awit gamit ang piyano na may tunog orkestra para
ihayag ang glamurosong pagsisimula. Sinamahan pa ito ng maingay na crash
at ride ng cymbals, na sinundan naman ng sound mixer effects para sa tunog
ng mga bula na tila may pumuputok sa ilalim ng tubig at may vibe ng 1980
disco music. May epekto itong medyo eerie at may mararamdamang tulad ng
sa intro ng Stranger Things.
Matapos lumabas ang awit sa mga album ni Gloc-9, ginawaan
ito ng isang video ng Universal Records noon ding 2012. Tinampukan ito
ng artista sa teatro na si Abner Delina, at dinirihe at inedit ni J. Pacena II.
Inilarawan sa mga imaheng gumagalaw ang naratibo ng liriks ng awit
(Tingnan ang Larawan 3 at 4 sa pahina 139). Inedit sa estilong music video
Ortiz-Requejo-Ortiz I Isang Pagsusuri sa “Sirena” 223
na pinagsasalit-salit ang naratibo ni Jose na bakla at ang imahe ni Gloc-9 na
siyang kumakanta sa loob ng isang tila disco club. Mabilis at nakakukuha ng
atensiyon ang mga imaheng gumagalaw at nagpapalit-palit, kaya masasabing
matagumpay nitong naipakita ang karanasan na isinasalaysay ng awit. Sa
dulo ng video, nakalista ang production staff na gumawa ng video at kinilala
ang mga tumulong para magawa ito, na kinabibilangan ng mga kilala at
respetadong gay na propesyunal na mga artista ng teatro, panitikan, museo,
adbertaysing, at midya na sina Boy Abunda, Danton Remoto, Carlo Vergara,
Wango Gallaga, Ricky Francisco, Raymond Alikpala, Momoi Supe, Bemz
Benedicto, at Tuqs Rutaquio.
PANGALAWANG DULOG: ANG KONTEKSTO NG AWIT
Kilalang rap artist at kompositor si Aristotle Condenuevo Pollisco o
Gloc 9, ang kompositor, lirisist, at taga-areglo ng awit na “Sirena.” Ipinanganak
siya sa Binangonan, Rizal noong Oktubre 18, 1977, anak nina Orlando Pollisco
at Blesilda Condenuevo. Masugid na tagahanga siya ng Original Pilipino
Music (OPM) at idolo niya ni Francis Magalona. Pagmamahal sa bayan at
mga danas sa totoong buhay ang kalimitang paksa ng kaniyang mga awit at
rap. Kahit mabilis ang pitik ng dila sa pagbigkas ng liriks ng rapper, sinisikap
naman nitong maibaon sa puso ng mga Pilipino ang maseselan at halos hindi
pinag-uusapang isyu ng lipunan. Ang kaniyang awit na “Lando” ay salaysay
ng buhay ng taong-grasa bago pa maging maitim at malagkit ang mga buhok
at balat nito. Ang “Upuan” naman ay awit-panawagan sa mga pulitikong nasa
posisyon sa gobyerno na nakalimot na sa kanilang mga pangako sa mga taong
nagluklok sa kanila. Ang “Magda” ay kuwento ng mga prostityut na hindi
ginusto ang kanilang kabuhayan, pero tulad natin, ay nangangailangan din ng
kalinga at paggalang.
Bukas si Gloc-9 sa proseso ng kolaborasyon sa paglikha ng awit,
kaya mula nang magsimula siyang lumikha ay nakasama na niya sina Francis
Magalona, Jaezelle, Rico Blanco, Noel Cabangon, Parokya ni Edgar, at Ebe
Dancel ng Sugar Free.
Sa “Sirena,” kasama niya bilang interpreter ng awit si Ebe Dancel o
Vincent Ferdinand Dancel na isa ring kompositor, mang-aawit, at bandlider.
Si Ebe ay bokalist ng bandang Sugar Free na naging aktibo mula 1999 hanggang
2011. Labing-isang taong hinarana, pinatalon, pinahiyaw, at pinaiyak niya at
ng Sugar Free ang mga Pilipino sa kanilang mga awit tungkol sa pamilya, tulad
ng “Kuya” (tungkol sa isang nakatatandang kapatid na hindi alam ng pamilya
kung saan na nagpunta) at ang mga kantang “PROM,” “Kung Ayaw Mo Na Sa
Akin,” “Makita Kang Muli,” “Telepono,” at “Mariposa,” mga sentimental na
awit para sa torpe at broken- hearted. Lalo pang sumikat ang isa nilang awit na
224 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
“Wag Ka Nang Umiyak” nang kantahin ito ni Gary Valenciano para maging
theme song ng longest-running teleserye ng Pilipinas na Ang Probinsyano ni
Coco Martin. Kahit salungat ang mga damdaming pinupukaw ng mga awit
nina Gloc 9 at Ebe Dancel, nagkakaisa naman ang dalawa sa paghahain ng
mga naratibo ng totoong buhay.
Nahikayat ni Raymond Marasigan si Gloc-9 na likhain ang “Sirena”
nang minsang sila’y nagkausap sa backstage sa konsiyerto ni Yeng Constantino.
Ani Marasigan, marami na raw mga awitin ang naglabasan ukol sa kabaklaan,
ngunit wala pang nakagagawa ng awit na nasa first person point of view o
iyong gumagamit ng punto de bista ng bakla mismo. Naisulat ni Gloc-9 ang
liriks at korus ng Sirena habang papauwi siya mula sa konsiyerto. Dagdag pa,
dahil naririnig na rin niya sa kaniyang imahinasyon kung sino ang maaaring
umawit nito, nagpasiya na rin siya na si Ebe Dancel ang dapat na makasama
niya sa pag-iinterpret ng “Sirena.”
Ang pagpapalaki sa kaniya ng kaniyang mga magulang at ang
lugar na kaniyang kinalakhan sa Binangonan, Rizal ang naging inspirasyon
niya sa pagsulat nito. Marami siya ritong nakakasalamuhang bakla at ang
hindi niya makalilimutan ay isang partikular na bakla na dumaraan tuwing
umaga sa tapat ng kanilang bahay na naka-mini skirt at nakakolorete.
Maaga itong nagtutungo sa parlor ngunit hatinggabi na kung umuwi dahil
sa paghahanapbuhay para maitaguyod ang buong pamilya. Para sa kaniya,
ang ganitong pagmamalasakit ay karapat-dapat sa paggalang ng lahat. Kaya
tiniyak niya na ang “Sirena” ay hindi makasasakit sa damdamin ng komunidad
ng kabaklaan.
Hinango ni Gloc-9 ang metapora ng sirena sa pelikulang Bilibid
Gays, kung saan gumanap si Joey De Leon ng papel ng isang bakla na mahigpit
na nakitunggali para tanggapin siya ng kaniyang pamilya at ng lipunan.
Patunay ang pelikula na noon pa mang dekada 1980 ay seryosong usapin na
ang pagiging bakla. Madalas, ang kabaklaan ay ikinahihiya ng mismong mga
bakla at ng kanilang mga magulang na hindi inaasahang magkakaroon ng
anak na binabae. Sa pelikula ring ito unang tinawag na “sirena” ang mga bakla,
dahil makikita sa kanila ang katatagan, tibay ng loob, pagsasaalang-alang sa
iba, pagsasakripisyo, at labis na pagmamahal sa magulang, kahit halos isuka
na sila ng mga ito.
Lumabas noong 2012 ang Mga Kuwento ng Makata, ang album na
kinabibilangan ng awit na “Sirena” ni Gloc-9, isang taon matapos mailabas
ang ulat ng International Gay and Lesbian Human Rights Commission ukol
sa mga human rights violation na may kaugnayan sa gender at seksuwalidad
(Tingnan ang Larawan 2 sa pahina 139).
Ortiz-Requejo-Ortiz I Isang Pagsusuri sa “Sirena” 225
PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG “SIRENA”
Isa sa mga mahirap na kalagayang pinagdadaanan ng isang
indibiduwal na nasa ikatlong kasarian ay ang paghahayag ng kaniyang
kasarian sa lipunan. Sa kasalukuyang panahon kung kailan patuloy pa rin
ang diskriminasyon sa mga LGBTQ+, isa ang musika sa nagiging paraan
para mailantad ang danas ng mga nasa ikatlong kasarian, mula pagbubulag-
bulagan hanggang sa paglaladlad. Ang reaksiyon sa o dating ng ganitong
mga awit tungkol sa kabaklaan ay nag-iiba batay sa kamulatan sa mga isyung
pangkasarian ng nakikinig.
Sa hanay ng mga may liberal na pag-iisip, malakas at maganda ang
naging dating ng “Sirena.” Sa artikulong inilabas ni AJ Virtuz sa thelookout.
com.ph na pinamagatang “Ten Empowering LGBTQ Songs You Need To
Hear,” una ang “Sirena” ni Gloc 9 sa listahan. Sa maikling deskripsyon ni
Virtuz, sinabi niya na tinatalakay ng awit ang “toxic masculinity” sa bansa, na
siyang sentro ng awit. Kasama rin sa listahan ang isa pang awiting Pilipino,
ang “Ituloy mo Lang” ng Siakol na tungkol din sa diskriminasyon sa mga
bakla. May mga awiting banyaga rin na kasama sa listahan, katulad ng “Born
This Way” ni Lady Gaga, “True Colors” ni Cindy Lauper, “Firework” ni Katy
Perry, “Beautiful” ni Christina Aguilera at ilan pang mga awitin na lahat ay
may kinalaman sa danas ng ikatlong kasarian. Isang malaking pangyayari na
ang mga awiting tumatalakay sa bakla o sa kabuuan ng ikatlong kasarian ay
napakikinggan at pinahahalagahan na sa industriya ng musika.
Pero mahihinuha na ang “Sirena” ay di lamang para sa mga bakla
kundi, higit pa, sa mga tagapakinig na nasa labas ng komunidad ng LGBTQ+,
na humuhusga, nagtatatawa, at nanlalait sa kanila dahil iba ang kanilang
pagkatao sa dati nang pamantayan ng pagiging lalake.(Espiritu 2020).
Sinuman ang tagahanga nito, bakla man o hindi, ang awiting “Sirena”
sa kasalukuyan ay may 4,226,324 na streams sa Spotify; 34,750,704 views sa
opisyal na music video nito sa Youtube, at 103,000 + na likes mula nang mai-
upload ito noong Agosto 14, 2012.
Kinilala rin ang “Sirena” bilang “Song of the Year” at “Best Music
Video of the Year” ng Awit Awards noong taong 2013. Sa taon ding iyon
itinanghal ito bilang “Favorite Song” at “Favorite Collaboration” ng MYX
Music Awards. Pinarangalan ito ng PMPC Star Awards for Music bilang
“Music Video of the Year.” Ilan lamang ito sa mga nominasyon at pagkilalang
ipinagkaloob sa awit. Nakikita rito ang naging talab ng “Sirena” bilang isang
awit sa industriya ng musika sa bansa at pinatutunayan ng mga pagkilala na
mayroon itong espasyo sa kamalayan ng mga Pilipinong tagapakinig.
226 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
PANG-APAT NA DULOG: ANG “SIRENA” SA KASAYSAYAN
AT KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Sa pagtalakay sa penomenon ng kabaklaan sa Pilipinas, mahalagang
linawin na walang diskriminasyon sa mga bakla noong mahabang panahong
katutubo bago dumating ang mga Kastila. Ayon sa mga unang Kastilang
dumating sa Pilipinas, tila likas na bahagi ng katutubong kultura ang
pagtawid-kasarian at cross-dressing. Ayon kay Neil C. Garcia (2020) ang
mga lalaking nagdadamit babae at kumikilos na parang babae ay tinatawag
noong bayoguin, bayok, agi-ngin, asog, bido, at binabae. Sa mga Kastila, hindi
lamang kapansin-pansin ang mga ito dahil sa pagtawid nila ng kasarian kundi
dahil humahawak sila ng matataas na katungkulan sa komunidad. Ito’y dahil
ang mga babaylan at catalonan, babae man o gay, ang nangunguna sa mga
gawaing ispirituwal ng komunidad at siya ring sinasangguni ng mga datu o
pinuno. Malinaw na noon ay hindi lamang tinatanggap ang mga bayoguin;
iginagalang din sila dahil may mahalaga silang papel na ginagampanan sa
katutubong lipunan.
Malaki ang naging papel ng mga mananakop na Kastila sa pagbabago
ng takbo ng pag-iisip at pamumuhay ng mga Pilipino. Dahil sa perspektibang
kolonyal at patriyarkal, kinondena at inilarawan ang mga bayoguin bilang
abnormal at imoral. Sa paglaganap ng machismo na Kastila sa bansa,
bumaba ang katayuan ng mga babae sa lipunan at lalong naging mahirap
ang pagtatawid-kasarian. Ang katutubong terminolohiyang bayoguin ng
mga Tagalog ay unti-unting napalitan ng bakla, na nangangahulugang
“naguguluhan” at “naduduwag” (Garcia 2020). Sa patriyarkal na kamalayan,
ang pagpapakababae ng isang lalaki ay naging kasuklam-suklam.
Sa pagpapalaganap ng diskriminasyon laban sa mga bakla sa lipunan
sa panahon ng Kastila at pagkatapos, malaki ang naging papel ng pamilya,
edukasyon, at relihiyon. Ayon kay Louis Althusser sa kaniyang “Ideology and
Ideological State Apparatuses”, ang mga “Ideological State Apparatuses” o
ISA, na kinabibilangan ng pamilya, paaralan, at simbahan, ang humuhubog
sa kamalayan ng isang tao upang sumunod siya sa mga batas at paniniwala
at halagahin ng naghaharing uri. Sa kaso ng lipunang Pilipino at ng ikatlong
kasarian, ang naging impluwensiya ng konserbatibong Katolisismo at
patriyarkal na paniniwala tungkol sa katangian ng “normal” at “mabuting”
pamilya, at ng “mahusay” na edukasyon, ang ilan sa naging dahilan kung
bakit nagkaroon at lumakas ang diskriminasyon laban sa mga bakla, at sa
mga kababaihan na rin, habang tumaas ang estado ng lalaki sa lipunan. Sa
modernong panahon, ang paglalarawan sa mga bakla sa pelikula at telebisyon
bilang abnormal na kasarian na kailangang baguhin ang may malaking talab
sa kamalayan ng mga manonood.
Ortiz-Requejo-Ortiz I Isang Pagsusuri sa “Sirena” 227
Gayunman, sa kasalukuyang panahon, unti-unti nang nagbabago
ang pananaw sa ikatlong kasarian. Ang puwersang nag-etsapwera sa LGBTQ+
noon ang siya ring nagpapakita ng kaunting pagbabago ng tingin sa bakla..
Ang higit na bukas na pag-unawa ng relihiyon sa bakla at ikatlong kasarian
na makikita sa ilang pahayag ni Pope Francis at ng iba pang lider panrelihiyon
ay nagdudulot ng malaking pagbabago ng pagtingin ng lipunan sa bakla
at ikatlong kasarian. Higit pa rito, dahil bukas ang Pilipinas sa internet at
social media katulad ng Facebook, Twitter, Youtube, at Instagram, mabilis
na napalalaganap ang mga kampanya ng mga indibidwal at organisasyon
para sa pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, at ng lipunan na rin. Ang
malaking representasyon ng ikatlong kasarian sa pamamahayag, pagbabalita,
at programa sa telebisyon, katulad ng My Husband’s Lover at The Richman’s
Daughter ng GMA at Showtime ng ABS-CBN kung saan si Vice Ganda
ang pangunahing host, ay nakapagpalaki ng espasyo para makapasok
ang ikatlong kasarian sa kamalayan ng lipunan. Ang paglaladlad ng mga
kilalang personalidad ng kanilang kasarian, katulad ng pag-amin ni Rustom
Padilla sa PBB House na siya ay isang bakla at ang pagtatapat nina Aiza
Seguerra at Charice Pempengco na sila ay lesbiana, ay ilan lamang sa mga
pangunahing halimbawa ng mga paglaladlad sa harap ng midya. Sa pelikula,
ang mga palabas na tulad ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros, Paper
Dolls, at Rainbow’s Sunset ay nagbigay ng higit na malalim na pagkaunawa
sa mga LGBTQ+ bilang mga tao. Sa kasalukuyan, isa sa nagsusulong ng
positibong representasyon ng ikatlong kasarian ay ang lumalaking bilang
ng mga lumalahok sa mga Pride March at ang pagkakabuo ng iba’t ibang
organisasyong pang-LGBTQ+, katulad ng UP Babaylan, Metro Manila Pride,
Love Yourself, Metropolitan Community Churches, at TransMan Pilipinas.
Sa konteksto ng ganitong pagbabago ng imahe ng bakla maaaring
ilugar ang “Sirena.” Sa kaniyang paglalahad ng danas ng isang bakla mula sa
pananaw ng isang bakla at ang ginawang paninindigan ng bakla sa kaniyang
pagkatao sa harap ng pasakit na tinanggap, hindi lamang pinalalim ng awit
ang pagkauanawa sa pagkatao ng isang bakla kundi isinulong din ang kaisipan
na ang ginagawang pananakit at pagkutya sa kaniya ay hindi maka-tao. Higit
pa, ipinakita ng liriks at musika ng awit ang halaga ng pagtatanggol ng bawat
indibidwal sa kaniyang karapatan na pumili ng kaniyang seksuwalidad.
Sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO (Tiongson
2022), matimbang ang awit na “Sirena” sapagkat iginigiit ng awit na ang
taong kabilang sa komunidad na LGBTQ+ ay may karapatan na sundin at
ipagtanggol ang kaniyang piniling gender. Tulad ng ibang tao, siya ay may
karapatan ring mabuhay nang matiwasay at payapa, maghanapbuhay,
makapag-aral, linangin ang talento, at pumili ng makakasama, kaibigan o
kabiyak, anuman ang kanilang kasarian. Sa ganitong pagtatanggol ng isang
228 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
batayang karapatan, mas nalalapit ang Pilipino sa pagkakamit ng kaniyang
kaganapan bilang TAO. – Ang artikulong ito ay may dagdag na mga datos,
pangungusap, at talata ni Nicanor. Tiongson. —ed.
MGA SANGGUNIAN
Althusser, Louis. 1970. Ideology and Ideological State Apparatuses. https://
www.marxists.org/reference/archive/althusser/1970/ideology.html
Espiritu, Johann Vladimir Jose. 2020. “Karagatan at Kabaklaan: Ang
Pagyanig sa Kasarian sa Kulturang Popular sa Pamamagitan
ng ‘Sirena’ ni Gloc-9 (Itinatampok si Ebe Dancel).” Humanities
Diliman (Enero-Hunyo) 17:1, 61-73. https://journals.upd.edu.ph/
index.php/humanitiesdiliman/article/view/7167/6252
Garcia, Neil C. 2020. “Male Homosexuality in the Philippines: A Short
History” https://www.iias.asia/sites/default/files/2020-11/IIAS_
NL35_13.pdf
Koo, Kaye Estoista. 2012. “Gloc-9 Reveals Inspiration Behind His Song
Sirena Which Tackles Gay Issues.” https://www.pep.ph/guide/
music/10869/gloc-9-reveals-inspiration-behind-his-song-sirena-
which-tackles-gay-issues
McGuirre, Patrick. “Chord Progressions.” 2018 https://blog.landr.com/
chord-progressions/
Mendoza, Lara T. 2017. “Dancel, Ebe.” Cultural Center of the Philippines
Encyclopedia of Philippine Art. (7: Music). 2017. Nicanor G.
Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center of the
Philippines. https://epa.culturalcenter.gov.ph/5/42/dancel-ebe/
Santiago, Katrina S. 2017. “Gloc-9.” Cultural Center of the Philippines
Encyclopedia of Philippine Art. (7: Music). 2017. Nicanor
G.Tiongson (punong editor). Manila: Cultural Center of the
Philippines https://epa.culturalcenter.gov.ph/5/42/4000/
Sirena (Spotify) https://open.spotify.com/
album/2PgQlUcKM4HnbBwrVDXgp9
Sirena Official Music Video (Youtube) https://www.youtube.com/
watch?v=3nKmv5oDzBw
Ortiz-Requejo-Ortiz I Isang Pagsusuri sa “Sirena” 229
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-
TAO: Apat na Dulog sa Pagsusuri ng Likhang-Sining na Pilipino.”
Ikalawang DESK-TP Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO para sa PUP. Agosto 10. Sa librong ito.
“UN Issues First Report- Human Rights of Gay ang Lesbian People.” 2011.
https://news.un.org/en/story/2011/12/398432-un-issues-first-report-human-
rights-gay-and-lesbian-people
Universal Records Philippines. 2012. “Gloc-9 Feat.” Ebe Dancel-
SIRENA (Official Music Video).” https://www.youtube.com/
watch?v=3nKmv5oDzBw
Virtuz, AJ. 2020. “Ten Empowering LGBTQ Songs You Need to Hear.” https://
thelookout.com.ph/article/ten-empowering-lgbtq-songs-you-need-
to-hear
Witt, Liza. 2010. “How To Write Sad, Uplifting and Happy Chord
Progressions.” https://www.pianote.com/blog/chord-progressions-
for-mood/
230 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Federico B. Rivera, Jr.
ANG KUWENTO AT KUWENTA NG
BAHAY NI MABINI SA PUP
A
ng bawat istruktura ay may sariling kuwento at kuwenta. Ito’y totoo,
lalong lalo na sa isa sa pinakilalang pamanang obrang-arkitektura sa
Pilipinas – ang Dambanang Apolinario Mabini o ang tinatawag na
“Bahay ni Mabini,” na inilipat sa kampus ng Politeknikong Unibersidad ng
Pilipinas (PUP) sa Sta. Mesa, Manila noong 2009.
Sa analisis ng Bahay ni Mabini, gagamitin ang apat na dulog na
mungkahi nina Fr. Rene Javellana, S.J. (2022) at Nicanor Tiongson (2022).
Susuriin 1) ang Bahay ni Mabini bilang likhang-sining, 2) ang konteksto ng
Bahay ni Mabini, 3) ang dating nito sa bumibisita at sa PUP, at 4) ang pagtaya
sa saysay at timbang ng Bahay ni Mabini sa Kamalayang Pilipino na Maka-
TAO.
UNANG DULOG: ANG BAHAY NI MABINI BILANG LIKHANG-SINING
Ang Bahay ni Mabini ay nasa genre ng katutubong arkitektura
na kilala bilang “bahay kubo” sa Tagalog at “balay,” “bale,” “vale,” “baay,” at
iba pang kahawig na pangalan sa iba-ibang wika ng Pilipinas. Karaniwang
itinatayo ito kasama ang iba pang kapitbahayan sa pampang ng mga ilog,
kababawan o dalampasigan ng dagat, sa mga palayan sa kapatagan, o sa
mga burol at kabundukan – malapit sa kung anuman ang ikinabubuhay
ng mga katutubong nakatira dito. Tulad ng maraming bahay sa tradisyong
Austronesyano, ang bahay kubo, ayon kay Corazon Hila (2017, 152-4) ay may
tiyak at kapansin-pansing katangian. Nakaangat ito sa lupa para hindi maabot
ng baha o hayop ang sahig ng bahay, at kung minsa’y kinukulong ng rehas
na kawayan ang kabuuan ng ilalim ng bahay, para magamit ang ispasyo na
231
kulungan ng manok o baboy o taguan ng malalaking kagamitan. May mataas
at mala-tatsulok na bubong na gawa sa pawid o iba pang dahon ng mga
halaman sa paligid na sinadyang gawing matarik para mabilis ang pagdaloy
ng tubig-ulan. May mga bintanang di-tukod sa lahat ng gilid ng bahay. May
mga dingding panlabas na gawa sa pawid o kawayan. Ang kabuuang sahig ng
bahay ay yari sa hile-hilera ng patpat na kawayang mga isang dali ang lapad
at ikinakabit na may pagitan para makapasok ang hangin. May hagdan ding
kawayan sa isang gilid ng bahay.
Sa loob ng bahay, ang pinakamalaking ispasyo ay para sa bulwagan
na siyang nagsisilbing sala o lugar para sa iba-ibang gawaing pambahay at
sa pagtanggap ng panauhin. Mula dito ay maaring pumunta sa mga silid na
bihisan at taguan ng damit at iba pang gamit, kainan, at kusina. Sa likod, may
istrukturang kakabit ng bahay na nagsisilbing batalan para sa mga banga na
imbakan ng tubig at paliguan na rin, at katabi nito, ang palikuran. Karaniwang
kagamitan ang mababang dulang na hapag-kainan, mga banig na inilalatag
lamang sa gabi, at mga baul. Malaunan, nagkaroon ng mga bangko, aparador,
papag, altar at iba pang impluwensiya ng pamumuhay na Kastila.
Ang Bahay ni Mabini ay mas malaki kaysa karaniwang bahay na
katutubo. Nakaangat pa rin ito mula sa lupa, at nakakulong pa rin ang ispasyo
sa ibaba nito ng rehas na kawayan, na maaaring naging silungan noong araw
ng mga alagang manok, baboy, itik o iba pang mga hayop na inaalagaan para
maging pagkain o bilang hanapbuhay. May matarik pa ring bubong na pawid,
may sahig na tinistis na kawayan, hagdan sa gilid, at mga bintana sa lahat ng
gilid ng bahay. (Tingnan ang Larawan 1 sa pahina 140). Pero marami na itong
mga inobasyon na maaaring impluwensiya ng bahay na bato, ang lumaking
bahay kubo na tirahan ng mayayaman. Makikita ang mga ito sa mga dingding
ng bahay na hindi na pawid o kawayan kundi kahoy, sa mga bintana na
hindi na di-tukod at pawid, kundi mga panel na kahoy na nahahatak para
buksan at isara sa pasamano, at sa mga bentanilya sa ilalim ng pasamano na
nabubuksan din at may harang na barandilyang torno at kahoy. Kahoy rin na
may barandilya at pasamano ang hagdang kahoy at may barandilya din ang
ahunan ng hagdan. At mayroon nang kisame na sawali sa loob ng bahay para
masala ang init mula sa bubong.
Ipinapakita ng floor plan ng Bahay ni Mabini na may dalawang
bahagi ang istruktura ng bahay. Ang mas malaki at marahil ay mas
matandang bahagi ang nasa harap na isang malaking kuwadrado na hinati
sa isang kuwarto sa harap, isang malaking bulwagan sa gitna, na katabi ng
isang kuwartong tulugan, at ahunan ng hagdan sa kaliwa. Ang pangalawang
istruktura, na maaaring naitayo pagkatapos ng pangalawa ay idinugtong sa
kanang bahagi ng bulwagan ng bahay. Mula sa bulwagan, makapupunta sa
232 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
kainan at kuwarto sa likod nito, at kusina na katabi rin. May ispasyo sa tabi
ng kusina para sa pangalawang hagdan na maliit, na makikita sa kanan-likod
ng harap ng bahay. Ipinakikita ng laki ng bahay at ng materyales na ginamit
dito na ang orihinal na may-ari ng bahay, ang pamilyang del Rosario ay hindi
matatawag na pobre.
Maraming ulit na inilipat ang Bahay ni Mabini kaya hindi na matiyak
ang ayos ng orihinal na bahay. Halimbawa, maaaring idinagdag na lamang
ang yerong nasa buong laylayan ng bubong na pawid na nagsisilbing media
agua para sa mga bintana. At dahil talaga namang nabubulok at kailangang
palitan ang mga bahaging gawa sa pawid, kahoy, at kawayan, malamang na
marami sa bahagi ng bahay na ito ay napalitan na sa pagdaan ng panahon.
Ngunit ito ay natural lamang at hindi dapat na maging dahilan para sabihing
hindi na ito Bahay ni Mabini. Kahit sa panahon ni Mabini, maaaring
napalitan ang ilang bahagi ng bahay dahil nasira ang mga ito ng bagyo o anay
o tubig-ulan o iba pang elemento ng kalikasan. Ngayon 2022, may 134 taon
na mula nang nagsimulang tumira si Mabini sa bahay na ito noong 1888,
pero masasabing nananatili pa ring “matatag” ang bahay na ito dahil sa mga
nagdaang renobasyon.
Kung papasok ngayong 2022 sa Bahay ni Mabini sa PUP, ang mga
ito ang ilan sa sunod-sunod na mapapansin. Ang ante-sala o bulwagan, na
unang madaratnan pagpasok ng mismong bahay mula sa ahunan ng hagdan
sa kaliwa ng bahay, ay isang maluwag na ispasyo. Dito sinasalubong ang
mga bisita. Presko sa loob pagkat marami at bukas ang mga bintana para
makapasok ang hangin. Sa ante-sala na ito, may mga silya at mesa. Narito rin
ang busto ni Apolinario Mabini. Mayroon ding painting na naglalarawan ng
pagtakas ni Mabini sa Malolos, Bulacan.
Mula sa bulwagan, kakanan para makapasok sa sala na siyang
ispasyo sa pinakaharap ng bahay. Dito, kapansin-pansin ang kisameng kahoy
at sawali, at ang sahig na gawa sa kahoy at kawayan. Habang ang sawali, kahoy,
at kawayan ay may dating na katutubo, ang mga ilaw naman na nakasabit sa
kisame ay hitsurang banyaga, pagkat sila ay dutch hanging lamp na angkat
mula sa Europa o gagad sa orihinal na Europeo. Makikita ang pabilog na
korona ng bulaklak o funeral wreath na inukit sa kahoy mula sa Asociacion
de Escultores ng Paete, Laguna at ang karatulang nagpapaalala na sa bahay na
iyon namatay si Mabini noong Mayo 13, 1903. Sa gilid ng sala makikita ang
lithograph na larawan ni Mabini ang replika ng convalescent chair na ginamit
nang siya ay malumpo. May mga mesa rin at mga silyang gawa sa ratan.
(Tingnan ang Larawan 2 sa pahina 140)
Rivera Jr. I Ang Bahay ni Mabini sa PUP 233
Mula sa sala, kailangang bumalik muli sa bulwagan para makapasok
sa unang kuwarto na katabi ng ante-sala. Dito may isang malaking antigong
kama na kahoy na may solihiyang higaan, isang malaking painting ni
Apolinario Mabini, at Mesa Altar na pinagpapatungan ng krusipiho bukod
sa iba pang kagamitan.
Mula sa kuwarto, lalabas muli sa ante-sala o bulwagan para
makakanan naman sa komedor o kainan. Dito matatagpuan ang mesang
kainan na gawa sa kawayan na umaakma sa iba pang disenyo ng mga
kasangkapan at kagamitan sa bahay. May dalawang bangkong kahoy sa
magkabilang gilid ng mesa na ang patungan ay gawa sa tinistis na kawayan.
Kadugtong ng komedor ang pinaniniwalaang kuwarto ni Mabini
at ng kaniyang kapatid na si Agapito noong sila’y nangasera sa bahay nang
mag-aral si Mabini ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Makikita
sa kuwarto na ito ang salamin, aparador, at ang papag na gawa sa kahoy at
kawayan, at mga painting pa rin ni Mabini.
Sa kusina naman makikita ang mga tradisyunal na kagamitang
pangkusina, tulad ng kahoy na lusong at halo (pandikdik/pambayo sa palay,
atbp.), dapugan na siyang lutuan, mga tapayan at iba pang bangang lalagyan
ng tubig, iba-ibang klase ng palayok, mesa, at bangko, at paminggalan/
pamingganan na lalagyan ng mga plato at baso.
ANG PANGALAWANG DULOG: ANG KONTEKSTO NG BAHAY NI MABINI
Ayon sa datos ng NHCP na mababasa sa marker sa ibaba-harap
ng bahay at sa ibang mananaliksik (Ocampo 2015; Tiongson 2022-a), ang
tinatawag na Bahay ni Mabini ay hindi kay Mabini, kundi orihinal na pag-
aari ng mag-asawang Cecilio at Marina del Rosario. Sa pagdaan ng panahon,
ipinamana nila ito sa kanilang anak na si Maria del Rosario, na siya namang
naging asawa ni Agapito, kapatid ni Mabini. Unang itinayo ang bahay sa
numero 21 Kalye ng Nagtahan sa Maynila marahil noong pangalawang hati
ng siglo 19. Dito unang nanirahan si Apolinario Mabini habang nag-aaral ng
abogasya mula 1888 hanggang 1894 at marahil noon ding nagtatrabaho na
siya bilang abogado, at nang tamaan siya ng polyo, hanggang sa hulihin siya
noong Oktubre 1896 at idetene sa Ospital ng San Juan de Dios. Muli, sandali
siyang nanirahan dito matapos mahuli ng mga sundalong Amerikano sa
Cuyapo, Nueva Ecija noong Oktubre 3, 1900. Pagkatapos ng dalawang taong
pagkakatapon sa Guam mula Enero 1901 hanggang Pebrero 1903, muling
nagbalik sa bahay na ito si Mabini noong Pebrero 26, 1903. Matapos ang higit
dalawang buwan lamang, sa bahay na ito rin yumao si Mabini sa sakit na
kolera noong Mayo 13, 1903.
234 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Ang tinatawag nating Bahay ni Mabini ay idineklarang Pambansang
Dambana ni Mabini ng National Historical Commission noong 1968.
Maraming ulit na inilipat ang bahay mula nang mamatay si Mabini dito. Una
inilipat ito mula 21 patungong 23 ng Kalye Nagtahan nang gamitin ng iba ang
orihinal na loteng kinatatayuan ng bahay. At muli itong inilipat noong 1960
sa dating Bureau of Animal Industry na ngayo’y bahagi ng Malacañang Park
upang bigyan ng mas malaking ispasyo ang ipapatayong kongkretong tulay
na Mabini sa Nagtahan. Ang arkitekto na nanguna sa muling pagsasaayos ng
bahay ni Mabini nang mailipat ito sa Malacanang Park (na kinaroroonan din
ng Presidential Security Guard Compound) mula sa tabi ng ilog Pasig ay ang
unang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura na si Juan Felipe de Jesús
Nakpil o mas kilala bilang Juan Nakpil.
Noon 2009, ipinakiusap ng Metro Manila Development Authority
(MMDA) sa NHC na ilipat muli ang Bahay ni Mabini sa ibang lugar para
maipatupad nang maayos ang rehabilitasyon ng ilog Pasig. Itinanong ng
tagapangulo ng NHC noon na si Ambeth Ocampo kay dating meyor ng
Maynila na si Alfredo Lim kung maaari itong ilipat sa Arroceros. Sumang-
ayon ang mayor, pero tumutol ang kaniyang konseho. Sa kabutihang-palad,
nabalitaan ng PUP na naghahanap ang NHC ng mapaglilipatan ng bahay.
Inihanda nina Dr. Amalia Rosales at Dr. Joseph Reylan Viray para sa dating
Pangulong Dr. Dante G. Guevarra ng PUP ang sulat sa NHC na nagsasaad ng
pagnanais ng PUP na sa kampus nito sa Sta. Mesa mailipat ang makasaysayang
bahay. Inaprobahan ni Tagapangulong Ocampo ang kahilingan at noong 2009
ay inilipat na nga ng MMDA ang bahay sa PUP kampus sa Sta. Mesa. At ito
naman ang naging dahilan kung bakit bininyagan ang main kampus bilang
Mabini Kampus. (Viray 2022)
Noong Pebreno 8, 2010 ipinahayag ni Pangulong Gloria Macapagal-
Arroyo na ang PUP Sta. Mesa Manila (Mabini Kampus) ang magiging
permanenteng lunan ng Dambanang Mabini upang hindi na mabawasan
ang historikal at arkitektural na awtentisidad ng bahay bilang pambansang
dambana. (Viray 2022) Hindi nagtagal at ipinatayo na rin sa tabi ng Bahay ni
Mabini ang Museo ni Apolinario Mabini, na pinaglagyan ng permanenting
eksibit tungkol sa kasaysayan ng rebolusyon laban sa Espanya at pagkatapos
laban sa Amerika, at ang naging papel ni Mabini sa mahabang pakikibaka
para sa reporma noong mga taong 1889-1895 at para sa independensiya mula
1898 hanggang ipatapon siya sa Guam ni Heneral Arthur MacArthur noong
Enero 1901. May rebulto si Mabini sa labas ng Museo at mga facsimile ng
kaniyang mga sinulat sa loob ng museo.
Rivera Jr. I Ang Bahay ni Mabini sa PUP 235
ANG PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG BAHAY NI MABINI
May ilan taon din bago nalaman ng mga Pilipino na sa PUP
kampus inilipat ang Bahay ni Mabini. Unti-unti dumadami ang dumadalaw
na mga estudyante at mga turista. Noong 2015, ipinalabas sa mga sinehan
ang epikong Heneral Luna ng Artikulo Uno, kung saan ginampanan ni Epi
Quizon ang papel ni Mabini sa gabinete ni Aguinaldo. Nagtaka ang maraming
kabataan kung bakit lagi daw nakaupo si Mabini sa buong pelikula. Naging
curious ang marami at di nagtagal ibinalita sa TV Patrol ng estasyong ABS-
CBN na dumadami ang bumibisita sa Bahay ni Mabini at Museo ni Mabini na
mga kabataang nais tuklasin kung sino nga ba si Mabini at ano ang kaniyang
naging buhay.
Pero ang pangunahing komunidad na naaapektuhan at nakikinabang
sa Bahay ni Mabini ay ang komunidad ng PUP. Hindi mapasusubalian na
ang Bahay ni Mabini ay nagsislbing inspirasyon sa mga administrador, guro,
at estudyante ng PUP mula 2009 hanggang ngayon. Ito’y sapagkat ang mga
ideyal at halagahin na sinisimbolo ng Bahay ni Mabini at ni Mabini mismo ay
halos walang pinag-iba sa mga layunin at mithiin ng PUP, lalo na sa aspekto
ng pagtatayo ng bansa sa pamamagitan ng edukasyon. Bilang pambansang
unibersidad, naniniwala ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas na
“Ang edukasyon ay instrumento para sa pagpapaunlad ng mamamayan
at pagpapahusay ng pagbuo ng bansa” at “ang makabuluhang pag-unlad at
pagbabago sa bansa ay matagumpay na makakamtan sa esensiya ng kapatiran,
kapayapaan, kalayaan, katarungan at makabayang oryentasyon ng edukasyon
na may pagbuo ng diwa ng pagkamakatao at internasyunalismo.” (PUP
website 2021)
Tulad ng PUP, pinahalagahan ni Apolinario Mabini ang kaniyang
edukasyon. Kahit nanggaling sa uring pesante, nagsumikap siya na mag-aral:
una, sa lokal na paaralan sa Tanauan para sa kaniyang primera ensenanza;
pagkatapos sa paaralan ni Padre Valerio Malabanan para sa tatlong taon ng
segunda ensenanza; at sa Colegio de San Juan de Letran para sa huling taon
nito, noong 1884-1885 habang nagtuturo din sa pribadong institusyon para
matustusan ang kaniyang mga pangangailangan. Noong 1886-1887, tumigil
siya sa Lipa at nagturo sumandali para makaipon. Mula 1888 hanggang
1894, kumuha siya ng abogasya sa UST. Dahil hindi siya makabili ng mga
libro nakaugalian na niyang manghiram ng libro sa kaeskuwela at imemorya
ang kaniyang nabasa. Sa kabila ng lahat ng limitasyong ito, nakuha niya ang
pinakamatataas na grado sa halos lahat ng kaniyang kurso at nang magtapos
ay kinilala bilang pinakamahusay sa klase ng mga nagtapos sa abogasya.
Hindi mapapasubalian na ang kasipagan sa pag-aaral sa loob at labas ng silid-
aralan ay malaki ang naging kontribusyon sa galing at talino ni Mabini na
236 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
naiambag sa mga rebolusyonaryong pagkilos tungo sa kalayaan.(Ocampo
2015; San Juan 2016; Tiongson 2022-a)
Tulad ng PUP na naniniwala na ang makabuluhang pag-unlad sa
bansa ay makakamtan sa pamamagitan ng kapatiran, kapayapaan, kalayaan,
katarungan, at edukasyong makatao, makabayan, at makabago, sumali
at naging aktibong kasapi si Mabini ng mga organisasyong naghangad ng
tunay na pag-aangat sa kalagayan ng mga mamamayang Pilipino. Mula
1889 hanggang mga 1895, naging aktibo si Mabini sa paglikom ng pondo
para sa pagtataguyod ng La Solidaridad at kilusang propaganda sa Espanya.
Bagama't hindi pa siya kasapi ng Katipunan noon, dinakip siya noong Oktubre
1896 at nadetene sa ospital ng San Juan de Dios sa Intramuros pagkatapos
sumiklab ang Himagsikan. Pinalaya siya noong Hunyo 1897 at di nagtagal,
hinirang na siya bilang pangunahing tagapayo ni Heneral Emilio Aguinaldo
pagkatapos itong bumalik mula sa pagkakadestiyero. Naging kanang-kamay
siya ni Aguinaldo sa pamamahala ng himagsikan at naging puno ng gabinete
at kalihim ng ugnayang panlabas ng bagong katatayong Republika ng Malolos
noong 1899. Si Mabini ang huwarang dapat sundan ng mga kabataang
estudyante ng PUP sa aktibong pakikisangkot sa mga isyu ng paaralan, at ng
bayan sa pangkalahatan. (Ocampo 2015; San Juan 2016; Tiongson 2022-a)
PANG-APAT NA DULOG: PAGTATAYA SA BAHAY NI MABINI
SA PANANAW NG KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Ayon kay Nicanor Tiongson, ang Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ay kamalayang nagsusulong para “makamit ng bawat Pilipino ang kaniyang
kaganapan bilang TAO sa lahat ng antas ng kaniyang pagkatao – pisikal,
isipirtuwal, intelektuwal, sikolohikal, pulitikal, pangkabuhayan, at kultural.”
At ang kaganapang ito ay makakamit sa patuloy na “pagsasanggalang,
pagtataguyod, at pagpapalakas sa mga karapatang pantao.” Kasama rito ang
karapatang mabuhay nang payapa bilang mamamayan ng isang bansang
tunay na malaya – sa antas ng pulitika, ekonomiya at kultura, ang karapatang
alagaan ang kalikasan na siyang sinapupunan ng buhay, ang karapatan sa
pagkakapantay-pantay ng lahat ng mamamayan, anuman ang kanilang
kasarian, lahi, relihiyon, edad, o uri. (Tiongson 2022)
Ang Bahay ni Mabini ay halimbawa at kinatawan ng tirahan na
ginawa ayon sa tradisyong katutubo maraming dantaon bago dumating
ang mga Espanyol. Sa tradisyong ito, ginagamit para sa bahay ang mga
materyales na galing sa kalikasan at kung ano ang sagana at madaling
makalap sa kapaligiran. Ang bubong ay gawa sa pinagpatung-patong na
panel na pawid. Ang mga dingding at bintanang di-hatak naman ay gawa sa
tinistis at pinatuyong malalapad na kahoy. Ang kisame ay gawa sa nilalang
Rivera Jr. I Ang Bahay ni Mabini sa PUP 237
sawali. Pawid man, kahoy o kawayan, ang mga natural na materyales na ito ay
“nakakahinga” at hindi nag-iipon ng init. Bukod dito ang matandang paraan
ng paggawa ng bahay na nakaangat sa lupa at may sahig na gawa sa kawayan
na ikinabit nang may mga pagitan, at may mga bintanang malalaki sa paligid
ng bahay na linulukuban ng media agua ang tumitiyak na magiging presko
ang bahay dahil malayang nakapapasok at nakaiikot ang hangin sa loob ng
bahay. Masasabing galing sa kalikasan ang bahay at may magandang ugnayan
sa kalikasan, lalo na sa panahon. Komportable ang pakiramdam sa katawan
ng ganitong uri ng bahay. (Tiongson 2022-a)
Pinatutunayan naman ng replika ng wheel-chair ni Mabini at ang
mga painting ng kaniyang makasaysayang pakikilahok sa rebolusyon na ang
pisikal na kapansanan ay hindi nangangahulugan na wala nang magagawang
mahalaga o makabuluhan ang isang tao sa kaniyang buhay. Hindi naging
balakid ang pagkakaroon niya ng polyo para makapaglingkod siya sa bayan.
Ginamit niya ang natitirang lakas – ang matalas na isip at malawak na
karunungang nakamit sa pag-aaral – para isulat ang Verdadero Decalogo, ang
Las Ordenanzas de la Revolucion, at ang Programa Constitucional na siyang
nagbigay ng pilosopiya, gabay, at direksiyon sa pakikibaka laban sa Kastila at
sa Amerikano. Tunay ngang siya ang naging utak ng pangalawang bahagi ng
himagsikan na tumanglaw at gumabay sa mga kamay na tagapagpaganap ng
rebolusyunayong gobyerno – si Aguinaldo. (Tiongson 2022-a)
At patunay rin ang Bahay ni Mabini na hindi nagpayaman si Mabini
sa kaniyang panunungkulan sa gobyerno ng himagsikan. Hindi siya humingi
ng suweldo sa pamahalaan at nanatiling boluntaryo ang kaniyang paglilingkod
kahit nang itiwalag na siya ni Aguinaldo noong Mayo 1899 at pinalitan
siya ng grupo ni Pedro Paterno na binuo ng mayayamang nilabanan niya
sapagkat ibig pagkakuwartahan ang republika. Nagpatuloy siyang magsulat
para itaguyod pa rin ang himagsikan nang nahiwalay na siya sa pamahalaan.
Walang yaman si Mabini nang pumasok siya sa gobyerno ni Aguinaldo.
Mahirap pa rin siya nang humiwalay siya kay Aguinaldo. Ang patunay nito ay
ang bahay na kaniyang tinirhan at kinamatayan --- isang bahay na maliit na
ni hindi niya pag-aari. (Ocampo 2014; Tiongson 2022-a)
At masasabing ang Bahay ni Mabini ang simbolo ng pakikibaka laban
sa okupasyong Amerikano na isang agresyon. Hindi kailanman nasawata
ng mga Amerikano ang diwang mandirigma ni Mabini. Kahit nang nasa
kulungan na siya sa Intramuros, patuloy siyang nagsusulat nang lihim laban
sa imperyalismong Amerikano kung kaya’t nagpasiya si Heneral MacArthur
na ipatapon na siya at iba pang kasamahan niya sa Guam. Ang diwang ito
ng matatag at matapang na pakikibaka laban sa imperyalismong Amerikano
at sa lahat ng uri ng inhustisya ang dapat na maging inspirasyon ng lahat ng
238 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
makabayang Pilipino na nagmimithi ng isang lipunang may pagkakapantay-
pantay. (Tiongson 2022-a)
Ang diwang ito ang siyang nagbibigay ng buhay at lakas sa aktibismo
ng mga guro, estudyante, at manggagawa ng PUP sa pagtutol nila sa mga
di-makataong polisiya ng administrasyon na gumigipit sa estudyante at
manggagawa. Noong 2015, magkasama ang mga estudyante ng mga kampus
ng Sta. Mesa at Taguig sa pagtutol sa pagtaas ng matrikula. (Galang 2015).
Noong 2012, nagwelga ang mga dyanitor ng PUP para hindi malaglag
ang mga dati nang dyanitor sa plantilya ng bagong ahensiya na kinuha ng
administrasyon at upang itigil na ang sistema ng kontraktuwalisasyon na
nag-aalis ng mga benepisyo ng mga manggagawa. At sabihin pa bang ilang
taon nang tinutuligsa ng mga aktibista mula sa PUP at ibang unibersidad ang
patuloy na paghahari ng neo-kolonyalismong US sa bansa, na siyang tunay
at pinakamalaking balakid para makamit ng bansa ang ganap at tunay na
kalayaan sa pulitika, ekonomiya, at kultura.
Sa paglalagom at batay sa ginawang pagsusuri, ang Bahay ni Mabini
sa kampus ng PUP sa Sta. Mesa ay isang obrang may kapuri-puring mga
katangiang arkitektural at biswal. Bukod dito, ito rin ay sagisag ng mga
kaisipang progresibo’t mapagpalaya na tumutuligsa sa mga hindi makataong
sistema ng pulitika, ekonokiya, at kultura noon hanggang ngayon. Walang
alinlangan na ang kuwento ng Bahay ni Mabini ay isa na sa pinakamakulay at
makahulugan sa ating kasaysayan, at ang kuwenta niya ay isa sa pinakamabigat
sa Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. – Ang artikulong ito ay may mga
dagdag na mga datos, pangungusap, at talata mula kay Nicanor Tiongson —ed.
MGA SANGUNIAN
Avendaño, Clarissa L. 2015. ”History of Architecture 4”. Manila: College of
Architecture, University of Santo Tomas
Kontribusyon. 2017. “Why I’m Here | Rey Cagomoc, Lider-Obrero.”
Pinoyweeklyhttps://pinoyweekly.org/2017/05/why-im-here-rey-
cagomoc-lider-obrero
Galang, Darius. 2015. “Paglaban ng Estudyante sa Taas-bayarin sa PUP.”
Pinoyweekly https://pinoyweekly.org/2015/03/paglaban-ng-
estudyante-sa-taas-bayarin-sa-pup/
Rivera Jr. I Ang Bahay ni Mabini sa PUP 239
Hila, Ma. Corazon A. 2017. “Bahay Kubo.” Cultural Center of the Philippines
Encyclopedia of Philippine Art. (4: Architecture). Nicanor G. Tiongson
(punong editor). Manila: Cultural Center of the Philippines. 152-4.
Javellana, Rene B. 2022. “Basahin ang Arkitektura: Mga Pamantayan sa
Pagsusuri ng Obrang Arkitektura sa Pilipinas.” Ikalawang DESK-TP
Masterklas sa Sining Pilipino para sa PUP. Sa librong ito.
“Museo ni Apolinario Mabini -- PUP: Virtual Tour of Apolinario Mabini’s
Museum and Nipa House.” (walang taon). National Historical
Commission of the Philippines (NHCP) https://nhcp.gov.ph/
museums/apolinarfio-mabini-shrine-pup/
“NHCP Photo Collection, 2013.” 2013. National Historical Commission of
the Philippines (NHCP) 2013. http://nhcphistoricsites.blogspot.
com/2011/09/mabini-shrine-pup.html
Nožinić, Monika. 2022. “What’s the Meaning of Cyan Color and How to Use
It in Design.” https://www.asynclabs.co/blog/digital-design/whats-
the-meaning-of-cyan-color-and-how-to-use-it-in-design/
Ocampo, Ambeth. 2008. “The House Where Mabini Died.” Philippine Daily
Inquirer (Hulyo 23)
_______________. 2015. “Mabini by Mabini.” Two Lunas, Two Mabinis.
Looking Back 10. Mandaluyong City: Anvil Publishing Inc. 73-79
_______________. 2012. “Why Rizal’s House Turned Green.”. Rizal’s Teeth,
Bonifacio’s Bones. Looking Back 5. Mandaluyong City: Anvil
Publishing Inc. 44-49
“The PUP Philosophy (Pilosopiya ng PUP).” 2021. Polytechnic University of
The Philippines. https://www.pup.edu.ph/about/vm
Russell, Skowronek K.1998. “The Spanish Philippines: Archaeological
Perspectives on Colonial Economics and Society.” International
Journal of Historical Archaeology. (2) 1. (Marso 1998). 45-71
San Juan, Epifanio Jr. 2016. “Apolinario Mabini: Paghamon Sa Tadhana
At Muling Pagsilang ng Mapanghimagsik na Kamalayan.”
https://philcsc.wordpress.com/2016/02/17/apolinario-mabini-ang-
pagitan-ng-katalagahan-at-pangangailangan/
240 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.”
Ikalawang DESK-TP Masterklas sa Sining Pilipino para sa PUP.
Nasa librong ito.
_________________. 2022-a. Talakayang Online tungkol sa Ulat tungkol
sa Bahay ni Mabini ni Federico Rivera, Jr. Ikalawang DESK-TP
Masterklas sa Sining Pilipino para sa PUP.
“Bumibisita sa Museo ni Mabini, Dumami.” 2015. TV Patrol ABS-CBN NEWS
https://news.abs-cbn.com/video/lifestyle/10/03/15/bumibisita-sa-
museo-ni-mabini-dumami
Viray, Kristine. 2022. Panayam. Ikalawang DESK-TP Masterklas sa Sining
Pilipino para sa PUP. Mabini Kampus, PUP, Sta. Mesa, Maynila
Rivera Jr. I Ang Bahay ni Mabini sa PUP 241
Leonardo dela Cruz
ANG “NINUNO VIII”
SA PANANAW NG
KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
INTRODUKSIYON
A
ng pakay ng papel na ito ay suriin ang isa sa tanyag na piyesa ni
Imelda Cajipe-Endaya -- ang “Ninuno VIII.” (Tingnan ang Larawan
4 sa pahina 141) Ang obra ay bahagi ng isang serye ng print na
pinamagatang Mga Ninuno (Ancestors), na ginawa noong 1976-1979 at
tumatalakay sa tema ng identidad na Pilipino sa ating kasaysayan. Ang piyesa
ay ineksibit sa Cultural Center of the Philippines, Metropolitan Museum of
the Philippines, at sa Hiraya Gallery noong mga taong 1976-1979.
Sa artikulong ito, hahatiin ang pagsusuri ng likhang- sining sa mga
sumusunod na bahagi: 1) ang analisis ng “Ninuno VIII” bilang likhang-
sining; 2) ang paglalahad ng konteksto ng pagkakalikha ng likhang-sining; at
3) ang pagtimbang sa likhang-sining sa perspektiba ng Kamalayang Pilipino
na Maka-TAO. (Tiongson 2022).
ANG NINUNO VIII BILANG LIKHANG-SINING
Ano ba ang ibig iparating sa atin ng “Ninuno VIII” at paano niya ito
ipinararating? Dalawa ang dulog na maaring gamitin para maunawaan ang
anyo ng likhang-sining na ito: ang ikoniko at ang semyotiko (De La Paz 2022).
Ang Aspektong Ikoniko
Ano ang mga kongkretong imaheng nakikita natin sa print? Tatlo
ang mga pangunahing grupo ng imahen na matutunghyaan sa obra: 1) ang
pabalat ng Doctrina Christiana en Lengua Espanola y Tagala (1593), 2) ang
mga pigura mula sa Boxer Codex (ca. 1590), at ang mga larawan mula ng
“tipos del pais” (dekada 1830) at iba pang imahe mula sa siglo 19.
242 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Una, ang Doctrina Christiana ang unang librong inilimbag sa
Pilipinas gamit ang wikang Tagalog sa alpabetong Romano, Tagalog sa
katutubong baybayin, at Kastila. (Tingnan ang Larawan sa pahina 141) Sa
pabalat ng libro, makikita ang larawan ni Santo Domingo na may hawak na
libro sa kaliwang kamay at sanga ng mga bulaklak sa kanan. Si Santo Domingo
ang pundador ng orden ng mga prayleng Dominiko na siyang nag-imprenta
ng Doctrina sa paraang xylographic (inuukit ang mga imahen sa mga
parisukat na piraso ng kahoy). Naglalaman ito ng alpabeto, mga pangunahing
dasal ng mga Kristiyano, at pangunahing doktrina ng Iglesia Katolika – ang
lahat gamit ang tatlong sistema ng pagsusulat sa Tagalog at Kastila. Naging
instrumental ang Doctrina sa pagpapalaganap ng relihiyong Kristiyano at sa
pagpasok at pagpapatibay ng Kolonyalismong Espanyol sa bansa. (Doctrina
Christiana 1973)
Ikalawa, ang Boxer Codex (pinangalan sa nakabili at may-ari nito na
si Propesor Charles Boxer) na tinatawag din na “Manila Manuscript” ay isang
antigong manuskritong may deskripsiyon ng kultura ng mga naninirahan sa
Ladrones, Brunei, Filipinas, Champa, Tsina, New Guinea, Aceh, Raja Ampat,
Siam, Maluko, at Patani. Kasama at mahalagang bahagi ng manuskrito ang
mga ilustrasyon na may kulay ng iba-ibang tipo ng naninirahan sa mga
lugar na nabanggit. Bawat larawan ng mga tipo – minsan solo, minsan
magkapareha, minsan tatlo, at minsan may kasamang hayop – ay nakalagay
sa isang kuwadro na may palamuting pigura ng mga flora at fauna. Ang
bahagi tungkol sa Pilipinas ay may larawan ng mga grupong inilarawan ng
manuskrito: ang mga taga-Cagayan (2), ang mga ita (1), ang mga Zambal (3),
ang mga Bisaya (4), at ang mga Tagalog (5). Sa paglikha ng “Ninuno VIII,”
inalis ni Endaya ang kuwadro ng dalawang pigurang pinili niya mula sa Boxer
Codex. (Boxer Codex 2016): isang lalaking Tagalog na may-kaya at isang
babaeng Bisaya. (Tingnan ang Larawan 2 at 3 pahina 141)
Ang ikatlo ay ang mga pigura mula sa tipos del pais o mga tipikal
na naninirahan sa bansa na likha ni Damian Domingo, isang Pilipinong
pintor na nagtatag ng Academia de Dibujo y Pintura nuong 1821. Ang tipos
del pais ay likha sa midyum na aquarelle o watercolor noong dekada 1830
sa talyer ni Domingo. May ilan pang pigura na maaaring nanggaling sa iba
pang ilustrasyon o potograpiya ng mga Pilipino noong siglo 19. (Joaquin et
al. 1990)
Ang Semyotika ng Komposisyon
Ang “Ninuno VIII” ay inimprenta sa makapal na papel na nakahigang
parisukat, at may sukat na 27.94 cm x 38.10. Ito ay nasa midyum ng print,
gamit ang proseso ng etching, mixed media, at serigraph.
Dela Cruz I Isang Pagsusuri sa “Ninuno VIII” 243
Sa komposisyon ng mga elemento, nasa gitna-kaliwa at waring
mataas na bahagi ang pabalat ng aklat na Doctrina Christiana. Sa laki nito,
nadodomina niya ang mga pigura ng mga katutubong Pilipinong ikinalat
sa harap niya. Madilim na lila ang kulay ng libro. Sa harap niya sa bandang
gitna, agad napapansin ang cut-out ng dalawang pigurang kayumanggi ang
kulay na kinuha mula sa Boxer Codex – isang lalaki, mula sa imahen ng isang
Tagalog na mayaman sa codex, at isang babae, na mula naman sa imahen ng
isang babaeng Bisaya sa nasabi ring codex. Buo ang imahe ng lalaki, pero ang
babae na waring madadapa ay waring putol ang katawan at ang kalahati nito
ay lumulubog at nawawala na sa kuwadro. Ang isa sa apat na imahen na kulay
kahel ay galing sa tipos ni Domingo -- ang mayamang babae na nasa dulong
kaliwa, samantalang ang tatlo pa – isang lalaking mahirap na may kipkip
na tila mga gamit (katabi ng unang babae) at dalawa pang babaeng nasa
magkabilang gilid ng kayumangging lalaki mula sa Boxer Codex ay galing sa
mga ilustrasyon din mula sa siglo 19. Ang mga pigura ng codex ay nakasuot
ng katutubong damit ng mga Filipino noong dekada 1590, samantalang ang
babae mula sa tipos ni Domingo ay nakabaro at saya ng dekada 1830. Sa
tatlong pigura, ang lalaki ay nakasuot ng damit ng karaniwang manggagawa
at ang dalawang babae ay naka-ordinaryong baro at saya rin.
Malinaw na ang lahat ng imaheng makikita sa larawan ay galing
sa iba’t ibang kabanata ng ating kasaysayan – ang Doctrina mula 1593 nang
bagong dating pa lamang ang mga Kastila at ang dalawang pigura mula sa
Boxer Codex mula sa panahon din iyon, at ang pigura mula kay Domingo
mula sa pagsisimula ng siglo 19, at ang iba pa marahil mula sa huling dako
ng siglo 19. Makikita rin sa larawan ang mga Pilipinong kabilang sa mataas
at mababang uri, at sa dalawang kasarian – dalawang lalaki at apat na babae.
Ang mga pigura ay cut-out pero may kaunting detalye pa rin ng
orihinal na pinanggalingan na makikita kung sisipating mabuti. Hindi regular
ang ayos ng mga pigura – may nakahilig pakaliwa, may nakahilig pakanan,
may nakatayo nang tuwid, may waring nakasubsob na sa lupa. Lahat sila ay
nasa iba-ibang lebel. May nasa bandang itaas, may nasa gitnang lebel, may
nasa ibang-ibaba. Ang iba-ibang posisyon at lebel ay waring nagpapahiwatig
ng paggalaw ng mga pigurang wari’y buhay. Ito ay kabaligtaran ng nakatayong
imahe ng Doctrina na tuwid, malamig, at walang buhay. Ang nahating pigura
ng isang babaeng ninuno ay maaaring sagisag ng pragmentasyon ng identidad
ng katutubong Pilipino at pagbaba ng estado ng kababaihan.
Nagsisilbing representasyon ang mga imaheng nabanggit ng relasyon
ng dominanteng kapangyarihan ng mga Kastila at mga katutubong pinailalim
sa kanilang relihiyon. Matigas at madilim na lila ang kulay ng simbolo ng
kolonyal na poder, samantalang kahel-pula ang mainit at mas buhay na kulay
244 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ng mga katutubo. Waring isinasaad na malakas nga ang kolonisador, pero ito
ay walang buhay at hindi nagbibigay ng buhay, samantalang ang mga katutubo
ay puno ng buhay dahil sa kanilang kulay at sa pagkakaayos sa kanila na
waring sumasayaw. Ang ugnayang ito ng kolonisador at ng mga katutubo ay
isinasadula sa isang wari’y entabladong puti, ang ispasyong siyang bakgrawn
ng mga imahe na maaring sumagisag sa teritoryo ng Pilipinas na naging arena
ng pagtutunggalian sa ating kasaysayan.
Masasabi natin na nais ng obrang “Ninuno VIII” na balik-aralan at
balik-tanawin natin ang kolonyal na nakaraan ng bansa, isang paalala sa ating
pinanggalingan na mahalagang harapin para maunawaan ang ating sarili
bilang Pilipino sa kasalukuyan. Mababasa din ito bilang pagpupugay sa mga
katutubong Pilipino na hindi isinuko kundi ipinagdiwang pa rin ang buhay sa
ilalim ng isang mapaniil na mananakop.
ANG KONTEKSTO NG NINUNO VIII
Para higit na maunawaan ang obra, pag-ukulan natin ng pansin ang
lumikha nito, ang kalagayang panlipunan, at ang kalagayang pansining nang
ito ay likhain.
Ang Lumikha ng Ninuno VIII
Ang kilalang artist na si Imelda Cajipe-Endaya o Meps ang lumikha
ng obrang ito. Siya ay ipinanganak sa Maynila, nuong Setyembre 16, 1949.
Nagka-“malay” na siya sa sining kahit bata pa dahil sa pagbisi-bisita niya sa
bayan ng Paete na pinanggalingan ng kaniyang mga magulang na sina Pedro
Cajipe at Felipa Baisas. Ang kaniyang kabiyak ay si Simplicio Endaya. May
tatlo silang anak, at mga apo na rin. Suportado ng kaniyang pamilya ang
kaniyang pagiging artista.
Nagtapos siya ng bachelor of arts, major in advertising sa College of
Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong 1970. Taong 1976-7
nang nag-aral siya ng art history at art criticism. Nagtrabaho rin siya bilang
part-time archival researcher. Nakapag-eksibit na siya sa mga kilalang galeriya
tulad ng Ateneo Art Gallery, Liongoren Art Gallery, at UP Vargas Museum,
mga institusyong pansining tulad ng Cultural Center of the Philippines (CCP)
at Metropolitan Museum, mga internasyunal na biennale tulad ng sa Korea,
at iba pang festival sa loob at labas ng bansa.
Nakatanggap na siya ng mga pagkilala mula sa iba’t ibang institusyon
pansining sa Plipinas at sa ibang bansa. Ilan dito ang certificate of merit sa on-
the -spot painting contest ng Shell National Student Art Competition noong
Dela Cruz I Isang Pagsusuri sa “Ninuno VIII” 245
1969. Isa siya sa ginawaran ng CCP Thirteen Artists award noong 1990.
Natanggap din niya ang Patnubay ng Sining at Kalinangan sa larangan ng
pagpipinta mula sa Lungsod ng Maynila, ang CCP Centennial Honors para
sa Sining noong 1999, ang ALIWW Honors for Women in the Arts mula
sa Ateneo de Manila University noong 2008, ang Florence Zlowe Memorial
Art Award mula sa American Society of Contemporary Artists sa New York,
at ang NCCA Ani ng Dangal noong 2009. Binigyang-parangal din siya ng
kaniyang alma mater, ang College of the Holy Spirit, sa selebrasyon ng ika-
100 anibersaryo nito noong 2013. Itinayo at pinangunahan ni Imelda Cajipe
Endaya ang Kasibulan o ang Kababaihan sa Bagong Sibol na Kamulatan
noong 1987.
Ang kaniyang sining ay nakatuon sa usapin/tema ng paghahanap ng
identidad, kultura, at pinagmulan ng lahing Filipino, kababaihan at patriyarka,
kaisipang kolonyal, militarisasyon, pakikibaka para sa lupa, suliranin ng mga
OFW, at iba pa. Tampok ang imahen at danas ng kababaihan at perspektibang
feminista sa kaniyang mga obra. Ilan sa tampok niyang likha ay ang Pasyong
Bayan (1983), FDH: Foreign Domestic Helper (1993), ang at ang Pinadugo
(2021)
Sa simula, gumamit siya ng print bilang midyum. Kalaunan gumamit
na rin siya ng pintura at mixed media, at gumawa ng iskultura at installation
art. Gumamit din siya ng mga katutubong materyales tulad ng sawali, yarn,
habing tela, para ipadama ang mga tekstura at kulay ng kulturang Pilipino at
mapaigting ang mga temang kultural at historikal.
Sa mahigit na apat na dekada, tapat, konsistente, at malikhaing
hinarap ni Imelda Cajipe-Endaya ang mga isyu ng lipunan at kaniyang
personal na danas sa pagtalakay sa mga ito. Ang mga isyung ito ang inilarawan
niya sa kaniyang mga obra, mula sa punto de bista ng isang artistang may
mataas na kamalayang feminista at pangkasaysayan.
Ang Kalagayang Panlipunan
Nilikha ang serye ng Mga Ninuno noong kalagitnaan ng dekada
1970 sa panahon ng batas militar ni Marcos. Katatapos lamang ng tinatawag
na First Quarter Storm o FQS sa simula ng dekada, na masasabing sigaw ng
pagtutol ng bagong henerasyon ng kabataan at propesyunal na naglayong
bumuo ng isang bansang may tunay na kalayaan sa ekonomiya, pulitika at
kultura. Gamit ang ideolohiya ng mga makabayang lider tulad nina Claro
M. Recto, Lorenzo Tanada, at Jose Diokno at mga intelektuwal na tulad nina
Renato Constantino, Nemesio Prudente, at Alejandro Lichauco, isinulong
ang kilusan para sa Pilipinisasyon ng mga disiplina sa agham panlipunan,
246 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
siyensiya, at sa humanidades, at siyempre pa sa lahat ng anyo ng sining. Sa
mga likhang-sining, laganap ang tema na anti-kolonyal at anti-diktadura,
samantalang isinulong ng maraming artista ang tema ng paghahanap sa
at pagbubuo ng, identidad na Pilipino, gamit ang mga imahe mula sa mga
kalinangang katutubo at sa kasaysayan ng bansa. Ang mga obra ni Cajipe-
Endaya ay malinaw na naging bahagi ng kilusang ito ng Pilipinisasyon sa
dekada 1970.
Larawan 1: Ferdinand Marcos bilang Malakas Larawan 2: Imelda Marcos bilang Maganda
(Detalye) (Detalye)
Lalo pa marahil mauunawaan ang seryeng Mga Ninuno kung
makikita ito bilang sagot sa propagandang inimbento at pinalaganap ng
mga mag-asawang Ferdinand Marcos para matanggap sila at ang kanilang
diktadura ng mga Pilipino. Inangkin nila Ferdinand Marcos at Imelda Marcos
ang pagiging “ninuno” ng bansa at ginamit ang sinaunang mito nina Malakas
at Maganda, tulad ng makikita sa dalawang malalaking obra sa oleo ni Evan
Cosayco na pinamagatang “Cultural Genesis,” na umano’y pinagawa ng
mga Marcos noong dekada 1970. Sa una, inilarawan ang pangulo bilang si
Malakas na may matipuno at hubad na dibdib, na waring lumitaw sa pagitan
ng nabiyak na puno ng kawayan, habang lumilipad sa kanan-itaas ang ibong
nagbiyak nito. Sa pangalawang obra, ipininta naman ang Unang Ginang
bilang si Maganda, na may saplot na puting waring Diwata na lumitaw din sa
pagitan ng nabiyak na puno ng kawayan. Ipinagpipilitan ng dalawang obra na
Dela Cruz I Isang Pagsusuri sa “Ninuno VIII” 247
si Ferdinand at si Imelda ang “ama at Ina” ng sambayanang Pilipino, kaya dapat
lamang silang igalang at dapat sundin ang anumang ipag-utos nila. Ginamit
ang banal na mito ng Paglikha sa Unang Lalaki at Babae bilang propaganda
para maipagpatuloy ang pag-iral ng batas militar at ang kanilang paghahari
sa Pilipinas. Ang serye ng Mga Ninuno ay maaaring basahin bilang tugon sa
propagandang ito ng mga Marcos.
Dagdag pa rito, habang ipinapatupad ang agenda ng batas militar at
namamayagpag ang Kilusang Bagong Lipunan, sinilo ng mag-asawa ang mga
mahuhusay na artista, ilang intelektuwal, at maraming mamamayan ng bansa
para maging bahagi ng kanilang “rebolusyon mula sa sentro.” Samantala, sa
eskuwelahan, sinupil ang kalayaang pang-akademiko at pinalaganap pang
lalo ang maka-Kanlurang pananaw at pag-aaral. Ang malayang midya na
nagsisiwalat ng abuso ng batas militar ay nabusalan.
Pero sa kabila ng ganitong panunupil, unti-unting lumakas ang mga
kilusang progresibo at makabayan ng kabataan, intelektuwal, at mamamayan
nuong dekada 1970. Lalo lamang umigting ang paghahangad sa tunay na
kalayaan at demokrasya ng bayan, kasama na dito ang paghahangad ng sariling
pagkakakilanlan, kultura, at sining. Sa dekadang ito sumibol ang maraming
“ama, ina at ninuno” ng bagong henerasyon ng Pilipinong nagpapatuloy ng
kasaysayan ng bayan
Sa panahong ito ng mga kilusang makabayan namulat ang marami
pang kabataan at artista, tulad ni Imelda Cajipe Endaya at kaniyang kapanalig
na artista. At sa panahon ding ito, habang siya ay nagtatrabaho bilang
archival researcher, napag-aralan niya ang Boxer Codex sa naingatang mga
dokumento ni Carlos Quirino.
Ang Kalagayang Pansining
Sa ganitong konteksto din, ang sining biswal ay higit na sumigla at
nakisangkot sa diskurso ng paghahanap ng pambansang identidad at protesta
sa diktadura at imperyalismong Amerikano. Iba-ibang midyum at genre ng
sining biswal ang ginamit sa paglalahad ng iba-ibang isyung panlipunan
at pangkultura, kasama na ang pintura sa oleo o acrylic, print, iskultura,
installation art, assemblage, performance art. Nalikha sa panahong ito ang
mga obra sa oleo at acrylic ng Social Realists tulad nina Egai Fernandez,
Renato Habulan, Antipas Delotavo, at Pablo Baens Santos, at ang mga myural
ng Abay.
Ang print-making ay isa sa porma ng sining na ginamit para sa
pagpapahayag ng mga temang panlipunan. Unang ginamit at ipinakilala
248 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ang print-making ni Manuel Rodriguez Sr, ang ama ng print-making sa
Pilipinas, at naging popular sa maraming artist na sumunod sa kaniya. Taong
1968 nang itatag ang Printmakers Association of the Philippines o PAP, na
ang karamihan sa kasapi ay kababaihan, kasama na si Imelda Cajipe-Endaya.
Natampok din sa panahong ito ang mga diskurso sa printmaking bilang
midyum, dahil sa mga piyesang tulad ng gawa ni Ray Albano – ang “Step in
the Sand and Make Footprint,” 1974. Pero lalong tumingkad ang halaga ng
print-making sa panahong ito sa hanay ng mga artistang nagpalaganap ng
makabayang diwa sa kanilang print. Ito’y dahil ang print ay mas demokratiko
kaysa oleo o acrylic painting. Maaaring magkaroon ng maraming kopya ang
isang print, kaya mas maraming maaabot na tao, samantalang ang oil o acrylic
painting ay may isang orihinal lamang.
Nakilala sa panahong ito ang mga serye ng print ni Ben Cab na
naglarawan ng pasismo ng estado at ang mga biktima nito, kasama na ang
bangkay na tinakpan ng bandilang Pilipino. Gayundin, may malakas na
komentaryong pulitikal sa estilong mala-simboliko ang mga print ni Orlando
Castillo, tulad ng “Battle of Mendiola” at ang seryeng nagpapakita ng tortyur
at “salvaging” sa ilalim ng batas militar. Sa tradisyong ito maaaring ilugar ang
mga print na ginawa ni Cajipe-Endaya sa dekada 1970.
ANG NINUNO VIII AT KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Ayon kay Nicanor Tiongson, ang Kamalayang Pilipino na Maka-
TAO ay kamalayang “nagsusulong sa kaganapan ng Pilipino bilang tao sa
lahat ng antas ng kaniyang pagkatao -- pisikal, intelektuwal, sikolohikal,
pulitikal, pangkabuhayan at kultural,” sa pamamagitan ng “pagsanggalang,
pagtataguyod, at pagpapalakas ng mga karapatang pantao.” Kasama sa mga
batayang karapatang ito ang karapatan na mabuhay nang payapa bilang
mamamayan ng isang malayang bansa na may sariling kultura, ekonomiya, at
pamahalaan. (Tiongson 2022)
Ang “Ninuno VIII” ni Cajipe-Endaya ay naglahad ng mga imaheng
hango sa naging representasyon ng mga katutubong Pilipino sa panahon
ng kolonyalismong Espanyol sa pagtatapos ng siglo 16 at sa siglo 19.
Binubuhay ng mga imahe ang alaala ng nakaraan sapagkat mahalaga para
sa kontemporanyong Pilipino na pagbalikan niya ang kaniyang nakaraan, na
bahagi ng kaniyang kasalukuyan at ng kaniyang kinabukasan. Ayon na rin
sa kasabihan, ang hindi lumingon sa pinanggalinagn, hindi makararating sa
paroroonan. Hindi mabubuo ang identidad ng Pilipino kung hindi kasama
ang kaniyang nakaraan.
Dela Cruz I Isang Pagsusuri sa “Ninuno VIII” 249
Higit pa rito, ipinapakita ng “Ninuno VIII” ang naging relasyon ng
mananakop sa mga sinakop, ng Kastilang relihiyon sa mga napailalim dito --
mula sa punto de bista ng mga nasakop. Madilim na libro ang representasyon
ng relihiyong Espanyol at gobyernong kolonisador, pero makulay, buhay,
at gumagalaw ang representasyon ng mga katutubong sinakop, na tila
nagpapahiwatig na di masusupil o makikitil ng mananakop ang puwersa ng
buhay ng mga sinakop. Dagdag pa, sa dami ng mga pigurang katutubo, waring
isinasaad na maaring malupig ng sinakop ang mananakop. Sa perspektibang
ito, malinaw ang pagkiling ni Cajipe-Endaya sa pangingibabaw ng pananaw
ng Pilipino sa paglalarawan ng mga pigura mula sa ating kasaysayan. Ito’y
pananaw na nagpapalakas ng identidad at kulturang Pilipino sa mga
Pilipinong tumitingin at nakakikita dito sa ating panahon.
Mahalaga ding banggitin na ang “Ninuno VIII,” at pati na ibang print
sa seryeng Mga Ninuno, ay gumamit ng paraan ng pag-imprenta na hawig sa
paraang ginamit para sa paglilimbag ng mga unang librong panrelihiyon sa
Pilipinas na naging kasangkapan sa pagpalaganap ng relihiyong Katoliko at ng
kapangyarihang pulitikal na kaakibat at kakambal nito -- ang kolonyalismong
Espanyol. Sa paggamit ni Cajipe-Endaya ng ganitong pamamaraan, waring
binaligtad niya ang kahulugan ng antigong prosesong ito. Kung ang
prosesong ito ay nagsilibi para mapatatag ang relihiyon at pamahalaang
kolonyal, ang prosesong ito rin ang ginamit ng artist para mabuo muli ang
identidad ng mga Pilipino. Tulad ng Doctrina na lumaganap sa mga binyagan
at di-pa-binyagang katutubo, ang seryeng Mga Ninuno ay nakatulong sa
pagpapalaganap ng kamalayang makabayan, na laban sa neo-kolonyal na
kontrol ng Amerika sa Pilipinas.
Sa kaniyang mga kaisipang ipinahahatid at sa prosesong kaniyang
ginamit, nakatulong ang “Ninuno VIII” ni Cajipe-Endaya sa pagpapatibay
sa identidad na pangkultura ng mga Pilipino, laban sa kulturang kolonyal
na namamayagpag pa rin sa lahat ng aspekto ng buhay Pilipno. Matimbang
ang obrang ito sa Kamalayang Pilipino na Maka-TAO, sapagkat itinataguyod
at pinalalakas nito ang karapatan ng bawat Pilipino na mabuhay nang
matiwasay sa isang bansang may sariling kultura, at kakabit nito, sariling
ekonomiya, at pamahalaan. – Ang artikulong ito ay maraming karagdagang
datos, pangungusap, at talata mula kay Nicanor Tiongson. —ed.
MGA SANGGUNIAN
The Botanical Illustration. The Printing techniques of the Images. https://
mostre.cab.unipd.it/illustrazione-botanica/en/14/the-printing-
techniques-of-the-images
250 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Boxer Codex, A Modern Spanish Transcription and English Translation of 16th
Century Exploration Accounts of East and Southeast Asia and the
Pacific. 2016. Sinalin at inedit ni Isaac Donoso. Quezon City: Vibal
Foundation, Inc.
Cajipe-Endaya, Imelda. “My Etchings & Serigraphs of 1976-79.” https://web.
facebook.com/media/set/?set=a.10152122025312814&type=3
___________________. “Ninuno Territories” https://web.facebook.com/
media/set/?set=a.10154441653812814&type=3
___________________. Phil Collegian 1970s. https://web.facebook.com/
photo/?fbid=10152357653802814&set=a.10152357653232814
Cajipe-Endaya, Imelda, Javellana, Rene B., at Javelosa, Jeannie. 2020.
“Printmaking.” CCP Encyclopedia of Philippine Art. (5: Visual Arts)
Digital Edition. URL: https://epa.culturalcenter.gov.ph/3/15/2115/
De la Paz, Cecilia. 2022. “Sining Biswal at Lipunang Pilipino: Mga Pamantayan
sa Pagbasa at Pagtasa sa mga Obra ng Sining Biswal sa Pilipinas.”
DESK-TP Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO, Agosto 24. Sa librong ito.
Doctrina Christiana, The First Book Printed in the Philippines. 1973. Manila:
National Historical Commission.
Guillermo, Alice / Updated ni Cecilia S. De La Paz. 2020. “Boxer Codex
Illustrations.” Cultural Center of the Philippines Encyclopedia of
Philippine Art. (5: Visual Arts). Digital Edition. Nicanor G. Tiongson
(punong editor) . Manila: Cultural Center of the Philippines. URL:
https://epa.culturalcenter.gov.ph/3/82/2152/
___________________. Updated ni Ladrido, Rosa Concepcion
at Legaspi-Ramirez, Maria Eileen. 2020. “Cajipe-Endaya,
Imelda.” Cultural Center of the Philippines Encyclopedia of
Philippine Art. (5: Visual Arts). Digital Edition. Nicanor G.
Tiongson (punong editor) . Manila: Cultural Center of the
Philippines. URL: https://epa.culturalcenter.gov.ph/3/17/3462/
Dela Cruz I Isang Pagsusuri sa “Ninuno VIII” 251
___________________. 2020. “Mga Ninuno VIII”. Cultural Center of the
Philippines Encyclopedia of Philippine Art. (5: Visual Arts). Digital
Edition. Nicanor G. Tiongson (punong editor) . Manila: Cultural
Center of the Philippines. URL: https://epa.culturalcenter.gov.
ph/3/82/2229/
Ninuno Terrritories Cut, Folded and Bound. 2015. Book-bound serigraphy,
relief, and collage on paper 12.75” x 18.75” x 2
Territories. 2015. Isang Eksibit ni Imelda Cajipe-Endaya na nagbukas sa
Cultural Center of the Philippines noong Disyembre 3, 2015. https://
ccp-visualarts.tumblr.com/post/133996628206/territories-an-
annual-exhibition-of-the
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO:
Apat na Dulog sa Pagsusuri ng mga LIkhang-Sining sa Pilipinas”
Ikalawang DESK-TP Seminar-Workyap sa Sining at Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO Para sa PUP. Agosto 10. Sa librong ito.
252 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Jalaine Joyce V. Malabanan
ANG “JUAN FOR ALL,
ALL FOR JUAN”:
PARA KAY JUAN NGA BA?
INTRODUKSIYON
I
sa sa pinakapopular na segment ng noontime show na Eat Bulaga (EB)
ay ang palarong palatuntunan na “Juan for All, All for Juan” (tutukuyin
bilang “Juan for All” sa artikulong ito). Kaya dapat lamang suriin ito para
malaman kung anong mga sistema ng mga paniniwala at pagpapahalaga ang
pinararating nito sa manonood. Para lubos na maunawaan ang mga katangian
ng “Juan for All,” gagamitin ng pagsusuri ang apat na dulog na iminumungkahi
ng “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO” (Tiongson 2022): 1) ang
pagsusuri sa “Juan for All” bilang likhang-sining sa brodkast; 2) ang pagtukoy
sa mga konteksto ng pagkakagawa ng “Juan for All;” 3) ang dating ng “Juan
for All” sa manonood; at 4) ang timbang ng “Juan for All” sa pananaw ng
Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. Sa pang-apat na dulog, gagamitin ang
konsepto ni Louis Althusser ng Ideological State Apparatus (ISA) bilang
dagdag na balangkas na teoretikal.
Ayon kay Althusser (2004), ang ideolohiya ay “a representation of
the imaginary relationship of individuals to their real conditions of existence.”
Sa madaling salita, ang ideolohiya ay tila paghuhubog ng likhang realidad.
Dagdag pa ni Althusser, ang tao ay hindi makatatakas mula sa ideolohiya
dahil lahat ng tao ay nabubuhay sa idelohiya, lahat ng mga pangyayari ay
nakapaloob sa idelohiya, at kailanman, hindi natin maiintindihan ang ating
mga sarili kung tayo ay lalabas sa ideolohiyang kinapapalooban natin.
Ayon pa rin kay Althusser, ang mga ISA ay mas epektibo sa
pagkontrol ng taumbayan dahil ang ginagamit nila ay ideolohiya hindi
karahasan, bagaman minsan nanunupil pa rin ang mga institusyong
253
ideolohikal sa pagpapatupad nila ng disiplina at sensura. Tulad ng pamilya,
paaralan, simbahan, at iba pang mga anyo ng sining at komunikasyon,
ang telebisyon ay isang ISA. Ang mga programa na nakapaloob dito ay
isang paraan ng pagkokondisyon upang mapalaganap sa manonood ang
dominanteng ideolohiya sa loob ng isang kultura.
Sa usaping ideolohiya sa programing ng telebisyon, ito ang sabi ni
Gitlin (1987, 253): “Commercial culture does not manufacture ideology; it
relays and reproduces and processes and packages and focuses ideology that
is constantly arising both from social elites and from active social groups and
movements throughout the society...” Ayon naman kay Berger (2000, 73),
responsibilidad ng taong tumatanggap ng idelohiyang inihahain “to point out
the hidden ideological messages in mediated and other forms of communication.”
ANG PROGRAMANG “JUAN FOR ALL”
BILANG LIKHANG-SINING SA BRODKAST
Sa bahaging ito, tatalakayin a) ang pangalan at bakgrawn at b) ang
nilalaman ng mismong programa. Ang nilalaman ay tutukoy sa aspektong
biswal ng segment banner, samantalang kasama sa ilalarawang daloy ng
palaro ang tatlong bahagi ng programa.
Bakgrawn
Ang pangalan ng palabas ay kinuha mula sa "One for all, all for
one" o “Lahat para sa isa, isa para sa lahat,” na kilala bilang bukambibig ng
magkakaibigang musketeros ng The Three Musketeers (1844), ang nobela ng
Franses na si Alexandre Dumas. Ang salitang “one” ay napalitan ng “Juan,”
ang pambansang personipikasyon ng Pilipinas, na kadalasang ginagamit
upang maging representasyon ng bawat Pilipino. (Eat Bulaga! Wiki, n.d.).
Ang orihinal na pamagat ng segment ng palabas ay “Juan for All,
All for Juan: Bayanihan of d’ Pipol” noong 2005. Noong Hunyo 2010, ang
segment ay unti-unting tumutok sa “Sugod Bahay” kaya pinamagatan itong
“Juan for All, All for Juan: Sugod-Bahay sa Barangay” noong Agosto 2010.
Noong Oktubre 2011, ibinalik ang unang pamagat ng palabas sa “Juan for All,
All for Juan: Bayanihan of d’ Pipol.” Ngunit noong 2019, naging “Juan for
All, All for Juan” na lamang ito. Noong Hunyo 2020, ginawang “Juan for All,
All for Juan: Agad-Agad!” ang pamagat upang bigyang-diin ang mabilis na
paghahatid ng mga premyong salapi sa mga nanalo sa tulong ng mga serbisyo
ng mga malaking isponsor ng programa, gaya ng Palawan Pawnshop at Grab
Express. At ngayong taong 2022, ang pamagat ay naging “Juan for All, All for
Juan: Parating na ang Swerte.” (Eat Bulaga! Wiki, n.d.)
254 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Ang “Juan for All” ay itinuturing na isa sa mga pinakamakabagong
programa na ipinalabas sa Philippine Broadcast Media. Ito ang nagsasampa
ng pinakamalaking kita sa EB sa dami ng kaniyang patalastas. Ang
improvisational na tono nito ay naging kawili-wili dahil sa mga nakakatawang
adlib, na sinasamahan pa ng mga hindi pangkaraniwang pangyayari, tulad
ng paglabas ng tambalang AlDub nina Alden Richards at Maine Mendoza
o “Yaya Dub” sa “Kalyeserye” noong 2015-6. Kahit noong panahon ng
pandemya, nang simplehan ang palabas ng EB, nanatiling bahagi pa rin ng
programa ang “Juan for All, All for Juan”.
Nilalaman
Aspektong Biswal. Ang segment banner ng “Juan for All” (Tingnan
ang Larawan 1 sa pahina 142) ay kakikitaan ng dalawang elemento, bukod sa
mga letra: (1) ang mga banderitas, at (2) ang kulay asul, pula, kahel, at luntian.
Ang mga imaheng ito ay may kaniya-kaniyang kahulugan.
Sa kultural na aspekto, ang mga banderitas ay isinasabit tuwing
sasapit ang mga pista at selebrasyon. Ang banderitas ang kadalasang
indikasyon ng nalalapit na selebrasyon, pagkat isinasabit ang mga ito ilang
araw o linggo bago ang takdang araw ng pagdiriwang. Ang banderitas ang
sumasagisag sa kasiyahan at sa hilig na rin ng mga Pilipino na lumahok sa
iba’t ibang pagdiriwang, sa pamamagitan ng pagkanta, pagsayaw, at iba pang
mga aktibidad na may kaugnayan sa selebrasyon.
Kung susuriin ang banner, makikitang pula, asul, kahel, at luntian
ang mga kulay na ginamit sa banderitas at sa tekstong mababasa rito. Ang
mga kulay ay may sariling pagpapakahulugan o epekto sa tumitingin. Asul
ang sumisimbulo sa tiwala, karunungan, at kapayapaan. Pula naman ang
sagisag ng kapangyarihan, pag-ibig, at enerhiya. Luntian ang larawan ng pag-
asa at magandang kalusugan. Kahel ang nagpapadama ng kasayahan (fun) at
kasiglahan. Kung gayon, ang mga kulay at banderitas sa segment banner ang
sumasagisag sa kasiyahang hatid sa bawat Pilipino ng “Juan for all, all for
Juan.” Ito na rin ang naging pagkakakilanlan ng segment.
Daloy ng Palaro. Ang “Juan for All” bago magpandemya ay binubuo ng
tatlong bahagi: palabunutan; sugod-bahay; at pagpapakilala ng mga isponsor.
Matapos mabunot ang pangalan ng isang kalahok (na wala sa istudyo),
tatawagan sa telepono ang kalahok at iinterbyuhin upang malaman ang
kaniyang pangalan at tirahan. Matapos maibigay ang eksaktong lugar ng
tirahan, ang mga co-host ay pupunta sa bahay ng kalahok upang magbigay
ng mga papremyo (ito ang bahagi ng palabas na nagbunga ng improvisational
“Sugod-bahay” at “Kalyeserye”).
Malabanan I “Juan for All”: Para kay Juan nga ba? 255
Sa bahaging Kalyeserye, ipinakilala ng palatuntunan ang bagong
tambalan nina Alden Richards at Maine “Yaya Dub” Mendoza o mas kilala sa
tawag na “AlDub.” Sa pinagbibidahang “Kalyeserye” ang kuwento ay umiikot
sa pagharap ng dalawa sa lahat ng pagsubok, gaya na lamang ng mga kuwento
ng pagdakip, kontrabidang lola, at ipinagkasundong kasal. Lumaki nang
lumaki ang pangalan ng AlDub, dahil sa bawat episode ay lalong nasabik ang
mga manonood sa mangyayari sa pagsasama ng tambalan.
Dahil sa pandemya, nalimitahan ang pagkilos at naging virtual ang
sugod-bahay. Gayumpaman, nanatili ang tatlong bahagi ng palabas. Una ang
bahagi kung saan nagbibigay ang mga host ng link kung saan magrerehistro
o magpapasa ng entry ang mga kalahok, base sa mga kuwalipikasyong
ipinakikita sa iskrin.
Nasa Larawan 2 (pahina 142) ang pakikipanayam ng host na si
Vic Sotto sa mga napiling kalahok. Sa bahaging ito nakikilala ang kalahok
sa pagkukuwento niya ng ilang detalye ng kaniyang buhay at ng dahilan ng
kaniyang pagsali sa palaro.
Ipinakikita ng talahanayan sa ibaba ang suma ng daloy ng palaro at
ang ibinigay na papremyo ng mga isponsor. Makikita rin dito na naglalaro
sa P70,000-P80,000 ang ibinibigay ni Vic Sotto sa mga kalahok. Kadalasan,
mas malaki ang ibinibigay niyang pera sa mga kalahok na nasa kategorya ng
mas nangangailangan. Narito ang talahanayan na nagpapakita ng pangalan,
bakgrawn, dahilan ng pagsali, at mga premyo ng mga sumali sa bawat araw sa
loob ng 14 na araw na dinokumento ang programa.
Talahanayan 1
Araw Pangalan Bakgrawn Dahilan ng pagsali (Premyo) Premyo Kabuuang
Isponsor (Vic Premyo
Sotto)
Sabado, Grechen • Taga Eastern Samar Pangpatayo ng • Puregold (5k P70K P90K
Abril 2, 2022 Rodriguez • Walang trabaho tindahang sari-sari na halaga ng
• May isang anak groseri)
sa una, at isa sa • Hanabish
pangalawang asawa Appliances
• Nagtatrabaho sa • Zuki Finance
vulcanizing shop (5k)
ang asawa • Kopiko
• Inaalagaan ang Blanca (5k)
kaniyang mga anak • Palawan
ng kaniyang ina sa Express
Antipolo. (5k)
• Anim na buwan
na niyang hindi Total=P20K
nakakasama ang
anak.
256 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Lunes, Deborrah • Taga Romblon Pampaayos ng • Tulad sa P70K P90K
Abril 4, 2022 Galacia • May asawa at pintuan sa kusina itaas.
tatlong anak.
• Construction worker Total =
ang asawa. P20K
Martes, Manilyn • Taga-North Magtatabi para • Tulad sa P80K P100K
Abril 5, 2022 Salcedo Cotabato sa kaniyang itaas.
• Drayber ng panganganak
produkto ang Total =P20K
asawa.
• May maliit na
tindahan ng prutas
sa tabing kalsada
Miyerkules, Gemma • Taga-Romblon Pambili ng E-Bike • Tulad sa P70K P90K
Abril 6, 2022 Amerila • Daycare worker sa pamasok sa itaas.
isang bayan trabaho
• Maintenance worker Total =P20K
ang asawa sa
Maynila.
Huwebes, Reybeth • Taga- Olongapo Pambinyag ng anak • Tulad sa P70K P90K
Abril 7, 2022 Cordova • Hindi kasal sa itaas.
kinakasama
• Factory worker Total
ang trabaho ng =P20K
kinakasama
Biyernes, Amormia • Taga-Zamboanga • Pang-uwi sa • Tulad sa P80K P105K
Abril 8, 2022 Bahian • Sa Cagayan De Oro Zamboanga itaas, at
nag rerenta ng • Pandagdag ng Coca-Cola.
tirahan, mag-isa. kapital para
• Nagtatrabaho bilang sa itatayong Total
isang janitress sa panaderya sa =P25K
eskuwelahan. Zamboanga.
• Hiwalay sa asawa
dahil siya ay
sinasaktan nito.
• Wala silang anak
Sabado, Aubrey • Taga-Bataan Pangmatrikula ng • Tulad sa P80K P105K
Abril 9, 2022 Nicolas • OFW na naabutan anak itaas.
ng lockdown dahil
sa pandemya. Total
• Musikero/bokalista =P25K
ng isang banda sa
China.
• Hindi makauwi
dahil sa lockdown.
• Dalawang buwan
nang walang
kinikita.
Lunes, April Marjean • Taga-Valenzuela • Makapag-ipon • Tulad sa P80K P105K
18, 2022 Iyana • Nasunugan ng bayad itaas.
ng tinitirahan sa renta at
dalawang linggo na makapagpatayo Total
ang nakalilipas. ng bahay. =P25K
• Nangungupahan
• Drayber ng isang
kumpanya ang
asawa.
Malabanan I “Juan for All”: Para kay Juan nga ba? 257
Martes, Abril Liza • Taga-Tondo, Manila Makauwi ng • Tulad sa P80K P105K
19, 2022 Venturina na ngayon ay nasa Pilipinas at itaas.
Dubai makapag negosyo.
• 11 taon na OFW Total
sa Dubai bilang =P25K
kasambahay
Miyerkules, Benedicto • Taga-Compostella Makapagpagawa • Tulad sa P75K P100K
Abril 20, Salogao jr. Valley ng sariling bahay. itaas.
2022 • Dating security
guard ngunit Total
nawalan ng trabaho =P25K
dahil sa pandemya.
• Iniwan ng asawa.
• Nagtitinda na
lamang ng saging
sa tabing kalsada.
• Paaalisin na
sa kaniyang
tinitirahan
Huwebes, Esmeralda • Taga-Malabon • Pangmatrikula • Tulad sa P70K P95K
Abril 21, Fulgencio • Namatayan ng ng mga anak. itaas.
2022 asawa noong • Pambayad sa
isang taon dahil sa mga utang dahil Total
kanser sa pagkamatay =P25K
ng asawa.
Biyernes, Baby Jane • Taga- Pangasinan Para makabili • Tulad sa P70K P95K
Abril 22, Albano • Guro na malayo ng sidecar ng itaas.
2022 ang pinapasukang motor pamasok sa
eskuwelahan sa trabaho Total
kabilang bayan. =P25K
Sabado, Michelle • Taga-Cavite Para makaipon ng • Tulad sa P80K P105K
Abril 23, Magbanua • Nakatira sa ilalim pambayad ng upa itaas.
2020 ng tulay katabi ng sa bahay.
ilog Total
• Pinapaalis na sa =P25K
tirahan dahil
malapit na itong
gibain
• Delikado ang
kinatitirikan ng
tirahan.
Lunes, Abril Gemma • Taga-Pampanga • Pandagdag sa • Tulad sa P75K P100K
25, 2022 Canasa • May anak na gamutan sa itaas.
kambal (37 kambal na anak.
taong gulang) • Pampaayos ng Total
na may sakit na bahay =P25K
schizophrenia.
• Nakakakuha
ng gamot sa
pampublikong
center ngunit hindi
sapat.
258 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Pangatlo at panghuling bahagi ng programa ang pagpapakilala ng
mga isponsor. Sa kabuuan ng palaro, ritwal ang pagpapakita ng mga logo
ng isponsor. Ipinangangalandakan ng mga host ang mga halaga ng cash na
ibinigay at mga kagamitang ipinamahagi ng isponsor upang lalong makilala
ng odyens ang mga produkto ng isponsor. Ang mga benepisiyong nakukuha
ng programa at isponsor mula sa isa’t isa ang tunay na nagpapatakbo at
nagbibigay ng direksiyon sa programa.
PANGALAWANG DULOG: ANG KONTEKSTO NG “JUAN FOR ALL”
Para higit na maunawaan ang segment na ito, kailangang usisain ang
naging kasaysayan at pagka-unlad ng Eat Bulaga, ang kabuuang programang
kinabibilangan ng segment, at ang prodyuser at mga host na naging mukha na
ng programa mismo.
Kasaysayan ng Eat Bulaga
Ang EB ay unang napanood sa telebisyon noong Hulyo 30, 1979 at
napapanood pa hanggang ngayon. Sa taong 2020, ang EB na ang pinakamatagal
na programa sa kasaysayan ng telebisyon sa Pilipinas (Manzanilla 2020). Una
itong ipinalabas sa RPN Channel 9, sa ilalim ng TAPE Inc. at katapat niya noon
ang noontime variety show na may pinakamataas na rating noong dekada 1970
-- ang Student Canteen. Ang pamagat na “Eat Bulaga” ay nilikha ni Joey de
Leon. Nagmula ang pamagat sa laro ng bata na “It Bulaga” o “peak-a-boo” sa
Ingles, habang ang “eat” naman ay tumutukoy sa ginagawa ng mga tao sa oras
ng tanghalian at ang “bulaga” ay nagpapahiwatig na ang palabas ay puno ng
mga sorpresa (Manzanilla 2020). Ang trio ng magkapatid na Tito at Vic Sotto,
at kaibigan nilang si Joey de Leon ang naging pangunahing tagapaghatid o
host ng programa.
Hindi naging madali para sa programa ang pagtatangkang lampasan
ang mga kasabay na pantanghaliang palabas. Sa kanilang pagsisimula, ang
karaniwang rating ng EB ay 5.2% laban sa 57.6% na rating ng katunggaling
Student Canteen. Mababa ang kita nito sa unang buwan kaya may ilang co-
host ang hindi nakatanggap ng kanilang mga suweldo sa tamang oras. Sa
unang anibersaryo ng programa, binigyan ang EB ng tatlong buwang palugit
upang mapabuti ang kanilang mga rating. Kung hindi, kakanselahin na ang
programa.
Sa kabutihang palad, dahil sa pagpasok ng domestic satellite broadcast
noong Mayo 18, 1982, naging posible na ang aktuwal na pagpapalabas sa
telebisyon. Dagdag pa, isinama na rin sa programa si Coney Reyes, isang
maganda at sikat na personalidad na mahusay mag-host. Mula noon,
Malabanan I “Juan for All”: Para kay Juan nga ba? 259
nagsimula nang tumaas ang rating ng EB at dumagsa na ang mga adbertayser.
Tiyak na ang pagpapatuloy ng programa.
Sa programang “Eat... Bulaga!: The DOMSAT Launch” noong
1982, pinasinayahan ang orihinal na awitin ng palabas na naging tatak na ng
programa. Ang liriks ay isinulat nina Vincent Dybuncio at Pancho Oppus,
ang melodi ay binuo ni Vic Sotto at inareglo naman ni Homer Flores. Noong
1988, sa ika-9 na anibersaryo ng palabas, ang liriks sa ikatlong saknong na
nagbabanggit ng mga pangalan ng mga pangunahing tagapaghatid ay binago
upang isama si Aiza, na siyang nanalong Little Miss Philippines runner-up
(Eat Bulaga! Wiki, n.d.).
Noong Pebrero 18, 1989, inilipat ang programa sa ABS-CBN, at
lalo pang tumaas ang kanilang rating. Ang liriks ng temang awitin ng EB ay
hindi nagbago kahit na lumipat ang programa sa ABS-CBN. Gayumpaman,
idinagdag sa programa ang ibang mga host, tulad nina Jimmy Santos, Ruby
Rodriguez, Christine Jacob, Rio Diaz, at Lady Lee. Noong 1995, sa mismong
araw ng pag-alis ng EB sa ABS-CBN para lumipat sa GMA, binago ang liriks
para ipakita ang dumaraming bilang ng miyembro ng programa (Eat Bulaga!
Wiki, n.d.).
Taong 1998, kasabay ng sentenaryo ng kalayaan ng Pilipinas, ang
unang linya, “Mula Aparri hanggang Jolo” (isang ekspresiyong tumutukoy sa
buong Pilipinas) ay pinalitan ng “Mula Batanes hanggang Jolo.” Ito’y tugon
sa isang liham mula sa pamahalaan ng Batanes tungkol sa hinaing ng mga
taga-Batanes na sila’y hindi isinama sa temang awitin ng programa. Pero
anupaman ang liriks, di na mapigilan ang paglaganap ng mga pangalang Tito,
Vic, at Joey. Waring naging mukha na ng palabas ang trio, kahit noong umalis
na si Tito Sotto sa programa para ipagpatuloy ang kaniyang karera sa pulitika.
Mula nang lumipat ang programa sa GMA, nag-organisa ang EB ng
mga tour sa ibang bansa tulad ng Singapore, Hongkong, at Hilagang Amerika
para umugnay sa mga Pilipino sa diaspora. Ang EB ay nagbigay pa ng
prangkisa sa isa sa mga nangungunang network ng telebisyon sa Indonesia.
Sa mahigit na apat na dekada mula 1979, naging popular ang EB
dahil sa mga pageant at talent search segment ng palabas, kasama na ang “Mr.
Macho” (1980), “Mr. Pogi” (1996), at “That’s my Boy” (1991) para sa mga
kalalakihan; “Little Miss Philippines” (1984), “She’s Got the Look” (1991), at
“TeeVee Babe” para sa mga kababaihan; “Super Sireyna” (1995) na nagkaroon
ng parody version na “Suffer Sireyna” (2018) para sa mga gay o transwomen;
“Maid in the Philippines” (2009) para sa mga kasambahay; at “You’re my
260 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Foreignoy” at “You’re my Foreignay” para sa mga banyagang matagal
nanirahan sa Pilipinas. Nagkaroon rin ang EB ng mga patimpalak na may
pera at iba’t ibang materyal na papremyo gaya ng “Send In Your Dreams” na
naging tulay ng palabas na “Wish ko Lang” (GMA), “Lottong Bahay,” “Meron
o Wala,” “Laban o Bawi,” at ang sikat na “Pinoy Henyo” (2004).
Mga Prodyuser at Host
Ang Television and Production Exponents, Inc. (TAPE, Inc.) ang
prodyuser ng longest running noontime variety show na Eat Bulaga! Ayon
sa Wikipedia (n.d.), ang television production company ay itinatag noong
1978 ni dating ABS-CBN sales executive Romy Jalosjos, kasama sina Antonio
“Tony” Tuviera, Vic Sotto, Tito Sotto, at Joey de Leon. Ilan sa mga palabas
na naprodyus ng TAPE, Inc. ay ang Coney Reyes on Camera, Okay ka,
Fairy Ko!, Daisy Siete, Startalk, Wow Mali, at Mel & Joey. Sa pagpapalabas
ng EB mula 1979, naging kasosyo ng TAPE ang Radio Philippines Network
(RPN) at ABS-CBN bago ito mapunta sa GMA Network Inc. noong 1995. Sa
kasalukuyan, ang opisina at istudyo nito ay nakatayo sa Xavierville Avenue,
Loyola Heights, Quezon City.
Ang comedy trio nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon (TVJ) ang
una at longest-serving co-host ng EB. Mula dekada 1970, naging aktibo na ang
TVJ sa pagpapapatawa sa musika, pelikula, at telebisyon. Saklaw ng kanilang
mga estilo ang slapstick comedy, parody, observational comedy, at wordplay
(Eat Bulaga! Wiki, n.d.). Naging host rin ang TVJ ng mga palabas na Okay
Lang (1972-1974), Discorama, Student Canteen, at Iskul bukol (1975-1978).
Nagsimula ang TVJ sa EB noong Hulyo 30, 1979, tumagal nang higit na apat
na dekada, at nanatiling mukha ng EB. Sa kasalukuyan, si Vic at Joey ang
tumatayong pangunahing host ng palabas, samantalang bihira nang makita si
Tito dahil sa paglahok niya sa pulitika.
Liban sa TVJ, ang mga namamalaging co-host sa palabas ay sina
Jose Manalo (mula 1994), Allan K. (mula 1995), Wally Bayola (mula 2000),
Paolo Ballesteros (mula 2001), Pauleen Luna (mula 2014), Ryan Agoncillo
(mula 2009), Ryzza Mae Dizon (mula 2012), Alden Richards (mula 2015),
at Maine Mendoza (mula 2015). Lahat sila ay may estilo ng paghohost na
nagiging komplementaryo sa estilo ng pagpapatawa ng TVJ: ang pagbato
ng mga biro, pagpapakita ng mga nakatatawang hitsura ng mukha at mga
kilos habang nagpupunta sa iba’t ibang lugar (sugod-bahay) o nag-iinterbyu
ng mga kalahok. Sa panahon ng pandemya, ilan sa nadagdag na co-host ng
palabas ay sina Maja Salvador (mula 2021) at Miles Ocampo (ngayong 2022).
Malabanan I “Juan for All”: Para kay Juan nga ba? 261
PANGATLONG DULOG: ANG DATING NG “JUAN FOR ALL”
Sa telebisyon ang popularidad ng isang programa ay masusukat sa
dami ng kompanyang naglalagay ng kanilang patalastas sa programang iyon.
Hindi maikakaila na ang segment ng “Juan for All” ang may pinakamaraming
patalastas, at manonood na rin. Pero bakit nga ba dinudumog ng tao ang “Juan
for All” at ano ang nakikita nila rito na bumabalani sa kanila para manood.
Pagtuunan natin ng pansin ang bahagi ng EB na Kalyeserye, partikular, ang
penomenon ng AlDub. (Tingnan ang Larawan 4 sa pahina 142)
Para kay Marquez (2015), ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa
AlDub ay hindi lamang dahil makisig at maganda sina Alden at Yaya Dub.
Higit dito, makikita sa dalawa ang paggalang sa mga tradisyunal na mga
kaugaliang kinagisnan ng mga Pilipino. Tatlong kaugalian at pagpapahalaga
ang binanggit ni Marquez. Una na ang paggalang sa mga nakatatanda hindi
lamang dahil sa kanilang edad kundi dahil na rin sa kanilang kaalaman.
Ipinakita nina Alden at Yaya Dub ang ganitong pagpapahalaga sa paghalik
nila sa mga kamay ni Lola Nidora (pagmamano) at sa pagsunod sa mga payo
ng mga nakatatanda. Pangalawa ang pagpapahalaga sa pasensiya at tiyaga.
Ipinakita sa serye kung paanong naghintay sina Alden at Yaya Dub para sa
“tamang panahon” para sila ay magkita at kung paano nila parehong sinikap
na malampasan ang bawat pagsubok na dumating sa kanila. Lumaganap
ang temang ito, kaya naging pamagat na rin ng kanilang programang pang-
anibersaryo na #AldubEBTamangPanahon. Ang pangatlo ay ang halaga ng
paggalang sa kababaihan. Nagustuhan ni Alden si Yaya Dub dahil siya ay
marangal na babae, kaya naman sumunod si Alden sa kaugalian ng tradisyunal
na panliligaw na may pahintulot ng nakatatanda, si Lola Nidora. Ipinakita rin
ang pagiging maginoo ni Alden nang igalang niya ang desisyon ni Yaya Dub
na hindi siya siputin dahil may obligasyon itong dapat tuparin sa kaniyang
Lola Nidora.
Sa datos ng AGB Nielsen Philippines at Kantar Media, 2015 ang taon
kung kailan nagtala ang EB ng pinakamataas na rating laban sa katapat na
noontime show na It’s Showtime: 50.8% para sa EB, laban sa 5.4% ng It’s
Showtime (Siazon, 2016). Ito ang taon kung kailan ipinalabas sa telebisyon
ang pambihirang split-screen na “AlDub” at kumita ang programa ng 14 na
milyong piso. Sa pamamagitan ng nasabing palatuntunan, naipakilala ng
dalawa ang kanilang mga talento at naipakita rin ang kanilang halaga sa
prodyuser at isponsor. At nabuo ang isang siklo ng pagbebenta: ang mga
artista na ibinibenta ang kanilang talento sa mga kapitalista, at ang mga
kapitalista na nagbebenta ng kanilang mga produkto sa pamamagitan ng
palabas at ng mga artista.
262 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Ang Kalyeserye ay lumikha din ng isang grupo ng mga tagahanga
na tinatawag na “AlDub Nation” na naging panatiko sa pagsunod sa dalawa.
Ang paniniwala sa parehang AlDub, ayon kay Gerry Lanuza (2015), ay
maihahambing sa isang relihiyon— sa pagkakaroon nito ng sariling oras,
lugar, doktrina, pinagsimulang mito, mga ritwal, mga altar, kasangkapan,
wika ng katawang “pabebe wave,” mga kontrabidang sina Frankie Arinoli
at Durizz, at mga “santong” sina Alden at Yaya Dub. Ang kanilang palabas
ay parang Orasyon o Angelus tuwing ika-6 ng gabi, kung kailan tumitigil
ang lahat para magdasal. Nagbunga ito, ayon kay Marquez (2015), ng isang
“collective [un]conscious” sa mga fans na handang banatan (cyber-bullying)
ang sinumang pumuna sa kanilang mga sinasanto.
At di lamang mga fans ang nahumaling sa koponang AlDub. Maging
ang karaniwang mamamayan ay nanood ng palabas dahil may handog itong
aliw na nakagagayuma. Ayon sa Philippine Statistics Authority 2008), ang
telebisyon ang isa sa mga pinakakaraniwang kasangkapan na mayroon ang
mahihirap na pamilyang Pilipino. Dito sila nakahahanap ng kasiyahan na
masasabing isang uri ng pagtakas sa realidad. Wika nga ni Rolando Tolentino
(2010), “Melankolia ang kahirapan dahil parating ipinapaalala ang malawakan
at malaganap na antas nito sa pang-araw-araw na buhay. Ito ang nais takasan
ng manonood at mamamayan, ang historical at tunay na reyalidad ng lipunan
at buhay.” Napapalitan ng EB ang pangit na realidad ng isang uri ng mundo
kung saan nagkakatotoo ang mga pantasiya, lalo na kung sinasangkapan ng
imahe ng mga “bayaning” tulad ni “Bossing” Vic Sotto na namumudmod
ng salapi at regalo, at tumatayong tagapagligtas (tulad ng kaniyang papel sa
mga pelikulang Enteng Kabisote) ng mga hikahos at nagigipit sa panahon ng
krisis.
ANG “JUAN FOR ALL “SA PANANAW
NG KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
May ilang temang mahahango sa panonood ng segment na ito na
magandang suriin sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO.
Ang Pagbura ng Kontradiksiyon sa Lipunan
Ang orihinal na presentasyon ng studio split-screen na makikita sa
Larawan 3 (pahina 142) ay tila ilustrasyon ng mismong social stratification o
pagkakahati ng mga tao sa ating lipunan ayon sa uri na kinabibilangan nila.
Nagpapakita ito ng dalawang uri ng lugar: Ang sa kaliwa ay tirahan ng kalahok
sa isang lugar na hindi pangmayaman at ang sa kanan naman ay binubuo ng
Broadway studio sa ibaba at tirahan ni Vic Sotto sa itaas. Ang dalawang uri ng
Malabanan I “Juan for All”: Para kay Juan nga ba? 263
lugar na ito ay kumakatawan sa magkaibang mundo ng masang manonood na
walang ginhawa at ng mayayamang elit na pook ng ginhawa.
Ngunit sa pagtatabi ng dalawang imaheng ito sa kaliwa at kanan ng
iskrin, tila sinasabi na walang mataas o mababa alinman sa kanila. Higit pa,
sa pagsalo ng mayaman sa mahirap sa oras ng kanilang pangangailangan, tila
nadidisimula ang malaking pagkakaiba ng antas sa lipunan ng dalawang sektor
na ito. Sa halip na kontradiksiyon sa pagitan ng mga uri, ang nailalarawan
ay ang mabuting pag-uugnayan ng dalawang uri dahil sa “kabutihan” at
“pagmamalasakit” ng nakatataas na uri. Sa ganitong pagbura sa tagibang na
kalagayan ng mga uri, natatakpan na rin ang kawalan ng pagkakapantay-
pantay sa tunay na lipunan. Paano haharapin at lulunasan ang kawalang ito
kung nabura na ito ng “mapagkandiling” kamay ni Bossing?
Ang Paggamit sa Tradisyon
Tulad ng nabanggit sa itaas, kinalugdan ang Kaleserye nina AlDub
dahil pinakita nito ang pagsunod nina Alden at Yaya Dub sa matatandang
paniniwala at pag-uugali. Isa sa paniniwalang ito ang pagdambana sa imahe
ni Maria Clara bilang huwaran ng kababaihan. Nakikita ito sa konserbatibong
pananaw nina Yaya Dub at Lola Nidora sa kababaihan na nagsasabing ang
babae ay dapat tahimik at mahinhin, matiisin at sanay sa pahirap, masunurin
sa magulang at lahat ng simbolo ng awtoridad, mapag-alaga sa pamilya
at sa sarili niyang puri. Ang pigurang ito ni Maria Clara ang ugat ng mga
pahirap na dinanas at dinadanas ng kababaihan hanggang sa kasalukuyan.
Ayon sa ganitong huwaran, dapat sumunod na lamang ang babae sa anumang
ibigin ng kaniyang magulang o asawa sapagkat ang pangunahing tungkulin
niya ay ang maging masunuring anak o “mabuting” asawa. Hindi siya dapat
maghanap ng sariling buhay at identidad o kaganapan bilang tao, sapagkat
ang buhay niya at halaga sa buhay ay ang kaniyang pamilya lamang.
Ang imaheng ito ni Maria Clara ay hindi nilikha ni Jose Rizal kundi
ng mga konserbatibong kalalakihan at kababaihan sa simula ng siglo 20.
Gaya ng pangangatwiran ni Carmen Guerrero-Nakpil (1963, 33): “Instead
of giving their attention to her [Maria Clara] strength, her nobility, her
inherent stubbornness, they made a cult out of her capacity for blind
obedience, for fainting and blushing.”
Komodipikasyon ng Tradisyunal na Paniniwala
Ang tagline ng pangalawang pamagat ng “Juan for All” bago
magpandemya ay “Bayanihan of d’ Pipol” (Tingnan ang Larawan 4 sa pahina
264 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
142). Ang bayanihan ay matanda at magandang pag-uugali ng mga Pilipino, na
nanggaling sa salitang “bayani” (hero) at nangangahulugan ng pagtutulungan.
Ang diwa ng bayanihan ay diwa ng pagkakaisa ng isang komunidad upang
makamit ang isang magandang layunin. Nakikita ito sa kaugalian ng mga
taga-baryo na tumutulong sa pamilyang maglilipat ng titirhan. Sama-sama
nilang binubuhat ang bahay ng pamilya tungo sa lugar na paglilipatan. Sa
paglipas ng panahon, ang salitang bayanihan ay nagkaroon na ng iba’t ibang
interpretasyon, ngunit hindi pa rin nawala ang kaugnayan nito sa pagkilos
nang sama-sama ng mga miyembro ng komunidad nang walang hinihintay
na kapalit.
Sa unang malas, tila nauunawaan ng “Juan for all” ang diwa ng
bayanihan, dahil nagagawa nitong makuha ang partisipasyon ng mga tao
sa iba-ibang komunidad sa pag-iipon ng mga boteng plastik na ire-recycle
para maging upuan ng mga estudyante sa mga piling paaralan. Ngunit tila
nalilimutan din ng programa ang totoong diwa ng bayanihan na ang pagtulong
ng isang buong komunidad ay walang hinihinging kapalit. Sa programa,
nahihikayat ang manonood na mangalap ng mga boteng plastik hindi upang
makatulong kundi para lamang manalo ng premyo mula sa ‘Bayanihan line’
ng programa. Tila ba ginagamit na lamang ang konsepto ng bayanihan bilang
taktika sa paghikayat ng mas maraming manonood, na siyang aakit naman sa
marami pang isponsor. Sa gayon, tagumpay ang programa sa pagsusulong ng
komodipikasyon ng isang magandang tradisyon ng mga Pilipino.
Ang Pag-asa sa Suwerte
Sa panahon ng pandemya, ang naging tagline at pangalawang
pamagat ng “Juan for All” ay “Parating na ang Swerte.” Idinidiin at isinusulong
ng programa ang paniniwala sa suwerte at sa pag-asa sa suwerte bilang sagot sa
kahirapan. Ang pananaw na ito ay bunga ng pangyayaring anuman ang gawin
niyang kayod ay hindi rin naman makaaahon ang isang pobre sa kahirapan.
Wala siyang kapital, wala siyang kilalang “malakas” o mayaman. Kulang ang
kaniyang pinag-aralan para makahanap ng disenteng trabaho. Kaya naman,
sa halip na itanong kung bakit ganoon ang kaniyang sitwasyon, napapaniwala
ang mahihirap na talagang itinadhana ang kanilang pagiging pobre at wala
na silang magagawa kundi isuko ang sarili sa mas malakas na puwersa – ng
“sansinukob” o ng establisimiyento o ng hierarkiya ng lipunan, at siyempre pa,
sa suwerte. (Casiño 2009). Sabihin pa bang sa ganitong pag-asa sa suwerte,
nawawalan na ng sariling pagpapasiya ang maraming mahihirap na Pilipino
at hindi na nauungkat ang tunay na ugat ng kanilang kahirapan.
Malabanan I “Juan for All”: Para kay Juan nga ba? 265
Ang Komodipikasyon ng Kahirapan
Sapagkat ang istorya ng kalahok ang nagiging sentro ng palaro,
nagpagpipiyestahan ang buhay ni Juan. Habang natutuwa tayo sa
pagpanood sa kaniya habang nakangiti niyang hawak ang premyong pera o
kasangkapan, nakikita natin kung paano pinagsasamantalahan ang kaniyang
paghihirap. Ang kuwento ni Juan ay kuwento ng tunay na lungkot at pighati.
Sa pagsasalaysay ng kaniyang kuwento sa “Juan for All,” napapapayag ang
kalahok na gawing aliwan ng manonood ang kuwento ng kaniyang lagi-na-
lang-kapos na buhay.
Kung susuriin sa pananaw ni Althusser, ang “Juan for All” ay
nagpapalaganap ng pananaw, paniniwala, at halagahin na bahagi ng
kamalayang umaayon at nagtataguyod sa kasalukuyang “kaayusan” ng
lipunan. Ang komodipikasyon ng matandang kaugalian ng bayanihan at
ng mga kuwento ng kahirapan ay estratehiya para lalo lamang lumaki ang
bilang ng manonood at ng isponsor at kita ng programa. Sa ganitong paraan,
lalo lamang lumalakas ang oryentasyong kapitalista ng programa at ng
lipunan. Ang paggamit at pag-endorso sa mga konserbatibong paniniwala
at kaugalian tungkol sa kababaihan at sa pamilya ay nagpapatibay naman sa
konserbatibong pag-iiisip na pumapanig at sunod-sunuran sa patriyarkiya.
Ang pagbura sa mga kontradiksiyon ng mga uri at pagsusulong sa suwerte
bilang solusyon sa mga tunay na suliranin ng kahirapan ay estratehiya para
hindi na maungkat pa ang kawalan ng yaman at oportunidad ng mahihirap
at ang kawalan ng pagkakapantay-pantay sa lipunan. Sa pagpapalakas sa
kapitalismo, konserbatismo, at patalismo, napagtitibay at magpapatuloy
ang mapang-aping kaayusan ng lipunang Pilipino. Ang mga paniniwala at
pagpapahalagang pinalalaganap ng programa ay mga balakid sa pagkakaroon
ng pagkakapantay-pantay ng lahat ng uri at kasarian sa lipunan at sa
pagkakamit ng Pilipino ng kaganapan ng kaniyang pagkatao. Ang “Juan for
All, All for Juan” ay hindi para kay Juan. – Ang artikulong ito ay may dagdag
na mga datos, pangungusap, at talata mula kay Nicanor Tiongson. —ed.
MGA SANGGUNIAN
Althusser, Louis. 1973. Lenin and Philosophy and other Essays (Salin ni Ben
Brewster). New York: Monthly Review Press. 127-188.
__________. 2004. Ideology and Ideological State Apparatus. J. Rivkin at M.
Ryan (mga ed.) Literary Theory: An Anthology. Ed. 2. Malden, MA: Blackwell.
693-702.
266 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Asis, Zea. “Why It’s Time To Rewrite Maria Clara and Our Filipina Story.”
https://www.shopcambio.co/blogs/news/why-it-s-time-to-rewrite-
maria-clara-our-filipina-story
Berger, Arthur Asa. 2000. Media and Communication Research Methods.
Thousand Oaks, CA: Sage Publications. 73-74.
Casiño, Tereso. 2009. “Mission in the Context of Filipino Folk Spirituality:
Bahala Na as a Case in Point.” Papel na Binasa. Oungnak Presbyterian
Church, Seoul, South Korea.
Eat Bulaga! Wiki (n.d). “Theme song of Eat Bulaga”. Nakuha Abril 1,
2022. https://eatbulaga.fandom.com/wiki/Theme_song_of_Eat_
Bulaga!#Visayan_version
_________. (n.d). “Juan for All, All for Juan.” Nakuha Abril 1, 2022. https://
eatbulaga.fandom.com/wiki/Juan_for_All,_All_for_Juan
_________. (n.d). “TVJ.” Nakuha Setyembre 7, 2022. https://eatbulaga.
fandom.com/wiki/TVJ
Gitlin, Todd. 1987. “Prime time Ideology: The Hegemonic Process in
Television.” H. Newcomb (ed.). Television: The Critical View (Ed. 4.).
New York: Oxford Press.251-266.
Guerrero-Nakpil, Carmen. 1963. Woman Enough and Other Essays. Quezon
City: Vibal Publishing House
Lanuza, Gerry. 2015. “The Gospel According to AlDub: #AlDubNation as
Religion.” https://www.rappler.com/voices/imho/110503-gospel-
aldub-aldubnation-religion/
Manzanilla, JPaul. 2020. Eat Bulaga! https://epa.culturalcenter.gov.
ph/8/67/1435. Nobyembre 18.
Marquez, Leander. 2015. “A Philosopher’s Two Cents on the #AlDub Craze.”
https://www.rappler.com/moveph/107273-aldub-philosophy-filipinos/
Siazon, Rachelle. 2016. “Guinness World Records Declares
#AldubEBTamangPanahon as Most Retweeted Hashtag in 24 hours.”
https://www.pep.ph/news/62590/guiness-world-records-declares-
aldubebtamangpanahon-as-most-retweeted-hashtag-in-24-hours
Malabanan I “Juan for All”: Para kay Juan nga ba? 267
“TAPE Inc.” Nakuha Setyembre 7, 2022. https://en.wikipedia.org/wiki/
TAPE_Inc.
Tiongson, Nicanor G. 2022. “Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO:
Apat na Dulog sa Pagsusuri ng Likhang-Sining ng PIlipinas.” Ikalawang
DESK-TP Seminar-Worksyap sa Sining at Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO para sa PUP. Agosto 10. Sa librong ito.
Tolentino, Roland. 2010. Gitnang Uri ng Fantasya at Material na Kahirapan
sa Neoliberalismo: Politikal na kritisismo ng Kulturang Popular. Manila:
UST Publishing House.
268 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
Apendise
MGA PAGLALAGOM NG SEMINAR-WORKSYAP
NG DESK-TP PARA SA PUP PARA SA MGA
TAONG 2021 AT 2022
Inihanda at binasa ni
Nicanor G. Tiongson
Direktor ng Kurikulum
I. PAGLALAGOM NG 2021 DESK-TP SEMINAR WORKSYAP
SA SINING AT KAMALAYANG PILIPINO PARA SA PUP
A. BAGONG KURIKULUM NA PINASADYA PARA SA PUP
Kaiba sa lahat ng nakaraang DESK seminar-worksyap ang katatapos
na DESK-TP seminar-worksyap sa PUP, dahil sa mga sumusunod. Una, isang
bagong kurikulum ang dinisenyo para sa PUP dahil ang mga kasapi ay mga
guro na nagtuturo kung paano magbasa o sumuri ng mga likhang-sining –
akdang pampanitikan, dula, sayaw, awit o konsiyerto, obrang-arkitektura,
pintura, print o iskultura, pelikula, drama sa radyo o sitcom sa telebisyon.
Pangalawa, dahil kailangan ng mga guro ang pamantayan para sa kritisimo
ng mga akdang-sining, nabuo ang apat na dulog sa pagsusuri ng likhang-
sining na Pilipino, kasama na ang dulog na nagtataya sa isang likhang-sining
sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. Pangatlo, dahil kailangan
ng mga guro ng introduksiyon sa lahat ng sining, nagkaroon ng mga lektyur
at video-showing tungkol sa kasaysayan ng bawat anyo ng sining sa Pilipinas,
pero binago ang worksyap sa hapon para sa bawat anyo ng sining. Sa halip
na magbigay ang mga lektyurer ng worksyap na sila ang nagtuturo, hiniling
sa mga kasaping guro na sila ang magbigay ng ulat na nagsusuri sa isang
likhang-sining na pinili ng mga lektyurer.
B. BAGONG PAMANTAYAN SA PAGSUSURI:
KAMALAYANG PILIPINO NA MAKA-TAO
Ang pinakamahalagang pagbabago sa DESK-TP seminar-worksyap
na ginawa sa PUP ay ang pagkakabuo at paggamit sa unang pagkakataon
ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO (KAMPIT) bilang pangunahing
balangkas sa pagsusuri ng mga likhang-sining na Pilipino. Tulad ng nasabi na,
nagsimula ang DESK sa pagbibigay-diin sa halaga ng "Katutubong Pananaw"
269
sa pagsusuri at paglilkha ng mga likhang-sining na Pilipno. Ito ang naging
reaskiyon ng mga guro ng DESK sa napakalakas na impluwensiya at presensiya
ng oryentasyong Kanluranin sa ating bansa. Pero sa pagdaan ng panahon,
napag-isahan na tila mas mabuting gawing oryentasyon ang mas malawak na
konsepto ng "Kamalayang Pilipino." Ginamit ito sa ilang seminar-worksyap
ng DESK.
Sa DESK-TP seminar-workyap para sa PUP unang nabuo ng direktor
ng kurikulum ang konsepto ng “Kamalayang Pilipino” bilang “Kamalayang
Pilipino na Maka-TAO”. Nakita niya na hindi sapat ang Kamalayang
Pilipino lamang para mataya ang halaga ng isang likhang-sining dahil
mabuway at magulo ang konsepto ng “Pilipino” (Ang masama at mabuting
pag-uugali ay kapwa matatawag na Pilipino kung ang nagtataglay nito ay
mamamayang lumaki sa Pilipinas). Kailangan na linawin pa ang kahulugan
ng Kamalayang Pilipino para magamit bilang pamantayan sa pagtimbang
ng likhang sining o katangian o kaugalian ng Pilipino sa kasalukuyan at
para sa kinabukasan. Dito nabuo ang konsepto ng Kamalayang Pilipino na
Maka-TAO, na nagsasanggalang, nagtataguyod, at nagpapalakas sa mga mga
karapatan ng bawat Pilipino para makamit niya ang kaganapan ng kaniyang
pagkatao sa antas an pisikal, sikolohikal, inteleketuwal, ispirtuwal, pulitikal,
pangkabuhayan, at kultural. Sa pagpapahalaga ng likhang-sining, isa lamang
ang tanong na dapat sagutin: ang likhang sining o katangian o kaugalian bang
ito ay nakatutulong o nakasasagabal sa pagkakamit ng Pilipino sa kaniyang
kaganapan bilang TAO?
K. BAGONG GRUPO NG MGA LEKTYURER
Para sa seminar-workyap na iito, halos lahat ng mga tagapanayam
ay ngayon pa lamang maglelektyur at magwoworksyap para sa DESK. Inisip
namin na marahil ay panahon na para mag-anyaya ng ibang magsasalita na
dalubhasa sa kanilang mga larangan (ang karamihan sa kanila ay nagsilbing
manunulat at/o editor ng CCP Encyclopedia of Philippine Art (Edisyon 2),
maalam sa mga paraan ng pagsusuri sa sining, may oryentasyong makabayan,
at bukas sa paggamit ng iminumungkahi naming apat na dulog sa pagsusuri
ng likhang-sining na Pilipino, lalo na sa pananaw ng Kamalayang Pilipino na
maka-TAO. Bukod dito, pinili din ang mga dalubhasang ito dahil na alam
naming mahusay silang magturo at may malasakit sila sa tinuturuan, lalo
na kung ang mga ito’y kapwa guro. Sa aming palagay, napatunayan natin sa
nakaraang seminar-worksyap na sila nga ay tunay na maalam sa kanilang
larangan, mahusay na gabay sa pagtuturo ng sining, at may damdaming
makabayan at Maka-TAO.
270 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
D. BAGONG PORMAT NG WORKSYAP
Sa unang pagkakataon sa mga DESK seminar-worksyap ay nagkaroon
ng pag-uulat ang mga partisipant. Ito’y hindi lamang para magkaroon ng
aktibong partisipasyon ang mga kasapi sa worksyap, kundi lalo’t higit para
makatulong ang worksyap sa paggawa ng mga ulat na magpapahayag ng
mga kuru-kuro ng mga kasapi at magagamit din sa mga pagtuturo ng mga
kasaping guro. Kung baga, ang woksyap ay dinisenyo para maging praktikum
para magamit ang mga natutuhan sa mga panayam. At para lalo pang matuto
ang mga kasapi, nagpasiya ang DESK na magkaroon ng talakayan pagkatapos
ng bawat ulat na pamumunuan ng lektyurer sa sining na tinatalakay, ng
kurikulum direktor, at worksyap direktor. Sa mga obserbasyon at mungkahi
ng panel na ito, nabatid ng mga nag-ulat kung ano ang magandang nailahad
ng ulat at ano ang dapat pang pagbutihin.
Sa pangkalahatan, mahusay ang kinalabasan ng mga ulat sa
worksyap, sapagkat nakita ang pagpupursigi ng karamihan na gumawa ng
masusing pananaliksik at mag-ulat sa isang buhay, malinaw, at epektibong
paraan. Gayunman, maaari pa ring palalalimin o kinisin ang mga ulat na ito,
lalo na kung ihahanda sila para sa publikasyon.
E. UNANG SEREMONYA NG PAGTATAPOS
Sa aming pananaw, nakamit ng seminar-worksyap na ito ang
kaniyang mga layunin sa isang mataas na antas. Kaya naman, sa unang
pagkakataon ay magkakaroon ng seremonya ng pagtatapos ang DESK-TP. Ito
ay napagpasiyahan ng mga direktor ng seminar-worksyap para a) kilalanin
at pasalamatan ang pagdalo ng lahat ng kasapi na matiyagang nakilahok sa
kabuuan ng seminar-worksyap (lahat ay tatanggap ng Katibayan ng Pagdalo);
2) kilalanin ang mga kasaping-guro na nagpakita ng pinakamahusay na
pananaliksik at pag-uulat sa paksang ibinigay sa kanila (Lahat sila ay tatanggap
ng Katibayan ng Kahusayan); 3) kilalanin ang grupo na may pinakamaraming
pinakamahusay na ulat (Ito ay tatanggap ng Katibayan ng Pagkilala); at 4)
kilalanin ang balediktoryan ng Pangkat Manunggul, na pinili dahil siya ang
lider ng pinakamahusay na grupo at nagbigay din siya ng isa o dalawa sa
pinakamahusay na ulat. (Siya ay tatanggap ng Katibayan ng Pagkilala).
Sa pagwawakas, nais kong tawagin ang mga tagapanayam na narito
ngayon para pasalamatan muli sila at para hingan sila ng ilang kataga para sa
mga magtatapos.
24 Setyembre 2021, Online
Apendise 271
II. PAGLALAGOM AT PAGTATAYA NG
2022 DESK-TP SEMINAR WORKSYAP PARA SA PUP
Bilang direktor ng kurikulum, nais kong lagumin ang nakaraang
PUP seminar-worksyap sa ilalim ng sumusunod na apat na kategorya: 1) ang
mga lektyur at worksyap na ibinigay at pinamahalaan ng mga dalubhasang
taga-panayam, 2) ang partisipasyon ng mga guro ng PUP, 3) ang pagkaunawa
sa apat na dulog at sa Kamalayang Pilipino na Maka-TAO. Magwawakas ako
sa pagkilala sa mga partisipant ng seminar-workyap at sa pasasalamat sa lahat
ng tumulong para maging matagumpay ang seminar-worksyap na ito.
Una, sa aking pakiwari ay naging mas matagumpay ang mga lektyur
na ibinigay sa taong ito sapagkat mas malinaw at mas organisado ang mga
ito kaysa noong isang taon. Mas nabuo ang pagtalakay sa kasaysayan ng
bawat sining at mas maganda rin ang ginamit na mga litrato at video para
ilarawan ang mga anyo ng iba’t ibang sining. Dagdag pa, lahat ng lektyur at
powerpoint ay nasa wikang Filipino na. Gayunman, kailangan pa ring igsiian
ang ilang mga lektyur dahil kinakapos ang oras para sa pagpapalabas ng
video at/o umiigsi ang panahon para sa malayang talakayan. Sa pagnanais na
mapagbigyan ang mga tanong ng mga partisipant, madalas na lumalampas
ng mga sampu hanggang 20 minuto ang talakayan, kaya naman umiigsi
na rin ang panahon para sa pananghalian at kaunting pahinga. Kailangang
remedyuhan ito sa susunod na taon.
Sa punto ng paglalahad sa mga pamantayang gagamitin para sa
pagsusuri ng bawat sining sa mga ulat sa hapon, tila mas malinaw na rin
ngayon ang pagkaunawa sa apat na dulog at kung paano aktuwal na gagamitin
ang mga ito sa mga ulat na ibibigay. Ito’y dahil naisulat na ng mga lektyurer
ang mga pamantayang ito ayon sa mga balangkas ng ideyang pinagkasunduan
nila at ng direktor ng kurikulum. Mayroon na ring kasamang halimbawang
pagsusuri ang bawat sanaysay, para makita ng mambabasa kung paano ginamit
ng lektyurer ang apat na dulog sa analisis ng partikular na mga likhang-
sining. Ang mga sanaysay ay naisulat na rin sa wakas, dahil inihahanda na rin
sila para sa publikasyon ng librong Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-
TAO na ipalilimbag ng PUP. Ang mga obserbasyon at mungkahi na ibinibigay
ng lektyurer, ng worksyap direktor, at kurikulum direktor ay tila nakatulong
naman para maunawaan ng nag-ulat kung ano ang magandang katangian ng
ginawang report at kung ano ang maaari pang pagbutihin dito.
Pangalawa, hindi ko ibig pangunahan ang mga partisipant sa kanilang
mga pangkalahatang obserbasyon o puna sa ginawang seminar-worksyap,
ngunit sa nalikom na ebalwasyon at sa malayang talakayan sa bawat umaga,
272 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
at laluna sa mga ulat na ibinigay sa hapon, tila maaari naming sabihin na
naging matagumpay ang mga worksyap sa hapon sa pangkalahatan. Makikita
sa mga ulat na ibinigay na sinundan ang balangkas ng apat na dulog kaya
organisado ang pagkakahanay ng mga datos. Malinaw din na nauunawaan
na ng karamihan ang saklaw, halaga, at pamamaraan ng bawat dulog. At
naging kapani-paniwala ang marami sa inilahad na obserbasyon o analisis
dahil ibinatay sa pananaliksik at naging maingat sa pagtataya ng datos at sa
rasyunal na paggamit ng mga ito.
Gayunman, marami pa tayong maaring gawin para mapabuti ang
mga saminar-worksyap na ito. Hindi maikakaila na nagkaroon ng kaunting
problema sa pagkikilahok ng marami sa mga partisipant. Kung pagbabatayan
ang bilang ng partisipant sa bawat lektyur at worksyap, tila hindi nabuo ang
30 partisipant sa alinman sa mga lektyur at worksyap na ito at madalas ay
tumataas-baba ang bilang sa pagdaan ng mga oras. Sa unang pagkakataon
din, may mga woksyap na hindi nakapag-ulat ang isa sa tatlong grupo, dahil
hindi nakapunta sa konsultasyon o sa iba pang dahilan. Naging problema
din ang pagdalo sa mga Watch Party na kung minsan ay dalawa o tatlo lamang
ang nanonood kaya kinailangan ang dagdag na pagpapalabas ng dula o
pelikula o sayaw. Marahil ay maraming dahilan kung bakit nagkaganoon ang
mga pangyayari. Nariyan na ang mahinang connectivity, mga dedlayn para
sa mga trabahong dapat tapusin para sa kolehiyo, at iba pa. Marahil dapat
pag-usapang muli kung ano ang pinkamaganadang panahon para idaos ang
semimar-worksyap na ito at sino ang talagang maaaring makilahok dito.
Mapag-uusapan at malulunasan naman ang lahat ng naging problemang ito.
Pangatlo, natutuwa kami na tila mas lumilinaw na rin ngayon sa
mga guro ang kaibhan at halaga ng Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
na isinusulong ng DESK-TP seminar-Worksyap. Kailangan na lamang
na patingkarin pa ang pagkakaiba ng simpleng Kamalayang Pilipino, na
kamalayang hinuhubog sa atin ng ating nakaraan at kasalukuyang lipunan
(kung ano tayo ngayon) at ang Kamalayang Pilipino na Maka-TAO, na
kamalayang mapagpalaya na gagamitin nating pamantayan sa pagtimbang
ng likhang sining o katangian o kaugalian ng Pilipino na ating dadalhin sa
kinabukasan (kung magiging ano tayo bukas). Kaya hindi sapat na ang isang
bagay ay nakaugalian nang tukuyin bilang tipikal na katangian o halagahan
o panlasa o pananaw na Pilipino. Kailangan pa rin itanong kung ito ba ay
maka-TAO. Halimbawa, lagi nang ikinakabit sa Pilipino ang mga halagahan
na pakikisama, utang na loob, at hiya. Pero hindi dapat na tanggapin ang mga
ito bilang “taal” na mga halagahing Pilipino, dahil bagaman may positibong
aspekto ang mga ito, ang dapat pa ring linawin ay kung para saan ginagamit
ang mga ito sa isang tiyak na sitwasyon at panahon. Kung ang pakikisama
ay nagagamit para magtulungan ang magkababaryo para maangkupan ang
Apendise 273
pagkawasak ng kanilang mga bahay at kabuhayan dahil sa napakalakas na
bagyo, maganda ang halagahing ito. Pero kung ito ay ginagamit para pilitin
ang isang tapat na empleyado na tumahimik na lamang at “maki-sama” na
lamang sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, ang halagahing ito ay kasumpa-
sumpa. Paano malalaman kung ang pakikisama ay mabuti o masama? Sa
pagsagot sa isang katanungan: ito ba ay nakatutulong o nakasasagabal sa
pagkakamit ng Pilipino ng kaniyang kaganapan bilang TAO, partikular, sa
pagtatayo ng isang lipunang may pagkakapantay-pantay at pakikipagkapwa?
Kaugnay nito, hayaan ninyong ulitin ko lamang ang nabanggit ko na
sa aking lektyur:
Kung gayon, ang ating pagpupunyagi ay hindi dapat
ibuhos sa paghahanap lamang ng “identidad na Pilipino” (pagkat
marami ngang mukha ang identidad na iyon kaya’t mabuway
ang konseptong ito) kundi sa pagpupursigi na makamit ng bawat
Pilipino ang kaganapan niya bilang TAO. Identity is not our
destination but the point of origin from which we set out on our
journey of transformation. Ang pagka-Pilipino ay hindi pook na
pupuntahan natin kundi pantalan na lunsaran lamang ng ating
paglalakbay /pagbabanyuhay para marating ang ating tunay na
destinasyon: ang pagkakamit ng lahat ng Pilipino ng kanilang
kaganapan bilang TAO.
Sa pagsagwan natin tungo sa destinasyong iyon, unti-
unti na rin nating binubuo ang ating pangarap -- ang gintong
lipunan ng pakikipagkapwa. Dagdag pa, sa paghuhubog ng
lipunang iyon ay mabibigyan na rin natin ng tiyak na anyo ang
higit na marangal na identidad natin bilang mga Pilipino. Sa
transpormasyon ng kasalukuyang Pilipino, unti-unting lilitaw
ang identidad ng malayang Pilipino na ganap ang pagkatao at
mabubuo ang lipunang binubuhay at ginagabayan ng tunay na
pakikipagkapwa-tao.
Sa madaling salita, ang pagka-Pilipino ang ating pinangaggalingan
at ating kahihinatnan, ngunit ang ating tunguhin at destinasyon ay ang
pagkakamit ng ating mga kababayan ng kanilang kaganapan bilang TAO, sa
pamamagitan ng pagsasanggalang at pagpapalakas sa mga karapatang pantao.
Sa pangkalahatang ebalwasyon, ibig kong isipin na naabot ng seminar-
worksyap ang kaniyang mga layunin:
274 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
1) Ipakilala ang mga sining ng Pilipinas sa mga guro sa pamamagitan
ng paglalarawan sa nilalaman, anyo, saysay at kahulugan nito sa iba-
ibang kabanata ng ating kasaysayan;
2) Ipaliwanag sa mga guro ang apat na dulog sa pagsusuri ng alinmang
likhang-sining, lalo na ang perspektiba ng Kamalayang Pilipino na
maka-TAO na siyang pinakamahalagang dulog;
3) Gabayan ang mga kalahok na guro sa paggamit ng apat na dulog
sa ulat na kanilang gagawin tungkol sa isang partikular na obrang-
sining ng Pilipinas;
4) Ibigay at/o ipaalam sa mga guro ang mga sanggunian, lathalain,
larawan, video at iba pang materyales tungkol sa mga anyo ng
sining sa Pilipinas na magagamit nila sa kanilang pagtuturo ng mga
asignatura na may kinalaman sa mga sining; at
5) Gabayan ang mga guro kung paano gagamitin ang mga sining para sa
transpormasyon ng kasalukuyang mga mamamayan, upang maitayo,
mabuo, at mapatatag ang gintong lipunan ng pakikipagkapwa.
Pang-apat, iiwanan ko na ang paglalagom at dadako ngayon sa
seremonya ng pagtatapos.
Tulad ng nakaraang taon, napagpasiyahan ng mga direktor ng
seminar-worksyap na :1) Pasalamatan ang lahat ng mga kasapi na matiyagang
nakilahok sa seminar-worksyap (lahat ay tatanggap ng Katibayan ng Pagdalo);
2) Kilalanin ang indibidwal na mga guro na nagpakita ng pinakamahusay na
pananaliksik at pag-uulat sa paksang ibinigay sa kanila (Lahat sila ay tatanggap
ng Katibayan ng Kahusayan); 3) Itanghal ang grupo na may pinakamaraming
pinakamahusay na ulat (Ito ay tatanggap ng Katibayan ng Pagkilala); at 4)
Itampok ang balediktoryan ng Pangkat Tnalak, na pinili dahil siya ang isa
sa namuno sa pinakamahusay na grupo at nagbigay siya ng isa o dalawa sa
pinakamahusay na ulat. (Siya ay tatanggap ng Katibayan ng Karangalan).
Ngunit bago kilalanin ang mga nagsipagtapos, karapatdapat lamang
na pasalamatan muna ang mga opisyal ng PUP na siyang nagtaguyod
sa proyektong ito—ang kagalang-galang na pangulo. Dr. Manuel Muhi,
pangalawang pangulo, Dr. Tomas Testor, at pangalawang pangulo Dr.
Emmanuel de Guzman at iba pang opisyal ng PUP. At, last but not least,
nais kong kilalanin at pahalagahan ang lahat ng oras, lakas, at pag-aalala
na ibinuhos ni Propesor Bely Ygot sa seminar-worksyap na ito. Kung
nagtagumpay man ang seminar-worksyap sa mga aktibidades nito, ito’y dapat
ipagpasalamat unang-una na kay Sir Bely na siyang nagmungkahi, naghanda,
naglakad para matupad ang lahat ng pangangailangan para lamang matuloy
ang seminar-worksyap na ito, dahil sa wari niya’y talagang makatutulong ito
sa mga guro ng PUP. Mabuhay ka Sir Bely, mabuhay ang PUP.
Apendise 275
At sabihin pa, dapat nating kilalanin at pasalamatan ang buong
staff ng Tanghalang Pilipino na siyang nagpatakbo ng lahat ng aktibidades
ng seminar-worksyap na ito mula sa paghahanda ng lahat ng kakailanganin
hanggang sa pamamahala sa mga Watch Party at aktuwal na mga sesyon
sa umaga at sa hapon, hanggang sa paghahanda ng mga kakailanganin sa
pagtatapos na ito, at pagkatapos pa nito. Mangyari lamang na palakpakan natin
si Fernando Josef, tagapangulo ng DESK at artistik direktor ng Tanghalang
Pilipino, si Carmela Manuel, company manager ng TP, Munera Garcia, admin
staff; ang mga miyembro ng Actors Company na naging moderator at facilitator
sa mga sesyon sa umaga at hapon: ang kanilang punong abala, TP academic
head, si Jonathan Tadioan, at mga miyembro ng TP artistic committee at host
sa ating seminar-worksyap na sina Lhorvie Nuevo at Antonette Go; at ang
mga teknikal at artistic staff sa likod ng tabing – sina Edrick Alcontado, Earle
Figuracion, Sarah Monay, Vince Macapobre, Aggy Mago, Judy Dimayuga,
Mark Lorenz, Mitzi Comia, at Arjay Gabon.
Sa pagwawakas, nais kong pasalamatan at itampok ang mga
tagapanayam na narito ngayon na nagbigay ng mga lektyur na malaman,
siyentipiko, at makabayan sa isang paraang buhay, malinaw, at madamdamin,
at buong-pusong gumabay at nagtaya sa mga ulat ng bawat grupo.
Inaanyayahan ko ang bawat isa sa kanila na magbigay ng ilang huling
pananalita sa mga kalahok ng katatapos nating seminar-worksyap. Para
sa panitikan, Dr. Leo Zafra ng Kagawaran ng Filipino at mga Panitikan ng
Pilipinas, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Para sa dula, Dr. Jerry Respeto
ng Pamantasang Ateneo de Manila. Para sa sayaw, Bb. Rosalie Matilac ng
Alun-Alun Dance Circle. Para sa musika, si Dr. Arwin Q. Tan ng Kolehiyo
ng Musika, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Para sa sining biswal, si Dr.
Cecilia de la Paz, Departamento ng Araling Pansining, Kolehiyo ng Arte
at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas Diliman, at para sa brodkast at
internet, si Dr. Elizabeth Enriquez, Departamento ng Brodkast, Kolehiyo ng
Komunikasyong Pangmadla, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
31 Agosto 2022, Online
276 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
ANG MGA KONTRIBYUTOR
Si ELAINE CARIE ALMIRANTE-ANDRES ay kasalukuyang assistant
professor sa Kolehiyo ng Human Kinetics at Extension Management Cluster
Coordinator sa Extension Management Office, PUP Sta. Mesa. Nagtapos
siya sa University of Santo Tomas ng bachelor in secondary education, major
in physical education, at master in physical education and sports sa PUP.
Siya ay nagpakadalubhasa sa larangan ng sayaw at naging miyembro ng
Ballet Philippines, Effie Nañas School of Classical Ballet, Douglas Nierras
Powerdance, at UST Salinggawi Dance Troupe. Nagsilbi rin siya bilang hepe
ng Performing Section (2012-2014) at trainer ng Maharlika Dance Artists
and Contemporary Dimensions (2006-2011) ng PUP University Center for
Culture and the Arts
Si GISELLE S. CABRERA ay nagtapos ng bachelor of arts sa Filipinolohiya
at master of arts sa Filipino sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Kasalukuyang nagtuturo ng mga kurso sa wika at panitikan sa nabanggit na
unibersidad sa ilalim ng Kagawaran ng Filipinolohiya, Kolehiyo ng Arte at
Literatura. Naging fellow siya ng 2nd Nueva Ecija Personal Essay Writing
Workshop, at 1st Cavite Young Writers Workshop. Kasama siya sa mga guro
ng PUP na nakatanggap ng research grant mula sa NCCA noong 2019 para
sa kanilang pananaliksik hinggil sa sining ng mga manggagawa sa Pilipinas.
Si JOSE V. CLUTARIO ay assistant professor sa Polytechnic University of the
Philippines. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng malikhaing pagsulat at iba
pang mga kurso sa panitikan sa Department of English, Foreign Languages,
and Linguistics sa ilalim ng College of Arts and Letters ng PUP. Nagtapos
siya ng bachelor of arts in English sa PUP noong 2008 at master of fine arts in
creative writing sa De La Salle University noong 2017. Siya ang kasalukuyang
Gender and Development Coordinator ng CAL-PUP.
Si Dr. CECILIA S. DE LA PAZ ay propesor at dating tagapangulo ng
Department of Art Studies sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Kasalukuyan
siyang nagsisilbi bilang direktor ng UPD Office for Initiatives in Culture
and the Arts, curator ng UP Bulwagan ng Dangal University Heritage
Museum, at project director ng UPD University Collection Mapping project.
Nagtapos siya ng master of arts in art history (1993) at doctor of philosophy
sa Philippine Studies (2011) sa Unibersidad ng Pilipinas. Naging fellow siya
sa Salzburg Global Seminar (2011) at sa Asian Public Intellectuals (2001)
para sa kaniyang mga likha hinggil sa participatory community museums.
277
Nagsilbi siyang curator para sa mga eksibit tulad ng Lik-haan: Lunduyan
ng Tradisyunal na Sining at Kultura, at Lupang Hinirang: Mga Kuwento ng
Pagsasalugar ng UP Diliman, at birtwal na eksibit na Engkuwentro: Sa(la)ysay
ng Diliman Commune. Naging ko-awtor din siya sa tatlong teksbuk sa sining
at humanidades at nagsilbing area editor para sa bolyum ng sining biswal
ng CCP Encyclopedia of Philippine Art (2017 at 2020). Nakapaglathala
na siya ng mga artikulo sa mga akademikong jornal na nakatuon sa araling
pangkultura sa Asya.
Si LEONARDO DELA CRUZ, na mas kilala bilang Boyet de Mesa, ay
nagtapos ng bachelor in accountancy at master of arts in communication sa
PUP Sta. Mesa, at kasalukuyang kumukuha ng doktorado sa pilosopiya sa
Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Kasalukuyan siyang
nagtuturo ng mga kurso sa sining at kultura sa ilalim ng Departamento ng
Humanidades at Pilosopiya sa PUP. Isa siyang manggagawang pangkultura at
visual/performance artist, miyembro ng Concerned Artists of the Philippines
at Surian ng Sining, at convenor ng SIPA. Ang Sipa o Solidarity in Performance
Art ay isang inisyatibang pansining sa larangan ng performance art sa
Pilipinas, na nagtataguyod ng pakikiisa, palitang kultural, at kapayapaan.
Si Dr. ELIZABETH L. ENRIQUEZ ay propesor sa College of Mass
Communication, Unibersidad ng Pilipinas Diliman, kung saan siya nagtuturo
ng mga kurso sa media history, media theory, political economy of media,
media literacy, at media, gender, and sexuality. Siya ang may-akda ng librong
Appropriation of Colonial Broadcasting: A History of Early Radio in the
Philippines, 1922-1946 (UP Press, 2088), at ang monograp na may kasamang
video documentary na Radyo: An Essay on Philippine Radio (CCP, 2003).
Nagsilbi rin siyang co-editor at manunulat ng bolyum sa sining ng brodkast
ng CCP Encyclopedia of Philippine Art (2017 at 2020). Dalawang ulit na
siyang naging Fulbright Scholar para magsaliksik sa US Library of Congress,
at sa US National Archives. Naging senior scholar din siya noong 2011-2012
sa University of Maryland. Nalathala sa iba’t ibang jornal at antolohiya ang
kaniyang mga pananaliksik na nakatuon sa kasaysayan ng brodkasting sa
Pilipinas, midya at kasarian, at edukasyong pangmidya. Bago siya nagturo sa
Unibersidad ng Pilipinas, halos 18 taon siyang nagsilbi sa radyo at telebisyon
bilang mamamahayag.
Si Fr. RENE B. JAVELLANA, S.J. ay kasalukuyang associate professor sa Fine
Arts Department, School of Humanities, ng Ateneo de Manila University,
kung saan nagsilbi rin siyang program director noong 2003-2009. Siya ang
editor ng Cultural Heritage Series ng Ateneo de Manila Press. Naging visiting
professor siya sa Department of Fine Arts sa Boston College noong 2007. Mula
2012 hanggang 2014, nagsilbi siyang tagapangulo ng Jesuit Communication
278 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
sa Ateneo. Naging kontribyutor at area editor siya para sa bolyum ng
arkitektura ng CCP Encyclopedia of Philippine Art (2017 at 2020). Nagtapos
siya ng bachelor of arts major in philosophy at minor in education, at masters
in theology sa Ateneo de Manila University. Noong 1994 natamo niya ang
doctorate degree in ministry mula sa Pacific School of Religion sa Berkeley,
California, USA.
Si FERNANDO JOSEF ay kasalukuyang artistik direktor ng Tanghalang
Pilipino (TP) at tagapangulo rin ng Dalubhasaan para sa Edukasyon sa
Sining at Kultura (DESK) at ng Artist Welfare Project Inc. (AWPI). Nagtapos
siya ng bachelor of arts sa zoology at master of education major in counseling sa
Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Naging aktibong kasapi siya ng PETA 1980
hanggang 1986. Noong 1987-1989, naging kasapi siya ng Actors Company ng
Tanghalang Pilipino, bago nagsilbing coordinator ng Coordinating Center for
Dramatic Arts ng CCP. Naging executive director din siya ng Philippine High
School for the Arts noong 1995-2001 at bise-presidente at artistik direktor ng
CCP noong 2002-07. Bilang aktor, lumabas siya sa maraming dula ng PETA
at Tanghalang Pilpino, sa mga drama sa telebisyon at mga pelikula ni Lino
Brocka (Bona) at ibang kilalang direktor. Kinilala siya bilang Pinakamahusay
na Aktor ng Gawad Urian noong 2021 para sa pagganap niya sa pelikulang
Hayop ni Lav Diaz.
Si MARVIN M. LOBOS ay nagtuturo ng mga asignaturang Filipino, panitikan,
at pagsasalin sa ilalim ng Kagawaran ng Filipinolohiya sa PUP. Sa parehong
unibersidad siya nagtapos ng kursong bachelor of arts sa Filipinolohiya at
master of arts sa Filipino. Kasalukuyan siyang kumukuha ng doktorado sa
pilosopiya sa malikhaing pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Si JALAINE JOYCE V. MALABANAN ay dalubguro sa Departamento ng
Humanidades at Pilosopiya, at nagsisilbi ring hepe ng Center for Futures
Research sa PUP. Nagtapos siya ng bachelor of arts in philosophy, at master
in educational management sa PUP Sta. Mesa, at kasalukuyang tinatapos
ang kaniyang doktorado sa pilosopiya sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Nagsisilbi rin siyang internal reviewer sa Mabini Review jornal, isa sa opisyales
ng CAL Faculty Association at Department of Humanities and Philosophy
Faculty Club. Siya ay katuwang na tagapayo ng Societas Philosophiae (DHP
Student Organization). Ang kaniyang interes sa pananaliksik ay nakatuon sa
etika, edukasyon, humanidades, at future studies.
Si ROSALIE MATILAC ay isang manunulat, independent prodyuser, at isa
sa mga katuwang na tagapagtatag ni Ligaya F. Amilbangsa ng AlunAlun
Dance Circle, isang samahang pangmananayaw na nagsusulong ng
preserbasyon at pagpapalaganap sa pangalay, igal, at pamansak. Isa siya sa
Ang mga Kontribyutor 279
naging pangunahing kasapi ng Metropolitan Teen Theatre League (MTTL)
at pagkatapos miyembro ng Philippine Educational Theatre Association
noong dekada 1970. Nakapagsulat na siya ng maraming iskrip para sa mga
programang drama at dokumentaryo sa telebisyon. Nakagawa na rin siya ng
ilang dokumentaryo tungkol kay Ligaya F. Amilbangsa at sa mga sayaw ng
Sulu. Siya ay nagsilbing co-editor at manunulat sa bolyum ng sayaw ng CCP
Encyclopedia of the Philippine Art (2017) at sa digital edition nito (2020)
Si ALVIN M. ORTIZ ay kasalukuyang hepe ng Sentro sa Araling Wika at
Panitikan ng Linangan ng Pananaliksik sa Kultura at Wika sa ilalim ng Office
of the Vice President for Research, Extension, Planning, and Development ng
PUP. Nagtapos ng kursong bachelor of arts sa Filipino, minor sa edukasyon
noong 1999, at master of arts sa Filipino noong 2005 sa PUP Sta. Mesa.
Kasalukuyan siyang kumukuha ng doktorado sa pilosopiya sa Istruktura ng
Wika sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nagsilbing full-time faculty sa PUP
Laboratory High School noong 2003-2007 at sa kasalukuyan ay nagtuturo ng
mga kurso sa wika at kultura sa PUP Kagawaran ng Filipinolohiya. Nalathala
sa Malay jornal noong 2021 ang kaniyang pananaliksik na may pamagat na
“Rehistro ng mga Camarero sa Lungsod ng Makati.”
Si MARIANNE C. ORTIZ ay kasalukuyang academic program head at General
Education coordinator ng Institute of Open and Distance Education-Open
University System ng PUP. Nagtapos ng master of arts sa Filipino noong
2005 at bachelor of arts sa Filipino, minor sa edukasyon noong 1999 sa PUP
Sta. Mesa. Sa kasalukuyan, kumukuha siya ng doktorado sa pilosopiya sa
Istruktura ng Wika sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Naging katuwang
na may-akda ng ilang riserts at mga teksbuk sa asignaturang Filipino sa
kolehiyo at may 23 taon nang naglilingkod bilang dalubguro ng Kagawaran
ng Filipinolohiya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Si JEROME P. PERMEJO ay instraktor sa Kagawaran ng Kasaysayan ng
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at kasalukuyang hepe ng Center for
Gender Training and Advocacy ng PUP Gender and Development Office.
Siya ay nagtapos ng bachelor of arts sa kasaysayan sa parehong unibersidad
at master of arts sa kasaysayan sa Manuel L. Quezon University. Mayroon
din siyang diploma sa arkeolohiya, at kasalukuyang kumukuha ng doktorado
sa pilosopiya sa Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Ilan sa
kaniyang mga itinuturong asignatura ay Readings in Philippine History, Life
and Works of Jose Rizal, at Gender and Society.
Si LEOMAR P. REQUEJO ay kasalukuyang nagtuturo ng mga kursong
Filipinolohiya at Pambansang Kaunlaran, Pagsasalin sa Kontekstong
Filipino, Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino, Panitikang Filipino, Sayaw
280 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
at Musikang Filipino, at Wikang Rehiyunal (Bicol) sa ilalim ng Kagawaran
ng Filipinolohiya, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Politeknikong Unibersidad
ng Pilipinas. Nagtapos siya ng kursong bachelor of arts sa Filipinolohiya cum
laude, at master of arts sa Filipino sa parehong unibersidad. Kasalukuyang
kumukuha ng programang doktorado sa pilosopiya sa Philippine Studies sa
Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Si Dr. JERRY C. RESPETO ay associate professor sa School of Humanities,
Ateneo de Manila University, kung saan siya nagsilbi bilang tagapangulo ng
Kagawaran ng Filipino at direktor ng Fine Arts Program. Nakapagsalin siya
ng mga dula para sa Dulaang UP, PETA, Ateneo ENTABLADO, Tanghalang
Ateneo, at Tanghalang Pilipino. Ilan sa mga ito ang It is so if you think so
ni Luigi Pirandello, Divinas Palabras ni Ramon Valle-Inclan, Kanjincho ni
Namiki Gohei, The Butterfly’s Evil Spell ni Federico Garcia-Lorca, Romulus
the Great ni Friedrich Duerrematt, The Mandragola ni Niccolo Machiavelli,
at The Crucible ni Arthur Miller, na nagwagi ng Philstage Gawad Buhay. Ang
ilan sa mga naidirihe niyang dula para sa Ateneo Entablado ay ang Sandaang
Panaginip, Sa Tahanan ng Aking Ama, Unang Baboy sa Langit, Batang
Rizal at Labaw Donggon. Ang kaniyang mga sanaysay sa panitikan at dula
ay nagawaran ng Loyola Schools Publications Awards. Kinilala siya bilang
mahusay na guro ng Ateneo School Parents Council at tumanggap ng The
Henry Lee Iwrin SJ Memorial Teacher Award. Naging iskolar siya sa St. Olaf
College, U.S. at sa International Christian University, Tokyo, Japan ng United
Board for Christian Higher Education in Asia.
Si FEDERICO B. RIVERA Jr. ay kasalukuyang dalubguro sa Politeknikong
Unibersidad ng Pilipinas sa ilalim ng Kolehiyo ng Arte at Literatura,
Kagawaran ng Filipinolohiya. Nagtapos sa nabanggit na unibersidad ng
bachelor of arts sa Filipinolohiya noong 2017, at master of arts sa Filipino
noong 2021. Nagtuturo siya sa PUP ng mga asignaturang Filipinolohiya at
Pambansang Kaunlaran, Panitikang Filipino, Pagsasalin sa Kontekstong
Filipino, at Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino.
Si Dr. ARWIN Q. TAN ay associate professor ng musikolohiya sa College of
Music ng Unibersidad ng Pilipinas. Siya ang patnugot ng Saysay Himig: A
Sourcebook on Philippine Music History, 1880-1941 (UP Press, 2018) at ng
kasama nitong tatlong CD na naglalaman ng mga musikang transkultural
mula sa mga huling taon ng siglo 19. Nakatanggap ng ikatlong parangal ang
kaniyang disertasyon, “Music, Labor, and Capitalism in Manila’s Transforming
Colonial Society of the Late Nineteenth Century” sa International
Musicological Society Outstanding Dissertation Award sa Switzerland noong
Setyembre 2020. Siya ang tagakumpas ng Novo Concertante Manila, isang
korong apat na beses nang nagawaran ng Ani ng Dangal at sa kasalukuyan
Ang mga Kontribyutor 281
ay pangatlo sa Top 1000 Mixed Choirs of the World, ayon sa Interkultur ng
Alemanya. Isa siya sa pitong tagapayo sa bagong tayong ChoralSpace, isang
pandaigdigang institusyon sa pag-aaral ng arteng pang-koro na nakabase sa
Berlin.
Si Dr. NICANOR G. TIONGSON ay iskolar ng teatro, manunuri ng pelikula,
at mandudula. Siya ay propesor emeritus at dating dekano ng College of
Mass Communication, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nagsilbi rin
siyang bise-presidente at artistik direktor ng CCP noong 1986-1994. Siya
ang punong editor ng CCP Encyclopedia of Philippine Art (1994, 2017,
at 2020). Editor din siya ng apat na bolyum ng The Urian Anthology ng
Manunuri ng Pelikulang Pilipino. Ilan sa kaniyang mga nalathalang libro ang
Sinakulo, Komedya, The Women of Malolos, Salvador F. Bernal: Designing
the Stage, at The Cinema of Manuel Conde. Siya rin ang may-akda ng mga
dulang Pilipinas Circa 1907, Basilia ng Malolos, Noli at Fili Dekada 2000,
Labaw Donggon: Banog ng Sanlibutan, Mabining Mandirigma, at Aurelio
Sedisyoso. Naging visiting professor siya sa University of California Berkeley
at University of Hawaii at Manoa. Ilan sa mga natamo niyang parangal ang
Manila Critics Circle awards, Gawad Tsanselor ng UP Diliman, Gawad CCP
para sa Sining, CCP Centennial Honors for the Arts, Gawad Tanglaw ng Lahi
(Ateneo), Grant Goodman prize, at Philstage Gawad Buhay.
Si Dr. GALILEO S. ZAFRA ay propesor sa Departamento ng Filipino at
Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng
Pilipinas Diliman. Dito rin siya nagtapos ng kaniyang doktorado sa Panitikan
ng Pilipinas noong 2000. Nagtuturo siya ng mga kurso sa kasaysayang
pampanitikan, panitikang oral, at pagsasaling pampanitikan. Siya ay aktibong
manunulat, editor, at tagasalin sa iba’t ibang proyektong pampublikasyon ng
mga institusyong kultural, tulad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF),
National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at Cultural Center
of the Philippines (CCP). Nakapaglathala na siya ng mga aklat at artikulo sa
Ateneo Press, UP Press, CCP, NCCA, KWF, Kolehiyo ng Arte at Literatura
bilang awtor, editor, at tagasalin. Tumanggap ng mga parangal ang kaniyang
libro tungkol sa Balagtasan. Siya ang co-editor at manunulat ng bolyum sa
teatro ng CCP Encyclopedia of Philippine Art (2017 at 2020).
282 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO
284 Sining at Kamalayang Pilipino na Maka-TAO